Kabanata 4: Sa Ulap ng Bagong Tahanan

[Kabanata 4]

Umiihip ang marahan na hangin habang nagbabasa si Libulan sa ilalim ng malaking puno ng Acasia. Nakauwi na ang lahat ng kaniyang kaklase. Hinihintay na lamang niya ang kaniyang ina na siyang susundo sa kaniya.

Habang naghihintay, minabuti ni Maestro Santiago na pabasahin si Libulan ng isang maikling kuwento. Limang taong gulang pa lamang ang bata ngunit kapansin-pansin na matatas na ito magbasa sa wikang Español at Tagalog.

Nakaupo sa mahabang silya si Libulan habang nakapatong ang manipis na kuwaderno sa mahabang mesa. Samantala, nakatayo si Maestro Santiago habang pinagmamasdan ang marahang pagsayaw ng hangin sa punong kanilang sinisilungan.

Napatigil sa pagbabasa si Libulan nang umupo sa tabi niya ang isang batang babae. Hindi niya napansin ang pagdating ng asawa ni Maestro Santiago na magiliw na humalik sa pisngi nito.

"Ang Natatanging Tala..." mabagal na pagbigkas ng batang babae sa pamagat ng kuwentong binabasa ni Libulan. Nakatingin lang sa kaniya si Libulan na tila ba iniisip niya kung sino ito. "Isinulat ni ama ang kuwentong iyan," patuloy nito sabay ngiti. Bakas sa mga mata at ngiti ng batang babae na ipinagmamalaki niya sa buong mundo ang ama na pinakamagaling sa lahat.

Napatingin si Libulan sa kuwaderno. Ngayon niya lang napansin na sinulat lang ito sa kuwaderno. Hindi ito nailathala ng anumang pahayagan. "Ikaw ba ang bagong estudyante ni ama?"

Tumango si Libulan bilang tugon. Hindi siya sanay makipag-usap sa ibang bata dahil ngayon lang siya nakapasok sa paaralan. Hindi rin siya pinapagayagang makipaglaro sa ibang bata sa labas dahil baka siya ay masugatan. Palagi ring nakabantay ang kaniyang ina at lagi lang siyang pinapabasa ng iba't ibang babasahin.

"Ako nga pala si Elena, ano ang iyong ngalan?" isinandig ng batang babae ang ulo niya sa mesa habang nakangiti. Animo'y hinihimok niya si Libulan na maglaro sila.

"Libulan," tugon niya. Ngumiti muli ang batang babae. Aayain niya sanang maglaro si Libulan ngunit napatingin sila kay Maestro Santiago na naglalakad papalapit kasama ang asawa nito na si Guadalupe.

"Tayo'y kumain na ng tanghalian," wika ni Maestro Santiago na napangiti nang makita ang anak. Dali-daling tumakbo si Elena papalapit sa kaniyang ama at yumakap. Nakalimutan niyang bumati pagdating nila dahil nauna niyang nilapitan ang bagong estudyante ng kaniyang ama.

Binuhat ni Maestro Santiago si Elena paikot sa ere dahilan upang bumungisngisi ito. "Mamay ana 'yan kumain na muna tayo," wika ni Guadalupe na abala sa paglalagay ng pagkain sa kabilang mesa.

Tumingin si Maestro Santiago kay Libulan na nakatingin lang sa kanila. Kailanman ay hindi naging ganoon kagiliw ang kaniyang ama sa kaniya. "Señorito, Halika't sumabay ka na sa amin." Wika ng maestro sabay ngiti. Napangiti rin si Elena dahil nararamdaman niyang may bago na naman siyang kalaro at kaibigan.


HINDI makapaniwala si Libulan habang nakatingin sa dalagang lumabas sa dating kinatitirikan ng kaniyang tahanan. "Elena? Elena Santiago?" wika ni Libulan, sinubukan niyang humakbang ngunit sandali lang siyang tiningnan ng babae na para bang mabilis lang na dumaan ang paningin nito.

"Okay na po lahat, Kuya Greg?" tanong ng babae sa camera man matapos nitong isara ang trunk ng sasakyan.

"Okay na po Ma'am Ana," wika ng camera man. Tumango ang babae saka muling ngumiti sa matandang babae na may ari ng bahay bago pumasok sa sasakyan. Tulalang sinundan ni Libulan ng tingin ang company van na may tatak na PMC News hanggang sa makaliko ito sa kabilang kalye.

Naguguluhan si Libulan sa mga nangyayari. Ngayon nasa makabagong panahon siya, hindi niya maunawaan kung paanong naririto rin si Elena na kaniyang kababata.

Natauhan si Libulan nang marinig ang pagsarado ng gate. Tumakbo siya papalapit sa lumang bahay at humawak sa makalawang na rehas. "Sandali, ako'y may nais lang pong..." Hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin dahil naisara na ng matandang babae ang pinto. Mahina na rin ang pandinig nito kung kaya't nahihirapan na itong marinig ang mga malalayong boses o ingay.

Samantala, napapasabunot si Sabrina sa sarili at mangiyak-ngiyak sa pagmamadaling sagutan ang long quiz sa Algebra. Ikalawang taon pa lang niya sa kolehiyo sa kursong BSEEd sa Philippine Normal University. Hindi siya nakapag-review dahil sa dami ng nangyari nitong mga nakalipas na araw. Nakalimutan niya na magkakaroon sila ng long quiz bago ang midterms exam.

Napatingin siya kay Kyla na nakaupo sa unahan. Parehas silang hindi nakapag-aral. Ngayon pa lang ay kinakabahan na sila sa magiging resulta ng quiz. "Time's up!" saad ng propesor at pinapasa na agad ang mga papel.

Pikit-matang pinasa ni Sabrina ang papel saka napasubsob sa armchair. Lima lang ang nasagutan niya sa sampung tanong. Hindi pa siya sigurado kung tama ang solution na ginawa niya sa bawat numero.

Parehong tulala at wala sa sariling naglalakad sina Sabrina at Kyla patungo sa canteen. Nakakapit si Kyla sa braso ni Sabrina na para bang naubusan din siya ng enerhiya. Nang makahanap na sila ng bakanteng mesa, sabay nilang nilabas ang kanilang baon kahit pa wala silang ganang kumain.

"Babagsak na ata ako, girl." Saad ni Kyla saka kinuha ang salamin upang tingnan kung kumalat ang kaniyang eyeliner. Napahawak naman si Sabrina sa kaniyang sentido. Ilang gabi na siyang puyat, nakalimutan niya mag-review, at ngayon umutang pa siya ng 100 pesos kay Aling Lucy para sa pamasahe na pagkakasiyahin niya ng isang Linggo.

"Ang hirap ng quiz. 'Di na ko aasa sa exam," patuloy ni Kyla saka marahang pinunasan ang eyeliner na kumalat sa kaniyang mata.

