Chapter Fourteen
Valentine's day
Nagulat pa ako nang pumunta sina Ate Shawi at Ate Brenda sa bahay para lagyan ako ng make-up. Si tatay ay walang nagawa kundi panoorin ang pag-transform ng kanyang anak.
Nang matapos akong ayusan nina ate, at nang nakita ni tatay ang pagbaba ko mula sa hagdan, mangiyak-ngiyak si tatay. "Anak..." ang tanging nasabi niya. Niyakap ko si tatay nang mahigpit.
Nagpasalamat naman ako kina Ate Shawi at Ate Brenda sa kanilang ginawa para sa akin.
Nang nagpaalam na ako kay tatay na aalis na ako, nakita kong tumingin siya sa gawi ni nanay at sinabing, "Mahal, dalaga na ang anak natin. Kasing ganda mo talaga ang anak natin!"
Napangiti naman ako at hindi ko maiwasang maging proud.
Sinundo ako ni bestie at sumabay na ako sa sasakyan nila. "Bestie, ikaw ba talaga 'yan?"
Natuwa naman ako sa reaksyon niya. Kung sina tatay at bestie ay ganito ang reaksyon, ano kaya kapag nakita na ako ni Red?
Humarap ako sa may salamin ng sasakyan. Kita ko ang aking sarili—nakalugay lamang ang buhok ko na ngayon ay tuwid na tuwid. Nilagyan ako ng pale pink na make-up na naging bagay naman sa morena kong kulay. Ang totoo, kahit hindi ako maputi, bumagay pa rin sa akin ang puting damit ni Nanay.
Napangiti ako sa salamin. Sana, maging proud sa akin si Nanay.
Nakarating na kami kung saan ang venue ng aming prom. Lumabas na kami ng sasakyan at pumasok sa loob ng building. Nasa isang function hall ang venue ng aming prom, pero pinauna ko na sa loob si Pinkie.
Usapan kasi namin ni Red ay sa labas ng function hall niya ako hihintayin. At malayo pa lang ay tanaw ko na siya malapit sa pinto. Naka tux siya at halos lumuwa ang mata ko sa kaguwapuhan niya. Nakakunot ang noo niya at halatang naiinip. Panay rin ang tingin niya sa wrist watch niya.
Naku, mukhang kanina pa ata siya naghihintay sa akin.
Tumalikod siya at saka ko naman siya nilapitan. Tinapik ko ang kanyang balikat at muli siyang humarap.
Nakakunot-noo pa rin ito. "Bakit?"
Palihim akong natawa. Hindi niya ako nakilala? "Hello Red. Nainip ka ba? Sorry, ha,"
Biglang nagsalubong ang kilay niya na para bang pinipilit niyang isipin kung kilala ba niya ako o hindi. Nagsimula namang bumilog ang mga mata niya. "Kath? Ikaw ba 'yan?"
"Oo naman, ano ka ba. Para kaunting make-up lang, hindi mo na ako nakilala." Pero ang totoo, umabot kami ng ilang oras para i-transform daw ako sabi nina Ate Shawi.
"P-pero... Wow!" At matapos niyon ay wala na siyang ibang masabi pa. Humakbang siya papalapit sa akin at hinaplos ang magkabilang pisngi ko. Parang hindi siya makapaniwala na ako nga ang nakikita niya at ka-date niya ngayong gabi. "Ang ganda mo..."
Kinilig ako! Nangatog ang mga tuhod ko at parang may kumikiliti sa aking tagiliran. First time bukod kay Nanay at Tatay na may nagsabing maganda ako. Actually, siya ang pangatlong nagsabing maganda ako. Hindi naman sa nagbibilang ako, ano. Pero kung tatatlo lang din naman ang nagsabi na maganda ako, hindi mahirap makalimutan ang bilang nila.
Nanatili lang kaming nakatayo. Si Red titig na titig pa rin. Na self-concious tuloy ako. "Uhm, tara Red?"
"Dito na lang muna tayo sa labas."
"Ha? Bakit naman?"
"Para ma-solo kita..."
Kinilig akong muli sa turan niya. Pero bakit ganoon? Bakit si Blue ang naaalala ko no'ng sinabi niyang gusto niya akong ma-solo? Ganoon na ganoon din kasi ang pagkasabi ni Blue no'ng isang araw.
