Kabanata 5: Ang Bulong ng mga Alaala

[Kabanata 5]

NAKAPIKIT ang mga mata ni Libulan na animo'y ilang oras nang nagdarasal nang taimtim sa loob ng madilim na silid. Tanging ang liwanag mula sa katol na nasa kaniyang dalawang tabi ang nagbibigay ilaw sa paligid. Kasabay niyon ang mabagal na pagsayaw ng usok mula katol.

Sa harap niya ay nakalatag sa sahig ang pulang cartolina at dalawang marker. Halos kalahating oras na siyang nag-iisip. Ang decreto na naglalaman ng bugtong na kaniyang naiwala ay isang malaking hamon sa kaniya.

Animo'y lumilipad sa kaniyang isipan ang mga salitang Hayan na si Kaka, bubuka-bukaka. Pagmamay-ari man ito ni Migo, naniniwala siya na maaaring may nakakubling mensahe roon tungkol sa misteryosong pagkabuhay niya sa modernong panahon.

Dahan-dahang iminulat ni Libulan ang kaniyang mga mata saka mahusay na isinulat sa cartolina ang bugtong. Kilala rin siyang magaling sa larangan ng kaligrapiya, ang kaniyang sulat-kamay ay hinahangaan ng mga mag-aaral at guro. Siya rin ang nagsulat ng estandarte ng klinika ng kaniyang ama.

Tila hinahabol ng apoy na umuukit sa cartolina ang bawat kumpas ng kaniyang kamay. Naalala niya ang ilang mga paligsahan na kaniyang sinalihan noong siya'y bata pa. Matagal na siyang hindi nakakapagsulat nang ganito ngunit ang kaniyang angking kakayahan ay nagliliyab pa rin na animo'y kahapon lang nangyari ang mga patimpalak.

Isang marahang ngiti ang kumawala sa kaniyang labi nang matapos ang obra. Napangiti rin siya sa itim na marker na nagpadali sa kaniyang pagsusulat. Para sa kaniya, mahalimuyak din ang amoy nito na nais niya pang singhutin.

Gulat na napatingin si Libulan sa pinto nang bumukas iyon, napapikit din siya nang sumalubong ang nakasisilaw na liwanag. Binuksan ni Kuya Empi ang ilaw, "What the... kinukulam mo ba kami Libuls?" bungad ni Kuya Empi na palaging over acting sa lahat ng pagkakataon. Inubo pa sila dahil medyo makapal na rin ang usok.

Patuloy pa rin ang pagbuga ng usok ng dalawang katol na nasa kaliwa at kanan ni Libulan. "Kuya Empi, tabi," saad ni Sabrina dahil sa bigat ng hawak niyang tray na puno ng pagkain.

Muntik pang masubsob si Kuya Empi sa aparador dahil sa makipot na pintuan, "Easy lang, Sab. 'Kala mo naman may pila ng ayuda e," banat ni Kuya Empi saka naupo na rin sa sahig. "Hindi ka naman lamok, bakit ka nagkakatol?" habol ni Kuya Empi saka pinatay ang sindi ng dalawang katol.

"Paumanhin, aking hindi nalalaman kung paano magkakaroon ng liwanag dito," paliwanag ni Libulan na nakaramdam ng hiya, inakala niyang makabagong kandila ang katol na nakitang nakasindi sa gilid kanina.

Hatinggabi na, matapos silang makabili ng mga school supplies ay sinabi ni Libulan na pagpupuyatan niya ang bugtong ni Migo. "Out of this world ka talaga bro," wika ni Kuya Empi na akmang kukuha na ng popcorn ngunit tinapik ni Sabrina nang marahan ang kamay nito dahil hindi niya pa nailalapag nang maayos ang lahat.

"Kain muna tayo," aya ni Sabrina saka inilapag sa sahig ang isang mangkok ng popcorn at tatlong soda in can.

"Wow! Artistic ka pala bro!" wika ni Kuya Empi saka kinuha ang cartolina upang pagmasdan mabuti ang magandang pagkakasulat ni Libulan. Maging si Sabrina ay napatulala sa linis at ganda ng bawat letra.

"Ikaw may gawa nito?" gulat na bulalas ni Sabrina na animo'y naka-imbento si Libulan ng original font sa Microsoft Word. "Ang galing!" patuloy ni Sabrina na hindi makapaniwala. Noong tinulungan niya sa proyekto si Migo, gumamit pa sila ng ruler at nakailang bura. Subalit ngayon, wala man lang ruler o eraser na gamit si Libulan.

Tumango nang marahan si Libulan. Magkahalong hiya at saya ang kaniyang nararamdaman dahil sa papuri ng dalawa. "Bukod sa gwapings ka na, may ganito ka palang talent! Nasa iyo na ang lahat!" ngiti ni Kuya Empi saka pumalakpak nang mabagal saka nagsimulang kantahin ang Nasa Iyo na ang lahat ni Daniel Padilla.

Napayuko si Libulan na namumula na ang mukha. Madalas siyang makatanggap ng mga papuri mula sa mga taong bumabati sa kaniyang pagkapanalo. Ngunit kakaiba ngayon dahil mas ramdam niya na totoo ang mga papuri nina Sabrina at Kuya Empi kumpara sa mga pakitang-tao ng mga kaibigan ng kaniyang ama na nais lamang magkaroon ng koneksyon. Ngayon na lang niya ito muli naranasan tulad ng kung paano siya sumasaya sa oras na pinupuri rin siya ni Maestro Santiago.

Tiningnan ni Libulan sina Sabrina at Kuya Empi na nagsimulang kainin ang popcorn. Maputla ang kulay nito. Binuksan na rin ng dalawa ang Sprite at nagsimulang tumagay. Dahan-dahang kumuha si Libulan ng isang pirasong popcorn. Gusto sana niyang itanong kung ano iyon ngunit kasama nila si Kuya Empi, wala itong nalalaman sa hiwagang bumabalot sa kaniyang pagdating.

Napatango sa sarili si Libulan nang matikman ang popcorn. Sunod-sunod siyang kumuha. Kinuha rin niya ang isang Sprite ngunit hindi niya ito alam paano buksan. Napansin iyon ni Sabrina, kinuha nito ang Sprite saka binuksan nang walang sinasabi. Nagsimulang magkuwento si Kuya Empi tungkol sa mga talento niya noong kabataan niya.

"Salamat," mahinang wika ni Libulan na hindi narinig ni Sabrina dahil sa ingay ni Kuya Empi. "Lagi rin akong nananalo noon sa mga pageant. Dalawang beses din akong naging King of the night sa prom," ngisi ni Kuya Empi sabay inom ng Sprite. Nakangiti ito sa ere na animo'y sinasariwa ang nakaraan.

