Chapter Seven
9 days before Valentine's day
Isang malaking problema ang kinahaharap ko ngayon! Kagimbalgimbal ito. Ano na ang gagawin ko?
Dumapo ang mata ko sa picture ni nanay. "'Nay, ano na po? Suggestion naman diyan." Matagal kong tinitigan ang picture ni nanay, nag-aabang na akala mo'y magsasalita ang larawan. Parang tulad lang sa mga nagsasalitang portraits sa Harry Potter.
Bigla namang nag-appear ang ulo ni tatay sa may pinto. "O, anak. Akala ko ba ay pupunta ka sa birthday ng kambal?"
"Tatay..." sininghot ko muna ang sipong tumutulo, "may problema po ako..."
"Ha? Ano anak? Buntis ka? Sino ang ama! Teka kukunin ko ang shotgun ko at puntahan natin ang ama ng dinadala mo!"
"Tatay naman, eh! Ang OA lang..." Ito ang napapala kapag ang mga tatay ay nawiwili sa mga primetime teleserye.
"Joke lang anak. O, eh, ano problema mo at tutulungan ka ni tatay?"
"H-hindi ko po alam ang isusuot ko sa party!" At bigla akong umiyak na parang sinakop ng mga zombies ang Pilipinas at mag-e-end of the world na.
"Asus anak! Ikaw pala itong OA, eh. 'Yun lang ba problema mo?" Lumapit si tatay sa closet ko kung saan nakasabit ang mga damit ko. "Ang dami mo ngang T-shirt at pantalon dito, o."
"Eh, kasi 'tay, espesyal na araw ito ni Red. Kaya dapat maganda ako sa party. Atsaka para mapansin niya ako."
"Teka, ba't naman gusto mong mapansin ka ni Red? Anak, umamin ka..."
"Umamin ng ano po?"
"Bakla ka ba anak at nagkaka-crush ka sa lalaki?"
"Tatay naman, eh! Unica hijang tunay ang anak n'yo ni nanay!"
"Babae ka pala anak?" Napa-pout na lang ako at napahalukipkip. "Biro lang anak. Sige, tutulungan kitang maghanap ng maisusuot."
Nagsimulang mamili si tatay sa mga damit na nakasabit hanggang sa may kinuha siyang isang orange na dress. "Heto anak maganda."
Tinignan ko ang orange na bestida. Naalala kong ibinili ito ni tatay para sa akin noong nakaraang buwan. Hindi ko pa nga iyon naisusuot kasi balak kong gamitin iyon sa birthday ko ngayong February 14, kaso mukhang hindi ko rin ito maisusuot dahil JS Prom din namin sa fourteen. "Sigurado po kayo 'tay?"
"Oo naman anak! Magaling ata manamit si tatay."
Tinitigan ko ang suot na T-shirt ni tatay na dating puti na ngayo'y naging itim na dahil sa grasa at ang kanyang mas faded pa sa faded jeans. Pero kahit ganoon ang suot ni tatay, kahit kasing kulay ng balat niya ang kanyang nangingitim na T-shirt, guwapo pa rin si tatay.
Kaya naman ay madali niya akong nakumbinsi.
"Tiyak na mapapansin ka ng crush mo nito," dagdag pa niya.
Supportive talaga si tatay sa love life ko, ano? Pero alam ko naman na studies pa rin ang priority ko. Pang-inspiration lang ang mga boys.
Isinuot ko na ang damit na orange sa loob ng banyo at saka lumabas. Humarap ako sa malaking salaman at tinitigan ang aking sarili. Hanggang tuhod ang damit at medyo kita ang tig-pipisong laking peklat ko. Naisipan kong gamitin ang emergency concealer na itinatago ko para sa, obviously, emergency. Mahal ang concealer, 'no. Kaya hindi ko ito madalas gamitin para hindi maubos.
Sige, ganoon na lang ang gagawin ko.
Pero parang may kulang sa suot ko...
