Kabanata 2: Panaginip ng Payapang Gabi
[Kabanata 2]
Nakatitig si Sabrina sa iginuhit na larawan sa children's story na binabasa ng kaniyang ina. Apat na taon pa lang siya, hindi pa siya nakakabasa nang deretso kung kaya't ang kaniyang ina ang nagbabasa para sa kaniya. Nakaupo sila sa kama. Nasa gitna ang kaniyang ina habang nasa kaliwa ang kaniyang nakatatandang kapatid na mahimbing nang natutulog.
Kasalukuyan silang nasa ospital. Kakatapos lang ng general check-up ng kanilang ina.
"Mommy, why did they leave and choose to live in the wild?"
"Because no one wants them..." sagot nito saka itinuro ang prinsesa. "Like Snow White, she ran away because her stepmother doesn't like her."
Nanatiling nakatitig si Sabrina sa prinsesa na nakaupo sa silya habang kinakantahan ang pitong kaibigan nito. "They decided to live together... away from the people and cruel world."
Ngumiti si Sabrina saka tinuro ang mga karakter sa kuwento, "I think that would be better. At least they look happy." Napangiti ang kaniyang ina dahil mas pinagtuunan ng pansin ni Sabrina ang mga ngiti ng tauhan.
"I like her. I want to be Snow White someday. I want to be a princess! I want to be friends with them. I want to find my prince!" ngiti ni Sabrina, hinawi ng kaniyang ina ang buhok na tumatama sa kaniyang mata sabay tawa dahil tuwang-tuwa ang kaniyang anak.
Sinenyasan niya ito na huwag maingay sabay ngiti dahil baka magising si Faye. "You will be. It would be best if you take care of and protect those in need. Cherish and love them like how Snow white does."
Tumango ng ilang ulit si Sabrina. Ngumiti ang kaniyang ina sabay yakap sa kaniya, "And you know what, someday your prince will come..." patuloy nito saka inawit sa pamamagitan ng himig ang kantang hango sa paboritong kuwento ng kaniyang bunsong anak.
"MAUNA na kami, pasalamat kayo hindi na kayo menor-de-edad at wala ng curfew. Umuwi na kayo baka hinahanap na kayo ng mga magulang niyo," sermon ni SPO2 Garcia bago pinaandar ang sasakyan. Tumango na lang si Sabrina na muling humingi ng paumanhin.
Samantala, nakatayo lang si Libulan habang nagtatakang nakatingin sa police mobile. Napapapikit siya sa nakasisilaw na asul at pulang ilaw ng emergency light na nasa bubong ng kotse. Napahawak din siya sa kaniyang sikmura nang maramdaman niya ang pagkulo nito.
Nang makaalis ang police mobile. Napapikit si Sabrina at napabuntong-hininga. Hindi niya nakayanan ang sarili sa pagsagot sa mga tanong ng pulis kanina matapos niyang puntahan ang inaakala niyang anak ni Manang Milda.
"So... sinasabi mo na kilala mo siya?" tanong ni SPO2 Garcia sabay inom ng kape. Nakatayo sila sa labas ng inuupahang apartment na inabandona. Nagpatuloy sa pagsusulat si SPO1 Angeles habang nakasandal sa hagdanan.
Napatingin si Sabrina kay Libulan na nanatiling nakatayo sa tapat ng bintana habang pinagmamasdan ang buwan. Matapos niyang sabihin kay Libulan na uuwi na sila, kailangan niyang panindigan ngayon na magkakilala sila.
"Opo, anak siya ni Mildred Lopez. Nag-away po siguro sila kaya lumayas ang nanay niya para magpalamig ng ulo," tugon ni Sabrina sabay lunok. Hindi siya makatingin nang deretso sa mga pulis ngunit pinipilit niyang pakalmahin ang sarili.
"E, bakit ang sabi niya hindi niya raw kilala si Mildred Lopez," patuloy ng payat na pulis sabay inom muli ng kape.
