Kabanata 8: Ang Prinsipe ng Nakaraan

[Kabanata 8]

NAPATIGIL si Sabrina sa pagsasagot sa papel at tumingin sa katabing bintana kung saan umiihip ang malakas na hangin na nagpapasayaw sa mga puno dahilan upang mahulog ang mga mahihinang dahon.

Abala ang lahat sa pagsusulit. Marahang naglalakad ang propesor sa likod upang bantayan ang mga estudyante. Nanatiling nakatitig sa labas si Sabrina. Hindi niya malaman kung bakit may kakaibang kaba siyang naramdaman habang umiihip ang hangin na tila tinatawag din ang presensiya niya.

Ganito rin ang nararamdaman niya sa tuwing nakikita ang lagusan ng mga kaluluwa patungo sa kabilang buhay. Takot ang hatid sa kaniya ng pag-ihip ng hangin na maaaring sundan ng mga bulong na humihingi sa kaniya ng saklolo.

Ipinikit ni Sabrina ang kaniyang mga mata. Mula nang dumating si Libulan, hindi na siya dinadalaw ng masamang pangitaing iyon sa tuwing sumasapit ang kabilugan ng buwan. Ilang sandali pa, natauhan siya nang magsalita ang kanilang propesor, "10 minutes," wika nito dahilan upang matauhan siya at mabilis na binalikan ang mga tanong na hindi niya pa nasasagutan.

Sunod na tumunog ang timer at agad pinapasa ng propesor ng mga test papers. Mabuti na lang dahil natapos ni Sabrina ang ilang question na hindi niya pa nasasagutan. Nang makalabas sila sa classroom, hindi malaman ni Sabrina kung bakit hindi pa rin natitigl ang pagkabog ng kaniyang puso na para bang may masamang mangyayari.

"Sana talaga mataas score natin. Three mistakes lang malalagot na talaga tayo kay Sir," saad ni Kyla na napahawak sa sentido dahil kung suntok sa buwan ang makakuha ng perfect score sa exam, sampal sa buwan naman ang makakuha ng three mistakes.

Patuloy silang naglalakad sa hallway kasabay ang ilang mga estudyanteng naglalabasan na rin sa kani-kanilang classroom. Patuloy lang sa pagsasalita si Kyla hanggang sa mapatigil si Sabrina sa paglalakad, "Bakit? May nakalimutan ka sa room?" tanong ni Kyla nang may pagtataka dahil tila nababalot ng pangamba at pag-aalala ang hitsura ni Sabrina.

"May pupuntahan lang ako, sunod na lang ako sa 'yo sa library," wika ni Sabrina saka dali-daling tumakbo pababa. "Sab!" sinubukang tawagin ni Kyla ang kaibigan ngunit mabilis itong nakababa habang hinahawi ang mga estudyante na nakakasalubong.

Hindi malaman ni Sabrina kung bakit pumasok sa isipan niya si Libulan. Upang masiguro na walang masamang nangyari kay Libulan, dali-dali siyang tumakbo papalabas. Nang marating niya ang tabing-kalsada kung saan niya iniwan si Libulan, animo'y bumagsak ang puso niya na tila ba sinasabi nito na tama nga ang kaniyang hinala. Na may kinalaman kay Libulan ang kakaibang takot at kaba na naramdaman niya kanina.

Inilibot niya ang kaniyang mga mata ngunit hindi niya nasumpungan si Libulan. Nagsimulang maghanap si Sabrina, sinimulan niya sa malalapit na tindahan at kainan baka sakaling nagutom lang ito. Tumawid din siya sa kabilang kalsada sa pag-asang naghanap lang din si Libulan ng upuan.

Inabot ng halos labing-limang minuto ang paghahanap niya ngunit hindi niya pa rin nakita si Libulan hanggang sa tumunog ang kaniyang phone. Sandali siyang napatitig sa uknown number na tumatawag tulad noong may tumawag sa kaniya dahil kay Libulan. Hindi nga siya nagkamali, nang sagutin niya ang tawag, dinala siya nito patungo sa kinaroroonan ni Libulan.


AGAD hinawi ni Sabrina ang kurtina sa ospital. Animo'y humupa ang lahat ng pangamba na nararamdaman niya nang makita niyang mahimbing na natutulog si Libulan sa kama. Nakatayo sa tabi nito ang isang doktor at nurse na abala sa pagsusuri.

Napatingin sila kay Sabrina na siyang bagong dating. "Kayo po ang guardian?" tanong ng doktor. "Opo. Ano pong nangyari?"

