Chapter 3

Nagising si Nicholas dahil sa sinag ng araw na tumama sa mga mata niya. Ni hindi niya namalayang nakatulog na sila at inabot na ng umaga. Tiningnan niya si Anya na mahimbing pang natutulog. Ginamit nito ang hita niya bilang unan.

Ipinalibot niya ang tingin sa loob ng bahay. Wala na si Austin. Silang dalawa na lang ni Anya. Gigisingin na rin niya ito para makabalik na sila sa bahay nila.

Ramdam niya ang sakit ng katawan lalo sa parteng baywang at likod kung saan siya nasuntok at naitulak ng mga tao. Malamang na ganoon din ang mararamdaman ni Anya pagkagising nito kaya mas mabuti na rin kung uuwi na sila.

Sinubukang gumalaw ni Nicholas dahil kailangan niyang mag-stretch. Sobrang nangangawit ang bandang likuran at hita niya. Ginamit niyang pang-unan kay Anya ang bag niya at hoodie para makatulog pa ito. Ni hindi man lang nagising sa ginawa niyang pag-adjust.

Maingat ang bawat hakbang niya. Sisilipin niya kung kumusta na labas para makapag-isip siya kung paano sila aalis sa lugar ni Anya. Sumilip siya sa bintana at nakita ang lalaking nakaupo sa unang baitang ng hagdan sa entrance. Si Austin iyon na hinahasa ang hawak na itak.

Lumabas siya at lumingon sa kaniya si Austin. Seryoso ang mukha nito.

"Akala ko umalis ka na." Ipinatong ni Nicholas ang dalawang siko sa railing ng balcony at inobserbahan ang lugar. "Wala naman nang nangyaring gulo kanina?"

"Wala na. Tahimik na," sabi ni Austin na nagpatuloy sa ginagawa. "Alam mo, hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip mo at isinama mo ang girlfriend mo. Alam mong delikado ang mga babae sa labas. Ano ba'ng balak n'yo?"

Huminga nang malalim si Nicholas at umiling. "Nabalitaan nga kasi namin na may mga grupong pupunta rito. Gusto ko sanang subukang makapasok sa isang grupo para hindi na ganito. Magbabaka-sakali lang."

Mahinang natawa si Austin. "Mas malaki pa ang chance n'yong mamatay kesa sa gusto mong mangyari. Hindi na rin tumatanggap ang mga grupo ngayon. Except kung malaki ang pakinabang mo sa kanila," pagpapatuloy nito. "Kung kaya mong makaimbento ng eroplano, baka tanggapin ka pa nila."

Hindi sumagot si Nicholas ngunit nanatili siyang nakatingin kay Austin na sinisigurong matalim ang hawak na itak. Sinunod nito ang karambit at isa pang kutsilyong hindi niya alam kung ano ang tawag.

"Nasubukan mo na ba?" tanong niya.

"Oo." Matipid ang sagot ni Austin at nahalata naman iyon ni Nicholas.

Imbes na magtanong ulit, bumaba siya ng hagdan at ipinalibot ang tingin sa lugar. Napakaraming bangkay. May ilang naglalakad-lakad at iniisa-isa ang mga nakahandusay. Bigla niyang naalala si Patrick at inisip na sana ay nasa mabuti itong kalagayan o nakatakas bago magkagulo.

"Saan ka pupunta?" Lumapit si Austin sa kaniya nang mapansing didiretso siya palabas. "Iyong girlfriend mo, tulog pa?"

Tumango siya at sandaling nilingon ang bahay kung saan sila natulog. Gustuhin man niyang tingnan isa-isa ang mga nakahandusay para masigurong wala roon si Patrick, hindi niya puwedeng iwanan si Anya sa loob dahil isang pagkakamali, puwedeng magbago ang lahat.

Bumalik siya sa loob ng bahay at naabutan si Anya na bagong gising. Inaayos nito ang pagkakaipit ng buhok habang nakatingin sa kaniya.