Ngumiti si Sabrina saka tumawa nang marahan, "Gano'n naman po talaga kapag may kagalit tayo, 'di ba? Sa sobrang inis natin, nasasabi natin na 'di natin sila kilala," saad ni Sabrina na pinagpapawisan nan ang malamig.
Muli siyang napalunok nang magtama ang paningin nila ng mas batang pulis na batid niyang mas matalino at nakakaramdam na hindi siya nagsasabi ng totoo.
Napakamot ng ulo ang payat na pulis, "E, bakit kanina parang hindi mo siya kilala? Hindi ka pa sigurado kung sinong Libulan ang tinutukoy ko," wika ni SPO2 Garcia na muling napakamot sa ulo. Napapanot na ang kaniyang ulo dahil sa trabaho.
Nanginginig na ngumiti si Sabrina sabay kumpas ng kamay, "Sorry po, ang totoo kasi niyan..." Napapikit siya na para bang may mabigat siyang pasanin. "Ang totoo po talaga, nag-away din kami ni Libulan. Sa sobrang inis ko, ayoko siyang kausapin. Pero noong tumawag kayo, nag-alala ako kaya pumunta po ako dito. Hindi ko lang talaga nasabi agad kanina kasi... galit pa nga ako sa kaniya," tugon ni Sabrina na kunwaring naging emosyonal.
Nagkatinginan ang dalawang pulis. Naguguluhan na sila ngunit may punto ang sinasabi ng dalaga. "Kaya sorry po talaga, kakausapin ko na lang si Libulan. Nag-away sila ng nanay niya, nag-away din kaming dalawa. Kaya siguro hindi natin siya makausap nang maayos ngayon." Patuloy ni Sabrina saka napailing-iling.
"Magkaano-ano ba kayo?" tanong ni SPO1 Angeles saka ibinulsa ang maliit na notebook kung saan siya nagsusulat kanina.
"Po?" ulit ni Sabrina. Nalilito na rin siya sa mga pinagsasabi niya. "Magkaano-ano kayo ni Libulan Dela Torre?"
Napatingin si Sabrina kay Libulan na nakatalikod pa rin. Bigla siyang nakaramdam ng pagsisisi kung bakit niya sinimulang magsinunggaling para maisama pauwi ang lalaking nararamdaman niya na kailangan ng tulong. Mabilis na pumasok sa kaniyang isipan ang iba't ibang sagot na posibleng sundan ng mga katanungan.
Magkapatid? Hindi sila magka-apelyido. Bukod doon, baka hanapan sila ng birth certificate.
Magkamag-anak? Wala na siyang ibang kakilalang nauugnay kay Libulan kundi si Manang Milda. Siguradong hindi maniniwala ang mga pulis.
Magkaklase? Hindi niya alam kung saan nag-aaral si Libulan at kung anong ginagawa nito sa buhay. Baka hanapan pa sila ng enrollment registration.
Napahinga nang malalim si Sabrina, "Boyfriend ko po siya," sagot niya saka napalunok muli dahil sa matinding kaba. Wala nang nasabi ang dalawang pulis. Narinig niya pang nag-usap ang dalawa sandali, naugnay din nila na posibleng kaya nasangkot sa away kanina si Libulan na nagdahilan na umaawat lang ay dahil masama talaga ang loob nito matapos layasan ng ina at awayin ng girlfriend.
Nakatayo sila ngayon sa tapat ng Sastre y Seda. Halos sarado na rin ang ibang mga katabing tindahan. Tulog na rin ang mga tao dahil alas-tres na ng madaling araw. Napatingin si Sabrina kay Libulan na pinagmamasdan ang paligid.
"May iba ka pa bang mauuwian?" tanong ni Sabrina, tumingin sa kaniya si Libulan. Nakilala ni Sabrina ang suot nitong itim na coat, "Iyan ang pinagawa ng mama mo sa 'min. Hindi pa bayad ha," patuloy niya sabay turo.
Napatingin si Libulan sa suot niyang coat, hindi niya akalain na mainit pala ito isuot. Tumikhim siya saka hinubad ang suot na sombrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib, "Ako'y humihingi ng paumanhin. Magkano ba ito? Huwag kang mag-alala, hindi ko ugaling takasan ang aking mga pagkakautang," tugon ni Libulan dahilan upang mapakunot ang noo ni Sabrina. Bigla siyang nakaramdam ng pressure dahil parang nakikipag-usap siya sa isang pormal na tao.