"Nawalan daw ng malay ang pasyente sa daan. Nagrequest na kami ng mga lab tests... Okay naman siya. Normal lahat and in good condition," tugon ng doktor na muling napatingin sa resulta. Napatingin si Sabrina kay Libulan, hindi siya makapaniwala na ang kakaibang kaba na naramdaman niya kanina ay may kaugnayan pala kay Libulan at hiwagang bumabalot sa binata.

"I suggest, para makasiguro na rin tayo, magrerequest ako ng MRI at..." Hindi na natapos ng doktor ang sasabihin niya dahil agad nagsalita si Sabrina.

"H-huwag na po, Doc. Okay na po 'yon. Okay na rin naman na siya," wika ni Sabrina sabay tingin kay Libulan. Nag-aalala siya kay Libulan ngunit mas nag-aalala siya sa mangyayari rito sa oras na malaman ng iba ang sikreto nito.

"Wala na rin po kasi kaming budget. Pag-iipunan na lang po namin sa susunod," patuloy ni Sabrina sa pag-asang hindi na susuriin pa si Libulan. Tumango-tango ang doktor, "Okay. Papirmahan na lang itong waiver."

Agad pinirmahan ni Sabrina ang waiver nang hindi na ito binabasa nang buo. Batid niya na kailangan na nilang makaalis sa ospital, lalo pa't nagtataka ang mga doktor at nurse kung bakit biglang naging maayos ang kalagayan ng pasyente.

Makalipas lang ang ilang minuto, nagising na si Libulan. Ang pagtatakang bumabalot sa hitsura nito nang magising ay napalitan ng tipid na ngiti nang makita si Sabrina. "Okay ka lang?" tanong ni Sabrina na puno ng pag-aalala. Hindi niya maintindihan kung bakit nagiging ganito ang reaksyon niya.

Naupo si Libulan sa kama at tumango nang marahan. "Kumusta ang iyong pagsusulit? Kailan ipapaskil ang inyong mga marka?" tanong ni Libulan dahilan upang mapatigil si Sabrina at sandaling napatitig sa binata. Animo'y tinamaan ang kaniyang puso ng kabutihan nito. Si Libulan ay nawalan ng malay at muntik nang malagay sa peligro ngunit pagmulat ng kaniyang mata ay mas inuna niya pang kumustahin ang pagsusulit ni Sabrina.

Napagtanto ni Sabrina na palaging inuuna ni Libulan ang kapakanan niya magmula sa pagbibigay nito ng pandesal, paghihintay sa labas ng patahian sa tuwing ginagabi siya ng uwi, pagtuturo sa kanila para hindi sila matanggal sa pag-aaral, at paghihintay sa kaniya sa labas ng paaralan.

Napatingin si Sabrina sa kamay ni Libulan na walang bakas ng anumang galos subalit alam niya na kahit hindi nagtatagal ang sugat sa katawan ni Libulan ay naramdaman pa rin nito ang sakit. "O-okay naman. Sa susunod na Linggo pa siguro namin malalaman kung anong resulta," tugon ni Sabrina na napayuko. Bigla siyang nakaramdam ng konsensiya. Madalas niyang sungitan si Libulan kapag napapagastos siya dahil dito at pinapatawag sa presinto dahilan upang makaligtaan niya ang lahat ng tulong at pag-aalala ni Libulan para sa kaniya.

Tumikhim si Sabrina, "Uuwi na tayo," wika niya saka tinulungan si Libulan bumaba sa kama. Ngayon ay hindi niya matingnan si Libulan. Bukod sa nakokonsensiya siya ay hindi niya rin alam kung paano hihingi ng tawad o babanggitin ang tungkol sa mga pagsusungit niya noon.

"Mahirap ba ang nilalaman ng inyong pagsusulit?" tanong ni Libulan habang naglalakad sila papalabas ng ospital. Magsasalita na sana si Sabrina ngunit napatigil sila nang marinig ang boses ng nurse na humahabol sa kanila. "Sandali po!" Tawag nito sabay abot ng isang papel.

Nanlaki ang mga mata ni Sabrina nang mapagtanto na iyon ang hospital bill. Napatulala na lamang siya nang malaman kung gaano kamahal ang ambulance fee na siyang naghatid kay Libulan sa ospital. Agad umiwas ng tingin si Libulan na kunwaring naging interesado sa makintab na sahig ng ospital. Ramdam ni Sabrina ang pag-init ng kaniyang dugo na anumang oras ay sasabog na dahil magagastos na naman niya ang kaniyang allowance.


