Kabanata 7: Kalansing ng Kamatayan

[Kabanata 7]

Mula sa labas ng tahanan ay maririnig ang iyak ng batang lalaki na hindi nais sumama sa tagapag-alaga at sa kutsero na maghahatid sa kaniya sa paaralan. Ito ang unang araw niya sa eskwela kasama ang iba pang mga mag-aaral, kung kaya't pahirapan itong mapapayag sumama.

Sa edad na limang taon ay napagpasiyahan ni Don Venancio na ipasok na sa paaralan ang kaniyang anak upang matutunan nito ang makihalubilo sa ibang mga bata. Tatlong taong gulang pa lamang ito nang magiging matatas sa pagbabasa, pagsusulat, at pagsasalita sa tulong ng mga inupahan niyang guro na nagtutungo pa sa kanilang tahanan.

Habang lumalaki si Libulan ay napansin ni Don Venancio na wala itong kaibigan at hindi rin nakikipagsalamuha sa mga kaedad na pinsan. Lingid sa kaalaman ng Don na si Aliya mismo, ang tunay na ina nito ang siyang nagbabawal sa anak na lumabas, maglaro, marumihan, at makipag-usap sa ibang bata na anak ng mga manggagawa sa hacienda Dela Torre.

Pasado alas-onse na ng umaga ngunit hindi pa rin naisasakay si Libulan sa kalesa dahil nagpupumiglas at tumatangis ito. Alas-siyete pa ng umaga nagsimula ang klase ni Maestro Santiago na kilalang isa sa mga mahuhusay na guro sa Pandacan.

Gulat na napaupo nang tuwid si Aliya nang makitang dumating ang kales ani Don Venancio na noo'y kagagaling lang sa pagpupulong. Napalingon si Libulan sa direksyon ng pintuan nang mapansin na napaayos ng tayo at upo ang iba pang mga kasamabahay, maging ang kutsero na ilang beses siyang sinubukang buhatin.

Sa murang edad pa lamang ay nababatid ni Libulan na natatahimik ang lahat at hindi kumikilos sa tuwing papalapit ang kaniyang ama. Maging siya ay hindi rin malapit sa ama at tumatahimik lalo na kapag nasilayan niya ang seryosong hitsura nito.

Nang subukang pigilan ni Libulan ang kaniyang panaghoy ay nagsimula siyang sinukin. Inaasahan na ng lahat na magagalit ang Don at gamit lang ang isang salita ay mapapasakay na nito si Libulan sa kalesa subalit may kakaiba kay Don Venancio noong araw na iyon at hindi nila inaasahan ang gagawin nito.

"Inyo muna kaming iwan," saad ni Don Venancio. Payukong lumabas ang mga kasambahay sa silid ni Libulan habang patuloy na sinisinok ang bata.

Marahang isinara ni Aliya ang pinto nang siya'y makalabas. Pinandilatan niya ang mga kasambahay at kutsero saka sinenyasan na lumayo na. Tanging siya ang naiwan sa likod ng pinto upang pakinggan ang pag-uusap ng mag-ama.

Inilapag ni Don Venancio ang sombrero sa kama at lumuhod upang maging kapantay ng anak na namumula ang mukha at kutis dahil sa pag-iyak. "Ano ang dahilan ng iyong pagtangis? Hindi mo ba nais matuto sa paaralan?" tanong ni Don Venancio sa kalmadong paraan. Bagay na nakakapanibago rin kay Libulan sapagkat kailanman ay hindi naman siya tinatanong ng ama tungkol sa kaniyang nararamdaman. Hinahayaan lang nito na alagaan siya ng mga taong pinapasahod nito.

Napayuko si Libulan, ang totoo, hindi niya alam kung paano sasabihin na natatakot siya malayo sa kanilang tahanan at mawala sa labas. Bagama't sasamahan naman siya ng kaniyang ina sa paaralan ni Maestro Santiago, hindi pa rin siya mapalagay at mas gugustuhin na lamang niya mag-aral sa loob ng kanilang tahanan.

Napahinga nang malalim si Don Venancio, walang duda, anak nga niya si Libulan. Naalala niya ang kaparehong karanasan noong siya'y bata pa. Hindi niya rin nais malayo sa kanilang tahanan lalo na noong pinasok siya sa seminaryo sa Espanya.

Hinugot ni Don Venancio ang dulong butones sa suot niyang abrigo at inilagay sa maliit na palad ni Libulan. "Ang botón na ito ay magsisilbing gabay upang ikaw'y hindi maligaw. May kakayahan ito na ikaw'y dalhin pabalik dito sa ating tahanan. Sa oras na hawak mo ito, hindi ka mawawala. Hindi kami mawawala." Paliwanag ni Don Venancio katulad ng kung paano rin siya nakumbinse ng kaniyang ama noon na pumasok sa seminaryo.

Matagal niyang pinaniwalaan na may kakaibang mahika na nagagawa ang butones na iyon hanggang sa siya'y makapagtapos sa kolehiyo. Nang siya'y bumyahe patungo sa Filipinas at nagsimulang manirahan dito ay nakaligtaan na niya kung saan niya huling nailagay ang butones, maging ang pagpapahalaga niya rito noong siya't bata pa ay naglaho na rin.

Napatitig si Libulan sa malaking butones na kulay tsokolate, halos kasinglaki ito ng palad niya. Tumigil na rin ang kaniyang pagsinok at unti-unting napanatag nang dahil sa butones. Tumayo si Don Venancio, "Maaari pa kayong humabol sa klase ni Maestro Santiago sa hapon, ikaw'y maghanda na," patuloy ni Don Venancio saka tinapik nang marahan ang balikat ng anak bago naglakad papalabas ng silid.

Agad napayuko sa gilid si Aliya nang bumukas ang pinto. "Iyong tiyakin ang kaniyang kaligtasan. Naabisuhan ko na rin si Santiago na kayo'y darating ngayong araw sa kaniyang paaralan," saad ni Don Venancio nang hindi tumitingin kay Aliya saka naglakad patungo sa silid-aklatan ng mansyon.

Napatingin si Aliya kay Libulan na nagsimulang magsuot ng sapatos. Napangiti siya sa sarili dahil nararamdaman niyang may pagkalinga pa rin si Venancio sa kanilang anak kahit pa hindi nito pinapakita nang harapan.


HALOS walang kurap na nakatitig si Ana sa malalaking monitor ng isang barangay hall. Nakakuha siya ng permiso sa ospital at nangako na hahanapin ang pasyente na sinasabing himalang gumaling nang biglaan.

Ngayon ay sinusundan nila ang mga CCTV sa bawat kalye at kalsada kung saan posibleng dumaan ang lalaki na nakita rin nilang may kasamang babae. "Oh, pumasok sila sa patahian, sa Santa Cruz to ah," wika ng CCTV operator sabay turo sa Sastre y Seda.

Agad humingi ng kopya si Ana ng mga CCTV footage at nagbigay ng maliit na sobre sa operator. "Salamat po sa tulong niyo. Kung puwede po sana, sa atin na lang ito hangga't hindi ko pa po na-cocover ang balitang 'to," wika ni Ana saka ngumiti na madalas niyang ginagawa upang mapapayag ang mga kausap.

