Kabanata 9: Mahika at Hiwaga

[Kabanata 9]

ILANG ulit napapapikit si Libulan dahil sa lakas ng liwanag na nagmumula sa ring light. Hindi na siya nakapalag pa nang dumating ang mga make up artist at mabilis siyang pinaupo saka nilagyan ng kolerete sa mukha at inayos ang buhok.

Animo'y hindi siya makagalaw sa kinauupuan sa bilis ng pangyayari. Maka-ilang beses niya ring sinubukang magsalita ngunit nasasapawan siya ng lakas ng boses at tawanan ng mga make up artist na nagkukuwentuhan.

"Bago ka ba? Anong pangalan mo?" Tanong ng isa habang sinusuklay ang buhok ni Libulan. "Infairness, puwede ka mag-artista! May lahi ka ba?" dagdag ng isa habang mabilis na nilalagyan ng foundation ang mukha ni Libulan.

"Maka-lahi naman 'to, ano 'yan Shih Tzu?" tawa ng isa habang namimili ng mga damit na ipapasuot sa mga model.

"M-mawalang galang na, maaari ko bang malaman kung kailangan pa ba gawin ang mga ito?" tanong ni Libulan matapos isanggi ang kamay sa nakasisilaw na liwanag.

"Of course! Mas gagwapo ka 'pag may make up!" Magtatanong pa sana muli si Libulan kung ano ang sinabi nito ngunit lumapit na ang may hawak ng mga damit at tinapat sa kaniya ang tatlong coat upang tingnan kung bagay ito.

"Perfect! Mas bagay sa 'yo ang blue!" patuloy ng fashion artist na nagawa pang artehan ang pagkakasabi ng blue.

"Hindi na rin kita lalagyan ng contact lens, brown eyes ka pala!" ngiti ng make up artist. "Bagay nga rin sa brown hair niya, nag-dydye ka ba ng buhok?" usisa ng hair stylist saka sinuri at pa-simpleng inamoy ang buhok ni Libulan na kakaiba at mabango.

Bago pa makaangal si Libulan ay pinatayo na siya at sapilitang binihisan. Gusto niyang sumigaw at humingi ng tulong kay Kuya Empi na nakasandal sa pintuan habang nakangiti hawak ang phone at may kausap sa videocall.

Nang matapos siyang ayusan at bihisan ay tulalang napabagsak si Libulan sa mataas na upuan. Napatitig siya sa malaking salamin kung saan parang ibang tao ngayon ang nakikita niya sa sariling repleksyon.

Nakahawi ang kaniyang buhok at mas lalong naging kapansin-pansin ang magagandang mata, matangos na ilong, at jawline. Maganda rin ang sukat sa kaniya ng kulay puti at asul na amerikana.

"Mahal siguro talent fee mo?" tawa ng isa saka nilagyan ng pabango si Libulan na napapakit muli dahil sa lakas ng perfume spray. "Siguro bente mil offer sa 'yo ni Madam Monet!" usisa ng isa. Mas lalo silang natutuwa dahil parang batang nalilito si Libulan sa dami ng kumakausap sa kaniya.

"Bente mil?" Wika ni Libulan sa sarili nang mapagtanto na hindi pala niya natanong nang maayos kung magkano ang sasahurin niya sa kakaibang pabor na hiniling ng kaibigan ni Mrs. Gera.

Hindi lubos maisip ni Libulan kung gaano kalaking halaga ang dalawampung libong piso. Tiyak na hindi na siya maghihirap kailanman. Sobra pa ang salaping iyon upang makabili siya ng isang isla at ipangalan iyon sa kaniya.

Sunod na dumating ang dalawa pang modelo na aayusan nila kung kaya't pinatayo na nila si Libulan. Agad lumapit si Libulan kay Kuya Empi na parang uod na nakahilig sa dingding at kinikilig sa kausap.

"Kuya Empi..." Hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin dahil biglang tumayo nang tuwid si Kuya Empi at inilayo kay Libulan ang camera upang hindi ito mahagip. "Bro, dyan ka lang," wika ni Kuya Empi sa takot na magustuhan ng kaniyang chicks si Libulan. "Sweetie Pie, tawag ako mamaya ha, I love you!" ngiti ni Kuya Empi na akmang hahalikan ang phone.

"Ikaw ay may kasintahan na?" tanong ni Libulan. Ngumisi si Kuya Empi na gwapong-gwapo sa sarili. Nagawa niya pang hawiin ang kaniyang buhok na may sabit. "Hindi pa kami official pero mutual na ang feelings namin. Papunta na rin doon." Tugon ni Kuya Empi na puno ng kumpyansa sa sarili.