"Ikaw, Li? Sumasali ka rin ba sa mga Mister and Miss? Sa lalim mong mag-tagalog, sure win ka siguro lagi sa Buwan ng Wika!" hirit ni Kuya Empi saka sinagi ang balikat ni Libulan.

Tumango-tango lang at ngumiti si Libulan, tumingin siya kay Sabrina, nais niya sanang itanong kung anong sinasabi ni Kuya Empi ngunit kain lang ng kain si Sabrina at mukhang pagod nang makinig sa mga pinagsasabi ni Kuya Empi na ilang taon na rin niyang tinitiis.

Kinuha muli ni Kuya Empi ang cartolina, "Nasaan pala ang sagot dito? I-dadrawing mo ba?" tanong ni Kuya Empi sabay tingin kay Libulan. Tumingin din sa kaniya si Sabrina na naghihintay ng sagot.

"Iguguhit mo ba?" ulit ni Sabrina nang maalala na mas sanay sa tagalog si Libulan.

"Inyo bang nababatid kung anong hiwaga ng bugtong na ito?" seryosong tanong ni Libulan. Animo'y kumislap din ang kaniyang mga mata nang mapagtanto na may nakakaalam ng sagot sa bugtong na humahamon sa kaniyang kaisipan.

Sabay na nagtaka ang hitsura nina Sabrina at Kuya Empi. Nabasag ang katahimikan nang tumawa si Kuya Empi, "Grade 1 pa lang tinuturo na to e," wika nito sabay hila ng drawer ng aparador.

Kinuha nito ang gunting at iniharap kay Libulan. "Gunting bro," patuloy nito saka binuka ng ilang ulit ang gunting. "Akala ko pa naman nasa iyo na ang lahat, tsk tsk," dagdag ni Kuya Empi na nadismaya dahil hindi pala matalino ang kaibigan niya.

Napapikit si Sabrina habang pinipigilan ang sarili tumawa dahil kina Libulan at Kuya Empi. "Sumasakit ulo ko sa inyong dalawa," wika niya sabay tayo. "Kayo na maghugas niyan ah," patuloy niya saka nagtungo na sa kaniyang silid.

"Boplaks ako noon sa klase, 'wag ka mag-alala, may kadamay ka," ngiti ni Kuya Empi kay Libulan saka tinapik ang balikat nito, inilapag niya sa sahig ang gunting saka dinala sa kusina ang mga hugasin.

Naiwan muli mag-isa si Libulan sa silid. Ilang segundo siyang natulala sa gunting. Ngayon niya lang nakita ang bagay na iyon. Sa lahat ng oras na ginugulgol niya upang pagnilayang mabuti ang bugtong, hindi siya makapaniwala na ordinaryong bagay lang pala ang kahulugan nito.


KINABUKASAN, napatigil si Migo nang makita si Libulan na nakatayo sa tabi ng hagdan habang nasa likod ang dalawa nitong kamay. Papasok na sa paaralan si Migo. Akmang iiwasan niya sana si Libulan ngunit may inabot itong pulang cartolina.

"Paumanhin ngunit hindi ko na matagpuan muli ang nakatalang bugtong na iyong pagmamay-ari. Ako'y humihingi ng pasensiya dahil kasalanan ko rin kung bakit iyon nawala. Nawa'y tanggapin mo ito bilang kapalit ng iyong bugtong," wika ni Libulan. Napatingin sa kaliwa at kanan si Migo, sa haba ng sinabi ni Libulan ay hindi niya ito nasundan.

Kinuha na lang niya ang pulang cartolina at binuklat iyon. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang mabasa na iyon ang kaparehong bugtong na proyekto nila sa Filipino. Ang kakaiba lamang ay mas maganda at sadyang kamangha-mangha ang gawa ni Libulan.

"Iyo lang ipaalam sa akin kung ikaw ay hindi pa nasisiyahan sa aking nagawa. Bigyan mo lamang ako ng sapat na oras, aking aayusin muli ang obrang ito," patuloy ni Libulan. Nagtataka siyang tiningnan ni Migo. Napansin ni Migo na hindi na namumula ang mga mat anito hindi tulad noong una nilang nakita si Libulan.

"O-okay na po 'to," sagot ni Migo. Hindi siya sanay gumamit ng po at opo ngunit dahil sa kakaibang pananalita at tindig ni Libulan na animo'y nagtatalumpati ay pakiramdam niya kaharap niya ngayon ang isa sa kaniyang mga guro.

"Nakausap niyo na po ba si mama?" tanong ni Migo nang maalala na nakita ni Libulan ang ginagawa sa kaniya ng mga kaklase. Ang dahilan kung bakit natatakot siyang harapin si Libulan ay dahil baka magsumbong ito sa kaniyang ina.

"May dapat ba akong iparating kay Aling Lucy?" tanong ni Libulan. Naunawaan niya agad ang tinutukoy ni Migo, nangangamba nga ito na mabanggit niya kay Aling Lucy ang pang-aaping nararanasan ni Migo. Ngunit, pinili na lamang ni Libulan na manahimik sandali, kailangan niya munang makakuha ng sapat na ebidensiya bago ibunyag ang lahat. Hindi niya nais sumugod si Aling Lucy sa paaralan at umuwing luhaan dahil sa kakulangan ng katibayan.

"W-wala. Sige po," paalam ni Migo na akmang bababa na sa hagdan ngunit nagsalita pa si Libulan.

"Nagagalak akong mabatid na katanggap-tanggap para sa 'yo ang aking ginawa," wika ni Libulan saka tumango nang marahan. "Muli, ako'y humihingi ng pasensiya. Nawa'y hindi sana maging hadlang ang pangyayaring ito sa ating pagsasama rito sa dormitoryo," patuloy ni Libulan saka itinapat ang palad kay Migo na animo'y nakikipagbati at nakikipagkaibigan ito.

"Ha?" Naguguluhang tanong ni Migo lalo na nang banggitin ni Libulan ang dormitoryo.

"Hotdog," tugon ni Libulan nang maalala ang nararapat na sagot na minsang itinuro ni Sabrina. Napakurap ng dalawang beses si Migo. Hindi niya alam kung nakikipagbiruan si Libulan dahil seryoso naman ang hitsura nito. Dahan-dahan siyang naglakad patagilid at bumaba ng hagdan. Pakiramdam niya ay tunay na mapanganib ang bago nilang kasama sa patahian.