Nanlaki ang mata ng operator nang masilip ang laman ng sobre. Tumango siya saka ngumiti, "Opo, Ma'am. Makakaasa po kayo, salamat po ha!" ngiti nito saka mabilis na ibinulsa ang sobre nang pumasok ang dalawang pulis na naatasang subaybayan ang ni-report ni Ana tungkol sa lalaking tumakas sa ospital.

"May nakuha po kayo sa CCTV?" tanong ni SPO2 Garcia na napasingkit pa ang mga mata dahil sa malalaking monitor. Muling binasa ni SPO1 Angeles ang report at tiningnan ang mga oras sa CCTV.

Mabilis na tumingin ang operator kay Ana, "Nakita naming sumakay siya sa jeep pero dahil traffic at sira raw po ang ibang CCTV, kailangan ko pang tingnan ang ibang mga barangay," wika ni Ana na mabilis makapag-isip ng paraan lalo na sa mga alanganing sitwasyon.

"Opo, sira ang limang CCTV namin kaya hindi na po namin nasundan kung saan sila bumaba pagsakay ng jeep," dagdag ng operator. Napalingon sa kanila si SPO1 Angeles.

"Sila? May kasama ang lalaking hinahanap natin?" tanong nito dahilan upang magulat ang operator at muling sumulyap kay Ana. Kumpara sa kanilang dalawa ay nagagawang itago ni Ana ang tunay niyang reaksyon. Ngumiti siya nang marahan, "May lumapit sa kaniyang babae na sa tingin namin ay tinulungan lang siya, mukha namang hindi sila magkakilala," tugon ni Ana gamit ang nakabibighani niyang ngiti.

Tumango-tango si SPO2 Garcia. Samantala, hindi naman kumbinsido ang mas batang pulis, "Mukhang mas mahaba-habang paghahanap pa pala itong gagawin natin, bakit hindi niyo na lang i-feature agad sa balita?" tanong ni SPO1 Angeles.

Ngumiti si Ana, "Gustuhin ko man din po kaya lang dumadaan kasi sa approval ng head namin ang mga ipapalabas sa balita, kung hindi matibay o kabali-balita ang ipinasa namin, ma-rereject din po ito," paliwanag ni Ana saka tiningnan ang operator at umiling siya nang marahan upang sabihin na huwag na itong magdagdag pa ng sasabihin.

"O'siya, susubukan namin pumunta sa mga kalapit na barangay. Tatawagan ka na lang namin kapag nakakuha kami ng tip," saad ni SPO2 Garcia na nauna nang lumabas. Sumunod si SPO1 Angeles ngunit bago niya isara ang pinto ay muli siyang napatingin kay Ana at sa CCTV operator na napansin niyang kumikilos ng kaduda-duda.


HALOS tumigil ang mundo ni Libulan habang nakatitig sa babaeng nahahawig kay Elena. Maging ang ngiti nito ay hindi nalalayo sa dating kababata.

"Libulan Dela Torre?" wika ni Ana at nagsimulang maglakad papalapit. Sinasayaw ng hangin ang buhok ni Ana habang humahakbang ito papalapit sa kaniya. "Li, don't tell me ayaw mo mag-work today? Huy!" Wika ni Kuya Empi na sinubukan pang itaas ang palad niya sa mukha ni Libulan na hindi gumagalaw sa kinatatayuan nito.

"Ano bang..." Hindi na natapos ni Kuya Empi ang sasabihin niya dahil maging siya ay napatulala na lang din nang makita ang magandang babae na naglalakad papalapit sa kanila. "Buti nahanap ko kayo," patuloy ni Ana sabay ngiti muli. Napakusot pa ng mata si Kuya Empi sa pag-aakalang nakalabas sa TV ang reporter na napapanood nila gabi-gabi sa balita.

Kasalukuyang nasa tanggapan ng patahian sina Ana at Libulan. Nakaupo si Ana sa mahabang sofa habang nasa katapat naman na silya si Libulan. Nasa kusina sina Aling Lucy at Kuya Empi na parehong nakasilip sa dalawa na parehong ngumingiti-ngiti lang at hindi pa nag-uusap.

Nagtitimpla ng orange juice si Aling Lucy. "Ang ganda pala niya sa personal. Hindi ako mahilig sa artista pero totoo pala siguro na mas magaganda sila kapag nakita mo nang harapan," wika ni Aling Lucy na panay ang tingin sa sofa habang hinahalo ang juice sa pitsel.

Napailing ng ilang ulit si Kuya Empi, "Tsk. Muntik pa kaming mabugbog ng taxi drayber dahil sa kaniya. Unfair din kay Li, na-ban siya sa Intramuros at bawal pa siya lumapit sa reporter na 'yan... kaso mukhang may nakonsensiya ata," wika ni Kuya Empi na napapasingkit din ang mata dahil natunghayan niya kung paano sumigaw at matakot si Ana kay Libulan. Dinala pa sila sa presinto at naakusahan ng harassment at trespassing.

"Ano? Sinong muntik mabugbog at na-ban sa Intramuros?" gulat na tanong ni Aling Lucy na napatigil sa paghalo ng juice. Napangiti si Kuya Empi sabay kamot sa ulo, nangako siya kay Sabrina na hindi niya sasabihin sa iba ang nangyari kay Libulan ngunit sadyang madulas ang kaniyang dila.

"Ikaw, Emperador, magsabi ka nga ng totoo, anong nagyari, ha?!" wika ni Aling Lucy na balak sanang ihampas sa ulo ni Kuya Empi ang sandok na panghalo sa juice. Napapikit si Kuya Empi at wala nang nagawa kundi sabihin ang nalaman niya na may record na sa presinto si Libulan.

Samantala, hindi maunawaan ni Libulan kung paano muli kakausapin ang babaeng kahawig ni Elena. Naalala niya na natakot ito at naisipan pa siya nang masama nang subukan niya itong lapitan at kausapin.

"Siguro nagtataka ka ngayon kung bakit ako nandito," panimula ni Ana na napayuko saka inabot ang dala niyang chocolate cake. "Gusto ko sanang humingi ng tawad. Sorry kung napagbintangan kita. Nagkamali ako. Nagulat lang din ako noong gabing 'yon at siguro dahil na rin sa pagod kaya hindi ako nakapag-isip nang maayos," patuloy ni Ana saka binuksan ang cake.

Napatitig si Libulan sa cake. Inaakit siya ng matamis na amoy ng tsokolate na siyang paborito niya sa lahat. Kinuha ni Libulan ang disposable cake knife na nakadikit sa box at akmang titikman ang cake ngunit dumating si Aling Lucy dala ang dalawang baso ng orange juice.

"Mag-merienda po muna kayo," wika ni Aling Lucy na mas lalong napangiti nang makita sa malapitan ang sikat na reporter. "Ang ganda niyo pala talaga Ma'am sa personal! Puwede kayong mag-artista!" ngiti ni Aling Lucy dahilan upang mapangiti si Ana at matakip ng bibig dahil sa hiya.

"Salamat po, nag-abala pa po kayo." Magalang na wika ni Ana saka ininom ang juice. "Ako na po pala ang maghiwa nito, sandali lang po." Saad ni Aling Lucy sabay kuha sa cake. Sinundan ni Libulan ng tingin ang cake hanggang sa madala ito sa kusina.

