Kabanata 3: Ang Mukha ng Nakaraan

[Kabanata 3]

Wala sa sariling naglalakad si Sabrina sa gitna ng kawalan habang nakatitig sa kabilugan ng buwan. Pakiramdam niya'y lumulutang sa hangin at hindi madama ang paglapat ng kaniyang paa sa lupa.

Ang tanging naririnig niya ay ang malamig na boses na tila tinatawag at inaakit siya nito. Kasinglamig ito ng liwanag ng buwan na halos sakupin ang kalangitan sa laki nito. Dahan-dahang bumagal ang lakad ni Sabrina habang unti-unting napagtatanto ang kakaibang paligid.

Panaginip...

Tumigil siya sa paglalakad nang mapagtanto na siya'y nananaginip. Pinagmasdan niya ang paligid. Nababalot ito ng kadiliman, wala siyang ibang nakikita kundi ang malaking buwan at ang lupang kinatatayuan.

Nananaginip ako... panaginip 'to.

Nakaramdam ng kakaibang lamig si Sabrinana gumuhit sa kaniyang buong katawan. Napahakbang siya paatras. Nang makubinse niya ang sarili ay agad siyang lumingon pabalik.

Sa pagkakataong iyon, gulat niyang iminulat ang mga mata. Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa kama habang nakakabit ang iba't ibang apparatus sa kaniyang katawan. Ilang sandali pa, nakita niya ang isang nurse na agad umasikaso sa kaniya matapos ang dalawang linggong comatose.

Makalipas ang halos isang linggo, unti-unti nang nakakabawi ng lakas si Sabrina. Nagsimula na rin ang iba't ibang laboratory, diagnostic test, at therapy na kailangan niyang pagdaanan. Madalas niyang iniinda ang pananakit ng kaniyang ulo.

Isang gabi, hindi siya makatulog nang maayos. Mahimbing nang natutulog ang mga kasama niya sa ward. Maging si Aling Lucy na siyang nagbabantay sa kaniya ay mahimbing na rin ang tulog sa isang tabi.

Nakapatay na ang mga ilaw. Tanging ang liwanag ng buwan ang tumatagos mula sa pasilyo at mga bintana. Napansin ni Sabrina ang usok na kumakalat sa buong paligid. Nagtataka siyang bumangon at tumingin sa pintuan ng ward na nakabukas. Umaagos ang malamig na hamog na tila ba usok.

Sa unang pagkakataon, tila nawala ang pananakit at bigat ng kaniyang ulo. Bumaba siya sa kama at naglakad patungo sa pintuan upang sundan ang kakaibang hamog na bumabalot sa buong ospital.

Tumingin si Sabrina sa kaliwa't kanan nang makarating sa mahabang pasilyo. Animo'y humaba ang pasilyo na tila walang katapusan. Kasunod niyon ay nakarinig siya ng mahihinang bulong na unti-unting lumalakas sa bawat segundo.

Napahawak si Sabrina sa kaniyang tainga. Pilit niyang inuunawa ang sinasabi ng mga bulong ngunit hindi niya ito maintindihan. Napatigil siya nang maaninag ang mga anino sa hamog na tila naglalakad patungo sa iisang direksyon.

Sinundan niya ng tingin ang mga anino hanggang sa matanaw niya mula sa dulo ng pasilyo ang isang lagusan na hugis pinto. Kulay itim ito tulad ng madilim na gabi. Sa hindi malamang dahilan ay natagpuan ni Sabrina ang sarili na sumasabay sa agos ng mga anino patungo sa kakaibang lagusan.

Sa kaniyang paglapit ay mas lalong lumalakas ang mga boses at mas lumalamig ang paligid. Tumigil si Sabrina sa tapat ng lagusan. Tuluyan na siyang hindi nakagalaw sa kaniyang kinatatayuan nang matanaw ang pamilyar na kabilugan ng buwan na nakita niya sa kaniyang paniginip bago siya magising mula sa mahabang pagkakahimbing.

Napalingon si Sabrina sa mga anino na sumasabay sa makapal na hamog. Laking-gulat niya nang matunghayan kung paano nagiging anyong tao ang mga anino sa oras na makapasok ito sa lagusan. Naglalakad sila na tila mga wala sa sarili. Tulalang nakatingin nang diretso habang humahakbang papalapit sa buwan.

Isang anino ang naging batang lalaki pagpasok sa lagusan. Akmang hahakbang sana papasok si Sabrina at tatawagin ito upang pigilan ang bata ngunit gulat siyang nagising. Natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa kama. Agad siyang bumangon dahilan upang maalimpungatan si Aling Lucy. Hindi na napigilan ni Sabrina ang pagbagsak ng kaniyang luha mula sa mabigat at nakakatakot na bangungot na hindi na siya nilubayan mula ng gabing iyon.

"Puwede ko bang malaman bakit hindi ka makatulog?" tanong ng isang psychiatrist. Naka-schedule ng consultation si Sabrina matapos itong magkuwento ng kaniyang mga nararanasan sa paglipas ng ilang gabi. Inaasahan nina Gera at Aling Lucy na makakalabas na ng ospital si Sabrina matapos ang mabilis nitong recovery. Samantala, isang buwan ng wala pa ring malay si Faye na nakatatanda nitong kapatid.

Tumingin si Sabrina sa doktor, "Natatakot po akong matulog. Lagi po akong nananaginip ng masama. Natatakot po ako na hindi na 'ko magising."

"Ito bang panaginip na 'to, nangyayari lang kapag natutulog ka?"

Umiling si Sabrina bilang tugon, "May mga naririnig din po akong boses. Bumubulong sila sa tainga ko. Hindi ko sila maintindihan pero alam ko na marami sila kasi iba-iba ang kanilang boses." Napayuko si Sabrina saka pinagmasdan ang kaniyang mga daliri na napudpod na dahil madalas niya itong ngatngatin lalo na sa tuwing siya'y kinakabahan.

"Hindi ko po alam kung bakit lagi nangyayari 'yon kapag kabilugan ng buwan..." Muling tumingin si Sabrina sa doktor, "Nakikita ko rin po sila. Sa una, mga anino lang sila, pero kapag nakakapasok sila sa kakaibang pintuan, nagiging tao po sila." Patuloy nito habang nanginginig ang kaniyang boses at namumula ang kaniyang mga mata.

"Ano sa palagay mo ang mga nakikita mong 'yon?" tanong ng doktor na nakatingin nang diretso sa kaniya.

Huminga nang malalim si Sabrina saka muling tumingin sa doktor. "Sa palagay ko po... Mga kaluluwa sila na tumatawid sa kabilang buhay."

Lumipas isang buwan ngunit hindi naging mabuti ang kalagayan ni Sabrina dahilan upang ipasok na siya sa psychiatric hospital. Namalagi siya roon hanggang sa magkaroon ng malay si Faye at unti-unti na rin itong nakabawi ng lakas.

Sa mga unang buwan niya ay mas lalong napadalas ang pangitain na nagdudulot sa kaniya ng matinding takot. Kahit saan siya magtago, takpan man niya ang sarili ng unan at kumot, hindi mawala-wala ang mga bulong na nagsusumamo at humihing ng saklolo. Karamihan sa mga ito ay hindi pa handa tumawid sa kabilang buhay. Karamihan ay sumisigaw at humihingi ng hustisya.

Ipikit man niya ang kaniyang mga mata, nakikita niya pa rin sa kaniyang isipan ang hitsura ng lagusan. Sa iba't ibang lugar ay nakikita niya ito. Natutunghayan niya ang huling sandali ng mga kaluluwa sa lupa.