"Mag-iingat ka sa iyong pagpasok, munting ginoo," patuloy ni Libulan na tumango muli nang marahan saka pumasok sa silid katabing silid na animo'y opisina ito ng presidente.

Makalipas ang ilang sandali, napatigil din si Sabrina nang makalabas siya sa kaniyang silid. Nakita niya si Libulan na nakatayo sa tabi ng hagdan habang nakalagay ang dalawang kamay sa likuran.

"Ikaw'y papasok din sa paaralan?" tanong ni Libulan. Kulay puti ang uniporme ni Sabrina tulad ng suot ni Migo. "Oo, kaya mag-behave ka lang dito. Wala na akong pera, kapag dinala ka na naman sa presinto, bahala ka na roon," wika ni Sabrina nang maalala kung gaano kalaki ang binayad niya sa mga kinain ni Libulan at ngayon ay naglalakad na lang tuloy siya papunta sa sakayan ng jeep.

"Kay laki ng pagbabago ng panahong ito. Aking hindi akalain na mabibigyan na rin ng pagkakataong makapag-aral ang mga kababaihan. Ito rin ang matagal na ipinaglalaban ng aking mga kapanalig noon," wika ni Libulan. Naalala niya si Elena na mahusay din sa iba't ibang larangan. Kung nakapag-aral lamang ito, tiyak na sila ang maglalaban sa klase.

Tumikhim si Sabrina, mahuhuli na rin siya sa klase, "Kapag nagutom ka, may hotdog doon sa ref, sabihin mo lang kay Aling Lucy," wika ni Sabrina, ngunit napatigil siya matapos ang dalawang hakbang saka lumingon kay Libulan. "Huwag kang magluluto ha, baka masunog 'tong patahian," paalala ni Sabrina. Tumango nang marahan si Libulan na animo'y isang masunuring bata.

"Ako'y hindi rin magtatangkang magsindi ng pugon. Ako'y walang nalalaman sa pagluluto," paliwanag ni Libulan. Nagtaka ang hitsura ni Sabrina, gusto sana niyang ipaliwanag kay Libulan na gas stove o electric stove na ang gamit nila ngayon sa pagluluto ngunit wala na siyang oras para makipag-kuwentuhan pa.

Akmang bababa na si Sabrina sa hagdan nang muli siyang mapatigil at lumingon kay Libulan, "Oo nga pala, may jowa ka na ba?" tanong ni Sabrina nang maalala ang pinapatanong sa kaniya ng kaibigang kahera.

"Ano ang iyong ibig sabihin?" tanong ni Libulan. Napakamot sa ulo si Sabrina, ang awkward itanong ngunit nasabi na niya kung kaya't kailangan na niyang panindigan.

"Ah, kung may kasintahan ka na?" ulit ni Sabrina saka napalunok. Napagtanto niya na hindi na lang sana niya sinalin sa malalim na tagalog.

Sandaling hindi nakasagot si Libulan. Hindi niya inaasahan ang direktang tanong ni Sabrina na hindi gawain ng isang mayuming binibini. Tumikhim si Libulan saka umiwas ng tingin, "Ako'y walang kasintahan," tugon ni Libulan sabay tingin kay Sabrina.

"Ah, may nagpapatanong lang kasi. Baka may magalit din kapag may nakakita sa 'tin. Alam mo na, baka pag-usapan tayo," paliwanag ni Sabrina upang depensahan ang sarili sa posibleng maisip ni Libulan dahil sa tanong niya.

Umiling si Libulan, "Ako'y walang kasintahan. Walang magagalit." Paglilinaw nito dahilan upang mas lalong maging awkward. Sandaling naghari ang katahimikan, kulang na lamang ay may uwak na lumipad sa kanilang pagitan.

"Hanggang ngayon ba sa panahong ito ay hindi pa rin maaaring maging magkaibigan ang babae at lalaki?" tanong ni Libulan. Sa pamamagitan ng kaniyang tanong ay unti-unting napawi ang kakaibang tensyon.

"Oo, hanggang ngayon mahilig pa rin makialam sa buhay at manghusga ng ibang tao," tugon ni Sabrina. "Kahit magkaibigan lang talaga sila, palagi pa ring may iniisip na iba ang mga tao," dagdag ni Sabrina. Naalala niya si Tristan, nagsimula sila bilang magkaibigan hanggang sa palagi na silang tinutukso at iniisip ng iba na nagkakamabutihan na sila.

Ang totoo ay magkaibigan lang talaga sila. Hindi niya lang din inaasahan na mahuhulog nang tuluyan ang loob ni Tristan sa kaniya. Marahil ay nadala na rin ito dahil lagi silang tinutukso ng kanilang mga kaklase.

"Pero kumpara noon, mas hindi naman mahigpit ngayon. Puwedeng-puwede maging magkaibigan ang babae at lalaki, puwede nga rin sila magsama nang sila lang," paliwanag ni Sabrina. Tumango nang ilang ulit si Libulan, ilang beses na rin silang nagkasama ni Sabrina nang silang dalawa lang. Walang sinumang bantay.

Nakahinga nang maluwag si Libulan, "Kung gayon, maaari rin tayong maging tunay na magkaibigan sa panahong ito?" tanong ni Libulan saka inilahad ang palad sa tapat ni Sabrina tulad ng pagtatangka niyang makipagkaibigan kanina kay Migo.

Napakunot ang noo ni Sabrina, "Sinong may sabing magkaibigan na tayo?" tugon nito na kunwaring nagtataray.

"Iyong sinabi na..." hindi na natapos ni Libulan ang kaniyang sasabihin dahil nagpatuloy na si Sabrina sa pagbaba sa hagdan.

"Aalis na ko. 'Wag kang gagawa ng kahit anong kalokohan ha," bilin nito bago tuluyang makababa. Napatingin si Libulan sa kaniyang palad na dalawang beses niyang inilahad ngayong araw. Inilagay na lang niya iyon sa kaniyang likuran. Napagtanto niya na hindi siguro uso sa panahong ito ang pormal na pakikipagkaibigan.


SUMISIPOL si Kuya Empi habang nagmamaneho. Sinasabayan niya ang indak ng musika sa radyo. Samantala, tahimik na nagmamasid si Libulan sa paligid. Hininaan ni Kuya Empi ang radyo, "Li, matanong ko lang, ano bang IQ mo?"

Tumingin sa kaniya si Libulan na animo'y hinihintay nito na magpatuloy magsalita si Kuya Empi upang maunawaan kung ano ba ang tinatanong nito. "Anong IQ mo?" ulit ni Kuya Empi. Lumipas ang ilang segundo ngunit wala siyang nakuhang sagot kay Libulan.