"Curious lang ako, nagkakilala na ba tayo dati? Sa mga conference o sa..." hindi na nagawang ituloy ni Ana ang sasabihin dahil hindi na rin niya maalala ang lahat ng taong araw-araw niya nakakausap sa mga balitang sinusulat niya.

"Ikaw ba ay naniniwala sa nakaraang buhay?" tanong ni Libulan. Nagtaka ang hitsura ni Ana saka inilapag ang baso sa mesa. "Anong nakaraan?" paglilinaw ni Ana na naguluhan sa sinabi ni Libulan. Sinubukan niyang tumawa ngunit seryoso ang hitsura ni Libulan na animo'y tinatalakay nito ang isang napakahalagang bagay.

Tumikhim si Ana, "Ang ibig mong bang sabihin ay kung mahalaga sa akin ang nakaraang buhay ng isang tao?" tanong ni Ana na nakagawa ng sariling interpretasyon. "Sa trabaho ko, marami akong nakikilalang iba't ibang tao. Nakikilala ko sila sa iba't ibang sitwasyon. Binabalita ko ang mga nangyayari ngayon, kung minsan kailangan ko pa alamin ang nakaraan nila. At para sa 'kin, hindi na importante kung anong madilim na nakaraan mayroon sila dahil mas naniniwala ako na puwede pa sila magbago," paliwanag ni Ana.

Tumango nang marahan si Libulan. Napagtanto niya na maaaring kamukha lang ni Ana si Elena o kadugo ito ng pamilya Santiago. Para rin sa kaniya, imposibleng mabuhay itong muli tulad niya sa makabagong panahon.

Uminom ng juice si Libulan. Sandali siyang inobserbahan ni Ana, tiningnan niya ang braso at katawan nito na mukhang wala namang sugat o injury. Nakausap na rin niya ang lalaking nakabangga kay Libulan at siya ring nagsugod sa ospital, malinaw na nawalan ito ng malay at duguan sa kalsada subalit hindi maunawaan ni Ana kung paano naglaho ang mga sugat nito na parang walang aksidenteng nangyari.

Hangga't maaari nais muna niyang makuha ang loob ni Libulan at alamin ang tungkol sa nangyaring aksidente upang makuha niya ang mga detalye sa balitang kaniyang isusulat. Hindi siya sigurado kung may nililihim ba ang binata.

"Siya nga pala, maaari ko bang malaman kung paano mo natunton ang aking kinaroroonan?" tanong ni Libulan. Ngumiti nang marahan si Ana at may halong pagtataka.

"Kakaiba ka magsalita," tipid nitong ngiti, "Nalaman ko sa mga police. Gusto ko kasi talagang makausap kayo at makahingi ng tawad sa personal," patuloy nito. Tumango-tango si Libulan, sa mundong ito, si Ana ngayon ang humihingi sa kaniya ng tawad. Kabaliktaran sa panahong kaniyang kinabibilangan kung saan halos lumuhod na siya sa harap ni Elena upang humingi ng tawad.

Magsasalita pa sana si Libulan nang biglang tumunog ang phone ni Ana. Sumenyas si Ana na sasagutin niya lang sandali ang tawag at lumabas sa patahian. Pinagmasdan ni Libulan si Ana mula sa glass window ng patahian. Naalala niya na may ganoong bagay din sina Sabrina at Kuya Empi at nagagawa nilang kausapin ang isa't isa kahit nasa malayo sila.

Makalipas ang ilang sandali ay pumasok na si Ana, "Pasensiya na, kailangan ko na umalis," saad ni Ana na nagawa pang lumapit kay Aling Lucy at humalik sa pisngi nito. Nakipagkamay din siya kay Kuya Empi, "Mauna na po ako. Salamat po sa merienda." Ngiti ni Ana dahilan upang mas lalong mamangha si Aling Lucy.

"Thank you rin sa merienda, peyborit ko na 'tong cake," hirit ni Kuya Empi na kanina lang ay pinagdududahan si Ana ngunit nang matikman niya ang dala nitong cake ay napangiti na rin siya na parang batang may paboritong ninang.

Hinatid ni Libulan si Ana sa labas ng patahian, nakaabang sa labas ang taxi na inupahan nito. "Gusto ko rin sana bumawi sa 'yo. Dinner?" tanong ni Ana, nakatingin lang si Libulan sa kaniya dahil hindi nito maintindihan ang huling salitang nabanggit.

"Anong phone number mo? I'll text you kung saan at kailan, at syempre kung free ka," tanong ni Ana sabay abot ng phone niya kay Libulan. Napatitig si Libulan sa phone, hindi niya alam kung paano ito gamitin.

"Paumanhin ngunit wala ako ng mga bagay na iyong tinutukoy." Saad ni Libulan, naalala niya na epektibo ang linya na ito na minsan niyang ginamit sa kahera na nanghihingi ng facebook account niya.

"Ah, tawagan mo na lang ako. Ito ang calling card ko," wika ni Ana sabay abot kay Libulan ng maliit na card na kulay puti at asul. "Gusto ko talaga sanang makabawi sa 'yo," ngiti ni Ana saka inilahad ang palad niya kay Libulan upang makipagkamay.

"Puwede na rin ba kitang tawaging, Li?" patuloy niya. Narinig niya na Li ang tawag ng mga kasama ni Libulan sa patahian. Tumango si Libulan at kinamayan si Ana sabay ngiti. "Ikaw ang bahala, Binibining Ana." Tugon ni Libulan dahilan upang matawa nang marahan si Ana dahil sa kakaibang pananalita ni Libulan.

Matapos niyang magpaalam ay sumakay na siya sa taxi. Nanatiling nakatayo si Libulan sa labas ng patahian habang tinatanaw ang papalayong taxi na pahinto-hinto dahil sa sikip ng daan lalo na ng mga kabataang naglalaro ng basketball sa gitna ng kalye.


GULAT na napalingon si Sabrina sa lalaking humawak sa kamay niya bago niya buksan ang pinto sa classroom. "Sumama ka sa 'kin," mabilis na wika ni Tristan, sinubukang magtanong ni Sabrina ngunit mabilis siyang nadala ni Tristan patungo sa dulo ng pasilyo at likod ng classroom.

Hinihingal na napasandal si Tristan sa pader habang hawak pa rin ang kamay ni Sabrina. Nagtatakang nakatingin si Sabrina kay Tristan, hindi niya maunawaan kung bakit sila tumakbo papalayo ngunit simula pa lang nang pumasok siya kanina sa gate ng school ay may masamang kutob na siyang naramdaman.

"Wag ka munang pumasok ngayon," panimula ni Tristan na unti-unti nang bumitaw sa pagkakahawak sa kaniya. "Nasa detention office ngayon si Kyla."

Nanlaki ang mga mata ni Sabrina, "Bakit? Anong nangyari?"

"Cheating... Involve kayong dalawa," sagot ni Tristan dahilan upang tuluyang hindi makapagsalita si Sabrina. Sa reaksyon pa lang ni Sabrina ay napagtanto na ni Tristan na totoo nga na nandaya silang dalawa.

"May nag-leak na pictures na pinagawa niyo ang assignments niyo sa iba," patuloy ni Tristan kahit hindi na nagtanong si Sabrina kung paano nalaman ng lahat. Kinuha niya ang kaniyang phone at pinakita kay Sabrina ang litrato.