"Babawi tayo. Hindi tayo puwedeng bumagsak." Wika ni Sabrina saka huminga nang malalim. Nababatid niya sa sarili na hindi siya magaling sa Math ngunit sisikapin niyang bumawi at mag-aral sa mga susunod na araw bago ang nalalapit nilang pagsusulit.

Naalala ni Sabrina ang nakatatandang kapatid na inspirasyon niya para magsumikap. Hindi niya gustong ibalita na bumagsak siya sa oras na tumawag ito. Nahihiya rin siyang humingi ng allowance gayong gumagastos din ito sa ibang bansa.

Nagsimula nang kumain si Sabrina na animo'y hand ana muling sumabak sa gyera. Tuyo, kamatis, at itlog ang ulam niya. Tinabi niya lang ito kaninang almusal dahil wala na siyang sobrang pera para bumili ng pagkain sa canteen.

Napasingkit ang mga mata ni Sabrina nang maalala kung gaano karami ang ulam na kinain ni Libulan. "Sisingilin ko talaga siya," wika ni Sabrina saka naibagsak sa mesa ang hawak na tinidor. Nagulat si Kyla at napatingin sa kaniya.

"Sinong sisingilin mo? Nagpapautang ka? Pautang din ako," wika nito dahilan para mas lalong mapasingkit ang mga mata ni Sabrina. "Naalala mo 'yong kinuwento ko sa 'yong weirdo na inampon ng isang weirdo?" tanong ni Sabrina, napakunot ang noo ni Kyla saka muling tumingin sa salamin.

"Anong pinagsasabi mo?" nagtataka nitong tanong. Napahinga nang malalim si Sabrina. "May isang mama cat, nag-ampon siya ng kuting na hindi naman niya anak, kaso ngayon kailangan niyang gumastos para mabuhay ang kuting na 'yon." Kuwento ni Sabrina.

Tumango-tango si Kyla, "Aba, dapat lang. Kailangan niyang maging responsableng mama cat," wika nito. Napabuntong-hininga na lang si Sabrina saka nagpatuloy sa pagkain. Kahit kailan ay wala siyang makuhang magandang payo mula sa kaibigan.

Makalipas ang ilang sandali, napatingin sila sa apat na lalaki na kakapasok lang sa canteen. Ibinaba ni Kyla ang salamin saka nilapit ang sarili kay Sabrina, "Sab, alam mo ba, nag-chat sa 'kin si Tristan, kinakamusta ka niya." Bulong nito. Napatigil si Sabrina saka tumingin sa counter kung saan nakatayo roon ang dating kaibigan.

"Anong sabi niya?" tanong ni Sabrina na kunwaring hindi interesado.

"Ewan ko sa kaniya. Tinatanong niya kung makakapunta raw tayo sa theater play nila. Siya ata bida ngayon." Saad ni Kyla na nagsimula nang kumain. Binigyan niya ng dalawang spam at chicken nuggets si Sabrina.

Napatingin si Sabrina kay Tristan kasama ang mga kaibigan nito. Umupo sila sa bakanteng mesa na malapit sa counter. "Kailan daw?" tanong ni Sabrina nang makaramdam ng konsensiya.

"Wait, let me check kung kailan," kinuha ni Kyla ang phone niya. "December 1. Saturday." Tugon ni Kyla saka inilapag ang phone sa mesa. "Ano? Punta tayo?" tanong nito. Napaisip si Sabrina. Naalala niya na ilang beses naging bukambibig ni Tristan na iimbitahan sila nito kapag nakuha niya ang lead role.

Limang buwan na mula nang lumayo sa kanila si Tristan. Limang buwan na nang linawin niya sa dating kaibigan na hindi niya nais magpaligaw at gusto muna niyang pagtuunan ang pag-aaral lalo na't kailangan niya pang bumawi dahil dalawang taon din siyang natigil sa pag-aaral.

Tumango si Sabrina, "Sige, sabihin mo, pupunta tayo." Wika niya dahilan upang mapangiti nang malaki si Kyla. "Yes! Buti naman. Nahihirapan na ako sa inyong dalawa. Wala na dapat awkwardness ha," hirit ni Kyla saka hiningi ang kamatis na ulam ni Sabrina.

"Wag ka rin mag-alala, mukhang okay naman na si Tristan. Naka-move on na ata siya sa 'yo." Patuloy ni Kyla na nagsimula nang magkuwento ng mga nasagap niyang balita. Napatigil sila nang tumunog ang phone ni Sabrina.

Tumatawag si Kuya Empi. Bago pa makapagsalita si Sabrina ay naunahan na siya nito, "Sab, nawawala na naman si Li!" Gulat na napatayo si Sabrina dahil sa bagong problema ng kaniyang kuting.


ALAS-SINGKO ng hapon, buong araw na naghintay si Libulan sa labas ng lumang bahay. Mabuti na lamang dahil makulimlim ang langit. Maka-ilang beses niyang kinatok ang makalawang na gate ngunit hindi lumalabas ang matandang babae. Tinawag niya rin ito gamit ang kaniyang malalim na boses ngunit wala pa rin. Sa isip niya, maaaring hindi siya nais paunlakan nito gaya nang kung paano hindi pinagbubuksan ng pinto ng may-ari ng bahay ang mga panauhin na hindi nito gustong papasukin.

Subalit, hindi siya susuko. May mahalaga siyang dapat na malaman. Kailangan niyang alamin kung nasaan na ang kanilang salinlahi. Kung ang pamilya Dela Torre pa rin ang nagmamay-ari ng pamamahay na hindi niya makilala.

Hindi siya nabigo dahil nakita niyang bumukas ang pinto. Agad siyang kumapit sa gate nang makita ang matandang babae na nasa edad pitumpu't apat. Puti na ang maikli at kulot nitong buhok. May dalang basura ang matanda na itatapon nito sa labas.

Napatigil ang matanda nang makita si Libulan habang nakakapit sa rehas ng gate. "Magandang hapon po..." Napatigil si Libulan nang maalala ang itinuro ni Sabrina na tawag sa mga estranghero. "Magandang hapon po, Manang." Patuloy ni Libulan, nagtaka ang hitsura ng lola sa narinig.

"Hayaan niyo po akong magpakilala sa inyo. Ang aking ngalan ay Libulan Dela Torre y Marquez Casilang. Ako po'y anak ni Don Venancio Dela Torre na isang doktor at propesor, siya po'y mayroon ding klinika sa Pandacan." Magalang na pakilala ni Libulan na nagawa pang yumukod sa kabila ng sumasabog niyang damdamin sa pag-asang kaharap ngayon ang taong nagmula sa kanilang lahi.

"Nais ko po sanang samantalahin ang pagkakataong ito upang magtanong sa inyo kung inyong pauunlakan," patuloy ni Libulan. Nagtaka ang hitsura ng matandang babae. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi akma ang pananalita ng binatang kaharap sa edad nito. Naalala niya na ganito rin magsalita ang kaniyang lolo't lola.