"550 pesos lang naman. Dapat hindi ko muna binigay sa 'yo. Malalagot talaga ako kay Tita Gera," napahawak si Sabrina sa kaniyang sentido. Kukunin lang dapat niya ang itim na coat ngunit suot na ito ni Libulan na mukhang pinagpapawisan sa init.
Nagtaka ang hitsura ni Libulan, "Makailang ulit ko nang naririnig ang iyong pagbanggit sa salitang iyon, fayb handred--- Maaari mo bang ipaliwanag sa akin kung ano ang kahulugan nito?"
Napakurap ng dalawang beses si Sabrina. Naalala niya ang sinabi ng mga pulis, hindi raw nila nakakausap nang maayos ang lalaking nakatayo ngayon sa kaniyang harapan. May mga sinasabi rin daw ito na hindi nila maunawaan. "Seryoso ka ba?" Nagtatakang saad ni Sabrina saka humakbang papalapit kay Libulan na muling napahakbang paatras.
Tinitigan nang mabuti ni Sabrina si Libulan. Hindi siya makapaniwala na tinulungan niya ang isang estranghero na maaaring maglagay din sa kaniya sa panganib. At ngayon, paano niya babawiin sa mga pulis ang mga sinabi niya kanina.
Napasigaw si Sabrina sabay hawak sa kaniyang ulo dahilan upang magulat si Libulan. Sunod-sunod na pumasok ang mga kakaibang ideya sa isipan niya. Paano kung may ginawang masama ang lalaking iyon kay Manang Milda kaya nawawala ito? Paano kung nagpapanggap lang itong walang malay sa mundo para magpaawa? Paano kung may iba pala itong motibo at siya na ngayon ang sunod na biktima?!
Napatingin si Sabrina kay Libulan na ngayon ay naglakad papalapit sa isang poste habang nakatingalang tinititigan ito. Itinuro ni Libulan ang ilaw sa poste, "Maaari ko bang malaman kung ano ang nakasisilaw na bagay na iyon? Tila isa itong bituin sa langit, kay rami nito sa paligid," saad ni Libulan saka tiningnan ang iba pang mga poste ng ilaw sa kalye na halos wala ng katao-tao.
Halos malaglag ang panga ni Sabrina sa sinabi ng estranghero. Sa dami ng panganib na iniisip niya, magtatanong lang ito tungkol sa poste ng ilaw.
Nagtataka niyang sinundan ng tingin si Libulan na naglakad sa tapat ng isang tindahan na may vandalism na nakasulat Bawal umihi dito G*go!
Pinagmasdan din ni Libulan ang tatlong palapag na establisyemento na iba't ibang kulay at may mga nakasampay na damit sa mga bintana. Hindi maunawaan ni Sabrina kung bakit parang pinapanood niya ang isang inosenteng bata na tinitingnan ang lahat ng sulok na tila ba ngayon lang ito nakapunta sa ganitong lugar.
Napatigil si Libulan nang maramdaman niya ang kakaibang bagay na dumikit sa kaniyang sapatos. Nang tingnan niya ito, hinila niya ang kulay asul na madikit na bagay na hindi maalis sa kaniyang sapatos. Akmang tititigan at aamuyin sana ni Libulan ang kakaibang bagay na iyon nang dali-daling lumapit si Sabrina at pinigilan siya.
"Wag 'yan! Kadiri ka!" Suway ni Sabrina saka pinunasan ang kamay ni Libulan ngunit agad binawi ni Libulan ang kaniyang kamay habang gulat itong nakatingin sa kaniya. "Paumanhin, binibini. Ngunit isang kapahangasan at kalabisang maituturing ang paghawak mo sa aking palad," saad ni Libulan dahilan upang mas lalong maguluhan si Sabrina.
