Chapter Four
11 days before Valentine's Day
At gaya ng napagplanuhan ko, pinuntahan ko si hari ng mga antipatiko sa kanilang classroom. Sabi kasi ni Pinkie ay doon ko raw ito puntahan. Akalain mo 'yon, ako pa talaga ang lalapit at pupunta sa kanya? Kung hindi lang talaga ako naku-curious sa sasabihin niya, hinding hindi ko siya lalapitan at pupuntahan.
Binaybay ko na ang mahabang pasilyo patungo sa kanilang classroom. Nasa fourth floor ang mga classroom ng mga fourth years, kaya naman ay napa-exercise tuloy ako ng wala sa oras. Kung paakyat papuntang third floor ay hinihingal na nga ako, papuntang fourth pa kaya? Paano na lang kung inabutan ako ng K to 12? Eh, 'di may fifth at sixth floor pa?
Sa malayo palang ay natanaw ko si Red na nasa labas ng classroom, nakasandal sa pader at kasama ang mga kaklase nito. Papalapit na ako sa kanila at bigla akong na-inspire ng isang shampoo commercial: Hair flip it, just flip it! Kaya, hayun, napa 'check your hair' at 'hair flip it' ako. 'Yun nga lang, epic failure ang pagpapa-cute ko. Nasangit kasi ang mga daliri ko sa buhok. Kainis naman.
"Uy, pare, may naglalakad na anino, oh!" dinig kong sabi ng katabi ni Red.
Hitsura nito, akala mo guwapo.
Pero hindi ako magpapaapektado. Sabi nga ni nanay sa akin dati...
"Anak, ang tawag sa kulay mo ay morena. Maganda 'yang ganyang kulay anak. Alam mo ba, ang mga amerikano ay nagbabayad ng mahal para magpa-tan? Samantalang ikaw, natural na natural ang pagiging morena mo. At isa pa, ang mga mapuputi, madaling kapitan ng skin cancer. Ang balat mo, hindi..."
Kaya simula noon ay naging proud na ako sa dark color ko. Syempre naniniwala ako kay nanay, kasi mother knows best.
Nakita kong binatukan ni Red ang katabi niya. "Sira ka talaga. 'Wag mo ngang asarin si Kath. Pasensya ka na Kath, ha."
Ipinagtanggol na naman ako ni Red! Kaya nga crush na crus ko siya, eh. Iyong-iyo na ang puso ko, Red. Iyong-iyo na! "Okay lang, 'no. Walang kaso sa akin 'yun. Palabiro lang talaga itong classmate mo, kahit na hindi nakakatawa ang joke. Ay, siyanga pala. Nakita mo ba si Caeser?"
"Caesar?"
"'Yung bida sa Dawn of the Planet of the Apes?"
"Ha?"
"'Yung kakambal mong mukhang chimpanzee, si Blue."
"Ah," ang sabi ni Red sabay tawa. Ang cute talaga niyang tumawa. "Hanggang ngayon ba ay nag-aasaran pa rin kayo?"
"Eh, siya madalas mauna, eh."
"Pero kung mukhang chimpanzee si Blue, ibig bang sabihin ay mukhang chimpanzee rin ako? Kambal kami, eh."
"Ha?" Naku, lagot. "Ay hindi noh! Ang layo mo kaya sa pagiging chimpanzee. Ano, kasi ganito 'yon..." Papaano ko ba sasabihin sa kanya na isa siyang guwapong diyos ng Mt. Olympus at nararapat kami sa isa't isa na hindi magiging halata na isa akong fangirl niya?
Napakagat-labi tuloy ako. Baka dahil sa matabil kong dila ay mapupunta sa wala ang pagmamahal ko para sa kanya.
"Hoy Bb. Baluga! Kanina pa kita inaantay, andiyan ka lang pala't lumalandi sa kakambal ko!"
Buong buhay ko, ngayon lang ako natuwa sa pagsulpot ni Blue. Nakatayo siya sa may pinto ng kanilang classroom, nakakrus ang mga braso at mukhang naiinip sa paghintay sa akin. Ginamit ko itong pagkakataon upang umiwas sumagot sa tanong ni Red. "Kuya Red, pupuntahan ko muna si Kuya Blue." Bakit parang gusto kong masuka tuwing tatawagin kong kuya si Blue? Eh, mas isip bata pa 'yon kaysa sa akin.
Pinuntahan ko na si Blue. At bago ko pa siya nabigyan ng isang bati (hoy unggoy, wazzup orangutan, hello chimpanzee, oi matsing at antipatikong monkey boy ang madalas kong bati sa kanya, depende sa mood ko) bigla na niya akong hinila sa may kamay at kinaladkad pababa ng building.
Matapos kong akyatin ang apat na palapag, bababa lang pala kami? Engot talaga itong asul na unggoy.