"Ito anak, pink na headband. Bagay sa orange na dress." Inabot sa akin ni tatay ang headband.
Isinuot ko ang headband at napangiti. Perfect! Tiyak kong nasa akin na ang atensyon ng lahat! Diyosang-diyosa lang, eh.
"Wow, anak! Ang ganda-ganda mo. Manang-mana ka talaga kay nanay!" Pinuri na naman ako ni tatay. Si tatay talaga, hindi marunong magsinungaling.
"Sige po 'tay, aalis na po ako!" Nag-goodbye kiss ako kay tatay at kinuha ang mga regalo saka lumabas ng bahay.
Habang naglalakad ako papunta sa bahay nina Pinkie, pansin ko agad na pinagtitinginan ako ng mga tao sa labas. Napangiti na lamang ako. Gandang-ganda kasi sila sa akin, eh.
Narating ko na ang bahay nina Pinkie. Pagpasok ko sa loob ay halos mapuno ang bahay ng mga bisita. Nandoon ang halos lahat ng mga classmates ng kambal.
Nagmasidmasid muna ako, hinanahap ng mga mata ko ang kinaroroonan ni Red. Dumapo naman ang paningin ko sa may buffet table, kung saan nakatayo sina Blue at Red at kinukunan ng picture ni tita.
Nakangiti si Red, habang mukhang asar naman si Blue at halatang hindi mahilig magpa-picture. Bigla naman napadapo ang tingin ni Blue sa akin at bigla itong napangiti.
"Oy, nognog! Lumiliyab ka ata sa suot mo?" sigaw pa nito, at biglang nagtawan ang mga kaklase nila.
Nagtikom na lamang ako ng bibig. Birthday ni tsonggo ngayon kaya palalampasin ko ang pangungutya niya ngayong araw. Bukas na lang ako aatake.
Lumapit ako sa kanila. "Happy Birthday Kuya Red!" bati ko kay Sweetie Pie at sabay beso sa pisngi.
Nakatsansing ako! Yes! Thank you, Lord!
Ngumiti siya sa akin nang inabot ko ang regalo. "Salamat."
Sunod naman akong humarap kay Blue, ngunit bigla itong humakbang patalikod. "Oy, oy! Huwag mo 'kong hahalikan at baka maging palaka ako!"
"Asa ka pa!" sagot ko. Wish niya lang hahalikan ko siya, 'no. "Happy Birthday," walang kaganaganang bati ko sabay pasimpleng hampas sa tiyan niya gamit ang maliit kong regalo para sa kanya.
"Wow! Nag-abala ka pa! Sana huwag na lang kung ganito kaliit lang ang ireregalo mo," reklamo nito.
"It's the thought that counts!" sagot ko at saka kumuha ng plato para kumain na rin.
Hindi ko pa rin nakikita si Pinkie at naisip ko ay baka nag-e-entertain lamang siya ng mga kamag-anak nilang bisita. Nagpatuloy ako sa pagkuha ng mga pagkain, wala akong pakialam kung bundok-bundok na ang laman ng plato ko. Gutom ako, eh.
Biglang sumulpot si Blue sa tabi ko. "Hindi ka naman masyadong gutom, ano?"
"Hindi. Kaunti pa nga lang ito, eh. Nagdi-diet pa nga ako."
"Diet sa lagay na 'yan?"
Hindi ko na pinansin ang sinabi niya at patuloy ako sa pagkuha ng pagkain.
"Oy, bilisan mong kumain diyan."
Demanding? "At bakit naman?"
"Kasi sinimulan na ni Red ang the moves niya kay Althea. Hayun sila, oh. Ang bagal bagal mo kasing kumilos."
Tumingin ako sa direksyon kung saan nakaturo si Blue. At kita ko sina Red at Althea na pilit pinaglalapit ng mga ReLthea shipper. Sa tingin ko ay mga kaklase iyon ni Althea na kung maka "ayiiie, bagay sila!" ay wagas.