Naglakad papalapit ang matandang babae ngunit hindi niya binuksan ang gate. "Ano ang maitutulong ko sa 'yo, hijo?" tanong niya saka pinagmasdan ang binata at ang suot nito. Nabasa niya ang maliit na letra na nakasulat sa t-shirt ni Libulan. Sastre y Seda.

Umaliwalas ang hitsura ni Libulan, hindi nasayang ang ilang oras niyang paghihintay sa labas. "Ang tahanan po bang ito ay pagmamay-ari ng pamilya Dela Torre?" mas lalong kumabog ang dibdib ni Libulan. Hindi siya makapaniwala na matatag pa ring nakatayo ang malalaking pader ng Intramuros at natagpaun muli ang tahanan na kaniyang kinamulatan.

"Dela Torre?" tanong ng matandang babae saka umiling. "Minana ko ang bahay na 'to sa tatay ko, ang apelyido namin ay Santiago." Sagot ng matanda dahilan upang hindi makapagsalita si Libulan. Isang daang porsyentong sigurado siya na ang lupaing iyon ay pagmamay-ari ng kanilang pamilya. Nagbago man ang hitsura ng bahay, nagbago man ang laki ng lupain, nakatitiyak siya na ito ang tahanan na kaniyang tinirhan.

"Kasama ka rin ba ng reporter na pumunta rito kanina? Sa PMC News?" tanong ng matanda, napansin niya ang pamumutla ng mukha ni Libulan. "Ayos ka lang ba, hijo?" ulit nito ngunit napahakbang paatras si Libulan habang tulala sa kawalan.

Hindi siya makapaniwala sa narinig. Ang kilala niyang Santiago ay ang maestro na siyang paborito niya sa lahat. Ito rin ang pinaglaban niya, naging inspirasyon sa paghihimagsik at pagkamuhi sa pamahalaan.

Magsasalita pa sana ang matandang babae ngunit tumakbo na si Libulan papalayo. Tumakbo siya nang tumakbo hanggang sa bumagsak ang ulan. Hinihingal na napatigil si Libulan sa malaking puno sa gitna ng plaza Roma. Napahawak siya sa kaniyang puso habang pilit na hinahabol ang paghinga. Naalala niya ang sakit sa puso na minana sa ina at siyang dahilan kung bakit hindi siya nakakapaglaro sa labas. Hindi rin siya sanay sa mabibigat na gawain lalo na nang magsimulang manghina ang kaniyang katawan.

Napaupo si Libulan sa isang mahabang patio na nasa tabi ng malaking puno. Bumabagsak ang ulan ngunit hindi ito gaano nararamdaman dahil sa malagong puno na kaniyang sinisilungan. Nagmamadaling sumilong ang ilang mga tao, maging ang mga sorbetero at kutsero. Tanging si Libulan ang naiwang nakasilong sa matandang puno ng plaza Roma.

Hindi namalayan ni Libulan ang oras. Alas-siyete na ng gabi, tumigil na rin ang malakas na ulan kung kaya't nagsibalikan na ang mga nagtitinda sa gilid ng plaza. Dumating din ang ilang mga bata at pamilyang magsisimba sa Manila Cathedral.

Tulala si Libulan sa basang sahig habang nag-iisip nang malalim. Sa isang iglap, ang makasaysayan, maimpluwensiya, at makapangyarihang pangalan na dala ng kaniyang mga ninuno ay nawala. Ang pamilyang kaniyang kinabibilangan ay kilala sa larangan ng medisina at edukasyon. Karamihan din sa kanilang mga kamag-anak ay may posisyon sa pamahaalan.

Hindi niya maunawaan ang sarili kung bakit nakakaramdam siya ng lungkot gayong kinamumuhian niya ang sariling pamilya. Sariwa pa sa kaniyang alaala na handa niyang ilaglag ang baho ng kaniyang ama at mga kamag-anak na nasasadlak sa korapsyon at pang-aapi sa mga inosente.

Handa niyang talikuran ang pamilya Dela Torre. Nais niyang burahin ito sa kaniyang pangalan. Nais niyang putulin ang ugnayan sa pamilyang walang ibang hinangad kundi ang maghari-harian. Ngunit ngayon, bakit tila sinasaksak ang kaniyang puso sa posibilidad na naglaho nan ang tuluyan ang kasaysayan ng kaniyang pamilya.

Ipinikit ni Libulan ang kaniyang mga mata. Naniniwala na siya na ang lahat ng nangyayari sa buhay ng isang tao ay may dahilan. Hindi nagkataon na napunta siya sa makabagong panahon. Hindi nagkataon na muli niyang mahahanap ang kanilang tahanan. Hindi nagkataon na siya'y nabuhay muli ngayon.

Kailangan niyang malaman ang dahilan kung bakit nangyayari ito. Kailangan niyang matagpuan muli ang babaeng nahahawig kay Elena. Kailangan niyang mahanap ang sagot kung bakit ang isang tulad niya na nagmula sa nakaraan ay napunta sa hinaharap.

Napatigil si Libulan nang maramdaman ang presensiya ng taong tumayo sa tapat. Ang pagdampi rin ng ilang patak ng tubig mula sa mga puno ay hindi na niya naramdaman. "Kanina ka pa namin hinahanap. Nandito ka lang pala." Wika ng pamilyar na boses. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata, hindi siya nagkamali nang muling makita si Sabrina.

Nakatayo ito sa kaniyang tapat habang hawak ang malaking payong na itinapat din sa kaniya upang hindi siya mabasa ng ulan. Sandaling bumagal ang takbo nang paligid, pareho nilang hindi alintana ang patak ng ulan, ang ingay ng mga batang tuwang-tuwa sa mga bubbles, ang ingay ng kuliling na pinapatunog ng sorbetero, ang paglabas at pagpasok ng mga tao sa simbahan, at ang mga sasakyang dumadaan sa tabing-kalsada. Lahat ng iyon ay tila pansamantalang humupa habang nakatingala si Libulan sa babaeng muli siyang nasumpungan.

Napahinga nang malalim si Sabrina. Gusto sana niyang pagalitan si Libulan dahil sa pagtakbo nito sa kalsada ayon sa kuwento ni Kuya Empi, ngunit nang makita niya ang namumutla at balisang hitsura ni Libulan sa gitna ng plaza Roma ay tila humupa ang kaniyang inis dahil ilang oras din silang nagpaikot-ikot ni Kuya Empi sa loob ng Intramuros. Sa hindi malamang dahilan ay mas nangibabaw ang kaniyang pag-aalala at pagkaawa.

Tumikhim si Sabrina, "Bakit ka ba nandito? Ano bang..." napatigil siya nang mapansin ang namumuong luha sa mga mata ni Libulan. Para itong batang nawawala at nais nang umuwi sa kanilang tahanan.

Magsasalita pa sana siya upang itanong kung anong nangyari ngunit napalingon sila sa sunod-sunod na pagbusina ni Kuya Empi habang nakasakay sa mini truck. "Tara na! Baka umulan pa!" Tawag nito sabay senyas na sumakay na sila.