"Ang iyong ibig sabihin ay nililigawan mo pa lamang siya?"

"Oo, pero alam kong gusto niya rin ako kaya may pag-asa talaga ako. Ganito talaga kapag sobrang pogi at habulin ng mga chicks!" ngisi ni Kuya Empi na napasingkit pa ang mga mata animo'y nasisilaw. Nagtaka ang hitsura ni Libulan sa pagpungay-pungay ng mata ni Kuya Empi na tila aso na bagong gising.

"Kuya, pakibuhat nga po ito," wika ng staff na napadaan sabay pasa kay Kuya Empi ng dalawang malaking kahon na naglalaman ng mga bulaklak. "Pakilagay po sa storage room, salamat!" mabilis itong naglakad papalayo para asikasuhin ang ilang props.

Sunod na tinawag si Libulan para sa debriefing. Halos wala siyang maintindihan. Bukod sa mabilis magsalita at hindi pamilyar na salita ang sinasabi ng lalaking may suot na earpiece, lumilipad din ang utak niya sa salapi na kaniyang kikitain.

Una niyang naalala si Sabrina. Ililibre niya ito sa masarap na restaurant at ipapasyal. Babayaran niya rin ito sa mga inabohonan ni Sabrina para sa kaniya. Magmula nang makarating siya sa modernong panahon ay halos si Sabrina ang sumalo ng lahat ng gastusin.

Ilang sandali pa, natanaw ni Libulan sina Sabrina at Kuya Empi na nakatayo sa tabi ng mga mesa at upuan. Patuloy pa ring nagsasalita ang kausap ni Libulan hanggang sa dumaan ang dalawang lalaki bitbit ang mahabang hagdan. Hindi nila napansin si Sabrina na nakatayo sa gilid, at nang humakbang ito paatras ay napakabig sa silya at napaupo sa lupa.

Isang malakas na sigaw at pagbagsak ng upuan ang umalingawngaw sa paligid dahilan upang mapatigil ang lahat sa kani-kanilang mga ginagawa. Mabilis na lumapit si Libulan at inilahad ang kaniyang palad upang tulungang tumayo si Sabrina.

Animo'y tanging silang dalawa lang ang naroroon habang ang musikang umaawit ang siyang nagdadala sa kanila sa kakaibang mundo na tanging sila lang ang nakaaalam. Dahan-dahang inabot ni Sabrina ang kaniyang kamay kay Libulan na inalalayan siyang tumayo habang pumipintig nang malakas ang kaniyang puso.

"Are you okay, Hija?" natauhan sila nang marinig ang boses ng photographer. Nakatingin ang lahat na animo'y nanonood sila ng shooting. Agad binawi ni Sabrina ang kamay niya at napapikit sa hiya.

Tumango na lang siya nang marahan bilang tugon. Muling bumalik ang lahat sa kani-kanilang ginagawa. "Ikaw ba'y ayos lang?" tanong ni Libulan. Tumango lang din si Sabrina, hindi niya malaman kung bakit hindi niya magawang tingnan nang diretso ang binata na dati naman niyang nagagawa.

"Next, Mr. Dela Torre!" Tawag ng assistant habang hinahanap si Libulan. "I-ikaw na ang sunod," wika ni Sabrina. Lumingon si Libulan sa assistant at photographer na sumenyas sa kaniyang lumapit na.

Muling sumulyap si Libulan kay Sabrina at tumango nang marahan bago naglakad patungo sa gitna. Sinundan ni Sabrina ng tingin si Libulan na ngayon ay tinuturuan kung saan pupuwesto. May pinakitang mga posing ang assistant kay Libulan. Bakas sa hitsura ni Libulan na nag-aalinlangan siyang sundin ang mga suhestiyon nila subalit kailangan niya gawin upang makuha ang bente mil.

Nagulat si Sabrina nang maramdaman ang mainit na hininga sa tainga niya, "Nakakahiya 'yong kanina, Sab. Buti na lang dinamayan ka ni Li sa kahihiyan," bulong ni Kuya Empi na gusto pang ipaalala ang nangyari. Muling namula ang mukha ni Sabrina. Hindi niya malaman kung kumakabog ang puso niya dahil sa nakakahiyang pangyayari o dahil sa ginawa ni Libulan.

