Chapter 31
Hindi alam ni Nicholas kung paano niya tatanggapin ang mga salitang sinabi ni Anya. Ni hindi siya nakasagot nang marinig ang huling sinabi nito at halos gumuho ang mundo niya nang marinig ang pangalan ni Jakob.
Nakalapat ang kamay ni Anya sa pisngi niya habang nakatitig sa kaniya. Hindi siya makagalaw dahil sa loob ng isang buwan, hinahanap-hanap niya ito. Mula paggising hanggang sa bago niya ipikit ang mga mata bago matulog, si Anya lang ang gusto niyang makita.
"Maiintindihan mo rin ako." Ngumiti si Anya kasabay ng pagbagsak ng luha nito sa magkabilang pisngi. "Hindi ko siya puwedeng iwanan."
"B-Bakit?" Humikbi si Nicholas at wala na siyang balak pigilan iyon. "Anya, tayo na lang ulit. Lumabas na lang tayo. Nakikiusap ako sa 'yo." Hinawakan niya ang kamay ni Anya at hinalikan ang likuran niyon. "Kaya ko. Kaya natin. Kakayanin natin."
Tumango si Anya at ngumiti. "A-Alam kong kaya mo. Nagawa mo nga noon, 'di ba? Ilang years din 'yun. Alam kong kakayanin natin . . . pero hindi na kasi puwede, Nicholas. Maraming puwedeng mangyari at ayaw kong may ibang madamay dahil dito. K-Kailangan tayo ng Escarra."
Umatras si Nicholas habang nakatingin kay Anya. Mahina siyang natawa habang nakatitig sa mukha nito. Nang maramdaman niya ang malamig na pader sa likuran niya, kaagad siyang yumuko na para bang nasa sahig ang sagot sa lahat ng tanong niya. Tanong na puro bakit nangyari ito, ano ang gagawin niya, paano siya sa susunod, kailan siya uusad . . . at kung saan siya patungo kung sakali man.
Simula nang makilala niya si Anya, maayos na buhay ang pinangarap niya para sa kanilang dalawa kahit na alam niyang imposible. He wanted Anya to live normally despite what was happening to the world. He wanted her to have everything because she deserved it.
Nicholas fell in love with Anya not because of her looks, but because of kindness and understanding . . . but it was also the reason why he lost her.
Masaya si Nicholas na makapasok sa loob ng Escarra dahil sa wakas, naranasan nila ni Anya ang matulog nang mahimbing, makakain nang maayos, at hindi alalahanin ang kinabukasan, pero ang naging kapalit niyon ay ang paghihiwalay nila.
"Ang unfair." Mahinang natawa si Nicholas at suminghot bago tumingin kay Anya. "Gustong-gusto ko ang nangyayari sa buhay natin dito sa Escarra. Gusto kong para tayong normal, walang nangyayari sa labas. Pero para sa buhay na 'to, ito ang kapalit? Ikaw naman ang dahilan kung bakit gusto kong makapasok sa ganitong grupo. Nakuha natin, Anya . . . pero bakit ikaw ang naging kapalit?"
Anya smiled at him and it was the smile he longed to see. Warm and genuine.
"Ang mahalaga, okay ka."
"Okay ako? Hindi ako okay, Anya," pag-amin ni Nicholas. "Hindi ako okay kasi ang layo mo. Mas gusto ko 'yung dati. Magulo . . . pero kasama kita. Hindi ganito. Ang komportable, maayos, busog . . . pero ang layo mo."
Malalim na huminga si Anya at umiling. Hindi ito nagsalita at nanatiling nakatitig lang sa kaniya. Maraming gustong sabihin si Nicholas kay Anya, pero habang nakatitig sa mukha nito, hindi niya alam kung dapat pa ba.
"N-Nakapagdesisyon ka na talaga?" seryosong sambit ni Nicholas habang nakatingin kay Anya. "N-Na sasama ka na sa kaniya? Na siya na talaga?"
It broke Nicholas when Anya nodded. "Kasal na 'ko sa kaniya."
"Hindi naman totoo 'yun, 'di ba? Wala namang batas. Hindi totoo ang kasal n'yo," sagot ni Nicholas. "H-Hindi 'yun totoo."