Napahinga siya ng malalim saka napapamewang. "Makinig ka, Libulan o anuman ang pangalan mo. Tinulungan kita kanina kasi baka ikulong ka ng mga pulis o dalhin sa mental hospital. Hindi mo ba talaga nanay si Manang Milda?"
"Sino si Manang Milda?" tanong ni Libulan nang may halong pagtataka.
"Si Mildred Lopez," tugon ni Sabrina na unti-unti nang nauubusan nang pasensiya.
"Ngayon ko lamang narinig ang kanilang mga pangalan. Hindi ko sila nakikilala," tugon ni Libulan. Bakas sa kaniyang hitsura na nagsasabi siya ng totoo bagay na mas lalong nagpapagulo kay Sabrina dahil umaasa siya na nagsisinunggaling lang ito.
"Okay. Fine. Hindi mo siya mama o kaano-ano. Ganito na lang, saan ka nakatira? Kaya mo bang umuwi? Magkano rin pamasahe mo?" tanong ni Sabrina sabay kuha ng wallet. Nakasisiguro siya na may kaibigan o kakilala ang lalaki na puwede nitong matuluyan.
"Ang aming tahanan ay matatagpuan sa Pandacan. Hindi ko nababatid kung paano magtungo roon sapagkat nagbago na ang paligid. Hindi ko maunawaan kung anong nangyayari." Wika ni Libulan saka muling pinagmasdan ang paligid kung saan pakiramdam niya ay binabangungot na naman siya.
Naalala ni Sabrina ang sinabi ng mga pulis na naniniwala ang estrangherong lalaki na pinanganak ito noong 1830. "Alam mo, ngayon ko lang narealize, ang weird pala ng pangalan mo," saad ni Sabrina. Tumingin lang sa kaniya si Libulan na animo'y isang tut ana walang kamalay-malay sa sinabi niya.
Napahalukipkip si Sabrina, "Anong buong pangalan mo?" mabilis nitong tanong na animo'y isa na rin siyang pulis na nag-iimbestiga.
"Ang aking ngalan ay Libulan Dela Torre y Marquez Casilang. Ngunit, mas kilala ako sa pangalang Libulan Dela Torre y Marquez." Nagtaka ang hitsura ni Sabrina. Lingid sa kaniyang kaalaman, nais nang ipakilala ni Libulan ang sarili sa madla bilang anak ni Aliya. Hindi na niya nais mamuhay pa sa kasinunggalingan at palabasin na siya'y anak ni Doña Teresita Marquez.
"Ilang taon ka na ba?" Medyo pumiyok si Sabrina nang mapagtanto na wala siyang galang kung sakaling mas matanda pala si Libulan sa kaniya.
"Ako'y labing siyam na taong gulang," tugon ni Libulan. Tumango-tango si Sabrina, magka-edad lang pala silang dalawa.
"Kailan ka pinanganak?"
"Ika-labing lima ng Enero taong isang libo't walong daan at tatlumpu," tugon ni Libulan nang walang halong biro. Napanganga si Sabrina habang pinoproseso pa ng utak niya kung ano ang English translation ng sinabi ni Libulan.
Tumikhim na lang siya matapos sukuan ang mga numero na nagpapasakit sa ulo niya, "Anong ginagawa mo ngayon? Nagtatrabaho ka ba? Nag-aaral?"
Isinuot muli ni Libulan ang kaniyang sombrero saka inilagay ang dalawa niyang kamay sa kaniyang likuran. "Ako'y nasa ikatlong taon sa pag-aaral ng abogasya sa Letran. Subalit, matitigil ako pansamantala sa pag-aaral dahil nais akong ipadala ni ama sa Europa..." hindi na natapos ni Libulan ang kaniyang sasabihin dahil tinaas ni Sabrina ang kaniyang palad.
"Wait. Wait. Wait. Nag-aaral ka sa Letran ng Law?" Nagtatakang tanong ni Sabrina saka tiningnan si Libulan mula ulo hanggang paa. Sa isip niya, mukhang mayaman at mamahalin ang mga gamit at suot nito. "At mag-aaral ka na rin abroad?" patuloy niya ngunit nanatiling nakatingin lang si Libulan na animo'y pinoproseso rin nito ang mga sinabi niya.