Matapos ang ilang kuha ay tinawag ang isang babaeng modelo na nakasuot ng wedding dress. Gulat na napaatras si Libulan nang hawakan ng babae ang balikat niya para sa photoshoot. "Bakit?" tanong ng photographer, muling napatigil ang lahat. Ngayon ay nakatingin sila kay Libulan na namumutla. "Kayo ang magiging highlight ng advertisement. Sige na, closer!" saad ng photographer na nagmamadali na rin dahil kailangan matapos nila ang lahat ng kailangang shot bago tuluyang sumikat ang araw.

Napatingin si Libulan kina Sabrina at Kuya Empi. Sumenyas si Kuya Empi upang palakasin ang loob ni Libulan na sa palagay niya ay mahiyain. Napatingin si Sabrina sa kaliwa't kanan hanggang sa gayahin na lang niya si Kuya Empi at ipakita ang suporta kay Libulan.

Napalunok na lang si Libulan nang magpatuloy ang photoshoot. Wala na siyang nagawa kundi sundin ang posing na tinuturo ng mga taong nakapalibot sa kanila. Naalala niya ang sinabi ni Sabrina na hindi na ganoon kakonserbatibo ang mga tao sa panahon ngayon.

Mabuti na lang dahil maganda ang pagkakaayos sa kaniya at maraming ilaw sa paligid dahilan upang hindi gaano mahalata ang kaniyang pamumutla. Ang babaeng kapareha niya ay sanay na sa pagmomodelo at walang itong malisya kahit gaano sila kalapit sa isa't isa. Madalas magpalakpakan ang mga naroroon at napapatalon pa sa tuwa ang photographer dahil sa magagandang kuha. Maging si Mrs. Monet ay abot-tainga ang ngiti dahil sa magandang resulta.


ARAW ng Lunes, kumikinang ang mga mata nina Libulan at Kuya Empi nang dumating na ang sobre na siyang naglalaman ng bayad kay Libulan sa kaniyang pagmomodelo. Nagawa pa nilang singhutin ang kakaibang amoy ng pera na para bang nireresolba nito ang lahat ng problema.

"Wow! Fifteen thousand! Makukuha mo raw 'yong kasunod na bayad sa sunod na photoshoot sa Linggo," ngiti ni Kuya Empi sabay hampas sa balikat ni Libulan dahil sa tuwa. Mabagal na bumaba sa hagdan si Sabrina habang pinapakinggan ang pag-uusap ng dalawa. Paulit-ulit nilang binibilang ang pera na para bang dadami iyon.

"Magshopping tayo! Ano bang gusto mong bilhin?" tanong ni Kuya Empi saka inulit ang pagbibilang. Maka-ilang beses niya ring nilalawayan ang dulo ng pera habang masusi itong binibilang.

"Nais ko sanang bumili ng bagay na ginagamit niyo upang makapagpadala ng mensahe," tugon ni Libulan sabay turo sa phone ni Kuya Empi na nakalapag sa mesa. "What a wise decision! Kailangan mo nga ng phone bro kasi lagi kang naliligaw. At para may pang-chicks ka na rin!"

Nagpatuloy ang dalawa sa pag-uusap kung saan sila bibili at kung anu-ano pang mga gamit ang kailangan ni Libulan. Kunwaring walang pakialam si Sabrina, inilapag niya ang kaniyang bag sa mesa at kunwaring naghalughog ng gamit. Patuloy pa ring nag-uusap sina Libulan at Kuya Empi tungkol pupuntahan nilang mall.

Ilang ulit na sumulyap si Sarina sa dalawa sa pag-asang tatanungin siya ng mga ito ay aanyayahan. Ngunit nag-uusap lang ang mga ito na para bang hindi siya nakikita. Nilabas ni Sabrina ang mga gamit niya sa bag at isa-isang nilagay ang payong, water bottle, at mga notebook sa mesa.

Napatingin si Libulan, "Ikaw ba ay may nakaligtaan?" tanong nito saka pinagmasdan ang ginagawa ni Sabrina na tila ba may nawawala itong gamit. "Ah, nakita ko na," saad ni Sabrina saka pinakita ang ballpen.

"May alam akong murang bilihan sa Divisoria," saad ni Kuya Empi na nagpatuloy sa pagsasalita. Muling tumingin si Libulan kay Sabrina na padabog nagbabalik ng gamit sa bag. "Nais mo bang sumama mamaya? Kami'y magtutungo sa pamilihan," wika ni Libulan. Napatigil si Sabrina saka kunwaring nag-isip.