Hindi na nakagalaw si Sabrina sa kaniyang kinatatayuan nang makilala ang larawang iyon. Ginagawa ni Libulan ang assignment habang nakatalikod ito. Siya ang kumuha ng litratong iyon na pinadala niya kay Kyla kasama ang iba pang mga kinuha niyang larawan upang pakopyahin ang kaibigan.

"Galit na galit ang professor niyo, napagalitan si Kyla at dinala agad sa office." patuloy ni Tristan saka ibinulsa ang phone. Namumutla na ang hitsura ni Sabrina sa matinding takot at kaba.

Ilang sandali pa, tumalikod si Sabrina pabalik sa pasilyo ngunit agad siyang hinila ni Tristan upang pigilan. "Saan ka pupunta?!"

"Kailangan ako ni Kyla!"

"Mas mabuting 'wag ka muna pumasok. Kailangan nating makaisip ng paraan. Sabrina, makinig ka." Wika ni Tristan. Napatigil si Sabrina, nangingilid na ang luha sa kaniyang mga mata. Alam niya kung gaano kaseryoso ang bagay na ito.

"Sino ba 'yong nasa picture? Mas mabuti kung mapapaharap natin siya at makukumbinse na sabihin sa lahat na hindi naman siya ang gumawa ng mga assignments niyo. Nakatalikod siya sa picture, at hindi naman kita roon kung anong ginagawa niya..." Hindi na natapos ni Tristan ang sinasabi niya nang magsimulang tumunog ang phone ni Sabrina.

Napatitig si Sabrina sa unknown number. Kinuha ni Tristan ang phone niya at pinatay ito. "Kausapin mo ang lalaking 'yon. Para makaligtas kayo ni Kyla, kailangan niyang magsinunggaling." Patuloy ni Tristan dahilan upang mas lalong mamutla si Sabrina.


ALAS-SIYETE na ng gabi, nakatayo sa labas ng patahian si Libulan habang nakatitig sa calling card na binigay ni Ana. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa kaniya kung anong hiwaga ang bumabalot kay Ana at kung bakit una niya rin itong nakita sa dating kinatitirikan ng kanilang mansyon.

Gayunpaman, napangiti si Libulan sa sarili nang mapagtanto na makakabawi na siya ngayon kay Elena. Sa palagay niya, ito na marahil ang dahilan kung bakit muling nagtagpo ang kanilang landas. Makakabawi na siya sa lahat ng naging kasalanan niya sa dating kaibigan.

Kakaalis lang ni Kuya Empi, hinatid nito si Gera sa bahay. Samantala, abala naman si Aling Lucy sa paghuhugas ng pinggan habang nasa kuwarto na si Migo at naglalaro ng online game sa kaniyang phone. Gusto niyang tanungin si Sabrina kung saan maaaring makabili ng phone upang

Ilang sandali pa, natanaw ni Libulan si Sabrina na tulalang naglalakad mula sa malayo. Tinaas ni Libulan ang kamay niya upang kumaway kay Sabrina ngunit hindi siya nito napansin. Nawala ang ngiti ni Libulan nang mapansin ang hitsura ni Sabrina. Hindi maipinta ang hitsura nito na animo'y may mabigat na suliranin.

Hindi namalayan ni Sabrina na nadaanan na niya si Libulan. Napatigil siya nang humarang ito sa kaniyang daraanan, "Mayroon bang bumabagabag sa 'yo?" tanong ni Libulan, bakas sa kaniyang hitsura ang pagtataka at pag-aalala.

Napatitig si Sabrina sa hitsura ni Libulan. Isang inosente na wala namang intensyon na ipahamak sila. Kapag dinala niya ito sa school at pinaharap sa kanilang professor at pilitin na magsinunggaling para maligtas sila, pakiramdam niya ay hindi naman patas iyon kay Libulan na wala namang ibang intensyon noong tulungan siya nito sa pag-aaral.

Subalit, may kung anong nag-uudyok sa kaniya na pakiusapan si Libulan na magsinunggaling upang makaligtas sila ni Kyla. Sa kanilang dalawa, walang mawawala kay Libulan na nabubuhay sa unang panahon. Kumpara sa kaniya na maaaring matanggal sa school dahil sa kinasangkutang violation.

Umiling si Sabrina bilang tugon, "Wala. Pagod lang ako," wika niya saka nagpatuloy sa loob ng patahian. Sinundan ni Libulan ng tingin si Sabrina hanggang sa makaakyat ito sa ikalawang palapag at binuksan nito ang ilaw sa silid. Nararamdaman ni Libulan na may nangyaring hindi maganda sa araw ni Sabrina dahil kakaiba ang kilos at pananalita nito na tila walang gana.


NANG gabing iyon, hindi makatulog si Libulan. Hindi man niya direktang sabihin ngunit nababagabag siya ng kakaibang lungkot at pagiging tahimik ni Sabrina. Bumangon si Libulan at lumabas sa silid. Patay na ang ilaw sa silid ni Sabrina ngunit may naririnig siyang paghikbi mula roon.

Humakbang si Libulan papalapit sa bintana kung saan natanaw niya si Sabrina sa bubong. Pilit nitong pinupunasan ang luha na hindi maawat sa pagbagsak habang hawak ang phone sa kabilang tainga. Tinatawagan ni Sabrina ang kaniyang kapatid ngunit hindi nito nasasagot ang tawag. Patuloy lang nag-riring ang phone at paulit-ulit na tatawagan ni Sabrina.

Hindi malaman ni Libulan kung bakit nakaramdam siya ng awa at tila nadudurog ang puso niya nang makitang lumuluha si Sabrina. Bukod doon, nais niyang damayan ito o patahanin subalit malinaw na hindi nais ni Sabrina ipakita sa iba ang kaniyang pagtangis. Matapang at palaban ito tingnan mula sa kilos at pananalita ngunit ang totoo, mahina rin ang puso nito at mas pinipiling lumuha mag-isa.

Kinabukasan, inabangan ni Libulan si Sabrina sa labas ng silid nito. Hawak niya ang mainit na pandesal na binili ni Kuya Empi. Kinuha niya ito agad nang magtungo si Kuya Empi sa palikuran. Maaga rin siya naligo at nagbihis. Nagpaalam siya kay Gera na may pupuntahan sa umaga at babalik din agad. Ang totoo, nais niyang samahan si Sabrina papasok sa paaralan dahil pakiramdam niya ay may kinalaman ito sa pag-aaral na minsang naging sanhi ng alalahanin ni Sabrina.

Hindi napansin ni Sabrina si Libulan nang lumabas siya sa kaniyang silid. Nakasuot na rin siya ng uniporme. Mabagal ang kaniyang kilos na tila ba hindi siya nag-aalala na mahuhuli na siya sa klase. Napatigil si Sabrina nang iabot ni Libulan ang pandesal na nakablot sa papel. "May tatlumpung minuto ka na lamang, heto na ang iyong agahan... Sasamahan na rin kita papasok sa paaralan."

"Hindi. Huwag kang pupunta 'don," wika ni Sabrina na napakunot ang noo. Wala siyang tulog at hindi rin maganda ang kaniyang gising dahil ni isa sa tawag niya ay hindi sinagot ng kanyang kapatid kagabi. Nais niyang humingi ng tulong. Si Faye lang ang guardian niya na maaaring kumausap sa kanilang propesor kung sakali.