Napailing-iling si Sabrina, madali lang magsinunggaling gaya nang kung paano niya napanindigan na magkakilala sila ni Libulan kanina sa harap ng mga pulis. Maaaring nagsisinunggaling din ang lalaking kaharap niya.
"Wala ka bang mga friends na puwede nating tawagan ngayon? Nasaan cellphone mo?" tanong ni Sabrina saka akmang kakapkapan sana si Libulan ngunit nauna na itong umatras dahilan upang mapagtanto niya na hindi nito nais magpahawak.
"Ano ang iyong tinuran? Hindi ko maunawaan ang ilang salita na iyong sinasambit." Saad ni Libulan dahilan upang mapakurap muli ng dalawang beses si Sabrina.
"Alam mo, hindi rin kita maintindihan. Feel ko nagtatagalog ka pero ang deep." Wika ni Sabrina dahilan upang si Libulan naman ang mapakurap ng dalawang beses. Nakatayo sila sa tabing kalsada, sa tapat ng Sastre y Seda, at parehong hindi nauunawaan ang isa't isa.
Napasigaw muli sa inis si Sabrina sabay hawak sa kaniyang ulo. Nagitla si Libulan saka umusog nang kaunti papalayo sa takot. "Sabi ng mga pulis, naniniwala ka na pinanganak ka ng 1830. Like, hello? 180 plus years old ka na dapat ngayon. Mas matanda ka pa sa lolo ng lolo ng lolo ko!"
"Ako'y mas matanda sa iyong lolo?" nagtatakang saad ni Libulan na tila nag-iisip nang malalim.
"Oo! Akala mo ba nasa panahon pa tayo ni Jose Rizal?"
Mas lalong naguluhan si Libulan, ngayon niya lang din narinig ang pangalang binaggit ni Sabrina. Napahawak sa sentido si Sabrina saka napahinga nang malalim, naalala niya na hindi pa pala nabubuhay si Jose Rizal noong 1830.
Tiningnan niya si Libulan, unti-unti na niyang nauunawaan na kakaiba ito, lalo na ang pananamit na natutulad sa mga sinaunang tao. "Ano sa tingin mo ang taon ngayon?"
"Kakapatupad lamang ng bagong utos ng gobernador-heneral. Taong isang libo't walong daan apatnapu't siyam," tugon ni Libulan dahilan upang mapapikit si Sabrina habang pinapalabas ang init ng kaniyang ulo sa kaniyang ilong.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone at tinipa roon ang sinabi ni Libulan, "1849?" tanong ni Sabrina. Kung labing-siyam na taon na si Libulan at pinanganak noong 1830. Tama ang sagot nito na 1849!
Nagulat si Sabrina nang makitang nakatingin si Libulan sa screen ng kaniyang cellphone. Magtatanong sana itong muli kung ano ang hawak niyang bagay ngunit nauna nang magsalita si Sabrina. "Sigurado kang hindi mo alam kung anong taon ngayon?" tanong ni Sabrina. Umiling si Libulan. Pakiramdam niya ay nananaginip siya nang masama o kaya ay napunta sa ibang bansa na mas maunlad pa sa mga bansa sa Europa.
Tumikhim si Sabrina habang inaalala kung ang tagalog ng taong sasabihin niya, "Ang taon ngayon ay dalawang libo't labing walo." Saad niya. Napatingin sa kaniya si Libulan.
"2018 na ngayon! Taong dalawang libo't labing walo!" ulit niya. Hindi nakapagsalita si Libulan sa gulat hanggang sa tuluyan nang dumilim ang kaniyang paningin dahil sa magkakahalong pagkabigla, gutom, at init.
MAHIMBING na natutulog si Libulan sa kutson na nasa sahig. Hindi niya alintana ang mainit na buga ng hangin na tumatama sa kaniyang katawan. Maging sa mahihinang bulong ng dalawang tao na nag-uusap sa loob ng maliit na kuwarto.