Walang naging sagot si Anya. Nakatitig lang ito sa kaniya. Akmang lalapitan niya si Anya nang bumukas ang pinto. Nakatingin sa kaniya si Mary bago nilingon si Anya na nakatayo pa rin sa gilid ng kama ni Austin.
"Nicholas, sorry. Pinatatawag ka na kasi sa labas," sabi ni Mary na nakatingin sa kaniya. "Alpha One. Meron daw kasi kayong lakad sabi ni commander."
Tumango si Nicholas. "Sige, lalabas na ako. Thank you."
Ibinalik niya ang tingin kay Anya na bahagyang yumukod. "Ingat kayo sa labas," sabi nito bago tumingin kay Mary. "Ate, puwede akong mag-stay? Wala kasi akong gagawin, dito lang muna ako."
"Oo naman, para ka namang iba. Gusto mo bang magpakuha ako ng pagkain? Kuwentuhan na rin tayo. Mamaya rin ang time na magbabasa ako para kay Austin. Kung gusto mo, ikaw na," sabi ni Mary.
Nagpaalam si Nicholas kina Anya at Mary na pinag-uusapan na ang tungkol sa librong babasahin para kay Austin. Naabutan naman niya si Ace na naghihintay sa kaniya sa labas. Wala siyang idea kung saan sila pupunta, pero kasama raw nila si commander at mukhang importante.
Dumiretso na sila ni Ace sa garage para ayusin ang sasakyang gagamitin nila.
Dalawang linggo na rin ang nakalipas simula nang maging miyembro siya ng Alpha Team kung saan sila ang nakakasama ni commander sa tuwing lumalabas ito ng Escarra. Dalawa sila ni Ace na nakatoka sa mga sasakyan. Kasama nila ang ilang ranger at dalawang nurse mula sa infirmary.
Tatlong sasakyan daw ang lalabas kaya iyon ang inasikaso nila ni Ace. Kasama rin nila sina Andrei at Joshua, ang skilled drivers sa garahe na miyembro rin ng Alpha Team.
Isa-isa nilang sinigurong maayos ang sasakyan. Ganito naman ang naging routine niya simula nang mawala si Anya. Madalas na siya pa ang nauuna sa garahe dahil hindi pa sumisikat ang araw, gising na siya. Imbes na magmukmok, nagpupunta siya sa garahe para magtrabaho.
Gusto niyang uuwi lang siya sa accommodation nila kapag pagod na siya, iyong tipong matutulog na lang para hindi na magkaroon ng pagkakataong mag-isip. Hindi na rin siya kumakain sa pantry dahil nahihirapan siya. Mas madalas siyang kumakain sa bench kasama ang ilang katrabaho para mayroong kakuwentuhan. Minsan naman ay itutulog na lang niya ang gutom dahil sa pagod at kakain na lang kinabukasan.
"Nicholas, okay na. Tara na sa HQ. Nando'n na raw sila," pag-aya ni Ace.
Sumakay sila sa pinakadulong sasakyan at nang makarating sa HQ, nandoon na ang mga ranger na kaagad inilagay ang mga dalang armas. Hindi na bumaba si Nicholas. Nakatingin lang siya at naghihintay sa mga kasama. Isa-isa na ring pumasok ang mga ito, ganoon din si commander na nasa pinakaunang sasakyan.
Paulit-ulit niyang nire-replay sa isip ang pag-uusap nila ni Anya dahil alam niyang marami siyang hindi nasabi. He already played the situation inside his head for a month, but didn't expect the response. May plano na siya kung sakali mang pumayag si Anya na lumabas sila.
Sa tuwing lumalabas sila ng Escarra, ipinalilibot niya ang lugar sa bawat dadaanan nila para alam niya kung saan sila dadaan, saan pupunta, at kung saan posibleng manirahan. Sa isang buwan, gumawa siya ng plano . . . pero balewala lahat ng iyon.
"Good afternoon, everyone!"
Nilingon ni Nicholas ang pumasok sa loob ng sasakyan. Binati ito ng ilang ranger na nakaupo na sa loob kasama niya. Nakaupo ito sa harapan tulad noon at miyembro din ng Alpha Team.
Dalawa lang ang babae sa Alpha Team—sina Celine at Sandra na madalas din nilang kasama. Bilib din siya sa dalawang ito dahil mas matapang pa kaysa sa kaniya. Parehong may hawak na malalaking baril at halos pinagmukha siyang walang kuwenta sa tuwing nasa labas sila.