"May mga mag-aaral ka ba na masasamang loob na at umaalipusta sa 'yo?" tanong ni Libulan. Naalala niya ang mga estudyante na nanguha ng salapi at baon ni Migo.

"Aalis na 'ko," saad ni Sabrina na akmang pababa na ng hagdan ngunit humarang si Libulan.

"Iyong sabihin, ako'y hindi mapalagay na hanggang sa panahong ito ay talamak pa rin ang mga mapagmataas at masasamang loob na estudyante na walang ginawa kundi ang manghamak ng kapwa!"

Napapikit si Sabrina at napahinga nang malalim. "Kahit anong mangyari 'wag kang pupunta sa school. Lapitin ka ng gulo at baka mapresinto ka na naman," seryosong saad ni Sabrina dahilan upang mapatahimik si Libulan.

Napatabi siya sa gilid nang humakbang na pababa ng hagdan si Sabrina, ngunit bago ito tuluyang makababa ay lumingon siya muli kay Libulan, "Walang nang-aapi sa 'kin, subukan lang nila. Kapag nalaman ko talaga kung sino siya, titirisin ko siya ng buhay." Saad ni Sabrina habang nanlilisik ang mga mata. Buong gabi niya pinag-isipan kung paano kumalat sa buong campus ang lahat. Pakiramdam niya ay may matinding galit sa kanila ni Kyla ang nagpakalat ng litrato.


DIRE-DIRETSONG naglakad si Sabrina sa pasilyo patungo sa faculty upang makausap ang kanilang propesor. Napapalingon ang mga estudyanteng nakakasalubong niya, maging ang mga nakaupo sa tabi. Labag din sa kalooban niya na si Kyla ang sumasalo ng lahat gayong may kasalanan din siya. Isang bagay na natutunan niya mula sa kaniyang ina at kapatid, ito ay ang maging responsable sa lahat ng nagawang pagkakamali.

Samantala, dali-daling lumundag si Libulan pababa sa mini truck at tumakbo papasok sa paaralan. "Li, Sandali!" tawag ni Kuya Empi na napakamot na lang muli sa ulo dahil hindi na tumatakbo na naman si Libulan at tumawid nang biglaan sa kalsada.

Agad hinarang si Libulan ng mga security guard. "Ako po'y may mahalagang sadya, kailangan ko pong..." sinubukang magpaliwanag ni Libulan ngunit lumapit na rin ang ibang mga guard na nakatayo sa gate.

Nagkataon na naglalakad si Tristan papasok sa school entrance. Nakilala niya ang lalaking hinaharang ngayon ng mga guard. Ito ang lalaking sumundo kay Sabrina at siyang nasa larawan. Dali-daling lumapit si Tristan kay Libulan na hindi pinapakinggan ng mga guard.

"Kilala mo si Sabrina?" tanong ni Tristan dahilan upang mapatigil si Libulan at lumingon sa kaniya.

"Kakilala mo 'to? Alam niyo naman ang protocol dito. Doon na kayo." Wika ng guard kay Tristan na napakamot na lang din ng ulo dahil sa pagpupumilit ni Libulan.

"Iyong sabihin, ano ang nangyari? Bakit nababakas ang matinding suliranin kay Sabrina?" Napatikhim si Tristan dahil sa kakaibang pananalita ni Libulan. Bukod doon, pakiramdam niya ay nasa entablado sila at nagtatanghal ng dula ngayon.

"Nahuli sila. Cheating. Major offense 'yon at posibleng ma-expel sila dito sa school," tugon ni Tristan ngunit napakunot ang noo ni Libulan. Hindi niya maintindihan ang sinabi nito.

"Maaari mo bang ipaliwanag sa 'kin sa paraang matatarok ng aking isipan?" wika ni Libulan dahilan upang si Tristan naman ang mapakunot ng noo.

"Dude. Okay ka lang?" Saad ni Tristan ngunit nakatingin lang sa kaniya si Libulan na naghihintay ng sagot. Napahinga na lang siya nang malalim saka napakamot sa noo. "Nanganganib sina Sabrina at Kyla dahil nalaman ng lahat na nandaya sila. Ikaw ang gumawa ng mga 'yon, hindi ba?"

Hindi nakapagsalita si Libulan. Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit hindi siya nais papuntahin ni Sabrina sa paaralan nito. Ito rin ang dahilan ng pagtangis ni Sabrina at pagtawag sa kapatid.

"May paraan pa," patuloy ni Tristan saka luminga-linga sa paligid sa takot na may makarinig sa sasabihin niya. Mabuti na lang dahil nasa main entrance na ulit ang mga guard at dinadaanan lang sila ng ibang mga estudyante.

"Sabihin mo sa propesor na hindi naman assignment nila ang ginagawa mo dito," wika ni Tristan saka pinakita kay Libulan ang nakuhanan nitong litrato. "Kailangan mo magsinunggaling at pagtakpan ang ginawa nila para hindi sila maparusahan." Wika ni Tristan dahilan upang tuluyang hindi makapagsalita si Libulan dahil labag iyon sa kaniyang prinsipyo bilang estudyante na nag-aaral ng abogasya.

Naniniwala si Libulan na ang nararapat na ipaglaban ng sinumang abogado ay ang katotohanan. Ang kasinunggalingan ang kabaliktaran nito at siyang dahilan ng pagkadungis ng sistema ng hustisya.


NAKAPASOK si Libulan dahil sa tulong ni Tristan. Naglalakad sila ngayon patungo sa faculty upang makausap ang propesor. Sa bawat paghakbang ni Libulan ay nagtatalo ang kaniyang isipan. Kailanman ay hindi siya nagsinunggaling upang paburan ang kaniyang panig. Kailanman ay hindi siya umayon sa pagtatakip ng katotohanan dahil naniniwala siya na lalago ang kamalian kung ang abogado ay nagtatanggol sa kasamaan.

Hindi alintana ni Libulan ang mga estudyante na napapatigil sa paglalakad at napapatabi sa gilid habang nakatitig sa kaniya. May ilang kababaihan ang napangiti at nagsimulang magbulungan. Nang marating nila ang faculty, naunang pumasok si Tristan. Sandaling ipinikit ni Libulan ang kaniyang mga mata. Handa niyang gawin ang bagay na labag sa kaniyang prinsipyo. Kailangan niya ngayon magsinunggaling upang maligtas si Sabrina at ang kaibigan nito.

Pagbukas ni Tristan ng pinto upang papasukin si Libulan, naabutan niyang nakayuko sina Sabrina at Kyla at tahimik na nakaupo. Nakatayo ang propesor na napahawak sa sentido. Nanlaki ang mga mata ni Sabrina nang makita si Libulan. Maging si Kyla ay napatakip ng bibig sa gulat.

Magalang na bumati si Libulan sa propesor, itinapat niya ang kanang kamay sa dibdib at yumukod. "Aking ipinagpapasalamat ang inyong pagpahintulot sa aking pakiusap na kayo'y makausap, ang usaping ito ay mahalaga at nararapat na pagtuunan ng pansin. Hayaan niyong ipakilala ko ang aking sarili, ang aking ngalan ay Libulan Dela Torre y Marquez Casilang. Ako'y hindi na magpapaligoy-ligoy pa sapagkat hindi ko nais sayangin ang inyong oras, Ginoo." Panimula ni Libulan dahilan upang makurap ng dalawang beses ang propesor na may katandaan na.