"Busy ako..." hindi na natapos ni Sabrina ang sasabihin niya dahil sumabat si Kuya Empi. "Wag mo na isama 'yan, baka hindi tayo makaporma sa mga chicks, KJ din 'yan at baduy pumili," saad ni Kuya Empi dahilan upang mapasingkit ang mga mata ni Sabrina sabay sarado ng bag.

"Sino bang may sabing sasama ako? Busy ako." Saad niya saka mabilis na naglakad papalabas. Napakurap ng ilang ulit si Libulan. "So ayun na nga, 'yong sinasabi ko sa 'yo kanina, may magandang tindera roon sa Divisoria na binilhan ko dati ng charger," patuloy ni Kuya Empi na nagpatuloy lang sa pagkukuwento kahit pa nakatulala lang si Libulan sa labas.


NAKAKUNOT ang noo ni Sabrina nang pumasok sa klase. Wala pa ang kanilang professor. "Kinakabahan ako sa result ng exam. Hindi ka ba kinakabahan, girl?" tanong ni Kyla na tumigil lang sandali sa pagkikilay.

"Bahala na si batman," saad ni Sabrina saka napasandal sa silya. Nagsisisi siya ngayon kung bakit pa siya nagpakipot at nagsabing busy siya gayong gusto naman talaga niya sumama.

"Kumusta pala 'yong boyfriend mo? Kapag pumasa tayo, ilibre natin siya." Saad ni Kyla saka sinagi nang marahan si Sabrina upang asarin.

"Hindi ko siya boyfriend," saad ni Sabrina saka napabuntong-hininga. Naalala na naman niya ang paglahad ni Libulan ng palad nito sa harap niya. Hindi niya maintindihan kung bakit kumakabog nang malakas ang puso niya. Nagkaroon naman siya ng mga crush noong elementary at high school pero hindi katulad ng nararamdaman niya ngayon.

"Weh? Boyfriend nga pakilala niya sa mga guard, 'di ba?" paalala ni Kyla. Muling napabuntong-hininga si Sabrina saka kunwaring nagbasa ng mga notes. Pinipilit niyang libangin ang sarili upang hindi maisip si Libulan at ang mga ginagawa nitong naghahatid sa kaniya ng kakaibang pakiramdam.

"Working student din ba siya? Saan siya nag-aaral? Hindi ko kasi ma-interview ang jowa mo noong tinuturuan tayo kasi ang sungit at nakakatakot siya maging prof. Napansin mo ba na very traditional na parang pang-sinaunang panahon 'yong teaching method at classroom management niya?"

"Hindi ko alam. Wala akong pakialam sa kaniya. Sumasakit na ulo." Wika ni Sabrina saka sinubsob ang mukha sa arm chair. Naguguluhan na siya sa nararamdaman niya at mas lalong nakakadagdag ng pagkalito niya ang pag-uusisa ni Kyla.

Samantala, lingid sa kanilang kaalaman, nakatayo si Tristan sa tapat ng pintuan habang nakatingin kay Sabrina. Hindi na sila magkaklase at wala na rin naman silang pag-uusapan kung kaya't hindi niya alam kung paano ito makakausap muli.

Akmang aalis na sana siya nang mapadaan si Kelly kasama ang mga kaibigan nito. "Kelly, puwede ba kitang makausap?" tanong ni Tristan. Hindi ngumiti si Kelly ngunit sumunod siya kay Tristan hanggang sa makarating sila sa tapat ng balkonahe.

Inilapag ni Tristan sa balkonahe ang pulang flash drive. Napalunok si Kelly saka umiwas ng tingin, "Ano 'yan?" tanong ni Kelly na mabilis nakapagpalit ng reaksyon.

"Alam mo ba kung kanino 'yan? Kung anong mga laman niyan?" tanong ni Tristan habang inuusisa ang reaksyon at kilos ni Kelly. Pilit niyang hinahanap ang dahilan kung bakit niya nagawang ligawan ito gayong sa umpisa pa lang marami na ang nagsasabi na hindi maganda ang ugali ni Kelly.

Totoong mas maganda si Kelly kaysa kay Sabrina. Malambing din ito at palaging gustong magkasama sila. Subalit, hindi maunawaan ni Tristan kung bakit ang mga katangiang iyon ang dahilan kung bakit unti-unti niyang napagtanto na nawawala na ang paghanga niya sa dalaga. Hanggang sa nakagdagdag din ang pagiging selosa nito na madalas nilang pinag-aawayan. Hindi niya rin masabayan ang mga luho ni Kelly lalo pa't may kaya ang pamilya nito.