Sumilip sa pinto si commander. "Pupunta tayo sa St. Pierre. Merong pinakusap si Martin kay Jakob dahil may umatake yata sa kanila kagabi. May ipakikita lang siya sa 'tin. Hindi tayo magtatagal, babalik din kaagad tayo."
"Sir, commander," sabay-sabay nilang sagot.
Nilingon ni Nicholas ang daan. Pati bahay ni Jakob, dinaanan nila.
Simula nang tumira doon si Anya, palagi niyang iniiwasan ang lugar na iyon. At ngayong nagkausap na sila, hindi niya alam ang mararamdaman; kung matutuwa ba siyang maayos ang lagay nito, sobra pa sa inaasahan niya . . . o malulungkot dahil mas lalo siyang nawalan ng pag-asang makasama ulit ito.
Isang oras ang layo ng Hacienda St. Pierre sa Villa Escarra. Pamilyar naman sila sa lugar dahil halos lahat ng pagkaing inaangkat nila ay galing sa St. Pierre. Tulad ng Escarra, napalilibutan ito ng malalaking pader at gate ngunit pagpasok, maaliwalas dahil malaking lupain ang bumubungad sa kanila.
Huminto sila sa harapan ng malaking bahay. Medyo luma na ang design nito, pero well-maintained.
"Sorry, Tito Alfred, short notice." Nakipagkamay si Martin kay commander. "Salamat sa pagpunta n'yo. Pasok."
Pumasok ang mga ranger ng Alpha Team. Naiwan naman ang ilan sa kanila. Lahat ng naiwan ay tumambay sa bench na nasa ilalim ng puno habang pinanonood ang mga nagtatanim at nag-aalaga ng mga hayop. Marami ring tauhan ang St. Pierre at tulad nila pinangangalagaan ang mga ito ni Martin na kaibigan ni Jakob.
"Ang tahimik naman palagi ni Nicholas!"
Tumingala sila nang makita si Celine na nakaupo sa malaking sanga ng punong nagsisilbing silong nila. Sumandal pa ito sa mismong puno habang nakatingin sa kanila. Mukhang kumakain pa ng chewing gum dahil para itong kambing na nguya nang nguya.
"Buti naman lumabas tayo. Nabuburyo na 'ko sa loob, e." Natawa si Celine. "Noong nakaraan, nakakita kami ni Sandra ng bundok. Try nga nating lumabas minsan, akyat tayo o kaya hanap tayo ng beach o ng talon. Literal na talon tayo!"
Natawa si Nicholas lalo nang tumayo si Celine at naglakad sa malaking sanga habang iniisa-isa nito ang mga gustong gawin kung sakaling mapayagang lumabas ng Escarra.
"Grabe, pangarap ko talaga 'yun noon, e. Gagi kasi wala nang eroplano. Gusto kong mag-parachute 'tapos sisigaw ako na I'm the queen of the world!" sigaw ni Celine na nakataas pa ang dalawang kamay. "O kaya naman paragliding!"
"Ang adventurous talaga." Umiling si Ace. "Isama mo 'tong si Nicholas para naman matuwa sa buhay. Ang lugmok nito, e. Minsan gusto ko na lang akuin ang kalungkutan."
Nakita ni Nicholas kung paanong sumimangot si Celine. "Huwag kang insensitive, Ace. Alam naman nating lahat ang nangyari, hindi naman kaagad makaka-move on si Nicholas. Kung gusto mong sumama, Nicholas, sabi ka lang. Akyat tayo sa mga building!"
"Mukhang magagawa ko na 'yan sa mga susunod," sagot ni Nicholas. "Nagbabalak na rin talaga akong lumabas ng Escarra. N-Nahihirapan na rin ako, e. Ang hirap na nasa iisang lugar lang kami."
Natahimik ang lahat habang nakatingin sa kaniya. Hindi naman kasi sikreto ang nangyari. Everyone knew what Jakob did and some sympathized with him.
"Ayaw kong kaawaan n'yo ako. Magiging okay lang din ako." Natawa si Nicholas at umiling. "At saka mukhang okay na rin naman na si Anya, okay na ako. Hindi lang talaga ako komportable sa parteng nasa loob pa rin ako, nakikita ko silang magkasama."