NAKATAYO sina Sabrina at Libulan sa tapat ng ATM machine. Pikit-matang nag-withdraw ng pera si Sabrina para mabayaran ang hospital bill. Mabuti na lang dahil nakapagpadala na ang kapatid niya. Iniisip na lang niya na magtiis ng isang linggo dahil sasahod na rin naman sila sa patahian.

Nanlaki ang mga mata ni Libulan nang makitang lumabas ang pera, "Kayong mga nilalang sa makabagong panahon ay sadyang pambihira," wika ni Libulan. Bakas sa kaniyang mukha ang matinding pagkamangha. Napatingin sa kaniya si Sabrina, kung kanina ay nakokonsensiya siya, ngayon ay nanggigigil siya dahil sa mga gastusin.

Kasalukuyan silang nakatayo sa tabing-kalsada upang mag-abang ng masasakyan pauwi nang marinig ni Sabrina ang pagkulo ng tiyan ni Libulan. Nang tingnan niya ito, umiwas muli ito ng tingin sabay hawak sa tiyan at kunwaring pinapanood ang mga dumaraang sasakyan.

"Hindi ka pa kumain?" tanong ni Sabrina. Napakamot sa ulo si Libulan, "Aking nakaligtaan sapagkat maaga kang lumisan kanina," tugon ni Libulan. Dali-dali siyang humabol kay Sabrina bago ito pumasok sa paaralan upang samahan ito sa pagsusulit.

Napahinga nang malalim si Sabrina, muli na naman siyang nakaramdam ng konsensiya. "Baka kaya ka nahimatay kasi gutom ka," wika nito, tumango nang marahan si Libulan bilang pagsang-ayon. "Ano bang nangyari bago ka mawalan ng malay?" patuloy ni Sabrina.

Napaisip si Libulan. "Ang aking huling pagkakatanda ay naroon lang ako sa labas ng inyong paaralan. Maging ako ay nagugulumihanan kung bakit ako nagkamalay sa pagamutan." Tugon ni Libulan sabay tingin sa kaniya. Bakas sa mukha nito na wala siyang maalala sa mga huling segundo bago siya mawalan ng malay.

Hindi nakapagsalita si Sabrina, palaisipan pa rin sa kaniya ang nangyari at kung paano sumagi sa isip niya na maaaring nasa kapahamakan si Libulan. "Kumain muna tayo," wika ni Sabrina dahilan upang umaliwalas ang mukha ni Libulan dahil kanina pa kumakalam ang sikmura niya.

Kumain sila sa isang karinderia. Maraming mga estudyante, empleyado, at taxi drivers na kasabay nilang mananghalian. Tila walang iniindang sakit si Libulan dahil magana na ulit itong kumain. Tatlong putahe na ulam ang in-order nila ang nakadalawang softdrinks pa si Libulan. Ang pahabang mesa ay nakaharap sa labas ng kalsada at medyo mataas ang silya. Magkatabi silang kumakain kasama ang iba pa.

Napahinga muli nang malalim si Sabrina. Sa isip niya, mas mabuti nang gumastos sa pagkain kaysa ma-ospital ulit ito. "Tayo'y magtungo sa simbahan mamaya upang ipagdasal ang magandang resulta ng inyong pagsusulit," wika ni Libulan. Tumango nang marahan si Sabrina. Hindi niya mawari kung bakit hindi pa rin nawawala ang kaba at pag-aalala niya kahit pa mukhang wala namang nangyaring masama kay Libulan.

Napatigil si Libulan saka muling pinagmasdan si Sabrina na tila may malalim na iniisip. "May bumabagabag ba sa 'yo?" tanong ni Libulan dahilan upang matauhan si Sabrina na hindi pa nangangalahati sa kaniyang pagkain.

"Ah... wala. Iniisip ko lang kung makakapasa ba kami ni Kyla," pagsisinunggaling ni Sabrina. Nagdadalawang-isip siya sabihin kay Libulan ang kakaibang naramdaman niya kanina dahil bukod sa hindi siya sigurado kung may kaugnayan nga ito sa kapahamakan ng binata, hindi niya rin nais mag-alala si Libulan.

"Ikaw ba ay nahirapan sa pagsusulit?" tanong ni Libulan na may bakas ng pag-aalala. Bilang isang guro, mahalaga rin sa kaniya ang kalagayan ng mga estudyante at kung naunawaan nito ang lahat ng aralin.