Nanatiling nakatayo si Libulan na animo'y nagtatalumpati sa gitna nila. Dahan-dahang naupo si Tristan sa tabi ni Kyla at napanganga sa pagsasalita ni Libulan. Sa isip niya, para nasa audition din siya ng mga bagong estudyante na gustong sumali sa theater club.

"Ako'y likas na mahilig sa pagbabasa, pagsusulat, at uhaw sa mga bagong kaalaman. Isa ang Sipnayan sa mga asignatura na aking kinahihiligan. Maaaring nagtataka kayo kung bakit ko nababanggit ang mga bagay na may kinalaman sa aking sarili..." Napatigil si Libulan at napatingin kay Sabrina na ngayon ay nakatitig sa kaniya. Namumula ang mata nito at halatang namaga ang mata dahil sa pagluha.

Napalunok si Libulan, "A-ako ang nasa larawan na nagiging laman ng usap-usapan ngayon. Ako'y naririto upang ipagbigay-alam sa inyo, Ginoo, na walang katotohanan at walang kinalaman si Sabrina sa..." hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin niya dahil agad tinaas ni Sabrina ang kaniyang kamay at nauna siyang nagsalita.

"Sir, sorry po talaga. Gaya nga ng sabi ko, pagbabayaran po namin ni Kyla ang nagawa namin. Babawi po kami. Alam po naming nagkamali kami at hindi na po mauulit. Lesson learned na po 'to at bilang future teachers, hindi po namin hahayaan ang pandaraya." Saad ni Sabrina na napayuko pa.

Napakurap ng dalawang beses si Libulan. Maging si Tristan ay napatulala dahil pareho nilang hindi alam ni Libulan na umamin na pala sina Sabrina at Kyla sa propesor at ngayon ay nagmamakaawa sila na bigyan pa ng pagkakataong bumawi.

Napatikhim ang propesor at umupo sa katapat na silya. Sinenyasan niya na maupo na rin si Libulan na nakatayo pa rin sa gitna. Hinila ni Tristan si Libulan dahil mukhang hindi nito naunawaan ang pagsenyas ng propesor.

"Alam ko naman na hindi maiiwasan ang pangongopya lalo na sa inyong mga estudyante. Pero sana hangga't maaari, 'wag niyo nang gawin. Magiging teacher kayo balangaraw, anong sasabihin niyo sa mga estudyante niyo? Na okay lang mandaya? Na okay lang mangopya?" panimula ng propesor na napahawak sa sentido.

"Anong gagawin natin ngayon? Zero ang grades niyo sa mga pinasa niyo. Hindi ko tatanggapin 'yon. Hindi ko na kayo pagbibigyan ulit." Saad ng propesor saka napatingin kay Libulan.

"At sino ka naman? Ano bang sasabihin mo? Ang haba-haba ng introduction mo," patuloy ng propesor. Napaupo nang tuwid si Libulan. Malinaw na sa kaniya na umamin na si Sabrina kung kaya't hindi na siya dapat magsinunggaling. Siguradong mas lalong magagalit ang propesor kapag sinabi niya na walang kasalanan si Sabrina.

"K-kung inyong mamarapatin, Ser." Wika ni Libulan nang maalala ang mga tawagan na ginagamit sa modernong panahon. "Nais ko po sanang magbigay ng suhestiyon. Kapag nakakuha po ng sobresaliente sa darating na pagsusulit sina Sabrina at Kyla, nawa'y sapat na po iyon upang mapatawad niyo ang kanilang kasalanan."

"Sobresal... ano?" tanong ng propesor. Agad tinaas ni Tristan ang kamay niya upang magsalita.

"Ang ibig sabihin po ng sobresaliente ay Outstanding sa Spanish," paliwanag ni Tristan na kahit papaano ay may nalalaman sa wikang Kastila dahil ito ang elective language subject niya noon.

Napaupo nang tuwid ang propesor at napahalukipkip saka sinenyasan si Libulan na magpatuloy sa pagsasalita. "Ako po'y naniniwala na ang pangakong pagbabago ay napapatunayan sa kilos. Marapat lamang na patunayan nila ang kanilang hangaring makabawi sa kanilang pagkakamali sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti." Patuloy ni Libulan dahilan upang mapatango ng ilang ulit ang propesor bilang pasang-ayon.

Napanganga sina Sabrina at Kyla dahil mukhang kinampihan pa ni Libulan ang propesor. "Mukhang maganda ang ideya mo," saad ng propesor sabay tingin sa dalawang estudyante. "Sige, kailangan niyo makakuha ng mataas na score sa exam natin. Hanggang three mistakes lang sa exam ang tatanggapin ko. Patunayan niyo sa 'kin at sa sarili niyo na babawi kayo." Saad ng propesor bago tumayo.

Napatayo rin sila saka payukong nagpasalamat, "Thank you po, Sir. Pasensiya na po talaga. Babawi po kami," wika ni Sabrina. Maging si Kyla ay maluha-luhang nagpasalamat dahil sa pangalawang pagkakataon na binigay sa kanila.

Nang makaalis ang propesor ay napayakap si Kyla kay Sabrina. Napatingin naman si Sabrina kay Libulan na marahang tumango dahil kahit papaano ay nakagawa sila ng paraan. Napayuko si Tristan nang makita ang palitan ng tingin ng dalawa. Nauna na siyang lumabas at naglakad sa pasilyo.

Sumabay si Libulan sa paglalakad nina Sabrina at Kyla. Inililbot niya ang kaniyang mata sa paligid. Ang matatayog na pader na may magandang pintura, makinis na sahig, at mga estudyanteng nakaksalubong ay malayong-malayo sa kinagisnan niyang Unibersidad.

Hindi mapigilan ni Libulan mangulila sa pagpasok sa paaralan. Naalala niya pa ang kaniyang matinding panaghoy noong unang beses siyang papasok sa eskwela. Biglang nakaramdam ng hiya si Libulan nang marinig ang mahihinang hagikhikan ng mga babaeng estudyante na kumaway pa sa kaniya.

Maging si Sabrina ay nakaramdam ng hiya dahil pinagtitinginan na sila ngayon. Simpleng white shirt at denim pants lang ang suot ni Libulan ngunit agaw-pansin siya sa lahat lalo na dahil siya'y matangkad at mamula-mula ang balat.

Nakasalubong nila si Kelly at ang mga kaibigan nito na walang nagawa kundi ang mapatabi sa gilid. "Sino 'yong kasama ni Sabrina?" bulong ni Kelly sa kasama. Napakunot din ang noo niya nang makita si Tristan na kasama nila.

"Siya ata 'yong boyfriend ni Sabrina na gumawa ng assignments. Infairness, ang talino na ang gwapo pa!" tugon nito. Napahawak si Kelly nang mahigpit sa kaniyang bag. Sa hitsura nina Sabrina at Kyla, mukhang hindi naman sila namomoblema.

Sinundan niya ng tingin si Tristan hanggang sa magpaalam na ito kina Sabrina, Kyla, at Libulan. Ang mas hindi niya nagustuhan ay ang pagtitig ni Tristan kay Sabrina hanggang sa makababa ito sa hagdan.


KINAGABIHAN, nagluluto si Sabrina ng hotdog para sa hapunan nang dumating sina Kuya Empi at Libulan. Kakatapos lang ng huling delivery nila. Umuwi rin sina Aling Lucy at Migo sa dati nilang bahay pansamantala.