NANG makarating sila sa Sastre y Seda, magsasara na ito. Naabutan nila si Aling Lucy sa pintuan. "Kanina pa namin kayo hinihintay, nag-taxi na lang si Gera. Baka raw maabutan pa siya ng ulan." Saad ni Aling Lucy saka binuksan nang malaki ang pinto na gawa sa salamin.

Pagpasok nila sa loob. Hindi pa natatapos tupiin ang ilagay sa hanger ang ilang mga damit na bagong tahi. Nakita nila ang anak ni Aling Lucy na nakasuot pa ng uniporme habang kumakain ng hapunan. "Migo, bumati ka," paalala ni Aling Lucy sa anak na hindi man lang umimik sa mga bagong dating.

"Hello po," tipid na wika ni Migo na wala sa loob bumati. Nagpatuloy ito sa pagkain ngunit napatingin muli sa mga bagong dating nang makilala ang matangkad na binata na basa sa ulan. Kausap ito ni Sabrina habang hinahanapan ng damit sa isang lumang box na nasa tabi ng mga makina.

"Anong ulam natin, bro?" tanong ni Kuya Empi na lumapit sa mesa sabay kuha ng hotdog. Kumuha na rin ng kanin at softdrinks saka naupo sa tapat ni Migo. "Musta grades natin? First honor ka na, 'no?" hirit ni Kuya Empi na animo'y nauubusan ng enerhiya.

Itinuro ni Sabrina ang CR kay Libulan, malapit ito sa hagdan at mesa kung saan kumakain ngayon sina Migo at Kuya Empi. "Ah, siya nga pala, Migo, si Li ang ating bagong kargador na pogi," ngiti ni Kuya Empi sabay turo kay Libulan na napatigil at nagbigay-galang, ilalahad n asana nito ang palad niya sa harap ni Migo ngunit napatigil siya nang makilala ito.

Napayuko si Migo sa gulat. Hindi niya akalaing makikita ngayon ang lalaking nakakita kung paano siya pagtulungan ng mga kaklase. "Ikaw, ikaw ang estudyanteng hinahamak ng..." Hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin dahil biglang tumayo si Migo sabay kuha ng bag.

"Busog na ko." Mabilis nitong wika nang hindi tumitingin sa mga kausap saka dali-daling umakyat sa hagdan. Nagkatinginan sina Kuya Empi, Sabrina, at Aling Lucy. Maging si Libulan ay hindi makapaniwala na muling makikita ang estudyanteng may kopya ng decreto ng gobernador-heneral.

"Natakot siguro sa 'yo, my friend." Saad ni Kuya Empi kay Libulan. Agad lumapit si Aling Lucy, "Nako! Pagpasensiyahan niyo na ang batang 'yon, mahiyain lang talaga. Mainit din kasi ang ulo kanina, napagalitan ng titser, nawawala raw ang proyekto niya sa Filipino," saad ni Aling Lucy na ngumiti nang pilit dahil sa hiya. Nahihiya siya sa asal at madalas na pakikitungo ni Migo sa ibang tao.

"Ano pong project? 'yong bugtong na sinulat po namin sa cartolina?" Tanong ni Sabrina. Tumango si Aling Lucy saka naglagay ng mga plato sa mesa. "Oo, 'yon nga. Iyong isinulat niyo sa pulang cartolina," tugon ni Aling Lucy na nagawa pang isenyas ang parisukat na kartolina.

Nagpatuloy sila sa pag-uusap, nabanggit ni Aling Lucy na babalik na sila sa paninirahan dito dahil nag-away na naman sila ng kaniyang biyenan. Ang isa pang bakanteng silid sa taas ay tinutulugan ni Aling Lucy sa tuwing ginagabi ito sa pagtatahi. Nakatingin lang sa kanila si Libulan hanggang sa pumasok ito sa banyo upang maligo at magpalit ng damit.


NAGPUPUNAS ng mesa si Sabrina matapos kumain si Kuya Empi. Umakyat na rin si Aling Lucy sa taas. Napatingin siya sa banyo nang bumukas ang pinto. Lumabas si Libulan suot ang damit na binigay niya. Kulay puti at kupas na P.E Shirt ng isang paaralan at kulay itim na short na abot hanggang tuhod.

Sa kabila niyon, nangingibabaw pa rin ang magandang tindig at hitsura ni Libulan. Tumikhim si Sabrina saka naglapag ng dalawang plato. Hindi pa rin siya kumakain. "Kumain ka na muna. Wala na tayong pera pambayad sa karinderia ha," paalala ni Sabrina, napatango nang marahan si Libulan saka nahihiyang umupo sa maliit na silya. Nakaramdam siya ng hiya nang ipaalala ni Sabrina ang sandamakmak na putahe na nagawa niyang kainin.

Tumikhim si Sabrina saka naupo sa katapat na silya. Inusog niya ang kanin papalapit kay Libulan. "Buti na lang kasya rin sa 'yo 'yan," wika ni Sabrina sabay turo sa damit na suot ni Libulan. Hindi niya alam kung sino ang may ari niyon. May mga kahon sila sa patahian kung saan maaaring mag-donate ng damit ang mga suki ng kanilang tindahan.

Napansin ni Sabrina na tila may hinahanap si Libulan sa mesa matapos itong kumuha ng kanin. "Maaari ko bang malaman kung ano ang ating putaheng pagsasaluhan?" tanong ni Libulan, inusog ni Sabrina ang platito papalapit kay Libulan.

"Kumuha ka lang ng dalawa. Tig-dalawa tayo," tugon ni Sabrina saka nagtaktak ng ketsup. Tinusok ni Libulan ang hotdog saka tinitigan itong mabuti. Napansin ni Sabrina ang kakaibang hitsura ni Libulan habang sinusuri ang hotdog na tila ba naguguluhan ito.

"Ito ba ay ligtas kainin? Hindi ganito ang kulay ng embutido." Wika ni Libulan, napakunot ang noo ni Sabrina sabay kagat sa hotdog.

"Hindi 'yan embutido. Hotdog 'yan." Tugon niya saka tinaktakan ng ketsup ang plato ni Libulan. "Isawsaw mo 'yan dito sa ketsup."

Nagdadalawang-isip si Libulan lalo na't pula na ang hotdog, pula rin ang kulay ng ketsup. "Hindi 'yan dugo, ano ba?" wika ni Sabrina na sandaling natawa. Napalunok si Libulan saka ginawa ang turo ni Sabrina. Nanlaki ang mga mata niya nang matikman ang hotdog. Napangiti si Sabrina dahil may naibahagi na naman siyang bagong kaalaman kay Libulan.

"Oh, 'di ba? Masarap?" Tumango nang ilang ulit si Libulan bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Sabrina.

"Ang tawag diyan ay Hotdog. Kapag hindi mo narinig o naintindihan ang sinasabi ng kausap mo, hindi mo na kailangan magsalita nang mahaba. Puwede mo lang sabihin na Ha?" wika ni Sabrina habang taimtim na nakikinig si Libulan.

