Chapter Five

"H-ha? Pakiulit nga?" sabi ko kay Blue. Hindi ako sigurado sa narinig kong sinabi niya kanina.

"Ano ako, voice recorder? Hindi ko na uulitin, 'no."

"Teka, ba't gusto mo 'kong tulungan? Pinagtitripan mo lang ata ako, eh."

Napabuntong-huninga si Blue na para bang mahirap para sa kanyang ipaliwanag ang mga pangyayari. "Kasi may gusto ako kay Althea, at gusto ko siyang ligawan. At hindi ko magagawa iyon kung liligawan din siya ni Red."

Si Althea ba ang first love ni Blue na tinutukoy ni Pinkie? Bakit parang nakaramdam ako ng... selos? No way! Pero parang may kirot sa puso. Ewan. Baka guni-guni ko lang?

"Bakit hindi mo puwedeng ligawan si Althea?" tanong ko.

"Sira ka ba? Aagawan ko pa ang kakambal ko?"

"So, ano ang papel ko sa tragic love story mo? Ano'ng pake ko sa 'yo?"

"Kasi ganito 'yon. Gusto kong sa 'yo magkagusto si Red para naman hindi na niya ligawan si Althea. Kaya naisip ko na magtulungan tayo."

"Eh, bakit ako? Bakit ako agad ang naisip mo na tumulong sa 'yo?"

Bigla itong ngumiti nang nakakaloko. "Ang dami mo namang tanong. Kasi alam kong desperada ka. At gagawin ng isang desperada ang kahit na ano."

Tinitigan ko siya nang nakamamatay. Engot 'to. Tinawag pa akong desperada? "Ewan ko sa 'yo!" Tumawa lamang ito. "Pero paano ka nakakasiguro na magkakagusto rin sa akin si Red?"

"Hindi naman kasi choosy si Red. Kahit hitsura mo papatulan no'n."

Aba naman! Wala na atang alam na magandang sabihin itong gorilla na ito, eh, kundi panlalait sa akin.

"Pero hindi ka naman siguro mahirap magustuhan," dagdag pa nito.

Ramdam kong namula ang mukha ko sa sinabi niya. Parang hindi ko tuloy mapigilang kiligin. Teka, kinikilig ako kay Blue? Hinawakan ko ang magkabilang pisngi ko.

"O, ano'ng nangyari sa 'yo?" tanong niya sa akin.

"Hindi ba obvious?" sagot ko. "Nagba-blush 'yung pisngi ko."

"Talaga? Hindi halata, eh. Itim pa rin naman ang cheeks mo."

Panira ng moment, kahit kailan! "Color blind ka kasi."

Humagikgik naman ito na parang may kumikilita sa kanyang tagiliran. Parang tanga lang, eh. Bigla naman ito sumeryoso. "Ano? Payag kang tulungan kita?"

Siyempre nate-tempt din ako. Sino bang aayaw kung ipinipilit sa 'yo ang grasya. "Seryoso 'yan ha? Hindi mo 'ko pinagtitripan?"

"Hindi sabi, eh."

"Eh, 'di sige. Payag ako."

Ngumiti ito nang malawak. Ang cute pala nito kapag ngumingiti. Baka makalimutan kong si Red ang crush ko dahil sa mga ngiting 'yan.

Hindi. Imposoble 'yon. Baka siya pa ang magkagusto sa akin. "Pero sa isang kondisyon," dagdag ko.

"Ano 'yon?"

At seryoso kong sinabing "Mangako ka na hinding hindi ka mai-inlove sa akin..."

Biglang nawala ang mga ngiti sa kanyang labi. Napapikit ito ng mga mata, at nagsimulang gumalaw ang mga balikat nito. Bigla namang tumawa ito nang ubod ng lakas na para bang si Vice Ganda ang nag-joke. Hinawakan pa nito ang tiyan at parang naiiyak pa sa kakatawa. Hindi pa ito nakuntento at nagpadyak pa ng paa at napaatras. Bigla naman itong nahulog patalikod sa swing "Aray ko po!" daing nito at dahan-dahang tumayo.

"Buti nga sa 'yo," ganti ko. "OA kasi kung makatawa, eh."

"Kasi naman kung makapag-joke ka..." Tumawa uli ito.

"HOY! Over ka na," sabi ko.

Unti-unti naman itong tumigil sa pagtawa. "Sorry."

"Oh, eh, ano ang plano natin?"

"Ite-text na lang kita mamaya."

At magiging textmates pa pala kami nito? "Ikaw bahala. Itanong mo na lang kay Pinkie ang number ko."

"Hindi na. Alam ko na ang number mo."

Paanong alam niya ang number ko? Bakit parang may kuryente akong naramdaman? Saan nanggaling iyon?