Nagsimulang kumain si Sabrina ngunit bakas pa rin ang malalim nitong iniisip. "Hindi naman. Sakto lang. Mas naiintindihan ko na ngayon dahil sa turo mo." Wika ni Sabrina na muntik pa mabilaukan sabay inom ng softrdrinks. Hindi niya akalain na masasabi niya ang cheesy word na 'yon.

Ngumiti nang marahan si Libulan, "Iyan din ang aking naiibigan sa Matematika, sa oras na iyong nababatid kung paano makuha ang iyong hinahanap, madali na lang sagutan ang iba pang mga tanong," ngiti ni Libulan. Agad umiwas ng tingin si Sabrina dahil tila nagliwanag ito sa kaniyang paningin. Mabilis niyang iniling ang kaniyang ulo na tila ba may nais siyang iwaksi.

"Bakit? Ikaw ba'y ayos lang?" tanong ni Libulan na akmang hahawakan ang kaniyang balikat ngunit napatigil ito nang mapagtanto na hindi katanggap-tanggap na hawakan ang isang babae.

"Busog na ko," mabilis na saad ni Sabrina sabay tayo at inom ng softdrinks. Dali-daling sumunod si Libulan kay Sabrina na mabilis naglakad papalabas ng karinderia. "Sandali!" tawag ni Libulan sabay hawak sa kaniyang tiyan.

Bumagal ang lakad ni Sabrina nang maalala na hindi niya dapat hayaang tumakbo si Libulan gayong ang dami nitong nakain. Naguguluhan din siya sa sarili sapagkat hindi niya maunawaan ang kaniyang nagiging reaksyon at nararamdaman.

Tumikhim si Sabrina saka naupo sa mababang tarangkahan ng isang malaking puno. "Maupo muna tayo," wika ni Sabrina na may bahid ng kosensiya sa kaniyang boses. May maliit na parke sa tabing-kalsada kung saan naglalaro ang mga bata at naghihintay ang ibang mga estudyante. May mga nagtitinda ng palamig, sorbetes, at sigarilyo sa tabi.

Naupo si Libulan sa tabi niya na tila ba tumakbo ito nang malayo. Mabilis na sinulyapan ni Sabrina si Libulan na namumula ang balat. May bahid ito ng pawis sa noo dahil sa init subalit mabango ang amoy nito na tila naligo sa polbo.

"Siya nga pala, hindi ba nagtaka ang mga doktor sa nangyari sa akin?" tanong ni Libulan, ang kaniyang hitsura ay napalitan na ng pag-aalala. Kanina niya pa gustong alamin kay Sabrina kung anong nangyari sa ospital bago siya magkamalay subalit mas inaalala niya ang pagkabalisa nito.

"Nagtaka sila pero maayos na ang pakiramdam mo kaya pumayag na silang makauwi ka," tugon ni Sabrina saka napakagat sa labi. Napahinga nang malalim si Sabrina saka humarap kay Libulan, "Ang totoo... gusto ko rin makaalis ka na sa ospital kanina dahil baka malaman ng mga tao roon ang nangyayari sa 'yo. Hanggang ngayon, marami pa ring mga mapagsamantalang tao. Baka samantalahin ka nila kapag nalaman nila ang tungkol sa 'yo," saad ni Sabrina dahilan upang sandaling hindi makapagsalita si Libulan.

"Binabato o sinusunog din ba nila ng buhay ang mga taong may kakaibang kakayahan sa panahong ito?" tanong ni Libulan na may bakas ng takot. Nagtaka ang hitsura ni Sabrina at napaisip, "Wala pa naman akong nabalitaan. Pero sigurado ako na pagkakakitaan ka nila. Baka gawin kang mapaghimala na dadayuhin ng mga tao. Puwede ka rin nilang dalhin sa laboratoryo at pag-eksperimentuhan," tugon ni Sabrina dahilan upang mapatulala ng ilang segundo si Libulan.

Napayuko ito sa katotohanang natatakot din siya sa misteryong bumabalot sa kaniya kung bakit narito siya ngayon sa modernong panahon at hindi namamatay. "Makakaasa ka na hindi ko ipagsasabi sa iba ang lahat. Top secret natin 'to," saad ni Sabrina saka tinapat sa bibig niya ang kaniyang hintuturo na senyales na mananahimik siya.