Bakit tuwing kasama ko si Red, pakiramdam ko ay si Blue ang kasama ko?
Ito na nga ba ang sinasabi ko, eh. Napagkakamalan kong si Blue si Red dahil madalas ko na rin nakakasama at ka-text si Blue.
"Uhm... pero sayang naman... Gusto ko pa naman sumayaw"giit ko.
Ngumiti lamang si Red at inilahad ang palad niya. "Let's go?"
Tinanggap ko naman ang kamay niya. "Okay."
Sabay kaming pumasok sa loob, at kita ko ang pagtataka ng mga tao sa loob. Dinig ko rin ang kanilang mga bulung-bulungan.
"Who's that girl?"
"Akala ko ba si kirara ang ka-date ni Red?"
"Ang ganda niya... parang prinsesa..."
Akalain mo iyon? Prinsesa daw ako, o! At mismong minion pa ni Althea ang may sabi no'n.
"Sayaw tayo?" aya ni Red.
Pumunta kami sa gitna ng dance floor at sakto namang nagpalit ng music ang DJ. Slow dance.
Teka, hindi ata ako marunong mag-slow dance! In fact, hindi talaga ako marunong sumayaw!
"Sabayan mo lang ako," ang sabi ni Red. Nahalata ata niya ang pag-alinlangan ko. Ipinatong niya ang mga kamay ko sa balikat niya, saka naman niya nilagay ang mga kamay niya sa baywang ko. Nagsimula kaming gumalaw at sinunod ko lamang ang galaw ni Red. "Hindi ba, madali lang?"
Nakangiti akong tumango sa kanya. Titig na titig naman siya sa akin na para bang walang ibang tao sa may dance floor kundi ako lang.
May mga lalaki naman ang lumapit sa amin at nagtanong kung puwede ba raw nila ako isayaw. Ngunit tumanggi si Red.
Si Red talaga. Hindi pa nga kami, possessive na agad! Pero ang totoo, gusto ko 'yon. Dahil para kay Red lang ang puso ko.
Kaso, may bumabagabag sa akin, at hindi ko naiwasang itanong ito kay Red. "Si Blue, nasaan na?"
"Ba't mo naman siya hinahanap?"
"Nag-aalalala lang ako sa kanya. May pinoproblema kasi siya. Uhm, nagkaayos na ba kayo?"
"Medyo. Pero huwag mo na siyang alalahanin ngayon. Masaya na siya sa ka-date niya."
"Parang ikaw?" biro ko sa kanya.
"Higit pa ang saya na nararamdaman ko ngayon."
Ramdam kong namula ang pisngi ko. At napakagat-labi na lang ako para mapigilan ang pagtili ko.
"Ang cute mo palang mag-blush."
Buti pa si Red, pansin niya ang pag-blush ko. Hindi tulad ni Blue...
Ano ba 'yan! Panay Blue na naman ang utak ko!
"Kath..." biglang sabi ni Red.
"Ano 'yon?"
"Ang ganda mo talaga..."
"Nasabi mo na 'yan kanina."
"Pero mas gusto ko pa rin ang dating ikaw."
"Ang dating ako?"
"Oo. Ang dating ikaw na kulot ang buhok, walang suot na make-up, simple pero sobra sa self-confidence..."
Tinapunan ko siya ng isang matalim na titig. Sobra sa self-confidence?
Tumawa lamang ito. "Joke lang. Pero seryoso. Mas gusto ko 'yung walang arte sa katawan na si Kath. 'Yung Kath na nagbibilang pa ng mga peklat niya sa tuhod."
Hindi ko na napigilang lumabas ang aking tawa. Paano ba naman kasi, naalala ko tuloy 'yung pagkwento ko kay Blue tungkol sa history ng mga peklat ko sa tuhod. Pero teka nga, bakit...
"Kath, gusto kita..."
Ha? Tama ba ang narinig ko? "A-ano?"
"Gusto kita. At gusto kitang maging girlfriend ko."
Wait. Tama ba 'yung narinig ko? Gusto niya akong...
"Ayaw mo ba sa akin, Kath?"
Bakit parang ang hirap sagutin ng tanong niya? Akala ko dati ay madali lang ang sagot diyan. Oo, matagal ko ng gusto si Red. Pero ngayon...