"Kapag narinig mo ang tanong na Ha? Sasabihin mo lang... Hotdog." Patuloy nito habang pinipigilan ang sarili sa pagtawa. "Sige nga, i-practice natin, sabihin mo Ha."

"Ha," wika ni Libulan.

"Hotdog." Tugon ni Sabrina saka tumawa nang malakas. "Oh, ako naman. Ha?"

Nilunok ni Libulan ang nginunguya niya, "Hotdog." Tugon niya dahilan upang sabay silang matawa.

Muntik pang mabilaukan si Sabrina, mabuti na lang dahil inabutan agad siya ni Libulan ng tubig. "Siya nga pala, ang nawawala bang bagay na pagmamay-ari ng anak ni Aling Lucy ay ang kasulatan na kulay pula?" tanong ni Libulan. Sa dami ng nangyari ay nakalimutan niya ang mahalagang misyon nang makuha ang decreto.

"Oo, 'yong pulang cartolina. Tinulungan ko siya sa project na 'yon," tugon ni Sabrina.

Tumikhim si Libulan saka ibinaba ang kutsara at tinidor dahil may mahalaga siyang sasabihin. "Aking nababatid kung nasaan ang pulang kasulatan. Akin itong naiwan sa panciteria na aking kinainan." Pagtatapat ni Libulan, napanganga si Sabrina hindi dahil sa sinabi nito kundi sa kakaiba nitong pananalita na nagpapadugo sa ilong niya.


MAGKASABAY silang naglalakad sa gitnang kalye. Basa ang kalsada at nagkalat ang mga piraso ng plastic at upos ng sigarilyo. Naglalakad sila patungo sa karinderia kung saan kumain si Libulan.

Magsasara na ito. Inilalagay na ng mga katiwala ang mga upuan sa ibabaw ng mga mesa. Humarap si Sabrina kay Libulan dahilan upang mapatigil ito sa paglalakad habang ang dalawang kamay ay nasa likuran. "Ako na lang ang papasok doon. Dito ka na lang. Baka mainit pa ang ulo sa 'yo ng may ari ng karinderia," saad ni Sabrina at akmang tatalikod na ngunit humakbang nang malaki si Libulan upang harangan siya.

"Ako'y hindi sumasang-ayon sa ibig mong mangyari. Nais ko ring gamitin ang pagkakataong ito upang humingi ng tawad sa aking nagawa. Ang paghingi ng paumanhin ay gawain ng isang marangal na tao. Tinatanggap ko ang aking pagkakamali at hindi ko nais magtago." Wika ni Libulan na animo'y nagtatalumpating muli. Napakurap na lang ng dalawang beses si Sabrina, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya sanay sa kung anong utak mayroon si Libulan.

Naunang maglakad si Libulan papasok sa karinderia. "Sarado na po kami..." Nawala ang ngiti ng ale nang makilala siya. "Hoy! Anong ginagawa mo rito?!" Sigaw nito dahilan upang mapatingin ang lahat sa kanila.

Dali-daling tumakbo si Sabrina nang marinig ang sigaw. Nagitla si Libulan ngunit muli siyang tumindig nang maayos saka itinapat ang kamay sa kaniyang dibdib. "Ako po'y naparito upang taos-pusong humingi ng paumanhin sa nangyari. Ako'y nagdulot ng kaguluhan sa inyong panciteria. Gayundin, nasira ko ang payapa niyong pamumuhay. Lubos kong pinagsisisihan ang aking nagawa. Nawa'y sabihin niyo lamang sa akin kung paano ako makababawi?"

Mas lalong naguluhan ang ale, tumingin pa siya sa mga kusinera upang itanong kung anong sinasabi ni Libulan.

"Bukod doon, inyong pahintulutan ang aking pagtatanong ukol sa mahalagang bagay na aking nakaligtaan dito. Maaari ko po bang makuha ang decreto na siyang mahalagang kasulatan?" patuloy ni Libulan gamit ang mahinahon nitong boses. Nagtaka ang hitsura ng mga nakarinig sa kaniyang sinabi, habang ang ilan naman ay natawa.

"Anong pinagsasabi mo?" kunot-noong tanong ng ale habang nakapamewang. Agad pumagitna si Sabrina sabay ngiti, "Ah, 'yong red cartolina po na project. Bugtong po ang laman niyon," sabat ni Sabrina ngunit nagpatuloy sa pagsasalita si Libulan.

"Aking nababatid na maaaring kayo ay namumuhi pa sa akin. Subalit, nais kong ipakiusap na hindi sana mabahiran ng inyong damdamin ang decreto na siyang naglalaman ng mahalagang utos. Kailangan ko pang alamin ang mensaheng nakakubli sa mga salitang iyon," dagdag ni Libulan. Napapikit sa inis ang ale, nanggulo na nga ang lalaking iyon sa kaniyang karinderia, papasakitin pa nito ang kaniyang ulo.

"Tumataas dugo ko sa inyo. Lumayas ka rito, ulupong ka!" Sigaw ng ale sabay kuha ng silya. Napaatras sa gulat sina Libulan at Sabrina. "Layas!" Mahabang sigaw ng ale na akmang babatuhin sila ng silya, mabuti na lang dahil napigilan ito ng mga kusinera. Dali-daling tumakbo papalayo sina Libulan at Sabrina sa takot na maabutan sila ng ale na nagawa pa silang habulin papalabas.


"PASALAMAT ka alas-diyes pa kami nagsasara," ngiti ng kahera kay Sabrina habang isa-isang binibilang ang mga pinamili nito. Mabuti na lang dahil hindi na sila hinabol pa ng ale. Mabuti na lang din dahil bukas pa ang tindahan ng mga school supplies na malapit sa kanila. Maliit lang ang tindahan, makipot ang bawat sulok kung kaya't kailangan tumagilid upang makadaan ang dalawang tao.

Punong-puno ng iba't ibang school supplies ang bawat kahon na nakalatag sa bawat sulok. May matataas ding estante kung saan nakalagay ang mga notebook, papel, at mga ballpen. Kilala na si Sabrina sa tindahang ito lalo na't madalas siyang bumili ng mga gamit para sa mga biglaang presentation.

"Kasama mo ba ang pogi na 'yon?" kinikilig na bulong ng kahera na halos kaedad lang niya. Lumingon si Sabrina sa likod kung saan nakatayo si Libulan sa tapat ng estante ng mga papel. Napapikit na lang siya sa hiya dahil halos walang kurap na hinahawakan ni Libulan ang iba't ibang kulay ng papel na para bang ngayon lang niya ito nakita.

Tumango si Sabrina bilang tugon saka tinulungan sa pagbabalot ng pinamili niya ang kahera. Bumili siya ng red cartolina, marker, glue, at crayons. Balak na lang niyang isulat ulit ang bugtong sa kartolina nang may maipasa si Migo.