"No. Ngayon ko lang nakita 'yan." Sagot ni Kelly na mukhang hindi interesado. "Yan lang ba sasabihin mo?" patuloy niya at akmang aalis n asana ngunit napatigil siya nang magpatuloy sa pagsasalita si Tristan.

"Alam kong alam mo ang tinutukoy ko," saad ni Tristan saka naglakad papalapit kay Kelly at tiningnan ito nang diretso sa mata na para bang sinasabi niya na hindi na ito makakatakas sa katotohanan. "Kaya mo ba ginawa 'yon dahil nagseselos ka kay Sabrina?"

Napalunok si Kelly saka muling umiwas ng tingin. Namumula na ang mukha niya sa magkakahalong inis, galit, at hiya. Naiinis siya dahil kinokompronta siya ngayon ni Tristan. Nagagalit siya dahil nagagawa ito ni Tristan dahil kay Sabrina. At nahihiya siya dahil may nakatuklas sa ginawa niya.

"Oo. Ako nga. Are you going to tell them? Mali ba 'ko? Mali bang isumbong ko sila? They're cheating!" Hindi na napigilan ni Kelly ang pagtaas ng kaniyang boses at panlilisik ng kaniyang mga mata. Maging siya ay hindi makapaniwala na magagawa sa kaniya ito ni Tristan na minsan niyang tinuring kaniyang mundo.

Humakbang papalapit si Kelly, "Tell me, are you doing this because of her, right?" umiwas ng tingin si Tristan saka ibinulsa ang flash drive.

"Ginagawa ko 'to kasi unfair ang ginawa mo sa kanila!"

"Are you serious? Nangongopya sila! They have to be punished!"

"Sana kinausap mo na alng sila o kaya ni-report mo diretso sa dean. Hindi 'yong pinahiya mo sila at pinagkalat pa sa lahat. I know you have bad intentions!" sigaw ni Tristan dahilan upang mapatahimik si Kelly sa gulat. Hindi niya akalain na ang isang kalmado at mabait na lalaking minahal niya ay magagawa makipagtalo at sumigaw sa harap niya.

Sandaling naghari ang katahimikan. Napahilamos ng mukha si Tristan sa inis. Pakiramdam niya ay siya ang punong dahilan kung bakit pinag-iinitan ni Kelly si Sabrina. Muntik pang mapatalsik sa pag-aaral ang dalawa niyang dating kaibigan nang dahil lang sa selos.

"So you still care for her? Gusto mo pa rin siya." Bakas ang panginginig sa boses ni Kelly. Hindi siya nakinig sa payo ng mga kaibigan niya na maaaring hindi pa nakaka-move on si Tristan sa babaeng niligawan nito. Hindi niya pinansin ang mga kilos ni Tristan na madalas parang napipilitan lang makinig sa mga kuwento niya at samahan siya.

Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Kelly na matagal na niyang pinipigilan. Malinaw na sa kaniya na ginawa lang pala siyang rebound. Matagal na rin siyang naghihinala at nakikiramdam. Hindi niya akalain na mas masakit pala sa oras na makumpirma niya na totoo ang kaniyang mga hinala.

Nanginginig na tumalikod at naglakad si Kelly papalayo. Hindi na maawat ang pagbagsak ng luha sa kaniyang mga mata. Ramdam niya ang pangingibabaw ng kaniyang galit at poot. At ngayon, sisiguraduhin niya na hindi lang siya ang luluha. Hindi niya ugali ang manahimik. Sisiguraduhin niya na magbabayad si Tristan at ang babaeng kinahuhumalingan nito. Kung iyon lang din ang tanging paraan para mas lalo niyang masaktan ang lalaking nagtangkang paglaruan ang kaniyang damdamin.

Pagkatapos ng klase ay lakas-loob nang nag-text si Sabrina kay Kuya Empi. Buong araw niya pinag-iisipan kung paano siya makakasama. Gusto talaga niya sumama ngunit ayaw niyang ipahalata ito.

Saan kayo?

Hindi mapakali si Sabrina. Alas-kuwatro na ng hapon at siguradong nasa Divisoria na ang dalawa. Agad niyang kinuha ang phone nang makitang nag-reply na si Kuya Empi.

Bkt?

Tatlong ulit na binura ni Sabrina ang nauna niyang gustong sabihin.

Maaga kami natapos. Sunod ako diyan. Pupunta kayo sa mall, 'di ba?

Ilang minuto pa ang lumipas bago nakapag-reply si Kuya Empi.