"Kanina ka pa gising?" Inilabas ni Nicholas ang isang bote ng tubig mula sa backpack niya. "Kung okay ka na, puwede na rin tayong umalis dito. Balik na tayo sa bahay."

Walang pag-aalinlangang tumango si Anya. "Sige. N-Natatakot na rin ako rito," pag-amin niya.

"Ako rin." Pinilit ni Nicholas ang ngumiti. "Para mas makatulog ka na rin nang maayos. Hindi ba masakit ang katawan mo?"

Hindi sumagot si Anya at nanatiling nakatitig kay Nicholas. Kung tutuusin, siya ang dapat magtanong dahil alam niya kung paano nito ginawang panangga ang sariling katawan para sa kaniya. Buong magdamag niyang pinagsisihan ang pagsama kay Nicholas dahil naramdaman niya kung gaano siya kapabigat. Na-realize niya na mas mabuting sa susunod, sa bahay na lang siya para hindi na ito maulit.

"Nakita mo na ba si Patrick?" Tumayo si Anya at hinarap si Nicholas na umiling. "Sorry."

"Bakit ka nagso-sorry? At saka magaling 'yun si Patrick. Madalas ngang siya pa ang nagbabantay sa 'kin." Mahinang natawa si Nicholas para mabawasan ang pag-aalala ni Anya. "Baka nga nakauwi na 'yun. Nauna pa sa 'tin."

Sinungaling. Iyan ang nasa isip ni Nicholas dahil hindi niya sigurado kung ano na ang nangyari kay Patrick. Sa kanilang dalawa, siya ang madalas na sinasandalan nito. Siya ang madalas na inaasahan. Siya ang madalas na pinagtataguan.

May kaba sa dibdib ni Nicholas kung nasaan na si Patrick, pero mas priority niya si Anya. Nakita niya itong ipinalilibot ang tingin sa buong bahay.

"May mga picture frames pa." Dinampot ni Anya ang isa. "Family pala ang nakatira dito. Asa'n na kaya sila ngayon? Tingin mo, naka-survive sila?"

Tumaas ang dalawang balikat ni Nicholas at umiling dahil hindi rin niya alam ang sagot. Walang nakaaalam ng sagot.

"Imagine, five years ago, masaya sila rito. What if noong nangyari ang lahat, may birthday? What if mahimbing silang natutulog? O kumakain ng dinner as a family? This house has a lot of memories. Ngayon, ruins na lang siya," pagpapatuloy ni Anya. "Who would've thought we'll be in this situation? Who would've thought we'll live to literally survive without any idea what's next?"


Dinig ni Nicholas ang hinanakit sa boses ni Anya. Nangungulila rin ito sa sariling pamilya tulad niya ngunit ni minsan, hindi nila nagawang pag-usapan dahil mabigat na nga ang sitwasyon nila, daragdagan pa ng pangungulila at lungkot lalo sa parteng hindi nila alam kung ano na ang nangyari sa mga ito.

Lumapit si Nicholas kay Anya para tulungan itong ayusin ang bonet na suot. Siniguro nilang hindi mahahalatang babae para sa seguridad.

Sabay nilang nilingon ang pinto nang pumasok doon si Austin. Seryosong nakatingin sa kanila.

"Ano'ng plano n'yo? Aalis na 'ko," paalam nito. "Saan ang daan n'yo?"

"Papuntang North Ave.," sagot ni Nicholas na inaayos ang strap ng backpack. "Ikaw?"

"Hindi ko pa alam," seryosong sagot ni Austin bago tiningnan si Anya. "Kahit hindi ko alam, halatang babae ka. Babaeng-babae 'yang mata mo. Wala kayong sumbrero? Pagsu—" Tumingin ito sa pinto ng bahay at mayroong kinuha.

Sumbrero iyon. Maalikabok na. Pinagpag ni Austin bago iniabot kay Nicholas.