"Tsk. Kalimutan mo na nga. Pareho tayo, hindi ko rin alam ang akin. Pero sabi ng nanay ko, matalino raw ako dati e, nauntog lang ako sa pader, kaya ayun pogi na lang tuloy ako," patuloy nito saka ngumisi-ngisi. Napahawak si Libulan sa kaniyang sentido, sa dami ng iniisip niya ay nakakadagdag pa si Kuya Empi na kung ano-ano ang sinasabi.

Ilang sandali pa, napaupo nang maayos si Libulan nang makita ang pamilyar na pader. "Maaari mo ba akong ibaba sa Intramuros?" halos walang kurap niyang sinundan ang mahabang pader na natatanaw niya mula sa kabilang kalsada.

Muling ngumisi si Kuya Empi, "Aba! Aba! Aba! May chicks ka ba sa Intramuros? Matinik ka pala!" Napahawak na si Libulan sa bintana ng mini truck habang nakadungaw sa labas sa takot na mawala sa kaniyang paningin ang pamilyar na lugar.

"O'siya, no problem, lakas mo sa 'kin e," ngiti ni Kuya Empi na agad lumipat ng lane. "Sandali, dalaga ba 'yan? Baka mamaya may asawa na 'yan ha, 'wag kang tutulad sa 'kin, matinik kasi talaga ako."

Napaisip si Libulan, "Ang aking huling natatandaan ay hindi pa nag-aasawa si Elena," tugon ni Libulan nang hindi nauunawaan ang salitang chicks. Magsasalita pa sana siya ngunit tumunog ang kaniyang phone. Tumatawag si Gera.

"Yes, madam beautiful?"

"Empi, balik ka rito. Sunduin natin sa airport ang friend ko. Nakalimutan ko na ngayong araw pala siya dadating." Saad ni Gera mula sa kabilang linya.

"Okay. Okay. Pauwi naman na kami riyan," tugon ni Kuya Empi saka ibinaba ang tawag. Tumingin siya kay Libulan na animo'y hindi narinig ang tawag ni Gera.

"Li, next time na natin dalawin ang chicks mo, pinapauwi na tayo ni madam Gera," saad ni Kuya Empi at agad kinabig ang manibela paliko. Nang makarating sila sa Sastre y Seda, napansin ni Kuya Empi na malalim ang iniisip ni Libulan.

Abala sa pagtanggap ng mga customer si Aling Lucy habang si Gera ay hindi mapakali kakahanap ng mga make up niya. "Empi, magbihis ka na," wika ni Gera sabay harap sa salamin ay nagkilay.

Napatingin si Libulan sa ginagawa nito. Hindi niya maunawaan kung bakit ginuguhitan ni Gera ang sarili na parang isang obra. "Li, halika nga!" tawag ni Kuya Empi mula sa hagdan dahilan upang mapatingin sa kaniya si Libulan na walang imik.

Tumingin si Kuya Empi sa relos at humarap kay Libulan na nakatingin lang sa kaniya at naghihintay sa sasabihin nito. "Tawagan na lang natin si Sab. Ang alam ko alas-kuwatro ang uwian nila. Magpasama ka na lang sa kaniya sa Intramuros." Wika ni Kuya Empi saka sinubukang tawagan si Sabrina ngunit hindi ito sumasagot.

At dahil wala nang oras, ibinaba na ni Kuya Empi ang tawag. "Mukhang busy siya. Puntahan na lang natin. Ihatid na kita roon," saad nito saka pumasok sa loob ng silid at nagpalit ng damit. Nanatiling nakatayo si Libulan sa pintuan habang nakatingin kay Kuya Empi. Animo'y para siyang bata na naghihintay ng sunod na gagawin.

Nagsuklay na si Kuya Empi at naglagay ng gel sa buhok. Napatingin siya kay Libulan na nararamdaman niyang kanina pa nakatingin, "Oh, ano pang ginagawa mo? Wala kang balak magpa-pogi?"

Napakurap lang ng dalawang beses si Libulan. Napangisi si Kuya Empi, "Huwag mo sabihing torps ka? First time mo ba manliligaw?" saad nito na sabay suklay sa bigote.

Napaisip si Libulan, hindi niya maunawaan ang sinabi ni Kuya Empi, tanging ang salitang manliligaw lang ang kaniyang naintindihan. "Manliligaw? Sinong manglili..." hindi na niya natapos ang sasabihin dahil napaatras siya sa gulat nang buksan ni Kuya Empi ang aparador.

"Hindi ba bumili na tayo ng mga damit mo na pang-porma? Oras na para suotin mo 'to," ngisi ni Kuya Empi nang makita ang damit na babagay kay Libulan. Napapalakpak muli si Kuya Empi nang makita ang ganda ng tindig ni Libulan na bakas ang hiya.

"Ano ba 'yang buhok mo, parang pugad ng ibon. Ayusin nga natin," patuloy ni Kuya Empi saka iniharap si Libulan sa salamin at nilagyan niya ng gel ang buhok nito. Nagawa pang amuyin ni Libulan ang mabangong gel. "Siguradong ma-iinlove sa 'yo ang chicks mo sa Intramuros. Dadami na rin ang chikababes mo like me bro!" Ngisi nito saka pinamulat ang mga mata ni Libulan.

Sandaling napatulala si Libulan sa sarili. Animo'y hindi niya makilala ang sariling repleksyon sa salamin. Maayos na nakahawi ang kaniyang buhok at maaliwalas din ang kaniyang hitsura. Nakadagdag pa ang suot niyang damit na nagpapalutang sa kaniyang magandang tindig.

"At para sa ating final touch," ngisi ni Kuya Empi saka sinabuyan ng pabango si Libulan na nagpaubo sa kanilang dalawa dahil sa dami ng kaniyang nilagay.


SINUBUKAN ulit tawagan ni Kuya Empi si Sabrina habang nakatigil ang mini van sa tapat ng University. Abala si Gera sa phone call kausap ang kaibigan niyang kakarating lang at naghihintay sa kanila.

"Tsk. Nakatulog siguro 'yon si Sab sa klase. Paano ba naman puyat ng puyat kakaaral. Sabi ko nga, babagsak din naman siya sa Math, nagpakahirap pa siya," wika ni Kuya Empi saka muling tinawagan si Sabrina.

"Siya'y babagsak sa kaniyang aralin?" tanong ni Libulan. Hindi siya nakasisiguro kung paano ang sistema ng edukasyon sa panahong ito ngunit ang naranasan niya sa pag-aaral ay hindi rin biro.