Wag na. Magbobonding kme ngaun. Wag kang epal.

Napakunot ang noo ni Sabrina saka mabilis na nagtipa.

Sige. Sasabihin ko na lang kay Aling Lucy na ikaw ang nakabara ng inidoro kahapon.

Hindi man niya nais sabihin iyon ngunit wala na siyang ibang maisip na paraan. Gusto niya talagang sumama ngayon sa kanila.

Tae. d2 kme sa 168. Hintayin ka namin sa fud court. Bilisan mu.

Napangiti si Sabrina sa sarili. Matagal na niyang nalalaman ang isa sa kahinaan ni Kuya Empi. Takot ito kay Aling Lucy na hindi naaawat ang panenermon kapag galit. Dali-daling tumakbo si Sabrina papalabas. Hindi niya rin namalayan na nakangiti siya habang inuunahan ang ibang mga estudyante na pauwi na rin.

Nadaanan niya si Tristan na naghihintay sa labas ng gate. Inaabangan siya nito. Sinubukang kumaway ni Tristan ngunit hindi siya napansin ni Sabrina dahil sa pagmamadali nito.


SANDALING inilibot ni Sabrina ang kaniyang paningin sa paligid. Hindi naman siya nabigo dahil agad niyang nasumpungan sina Libulan at kuya Empi sa kabila ng dami ng tao. Abala ito sa pagkain ng meryendang mami.

Agad kinuha ni Sabrina ang phone niya upang tingnan ang sarili kung maayos ba ang kaniyang buhok o kung malinis ang kaniyang mukha. Inilabas niya rin ang pabango mula sa bag at nag-spray sa sarili bago naglakad papalapit sa dalawa.

"Nakabili na kayo ng phone?" tanong ni Sabrina. Napangiti si Libulan nang makita siya.

"Akala namin ikaw ay abala," saad ni Libulan. Umupo si Sabrina sa tabi ni Kuya Empi na akmang magsasalita. "Maaga kami natapos at nagawa ko na rin lahat ng dapat ko gawin," tugon ni Sabrina kahit ang totoo ay hindi niya pa nasisimulan ang kaniyang mga takdang-aralin.

"Hindi pa kami nakakabili kasi text ka ng text. Tapos nagutom na naman itong si Li, pangatlong meryenda na namin 'to," wika ni Kuya Empi saka tinuro ang lagayan ng pansit at siomai na nauna na nilang kinain.

"Tamang-tama pala ang dating ko," saad ni Sabrina saka mabilis na sumulyap kay Libulan. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit wala siyang masabi. Hindi tulad noon na nagagawa niyang makipagtalo kay Kuya Empi sa harapan ni Libulan.

Ilang sandali pa, nagsimula na silang tumingin-tingin sa mga estante na nagbebenta ng mga mobile gadgets. Halos walang kurap na pinagmamasdan ni Libulan ang napakaraming phone na magkakamukha na sa kaniyang paningin.

Marami ring tao ang bumibili ng kani-kanilang phone. Bawat estante ay may palitan ng salapi. "Magkano ba ang budget... Ang ibig kong sabihin, magkano ang balak mong ilabas na pera?" tanong ni Sabrina. Inilabas ni Libulan ang sobre, "Ako'y may labing-limang libong piso, nais ko sanang gastahin ang isang daan."

"Wan handred?!" Gulat na saad ni Kuya Empi, siya ang nagbayad ng meryenda nila kanina dahil puri tig-iisang libo ang pera ni Libulan.

Napakurap si Sabrina, "Alam mo ba kung magkano ang presyuhan ng mga phone ngayon?"

Umiling si Libulan. Tumingin si Sabrina kay Kuya Empi na siyang nag-aya na mamili sila ngayon, "Hindi mo sinabi sa kaniya?" tanong ni Sabrina kay Kuya Empi na napakamot na lang sa ulo.

"Nakalimutan ko e, saka kasya naman 'yang pera niya. Sobra pa nga 'yan e," ngisi nito. Napatingin si Sabrina kay Libulan. Naalala niya ang isa sa mga naging reklamo kay Libulan sa presinto noon, bukod sa hindi ito nakabayad sa karinderia, nakipagtalo pa ito sa tindera na napakamahal ng presyo ng mga panindang ulam.

"Akin na ang sobre," saad ni Sabrina. Walang pag-aalinlangang binigay ni Libulan ang salapi sa kaniya. "Saka ko na sasabihin sa 'yo ang presyo kapag nagustuhan mo na 'yong phone na bibilhin mo," patuloy ni Sabrina na nauna nang maglakad.