"Sasabay na rin muna ako sa inyo. Ayos lang ba?" tanong ni Austin. "Kung hindi, hihiwalay na ako."

"Ayos lang ba sa 'yo?" Hinarap ni Nicholas si Anya. Tango lang ang naging sagot nito. Inayos na rin niya ang sumbrero kay Anya para siguruhing walang makikita sa mukha.

Wala rin naman siyang naging problema kay Austin dahil kung sakali mang may masamang balak ito sa kanila ni Anya, ginawa na noong madaling-araw pa lang habang natutulog sila. Hindi siya puwedeng pakampante, pero malaki rin ang maitutulong nito sa kaniya kung sakali mang magkaroon ng gulo lalo pa at kasama niya si Anya.

Maingat silang lumabas ng bahay. Nasa gitna si Anya. Mabagal ang bawat paglakad dahil nag-o-observe ang dalawang lalaki. Gustuhin mang tingnan ni Anya kung ano ang lagay sa dinadaanan nila, hindi niya magawa dahil bilin ng dalawa, yumuko lang siya at dumiretso ng lakad. Kung sakali mang kailangang lumiko o may kung ano sa paligid, bubulungan siya ni Nicholas.

Habang tumatagal, mayroong kabog sa dibdib ni Anya. Alam niya ang nangyari sa isang kasama nila sa building. Minsan din itong lumalabas tulad nina Patrick at Nicholas. Nabalitaan na lang nila na may masama nang nangyari rito at nakita na lang ang hubo't hubad na bangkay hindi kalayuan sa kung nasaan ang building nila.

Iyon ang dahilan kung bakit mas naging maingat si Nicholas sa kaniya. May usapan sila na hindi ito mawawala sa tabi niya o aalis sa building nang hindi niya alam. Pinakamatagal na ang limang oras. Alam din kasi nilang lahat na hindi malayong isang araw, pasukin ng mga rebelde ang building nila tulad sa tinitirhan nila noon.

"Malayo pa ba tayo?" mahinang sambit ni Anya.

"Medyo," sagot ni Nicholas. "Pagod ka na ba? Hindi tayo puwedeng huminto, e. Medyo maraming tao sa paligid."

Gustong tingnan ni Anya, pero hindi niya magawa. Nakatingin lang siya sa sahig, mga paa nilang tatlo, at sinusubukang pakinggan kung ano ang mayroon sa paligid.

Hindi niya magawang magreklamong masakit na ang paa niya, nauuhaw na siya, naiinitan, at medyo nahihilo dahil sa gutom. Naalala niyang simula kahapon, puro lang sila tubig.

Nagpatuloy sila sa paglalakad. Paminsan-minsang nagkukuwentuhan sina Nicholas at Austin habang nakikinig lang si Anya.

"Ahead lang pala ako nang isang taon sa 'yo," ani Austin kay Nicholas. "Fresh grad lang din ako. Katatapos ko lang magtrabaho noong time na 'yun. Actually, nasa office ako no'ng nangyari 'to."

"Ako rin," sagot naman ni Nicholas. "Pinauwi na lang kami. Parang may emergency? Naalala ko na first time kong narinig 'yung fire alarm ng school. Akala namin that time, merong drill, pero serious noong makita naming nagtatakbuhan 'yung mga guard."

"Same sa building namin. Paglabas ng office, ang daming police. Ang ingay ng mga ambulance pati mga bumbero. Walang idea talaga noon," dagdag ni Austin. "Nagka-idea ka man lang ba kung ano'ng nangyari?"

Umiling si Nicholas. Pasimple niyang nilingon si Anya.

"Wala talaga." Mababa ang boses ni Nicholas. "Lahat din ng napagtanungan ko, walang alam."

"Wala talaga tayong malalaman. Tang ina, e. Pinatay lahat ng puwedeng magsabi sa atin kung ano ang nangyayari. Ubos lahat ng nakaupo, e," pagpapatuloy ni Austin. "May news pa noong mga panahong nasa grupo pa ako. Isa-isa pala talaga naging target iyong mga nakaupo sa government pati na rin 'yung mga nasa kapulisan. Ang tanong, bakit? Buong mundo pa."