"Gosh, ang pogi ha! Boyfriend mo ba 'yan? Mukhang may lahi!" Ngisi ng kahera na animo'y siya na ang unang fan girl ni Libulan. Umiling si Sabrina, "Hindi ha. Katrabaho ko lang 'yan sa patahian." Tugon ni Sabrina saka napansingkit ang mga mata nang tumingin kay Libulan. Mukhang mangungutang ulit siya para sa pamasahe niya dahil pinambili niya ng mga gamit sa proyektong nawala nang dahil na naman kay Libulan.

"Talaga?! Wala naman siyang girlfriend, 'no?" usisa ng kahera na nakalimutan nang magbiglang. Napakibit balikat si Sabrina, "Ewan ko. Wala siguro." Tugon ni Sabrina. Hindi siya sigurado at hindi rin naman siya interesado.

"Pakilala mo naman ako!" Hirit ng kahera. Natawa si Sabrina dahil kung alam lang nito kung anong mga kamalasan ang dala Libulan ay tiyak na aatras ito. Hindi pa tapos sa pamimilit ang kahera nang lumapit si Libulan. Nagulat sila nang ilapag nito ang ilang kumpol ng makukulay na papel.

"Nais kong bilhin ang lahat ng ito," wika ni Libulan na animo'y puno ng kumpyansa. "Maaari ko rin bang malaman kung nasaan ang inyong mga pluma at tinta?" patuloy niya. Nanatiling tulala at nakangiti ang kahera na parang hibang. Napapikit si Sabrina saka hinila si Libulan patungo sa mga estante.

"Wala tayong pambayad. Naubos na pera ko. At anong hinahanap mo?" tuloy-tuloy na saad ni Sabrina na halos pabulong lang kung magsalita.

"Iyong nakaligtaan na ako'y may salapi na ngayon," wika ni Libulan saka dinukot sa bulsa ang twenty-one pesos na bigay ni Sabrina. "Ang dalawampu't isang piso ay malaking halaga na..." Hindi na natapos ni Libulan ang kaniyang sasabihin dahil napahawak si Sabrina sa sentido.

"Lagpas isang daan 'yong nilagay mo roon! Tingnan mo!" Saad ni Sabrina sabay turo sa kinatatayuan ng kahera kung gaano karami ang mga papel na dinala ni Libulan.

Tumikhim si Libulan saka napatingin sa bente pesos at piso. "Kung gayon, aking babawasan na lamang ang mga nais kong bilhin," saad ni Libulan saka naglakad patungo sa kahera na hindi mawala ang ngiti sa kaniya.

"Maaari ko bang bawasan ang aking mga nais bilhin, binibini?" tanong ni Libulan. Nagulat siya nang biglang tumili ang kahera. "Ohmy! Ohmy! Libre na 'to pogi! Ako na bahala. Libre ko sa 'yo!" Ngiti ni ng kahera na muntik pang mapatalon sa tuwa. "Ano palang number mo? Ay! Facebook na lang!" habol nito sabay abot ng phone at kumurap-kurap pa ang mga mata.

Napapikit na lang si Sabrina saka napahawak sa kaniyang noo. Tumingin sa kaniya si Libulan para itanong kung anong sinasabi ng kahera ngunit mas gusto na lang niyang kainin ng lupa dahil sa hiya.


NAGLALAKAD na sila pauwi. Makailang ulit na sinisilip ni Libulan ang mga papel sa hawak niyang plastic. Nagtataka rin siya sa kakaibang bagay na pinaglalagyan ng pinamili nila. "Anong sabi mo kay Diday?" tanong ni Sabrina, nauna na siyang lumabas sa tindahan dahil nahihiya siya sa pinaggagawa ng kaibigan niyang tindera na kinikilig sa harapan ni Libulan.

"May hinihingi siya sa aking impormasyon na hindi ko maunawaan. Ipinagtapat ko na lang sa kaniya na ako'y namumuhay nang tahimik at payapa kung kaya't wala akong nalalaman sa mga salitang kaniyang binanggit," tugon ni Libulan. Napatango nang ilang ulit si Sabrina.

"Tama! Sa madaling salita, low-key at private person ka," saad ni Sabrina. Hindi niya naisip na puwedeng gamiting palusot iyon ni Libulan kahit mukhang hindi naman ito nagsisinunggaling o gumagamit ng palusot.

Napangiti si Libulan saka tinaas ang hawak niyang plastic. "Kamangha-mangha ang mga papel na mayroon kayo sa panahong ito. Aking hindi akalain na maraming kulay ang maaari nating magamit," wika nito. Napangiti na lang din si Sabrina dahil mukhang masaya si Libulan dahil lang sa mga colored papers. Bukod doon, naalala niya ang malungkot at maluha-luhang hitsura ni Libulan kanina sa plaza Roma.

Tumikhim si Sabrina habang patuloy silang naglalakad. Basa pa rin ang sahig, may mga basura sa bawat tabi, at kung minsan ay may nadadaanan silang mapapanghing poste. "Bakit ka pala nasa Intramuros kanina? Nag-alala sa 'yo si Kuya Empi. Buong araw ka niya hinanap." Wika ni Sabrina. Hindi niya magawang sabihin na nag-alala din siya. Nagawa niyang hindi pasukan ang huling klase para lang hanapin din si Libulan.

Muling inilagay ni Libulan ang dalawang kamay sa kaniyang likuran. "Aking sinadya ang aming tahanan sa Intramuros," tugon nito. Gulat na napatingin si Sabrina kay Libulan at napatigil ito sa paglalakad.

"Nakita mo na ang pamilya mo? Kumusta?"

Napayuko si Libulan, "Hindi. Ibang pamilya na ang nakatira roon. Iba na ang may ari. Iba na rin ang hitsura ng bahay," tugon ni Libulan nang hindi tumitingin sa kaniya. Muling nakita ni Sabrina ang pamilyar na lungkot sa mga mata nito.

Naalala niya ang sariling pamilya. Nang mamatay ang kanilang ina ay nag-asawa muli ang kanilang ama. Mula noon, nakitira sila sa kaniyang tiyahin na hindi sila tinuring na pamilya. At nang magising siya mula sa aksidente, nababatid niya na wala silang tahanan na masasabing tirahan ng kanilang pamilya.

Napatingala si Libulan sa kalangitan. Wala silang natatanaw na buwan o mga bituin dahil sa makakapal na ulap. Naalala ni Libulan si Elena na isa ring Santiago. At ngayon, palaisipan sa kaniya kung bakit Santiago na ang may ari ng kinalakihan niyang tahanan.


KINABUKASAN, araw ng Sabado. Maagang ginising ni Sabrina sina Libulan at Kuya Empi para matapos nila agad ang kanilang mga trabaho. Alas-tres na ng hapon nang payagan sila ni Gera umalis.