"Oo, umiiyak siya sa Math noong isang gabi."

"Maaari ko bang malaman kung anong asignatura ang nagdudulot sa kaniya ng pighati at suliranin?" seryosong tanong ni Libulan dahilan upang mapakurap ng dalawang beses si Kuya Empi.

"Anong pinagsasabi mo bro? Na-nonosebleed ako sa 'yo ha," wika ni Kuya Empi na natawa nang mahina. Hindi niya sigurado kung nagbibiro ba si Libulan o sadyang weird lang ito.

"Empi, sasabay na rin ba sa 'tin si Sab?" tanong ni Gera nang mapansin na kanina pa sila nakatigil.

Pinandilatan ni Kuya Empi si Libulan. Hindi puwedeng malaman ni Gera na pupunta pa sa Intramuros at manliligaw si Libulan sa oras ng trabaho. "Ah, bababa na raw rito si Li, may kailangan pa siya kay Sab," wika ni Kuya Empi saka mahinag tinulak si Libulan papalabas sa sasakyan.

"Ah gan'on ba? Sige, mag-iingat kayo ha," wika ni Gera saka kumaway kay Libulan na nagawa na lang yumukod at sundan ng tingin ang papalayong sasakyan.

Napatingin si Libulan sa malaking gate. Kakaiba ang disenyo ng gusali nito at marami ring mga puno. Huminga nang malalim si Libulan, hindi niya nais magsayang ng oras, kailangan na niyang makabalik sa kaniyang tahanan sa Intramuros at malaman ang nangyari.

Diretsong naglakad si Libulan papasok hanggang sa magulat siya nang marinig ang boses ng isang guwardiya. "Hep! Hep! Saan ka pupunta?" tanong ng security guard na bilog ang tiyan.

Naalala ni Libulan ang pagbati na tinuro sa kaniya ni Sabrina. "Magandang hapon, Manong. Aking hahanapin lamang si Sabrina," tugon ni Libulan dahilan upang magtaka ang security guard.

"Sabrina? Anong department siya?" tanong ng guard saka binuksan ang telephone information catalog.

"Sabrina Lacamiento," tugon ni Libulan nang maalala ang buong pangalan ni Sabrina na minsang binanggit ng mga pulis sa presinto.

"Anong department nga? Nag-aaral ka ba rito?" tanong ng guard na nagsimulang maghanap ng pangalan sa listahan ng bawat department.

"Ako po'y hindi nag-aaral dito. Ano po ang inyong ibig sabihin sa salitang inyong tinuran?" tanong ni Libulan nang hindi maunawaan ang salitang department.

Napatigil sa paghahanap ang guard saka nagtatakang tiningnan si Libulan. "Ha?"

"Hotdog," tugon ni Libulan gamit ang magalang niyang pananalita.

"Nangtitrip ka ba bata?" Inis na wika ng guard na napataas ang boses. Mabuti na lang dahil lumapit ang isa pang guard na nakatayo sa kabilang gate.

"Oh, chill lang. Ano ba nangyayari?" tanong nito. Namumula sa inis ang mukha ng guard na bilog ang tiyan. Samantala, wala namang kamalay-malay si Libulan kung anong nangyayari.

"Eto eh, tinatanong ko nang maayos, sasabihan ba naman akong hotdog," sumbong ng guard. Pilit namang pinipigilan ng isang guard ang kaniyang pagtawa lalo na dahil mukhang inosente si Libulan.

"O'siya, ano bang sadya mo rito? Sinong hinahanap mo?" tanong ng isang guard habang ang isa ay umiinom na ng tubig upang palamigin ang ulo.

"Nais ko po sanang makausap si Sabrina Lacamiento." Tugon ni Libulan. Tiningnan siya ng guard mula ulo hanggang paa. Sa tindig at bihis ni Libulan ay para itong turista.

"Estudyante ba siya rito?" pagkumpira ng guard.

Tumango ng ilang ulit si Libulan, "Opo, siya'y nag-aaral dito." Napatingin si Libulan sa mga babaeng estudyante na naglalakad sa loob ng campus. "Kapareho niya ng uniporme ang mga binibining iyon," patuloy ni Libulan sabay turo sa mga babae.

Nagkatinginan ang dalawang guard, "Kaano-ano mo ba ang tinutukoy mong Sabrina?" tanong muli ng guard na animo'y nasa interrogation siya.

Sandaling nag-isip si Libulan. Hindi niya kaano-ano o kadugo si Sabrina. Hindi pa sila magkaibigan gaya ng sinabi nito kanina.

"Kapatid mo ba siya? Kamag-anak? Girlfriend?" patuloy ng guard. Napatango ng ilang ulit si Libulan sa huli nitong sinabi.

"Girlfriend?" ulit ng guard. Tumango muli si Libulan. Naalala niya na ito rin ang palayaw at ibang tawag kay Sabrina na minsang nabanggit ng mga pulis.

"Hayun naman pala! Girlfriend. Bakit hindi mo na lang siya tawagan at palabasin dito? Hindi ka puwedeng pumasok dito bata," paliwanag ng guard. Nahimasmasan na rin ang isang guard na uminit ang ulo kay Libulan.

"Ako po'y walang paraan upang siya'y makausap sa malayo," tugon ni Libulan. Muling nagkatinginan ang dalawang guard. Napakamot na rin sila sa ulo dahil kay Libulan.

"Wala kang cellphone?"

Umiling si Libulan bilang tugon. Naalala niya na cellphone ang tawag sa parihabang bagay na ginagamit nina Kuya Empi, Sabrina, at Gera.

"Ganda-ganda ng porma mo pero wala kang pambili ng cellphone," wika nito saka kinuha ang telepono. "Oh, ano bang number ng girlfriend mo?" tanong ng guard, inabot ni Libulan ang ID niya na gawa ni Sabrina. Nakalagay doon ang contact number ni Sabrina.

"Ano 'to? ID ng kinder?" saad ng guard saka pinakita sa kasama. "May butterfly pa," tawa nito ngunit tumigil din nang mapagtanto na nakatingin lang sa kanila si Libulan at naghihintay na matawagan si Sabrina.

Matapos ang ilang ring ay nasagot na ni Sabrina ang tawag. "Pumunta ka na lang dito sa main entrance. Naghihintay dito ang boyfriend mong makulit." Wika ng guard habang kausap si Sabrina sa kabilang linya.