Madalas ay sumisigaw siya sa pag-asang lulubayan ng mga pangitain. Sumisigaw siya upang mas mangibabaw ang kaniyang boses laban sa mga bulong. Natatagpuan na lang niya ang sarili na walang malay matapos turukan ng pampakalma.

Isang araw sa pagsapit ng kaniyang kaarawan, dumalaw si Faye na malaki rin ang pinagbago. Mas pumayat ito kumapara noong nasa Palawan pa lang sila. Magkatapat silang nakaupo sa malawak na dining hall malapit sa bintana.

Nanatili silang tahimik. Parehong hindi alam kung sino ang unang magsasalita. Napayuko si Faye, "Patawarin mo 'ko. Kung hindi ako nagpumilit na umalis. Hindi ka sana nadamay..." Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil nagsalita si Sabrina at ngumiti nang kaunti. Ang makita ang kapatid ay naghatid sa kaniya ng panibagong pag-asa.

"Wala kang kasalanan. Nagpumilit ako sa 'yong sumama. Wala rin namang may gusto sa nangyaring 'to." Napayuko si Sabrina. Hinawakan ni Faye ang kaniyang kamay na nakapatong sa mesa saka pinisil ito nang marahan.

"Magpagaling ka ha, pagbalik ko, may bahay na tayo at titira na roon nang magkasama. Mag-aaral ka ulit, pupunta ako sa graduation mo." Ngiti ni Faye saka pinunasan ang namumuong luha sa kaniyang mga mata. Malaki ang panghihinayang niya nang hindi makadalo sa graduation niya si Sabrina dahil hindi ito pinayagang lumabas sa ospital.

Tumingin si Sabrina sa kapatid na matagal din niyang hindi nakita. Hindi niya alam kung bakit bigla siyang nakaramdam ng hiya. Malapit naman sila sa isa't isa dahil mula pagkabata ay magkasama sila at hindi sila naghiwalay. Sabay silang nanirahan sa masungit nilang tiyahin. Sabay din nilang nilisan ang lugar na iyon at nangarap na makapagsimula ng bagong buhay sa Maynila. Kung hindi lang dahil sa aksidente ay siguradong ibang-iba ang pamumuhay nila ngayon.

"Ate... naniniwala ka ba na hindi ako tulad ng iniisip nila?" tanong ni Sabrina na nagpatigil kay Faye. Tumingin si Sabrina sa paligid, kasabay ding kumain ng ibang pasyente ang mga mahal nila sa buhay. "Sabi nila, hindi raw normal 'to. Alam ko namang hindi... hindi naman ako dating gan'to." Napayuko si Sabrina habang inaalala ang dating siya. Nagagawa niyang pagsabayin noon ang pag-aaral at ang pagtatrabaho sa patahian ni Gera sa Palawan.

Muling tumingin si Sabrina sa nakatatandang kapatid, "Totoo ang mga nakikita at naririnig ko. Nakikita ko ang daan papunta sa kabilang buhay." Patuloy ni Sabrina ngunit nanatiling nakatingin sa kaniya si Faye. Sa pagkakataong iyon, ang katahimikang pumapagitna sa kanila ay nauunawaan niyang hindi ito naniniwala.

Yumuko si Faye saka nagpatuloy sa pagkain, huminga ito nang malalim upang basagin ang nakakailang na katahimikan, "Sab, alam kong alam mo kung bakit ka nandito. Walang masama sa kalagayan mo. Nandito kami, nandito sila na nag-aalaga sa inyo para tulungan kayong gumaling. Dahil naniniwala kaming lahat na gagaling kayo." Wika ni Faye saka muling hinawakan ang kamay ni Sabrina.

"Naniniwala ako sa kakayahan mong tulungan ang sarili mo. Malalagpasan din natin 'to. Hindi ka namin iiwan, Sab." Patuloy ni Faye. Napatango na lang si Sabrina at hindi na nagsalita pa. Nababatid niya na maging sina Gera at Aling Lucy ay hindi naniniwala sa kaniya. Walang naniniwala sa kaniya.


"ANONG oras daw dadating ang girlfriend mo?" tanong ni SPO2 Garcia kay Libulan na nakatayo sa tapat ng bintana habang pinagmamasdan ang matraffic na kalsada. Nakalagay pa ang dalawang kamay nito sa likuran na animo'y presidente.

Hindi lumingon si Libulan. Hindi naman niya alam na siya ang kinakausap ng pulis. Limang oras na siyang naghihintay sa presinto. Tinawagan na raw ng mga pulis si Sabrina ngunit hindi pa rin ito dumarating.

Nakatitig si Libulan sa mga ilaw at magulong kalsada. Hindi niya lubos maisip na ganito ang magiging kalagayan ng makabagong mundo. Hindi pa rin matarok ng kaniyang isipan ang mga nangyayari. Bakit siya narito? Paano nangyari ang lahat ng ito?

"Dela Torre!" Natauhan si Libulan nang marinig ang kaniyang apelyido. Kasabay niyon ang pagbabalik ng kaniyang mga alaala kung saan madalas siyang tinatawag sa kaniyang apelyido sa klase, sa tanghalan, at sa tuwing kailangan niyang magtalumpati o magpakitang gilas sa harap ng mga kamag-anak at bisita ng kaniyang ama.

Lumingon si Libulan sa pinanggalingan ng boses. Nakapamewang si SPO2 Garcia at may hawak na kape. Patuloy naman sa pagtipa sa computer si SPO1 Angeles na marami pang kailangan isulat na report.

"Ano? Nasaan na ang girlfriend mo?" Ulit ni SPO2 Garcia. Hindi kumibo si Libulan, hindi niya maunawaan ang salitang ginamit nito. "Si Sabrina Lacamiento, 'yong babaeng sumundo sa 'yo," paliwanag ni SPO2 Garcia nang mapagtanto na mabagal ang proseso ng utak ni Libulan.

Napagtanto ni Libulan na ang salitang girlfriend ay nangangahulugang si Sabrina. Maaari itong ang palayaw ni Sabrina o ibang pangalan na tinatawag sa kaniya. "Paumanhin ngunit hindi ko nababatid," tugon ni Libulan dahilan upang mapakunot ang noo ni SPO2 Garcia at naglakad papalapit sa kaniya.

"Tawagan mo kaya siya. Wala ka bang load? Nasaan ang cellphone mo?" sunod-sunod nitong tanong saka akmang kakapkapan muli si Libulan ngunit nagsalita na si SPO1 Angeles. "Sir, wala siyang cellphone." Paalala nito, sadyang makakalimutan na si SPO2 Garcia kung kaya't laking pasasalamat niya na may partner siya na matalino at magaling sa teknolohiya.

Magsasalita pa sana si SPO2 Garcia nang makarinig sila ng mahahabang busina mula sa kalsada. Nanlaki ang mga mata ni Libulan nang makita si Sabrina suot ang puting uniporme nito. Dali-dali siyang lumabas ngunit napatigil sa tabing-kalsada dahil sa patuloy na pagdaan ng mga sasakyan.

Nakita niyang nakaupo si Sabrina sa gitnang tawiran habang pilit na tinatakpan nito ang magkabilang tainga. Mas lalong dumami ang mga sasakyang bumubusina. Natanaw niya ang malaking truck na papasalubong sa direksyon ni Sabrina. Pikit-mata siyang tumawid at iniharang ang sarili upang pigilan ang paparating na sasakyan.

