Prologue

Habang binabaybay nila ang ang daan papunta sa grupong sinasabi ni Alfred, mayroong takot sa dibdib ni Austin. Hindi para sa sarili niya kung hindi para kina Anya at Nicholas. Kung tutuusin, kaya niyang mag-isa, pero napalapit siya sa dalawa, lalo kay Anya.

Puwede niyang ibigay ang slot niya para kay Anya at iyon ang gagawin niya kung sakali mang papiliin sila. Alam niya kung gaano kahirap ang buhay ng mga babae sa labas at ayaw niyang maranasan iyon ni Anya.

Mula sa malayo, nakita kaagad ni Austin ang maliwanag na parte ng lugar. Sa daanan pa lang, malinawag na. At habang papalapit sila, pataas nang pataas ang mga pader.

Nilingon niya si Nicholas na halata rin ang kaba tulad niya. Pinilit niyang magmukhang matibay sa harapan ni Alfred dahil pagkakataon na nila itong makapasok sa loob. Nilingon niya si Anya na tipid na ngumiti nang magtama ang mga mata nila.

Huminto sila sa harapan ng gate.

"Si—" Huminto sa pagsalita ang lalaki. "Commander!" Sumaludo ito kay Alfred. "Ayos lang kayo? Ano'ng nangyari?"

"Na-corner." Mahinang natawa si Alfred. "May mga kasama ako. Ako na ang bahala sa kanila. Mag-radio ka sa infirmary, sabihin mo dadating ako. May tatlo kamo akong kasama."

Nanlaki ang mga mata ni Austin nang makita ang pagsaludo ng mga lalaki sa kasama nila pati na kung ano ang tawag. Inasahan niyang isa lamang itong tauhan sa grupo, pero hindi niya inakala na commander pala ito.

Tahimik niyang pinakinggan ang pag-utos ni Alfred sa mga kalalakihan. Ang isa ay nakatingin sa kaniya, mukhang inuusisa siya.

Nang binigyan na siya ng signal ni Alfred na magpatuloy sa pagmamaneho, nilingon niya ito at biniro para kahit paano ay gumaan ang nararamdaman niya.

"Angas mo naman, bossing. Alfred tawag ko sa 'yo, commander ka pala dito." Pinilit niya ang matawa para maitago ang kaba. "Tingnan mo, o! Sumasaludo pa sila sa 'yo."

Mabagal ang pagmamaneho ni Austin. Nang buksan ang gate, namangha siya sa loob dahil para itong normal na lugar, malayo sa kung ano ang nakasanayan nila sa loob ng ilang taon. Itinuro ni Alfred ang daan kung saan siya pupunta.

Paulit-ulit niyang iniisip na sana ay tama ang naging desisyon nilang sumama, pero base sa naobserbahan niya, mukhang maayos naman.

May mga bahay na nakapatay ang ilaw, maganda ang daan na mayroon pang mga halaman sa gilid, mga ilaw dahilan para magliwanag ang buong lugar, at ilang mga guwardiyang naglalakad na hihinto at sasaludo kapag nakikita si Alfred.

Medyo malayo sa gate ang itinuturong daan ni Alfred hanggang sa makarating sila sa building na mayroong ilaw sa gitna. Mayroong nag-aabang sa kanila na mukhang mga medical professional dahil nakasuot pa ng scrub suits.

Paghinto ng sasakyan, kaagad na tinulungan ng mga itong makababa si Alfred at isinakay sa wheelchair. Mabilis ang galaw ng mga ito papasok sa loob ng parang ospital. Sandaling tumigil ang mga ito para sabihing sumunod sila.

Takot man, sumunod sila sa loob.



Nagmamadaling lumabas ng opisina si Mary nang matanggap nila ang tawag mula sa gate na papasok si Commander Alfred at sugatan. Kaagad niyang inayos ang cubicle na gagamitin, ganoon din ang ilang gamot, at panlinis ng sugat.

"Mary, meron daw kasama si commander. Dalawang lalaki at isang babae. Ikaw na ang bahala roon sa babae, ha? Ikaw lang ang babaeng naka-duty ngayon," utos ng isang doctor. "Mukhang mga tagalabas kaya mag-iingat ka. Dalhin mo 'yung tranq just in case na kailanganin mo."

Tumango si Mary at kaagad na tinungo ang lalagyan nila ng mga gamot. Nagmadali siya nang marinig ang pagsigaw ng dalawa pang katrabaho niya na nasa labas na sina commander. Itinuro niya sa isang kasama niya ang naka-ready na cubicle na gagamitin.

Pagbukas ng pinto, nakita niya ang duguan at bugbog na itsura ni commander. Nagmadali silang lahat sa pagkilos, pero nilapitan siya ni Garrett.

"Papasok na rin ang mga kasama ni commander. Tatlo nga sila. Kami na ni Edward ang bahala sa dalawang lalaki, ikaw na roon sa babae," pakiusap ni Garrett. "Pinapa-ready rin ni commander ang mga damit para sa kanila. Vouch daw niya, pero mag-iingat ka pa rin."

Tumango si Mary, pero nakaramdam siya ng kaba. Hawak ang maliit na basket na mayroong mga gamit para sa babaeng pasyente, dumiretso siya sa receiving area.

Pagbukas ng pinto, parang tumigil ang mundo niya nang makita ang pamilyar na mukha ng isang lalaki. Hindi siya puwedeng magkamali. Kahit na fifteen years na niya itong hindi nakikita, hindi siya puwedeng magkamali.

Hindi siya sigurado kung makikilala siya ni Austin, pero bawat sulok ng mukha nito ay naaalala niya.

"Mary, tara," pag-aya ni Garrett. "Ikaw na ang bahala."

Hindi alam ni Mary kung lalapit ba siya sa tatlong pumasok, pero wala siyang magagawa. Nakatingin siya kay Austin na nilapitan ni Garrett para ayain papasok sa isang kuwarto. Nakita niya kung paanong dumaan ang tingin nito sa kaniya, pero kaagad siyang nilagpasan.

Huminga siya nang malalim nang ma-realize na mukhang hindi siya nito naaalala.

Kung sabagay, mukhang siya lang ang hindi nakakalimot dahil fifteen years ago, si Austin lang ang gusto niya. Umikot ang buong high school niya na si Austin lang ang gusto at hindi niya inaasahang makikita pa niya.

Austin was Mary's high school batchmate . . . and first love.

Hindi niya inasahang magkikita ulit sila at ang nakakatawa, sa bago at magulong mundo pa.




T H E X W H Y S
www.thexwhys.com 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #thexwhys