Magsasalita sana si Libulan ngunit inunahan na siya ni Sabrina dahil nahulaan niya na itatanong nito kung ano ang ibig sabihin ng huli niyang sinabi. "Top secret, ibig sabihin pinakalihim natin sa lahat ng mga lihim. Wala tayong pagsasabihang iba." Paliwanag ni Sabrina saka tipid na ngumiti.

Napangiti nang marahan si Libulan saka ginaya ang pagsenyas ni Sabrina, "Tap sikret," ulit nito dahilan upang matawa si Sabrina na sinundan din ng pagtawa ni Libulan. Nabalot ng mahihinang tawa ang parke habang unti-unting bumabagsak ang mga dahon mula sa puno na kanilang kinasisilungan.


MARIRINIG ang sunod-sunod na yabag ng sapatos mula sa mga empleyedo ng PBC News. Araw-araw ay abala ang lahat para sa mga balitang ipapalabas. Tanging si Ana ang nakatitig sa monitor habang paulit-ulit na pinapanood ang CCTV footage ng ospital kung saan biglang nagising si Libulan na tila hindi nabalian ng buto o nawalan ng maraming dugo.

Ilang sandali pa, sinagot ni Ana ang tawag ng kaniyang supervisor.

"Ana, how's the story that you've mentioned to us? Kaya ba bago mag-Halloween?"

"Yes, Sir. Just give me time. I'll make sure na pag-uusapan ang story na 'to," tugon ni Ana mula sa kabilang linya.

"I know. I know. You're one of our top reporters. One more successful story, you'll get promoted, I can sense that." Ngiti ng supervisor mula sa kabilang linya. Si Ana ang paborito niya sa lahat at siyang nakakapagbigay ng magagandang balita na kadalasan ay nagiging trending.

Napahinga nang malalim si Ana nang ibaba niya ang tawag at pinanood muli ang CCTV footage. Muli niyang tiningnan ang kaniyang phone kung saan hindi pa siya nakakatanggap ng tawag mula kay Libulan.

Samantala, naabutan ni Tristan si Kyla mag-isa sa library. Umupo siya sa tapat nito, "Kumusta ang exam niyo? Okay ba?"

Tumango ng ilang ulit si Kyla bilang tugon. "Medyo nahirapan ako. Ewan ko lang kay Sab, tulala rin siya kanina e, nahirapan din siguro siya."

"Nasaan pala siya?" tanong ni Tristan gamit ang tono na kunwari ay hindi niya talaga sinadya na tanungin iyon. "Ewan ko. May pupuntahan daw siya pagtapos ng exam. Hindi na siya bumalik. Hindi nga rin nag-chat e," wika ni Kyla na abala sa pinapanood na mga make up tutorial sa phone.

Napansin ni Tristan ang phone ni Kyla, "Bago phone mo?" tanong niya. Tumango-tango si Kyla.

"Oo, bumili ako ng bago. Walang hiya kasi 'yong nag-repair ng phone ko. Hindi naman naayos. Walang hiya rin si Kelly, binayaran niya lang 'yong repair. Nasa akin na raw 'yon kung gusto ko bumili ng bago e siya naman may kasalanan kung bakit nasira phone ko," reklamo ni Kyla.

Nagtaka ang hitsura ni Tristan. "Nasira ni Kelly ang phone mo?" kumpirma niya. Tumango si Kyla at nagsimulang magkuwento kung paano siya nasagi ni Kelly dahilan upang mahulog sa tubig ang phone niya.

"Pinaayos naman niya kaso after ilang araw, nasira na ulit kaya para hindi na sumakit ulo ko, bumili na lang ako ng bago," wika ni Kyla saka pinakita ang kumikinang na phone case. Hindi nakapagsalita si Tristan. Naalala niya ang picture na nagpahamak kina Sabrina at Kyla. Hindi mapigilan ni Tristan maghinala na maaaring nakuha ni Kelly ang mga litratong iyon sa phone ni Kyla.


SANDALING napatulala si Libulan nang makababa sila ng jeep. Nakatayo sila ngayon sa Quiapo church kung saan mag-aalay sila ng panalangin para sa magandang resulta ng pagsusulit nina Sabina at Kyla.

Inilibot niya ang kaniyang mga mata. Ang dating kalsadang lupa na maalikabok sa tuwing dinaraanan ng mga kalesa ay wala na. Ang mga banig na pinaglalagyan ng paninda sa labas ay napalitan na ng mga malalaking payong na may iba't ibang kulay. Ang simbahan na halos walang kulay ay tila kumikinang sa puti at ginto ngayon.

