Chapter Fifteen
Day 1 post heart break
Nagising ako na namumugto pa rin ang mga mata ko. Paano ba naman kasi, simula pagkauwi ko kagabi sa bahay ay iyak nang iyak na lang ang ginawa ko.
Hindi na nga namin ni Tatay nagawang mag-celebrate pa ng birthday ko kagabi dahil dumiretso ako ng kuwarto at nagkulong.
Ang sakit pala nang nasasaktan. Ang sakit din palang maloko.
Naalala ko kagabi...
Tumakbo ako palabas ng venue, rumaragasa sa pagpatak ang mga luha ko. Hinabol naman ako ni Blue at hinila ang kamay ko para mapigilan ako sa pagtakbo.
"Kath, hayaan mo naman akong magpaliwanag," pagmamakaawa niya.
Hinila ko ang kamay ko sa pagkakahawak niya. "Magpaliwanag? Ano pa ang dapat mong ipaliwanag sa akin? Mas malinaw pa sa sikat ng araw ang panlolokong ginawa mo, Blue! Ano? Masaya ka na at nagoyo mo 'ko? Masaya ka na at nasaktan mo 'ko?"
"Bestfriend naman, eh..."
"Huwag mo akong ma-bestfriend bestfriend! Wala akong bestfriend na manloloko! Ang tanga ko talaga! Ang laki kong tanga at naniwala akong magugustuhan ako ni Red. Ano ito, plano niyong dalawa para lumayo ako kay Red? Para malaya niyang pormahan si Althea? Akala ko ay ikaw ang tutulungan kong makaporma kay Althea, 'yon pala si Red ang tinutulungan mo?"
"Ha? Ano ba 'yang pinagsasabi mo?"
"Hindi ko alam, okay! Hindi ko alam kasi gulong-gulo ang isip ko! Pinaglaruan n'yo ang puso ko! Niloko n'yo ako... Ang tanga ko... Ang tanga, tanga ko..."
Matapos niyon ay naghanap ako ng masasakyan at mabuti na lamang at hindi na ako nagawang sundan ni Blue.
Ang sakit ng ulo ko. Ang bigat ng katawan ko. Parang ayoko na rin bumangon sa kama. Parang ayoko nang lumabas ng bahay. Parang ayoko na rin magpakita sa school.
Alam kong ako ang pag-uusapan ng mga estudyante doon. Nakita ko pa naman sa mga mata nila kagabi ang iba't ibang reaksyon. Ang iba ay may awa sa kanilang mukha. Ang iba naman tawang-tawa sa nangyari sa akin. Ngunit ang karamihan ng mga babae ay may simpatya sa akin.
Pero ayoko nang kinaaawaan ako. Sanay akong kinukutya, inaasar, tinutukso. At keri ko ang lahat ng iyon. Kaya ko iyon i-dedma. Pero ang awa? Hindi ko kayang harapin ang mga iyon.
Pinilit ko na lamang bumangon at naghilamos ng mukha. Matapos magbihis ay lumabas ako ng bahay at pinuntahan si Tatay sa talyer niya. Sabado ngayon kaya walang pasok, kaya naman magpapaalam akong aalis muna ng bahay.
"Saan ka pupunta, anak?" tanong ni Tatay. Bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Alam niya kasi ang nangyari kagabi. Galit na galit siya at balak pang sugurin si Blue sa prom, pero pinigilan ko siya.
"Pupuntahan ko po si Nanay," sagot ko.
Sumakay na ako ng jeep. Two rides ang kailangan ko bago makarating sa bagong tahanan ni Nanay. May dala rin akong regalo para sa kanya.
Pumasok na ako sa napakalaking gate at tinungo si Nanay. Nang narating ko na ang lugar niya, umupo ako sa damuhan at ipinatong ang mga dala kong bulaklak sa puntod niya.
"Hello Nanay. Pasensiya na po at ngayon ko lang kayo nadalaw uli. Medyo naging busy lang po ako." Nagsindi ako ng kandila at inilagay ito sa tabi ng puntod niya. "Kamusta na kayo sa heaven? Ako, heto po ang anak n'yo, naka-experience ng first heart ache niya. Ang sakit pala 'Nay. Ang sakit palang magmahal, ang sakit palang masaktan. Bakit ganoon? May kalakip palang sakit ang pag-ibig? Bakit may mga umiibig pa kung masasaktan lang pala sila?"
Napabuntong-hininga ako. "'Nay, mali po ata kayo ni Tatay. Sabi n'yo po, isa pong dyosa ang anak n'yo. Ang sabi n'yo po maganda ako. Pero bakit hindi ako kayang mahalin ng taong mahal ko? Bakit niloko pa nila ako? Pangit ho ba talaga ako? Kapag pangit ho ba, wala ng karapatang mahalin at lumigaya?"
"Sige pa anak. Hugot pa more."
Bigla akong natigilan sa pagmo-monologue ko. Sino ang... sino ang nagsalita? Wala naman akong ibang kasama rito. Maliban kay...
"Nanay!"
"Oo, anak. Si nanay nga."
Nakita kong nakatayo si Nanay sa tabi ko. Nakalugay ang buhok niya, tulad nang madalas niyang ayos sa buhok niya. Nakasuot ito ng mahabang puting damit at para bang kumikinang pa si Nanay. Napaatras pa ako nang kaunti nang umupo siya sa tabi ko. "I-ikaw ba talaga 'yan, 'Nay?"