"Oh, papunta na rito ang girlfriend mo. Hintayin mo na lang." wika ng guard. Agad yumukod nang marahan si Libulan at nagbigay galang. "Maraming salamat po sa inyong tulong. Malaking bagay ang inyong ginawang ito para sa akin. Hinihiling ko ang pagpapala sa inyong buong pamilya at sa mga susunod na henerasyon." Saad ni Libulan dahilan upang mapakurap na lang ang dalawang guard at muling magkatinginan.

Hindi nagtagal ay dumating na sina Sabrina at Kyla. Isang marahan na ngiti ang pinakawalan ni Libulan nang makita si Sabrina. Dahan-dahang naglakad si Sabrina papalapit kay Libulan. Halos hindi niya ito makilala, tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Animo'y ibang tao ang kaharap niya ngayon.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Sabrina na hindi makapaniwala sa kakaibang hitsura ngayon ni Libulan.

"Nais ko sanang magpasama sa 'yo sa Intramuros. Nais kong alamin ang nangyari sa aming tahanan." Paliwanag ni Libulan. Magsasalita pa sana siya ngunit biglang kumapit si Kyla sa braso ni Sabrina at pinagmasdan siya na nang maigi.

Napaatras si Libulan dahil sa pagtitig ni Kyla na kumikislap ang mga mata. "Sab, ito ba ang boyfriend mo? Niligtas mo siguro ang bansa noong past life mo," tulalang wika ni Kyla. Hinila ni Sabrina nang marahan si Kyla pabalik dahil bakas sa mukha ni Libulan na nakakaramdam na ito ng pagkailang.

"Ky, gumising ka nga," wika ni Sabrina dahilan upang matauhan ang kaibigan. Tumikhim si Kyla saka inilahad ang palad sa tapat ni Libulan, "Hi, ako nga pala si Kyla. BFF ni Sab. Nice to meet you, ang pogi mo po!" Kinikilig na saad ni Kyla na nagawa pang tumili dahilan upang mapalingon sa kanila ang dalawang guard.

"Ang aking ngalan ay Libulan Dela Torre y Marquez Casilang. Nagagalak akong makilala ka." Saad ni Libulan na nakipag-kamay. Sinagi ni Sabrina si Kyla na napatalon pa ng ilang ulit dahil sa kilig.

Napatigil si Kyla at animo'y nawala ang kilig nang mapagtanto ang pangalan ng boyfriend ni Sabrina. "Libulan? Pangalan mo 'yon?" ulit nito. Tumango si Libulan bilang tugon. "Bakit gano'n pangalan mo? Medj pang-lolo." Dagdag ni Kyla.

"Anyway, oks lang. Pogi ka naman. Bagay kayo ng friend kong 'to na hopeless romantic!" tawa ni Kyla saka nilabas ang kaniyang cellphone. "Picture naman tayo. Gosh, may boyfriend na si Sab!" ngiti ni Kyla na agad tumabi kay Libulan at nakipag-selfie.

Sa bilis ng pangyayari ay nakakuha na agad ng picture si Kyla kasama si Libulan. Gulat pa ang hitsura ni Libulan sa larawan ngunit hindi maitatanggi na anumang reaksyon ng kaniyang mukha ay maganda pa rin ang kuha.

"Popost ko 'to ha," wika ni Kyla saka mabilis na nagtipa caption. Pogi ng boyfriend ni Sabrina. Nasa kaniya na ang korona!

"Ky, tama na 'yan. Nakakahiya." Bulong ni Sabrina sa kaibigan na siyang number one fan na ngayon ni Libulan. "Kung ako sa 'yo, lagi ko siyang ipopost sa social media. Swerte mo girl!" Ngiti ni Kyla saka sinagi nang marahan si Sabrina.

Napahawak sa ulo si Sabrina, nakita niyang nakatingin lang sa kaniya si Libulan. Ang tagpong iyon ay natunghayan din ni Tristan na nagawa ring sumunod sa kanila nang marinig na may boyfriend na ang babaeng matagal niyang hinintay at niligawan.


PAPALUBOG na ang araw nang makarating sila sa Intramuros. Tahimik silang naglakad hanggang sa marating nila ang dating kinatitirikan ng bahay ng pamilya Dela Torre. Sandali nilang pinagmasdan ang lumang bahay na nababalot din ng bulaklak.

Naunang naglakad si Libulan papalapit sa gate na makalawang. "Tao po?" panimula ni Libulan. Makailang ulit siyang kumatok at nagtawag sa labas. Lumapit si Sabrina saka pinindot ang doorbell na nasa gilid.

Nagulat si Libulan nang marinig ang malakas na buzzer mula sa doorbell. Inulit muli ni Sabrina ang pag-doorbell hanggang sa lumabas ang kapitbahay.

"Hinahanap niyo po ba si Nay Delia?" tanong ng isang ale na may hawak na walis tambo.

"Siya po ba ang may-ari ng bahay na 'to?" tanong ni Sabrina.

Tumango ang ale bilang tugon. "Oo, kaya lang walang tao riyan ngayon. Sinundo siya kaninang umaga ng mga taga-PMC News. Ang alam ko, may documentary silang gagawin tungkol sa bahay na 'yan at sa pamilya niya."

"May sinabi po ba kung anong oras siya makakauwi?" tanong ni Sabrina.

Umiling ang ale, "Hindi ko alam. Pero kanina pa 'yon, mga alas-otso lang ng umaga sila umalis."

"Sige po, salamat!" wika ni Sabrina saka tumingin kay Libulan na nanatiling nakatingin sa bahay. Lumapit siya kay Libulan na alam niyang nangungulila at nalulungkot sa nangyari ngayon sa dating tahanan.

"Balik na lang tayo bukas. Hindi rin sila sigurado kung anong oras makakauwi ngayon ang nakatira rito." Saad ni Sabrina ngunit hindi inalis ni Libulan ang mga mata sa lumang bahay.

"Ako'y maghihintay dito."

"Hindi nga sila sigurado kung anong oras uuwi o kung uuwi ba ngayon ang nakatira sa bahay na ito..." hindi na natapos ni Sabrina ang sasabihin dahil nagsalita na si Libulan.

"Tayo'y narito na kung kaya't mas mabuting maghintay." Wika ni Libulan saka tumingin kay Sabrina. "Hindi ko nababatid kung bakit ako naririto. Kung hanggang kailan ako mananatili rito. O kung dito na ako mabubuhay magpakailanman."

"Malaking palaisipan sa akin ang misteryong nangyayari ngayon sa aking buhay. Maging ang kinahinatnan ng aking pamilya, nasaan na sila? Anong nangyari sa sunod na henerasyon ng pamilya Dela Torre?"