Halos isang oras silang naglibot sa mga estante upang makahanap ng mura at magandang klase. Hindi naman sila nabigo dahil nagawang makatawad ni Kuya Empi gamit ang kaniyang pagbibiro at pambobola sa mga tindera.

Hindi mawala ang ngiti ni Libulan nang mahawakan na niya ang bagay na nagsasabing siya ay nabibilang na rin sa makabagong panahon. Ngunit, hindi nagtagal iyon. Halos humiwalay ang kaluluwa sa kaniyang katawang-lupa nang makita kung gaano karaming pera ang inilabas ni Sabrina mula sa kaniyang sobre.

"Labing-dalawang libong piso," wika ni Sabrina saka ibinalik ang sobre na naglalaman na lang ng tatlong perang papel. "Labing dalawang libo?! Paanong..." Gulat na saad ni Libulan na napahawak pa sa kaniyang ulo. Sa lakas ng kaniyang boses ay napalingon pa ang ilang bumibili sa katabing estante.

Ang sandaling ligaya ay napalitan nang pagkaguho ng kaniyang mga pangarap at plano para sa sahod na umabot ng libo. "Sobrang mahal na ng bilihin ngayon. Ito ang reyalidad ng makabagong panahon," wika ni Sabrina saka tinapik nang marahan ang balikat ni Libulan.

Nagtungo sila sa Binondo kung saan may night market street food. Nakatayo sila ngayon sa isang estante na nagtitinda ng barbeque. "Magkano ho ang isa?" tanong ni Libulan na ganadong manlibre. Hawak na niya ang sobre na naglalaman na lamang ng tatlong libong piso.

"Trenta kada piraso," tugon ng ale. Napatigil si Libulan. Hindi pa rin matarok ng kaniyang isipan kung gaano kalaki ang itinaas ng bilihin mula sa panahon na kaniyang kinalakihan. Naglalaway na si Kuya Empi lalo pa't nakakaakit ang amoy ng mga inihaw.

"Tatlumpung piso ang aking baon sa loob ng dalawang buwan noong ako'y nag-aaral. Aking hindi akalain na katumbas lang ito ng isang pirasong inihaw sa panahon ngayon." Wika ni Libulan kay Sabrina. Bakas pa rin ang pagkabigla at pagkabalisa sa kaniyang mukha.

Napatingin ang ale sa tatlo na nakatayo sa tapat ng ihawan. Lalo na ang matangkad na binata na sa tindig at bihis ay mukhang kumikita naman nang malaki. Napailing na lamang siya dahil imposibleng mapagkasya ang tatlumpung piso sa dalawang buwan.

Hindi nagtagal ay napawi na rin ang pagkabalisa ni Libulan nang matikman iba pang pagkain na pinagtuturo nina Sabrina at Kuya Empi. Halos hindi na niya alam kung paano bibitbitin ang fishball, kwek-kwek, kikiam, at takoyaki. Bumili rin sila ng milktea at ice cream.

Umupo sila sa bakanteng mesa at silya. Nakadaragdag sa ganda ng lugar ang mga Red Chinese Lantern na nakasabit sa ere. Kasabay ang musika na mas lalong nagbibigay sigla sa paligid. Inusisa nila ang bagong phone ni Libulan habang nagsasalo sa pagkaing kanilang pinagbibili. Nagpaalam sandali si Kuya Empi dahil tumatawag ang kaniyang nililigawan.

"Pindutin mo lang 'to nang matagal. Ako ang un among matatawagan," wika ni Sabrina matapos ilagay sa press 1 ang kaniyang numero. Ganda ang pangalan na nilagay niya sa contact list ni Libulan.

"Bakit ganda?" tanong ni Libulan nang ibalik ni Sabrina ang phone.

"Gano'n talaga. Kailangan may alyas na nilalagay sa listahan ng mga pangalan na papadalhan mo ng mensahe," paliwanag ni Sabrina na napapangiti sa sarili.

"Maglagay ka rin ng wallpaper," ngiti ni Sabrina saka kinuha muli ang phone sa kamay ni Libulan at kinuhanan niya ito. "Hayan, ang ganda rin ng background!" patuloy ni Sabrina saka ginawang wallpaper sa phone ni Libulan ang mukha nito.

"Ikaw, ano ang nasa sa 'yo?" tanong ni Libulan. Pinakita ni Sabrina ang wallpaper niya. Dalawang batang babae na nakasuot ng gown tulad nina Cinderella at Snow White. "Ito ako. Ito naman ang ate ko," ngiti ni Sabrina.