"Wow, hotdog na naman. Napaka-healthy ng pinapakain mo sa 'min, Sab." Wika ni Kuya Empi sabay kuha ng malamig na tubig sa ref. Naupo naman si Libulan sa dining table na para bang naghihintay ng order.

"Kung ayaw niyong kumain, ako na lang uubos nito." Saad ni Sabrina ngunit agad siyang sinagi ni Kuya Empi. "Ito naman, joke joke joke lang e," hirit ni Kuya Empi sabay tawa. Napahawak si Sabrina sa kaniyang braso dahil tumusok sa kaniya ang siko ni Kuya Empi na halos buto na.

Sasagihin pa sana ni Kuya Empi si Sabrina ngunit tumayo na si Libulan at lumapit sa kanila. "Para sa akin, ang hatdog ang pinakamalinamnam na putahe na iyong niluto," papuri ni Libulan. Hindi naman malaman ni Sabrina kung ngingiti ba siya, matatawa, o magpapasalamat. Nauna nang tumawa nang malakas si Kuya Empi.

"Anong malinamnam? Processed food 'yan e, piprituhin niya lang..." hindi na natapos ni Kuya Empi ang sasabihin niya dahil pinakain siya ng tissue ni Sabrina dahil sa inis.

"Kumain na tayo," saad ni Sabrina saka pabagsak na inilapag ang mga pritong hotdog. Napangiti si Libulan. Napakamot naman sa ulo si Kuya Empi dahil ilang araw na puro hotdog ang hapunan nila.

Kinabukasan, excited na pumunta si Kyla sa Sastre y Seda. May dala rin siyang malaking bag dahil balak niyang makitulog kay Sabrina ng ilang gabi bago ang final exam nila sa Algebra. Nangako si Libulan na tuturuan silang dalawa upang makakuha ng mataas na marka gaya ng pangako nila sa kanilang propesor.

Tuwang-tuwa sina Sabrina at Kyla na parang sleep over lang ang gagawin nila. Inilabas din ni Kyla ang mga dala niyang chichirya at soda. Nakalatag ang maliit na mesa sa kuwarto ni Sabrina at inihanda rin niya ang maliit na white board na pagsusulatan ni Libulan.

Nasa kalagitnaan sila ng pagkukuwentuhan nang dumating si Libulan. Muntik pang mabitiwan ni Kyla ang hawak niyang pringles. Maging si Sabrina ay muntik mabulunan sa iniinom niyang soda dahil sa hitsura ng kanilang tutor.

Nakasuot ito ng itim na mahabang coat, at sombrero. May dala rin itong meter stick na ginawang baston at pamalo. Tumayo si Libulan sa harap at isinulat ang pangalan niya sa white board na kulay pink at may mukha ni Hello Kitty and friends sa gilid.

"Sa loob ng isang Linggo, ako ang inyong magsisilbing guro," panimula ni Libulan saka itinukod ang meter stick. Napatulala sa kaniya sina Sabrina at Kyla na nakasuot pa ng pajama outfit. "Ako rin ay may pagkakamali sa nangyari. Tinulungan ko na lang sana kayo sa mas mabuting paraan, hindi ko naisip na mas mabuting ituro sa inyo ang matematika nang sa gayon ay hindi ko hinayaan na mabulid kayo sa pandaraya."

Dahan-dahang inilapit ni Kyla ang bibig niya sa tainga ni Sabrina, "Algebra ba ituturo niya, o Filipino?" bulong ni Kyla, agad sinagi ni Sabrina si Kyla dahil mukhang hindi ito nakikinig sa mahabang pagsasalita ni Libulan. "Gurl, sumasakit ulo ko," patuloy ni Kyla sabay nguya ng chichirya.

"Ang bawat desisyon natin ay may kahihinatnan. Nawa'y nagsilbi sa inyong aral ang nangyari. Sa inyong hangarin mapadali ang inyong pag-aaral ay nalugmok kayo sa pandaraya at mabilis na paraan. Subalit, masdan niyo ang inyong sitwasyon ngayon, bilang kapalit, ang inyong pag-aaral ay nalagay sa alanganin, sa halip na mapadali at mapabilis ay nakatayo kayo ngayon sa bingit ng bangin kung saan kailangan niyong gumawa ng paraan upang tuluyang hindi mahulog sa kawalan," nagpatuloy sa pagsasalita si Libulan ngunit napatigil siya dahil sa lutong ng chichirya na nginunguya ng mga estudyante niya.

Tumikhim si Libulan saka nagsulat sa white board. "Bago tayo magsimula, nais kong ipagbigay-alam sa inyo ang ilan sa mga alituntunin na aking isasakatuparan sa klaseng ito. Ako'y maunawain at mahaba ang aking pasensiya sa lahat ng bagay maliban sa isa..." wika ni Libulan saka sinulat ang bagay na tinutukoy niya.

"Sa pag-aaral!" wika nito gamit ang mas malalim na boses. Nagkatinginan sina Sabrina at Kyla dahil pareho silang hindi ganoon kaseryoso sa pag-aaral. Makapasa lang sila kahit pasang-awa na grades ay sapat na.

Inilagay ni Libulan ang kamay niya sa kaniyang likuran, "Aking natutunan na nagsisimula ang tamang disiplina sa pag-aaral. At iyon ang nais kong ipatupad sa klaseng ito." Seryosong wika ni Libulan at nagsimulang maglakad-lakad.

"Una, katahimikan. Hangga't maaari ay wala akong mauulinigang bulungan o ingay habang ako nagsasalita. Kung kayo ay may katanungan, itaas niyo ang inyong kamay at hintayin na tawagin ko ang inyong pangalan. Ikalawa, hindi ko pahihintulutan ang anumang pagkain o inumin sa klaseng ito dahil hindi kayo naririto upang manood ng dula o maglibang." Saad ni Libulan saka tinuro ang mga chichirya at soda sa mesa gamit ang hawak niyang meter stick.

Walang nagawa sina Sabrina at Kyla kundi ang itabi iyon. "Ikatlo, ang sinumang hindi makakasagot ng tama sa aking tanong ay mapaparusahan. Sampung hampas sa palad para sa bawat maling sagot. Sampung hampas din sa oras na hindi niyo nababatid ang sagot," saad ni Libulan saka hinampas ang meter stick sa mesa dahilan upang magitla ang dalawa.

"Ika-apat, hindi maaaring matulog sa aking klase. Ang pupungay-pungay na mata ay may kaparusahan. Kalahating oras kayong tatayo hanggang sa mawala ang inyong antok. Ika-lima, ang sinumang sumagot ng pabalang, makipagtalo o manghamak ng guro ay mapaparusahan. Kalahating oras kayong luluhod habang pasan ang inyong mga libro sa ulo at kamay."

"At panghuli, higit sa lahat, hindi ko tinatanggap ang pandaraya sa klaseng ito. Narito rin kayo dahil sa pagkakasalang iyon. Pagbayaran niyo ang inyong kasalanan at pagnilayan ito. Hindi niyo nalalaman na dinaraya niyo ang inyong sarili dahil sa huli ay wala kayong natutunan." Wika ni Libulan saka nagsimula nang magsulat ng formula sa white board.