Napahinga nang malalim si Sabrina nang maunawaan ang pinagdadaanan ni Libulan. Naalala rin niya na halos buong araw nilang hinanap noon si Libulan nang tumakbo ito patungo sa Intramuros. Ibig sabihin, buong araw din itong naghintay na mahanap ang sagot mula sa bahay na ito.

Naupo silang dalawa sa labas ng bahay kung saan may mahabang tarangkahan na lagayan ng mga paso ngunit walang nakalagay doon. Para silang mga batang naghihintay na papasukin sa loob. Tahimik ang kalye, halos walang katao-tao. Maliwanag ang paligid dahil sa mga street lights na dilaw ang kulay.

"Anong ginagawa niyo noon kapag naghihintay ng ganito katagal?" panimula ni Sabrina. Naiinip na siya. Mag-iisang oras na silang naghihintay sa labas. "Hindi ko sinasabing naniniwala na talaga ako na galing ka sa lumang panahon ha. Curious lang ako kung anong ginagawa ng mga tao noon." Patuloy ni Sabrina na animo'y dumipensa agad.

"Naisip ko lang. Sayang ang oras. Marami ka pang puwedeng gawin pag-uwi. Puwede naman bumalik kinabukasan..." hindi na natapos ni Sabrina ang sasabihin niya dahil mukhang pinipilit niya si Libulan umuwi.

Tumingala sa langit si Libulan. Walang buwan. Tanging mga bituin at eroplano ang nakikita nila sa kalangitan. "Hindi nasasayang ang oras sa paghihintay. Maaaring gamitin ang mga oras na ito upang magmuni-muni at mag-isip nang mabuti. Makakatulong iyon upang maging payapa ang iyong isipan."

Tumikhim si Sabrina, "Sa 'yo siguro effective. Sa 'kin hindi. Maiisip ko lang lalo ang mga problema ko at mga hindi ko pa nagagawa. Mabuti pang manood na lang ako ng TV." Saad ni Sabrina habang sinasayaw-sayaw ang kaniyang paa.

"Siya nga pala, kung iyong mamarapatin, nais ko lang malaman kung nasaan ang iyong mga magulang? Bakit ikaw ay nakikitira at naninilbihan sa patahian?" tanong ni Libulan dahilan upang sandaling matahimik si Sabrina.

Sa tuwing naitatanong ang tungkol sa kaniyang pamilya. Hindi niya alam ang isasagot. Kung minsan, pinipili na lang niyang huwag sagutin. Madalas, sasabihin na lang niyang malayo sila. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi mabatid ni Sabrina kung bakit nais niyang magkuwento. Panahon na siguro upang siya mismo ang makapagkuwento sa iba.

"Wala na si mama," panimula niya saka napayuko. "Wala rin akong balak alamin kung nasaan ang tatay ko." Patuloy niya saka tumingala sa langit kung saan natatanaw nila ang mabagal na pagdaan ng eroplano.

"Si ate na lang ang pamilya ko. Kaya lang nasa ibang bansa siya. Kakaalis lang niya." Huminga siya nang malalim habang inaalala ang kaniyang kapatid. "Ang totoo, nahihiya akong humingi ng pera sa kaniya lalo na dahil alam kong nagsisimula pa lang siya roon. Kakatapos lang namin bayaran ang mga utang namin noon sa ospital. Nag-iipon din siya para makabili kami ng bahay. Higit pa roon, ayokong mag-alala siya sa 'kin. Gusto kong panatag lagi ang isipan niya na okay lang ako."

Napaiwas ng tingin si Sabrina saka mabilis na hinawi ang namumuong luha sa kaniyang mga mata. Hindi masabi ni Sabrina na namimiss na niya ang kaniyang kapatid. Namimiss na niya ang dati nilang buhay noong nabubuhay pa ang kanilang ina.

"Mabuti naman at malapit kayo ng iyong kapatid sa isa't isa. Tiyak na mas mapapanatag siya sa oras na mabatid niya ang iyong tunay na nararamdaman at pinagdadaanan." Saad ni Libulan saka tumingin kay Sabrina. Nababatid niyang matapang at malakas ang loob ni Sabrina na lagi nitong pinapakita sa lahat, ngunit ang totoo, mahina at lumuluha rin ito mag-isa.

Naalala ni Libulan ang nakatatanda niyang kapatid na kailanman ay hindi niya nakasundo. Sandali niyang ipinikit ang kaniyang mga mata. Nais niyang burahin sa kaniyang alaala ang huling sandali kung saan tinutukan siya nito ng baril at pinakawalan ang bala.

"Kung hindi lang naging gahaman at pabaya ang aking ina sa aking kapatid. Marahil ay naging malapit din kami sa isa't isa." Patuloy ni Libulan habang nakapikit ang kaniyang mga mata. Sa bawat salitang kaniyang binibitiwan ay naroon ang pagbalik niya sa alaala ng nakaraan.

"Nababatid ko ang lahat ng kaniyang ginawa. Gabi-gabi siyang nagsasagawa ng ritwal at nagdadasal sa diyos ng buwan upang ipasa ang aking karamdaman sa iba. Nagawa rin niyang gamitan ng itim na mahika ang aking madrasta." Dagdag ni Libulan na napahigpit ang kamao habang nakahawak sa pantalon.

"Ngunit hindi ko magawang magalit sa kaniya. Siya ang aking ina na handang gawin ang lahat para sa akin. Sa tuwing siya'y lumuluha at nawawala sa sarili. Ako'y nahahabag at nakakalimutan ko ang lahat ng kaniyang pagkakamali." Nangingilid na ang luha sa mga mata ni Libulan.

"Mayroon siyang binigay sa 'kin mula nang ako'y magkasakit noong ako'y limang taong gulang. Ang anting-anting na iyon ay may simbolo ng buwan at ni Haliya. Si Haliya ang diyos ng buwan na sinasamba ng aking ina. Ayon sa aking mga narinig, ang aking ina, lola, at kanilang mga ninuno ay nagmula sa henerasyon ng mga Babaylan na pinagpala ni Haliya. Pulos babae ang naging anak ng kanilang angkan hanggang sa matigil iyon nang magkaroon ng dalawang anak na lalaki ang aming ina." Iminulat ni Libulan ang kaniyang mga mata saka pinunasan ang namumuong mga luha.

"Ang sabi ni ina, ang anting-anting na iyon ang siyang kakanlong sa 'kin sa lahat ng kapahamakan, sakit, at kamatayan. Hindi ko maaaring hubarin iyon habambuhay. Ngunit, ang hinuha ko ay nagtataglay din ang anting-anting na iyon ng dasal na kikitil sa buhay ng aking kapatid. Sa palagay ko, nais ni ina na mamatay ang aking kapatid kapalit ng aking kagalingan at mas mahabang buhay."