Isang mahabang busina na sinabayan ng biglaang paghinto ang natunghayan ng mga tao sa paligid. Nakatayo si Libulan habang nakataas ang kaniyang kamay tulad ng kung paano niya pinapatigil noon ang mga kumakaripas na kalesa.

Animo'y sandaling tumigil ang kaniyang paghinga at tibok ng puso dahil sa muntikan nang pagkakabangga. Nang lumingon siya sa kaniyang likuran, natunghayan niya ang maluha-luha at namumulang mata ng babaeng mula sa kasalukuyan.

Samantala, natauhan si Sabrina nang muling marinig ang mahabang busina. Kasunod niyon ay nakita ang palad na nakalahad sa kaniyang tapat. Nang iangat niya ang kaniyang ulo, nakita niya ang kakaibang lalaki na maaaaring nagmula sa nakaraan.

Napatingin siya sa nakalahad na palad. Hindi niya malaman kung bakit tuluyan na ring naglaho ang malamig na pakiramdam na gumuguhit sa kaniyang katawan. Nang hawakan niya ang kamay nito, ramdam niya ang mainit na palad na nagpapaalala sa kaniya na sila'y nabubuhay sa mundo.

Namalayan na lamang ni Sabrina ang sarili na nakaupo sa mahabang silya sa loob ng presinto hawak ang isang paper cup na may lamang tubig. Nakatayo si SPO2 Garcia habang umiinom ng kape. Hindi naman matapos sa pagtipa si SPO1 Angeles.

"Kayong dalawa talaga. Ano bang ginagawa mo roon sa kalsada? Muntik ka pang masagasaan." Sermon ni SPO2 Garcia. Mabuti na lang dahil naayos agad niya ang daloy ng trapiko nang sumunod siya kay Libulan.

"Ikaw naman, 'wag kang tatawid nang gano'n, gusto mo bang masagasaan din?" patuloy nito sabay turo kay Libulan. Nanghina pa ang kaniyang tuhod nang matunghayan kung paano iniharang ni Libulan ang sarili sa paparating na truck upang patigilin ito.

"O'siya, para makauwi na kayo. Hindi na nagsampa ng kaso ang may ari ng karinderia. Bayaran niyo na lang daw ang lahat ng kinain mo roon." paliwanag ng pulis sabay tingin kay Libulan na napalunok na lamang.

"Magkano po lahat?" tanong ni Sabrina sabay dukot sa kaniyang coin purse na Rilakkuma.

Napatingin si Libulan sa wallet na may mukha ng hayop. Hindi niya matukoy kung anong hayop iyon. "525 pesos."

Tumingin si Sabrina kay Libulan na agad umiwas ng tingin dahil sa hiya. Pangalawang beses na niyang naipatawag sa presinto. Kung nasa lumang panahon siya, tiyak na isang buwan siyang pag-uusapan ng mga tao dahil lagi siyang pinatatawag ng cabeza o kapitan.

Pikit-matang inabot ni Sabrina ang natitira niyang isang libong piso. Baon niya pa sana iyon at pagkakasiyahin sa sampung araw na pasok. Akmang kukunin na sana ni SPO2 Garcia ang salapi ngunit tumayo at humarang si Libulan na animo'y maninindigan sa korte.

"Mawalang-galang na ngunit maaari ko bang ipabatid sa inyo ang aking panig at pananaw sa usaping ito?" panimula ni Libulan. Nagkatinginan ang dalawang pulis. Maging ang ilang pulis na abala sa kanilang mga ginagawa ay napatingin kay Libulan na parang gumaganap sa isang pelikula.

Napakamot sa ulo si SPO2 Garcia, "Sige. Sige. May karapatan kang magsalita," wika nito sabay inom ng kape. Tumikhim si Libulan, inilagay ang dalawang kamay sa kaniyang likuran at tiningnan ang paligid.

"Wala sa aking kaso ang salapi. Magkano man ang halaga ng iyong nais na kitain sa iyong mga paninda, hindi ko iyan kukuwestyunin. Subalit, ang labis na pagpataw ng patong na tubo sa mga paninda ay hindi makatarungan at makasisira sa kalakaran ng bayan. Higit limang daang piso para lamang sa tanghalian? Iyon ay labis na kalabisan!" Tumaas ang boses ni Libulan dahilan upang masindak ang ilan.

Maging si Sabrina ay napakurap ng ilang beses sa mga pinagsasabi ng binata. Pakiramdam niya ay kailangan niya ay nakikinig sila ngayon ng pagtatanghal ng talumpati sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa paaralan.

Humarap si Libulan sa maliit na bilangguan kung saan maging ang preso ay nakikinig sa sinasabi niya. "Anong hustisya ang mayroon sa lipunang ito? Ipinaglalaban ko lamang ang karapatan ng mga mamimili ngunit bakit ako pa ang nabaliktad at balak na ipabilanggo?!" Wika ni Libulan sabay turo sa kulungan dahilan upang tumango-tango ang mga nakakulong doon.

"Oo nga! Oo nga!"

"Boss! Resbakan mo!"

"Inosente kami! Madugas talaga kayo!"

Sabay-sabay na sabat ng mga nakabilanggo dahilan upang patahimikin sila ng mga pulis. Tumikhim muli si Libulan saka humarap kay SPO2 Garcia, "Ako'y naninindigan na hindi dapat hayaan ang pagmamalabis ng mga tindahan. Buong puso akong magbabayad sa tama at nararapat na halaga. Ang limang daang piso para sa iilang putahe ay hindi makatarungan at walang saysay na ipapataw sa mga mamamayan!" Patuloy ni Libulan. Nagpalakpakan ang mga preso kahit pa kalahati ng sinabi ni Libulan ay hindi naman nila naintindihan.

Inikot ni SPO2 Garcia ang kaniyang leeg sabay kuha ng resibo. "Makinig ka, bata. Tapos ka na ba magsalita?"

Tumango si Libulan, "Ganang pinaunlakan niyo ang aking paglalahad, nais ko ring marinig ang inyong panig at paniniwala," wika ni Libulan sabay kumpas ng kamay na animo'y binibigay naman niya ang pagkakataon kay SPO2 Garcia na magsalita sa harap ng madla.

Tumikhim si SPO2 Garcia, nakaramdam siya ng pressure dahil sa mga magandang salitang binitiwan ni Libulan. "Okey... Babasahin ko ngayon ang resibo at presyo ng mga kinain mo...

Apat na kanin = 40 pesos

Adobo = 50 pesos

Mechado = 50 pesos

Kalderetang baka = 60 pesos

Sinigang na baboy = 50 pesos

Nilagang baka = 60 pesos

Daing na bangus = 40 pesos

Ginisang sayote = 30 pesos

Chop Seuy = 30 pesos

Lumpiang toge = 15 pesos

Leche flan = 50 pesos

Dalawang bote ng Coca-cola. = 50 pesos

Napatulala ang lahat hanggang sa matapos basahin ni SPO2 Garcia ang resibo. Uminom pa siya ng tubig dahil mukhang naubusan siya ng hininga. "Ilang tao ba pinakain mo?" Tanong ng isang pulis na napatigil sa ginagawa.

"Siya lang kumain nang lahat ng 'yon," sagot ni SPO2 Garcia sabay tup isa resibo. Nagulat ang lahat at napatingin kay Libulan na ngayon ay hindi na alam kung saan titingin dahil sa hiya. Hindi niya rin akalain na makakakain siya ng ganoon kadami.