"Anak, huwag makulit. Ako nga ito."
"P-pero... 'Nay naman, eh! Ba't n'yo ako minumulto!"
"Anak kong maganda, hindi naman kita minumulto. Dinadalaw lang kita. Alam ko kasi na kailangan mo si Nanay sa tabi mo ngayon."
"Nanay ko..." Napahagulgol na lamang ako at niyakap si Nanay. Multo man siya o anghel, wala na akong pakialam. Basta, nayakap ko siya. Iyon ang mahalaga. "Miss na miss na kita! Ba't mo kasi kami iniwan ni tatay!"
"Hindi ko naman kayo iniwan. Lagi n'yo naman akong kasama... diyan sa puso niyo."
Sininghot ko ang sipong gustong tumulo. "'Nay... broken hearted ako ngayon..."
"Alam ko anak. Alam ni nanay ang lahat ng nangyari."
"Bakit ganoon 'nay? Bakit nila ako sinaktan at niloko?"
"Hmmm... Ano ba ang sinabi ng nanloko sa 'yo?"
"Ha?"
"Hinayaan mo ba siyang magpaliwanag?"
"Ano po... kasi..."
"Anak, kailangan pakinggan mo muna ang paliwanag niya bago mo siya husgahan. At kapag nalaman mo na ang dahilan niya, saka ka magdesisyon."
"Papaano ko malalaman kung totoo ang mga sasabihin niya?"
"Malalaman 'yan ng puso mo."
Binalutan kami ng katahimikan. Yakap-yakap lamang ako ni nanay, at dinama ko ang kanyang haplos at pagmamahal.
Eleven years old ako no'ng namatay si Nanay dahil sa cancer. Biglaan ang lahat at nagulat na lamang ako na may sakit pala si Nanay. Hindi na rin kinaya ni Nanay ang chemo at ang mga ginagawang pagtusok ng kung ano-anong gamot sa kanya. Hanggang sa isang araw, matapos niyang sabihin na mahal niya kami ni tatay, binawian na siya ng buhay.
Simula noon, hindi ko kinalimutan ang mga payo at bilin sa akin ni Nanay. Dati ay madalas si Blue ang kalaro ko, pero dahil naalala ko ang bilin sa akin ni Nanay na huwag akong magtatakbo-takbo, kumilos na parang lalaki sa kakaakyat ng mga puno at paglalaro ng wrestling, sinimulan ko na ang pag-iwas kay Blue.
Sabi ko sa sarili ko gusto kong lumaki tulad ni Nanay: Maganda, pino kung kumilos, mahinhin at babaeng-babae kung manamit. 'Yun nga lang paminsan-minsan ay lumalabas ang paggiging war-freak ko, pero hindi naman madalas. Naging close na rin kami ni Pinkie at kay Red ako madalas makipaglaro. At simula rin no'n ay nag-umpisa na si Blue sa pang-aasar at pangungutya sa akin.
"'Nay, mali ho ba ang pag-intindi ko sa sinabi ninyo?" bigla kong naitanong.
Kahit hindi malinaw ang pagkakatanong ko ay tila alam na ata ni Nanay kung ano ang iniisip ko. "Anak, alam ko naman na malinis ang hangarin mo. At natutuwa ako na gusto mong maging tulad ni Nanay. Pero hindi mo dapat kalimutan ang mga kaibigan mo. Masaya kung marami kang tunay na kaibigan." Anghel nga talaga si nanay.
"Akala ko kasi... Mali pala ako..."
"Hindi pa naman huli ang lahat."
"Pero galit pa rin ako sa kanya!"
"Masama ang magkimkim ng galit sa puso, anak. Tandaan mo iyan."
Tumango ako. Tama si mama. Dapat ay binigyan ko ng pagkakataong magpaliwanag si Blue. At dapat, hindi ko siya iniwasan no'ng mga bata pa kami.
"'Nay," simula ko, "may itatanong lang po ako sa inyo. Pero hindi po kayo puwedeng magsinungaling dahil baka itulak po kayo ni San Pedro mula sa langit at mahulog kayo sa impyerno."
Humagikgik si nanay. "Ano 'yon, anak?"
"Maganda po ba ako, 'Nay? Bawal ang magsinungaling."
"Anak, walang taong ipinanganak na pangit. Lahat tayo ay pantay-pantay sa mata ng diyos. Eh, kaninong opinyon ba ang mas nakahihigit? Ang opinyon ng mga tao, o ang sinasabi ng diyos?"
"Siyempre 'Nay, kay God po! Takot ko lang din kay Lord, eh."
"At tatandaan mo anak, ang tunay na kagandahan ay hindi nakikta sa panlabas na anyo... nakikita ito sa puso. Inner Beauty anak, inner beauty ang mahalaga..."
Napabalikwas ako ng bangon nang may narinig akong mga yabag malapit sa kinaroroonan ko. Nakatulog pala ako sa tabi ng puntod ni nanay. Pero parang totoo ang lahat ng nangyari kanina, eh...
Dinalaw ba ako ni nanay o nanaginip lang ako?
May bigla naman akong naalala. "Si Nanay naman, o. Yes or no lang naman ang sagot sa tanong kung maganda ba ako."
Biglang may malakas na hangin ang dumaan.
"Okay 'Nay! Gets ko na po kayo! Love you!"
#DyosaNgMgaPanget
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top