Napaupo ng tuwid sina Sabrina at Kyla na parehong nagkatinginan na lang dahil mukhang mararanasan nila ang sistema ng edukasyon noong unang panahon dahil sa higpit ni Libulan.

Lumipas ang mga araw, pagkatapos ng klase sa paaralan ay umuuwi agad sina Sabrina at Kyla dahil mahigpit din si Libulan pagdating sa oras. Minsan silang na-late, pinatayo sila nito at pinag-solve ng math problem. At dahil hindi nila nasagutan, napalo ang kanilang palad. Nang magreklamo si Sabrina ay nadagdagan pa ang kaniyang parusa, pinaluhod siya habang nakapatong ang mga libro sa ulo at kamay.

Ilang beses din silang nasisita ni Libulan. Nagugulat din sila sa tuwing winawasiwas ni Libulan sa ere ang meter stick. Napapapikit na lang si Sabrina habang sinusumpa si Libulan sa kaniyang isip dahil sa mga parusa nito. Tahimik at palagi namang nakayuko si Kyla na paminsan-minsan ay nakakapuslit ng pagkain habang nagtuturo si Libulan.

Nagawang ituro ni Libulan ang lahat ng kaniyang nalalaman at natutunan mula sa mga libro ng makabagong panahon. Nagawa niya ring ituro ang mga iyon sa mas madaling paraan upang maunawaan agad ng dalawa niyang estudyante. Madalas silang inaabot ng hatinggabi sa pag-aaral.

Isang gabi, naabutan ni Libulan na nakatulog ang dalawa matapos niyang magpaalam sandali upang kumuha ng tubig na maiinom. Nakatulog na sa kama si Kyla habang nakayakap sa unan. Samantala, nakatulugan naman ni Sabrina ang tinatapos niyang math problem. Nakapatong ang ulo niya sa mesa habang nakauwang nang kaunti ang kaniyang bibig dahil sa pagod.

Maingat na pinulot ni Libulan ang mga nagkalat na papel at libro sa sahig. Pasado ala-una na ng madaling araw at bakas ang matinding pagod sa dalawa. Minabuti ni Libulan na huwag na silang gisingin. Isang araw na lang bago ang pagsusulit at hindi niya nais na bumagsak ang dalawa dahil sa kapaguran.

Sandaling tumigil si Libulan at pinagmasdan si Sabrina. Hindi niya namalayan na napangiti siya sa sarili dahil mas payapa ang hitsura ni Sabrina na parang inosenteng tuta na masunurin kapag tulog, kumpara kapag gising ito na nagiging dragon.

Kinuha ni Libulan ang manipis na kumot sa tabi at maingat na ipinatong iyon sa likod ni Sabrina. Matapos ang ilang sandali ay tumayo na siya at dahan-dahang naglakad papalabas sa pintuan at pinatay ang ilaw.


ARAW ng pagsusulit. Hindi mapalagay si Sabrina habang nakasakay sila sa jeep ni Libulan. Hindi na natulog si Kyla sa kanila dahil mas malapit siya sa paaralan. Napansin ni Libulan na hindi mapakali si Sabrina. Panay ang lingon nito sa bintana ng jeep, titingnan ang oras, at kakapit sa hawakan.

Nang makababa sila, naunang maglakad si Sabrina. Nagdadasal siya sa kaniyang isipan. Hindi siya relihiyosa ngunit sa pagkakataong ito ay nagawa niyang magdasal. Natauhan siya nang marinig ang boses ni Libulan na nakasunod sa kaniya.

Hindi namalayan ni Sabrina na malapit na sila sa main entrance ng school. "Anuman ang mangyari, magtiwala ka sa iyong sarili. Ang pagkatuto ay nagsisimula kapag naniwala kang nababatid mo ang mga sagot sa pagsusulit. Nakasalalay ngayon sa pagsusulit na ito ang iyong pag-aaral kung kaya't manalig ka sa iyong sarili na makakuha ka ng mataas na marka." Wika ni Libulan at hinugot ang dulong butones sa brown polo shirt na suot niya.

Iniabot ni Libulan kay Sabrina ang maliit na butones na kulay brown. "Noong bata ako, ito ang pinaghawakan ko noong natatakot akong magsimula sa pag-aaral. May binigay na ganito sa akin ang aking ama, ayon sa kaniya, ang botón na ito ang magsisilbing gabay upang hindi ako maligaw. May kakayahan ito na dalhin ako pabalik sa aming tahanan. At sa oras na hawak ko ito, hindi ako mawawala. Hindi sila mawawala sa aking piling." Paliwanag ni Libulan saka inilagay sa palad ni Sabrina ang butones.

"Hayaan mong ikubli ng butones na ito ang lahat ng kaba at takot na iyong nararamdaman. Ito rin ang magsisilbing gabay upang hindi ka mapanghinaan ng loob. Hihintayin kita rito sa labas. Hindi ako mawawala." Saad ni Libulan saka ngumiti nang marahan. Napatitig si Sabrina sa maliit na butones na ngayon ay nagpapakalma sa kaniyang kalooban. Hindi niya matukoy kung dahil bas a butones na iyon unti-unting napawi ang kaniyang kaba o dahil sa mga sinabi ni Libulan.

Napatitig siya sa mga mata ni Libulan. Sa totoo lang, iba sa pakiramdam ang malaman mo na may taong sasamahan ka at maghihintay sa 'yo sa labas. Iba sa pakiramdam ang magkaroon ng taong hindi ka iiwan kahit pa abutin ng ilang oras ang kaniyang paghihintay.

"S-salamat," ang tanging nasabi ni Sabrina bago nagpatuloy sa paglalakad. Lumingon siya muli kay Libulan bago siya tuluyang makapasok sa loob.

Alas-diyes na ng umaga ngunit hindi pa lumalabas si Sabrina. Naglalabasan na ang ibang mga estudyante na kakain sa labas matapos ang unang pagsusulit sa umaga. Nakatayo sa tabing-kasalda si Libulan na makailang ulit lumilingon sa gate sa pag-asang matatanaw na niya roon si Sabrina.

Marami ring mga tao ang naglalakad sa tabing-kalsada at karamihan ay mga estudyante na papasok sa mga katabing Unibersidad. Ilang sandali pa, napahawak si Libulan sa kaniyang sentido nang makaramdam siya ng hilo. Napakabig siya sa pader na sinasandalan at napapikit. Nagsimula ring humina ang kaniyang pandinig na para bang nasa loob siya ng lata.

Nang imulat ni Libulan ang kaniyang mga mata ay saktong dumaan ang isang ale na nakasuot ng mahabang saya na kulay berde at itim na balabal. Animo'y bumagal ang takbo ng paligid habang sinusundan ni Libulan ng tingin ang ale na dumaan sa kaniyang harapan.

Kasunod niyon ay muli niyang narinig ang mga bulong na sumasabay sa hangin at nagdudulot ng panlalamig ng kaniyang katawan. Tuluyan na siyang hindi nakagalaw sa kaniyang kinatatayuan nang makita ang pamilyar na anting-anting na may hugis ng kabilugan ng buwan.

Hawak ito ng babaeng nakatalukbong ng balabal na naglalakad papalayo. Kumakalansing nang malakas ang anting-anting sa pandinig ni Libulan na tila ba tinatawag siya nito pabalik sa kaniyang kamatayan.


******************

#Duyog

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top