Tumingin si Libulan kay Sabrina. Ang kaniyang mga ibinabahagi ay dati niyang sinasarili. "Marahil ako rin ang dahan-dahang pumatay sa kaluluwa ng aking kapatid. At siya naman ang kumitil sa akin. Nahiwalay sa akin ang anting-anting na iyon nang sunggaban at itulak ako ng aking kapatid bago niya itutok sa akin ang dala niyang baril." Dagdag ni Libulan habang unti-unting pinagtatagpi ang lahat. Naramdaman nga niya na napigtal ang tali ng suot niyang anting-anting bago siya barilin ni Hiram.

Halos walang kurap na nakatingin si Sabrina kay Libulan habang nakikinig sa mga ipinagtatapat nito sa kaniyang dating buhay. Naalala ni Sabrina na may bakas ng dugo ang suot na damit ni Libulan noong una niya itong nakita. Ang dugong iyon ay matatagpuan sa tapat ng puso ni Libulan.

Sandaling naghari ang katahimikan. Animo'y dumaloy ang kakaibang lamig sa katawan ni Sabrina nang mapagtanto ang nangyari sa buhay ni Libulan. Umihip din ang hangin na nagpasayaw sa mga puno, bulaklak, at mga kalat sa kalsada.

"Ibig sabihin... patay ka na..." wika ni Sabrina habang tulalang nakatitig kay Libulan. Naalala niya ang mga anino at kaluluwa na nakikita niyang tumatawid sa kabilang buhay. Hindi malabong isa nga sa mga iyon si Libulan na kausap niya ngayon.

Kasunod niyon ay sunod-sunod na tumunog ang agunyas mula sa simbahan ng Manila Cathedral. Sabay na napalingon sina Libulan at Sabrina sa tunog na inaalay sa mga patay.

Agad tumayo si Sabrina, "Umuwi na tayo," wika niya nang hindi lumilingon kay Libulan. Muli na naman niyang naramdaman ang kakaibang kilabot at lamig sa tuwing kabilugan ang buwan at nakikita niya ang mga kaluluwa na tumatawid sa lagusan.

Napatakip si Sabrina sa kaniyang tainga nang marinig ang mga bulong, sigaw, at paghingi ng saklolo. Mas binilisan niya ang kaniyang paglalakad sa takot na mahabol at matunton siya ng mga kaluluwang hindi pa nais tumawid sa kabilang buhay.

"Sabrina!" tawag ni Libulan ngunit hindi niya ito narinig. Nagpatuloy lang siya sa paglalakad habang nakapikit ang mga mata at pilit tinatakpan ang magkabilang tainga. Naramdaman ni Sabrina ang malakas na pagtulak sa kaniya ni Libulan. Isang matinis na pagpreno ang umalingawngaw sa kalsada na sinabayan ng sigaw ng mga tao.

Humupa ang lahat ng boses na bumulong sa kaniyang tainga. Maging ang malamig na pakiramdam na dumadaloy sa kaniyang buong katawan. Ang natira lamang ay nakabibinging katahimikan. Nang lumingon si Sabrina sa kaniyang likuran, laking-gulat niya nang makitang nasagasaan ng kotse si Libulan at ngayon ay duguang nakahandusay sa kalsada.


AGAD nilang sinugod si Libulan sa ospital. Nagkalat ang dugo nito sa kotse na siyang nakabangga kay Libulan. May tama sa ulo si Libulan nang mabagok ito sa kalsada. Namamaga naman ang dibdib nito na maaaring nabalian siya ng tadyang.

Nanginginig na nakatayo si Sabrina sa labas ng Emergency Room. Sinubukan niyang tawagan sina Gera at Kuya Empi ngunit nanginginig ang kaniyang daliri sa takot. Bumabalik ang lahat ng huli niyang alaala bago ang aksidente na muntik nang kumitil sa buhay nila ng kaniyang kapatid. Ang matinis na tunog ng preno, ang malakas na pagkakasalpok, ang pagkabasag ng salamin, at ang sigaw ng mga tao ay sabay-sabay na gumugulo sa kaniyang isipan.

Ilang sandali pa, nagkakagulo na ang mga nurse. "Nawawala ang pasyente doon sa dulo," wika ng isang nurse. Agad lumapit ang isa kay Sabrina, "Miss, pahintay lang po. Nawawala po ang kasama niyo. Naghahanda lang po kami para sa operation, pagbalik namin, wala na po siya."

Hindi nakakilos si Sabrina sa kaniyang kinatatayuan. Ang unang pumasok sa kaniyang isipan ay posibleng bumabalik muli ang simptomas niya at kung ano-ano ang mga bagay o tao na nakikita niya.

Dali-daling lumabas si Sabrina sa ospital. Agad niyang sinagot ang tawag ni Gera kahit pa lumulukso ang puso niya at patuloy pa rin ang panginginig ng kaniyang katawan. Paano niya ipapaliwanag na nawala bigla si Libulan? Nakikita ba ng lahat si Libulan? O tanging siya lang ang nakakakita sa binatang maaaring isa na palang kaluluwa.

"Sab, nasaan ka na?" tanong ni Gera na animo'y ina na nag-aalala sa anak. Napapikit si Sabrina nang salubungin siya nang malakas na hangin pagkalabas niya ng ospital. "Pauwi na po..." Napatigil si Sabrina nang makita ang pamilyar na binata na nakatayo ngayon sa labas ng ospital.

May bakas ng dugo ang suot nitong damit at basa rin sa pawis ang buhok. Animo'y tumakbo ito nang napakalayo at ngayon ay hinahabol ang sariling paghinga. "Tita, kilala niyo ba si Libulan?" tanong niya mula sa kabilang linya upang kumpirmahin ang mga pangyayari.

Maging ang binata ay gulat na nakatingin sa kaniya na animo'y maging ito ay may natuklasan na kakaiba sa sarili. "Oh, bakit? Anong meron kay Libulan? Hindi pa ba kayo uuwing dalawa?"

Nabitiwan ni Sabrina ang hawak na cellphone nang mapagtanto na wala na ang mga sugat na tinamo ni Libulan mula sa pagkakabangga. Nakatingin ito sa kaniya habang hinihingal at pilit na hinahabol ang hininga. Animo'y humihingi ito ng saklolo sa katotohanang siya'y hindi namamatay.


**********************

#Duyog

Featured Song: "Sa Ilalim ng Bituin" by Feel Day

https://youtu.be/1HOObPEl6_w

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top