"Saan mo ba ako dadalhin?" naiinis kong tanong. "Ayokong makita tayo ng mga tao, baka pagtsismisan pa tayong magjowa, eh."
"Kapal mo! Hindi maniniwala ang mga tao na papatulan kita."
Aba naman! At bakit hindi? "Excuse me, ang sabi pa nga ni Pinkie, eh, bagay tayo." Oo, hindi totoong ganoon ang sinabi ni Pinkie. Pero parang ganoon na rin 'yung point niya.
"Ano?!"
"Parang toyo at suka raw tayo—bagay i-partner para makabuo ng masarap na adobo."
"Bagay sa 'yo ang suka dahil mukha mo kasing asim ng suka."
"Bakit, natikman mo na ba ang mukha ko? Grabe ka, ha. Ikaw, may toyo sa utak!" Kita mo 'tong kalahi ni Kingkong. Pinatawag ba niya ako para insultuhin lang?
Patuloy pa rin kami sa paglakad hanggang sa marating namin ang play ground ng mga elementary. Lumapit siya sa swing kung saan ay may batang lalaki ang nakaupo at naglalaro roon. Tinitigan lamang ni Blue nang masama ang bata at biglang tumakbo paalis ang kawawa at takot na takot na bata.
Binatukan ko si matsing.
"Aray! Ano ba?" reklamo niya.
"Sira ka talaga! Pati bata inaaway mo? Bully ka talaga kahit kailan. Kailangan mo ba talagang agawan pa ng swing 'yung bata?"
"Hindi ko siya inaway. Kusang loob siya umalis. Wala akong sinabing umalis siya." Umupo na ito sa bakanteng swing.
Umikot ang mga mata ko sa dahilan niya. Napaka-isip bata. Pati utak niya behind sa evolution of man. Napaupo na rin ako sa swing. "Gusto mo raw ako makausap sabi ni Pinkie."
"Oo."
"Eh, bakit?"
"May gusto ka raw kay Red."
Oras na para mag-deny. "Ano? H-hindi totoo 'yan, 'no! Wala akong gusto kay Kuya Red!"
"Anong Kuya Red ka riyan? Ang sabi pa nga ni Pinkie ay Sweetie Pie ang tawag mo kay Red."
Tsimosa talaga itong si Bestie. Nilaglag ako! "Oy, hindi totoo 'yan, ha!"
"'Wag ka nang mag-deny. Halata naman na may gusto ka sa kanya, eh. Siguro kahit si Red halata rin, ayaw lang sabihin."
Patay. Matagal na palang may hinala si Red? Naku, nakakahiya! Pero bakit ako mahihiya? Hindi ba dapat matuwa pa ako kasi alam na niya ang true feelings ko at baka sa mga susunod na araw ay mare-realize rin niya ang true feelings niya para sa akin?
"Oh, eh, ano ngayon kung may gusto ako sa kanya?" depensa ko sa aking sarili.
"Malakas ang kalaban mo. Si Althea."
Si Althea na naman. Akala ko ba ay hindi niya nililigawan iyon? "Pero ang sabi ni Pinkie na sabi mo..."
"Hindi pa niya nililigawan. Pero balak niya itong ligawan."
Bigla kong naramdaman ang pagguho ng aking mundo. Ramdam kong parang hinugot ang aking puso sa loob ng aking dibdib. Parang pinukpok ang puso ko ng hammer ni Thor. Parang tinapaktakapan pa ito ni Hulk. Sinuntok ni Iron Man at pinagsisipa ni Captain America, habang tumatawa lang si Black Widow at sinabihan ako ng, "Ambisyosa ka kasi. Isang diyos ng Mt. Olympus ang pinili mong magustuhan. Pang Pinas ka lang, girl. Umakyat ka ng Mt. Apo at doon ka maghanap!"
Ang haba naman ng speech ni Black Widow.
Naluluha tuloy ako.
"Hoy Kath!"
"H-ha?" Napalingon ako sa gawi ni Blue, may bakas ng pagkagulat ang mukha ko. First time kasi niya akong tinawag sa pangalan ko sa mahabang panahon.
"Ayos ka lang?"
"H-hindi," sagot ko sabay singhot sa sipong nagre-racing sa ilong ko. "P-pinagtutulungan kasi ako ng mga Avengers, eh."
Bigla itong tumawa nang malakas, sabay padyak pa ng paa at hawak sa tiyan. "Ang wirdo mo talaga. Ikaw ata ang may toyo sa utak, eh."
"Oo na. Tama na. Ang OA mong tumawa."
"Pero seryoso, kaya kita pinatawag dahil kay Red at Althea."
"Ha? 'Di kita gets."
Bigla niya akong tinitigan, ang mukha niya ay napakaseryoso. "Gusto kasi kitang tulungan. Gusto kong makatuluyan mo si Red."
Nalaglag ang panga ko at muntik nang pasukan ng langaw.
#DyosaNgMgaPanget
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top