"Ang iyong kapatid ay iyong nahahawig. Siya'y maganda rin." Saad ni Libulan. Napasingkit ang mata ni Sabrina saka tumikhim.

"Sinong mas maganda sa 'min?" tanong ni Sabrina. Akmang sasagot na si Libulan ngunit bigla siyang nakaramdam na para bang siya'y nasa bangin. Kailangan niyang mag-ingat at hindi maaaring magkamali ng hakbang.

"Kayo'y parehong maganda sapagkat kayo'y magkahawig," tugon ni Libulan saka sinubukang ngumiti.

Tumango nang marahan si Sabrina, "Sinong mas maganda? Ang tinutukoy ko 'yong mas." Ulit ni Sabrina dahilan upang mapalunok si Libulan.

Sandaling naghari ang katahimikan. "Gets. Sige. Gusto mo ba malaman kung anong pangalan mo sa phone ko?" wika ni Sabrina habang pinapalitan ang pangalan ni Libulan sa contact list at pinabasa kay Libulan.

"Panget. Ano ang ibig sabihin ng alyas na iyan?" tanong ni Libulan. Ngumiti si Sabrina na ikinasindak ni Libulan dahil tila may masama itong hangarin. "Isa 'yang kaaya-ayang bagay," ngisi nito. Uminom na lang si Libulan ngunit nasamid siya dahil pakiramdam niya ay hindi maganda ang kahulugan ng alyas na binigay sa kaniya ni Sabrina.

Alas-diyes na nang gabi nang sila'y umuwi. Napapangiti si Libulan habang pinagmamasadan sina Sabrina at Kuya Empi na sumasabay sa musika. Sinasabayan nila ang awiting Kasama kang Tumanda ni Jackie Chavez. Nasa gitna nila si Sabrina na siyang naglilipat ng estasyon ng radio habang minamaneho ni Kuya Empi ang mini truck.

Natatagpuan din ni Libulan ang sarili na napapatitig nang matagal kay Sabrina habang sumasabay ito sa mga awitin. Para sa kaniya, likas na lumalabas ang ganda ni Sabrina sa tuwing ngumingiti, tumatawa, sumisingkit ang mata kapag naghihinala, kumukunot ang noo, o kapag may bagay itong pinagtutuunan ng pansin.

Gumagaan ang pakiramdam niya sa tuwing kasama niya si Sabrina. Nakakaramdam din siya ng kasiyahan sa tuwing natutulungan niya ito sa kahit anong bagay. Animo'y may mahikang nagpapaligaya sa kaniya sa tuwing nasa tabi niya ang dalagang naghahatid din sa kaniya ng maraming hiwaga.

Patuloy pa rin ang pag-awit ni Sabrina hanggang sa makarating sila sa patahian. Sumasabay din si Kuya Empi kahit pa madalas itong pumiyok. Nauna nang bumaba sina Sabrina at Libulan habang may kinukuha pa si Kuya Emp isa likod ng truck.

Hindi mawala ang ngiti ni Libulan habang pinagmamasdan kung gaano kasaya si Sabrina na kumakanta pa habang naglalakad papasok. Akmang bubuksan na ni Sabrina ang pinto ngunit napatigil siya nang hawakan ni Libulan ang door knob.

Napatigil si Sabrina at napatitig kay Libulan na hindi inalis ang kamay. "Nais ko sanang malaman kung ikaw ay may gagawin sa Linggo?" tanong ni Libulan na nagpakabog muli sa puso ni Sabrina.

"W-wala naman. Bakit?" napalunok si Sabrina. Hindi niya mawari kung bakit may kakaiba sa mga titig ni Libulan na tila may nais pa itong iparating.

"Ibig ko sanang makasama ka magsimba sa Linggo," patuloy ni Libulan. Sandaling hindi nakapagsalita si Sabrina hanggang sa tumango na lang siya bilang pagsang-ayon. Hindi niya maunawaan kung bakit siya kinakabahan gayong magsisimba lang naman sila.

Isang malaking ngiti ang sumilay sa labi ni Libulan. Lingid sa kaalaman ni Sabrina, ang paanyaya ng isang binata noong unang panahon na dumalo sa misa ay nangangahulugang ito ay may pagtingin sa dalaga.


**********************

#Duyog

Featured Song: "Mahika" by Adie and Janine Berdin

https://youtu.be/hLzCb1wXaGg

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top