"Sab, deds ka talaga kay Gera. Nagdala ka pa ng tigok dito." Wika ng lalaki na nasa edad tatlumpu't pito. Kilala siya sa pangalang Kuya Empi. Palabiro, validoso, buto't balat ang pangangatawan, mahaba ang buhok hanggang balikat, at may suaveng bigote. Siya ang driver ni Mrs. Santos at nagdedeliver ng mga tela na kinukuha nila sa suppliers.
"Buhay pa siya, Kuya Empi. Nahimatay lang ata."
"Saan mo ba napulot 'yan? Para ka lang nagdala ng kuting dito," wika ni Kuya Empi na abala sa pag-aayos ng kaniyang gamit. Maliit din ang kaniyang silid at puro pa ito kalat. Mahimbing siyang natutulog nang biglang kumatok si Sabrina habang hila-hila ang walang malay na lalaki.
"Bakit hindi mo siya dinala sa ospital?" patuloy ni Kuya Empi saka inusog ang maliit, makalawang, at walang takip na electric fan.
Napakagat si Sabrina sa kaniyang ibabang labi, bukod sa hindi siya sigurado kung anong mangyayari sa estrangherong lalaki kapag dinala niya ito sa ospital. Wala rin siyang pang-abono sa gagastusin nito. Mukhang may kaya naman si Libulan, subalit, paano kung wala talaga itong pera?
"Tingnan muna natin siya ngayon. Kapag hindi pa rin siya nagising mayamaya, dalhin na natin sa ospital," wika ni Sabrina. Napailing-iling si Kuya Empi habang hinahagis ang mga damit niya na nakakalat sa sahig sa aparador.
"Baka tigok na talaga 'yan kung mamaya pa..."
"Kuya Empi!"
"Jok jok jok hehehe!" Tawa ni Kuya Empi saka muling nag-ayos ng silid.
Napasandal sa dingding si Sabrina saka muling tiningnan si Libulan. Maging sa pagtulog nito ay pormal pa rin. Hindi maalis ni Sabrina ang posibilidad na nagsisinunggaling lang ang lalaki. Baka lumayas lang ito sa bahay nila? Baka isa itong kriminal na nagtatago na ngayon? O baka may malaki itong pagkakautang kaya palipat-lipat siya ng bahay?
Napailing si Sabrina. Kung wanted si Libulan, sa presinto pa lang ay makikilala na agad siya. Napahinga siya nang malalim saka kinuha ang kaniyang wallet, may 1000 pesos pa naman siyang naipon, iyon na siguro muna ang ipang-aabono niya sa itim na coat na pinagawa ni Mildred Lopez.
Ibinalik ni Sabrina ang pera sa kaniyang wallet saka napatingin sa itim na coat na suot ni Libulan. May kaunting dumi lang ito. Kung lalabhan niya nang maayos, puwede niya pang ibalik sa patahian. Sasabihin na lang niya kay Gera na hindi na-claim ni Manang Milda ang damit at hindi rin ito nabayaran.
Lumabas si Kuya Empi sa silid dala ang tuwalya at sabon. Alas-singko na ng madaling araw, maaga itong umaalis para puntahan ang mga bagong dating na tela sa supplier. Nang makaalis si Kuya Empi, ilang minuto pang nag-isip si Sabrina kung anong dapat gawin. Nanghihinayang siya sa isang libong piso na ipang-aabono niya, hindi naman niya gustong aminin kay Gera na nagkamali siya delivery at ayaw niyang madismaya ito sa kaniya.
Nang makapagdesisyon na siya, napahinga siya nang malalim saka maingat na gumapang papalapit kay Libulan at dahan-dahang tinanggal ang butones ng itim na coat. Balak niyang kunin iyon at ibalik sa patahian upang hindi na siya mag-abono.
Hindi siya nabigo dahil unti-unti na niyang natanggal ang coat sa balikat ni Libulan. Iaangat na sana niya ang isa nitong balikat nang imulat ni Libulan ang kaniyang mga mata dahilan upang mapatingin sila sa isa't isa. Napatigil si Sabrina sa gulat, hindi niya akalain na ang lapit niya pala sa binata.