Nagtungo sila sa tindahan ng mga ukay-ukay upang bilhan ng mga damit si Libulan. Nagbigay din ng pera si Kuya Empi para makatulong sa bagong kaibigan. Abala si Sabrina sa pagpili ng mga damit na babagay at kasya kay Libulan. Mabuti na lang dahil hindi siya nahirapang makahanap ng mga mura, mukhang bago, at magagandang damit.

Pinasukat nila ang lahat kay Libulan na nahihiya sa tuwing lumalabas sa Fitting Room. Napapasigaw at pumapalakpak naman nang malakas si Kuya Emp isa tuwing lumalabas si Libulan na animo'y siya ang manager nito.

Matapos silang makabili ng mga damit ay nagtungo sila sa Divisoria upang bumili ng ilan pang gamit. Nanlaki ang mga mata ni Libulan nang makita kung gaano karaming tao at paninda ang tinawag niyang malaking pamilihan.

Hindi rin niya masundan ang bilis nina Sabrina at Kuya Empi na palipat-lipat ng nilalapitang stalls. Pikit-mata rin siyang kumapit sa escalator nang sumampa sila roon paakyat sa bawat palapag ng mall.

Binilhan nila ng tsinelas, sapatos, at ilang pansariling gamit si Libulan. Humirit pa si Kuya Empi ng cellphone ngunit pareho silang walang pera ni Sabrina kung kaya't sinabi nila na babalik sila sa mall kapag nakuha na ni Libulan ang unang sweldo niya.

Dinala nila si Libulan sa isang studio upang kuhanan ito ng ID picture. Pinasuot nila ang kulay asul na polo kay Libulan saka sinuklay ang buhok nito. "Ayan! May picture ka na. Kapag nawala na ka naman, bro. May ilalagay na kami sa mga poste," tawa ni Kuya Empi saka kumuha ng isang kopya sa mga 1x1 picture ni Libulan.

Nakaupo sila sa foodcourt kung saan marami ring mga tao. Kasalukuyan silang kumakain ng siomai at kanin. Halos maduling si Libulan habang tinitingnan ang sariling litrato. Hindi siya makapaniwala magkakaroon din siya ng sariling mukha na sobrang linaw at matingkad ang kulay.

Kumuha rin ng isang kopya si Sabrina saka nilagay sa wallet niya. "Mas madali ka namin mahahanap ngayon. Ipapakalat lang namin 'to na parang isa kang Wanted." Saad ni Sabrina sabay ngiti, tumawa si Kuya Empi saka nakipag-high five kay Sabrina.

"Grabe! 'Di ako makapaniwala na may record ka na sa presinto, bro!" saad ni Kuya Empi habang puno pa ang bibig. Napatigil sa gulat si Libulan nang tumalsik ang kanin mula sa bibig ni Kuya Empi. Natawa naman si Sabrina sabay sagi kay Kuya Empi.

"Anyway, may dalawang record ka sa presinto, nalaman namin 'nong hinanap ka namin doon ni Sab," wika ni Kuya Empi. Hindi kumibo si Sabrina nang banggitin nito ang kaniyang pangalan. Tumingin sa kaniya si Libulan. Akala ni Libulan, si Kuya Empi lang ang nag-alala at naghanap sa kaniya gaya ng nabanggit ni Sabrina.

"Nasangkot ka raw sa dalawang suntukan. Una, kasama mga lasinggero. Pangalawa naman 'yong suntukan sa karinderia," tawa ni Kuya Empi saka tinapik nang malakas ang balikat ni Libulan. "Sinasabi ko na nga ba, hindi ako nagkamali na maging bestfriend ka! You made me proud, bro!" patuloy ni Kuya Empi na tila ba nakagawa ng dakilang bagay si Libulan.

"At dahil diyan, akong bahala sa cellphone mo. Bibilhan kita... next time!" Ngiti ni Kuya Empi. Napapikit na lang si Sabrina sabay inom ng gulaman habang pinipigilan ang tawa.

Dinukot ni Kuya Empi ang phone niya sa bulsa saka pinakita kay Libulan. "Dapat mag-invest ka sa mga ganito. Ngayong matapang ka pala at laman ng mga away kanto, siguradong maraming chicks ang magkakagusto sa 'tin," ngisi ni Kuya Empi saka binuksan ang front camera, inakbayan si Libulan, at nag-selfie sila.

Napangiti si Kuya Empi sa picture nila sabay hawak sa kaniyang swabeng bigote, "Ang pogi talaga natin," wika niya saka kinuhanan pa si Libulan ng solo picture. Hindi man ito nakangiti, nakatingin lang ito na parang walang lang. Tuwang-tuwa pa rin si Kuya Empi dahil sa lakas ng karisma ni Libulan sa picture na iyon.

"Gawan kaya kita ng facebook," ngisi nito saka pinakita kay Libulan kung paano gumawa ng social media account. Pinangalanan niya itong Li Dela Torre (Ang poging kamandag ng Santa Cruz).

Alas-sais na nang matapos silang mamili. Hinihintay nina Libulan at Sabrina si Kuya Empi sa back entrance ng 168 Mall. Malayo ang parking at nahihirapan na silang bitbitin ang lahat ng kanilang binili kung kaya't sinabi ni kuya Empi na susunduin na lang sila roon kasama ang mga gamit.

Napatingin si Sabrina kay Libulan na abala sa pagmamasid sa paligid. Suot nito ang asul na jogging pants at tshirt na may mukha ng kandidato habang nakapatong din ang asul na polo shirt na bagong bili nila sa ukay-ukay at siyang sinuot ni Libulan para sa 1x1 picture.

Kinuha ni Sabrina ang bagay na ibibigay niya kay Libulan. Tinapik niya ang balikat nito saka inabot ang ID Card na nakakabit sa mahabang ID lace. Tumikhim si Sabrina, "Isuot mo palagi 'yan. Kapag naligaw ka, makakauwi ka gamit 'yan," wika ni Sabrina. Wala pa silang pambili ng phone kaya naisip niyang gawan muna ng Identity Card si Libuan.

Napangiti si Libulan nang makita ang makulay na ID. Nakadikit na roon ang 1x1 picture niya. May mga dekorasyon pa ng bulaklak, bubuyog, at paro-paro. "Maraming salamat, napakaganda ng iyong obra," wika ni Libulan saka tumingin kay Sabrina. Napangiti si Sabrina, hindi niya alam kung nagbibiro ba si Libulan o totoong namamangha ito sa art na ginawa niya na parang nametag ng isang kindergarten student.

Isinuot ni Libulan ang ID na parang kuwintas saka muli itong pinagmasdan. Lumapit si Sabrina saka hinawakan ang ID at binaliktad iyon, "Nakasulat dito sa likod ang number ko, ni kuya Empi, at ng Sastre y Seda. Nakalagay din diyan ang address ng patahian." Wika ni Sabrina saka tumingin kay Libulan. Napatigil siya nang makitang nakatitig lang ito sa kaniya.