"Oh, mahal ba pa sa 'yo ang 525 pesos?" Patuloy ni SPO2 Garcia. Tumayo na si Sabrina at inabot ang bayad. Hindi na rin niya gustong makipagtalo dahil maging siya ay nakaramdam ng hiya. Napatingin siya kay Libulan na ngayon ay kunwaring sinusuri ang puting pader.

"Pasensiya na po talaga. Pakisabi sa may ari ng karinderia, humihingi kami ng pasensiya." Wika ni Sabrina. Ramdam niya ang ilang pag-iling ng mga pulis at preso na natahimik din nang malaman ang lahat ng kinain ni Libulan.

"T*nginang bituka 'yan! Daig pa buwaya e," wika ng isang preso na nagsimulang mgakuwentuhan sa mga ulam na narinig.

Tahimik silang lumabas ng presinto. Nauuna maglakad si Sabrina habang nakasunod si Libulan. Mayamaya pa, tumawag si Gera, agad sinagot ni Sabrina ang tawag nito. Hinahanap na siya at mag-hahapunan na rin sila.

Nang makarating sila sa waiting shed, naupo sandali si Sabrina hanggang sa ibaba ni Gera ang linya. Marami pang mga tao ang naghihintay ng masasakyan ng jeep o bus. May mga nakatigil ding UV Express sa tabi.

Napatitig si Libulan sa larawan ng babaeng nakangiti habang at may hawak na parisukat na bagay na katulad ng hawak ni Sabrina. Nakapaskil ang larawan sa likod ng waiting shed na may maliwanag na ilaw. "Paumanhin ngunit nais ko lamang sabihin na may tao sa iyong likuran," wika ni Libulan dahilan upang mapatingin sa kaniya si Sabrina. Lumingon ito sa likod at nakita ang sikat na artista hawak ang isang cellphone. Nakapaskil sa likod niya ang advertisement ng isang telecommunication network.

Nagtaka ang hitsura ni Sabrina at muling tiningnan si Libulan. Hindi niya malaman kung seryoso ba ito o nagbibiro lamang. Bukod doon, may mga sinasabi at ginagawa rin ito na hindi karaniwan. Halos mamatay siya sa hiya kanina sa presinto dahil sa mga pinaglalaban ng binata.

Tumayo si Sabrina saka humarap kay Libulan na muling tumingin sa nakapaskil na larawan. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi gumagalaw ang taong naroon. "Ano ba talaga ang mayroon sa 'yo?" tanong ni Sabrina. Sa dami ng mga nangyari ay hindi na niya maproseso at mapagtagpi-tagpi ang lahat.

Buong akala niya ay napagdesisyunan nang umuwi ni Libulan kaninang umaga kaya hindi na nila ito nakita. Nais na rin sana niyang sabihin ang totoo sa mga pulis na hindi talaga sila magkakilala. At ngayon, hindi niya maunawaan kung paano naglalaho ang mga nakakatakot na pangitain nang dahil sa pagdating ng binatang nababalot ng misteryo.

"Maniniwala ka ba sa aking mga ipagtatapat?" tanong nito dahilan upang mas lalong mahiwagaan si Sabrina. Naalala niya ang parehong tanong na 'yon na minsan na niyang tinanong kay Faye. Ate... Naniniwala ka ba na hindi ako tulad ng iniisip nila?

Nakasakay na ang mga pasahero sa bagong dating na jeep. Tanging silang dalawa na lamang ang naiwan sa ilalim ng waiting shed. Patuloy ang pagdaan ng mga sasakyan at ang ginagawa ng bawat tao na may kani-kaniyang pinagkakaabalahan. Tanging silang dalawa lamang ang nakatayo roon at nagkakaintindihan.

"Lahat ng ito ay bago sa akin. Ako'y isinilang at lumaki sa ilalim ng pamumuno ng mga Kastila. Ang ating bayan ay bahagi ng kolonya ng Espanya," panimula ni Libulan habang nakatingin nang diretso sa mga mata ni Sabrina.

"Ikaw'y aking hindi pipilitin kung hindi mo nais maniwala sa akin. Ako'y nagugulumihanan din sa mga nangyayari. Marahil kaya mo naitatanong kung anong mayroon sa akin dahil maging ikaw ay naguguluhan din. Nais kong ipaunawa sa 'yo na totoo ang mga salitang binibitiwan ko. Ako'y hindi taga-rito." Hindi nakapagsalita si Sabrina. Ang unang pumasok sa kaniyang isipan ay ang naging reaksyon ng kapatid niya matapos niyang ipagtapat ang mga pangitain na nakikita at naririnig niya.

At ngayon, nauunawaan na niya kung bakit naging ganoon din ang reaksyon ni Faye. Tunay na mahirapan paniwalaan ang mga sinabi niya tulad ng kung paano rin siya hindi makapaniwala sa ipinagtapat ni Libulan.

Tunay ng ana hindi mo mauunawaan nang lubos ang pinagdadaanan ng isang tao hangga't hindi mo nararanasan ang kaparehong sitwasyon. Huminga nang malalim si Sabrina, "Sige, gan'to na lang. Bibigyan kita ng isang linggo. Kailangan mong patunayan ang sarili mo lalo na kay Tita Gera para bigyan ka niya ng trabaho." Wika ni Sabrina, tumango nang marahan si Libulan. Nababatid niyang wala siyang ibang mapupuntahan.

Hindi maunawaan ni Sabrina kung bakit nakakaramdam siya ng awa kahit pa malaki naman na si Libulan. Sa loob ng isang linggo, gusto rin niya malaman kung totoo ba ang sinasabi nito. Bukod doon, gusto niyang malaman kung anong hiwaga ang bumabalot sa binata at kung paano naglaho ang lahat ng pangitain na naghahatid sa kaniya ng takot nang dahil lang sa presensiya nito.

"Ano ba? Hindi ba kayo sasakay?" natauhan sila nang magsalita ang barker. Apat na jeep na ang dumaan, halos nakasakay na rin ang mga naghihintay sa waiting shed. Silang dalawa na lang ang naiwan.

"SM San Lazaro! SM San Lazaro! Mapupuno na!" patuloy ng barker. Tumikhim si Sabrina saka sumenyas kay Libulan gamit ang tingin na sumunod na ito sa kaniya pasakay sa jeepney na naghihintay.

Naunang sumakay si Sabrina. Samantala, pinagmasdan muna ni Libulan ang bukana ng jeep dahilan upang mapatigil ang ilang nasa likod niya na sasakay na rin. "Halika na!" Tawag ni Sabrina sabay hila kay Libulan na nag-aalinlangan pang sumakay.

Naupo sila sa gitna. May dalawang lalaki ang sumabit sa dulo ng jeep. Hinampas ng barker ang jeep dahilan upang magitla si Libulan. "Puno na! Larga na!"

Napansin ni Sabrina na parang pinagpapawisan si Libulan. "Hubarin mo na kaya 'yang coat," bulong niya ngunit hindi sumagot si Libulan. Napapikit si Sabrina nang mapansin na marumi at sira na ang coat. Natanggal ang dalawang butones at nahila ang kuwelyo. Sa isip niya, posibleng nasira ang coat na iyon nang sugurin si Libulan ng may ari ng karinderia.

Gulat na nakatingin sa paligid si Libulan lalo na dahil nasa gitna siya ng dalawang babae. Ipinikit na lang din niya ang kaniyang mga mata nang makita ang suot ng katabing babae. Sleeveless na blouse at maikling short. Tumatawa ito kasama ang katabing kaibigan na nakasuot ng backless tube at skinny jeans. Hinarap ni Libulan ang mukha sa kaliwa kung saan katabi niya si Sabrina. Magkadikit din sila at napansin niya na hindi abot sakong ang palda nito.