"Paano kasi, eh," paninisi sa akin ni Blue. "Inuna pa kasi ang pagkain."
"Paano ako aatake kung walang bala ang tiyan ko?" pagdadahilan ko. Pero may punto si Asul. Dapat ay nagpakitang gilas na ako kanina. Baka makalamang sa akin si Althea kung lalamyalamya ako. Binilisan ko ang pagkain, kahit na nabibilaukan na ako, sige pa rin ako sa pagsubo ng pagkain. Turo kasi ni nanay na dapat ubusin ang pagkain sa plato dahil maraming batang nagugutom.
Napaubo akong bigla dahil totoong nabilaukan na ako. Hindi na ako makahinga at akala ko ay mamamatay na ako nang inabot sa akin ni Blue ang isang basong juice.
Tinanggap ko ang juice at ininom ito. Ramdam ko ang malaking bukol ng pagkain na dahan-dahang bumababa sa aking lalamunan. Nang nakaraos na ako, humaharap ako kay Blue, hingal na hingal pa rin. "Salamat."
"Ayan kasi. Kapayat-payat na tao, ang siba kung kumain. Hindi ka ba pinapakain sa bahay n'yo?"
Hindi ko na pinansin si Blue at nilapitan ko na ang grupo nina Red. Napansin ako ng mga babaeng classmate ni Althea.
"Glow in the dark ba ang suot mo," tanong ng isang babae. "Orange na orange, eh." Nagsimulang maghagikgikan ang mga bisita.
Ano ba ang problema sa suot ko? Maganda naman ang orange, ah. Si Jolibee nga orange ang motif, eh. Ang Wattpad orange ang theme. Kasi nakakaakit ang orange.
At kaakit-akit ako sa orange! Period.
"Girls, don't be mean to her." Nagulat ako dahil si Althea ang nagsalita. Ngumiti pa ito sa akin. "Join us—Red is about to open his pressents."
English. M-must s-peak E-e-english. Biglang nag-buffer utak ko! Nag-lag bigla ang Pentium 1 na utak ko!
"T-than-salamat." Tagalog na nga lang. Marunong naman akong mag-English. Kaso nga lang nauutal ako kapag isang buong sentence ng English na ang sasabihin ko. Lalo na kung impromptu. Kaya ko lang 'pag may script.
"Sige na Red, buksan mo na ang regalo mo," narinig kong sabi ng isa niyang kakalase.
Nakita kong kinuha ni Red ang regalo ko para sa kanya. "Ay, ay! Galing sa akin 'yan!" proud kong sinabi.
Ngumiti sa akin si Red. "Sige. Ito na ang uunahin ko." Sinimulan niyang tanggalin ang gift wrapper hanggang sa tuluyan na itong nabukasan at inilabas niya ang T-shirt na blue sa loob ng karton ng sapatos. "Thank you, Kath. Favorite ko ang blue."
"Wala 'yon! At alam ko talaga na favorite mo ang blue." Nakita kong umikot ang mga mata ng mga kasamang babae ni Althea. Pero alam kong inggit lang sila dahil close ako sa pamilya ni Blue.
"'Yung kay Althea naman!" Masyadong agresibo rin itong mga shipper ng ReLthea, ano?
"No. He can open it later. Nakakahiya ang gift ko, eh." Marunong naman palang mag-Tagalog itong si Althea, pinahirapan pa ako. 'Yun nga lang, slang.
"Hindi. Bubuksan ko na itong gift mo," ang sabi pa ni Red. Sinimulan na rin niyang buksan ang regalo ni Althea hanggang sa...
"Wow!" ang sabi pa ni Red, bakas sa mukha ang matinding tuwa. "Ito yung gusto kong T-shirt! Salamat talaga, Althea. Nasurpresa naman ako sa regalo mo."
"You're welcome," nahihiyang sagot ni Althea.