"Will you be my girlfriend, Kath?"
Bakit ganoon? Kausap ko si Red. Kaharap ko si Red. Pero pakiramdam ko ay si Blue ang nagpo-propose sa akin. At ang hindi ko maintindihan, nang si Blue ang sumagi sa isip ko, bigla akong nakaramdam na parang may nag-uudyok sa akin na sumagot ng oo.
"Sagutin mo na!"
"Pero si Red ang gusto ko hindi si Blue!"
"Gusto ka niya! Tumupad ka sa pangako mo sa kanya!"
"Pangako?"
Naguguluhan ako. Ano itong naiisip ko? Si Red ang kaharap ko, hindi si Blue. Pero pakiramdam ko siya si Blue.
"Kath..." Hinihintay pa rin niya ang sagot ko.
Unti-unti namang lumapit ang mukha niya sa akin hanggang sa ilang pulgada na lang ang layo ng aming mga labi. Amoy ko ang mabangong hininga niya habang patuloy pa rin sa paglapit ang mga labi niya sa akin.
Hindi ako makagalaw. Para bang naging isa akong estatwa at nag-aabang ng mangyayari. At... at gusto kong halikan niya ako...
"Blue..." wala sa wisyong sabi ko.
Magkalapit na nang husto ang mga labi namin nang biglang itinigil ng DJ ang music at nagsalita ang aming principal sa entablado.
Napapikit ng mata si Red at isinandal ang noo niya sa noo ko.
"Good evening students! It's time to award our queen and king of hearts!" anunsyo ng aming principal.
Inilayo ni Red ang mukha niya sa akin at sabay kaming humarap sa stage, hawak-hawak pa rin ni Red ang kamay ko.
"For our queen of hearts..." Nagpa-suspense pa muna ng kaunti si ma'am. "Let's give a round of applause to Ms. Althea Mendez!"
Nagsigawan at nagpalakpakan ang lahat. Nakita kong umakyat si Althea sa stage, at ang ganda nga niya. Kung ako mukhang prinsesa ayon sa isa sa mga minion niya, siya naman ay mukhang reyna. Elegante at sopistikada siyang tingnan sa suot niyang red na long gown at naka tali ang buhok pataas. Aaminin ko ngayon, lamang si Althea ng ilang paligo sa akin. Yumuko ito nang kaunti upang malagyan ni ma'am principal ng korona ang ulo niya.
"And for our king of hearts..." Si ma'am talaga, mahilig sa suspense. "Oh my! This is a surprise. Actually no, it isn't for we are all expecting him to be king. Let's give our congratulations to... Mr. Red Dela Rosa!"
Nagpalakpakan muli ang mga tao. Napasinghap naman ako. Nanalo si Red! Humarap ako sa kanya para i-congratulate siya. Pero naramdaman ko ang paghigpit ng hawak niya sa kamay ko. Nakita ko rin parang nagkuyom ito ng panga at titig na titig sa stage. Hindi ba siya aakyat?
Narinig ko ang bulongbulungan ng mga tao sa paligid namin. At napansin kong panay ang turo nila sa akin.
"Congratulations to the both of you!" narinig kong sabi ng principal.
Dumapo ang mata ko sa stage at muli akong napansinghap. Nakatayo sa gitna ng entablado sina Althea at Red, nakangiti at magkahawak-kamay. Nagkatitigan sila na para bang mahal na mahal nila ang isa't isa.
Biglang kumirot ang aking puso, at hindi ko namalayan na may luha na palang pumatak mula sa aking mga mata.
"Hindi pala si Red ang kasama ni kirara?"
"Ay, maling kambal. Mali pala ang tsismis, eh."
"Kath..."
Humarap ako kay Blue. Nanginginig pa ang mga labi ko at halos wala na akong makita dahil sa mga luha sa aking mata.
"Kath, magpapaliwanag ako..."
Hindi ko na siya hinayaang magsalita pa dahil isang malakas na sampal ang ibinigay ko sa kanya. "I hate you Blue Dela Rosa! I hate you!"
At tumakbo ako palabas ng venue, hindi ko na rin pinansin ang pagsigaw ni Blue sa pangalan ko.
#DyosaNgMgaPanget
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top