"Bayad po," wika ng isang ale sabay abot ng bayad na tumapat kay Libulan. Abala naman si Sabrina sa pagkuha ng kanilang pamasahe sa kaniyang wallet. "Pasuyo po," wika ng ale na nakatingin kay Libulan dahil nakatingin lang ito sa pinapaabot niyang bayad.

"Hijo, paabot," patuloy ng ale dahilan upang mapatingin si Sabrina. Kinuha na niya ang pera saka inabot ang bayad. "Sa susunod, iabot mo ang bayad, pagtitinginan ka talaga," bulong ni Sabrina kay Libulan na halos hindi na makahinga sa sikip. Nakatingin din ang ilan sa kaniya dahil mukha siyang nagbebenta ng mga produkto sa mall.

Nang makababa sila sa Santa Cruz, sumakay sila ng tricycle. Naunang pumasok sa loob si Sabrina. Samantala, hinawakan ni Libulan ang bubong ng tricycle na animo'y hindi siya makapaniwala sa dami ng nakikita niyang bagay na gawa sa bakal.

"Toy, ano? Sasakay ka ba?" tanong ng tricycle driver na nakatingin na sa kaniya. Agad dumungaw si Sabrina, "Halika na! Ano bang ginagawa mo riyan?!" saad nito sabay hila kay Libulan na muling pinagkasya ang sarili sa masikip na sasakyan.

Nahihirapan magbilang ng barya si Sabrina kung kaya't kinuha niya ang kamay ni Libulan at pinalahad ito, "Wait. Bilangin mo," saad niya saka inilagay doon ang mga barya. Gulat na nakatingin si Libulan sa ginagawa ni Sabrina. Gustuhin man niyang bawiin ang kaniyang kamay ngunit baka mahulog ang mga barya lalo pa't matagtag ang sinasakyan nilang tricycle na animo'y lumilipad sila sa ere.

Nang makarating sila sa Sastre y Seda. Sumenyas si Sabrina na ibigay n ani Libulan sa driver ang bayad nila. "Akala ko 'di na kayo magbabayad e," wika ng tricycle driver matapos iabot ni Libulan ang barya saka kinuha ang sombrero sa kaniyang ulo at itinapat iyon sa kaniyang dibdib bilang pamamaalam.

Naglalakad na si Sabrina papasok sa patahian ngunit napatigil siya nang magsalita si Libulan. "Binibining Sabrina... paumanhin kung ako'y hindi nakatitiyak kung ito ba ang iyong ngalan," panimula niya. Narinig niyang banggitin iyon ni SPO2 Garcia nang paulit-ulit kanina.

Tumikhim si Libulan saka humakbang papalapit kay Sabrina, lumapit na rin siya dahil sa ingay ng paligid. May mga batang naghahabulan sa labas kahit gabi na. May mga dumadaang motorsiklo at bisikleta. Abala rin ang mga tindahan sa pagsasara.

"Iyo bang nalalaman na maaari kang ikasal nang 'di oras dahil sa iyong mga kilos?" wika ni Libulan na animo'y isang taong na nag-aalala sa kapwa.

Napakunot ang noo ni Sabrina. "Ikasal?"

"Ang tahasang haplos at pagdampi ng ating mga palad. Ang pagtitig mo sa aking mga mata. Ang pagdikit ng ating mga..." hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin dahil biglang natawa si Sabrina. Tumawa siya nang malakas dahilan upang mapatingin sa kanila ang ilang naglalakad sa kalsada. Maging ang mga batang naghahabulan ay natakot at lumipat ng ibang lugar.

"Para kang lolo. Wala tayo sa lumang panahon..." Napatigil si Sabrina at unti-unting nawala ang ngiti sa kaniyang labi nang mapagtanto ang sinabi ni Libulan. Ang paniniwala at pananalita nito ay natutulad sa mga sinaunang tao. Maging ang tindig at porma nito ay makaluma. Nakalagay pa ang dalawang kamay sa likuran.

Tumikhim si Sabrina, kung totoo nga na galing ito sa nakaraan, malinaw kung bakit kakaiba ito kumilos at magsalita. Tumalikod na siya at akmang papasok na sa patahian nang bigla itong bumukas, magkasunod na lumabas sina Gera, Aling Lucy, at Kuya Empi.

"Nandito ka na pala, kumain na kami. Nagugutom na 'tong si Empi e," wika ni Gera. Dala na rin nito ang bag senyales na magpapahatid na ito pauwi. "Mauna na ko ha, mag-gogrocery pa 'ko." Wika nito na akmang maglalakad na papunta sa van ngunit napansin niya ang binatang nakatayo sa likod ni Sabrina.

"Li, my tisoy friend! Akala namin bumalik ka na sa pluto." Bati ni Kuya Empi kay Libulan sabay sag isa balikat nito ngunit umatras si Libulan kung kaya't muntik mawalan nang balanse si Kuya Empi. Mabuti na lamang dahil nahawakan ni Libulan ang magkabila niyang braso na halos buto't balat.

"Tita Gera, siya nga pala, si Libulan po, kaibigan namin ni Kuya Empi," pakilala ni Sabrina sabay turo kay Libulan na ginugulo ni Kuya Empi. Agad pinadilatan ng mata ni Sabrina si Libulan na bumati at magbigay-galang ito sa may ari ng patahian.

Yumukod si Libulan at itinapat niya ang sombrero sa kaniyang dibdib. "Magandang gabi po, Señora..." tumingin si Libulan kay Sabrina, nakalimutan niyang itanong ang pangalan ng may ari ng Sastre y Seda.

Napapikit si Sabrina, "Ang akin pong ngalan ay Libulan Dela Torre y Marquez Casilang," patuloy ng binata. Napakurap ng dalawang beses sina Gera at Aling Lucy. Pakiramdam nila ay nasa pormal na handaan sila kung saan kailangan nilang maging pormal sa lahat ng pagkakataon.

Ngumiti si Gera saka natawa nang marahan, "Nako! Hijo, 'wag mo na akong tawaging Señora. Tita Gera na lang," ngiti nito sabay tingin kay Aling Lucy na nagpakilala rin. "Tawagin mo na lang akong Aling Lucy," nilahad nila ang palad nila sa tapat ni Libulan. Nagulat sila nang halikan ni Libulan ang kanilang mga palad.

Maging si Sabrina ay napahawak sa kaniyang sentido. "What a gentleman?! Iba ka talaga bro," wika ni Kuya Empi na manghang-mangha sa pagiging maginoo ng bago niyang kaibigan.

Pumagitna na sa si Sabrina, hindi na niya makayanan ang kahihiyan na ginagawa ni Libulan. "Ah, tita Gera, wala po kasing kakilala at matutuluyan dito sa Maynila ang kaibigan naming si Libulan. Puwede po kaya siya mamasukan dito? Kahit isang Linggo lang daw po?" wika ni Sabrina saka pinagdaop ang palad na parang nakikiusap.

Umakbay si Kuya Empi kay Libulan kahit pa nahirapan siyang abutin ang balikat ng binata dahil mas matangkad ito sa kaniya, "Oo nga, Gers. Kawawa naman 'tong friend namin. Mukha naman siyang okay 'di ba?" dagdag ni Kuya Empi. Muling nagkatinginan sina Gera at Aling Lucy. Hindi na natuloy ang pamangkin ni Aling Lucy mula Palawan kaya maghahanap na lang sana sila ng taga-rito sa Maynila.