Binitiwan na niya ang ID saka umiwas ng tingin. "Kaya 'wag mong iwawala 'yan. Kapag nawala mo 'yan, hindi n akita gagawan ulit." Saad ni Sabrina saka mabilis na sumulyap kay Libulan. Ngumiti ito saka tumango nang marahan dahilan upang muli siyang umiwas ng tingin. Sa isip niya, nagiging weirdo na naman si Libulan.

"Aking nauunawaan. Ito'y katumbas ng cedula na aming pagkakakilanlan." Ngiti ni Libulan habang nakatitig sa ID na binigay ni Sabrina. Hindi mawala ang ngiti sa kaniyang labi lalo na't pakiramdam niya ay mayroon na siyang pamilya at tahanang mauuwian sa panahong ito.


ARAW ng Lunes. Nakakapit si Kyla sa braso ni Sabrina habang naglalakad sila sa mahabang pasilyo. Alas-kuwatro na ng hapon. Bumagal ang paglalakad ni Sabrina nang matanaw si Tristan na naglalakad papasalubong.

May nakasalpak na earphones sa magkabila nitong tainga suot ang itim na backpack. Napatingin si Kyla kay Sabrina, hinihintay lang niya na mauna itong bumati bago batiin ang dati nilang kaibigan.

Napatingin sa kanila si Tristan. Ilang segundo itong tumingin nang matagal kay Sabrina. Animo'y nagtatalo rin ang isip nito kung babati ba o lalagpasan lang sila.

Matangkad, magandang mga mata, matangos na ilong, ilan lang iyan sa mga bagay na unang mapapansin kay John Tristan Barrera. Hindi siya nahirapang makapasok sa teatro dahil sa kaniyang tindig, hitsura, at talento. Magaling siyang sumayaw at kumanta. Nasa ikalawang taon na rin siya sa pag-aaral ng BSEd in Social Studies.

Tinanggal ni Tristan ang nakasalpak na earphone sa kaniyang tainga upang bumati sa kanila ngunit bago pa sila tuluyang magkasalubong ay narinig nila ang pagtawag ng isang babae mula sa likuran.

"Tan!" Tawag ni Kelly na dali-daling sumabay sa paglalakad ni Tristan. "Nabasa mo 'yong chat? May practice daw tayo." Ngiti nito saka kumapit sa braso ni Tristan. Umiwas ng tingin si Tristan nang magkasalubong sila ni Sabrina. Animo'y dinaanan lang nila ang isa't isa na para bang kailanman ay hindi sila naging magkakilala.

Napatakip ng bibig si Kyla saka lumingon sa likuran kung saan nilalambing si Tristan ng babaeng kasama rin nito sa teatro. "Omg! So totoo nga? Mag-jowa na pala sila?!" Bulong ni Kyla kay Sabrina na nakatingin lang nang diretso sa daan at kuwanring hindi naaapektuhan.

"Shocks! Matapos ka niyang ligawan. Hindi mo lang sinagot. Mag-jojowa na lang agad ng iba." Patuloy ni Kyla na panay ang lingon sa likod. "Kinakamusta ka pa lang niya noong isang araw, tapos may jowa na pala. Ano 'yon rebound?" dagdag ni Kyla. Tumigil sina Tristan at Kelly sa tapat ng classroom at nag-usap sandali.

"Ky, please, 'wag na natin siyang pag-usapan," saad ni Sabrina. Hindi man niya magawang lumingon sa kinatatayuan nina Tristan at Kelly ngunit ramdam niyang nakatingin ito sa kaniya. "Nakakainis lang. Boblock ko na nga rin siya. Akala ko pa naman mababalik ang friendship niyong dalawa." Wika ni Kyla saka kinuha ang phone.

Napatigil sila sa paglalakad nang tumunog ang phone ni Sabrina. "Ano 'yan? Don't tell me, may emergency na naman. Sabagay uwian naman na," usisa ni Kyla matapos umalis si Sabrina noong isang araw habang kumakain sila sa canteen.

Nagtaka si Sabrina dahil landline ang numerong tumatawag sa kaniya. "Sabrina Lacamiento?" tanong ng lalaki na medyo matapang ang boses.

"O-opo, bakit po?" napalunok si Sabrina. Idinikit ni Kyla ang ulo niya sa phone upang marinig din ang kabilang linya.

"May naghahanap sa 'yo. Girlfriend ka raw niya." wika nito. Nagtaka ang hitsura ni Sabrina. Samantala, nanlaki naman ang mga mata ni Kyla sa gulat, "Girlfriend? May jowa ka na, Sab?!" Sigaw ni Kyla dahilan upang mapatingin ang ilang estudyante sa pasilyo. Maging sina Tristan at Kelly na ilang metro lang ang layo sa kanila ay napatingin din.

"Hindi ko po maintindihan..." Hindi na natapos ni Sabrina ang sasabihin dahil nagpatuloy sa pagsasalita ang lalaki.

"Pumunta ka na lang dito sa main entrance. Naghihintay dito ang boyfriend mong makulit." Saad ng guard dahilan upang mapasigaw muli si Kyla at mapatakip sa bibig. "Bruha! May boyfriend ka?!" Sigaw nito. Agad tumakbo si Sabrina papalabas. Sumunod si Kyla na naiintriga sa mga narinig.

"Hoy, Sab! Wala kang sinasabi na may boyfriend ka na pala!" Usisa ni Kyla na animo'y naniningil ng utang habang tumatakbo sila ni Sabrina papunta sa main entrance. Hindi nagtagal ay narating na nila dulo ng mahabang pasilyo.

Nanlaki ang mga mata ni Sabrina nang matanaw sa labas ng main gate ang lalaking nakatalikod habang nasa likod ang dalawang kamay at pamilyar sa kaniya. Suot nito ang kulay brown na denim jacket, plain white shirt, brown pants, at sapatos. Nakahawi rin ang buhok nito na ginamitan ng mabangong gel.

Dahan-dahang lumingon sa kanila ang lalaki. Sumilay ang ngiti sa labi nito nang makita si Sabrina. Marahan nitong iniangat ang kanang kamay upang kumaway sa kaniya. Hindi rin nito nakalimutang suotin ang makulay na ID na gawa niya.

Napatakip sa bibig si Kyla habang dahan-dahang bumababa sa limang baytang na hagdan si Sabrina papunta sa main entrance. Bumabagsak nang marahan ang mga dahon sa naglalakihang puno sa paligid. Tulala siyang nakatitig kay Libulan na halos hindi niya makilala.

Isang mas maaliwalas na ngiti ang pinakawalan nito habang nakatingin sa kaniya. Naghihintay ito sa labas na animo'y sinusundo siya. Sa hindi malamang dahilan, hindi maipaliwanag ni Sabrina ang nararamdaman ngayong may isang taong humawi sa ulap patungo sa bagong pamilya at tahanan. 


*****************

#Duyog

Featured Song: "Sa Ulap" by Modern Day Dream

https://youtu.be/eYtGzpb8NlA

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top