Walang nagsalita, pero nakita ni Nicholas ang lungkot sa mukha ng mga kasama niya.
"First time ko rin kasi siyang makita after a month." Umiling si Nicholas at yumuko. "Ang bigat pa rin kasi, e."
"Nicholas!" Ibinato ni Celine ang isang chewing gum. "Maanghang 'yan. Palamig ka muna. At saka 'wag kang mag-aalala, gets ka namin dito. 'Wag kang magmukmok. Kapag mabigat na, inuman na!"
Sabay-sabay na sumigaw ang mga kasama niya na parang nagdidiwang. Wala naman kasing problema ang inuman sa Escarra basta masisigurong kaya pa ring magtrabaho kinabukasan.
Naiba ang usapan nila at kahit papaano, nakakasama si Nicholas sa topic. It took him long to bond with others. Sa tuwing magkakasama sila ng Alpha Team, palagi siyang tahimik at nirerespeto naman ng mga ito ang katahimikan.
Lumabas na rin si commander at ang ilan pang ranger mula sa bahay ni Martin. Bukod pa roon, lumapit sa kanila ang ilang tauhan ng St. Pierre. Pinapupunta sila sa likurang parte ng hacienda para daw magmeryenda na muna bago bumalik sa Escarra.
Ipinalibot ni Nicholas ang tingin sa lugar. Napakaraming kabayong nagtatakbuhan. May mga baka, kambing, at mga baboy. Marami ring puno at sinabi sa kanila ni commander na kung ano ang lupang nakikita nila, kay Martin pa rin iyon.
"Sama ka sa 'min next week," sabi ni Celine na sumabay sa kaniyang maglakad. "Magpapaalam ako kay commander kung puwede kaming lumabas. May nakitang talon si Jack noong magpunta sila sa south. Balak naming puntahan. Kung gusto mong sumama, sabihan mo lang kami. Ready kami palagi."
"Thank you," sagot ni Nicholas at tinanguan si Celine.
Nag-thumbs up ito bago tumakbo na ito sa mga kasama nila habang nakikipagbiruan na para bang walang malaking baril sa likuran. Minsan natatawa na lang din siya at nagugulat pa rin sa mga kasama niya dahil minsan, parang mga bata kung umasta, pero magagaling namang umasinta.
Hindi na rin sila nagtagal dahil baka abutin sila ng dilim sa daan. Bago pa man lumubog ang araw, nakarating na sila sa Escarra at tulad ng dating gawi, isa-isa kaagad nilang tingnan ang mga sasakyang ginamit nila para masigurong walang sira o mayroong kailangang ayusin.
Kaagad na pumwesto si Nicholas sa ilalim ng sasakyan para tingnang mabuti ang mga makina. Narinig niya rin si Ace na sinisigurong maayos ang mga gulong. Nag-refill naman ng gasolina ang iba pa.
"Nicholas."
Umurong si Nicholas palabas ng ilalim ng sasakyan at nakita si Klein, ang ranger na nakaatas sa Admin Building. Nakatayo ito malapit sa sasakyan, seryoso ang mukhang nakatingin sa kaniya.
"Pinatatawag ka ni Boss Jakob. Ngayon na."
Bumangon si Nicholas at pinunasan ng basahan ang kamay na mayroong mga langis. Nakatingin sa kaniya ang mga katrabaho niyang nakarinig sa sinabi ni Klein. Hindi na siya nag-ayos dahil nagmamadali. Gumamit pa sila ng sasakyan papunta sa admin dahil may kalayuan iyon sa garahe. Hindi niya alam kung ano ang mayroon, pero kapag si Jakob ang nagpatawag, alam ng lahat na seryoso iyon.
"Sa pinakadulo, makikita mo kaagad ang opisina ni boss," sabi ni Klein habang hinahawakan ang pinto.
Bago pumasok, nakita ni Nicholas ang sarili sa reflection ng salamin. He was wearing a long-sleeved, fitted sweatshirt, blue jeans, and combat shoes, and his hair was a little longer than what he used to.
Pumasok siya sa loob at nakita si Jakob sa loob ng opisinang mayroong salamin. Nakaupo ito sa sofa habang may binabasang papeles. Dumiretso siya at binuksan ang pinto dahilan para mag-angat ito ng tingin sa kaniya.