"Okay." Wika ni Gera dahilan upang mapangiti sina Sabrina at Kuya Empi. "Pero ang tanong, okay lang ba sa'yo maging boy, kargador, at pahinante rito?" tanong ni Gera kay Libulan. Wala siyang naintindihan sa mga sinabi nito. Itatanong pa sana niya ang kahulugan niyon ngunit pinatango-tango na ni Kuya Empi ang kaniyang ulo.

"No problem 'yan kay Li, tingnan niyo, batak 'to oh," wika ni Kuya Empi sabay pisil sa biceps ni Libulan. "Kayang-kaya po 'yan ni Libulan, tita Gera." Ngiti ni Sabrina. Muling nagkatinginan sina Gera at Aling Lucy na natawa na lamang sa mga pinagsasabi nina Empi at Sabrina.

"Saang probinsya ka pala galing, hijo?" tanong ni Aling Lucy.

"Ako po'y naninirahan sa Intra---" Hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin niya dahil sinagi siya ni Sabrina sabay pa-simpleng bulong, "Saang probinsya? Probinsya!" Ulit nito. Nabanggit ni Sabrina na bagong dating pa lang sa Maynila si Libulan kaya dapat hindi nito banggitin ang Intramuros.

Tumikhim si Libulan, "Ako po'y nagmula sa Sugbo. Ang aking madrasta ay taga-roon." Nagtaka ang hitsura nina Gera, Aling Lucy, at Kuya Empi.

"Madrasta? You mean masungit na bully na step-mother?" tanong ni Kuya Empi na interesado sa mga teleserye.

"Sugbo? Saan 'yon?" tanong ni Gera. Napatingin ang lahat kay Libulan na hindi rin maunawaan kung bakit hindi nila naintindihan ang mga sinabi niya.

"Cebu ata ang Sugbo," wika ni Aling Lucy na hindi sigurado.

"Cebu nga po. Galing siya sa Cebu," sabat ni Sabrina saka tumawa nang marahan upang pagtakpan ang nakakailang na tensyon at ang magulong sagot ni Libulan.


AGAD umiwas ng tingin si Libulan nang makita ang naka-bikini na babae sa kalendaryong nakapaskil sa likod ng pinto ng silid ni Kuya Empi. Hindi niya ito nakita noong unang beses siyang nakapasok sa silid nito dahil may mga damit at pantalon na nakasabit sa likuran ng pinto.

"Sabi sa 'yo, madali kausap 'yon si Gera, paano ba 'yan? Welcome to the family!" Ngiti ni Kuya Empi na napasubsob sa aparador nang buksan ni Sabrina ang pinto. "Sa tingin ko kasya sa 'yo to," wika ni Sabrina sabay abot ng isang tshirt at jogging pants.

Napatingin si Libulan sa disenyo ng asul na t-shirt. May mukha ng isang lalaking kalbo at may nakasulat na pangalan.

Pamatian ang bagong Kapitan!

#8 sa balota!

"Sakto rin siguro ang haba sa 'yo nito," patuloy ni Sabrina saka pinakita ang kulay asul na jogging pants ng pinakamalapit na high school sa kanila. May pangalan pa ito ng school na matutuklap na ang print.

"Sumunod ka sa 'kin. Kailangan mo na maligo," wika ni Sabrina sabay senyas kay Libulan na parang isang mayor doma. "Aba! May bago tayong boss," sabat ni Kuya Empi ngunit ngumisi siya nang tumingin sa kaniya si Sabrina. "Boss na maganda hehe."

Hindi masundan ni Libulan ang bilis ng pananalita ni Sabrina matapos nitong ituro kung paano bubuksan ang gripo sa banyo. Maging ang timba na sumasalo sa tubig na lagayan pa ng pintura ay lubos niyang hinangaan. Tinuro rin ni Sabrina ang shampoo at sabon na nagpalaki sa mga mata ni Libulan dahil sa bango nito. Maging ang toothpaste na humahagod din sa kaniyang bibig at lalamunan.


HATINGGABI, hindi makatulog si Libulan. Magkatabi sila ni Kuya Empi sa manipis na kutson. Malakas ang hilik ni Kuya Empi na animo'y nanunuot sa kaniyang tainga. Nagugulat din siya sa tuwing yumayakap ito sa kaniya.

Bukod doon, panay din ang tingin ni Libulan sa maingay na electric fan na animo'y matalim na kutsilyong umiikot sa ere. Wala itong takip at nakapuwesto sa bandang paa nila. Pakiramdam niya ay mapuputulan siya ng paa sa oras na matumba ito.

Bumangon si Libulan saka muling napapikit nang makita ang babae sa kalendaryo na nakasuot ng bikini. Marahan siyang tumayo habang pikit-matang lumapit sa kalendaryo at tinakpan iyon ng tuwalya na nakasampay sa gilid. "Ikaw'y hindi na lalamigin," wika ni Libulan sa babae saka lumabas ng silid.

Balak sana niyang matulog na lang sa patahian ngunit napatigil siya nang makitang nakauwang ang pinto ng silid ni Sabrina. Lumapit siya at akmang isasara sana iyon ngunit nakita niya si Sabrina sa labas ng bintana. Nakatalikod ito at nakaupo sa bubong habang pinagmamasdan ang kalangitan.

Pinagmamasdan ni Sabrina ang lumang music box habang tumutunog ang musika ng paborito niyang Disney princess. Sa tuwing hindi siya makatulog, pinapakinggan niya lang iyon hanggang sa dalawin siya ng antok.

Gulat na napalingon si Sabrina sa likod nang marinig ang kalampag ng bubong. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang lumabas sa bintana si Libulan at gumapang sa bubong saka umupo sa kaniyang tabi. Nagawa pa nitong pagpagan ang kamay at tumingin sa kaniya. "Kakaiba ang inyong balkonahe sa panahong ito," wika ni Libulan saka humawak sa makalawang na bubong.

"Bakit hindi ka pa natutulog?" tanong ni Sabrina. Pakiramdam niya ay iba ang kausap niya ngayon dahil parang ibang tao sa Libulan matapos itong makapaligo at makapagpalit ng malinis na damit.

Mas nangibabaw ang maputi at makinis nitong balat, ang matangos na ilong, at ang buhok na hindi pa tuluyang natuyo. "Ako'y hindi sanay matulog sa isang silid nang may kasama. Hindi ko rin naranasang manirahan sa dormitoryo sapagkat malapit lang ang aming tahanan sa Letran." Hindi malaman ni Sabrina kung ano ang dapat sabihin. Kung totoo mang nag-aaral ito sa Letran noong unang panahon, walang duda na nagmula ito sa marangyang pamilya.

"Ikaw, bakit hindi ka pa natutulog?" tanong ni Libulan.

Tumikhim si Sabrina, "Hindi ko alam. Nahihilo ako at naiistress sa mga nangyayari." Tugon niya saka muling pinihit ang music box.

"Maaari ko bang malaman kung ano ang kahulugan ng iyong sinambit na salita?" tanong ni Libulan habang nakatingin sa music box. Naalala niya ang bagay na iyon na minsan niyang nakita sa mga bansa sa Europa.

"Stress. Ito 'yong pakiramdam na naiinis ka dahil sa isang tao o pangyayari. Nasasakop ng tao o pangyayaring iyon ang buong isipan mo dahilan para maapektuhan ang tibok ng puso, at pananalita mo." Paliwanag ni Sabrina habang pilit na hinahanap sa utak niya ang nararapat na salita na maiintindihan ni Libulan.