Napatingin si Sabrina kay Libulan na halos walang kurap sa pagmamasid sa paligid. Bakas sa hitsura nito ang magkahalong paninibago, pangungulila, at pagkamangha. "Aking nagunita na deboto si ama at ang aking madrasta sa Poong Nazareno," wika ni Libulan habang nakatitig sa malaking simbahan. Nang makapasok sila sa loob ng simabahan ay napansin ni Sabrina ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Libulan. Nauna itong naglakad at naupo sa gitna.

Walang misa ngunit maraming tao. May mga deboto at ilang naglalakad nang paluhod sa gitna habang nanalangin. Piniling umupo ni Sabrina sa likuran at pinagmasdan si Libulan. Kung paano manginig ang balikat nito na batid niyang sanhi ng pagluha.

Hindi malaman ni Sabrina kung bakit tila nadudurog din ang puso niya habang pinagmamasdan si Libulan. Naalala niya ang pangungulila rin niya noon nang mamatay ang kanilang ina. Ang pagtangis niya noong nagpakasal sa iba ang kanilang ama. Ang paghagulgol niya noong lalayas dapat ang ate niya. At ang pagluha niya noong nagpaalam ito patungo sa ibang bansa.

Halos lahat ng taong mahalaga sa kaniyang buhay ay lumilisan. Tanging siya lang ang naiiwan at naghihintay sa kanilang pagbabalik. Kung magbabalik pa ba? O masasanay na lang sa bagong buhay na hindi na siya kasama.

Marahan niyang hinawi ang mga luhang namumuo na rin sa kaniyang mga mata. Hindi niya maipaliwanag kung bakit may kakaibang presensiya sa loob ng simbahan na tila ba kinakatok nito ang pusong nasanay na sa mga paghihirap.

Hindi namalayan ni Sabrina na wala na si Libulan sa kinauupuan nito. Natauhan siya nang itapat ni Libulan sa kaniya ang mahaba nitong manggas mula sa suot nitong polo. "Nararamdaman mo rin?" Panimula ni Libulan. Ang mga titig nito ay tila humuhukay sa kaniyang puso.

"Ang alin?"

"Na maaaring konektado tayo. Iyo ring naramdaman at hindi napigilan ang pagluha ngayon tulad ko. Sa tuwing nariyan ka, ako'y napapanatag dahil batid kong hindi ako nag-iisa rito. Sa tuwing kasama kita, nawawala ang aking mga pangamba at alalahanin." Wika ni Libulan dahilan upang muling maramdaman ni Sabrina ang pintig ng kaniyang puso.

"Bukod sa nais kong malaman kung bakit ako napunta sa makabagong panahon, at kung anong nangyari sa aking buhay sa nakaraan. Nais ko rin malaman kung bakit ikaw ang aking unang nasilayan sa mundong ito. Bakit ikaw ang unang nakasumpong sa akin." Patuloy ni Libulan saka ibinaba ang kaniyang kamay nang mapagtanto na hindi gagamitin ni Sabrina pamunas sa luha ang kaniyang manggas.

"Gayunpaman, nagpapasalamat ako dahil ikaw ang una kong nakilala rito. Ikaw din ang siyang unang umunawa sa akin. Salamat sa tiwala, Sabrina." Tuluyan nang hindi nakapagsalita si Sabrina, ang ingay mula sa labas ng simbahan at mahihinang bulong ng mga dasal ay napalitan ng malakas na tibok ng kaniyang puso.

Ito na nga ang bagay na nagpapagulo sa kaniyang isipan. Ito na nga ang dahilan ng hindi niya maunawaan na damdamin. Ito na nga't napagtanto niya na maaaring nahuhulog na siya sa binatang nababalot ng misteryo.

Tumayo si Sabrina sa gulat sabay punas ng luha sa kaniyang mata gamit ang kaniyang kamay, "Magtirik na tayo ng kandila," wika niya na animo'y walang nangyari. Nauna siyang naglakad patungo sa lagayan ng mga kandila at nagsindi ng tatlo.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at taimtim na nanalangin. Samantala, marahang tumigil si Libulan sa tabi niya at nagsindi ng isang kandila. Bago niya ipikit ang kaniyang mga mata ay sandali niyang pinagmasdan si Sabrina. Ang liwanag ng kandila na tumatama sa mukha nito ay mas lalong nakadaragdag sa ganda ng dalaga.

