Chapter One

15 days before Valentine's Day


"Good morning Philippines and hello world! Gising na ang inyong dyosa!"

Hay! Ang sarap talagang gumising sa umaga kung magandang imahe rin ang babati sa 'yo. Buti na lang at isang floor length mirror ang katabi ng kama ko. Kaya naman ay parating good vibes ang morning ko dahil ang aking magandang mukha ang agad kong nakikita. Sabi kasi ni Nanay dapat laging maganda at positive ang sasalubong sa akin sa umaga para tuloy-tuloy na ang suwerte at happiness ko sa buong araw. Syempre, naniniwala ako kay Nanay dahil mother knows best.

Kaya naman, matapos kong mag-thank you kay Lord dahil sa isang panibagong umagang puno ng ganda, salamin ko agad ang aking hinarap.

"Good morning Ms. Beautiful!" Isang matamis na ngiti ang bati sa akin ng reflection ko.

Teka, may natuyong laway pala ang gilid ng bibig ko. Bakit sumabog na naman ang isang pimple ko? Nakalmot ko ata habang tulog ako. Magiging additional kaya ito sa collection kong mga moon craters sa face? 'Di bale, maganda pa rin naman ako sabi ni nanay.

"Kathleen anak! Maligo ka na at mag-breakfast!"

Boses ni Tatay iyon. Siya ang dakilang partner-in-crime ko sa lahat ng bagay. Tigasin ang tatay ko, kung 'di n'yo naitatanong: tigasaing, tigaluto, tigalaba. Kaya bilib ako kay Tatay, eh. Macho pero ang daming alam gawin sa buhay.

Sumilip ako mula sa may pinto at nakita kong naghahanda na ng pang-agahan si Tatay. "Opo, 'tay! Maliligo na po!"

Mabilis lang naman ako kung maligo—kaunting shampoo, kaunting pahid ng sabon sa katawan at mukha, wisik-wisik ng tubig sabay banlaw na rin at voila! Instant linis na.

Nagsimula na akong magbihis ng uniporme kong kulay gray na palda at may kasamang gray na vest. Buti na lang at required kaming mga babae na gumamit ng itim na stockings sa ilalim ng may kaiksiang gray na palda. May mga peklat kasi ako sa tuhod, mga tig-pipisong laki.

Aminado akong walang taong perpekto sa mundong ito. At kahit pa naturingan akong dyosa ng nanay ko, alam kong may kapintasan din naman ako. Accepted ko 'yon. Okay lang naman kung may mga flaws paminsan-minsan. Fair lang talaga si Lord.

Sinumulan ko na ring suklayin ang may kahabaang buhok ko. Ang payo ni Nanay ay dapat dahan-dahan lang ang pagsuklay sa buhok para raw hindi masira ang—ay ano ba 'yan! Nabali na naman ang suklay ko. Pangalawang suklay na itong nasira ko sa loob ng isang linggo.

Since nasira na rin ang suklay ko, finger-comb na lang ang ginawa ko. Dati (at kahit hanggang ngayon) madalas akong tinutukso ng mga kaklase ko dahil sa kulot kong buhok. At ngayon na nasa junior high school na ako, hindi pa rin ako tinatantanan ng mga kaklase kong hindi marunong mag-appreciate ng true beauty.

Ayon sa mga sosyal kong babaeng classmates, napaka-frizzy daw ng hair ko. Kailangan na raw ito ipa-salon at ipa-iron. Out of curiosity lang tungkol sa iron-iron na 'yan, last year ay sinubukan kong gamitin ang plantsa namin at nag-iron ng buhok sa plantsador. Kaya hayun, nasunog tuloy ang buhok ko. Simula noon, hindi na ako sumunod sa mga mapang-trip na payo ng mga classmates ko.

Ito namang mga kaklase kong lalaki ay madalas akong sabihan ng "Condolence, Kathreen."

"Ha? Bakit naman? Wala namang namatay sa pamilya namin kamakailan, ah," sagot ko sa kanila.

"'Yung buhok mo kasi. Ipinaglalamay namin ang patay mong buhok."

"Aba, mga loko 'to, ah!" singhal ko at napa-war freak mode na naman.

Simula noon, walang tigil na sila sa paglalamay sa patay ko raw na buhok. Mga unggoy!

Pero dapat ay good vibes lang lagi, kaya naman itinulak ko paalis ang mga hindi magandang alaala na iyon at pilit kong tinandaan ang sabi ni Nanay. Tanda ko pa noong sampung taong gulang ako, ang sabi ni Nanay, "Natural curls ang tawag diyan anak. Kaya dapat dahan-dahan lang kapag magsusuklay ka, lalo na kapag basa pa ang buhok mo para hindi mawala ang natural curls mo."