Tumango nang marahan si Libulan, "Kung gayon, ito pala'y katumbas ng salitang nayayamot." Dagdag ni Libulan.

"Oo, gano'n na nga." Pagsang-ayon na lang ni Sabrina kahit pa hindi niya maalala kung ano ang ibig sabihin ng nayayamot.

Humarap si Libulan sa kaniya, "Ako'y humihingi muli ng paumanhin, Binibining Sabrina. Ako'y naninibago rin sa mga nangyayari. Hindi ko lubos maisip ang laki ng pinagbago ng lahat. Ang limang daang piso ay makakatulong na sa maraming maralita." Saad ni Libulan saka tumingala sa langit.

Tumikhim si Sabrina, "Gano'n talaga, ang lala ng inflation sa panahon ngayon." Saad ni Sabrina saka tumingin kay Libulan, "Saka 'wag mo na kong tawaging Binibini, Sabrina na lang. 'Wag mo ring tawaging Señora si Tita Gera. Hindi na gano'n ang mga salitang ginagamit namin ngayon."

Nagtatakang tumingin sa kaniya si Libulan, "Kung gayon, paano ang tamang pagkilala sa isang tao?"

Napaisip si Sabrina, "Kapag lalaki ang kausap mo tawagin mong Sir, Kuya, Manong, o Boss. Kapag dalaga naman, tawagin mong Miss. At kapag babaeng may asawa o medyo may edad na, tawagin mong Mrs., Ma'am, o Manang." Paliwanag ni Sabrina habang iniisa-isa ang lahat gamit ang kaniyang daliri.

"Aking tatandaan ang lahat ng bagay na iyan. Salamat sa pagbabahagi ng iyong kaalaman," wika ni Libulan na hindi nahihirapan sa pagkakabisado. Napangisi si Sabrina, pakiramdam niya ay isa siyang matalinong eksperto na ngayon lang nakatanggap ng magandang komento.

Muling pinihit ni Sabrina ang music box. "Siya nga pala, maaari ko bang malaman kung ano ang musikang nagmumula sa la caja de música," saad ni Libulan sabay turo sa hawak ni Sabrina.

"Someday my prince will come. Ito ang kanta sa kuwentong Snow White and the Seven Dwarfs." Tugon ni Sabrina saka ngumiti nang marahan. Napansin ni Libulan ang biloy sa kanang pisngi ng dalaga.

"Ano ang kahulugan ng pamagat ng musikang iyong tinuran?" tanong ni Libulan. Napatingala sa langit si Sabrina habang iniisip ang translation nito sa Filipino.

"Balang araw darating ang aking prinsipe..." tugon ni Sabrina saka ngumiti. Natutuwa rin siya sa sarili dahil nasasagot niya ang lahat ng tanong ng isang law student.

Tumango nang marahan si Libulan nang maunawaan ang ibig sabihin ng pamagat ng musika, "Hanggang ngayon pala ay hinahangaan pa rin ng mga kababaihan ang mga prinsipe at prinsesa mula sa mga kaharian." Saad ni Libulan. Naalala niya na minsan na silang nakarating ng kaniyang ama sa Espanya kung saan natanaw nila ang pagdaan ng hari, reyna, prinsipe, at prinsesa sakay ng magarbong kalesa sa isang parada.

Napasingkit ang mata ni Sabrina. Hindi siya makapaniwala na kaharian ang nasa isip ni Libulan nang tukuyin niya ang salitang prinsipe. "Kahit sino ay puwedeng maging prinsipe o prinsesa," saad ni Sabrina. Naalala niya ang mga aral na hatid ng mga fairytales na kaniyang nabasa. "Lahat ng anak ay prinsipe at prinsesa ng kanilang mga magulang."

Umiling nang marahan si Libulan, "Matatawag lamang na prinsipe at prinsesa ang isang batang isinilang mula sa hari at reyna. Maaari ring tawaging prinsipe at prinsesa ang mga batang nagmula sa iba pang asawa ng hari. Sa madaling salita, ang pagkilalang iyon ay ibinibigay lamang sa mga may dugong Maharlika." Paliwanag ni Libulan dahilan upang mapakurap ng dalawang beses si Sabrina dahil para siyang nakikinig ngayon sa history teacher nila.

Napasingkit ang mga mata ni Sabrina, "Alam mo, ikakapahamak mo talaga 'yan. Sa panahon ngayon, hindi na kami basta-basta nakikipagtalo kahit kanino. Hindi na rin uso rito ang makipag-debate bigla sa harap ng mga tao." Saad ni Sabrina habang inaalala ang biglaang patatalumpati at pakikipagtalo ni Libulan sa presinto kanina.

Kinuha ni Sabrina sa bulsa ang isang barya, "Nakikita mo 'to? Ito ang piso. Si Jose Rizal ang nakaukit sa perang ito," saad ni Sabrina saka tinapat kay Libulan ang piso na halos ikaduling nito. "Hindi mo pa siya naabutan. Mas matanda ka sa kaniya. Isa siya sa mga bayani na nagbuwis ng buhay para sa Pilipinas." Patuloy ni Sabrina saka nilapag ang piso sa palad ni Libulan.

"Pilipinas?" nagtatakang tanong ni Libulan. Ang salitang iyon ay nahahawig sa pangalan ng bansang kaniyang kinabibilangan na noo'y kabilang sa kolonya ng Espanya. "Las Islas Filipinas," tulalang bulalas ni Libulan habang nakatitig sa piso.

Kinuha ni Sabrina ang bente sa kaniyang bulsa saka iyon naman ang pinakita kay Libulan, "Ito naman ang bente pesos o dalawampung piso. Si Manuel L. Quezon ang nandito. Siya ang pangalawang presidente ng Pilipinas at unang presidente noong Commonwealth. Siya ang kilalang Ama ng Wikang Pambansa dahil isinulong niya na Filipino ang magiging pangunahing wika natin."

Tulalang hinawakan ni Libulan ang bente pesos. "Filipino ang wika natin?" nagtataka niyang tanong.

"Oo. Filipino o Tagalog." Pagkumpirma ni Sabrina. Kahit papaano ay natutuwa siya dahil pakiramdam niya ay history teacher din siya sa paningin ni Libulan.

"Kung gayon, hindi na Español ang pangunahing wika natin. At sa dami ng wikang bumubuo sa bawat lalawigan, tagalog ang naging pangunahin sa lahat," tulalang saad ni Libulan nang maunawaan ang lahat ng sinabi ni Sabrina.

Tumikhim si Sabrina saka muling humarap sa kalsada. "Marami ka pang malalaman at matutuklasan. Iwasan mong makipag-debate agad kahit kanino. Hindi mo rin puwedeng pagalitan ang kahit na sino na para bang mas nakakataas ka sa kanila..." Napatigil si Sabrina nang maalala na mukhang mayaman si Libulan noong panahon ng Kastila.

"Basta, umiwas ka sa gulo. Gusto mo bang bumalik doon sa presinto?" tanong ni Sabrina. Umiling nang marahan si Libulan habang nakatitig sa bente at piso. "Sa 'yo na 'yan. Magsimula ka na ring mag-ipon, sa mundo ngayon, mahirap na kumita ng pera," dagdag ni Sabrina.

Sandaling naghari ang katahimikan. Napansin ni Sabrina na ilang minuto nang nakatitig si Libulan sa perang binigay niya. "Kay laking pagkakaiba ng panahon ngayon sa panahong aking kinalakihan. Bukod doon aking napansin lamang na..." wika ni Libulan saka pinakita ang dalawang pera kay Sabrina.