Patuloy na pinakikinggan ni Anya ang pag-uusap ng dalawa. Naalala niya ang sitwasyon niya. Nasa school din siya noong mga panahong iyon, papasok sana sa klase, pero nagkagulo nang magkaroon ng pagsabog sa labas ng campus at doon na nagsimula ang lahat.

Nagmadali siyang maglakad papunta sa dorm hanggang sa nawala na ang communication sa pamilya niya, sa mga kaibigan, sa lahat. Kinailangan niyang lumabas ng dorm para makakuha ng pagkain, pero naging challenge iyon sa kaniya dahil sa gulo. Madalas na nag-uunahan ang mga tao para sa rasyon galing sa ilang private sector at NGO, pero natapos ang lahat ng iyon nang magsimula nang mawala ang resources. Simula noon, nagkaniya-kaniya na lahat at doon na nagsimula ang patayan.

"Nasubukan mo bang sumali sa malalaking grupo?" tanong ni Nicholas kay Austin. "Gusto ko sana para sa 'min ni Anya, para hindi na rin siya mahirapan, pero wala akong mahanap o kilalang malaking grupo."

"Sabi ko nga sa 'yo, mas malaki pa ang chance nating mamatay papunta sa mga grupong 'yun. May mga alam ako, pero mahigpit. Sobrang higpit. Iyong isang sinubukan naming pasukan ng mga kagrupo ko noon, literal na tinataboy kami." Natawa si Austin. "Tang ina, e. Para kaming mga hayop. Para sa kanila, strays tayo na walang lugar sa kung ano ang mayroon sila. Nasilip namin 'yung loob. May sariling mga bahay, e. Hindi tent. May mga tauhan na mayroong malalaking baril. Secured, sobra. Pero hindi na sila nagpapapasok."

"Ganoon ba? Wala pala talaga tayong chance na makapasok sa mga malalaking grupo?" Pasimpleng nilingon ni Nicholas si Anya na nakayuko. Mukhang napansin iyon ni Austin nang magkatinginan din sila.

Samantalang gustong tingnan ni Anya ang reaksyon ni Nicholas sa sinabi ni Austin. Ang madalas na paglabas nina Nicholas at Patrick ay dahil naghahanap ang mga ito ng mga grupong tumatanggap ng bagong papasok. They were trying so hard for the past months so they would be safer, lalo sila ni Faith. Hearing what Austin said broke Anya's heart knowing what Nicholas wanted was next to impossible.

Ikinagulat niya nang tumigil sina Nicholas at Austin sa paglalakad. Naramdaman niya ang pagkakahawak ni Nicholas sa braso niya dahilan para mag-angat siya ng tingin. Wala na siyang pakialam kung ano ang mayroon ngunit kaagad niya iyong pinagsisihan.

Sandaling humiwalay si Nicholas sa kaniya at naglakad papalapit sa isang nakahandusay na bangkay. Si Austin ang nasa tabi niya, nakatingin din kay Nicholas at mukhang nagtataka.

Napasinghap si Anya nang makumpirma kung sino iyon. Pamilyar sa kaniya ang suot na pang-itaas pati na ang singsing na suot.

"Kilala n'yo?" pabulong na tanong ni Austin habang nakatingin kay Nicholas tulad niya. "Wait, siya ba 'yung hinahanap ni Nicholas kaninang umaga?"

Mabagal na tumango si Anya. Kita niya kung paanong mabagal na lumuhod si Nicholas. Lumapit sila ni Austin at nakita ang ilang saksak sa tagiliran ni Patrick pati na rin ang mga pasa sa katawan. Putok ang kilay nito at dumudugo ang ilong.