Hawak-hawak ni Blue ang three hundred ninety-nine pesos at fifty centavos na kulay blue T-shirt. Iyon sana ang bibilhin ko sa mall kahapon kaso kapos sa budget.
Nakaramdam ako ng sakit sa puso. Bigla akong naawa sa sarili ko habang kitang-kita kong itinapon sa bakanteng upuan ng isang bisita ang regalo kong T-shirt at ipinampunas pa ng kamay ng isang lalaki na napagkamalang basahan ang regalo ko.
Maluha-luha kong tinungo ang buffet table. At kahit pa wala pa namang go signal na hatiin na ang cake, nag-slice pa rin ako ng isang bahagi ng cake kung saan nakasulat sa icing ang pangalang RED. Kumuha rin ako ng isang boteng soft drinks at lamabas papunta sa mini garden nila.
Napaupo ako sa damuhan at humarap sa mga bulaklak. "Happy birthday to you..." Nagsimula akong kumanta na parang tanga habang pinilit na hindi pumatak ang aking luha. "Happy birthday, happy birthday..."
"Hoy! Ba't mo kinakantahan ang mga bulaklak?"
Naramdaman kong may umupo sa tabi ko. Si Blue.
"Nagpa-practice lang. Sasali kasi ako sa The Voice Kids." Humarap ako kay Blue. "Ikaw, bakit nandito ka?"
"Eh, kasi bubuksan ko na 'yung regalo mo para sa akin."
"Ang babaw naman. Sige na, buksan mo na at nang makalayas ka na sa tabi ko."
Binuksan ni Blue ang wrapper. Bigla itong ngumiti nang malawak at umaliwalas ang mukha. "Oy, ganda nito, ah! Mahal siguro ito, 'no?"
"Mahal talaga 'yan. Bente ang isa niyan."
"Ang barat mo naman manregalo!"
"Oh, eh, atleast meron, 'no. Last year nga wala kang natanggap galing sa akin, eh."
Inilabas pa niya ang isa ko pang regalo. "Itim na suklay?"
"Oo. Para matuto ka naman magsuklay hindi 'yung parang lagi kang naka super saiyan mode sa buhok mo."
"Pero maganda itong bracelet. Salamat! Match pa tayong dalawa."
"Anong match ka diyan?"
Itinuro niya ang suot kong pink na bracelet. "Ayan, o. Parang couple bracelet lang."
Couple bracelet? "Couple? Tayo? Eeew!"
"Kung makapag-eeew ka akala mo ang ganda-ganda mo!"
"Dyosa kaya ako sabi ni nanay! At ang mga dyosa sinasamba!"
"Oo dapat sinasamba ka talaga. Sinasamba kita kasi isa kang anito!" At bigla naman tumawa nang malakas ang mokong. Nilait na nga ako, natuwa pa. Asar lang, eh.
"Minsan, grabe ka na kung makapanlait, alam mo ba 'yon?" pabulong kong sabi. Napayuko pa ako at tinitigan ang cake sa aking kandungan. "Talaga bang pangit ako at kapintaspintas?"
"Ha? Ano kasi..."
Oo o hindi lang naman ang sagot, nahirapan pa siya. Bumaba tuloy ang self-confidence ko. Hindi kaya nagsisinungaling lang sina nanay at tatay no'ng sinabi nilang maganda ako? Hindi kaya totoo ang mga sinasabi nila... na pangit ako?
"Eh, ikaw nga itong parating nilalait ako, 'no," sagot nito. "Lahat na ata ng species ng unggoy ibinansag mo na sa akin."
"Eh, talagang unggoy ka naman, eh! Mga bata pa tayo, mahilig ka nang maglambitin sa puno na parang unggoy."
"Eh, kasabay kaya kita sa pag-akyat ng puno. Ibig sabihin, unggoy ka rin?"
Oo nga, 'no? No'ng mga bata pa kami, madalas akong nasa bakuran nina Blue at nakikipaglaro sa kanilang magkakapatid. Tanda ko pa noon, madalas kami ni Blue ang magkalaro ng habulan at paunahang umakyat ng puno, samantalang manika naman ang nilalaro ni Pinkie at toy cars naman kay Red.