"Sige, mamayang gabi, ha. Ano, balik na tayo ng classroom."

"S-sige..." Hindi ko maintindihan, eh. Bakit parang excited pa akong matanggap ang text niya mamayang gabi?

Ah, baka gutom lang ako at umakyat na ang hangin sa utak ko. Nakalimutan ko palang mag-lunch.

***

One message received: "Kulot, gising ka pa?"

One message sent: "Who you?"

Alam ko kung sino ang ka-text ko. Pero hindi ako magpapahalatang alam ko. Baka sabihin pa niyang alam ko ang number niya. Baka mag-assume pa siya na kanina ko pa inaantay ang text niya. Mahirap na.

Alas-diyes na ng gabi nang matanggap ko ang text ni Blue. Magbe-beauty sleep na sana ako nang biglang nag-beep ang cellphone ko. Paano kasi, kaninang alas-sais ko pa inaantay ang text niya. Siyempre excited ako sa kung ano ang sasabihin ni matsing.

Kaya hayun, nag-abang ako ng text niya. Kaso hindi dumating. Nakapaghapunan na kami, nakapag-review na ako ng lessons nang kaunti, nakapag-body wash na ako at lahat-lahat, walang text ang dumating. Give up na sana ako at matutulog na, at saka nag-text si Blue.

"Hala. Kung makapag 'who you' akala mo maraming ka-text," ang reply niya.

Loko 'to, ah. "Ano'ng akala mo sa akin, walang ka-text at ka-chat?"

"Oo na. Basta 'wag lang kayong mag-webcam kasi baka matakot sa 'yo. Isipin pa ang aga mo makapag-trick or treat."

"Aasarin mo lang ba ako buong gabi?"

"Joke lang. Oy, Sabado birthday namin ni Red. Punta ka, ha."

Ano'ng drama nito at nag-aaya sa birthday niya? "Kahit hindi mo 'ko iimbitahin, pupunta pa rin ako, 'no."

"Oo nga. Every year kang present. Gift ko, ha."

"Required bigyan ka ng gift? 'Wag na. Para kay Red lang budget ko, eh."

"No gift, no entry."

Ano siya, security guard? "Eh, hindi na lang ako pupunta."

"Joke lang! Punta ka kasi pupunta si Althea."

Ganoon? Present si karibal? Puwes, ihahanda ko na ang pinakamagandang dress ko. Wait, magsusuot ako ng gown! "Ako ang bahala kay Althea."

"Ano ang regalo mo para kay Red? Balita ko nakabili na si Althea ng regalo."

Ang totoo, hindi pa ako nakabili. Ngayong Sabado na ang birthday, hanggang ngayon ay nag-iipon pa rin ako ng panregalo. Ano ba ang kakasya sa two hundred pesos? "Wala pa nga, eh. Mag-suggest ka nga."

"T-shirt na kulay blue."

"Weh, para sa 'yo naman 'yang suggestion, eh."

"'Di nga. Favorite talaga niya ang color blue. Sa akin naman black, size medium. Round neck, ha."

At nag-request pa.

"Bench ang gusto ko," pahabol pa nito.

Two hundred na nga lang ang pera ko, hihingi pa ng Bench? "Pag-iisipan ko. Tulog na ako. Goodnight."

"Goodnight, Kath."

Hindi na ako nag-reply. Na-expire na kasi ang unlimited text ko, eh.

" :) "

Ang pangit ng emoticon niya. Turuan ko kaya kung paano gumawa ng cute na emoticon? Huwag na, sayang ang load.

"Sweet dreams, Kath."

Naka unli ata ang mokong.

"Huwag magpapapuyat para hindi umitim ang eyebugs."

Bakit, may eyebugs bang maputi?

"Kath..."

Makulit din siya, ano? Sayang nga kasi ang load.

"K."

"A."

"T."

"H."

Sunod-sunod nitong text. Hindi porke't unli siya, may karapatan na siyang mag-flood messages. Abuso masyado sa unli text. "Oo na! Marunong ka nang mag-spelling! Ok na, ha. Goodnight na!" Nasayang pa tuloy ang extra load ko.

"K."

"U."

"L."

"O."

"T."

Mahina talaga maka-gets itong chimpanzee, eh. Sabi na ngang goodnight na.

"N."

"O."

"G."

"N."

"O."

"G."

Ang goodnight ko naging bad night. Wala talagang magawang matino itong si matsing.

Pinatay ko ang cellphone ko at natulog na. Baka bangungutin pa ako kapag binigyan ko pa ng pansin si Blue. Baka siya pa ang mapanaginipan ko. What a nightmare iyon!

#DyosaNgMgaPanget

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top