"Pinatawag mo raw ako." Mababa ang boses ni Nicholas. "May iuutos ka ba?"
Tumingin sa kaniya si Jakob. Seryoso ang mukha, malayo sa kung paano nito kausapin si Anya. Ang Jakob na nakatitig sa kaniya, salubong ang kilay at matalim ang mga matang nakatitig sa kaniya.
"Nakarating sa 'king balak mong lumabas ng Escarra." Tumayo si Jakob at dumiretso sa lamesa nito. Nagsalin ito ng alak sa isang baso bago iniabot sa kaniya. "Bakit?"
Hindi tinanggap ni Nicholas ang alak na iniabot ni Jakob. "Nahihirapan akong makita kayong dalawa," pag-amin niya.
Tumango si Jakob at tinungga ang alak sa basong hawak. Ibinaba nito iyon sa lamesa, muling nagsalin. Sumandal si Jakob sa lamesa habang nakatingin sa kaniya.
"Tingin mo, ano'ng magiging reaksyon ni Anya kapag lumabas ka?"
"Mahalaga pa ba 'yun? Mukhang maayos naman na siya sa 'yo, sigurado naman akong hindi mo siya pababayaan, lalabas na lang ako," sagot ni Jakob sa mahinahong boses. "Hindi ko kayang makita kayong magkasama. Ngayong sigurado akong hindi mo siya sasaktan at maayos siya tabi mo, okay na rin ako."
Ipinagkrus ni Jakob ang dalawang kamay. "Tingin mo, iiyak siya? Tingin ko, oo . . . mahal ka no'n, e. Kaya nga siya sumama sa 'kin dahil sa 'yo at kay Austin, para hindi kayo lumabas ng Escarra, para ligtas kayo, para maging maayos ang buhay mo. 'Tapos lalabas ka?"
Hindi nakasagot si Nicholas sa tono ng boses ni Jakob.
"Iiyak si Anya. Masasaktan si Anya. Malulungkot si Anya." Naningkit ang mga mata ni Jakob. "Kapag umalis ka, paano siya? Hindi okay, tama ba?"
Seryosong nakatitig si Nicholas kay Jakob.
"And I know na ayaw mo siyang nasasaktan o nalulungkot, pero 'yun ang gagawin mo sa paglabas mo sa Escarra," dagdag ni Jakob. "Alam kong ayaw mong saktan si Anya at alam mong hindi ako papayag na saktan mo siya."
"Wala kang magagawa kung gusto ko nang lumabas. Lalabas ak—"
Mahinang natawa si Jakob. "Oras na lumabas ka ng Escarra, papatayin kita at ipadadala ko ang ulo mo kay Anya. 'Wag mo akong susubukan, Nicholas."
"S-Siraulo ka ba?" Nagsalubong ang kilay ni Nicholas dahil sa narinig niya. "Anya had enough, Jakob. T-Tama na."
"Exactly. Sabihin mo 'yan sa sarili mo," sabi ni Jakob habang nakatitig sa kaniya. "At hindi ako nagbibiro."
Nicholas left Jakob's office without a word. Jakob was serious and he would do anything to keep Anya. Alam niyang kapag lumabas si Nicholas ng Escarra, mawawala si Anya sa kaniya at iyon ang hindi puwedeng mangyari.
Bago umuwi, dumaan na muna si Jakob ng pantry para kumuha ng dinner nila ni Anya. He didn't even expect that Anya would ask him to go home for dinner and he looked forward to it the entire time. Tinapos niya ang trabahong dapat tapusin kaya nang sabihin sa kaniya ni commander ang tungkol sa plano ni Nicholas, naalarma siya.
Jakob opened the door, and he was welcomed by warmth. The house was once cold and dark, but when Anya started living with him, it became lighter and more lively.
"Naghain na 'ko." Ngumiti si Anya. Kinuha nito ang lalagyang hawak niya. "Hala, may egg pie? Thank you!" Tumalikod ito at dumiretso sa kusina.
Sumunod si Jakob at pinanood si Anya kung paano nito ayusin ang pagkain nila sa lamesa. Tinikman pa nito ang sabaw na dala nya bago tumingin sa kaniya at ngumiti.
At that moment, Jakob's world stopped.
. . . and he promised that no one could take Anya away from him.
—
T H E X W H Y S
www.thexwhys.com
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top