Masasabi mong close kami noon ni Blue. Hanggang sa pinagbawalan na ako ni nanay na umakyat ng puno at maglaro ng habulan dahil daw dumarami na ang mga sugat at peklat ko sa tuhod sa kakadapa at tumba ko.
Kaya simula no'n kay kuya Red at Pinkie na ako nakikipaglaro. At simula no'n tinutukso na ako ng kung ano-ano ni Blue.
Narinig kong bumuntong-hininga si Blue. "Hindi ka naman pangit, Kath."
"Ha?"
"Siguro hindi ka lang marunong mag-ayos."
"Ano'ng alam mo sa pag-aayos? Eh, hindi ka nga nagsusuklay ng buhok, 'no."
"Style 'yan, Kath, style 'yan."
"Ewan ko sa 'yo!"
Tumabi pa ito nang husto sa akin at may itinuro sa tuhod ko. "Bakit mas maputi ang tuhod mo kaysa sa ibang bahagi ng katawan mo?"
Pakialamero lang? "Nilagyan ko kasi ng concealer ang mga peklat ko. Ayan, o," sabi ko sabay turo sa isang peklat. "Ito 'yung peklat na nakuha no'ng nadapa ako no'ng hinahabol kita habang nakasakay ka sa bisikleta. Ito naman no'ng nagpatintero tayo, tapos ito 'yung nahulog tayo mula sa puno."
"Grabe, memoryado mo pa ang history ng mga peklat mo?"
"Eh, memorable, eh," biro ko.
Binalutan kami ng katahimikan. Sinimulan ko na lamang ang pagkain sa cake nang biglang nagsalita si Blue. "Ano... Gusto mo pa rin bang mapalapit nang husto kay Red?"
Lumingon ako sa gawi niya. "Oo naman."
"Eh, sabi nga nila, the way to a man's heart is through his stomach."
"Wow, English. I-translate mo nga sa Tagalog."
"Basta, ang ibig sabihin dapat busugin mo si Red."
"Hindi pa ba siya busog sa pagmamahal ko?"
"Hindi nakakain ang pagmamahal mo. Kung nakakakain man iyon, LBM ang makukuha ni Red."
"Grabe ka, ha. So, ano ang suggestion mo?"
"Simple, bigyan mo ng pagkain. 'Di ba, marunong kang mag-bake ng cupcakes?"
"Oo. Teka, ba't alam mo?"
"Madalas kasi nag-uuwi si Pinkie ng cupcakes tuwing galing sa inyo. Alam mo bang favorite ni Red 'yung banana cupcake mo?"
Biglang namilog ang mga mata ko. Hindi ko iyon alam! "Talaga?"
"Oo. Sarap na sarap nga siya doon, eh. Kaya ganito ang gawin mo. Bigyan mo siya ng cupcakes sa school ngayong Lunes. Ako na ang bahalang magset ng date-kuno n'yo."
Isang moment kasama si Red. Isang sweet na moment habang nagsusubuan kami ng banana cupcake. Biglang kuminang ang mga mata ko. Kung iyon ang paraan para mahulog sa akin si Red, araw araw ay bibigyan ko siya ng banana cupcake hanggang sa mapurga siya rito, este, hanggang sa makuha ko ang mailap niyang puso.
"Tara," sabi ko sabay tayo.
"Tara saan?"
"Sasamahan mo 'kong bumili ng saging! Pautang muna pambili ng saging, ha. Naubos na kasi ang pera ko pambili ng regalo."
Natatawang umiling si Blue. Ngayon ko lang napansin. Cute pala itong tumawa. "Sige, pero babayaran mo ito may kasamang interest."
Kahit ano ay gagawin ko para sa larangan ng pag-ibig.
#DyosaNgMgaPanget
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top