"Walang mga gamit?" Ipinalibot ni Austin ang tingin sa paligid. "Mukhang ninakawan siya. Marami ba siyang dala? Kasama n'yo ba siyang kukuha rin ng relief?"

"Oo, magkakasama kami kahapon," sagot ni Anya. Bumibilis ang tibok ng puso niya. Ibinalik niya ang tingin kay Nicholas na hawak ang kamay ng kaibigan. "Nicholas? A-Ano'ng gagawin natin?"

Nicholas gazed at her sideways and cleared his throat. Tumayo ito at tumingala habang nakapameywang. Malalim na huminga, pumikit. Hindi niya alam kung ano ang tumatakbo sa isip ng boyfriend niya, pero pareho silang naghintay ni Austin. Sandali pang tumalikod si Nicholas, yumuko habang nakahawak ang dalawang kamay sa sariling tuhod, at suminghot.

Naramdaman ni Anya ang paninikip ng dibdib habang nakatingin kay Nicholas, pero hindi niya magawang lumapit. Pabulong na sinabi ni Austin na huwag dahil baka may mga nakatingin o makakita at malamang babae siya.

Bigla niyang naisip si Faith. Anya knew that like her, si Patrick na lang ang mayroon si Faith. Tinitigan niya si Nicholas dahil kung ito ang nawala sa kaniya, mukhang hindi niya kakayanin. Mas lalo siyang natakot para sa mga susunod pa.

"Nicholas?" kuha ni Austin sa atensyon nito. "Hindi tayo puwedeng magtagal dito. Ano'ng plano mo?"

Suminghot si Nicholas at tumingin kay Anya. "P-Puwede ba natin siyang iuwi? M-Medyo malapit naman na tayo. P-Para kay F . . . F-Faith?"

Isang tango ang naging sagot ni Anya. Hindi na rin nagtanong pa si Austin at tinulungan na lang si Nicholas sa pagbuhat. Kita ang hirap at bigat, pero pinasan ni Nicholas si Patrick sa likuran nito. Suporta si Austin, ibinigay naman nito ang bag na hawak ni Nicholas sa kaniya para isuot paharap.

Ilang beses tinanong ni Nicholas kung ayos lang ba siya at tango lang ang naging sagot niya. Sumunod siya sa paglakad. Nakikita niya ang hirap ni Nicholas. Tahimik itong nakatingin nang diretso papunta sa building nila. Malapit na malapit na.

Nagsisimula na ring dumilim. Mukhang uulan na naman kaya nakipagpalitan si Austin kay Nicholas na ikinagulat ni Anya. Wala sa itsura nito ang tumutulong. Ni hindi niya inasahang sasama ito sa kanila, pero mukhang magaan ang loob dito ni Nicholas at mayroon siyang tiwala roon.

Base rin kasi sa observation ni Anya, parang palaging galit si Austin. Palaging nakakunot ang noo, tahimik, at mahigpit ang pagkakahawak sa itak.

Pero sa pagkakataong ito, ibinigay nito ang itak kay Nicholas para buhatin ang bangkay ni Patrick. Paminsan-minsan niyang nililingon si Nicholas na tahimik lang at diretsong nakatingin sa daanan hanggang sa makarating sila sa building.

Sa gate, hinarang sila dahil unfamiliar si Austin.

"Alam mo ang rules dito, Nicholas," sabi ni Kuya Ver, isa sa mga bantay. "Kung ilan ang lumabas, iyon lang ang papasok."

Akmang ibababa ni Austin ang bangkay ni Patrick nang pigilan iyon ni Nicholas. Hinarap nito muli si Kuya Ver.

"Sinugod kami 'tapos pinagtangkaan si Anya." Lumingon ito sa kaniya. "Austin saved her, Kuya Ver. Please po, I'll vouch for him. He's a friend. Makakatulong din siya sa atin dito lalo na at . . . at . . ."

"Ano'ng nangyari kay Patrick?" tanong nito.

Umiling si Nicholas. "Nagkahiwalay kami. Nakita na lang namin siya sa daan. Mukhang ninakawan."