Nagawa na ring ipikit ni Libulan ang kaniyang mga mata at humiling. Kapuwa nila ibinubulong sa usok ng kandila ang kanilang panalangin. Naunang iminulat ni Sabrina ang kaniyang mga mata, "Alam mo, hindi talaga ako pala-simba. Hindi rin ako masyado nagdadasal. Kaya hindi ko alam kung bakit ako naiyak kanina. Siguro dahil nakaramdam ako ng kapayapaan dito. Alam ko na kung saan ako pupunta sa tuwing kabilugan ng buwan," wika ni Sabrina saka ngumiti nang kaunti.

Kinuha ni Libulan ang isang kandila na sinindihan niya at itinabi iyon sa mga kandila ni Sabrina. "Dalangin ko na hindi ka na dalawin ng masasamang panaginip at pangitain kahit kailan," saad ni Libulan dahilan upang tuluyan nang hindi makapagsalita si Sabrina.

Papalubog na ang araw habang naghihintay sila ng jeep. Napalingon si Sabrina sa likod kung saan tila may narinig siya sa kaniyang isipan na pamilyar na boses. Isang puting tolda sa tabi ng simbahan ang natanaw niya. Natatakpan ito ng kurtina na may makukulay na beads. Katabi ng tolda ang ilan sa mga panindang anting-anting at mga rosaryo. Ngayon lamang niya nakita ang toldang iyon ngunit sa hitsura nito ay sigurado siyang nalalagi roon ang isang manghuhula.

Natauhan si Sabrina nang tumigil ang isang bakanteng jeep sa harap nila. Bago sila tuluyang makaalis sa lugar na iyon ay muling napalingon si Sabrina sa tolda ng manghuhula na nagdudulot sa kaniya ng kakaibang pakiramdam.


NAGBUBULUNGAN sa kusina sina Kuya Empi at Aling Lucy habang nakatingin kay Gera at sa bisita nito. Kinukuwento ni Kuya Empi na nakilala na niya si Mrs. Monet nang sunduin nila ito sa airport noong isang araw. Si Mrs. Monet ay kababata niya na nakapangasawa ng isang French. Umuwi ito pansamantala sa Pilipinas para asikasuhin ang business na naiwan ng kanilang pamilya.

"Model ang kailangan ko ngayon Mare para sa marketing at poster na gagawin namin. Wala ka bang kakilala riyan?" tanong ni Mrs. Monet sabay inom ng tsaa. Kulay dilaw ang buhok nito at may suot na sunglass kahit gabi na. Kapansin-pansin din ang tiger pattern sa suot nitong fitted dress na pinatungan ng itim na coat.

"Simpleng repair at patahian lang ang akin Mare, ibang level ang sa 'yo. May mga artista kang customer, hindi ba?"

Natawa si Mrs. Monet dahil hindi pa rin nagbabago ang matalik na kaibigan. "Ikaw talaga Gera likas kang mabola!"

Napatigil sa pagtatawanan nang bumukas ang pinto at pumasok sina Sabrina at Libulan. "Oh, nandito na pala kayo. Kumain na kayong dalawa?" tanong ni Gera. Tumango at bumati sina Sabrina at Libulan sa bisita.

"Ah, siya nga pala, mga kasama ko rito sa patahian," pakilala ni Gera. Tulalang tumayo si Mrs. Monet na nagawa pang ibaba ang suot na sunglass upang mas matitigan si Libulan. "Ouah! Empleyado mo ang binatang ito?" wika ni Mrs. Monet sabay tingin kay Libulan mula ulo hanggang paa. Bakas sa mukha ni Mrs. Monet ang pagkamangha sa tindig at tangkad ni Libulan.

Agad hinawakan ni Gera ang magkabilang balikat ng kaniyang kaibigan dahil sa hiya. "Umakyat na kayo sa taas, may pagkain sa ref kung hindi pa kayo kumakain," pag-iiba ni Gera ng usapan dahil mukhang nasa mood ito upang makipag-flirt sa mga lalaki.

"Wait, Mare. May tinatago ka palang model dito. Anong pangalan mo, hijo?" Napatingin si Libulan kina Sabrina at Gera bago sumagot. "Libulan Dela Torre y Marquez Casilang," magalang nitong tugon tulad ng kaniyang nakagawian.

"Problem solved! Hindi ko akalain na makakahabol tayo sa photoshoot bukas!" Ngiti ni Mrs. Monet na napasigaw pa sa saya. Nagitla si Libulan at bakas ang pagkalito dahil sa pangyayari. Napakurap naman ng ilang ulit si Sabrina dahil maging siya ay nabibigla sa kakaibang saya ni Mrs. Monet na nagsimula pang sumayaw habang inaawat ni Gera.