Napatitig ako sa picture frame ni Nanay na nakapatong sa mesang katabi ng kama ko. Nakasuot na korona si Nanay at may isang malawak na ngiti sa mukha. Isang beauty queen si Nanay noong kabataan niya, at ubod pa ng ganda. Kaya naman sobrang in love si Tatay sa kanya. At mahal nila ang isa't isa.

Nang bumaba na ako sa may kusina, nakaupo na roon si Tatay at nagkakape.

"Magandang umaga, 'Tay!" bati ko sa kanya.

Ibinaba ni Tatay ang hawak niyang kape. "Mas maganda ka pa sa morning, Anak."

Si Tatay talaga, bolero. Pero totoo naman ang sinabi niya. Tumingin ako sa may gawi ni Nanay. "Magandang umaga, 'Nay!"

Tumayo naman si Tatay at nilagyan ng pagkain ang plato ko. "Kita mo, agree sa akin ang nanay mo na mas maganda ka pa sa umaga. Sige na, kumain ka na para 'di ka magutom sa klase mo."

"Opo, 'Tay."

Simple lang ang pamilya namin. Si Nanay ay hindi na puwedeng magtrabaho. Si Tatay naman ay isang mekaniko at may sariling talyer. Kahit hindi naman kami ganoon kayaman, masaya pa rin kami. At masaya pa rin ang buhay.

Ang paaralang pinapasukan ko na Lorenzo High School ay malapit lang sa bahay namin, kaya naman ay nilalakad ko lang ito. Dinaanan ko muna ang aking kaklase at best friend na si Pinkie Diwata Dela Rosa sa kanilang bahay. Nasa kabilang kanto lang naman ang tirahan nila kaya on the way pa rin papuntang eskwelahan.

Nakita kong nakaabang na si Pinkie sa labas ng bahay nila. Pareho kaming labin-limang taon ni Pinkie. Magkasintangkand din kami. May pagka-chubby si Pinkie, ngunit cute naman siya at maputi. Madalas nga kaming tinutukso ng mga kaklase namin na number ten daw kaming dalawa—ako ang one dahil kasing payat ko raw ang walis ting-ting, at zero naman si Pinkie dahil ang katawan daw ni best friend ay korteng zero.

Kung makapintas ng mga classmates namin akala mo kung sinong mga guwapo at magaganda. Buti na lang parati kaming ipinagtatanggol ng kuya ni Pinkie. Si Kuya Red. Pero secretly, ang tawag ko sa kanya ay Sweetie Red. Syempre, awkward naman kung kuya ang itatawag ko sa future husband ko 'di ba?

"Hoy Kath! Kanina ka pa pala riyan nakatayo, eh," sigaw ni Pinkie. "'Bat ayaw mong lumapit dito?"

Tumakbo ako sa tabi niya. "Sorry, bestie. Nag-ayos lang ako nang kaunti kasi baka biglang lumabas si Kuya Red. Alam mo na, dapat lagi tayong maganda."

"Sira ka talaga. Wala na si Kuya Red. Nauna nang pumasok kasi may gagawin pa raw siyang inspection sa classroom. Alam mo na si Kuya, kina-career ang pagiging class president."

"Responsible talaga siya, 'no? Sigurado akong magiging responsableng daddy rin siya sa mga magiging anak namin! Imagine mo bestie, mga little Red at Kathleen, tumatakbo sa park at naglalaro, habang kami ni Sweetie pie Red ko ay naka-upo sa damuhan, magkahawak kamay, pinagmamasdan ang mga anak namin..."

"Ayoko i-imagine 'yan Bestie. Nakakaasiwang isipin, eh."

"Grabe ka naman. Asiwa agad?" Si Bestie talaga, umandar na naman ang pagiging taklesa. Hinawakan ko na lamang ang kamay niya sabay hila. "Tara na nga at pumasok na tayo ng school."

"Teka, wait lang." Lumingon sa bahay si Pinkie. "Kuya! Tara na!"

Kuya? "Akala ko ba'y pumasok na si Kuya Red mo?"

"Hoy, baluga! Kailan ka ba titigil sa paghahasik ng kadiliman?"

'Pag minamalas ka nga naman, oo. Boses pa lang, kilalang-kilala ko na. Lumingon ako sa pinanggalingan ng boses at tinapunan ang kakambal ni Red nang matatalim na titig. Kung may laser beam lang talaga ang mga mata ko, matagal ko nang pinulbos itong si Blue Dela Rosa. "Hoy unggoy na nagbabalat-kayong tao! Morena ang tawag sa akin, hindi baluga! Che!"

Inirapan ko na lamang siya sabay lakad nang matulin habang hila-hila ang kamay ni Pinkie. Dinig ko pa ang malademonyong tawa ni Unggoy. Kaka-bad trip. Nawala tuloy ang good vibes ng umaga ko.

#DyosaNgMgaPanget
#MaxineLaurelStories

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top