"Baka nakakuha siya ng relief," sabi ni Kuya Ver. "Nicholas, sinasabi ko sa 'yo. Ngayon lang 'to dahil sa ginawa niya kay Anya, pero alam mo ang rules. Kapag may ginawa 'tong kalokohan, ikaw ang magbabayad."

Tumango si Nicholas at pagpasok sa compound, kaagad nilang nakita si Faith na naghihintay sa pinto. Maingat namang ibinaba ni Austin ang bangkay ni Patrick sa lapag. Naglapitan ang ilang kasamahan sa building at tinatanong si Nicholas kung ano ang nangyari.

Nicholas explained what happened and while everyone was busy asking about Patrick, Anya was staring at Faith who immediately lost her smile upon realizing what was happening. She looked so happy and excited to see Patrick.

Naalala ni Anya na sa tuwing naghihintay sila ni Faith kina Nicholas at Patrick sa ground floor ng building, masaya itong nakikipagkuwentuhan sa kaniya tungkol sa dati nitong buhay. At sa tuwing makikita na si Patrick, tatakbo ito papalapit, mahigpit na yayakap, at masayang itatanong kung kumusta ang lakad.

Sa pagkakataong ito, nakatitig na lang si Faith kay Patrick. Mas ikinagulat niyang basta na lang itong tumalikod at pumasok sa loob ng building.

Kinuha ng isang kasamahan nila ang stretcher at doon inilagay si Patrick habang hinihintay si Faith. Nagsabi na rin ang ilang kasamahan nilang maghahanda ng paglilibingan lalo na at hindi nila alam kung gaano na katagal patay si Patrick. Hindi puwedeng magtagal na naka-expose.

Sanay na sila roon. Sa ilang namayapa sa building nila, wala nang lamay at diretso libing na. Masuwerte pa nga kung maililibing nang maayos dahil karamihan ng nasa labas, nabubulok lang sa daan.

Lumapit si Nicholas kay Anya at tinulungan itong tanggalin nakatakip sa mukha. "Inom ka muna ng tubig. Nagugutom ka ba? May noodles pa naman yata tayo sa itaas, kain na rin tayo mamaya."

"Paano pala si Austin?" tanong ni Anya.

"Maghahanap daw ng bakante si Kuya Ver sa itaas para kay Austin, pero humindi siya. Kahit sa gilid lang daw siya basta may space para tulugan, okay na," ani Nicholas. "Upo ka muna roon, mahal. Asikasuhin lang namin sandali si Patrick."

"Gusto kong puntahan si Faith," malungkot na sambit ni Anya. "D-Dadamayan ko muna?"

Tumango si Nicholas at hinalikan ang noo niya bago nagpaalam para tumulong sa paghukay. Alam niyang nasaktan ito sa pagkawala ng kaibigan, pero tulad ng sinabi ng isa nilang kasama, "Isa na naman . . . ."

Naramdaman niya ang pagkalam ng sikmura, pero pupuntahan muna niya si Faith.

Humarap siya para kunin ang mga gamit at tumingala sa langit. Naghahalo ang araw at dilim. Uulan mamaya, sigurado siya. Pero hindi iyon ang napagtuunan niya ng pansin.

Diretso siyang nakatingin sa langit nang makita ng peripheral niya si Faith na nakatayo sa balcony ng kwarto nito. Nakayuko ito sa kanila, nakatingin, nang tipid itong ngumiti sa kaniya.

"Faith," bulong ni Anya. "Nicholas!"

Sabay na tumingin ang lahat kay Anya nang sumigaw ito ngunit huli na. Bumagsak sa harapan nilang lahat, sa harapan mismo ni Anya, si Faith.

Nicholas ran towards Anya, who looked shocked. He immediately hugged her, covered her face with his body, and kissed her forehead.

"Shhh." Nicholas breathed.




T H E X W H Y S

www.thexwhys.com

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #thexwhys