"Don't worry, hijo. Babayaran ka namin. 4AM ang call time tomorrow ha," dagdag ni Mrs. Monet na siyang nagdesisyon na hindi na puwedeng tumanggi o umatras si Libulan.

"Me! Me! Pwede rin po ako maging model!" habol ni Kuya Empi habang nakataas ang kamay. Nawala ang ngiti ni Mrs. Monet. "Puwede ka rin sumama, kailangan namin ng extra hand," ngiti ni Mrs. Monet. Nagpaalam at bumeso na siya kay Gera saka tinapik sa balikat si Libulan.

"See you tomorrow, Hijo. Sama na rin kayo para makita niyo ang set ng photoshoot," ngiti nito saka lumabas sa pinto at sumakay sa mamahaling kotse. Sandaling naghari ang katahimikan. Sa bilis ng pangyayar ay pare-pareho silang naiwang tulala.

Nabasag ang katahimikan nang umakbay si Kuya Empi kay Libulan, "Li bro, 'wag mo ko kalimutan kapag sumikat ka na ha!"


PAPASIKAT na ang araw habang abala ang mga staff sa pag-aayos ng photoshoot set. Wedding and Formal Attires ang business ni Mrs. Monet. Ang tema ng photoshoot ay garden wedding kung saan ginanap sa isang mamahaling restaurant na may outdoor garden.

White and pastel blue ang color theme at napapalibutan ng mga blue butterfly origami ang buong set. Nakadagdag pa sa ganda ng paligid ang mga blue roses at halaman. Umaalingangaw din sa paligid ang mga musical instruments na tumutugtog mula sa mga speakers upang mas maramdaman ang wedding ambiance. Nakatayo sa gilid sina Sabrina at Kuya Empi habang pinapanood ang babaeng model na nakasuot ng bridal gown.

Nakapila rin ang dalawa pang model na sunod na kukuhanan ng larawan. Bawat isa ay may kani-kaniyang tema. "Ang tagal naman ng artista natin. Baka tumakas na 'yon ha. Willing naman ako pumalit," ngiti ni Kuya Empi sabay haw isa buhok niya. Nagsimula siyang pumorma sa pag-asang mapapansin ng ilang staff at alukin din na maging model.

Nang mapagod siya kaka-pose sa bawat sulok ng pader at tabi ng mesa ay nagpaalam siya kay Sabrina na kukuha muna ng maiinom. Natawa at napailing na lang si Sabrina dahil sa pinaggagawa ni Kuya Empi.

Muli niyang pinanood ang mga modelo na mas lalong lumitaw ang kagandahan dahil sa papasikat na araw sa background. Umiihip din ang marahan na hangin dahilan upang mas lalong gumanda ang kuha ng mga larawan.

Hindi napansin ni Sabrina ang dalawang staff na may dalang hagdan. Napahakbang siya paatras nang dumaan ito sa tabi niya ngunit nawalan siya ng balanse dahil sa silya na nasa kaniyang likuran dahilan upang mawalan siya ng balanse at mapaupo sa damuhan.

Napalingon ang ilang mga staff maging ang photographer at model kay Sabrina. Akmang tatayo na sana siya ngunit napatigil siya nang makita ang palad na nakalahad sa kaniyang tapat. Nang tumingala siya, nakita niya si Libulan suot ang puting coat, pantalon, at asul na kurbata. Nakahawi rin ang buhok nito na mas lalong nagpaaliwalas sa hitsura ng binata.

Sandaling tumigil ang takbo ng paligid. Dumating na nga ang prinsipe na matagal na niyang hinihintay. Ngumiti nang marahan si Libulan sa kaniya na para bang sinasabi nito na huwag siyang matakot na hawakan ang kamay niya dahil hindi siya nito pababayaan.

Ang papasikat na araw sa likuran ni Libulan ay mas lalong naghatid ng liwanag kay Sabrina kasabay ng pagtugtog ng paborito niyang musika mula pagkabata, ang Someday My Prince Will Come.

Dahan-dahang inabot ni Sabrina ang kaniyang kamay sa palad ni Libulan habang patuloy na pumipintig at sumisigaw ang kaniyang puso sa katotohanang nahuhulog na siya sa binatang nagmula sa nakaraan.


********************

#Duyog

Featured Song: "Someday My Prince Will Come" by Frank E Churchill · Morey Larry

https://youtu.be/ZowNGCsT-KM

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top