"Kayong mga nasa panahon ngayon, nakahiligan niyong ipaskil ang hitsura ng mga tao kahit saan." Saad ni Libulan saka tinuro ang mukha ng kapitan sa suot niyang damit. Naaalala rin niya ang mukha ng babae sa waiting shed at ang babae sa kalendaryo. Natawa si Sabrina sa sinabi ni Libulan dahil seryoso pa ang hitsura nito na animo'y isang kritiko na sumusuri ng lahat ng bagay.


KINABUKASAN, maagang nagsimula ang unang araw ng pagtatrabaho ni Libulan. Pinasuot siya ng kulay brown na t-shirt na uniporme ng Sastre y Seda. Kupas at luma na ang kulay ng tshirt ngunit nangingibabaw pa rin ang kagwapuhan ng binata dahilan upang mapalingon ang ilang naglalakad habang binubuhat nito ang mga kahon at tela sa mini truck.

Napasandal si Libulan sa truck nang makaramdam ng pagod. Sa totoo lang, hindi siya sanay sa pagbabatak ng buto at mga gawaing bahay dahil lumaki siya sa marangyang pamilya. Bukod doon, ang kaniyang ina ang halos nag-aasikaso ng lahat ng bagay sa kaniya. Ang tanging ginagawa niya lang ay magbasa, mag-aral, at tapusin ang lahat ng kaniyang sulatin.

Inabutan siya ni Kuya Empi ng isang malamig na bottled water, nanlaki ang mga mata ni Libulan nang makainom ng sariwa at malinis na tubig. "Ito'y natitikman ko lamang sa mga bansa sa Europa. Minsan kaming nagtungo ni ama sa Inglatera," wika ni Libulan na sa isang iglap ay naubos agad ang isang bote.

"Wow! Rich kid na traveler ka pala bro. Isama mo naman ako sa sunod na gala mo," ngisi ni Kuya Empi sabay inom ng tubig. Nagkuwentuhan sila buong byahe. Halos lumaki ang ulo ni Kuya Empi dahil pakiramdam niya ay sobrang talino niya habang pinapaliwanag kay Libulan ang mga bagay na tinuturo nito sa kalsada.

"Ano ang liwanag na iyon na may iba't ibang kulay?" tanong ni Libulan sabay turo sa stop light.

"Power rangers 'yan. Tingnan mo, magagawa kong kulay green 'yan in 3... 2... 1!" Saad ni Kuya Empi sabay tapak sa gas pedal.

Halos walang kurap na nakatitig si Libulan sa matataas na gusali. Maging sa mga tao na may iba't ibang kasuotan at haba ng buhok. Ang malalaking kalsada na pinaghaharian ng mga sasakyan ay nagpapamangha pa rin sa kaniya. Wala na ang mga dumi ng kabayo na natutuyo sa gitna ng daan.

Binuksan din ni Kuya Empi ang radyo at sinabayan nila ang nakakaindak na musika. Maging ang mga commercial sa pagitan ng mga kanta ay isang bagong karanasan sa pandinig ni Libulan.

Hindi nagtagal ay napadaan sila sa Roxas Boulevard. Nanlaki ang mga mata ni Libulan nang matanaw ang mataas na pader na pamilyar sa kaniya. "Ano ang lugar na 'yon?" tanong n Libulan sabay turo sa kanan.

Tumigil ang mini truck sa pulang stop light. "Ah, 'yan ang Intramuros. May chicks din ako diyan," ngisi ni Kuya Empi ngunit nabigla siya nang gulat na lumingon sa kaniya si Libulan. "Intramuros? Ang sentro ng pamahalaan ng Espanya?!" gulat na wika ni Libulan.

Agad bumaba si Libulan sa sasakyan dahilan upang mapasigaw si Kuya Empi. Hahabulin niya sana ito ngunit bumusina na ang mga sasakyan na nasa likod nang maging kulay green na ang stop light. Dali-daling tumakbo si Libulan patungo sa Intramuros. Hindi niya alintana ang mga sasakyan na biglang napahinto dahil sa kaniya.

Maging ang mga tao at estudyanteng nakakasalubong niya papalabas ng bukana ay napapatabi na lang. Inilibot ni Libulan ang mga mata sa paligid. Ang kanilang tahanan ay matatagpuan malapit sa Palacio Del Gobernador Heneral. Hindi naman siya nagkamali dahil hindi nagbago ang mga kalye at pasikot-sikot sa loob ng kinalakihan niyang bayan.

Nanlaki ang mga mata ni Libulan sa laki ng pagbabago ng kinagisnang lugar. May mga kable ng kuryente sa taas. May mga sasakyan at taong naglalakad sa gilid. May mga nagtitinda sa bawat tabi. Ang simbahan ng Immaculada Concepcion ay ibang-iba na ang disenyo. Maging ang Palacio Del Gobernador Heneral.

Bumagal ang lakad ni Libulan hanggang sa marating niya ang kalye Legaspi na lilikuan patungo sa kanilang tahanan. May mga bulaklak ng gumamela sa paligid na pumulupot na rin sa mga kable ng kuryente.

Halos manghina ang tuhod ni Libulan nang makita ang dating kinatitirikan ng kanilang tahanan. Isang lumang bahay na may dalawang palapag at kulay puti. Hindi ito ang anyo at laki ng kanilang tahanan na madalas pinagdadausan ng mga pagdiriwang.

Napaupo si Libulan sa gitna ng kalye habang nakatitig sa bahay na nababatid niyang hindi kanila. Mabuti na lang dahil walang masyadong tao at dumadaan na sasakyan doon. Ang kaniyang pag-asa na matatagpuan ang kinaroroonan ng bakas ng kaniyang pamilya ay tuluyan nang naglaho. Pakiramdam niya ay nag-iisa na siya ngayon sa mundo.

Natauhan si Libulan nang bumukas ang maliit na gate. Lumabas ang isang dalaga na nakasuot ng kulay brown na bodycon dress at itim na blazers. Kasunod niya ring lumabas ang isang matandang babae. "Salamat po dahil pinayagan niyo kaming ma-interview kayo. Tanggapin niyo po sana Lola Teodora ang pasasalamat namin sa inyo," Ngiti ng dalaga sabay abot ng isang basket na puno ng prutas at mga herbal products.

Nakaparada sa tapat ang isang van, maingat na binalik ng driver at camera man ang mga equipments na kanilang ginamit. "Nag-abala ka pa, hija. Maraming salamat at nagkaroon kayo ng interes sa aming bahay," ngiti ng matandang babae saka yumakap sa matangkad na dalaga dahilan upang mabigla ito. Sa huli, niyakap siya nito pabalik.

"Masarap sa pakiramdam ang may makausap ulit lalo na't wala na rin akong kasa-kasama rito," ngiti ng matandang babae. Ngumiti pabalik ang dalaga na kilalang reporter sa isang sikat na kompanya.

Tumalikod na ang dalagang reporter saka kumaway sa matandang babae ngunit napatigil siya nang makita ang lalaking dahan-dahang tumayo mula sa pagkakaupo sa kalsada. Halos walang kurap itong nakatitig sa kaniya na animo'y matagal na silang magkakilala.

"Elena? Elena Santiago?" gulat na bulalas ni Libulan habang nakatitig sa babaeng naging dahilan ng pagkakagulo ng kanilang pamilya at siyang dahilan upang simulan niya ang isang adhikain na tutuligsa sa pamahalaang kaniyang nais kalabanin hanggang kamatayan.


*************************

#Duyog


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top