Nanlaki ang mga mata ni Libulan, lalo na nang maramdaman niya ang palad ni Sabrina na nakapatong sa kaniyang dibdib. Gulat na napabangon si Libulan at napasigaw, "Anong kapahangasan ito?! Anong balak mo sa akin?!" sigaw ni Libulan sabay yakap sa sarili at sumiksik sa dingding.
Maging si Sabrina ay gulat na napaupo paatras dahil sa reaksyon ni Libulan. Ngayon niya lang napagtanto na sinuman ay mag-iisip nang masama dahil sa kaniyang ginawa. Agad ikinumpas ni Sabrina ang kaniyang kamay, "N-nagkakamali ka... Kukunin ko lang 'yang coat na hindi mo pa binabayaran!" Napalunok siya sa kaba. Pakiramdam niya ay mahahatulan siya ng guilty sa korte.
Namumula ang mga mata ni Libulan na tila ba bigla siyang naalimpungatan mula sa pagkakahambing. "Ang iyong mga kilos ay sadyang hindi katanggap-tanggap. Ang isang dalaga ay hindi dapat kumikilos nang ganito sa harap ng isang lalaki, lalo na kung ang lalaki ay hindi pa kasal. Nais mo bang maging laman ng usap-usapan? Nais mo bang dungisan ang iyong dangal?"
Napakurap ng dalawang beses si Sabrina saka umayos ng upo. Hindi niya akalain na makakarinig siya ng sermon mula sa lalaking ka-edad lang niya. Magsasalita pa sana si Sabrina ngunit dumating si Kuya Empi na nakatapis lang ng tuwalya at basa ang buhok.
Nanlaki ang mga mata ni Libulan sa nakita. Gulat siyang napatayo at akmang poprotektahan ang sarili. Maging si Kuya Empi ay nagulat sa reaksyon ni Libulan, nabitiwan niya pa ang lagayan ng sabon.
"What on earth... buhay siya?!" Wika ni Kuya Empi sabay tingin kay Sabrina. Tumayo na rin si Sabrina sabay tingin kay Libulan na inaakusahan siya ng kapahangasan. Inis na napakamot si Sabrina sa kaniyang ulo, hindi na rin niya alam ang kaniyang gagawin.
"Magluluto na ako sa baba, mag-almusal na tayo," wika niya saka naglakad patungo sa pintuan ngunit napatigil siya at lumingon kay Libulan na naistatwa pa rin sa gulat. "Wala akong balak na ano sa 'yo, hubarin mo na 'yang coat, ibabalik natin 'yan dito," saad ni Sabrina na animo'y isang nanay.
Napalunok si Libulan. Pareho silang nagitla ni Kuya Empi nang malakas na bumagsak ang pinto pagkalabas ni Sabrina. Nakabibinging katahimikan ang nangibabaw sa loob ng kuwarto, tumaas ang kilay ni Kuya Empi, "Baka gusto mong tumalikod, Tisoy. Magbibihis ako," wika nito sabay ngisi dahilan upang dahan-dahang tumalikod si Libulan at humarap sa pader.
SERYOSONG nagluluto ng sinangag at itlog si Sabrina sa kusina. Naunang bumaba si Kuya Empi suot ang uniporme nila na kulay itim na polo shirt at may nakasulat na Sastre y Seda sa likod nito. "Sab, anong gagawin mo sa Tisoy na 'yon?" usisa nito habang sinusuklay ang kaniyang buhok at bigote.
Napatigil si Sabrina sa pagluluto. Kanina niya pa iniisip kung anong gagawin kay Libulan. Kapag nakuha na niya ang coat, anong sunod na mangyayari?
"Dadalhin ko na lang siguro siya sa bahay-ampunan, baka matulungan siya ng DSWD..."
"Mukhang hindi naman na minor ang Tisoy na 'yon, mas mukha pa nga akong bagets sa kaniya," ngisi ni Kuya Empi sabay suklay sa kaniyang bigote. Napakunot ang noo ni Sabrina, hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nasasanay sa pagiging mahangin nito.
Kumuha ng tasa si Kuya Empi at nagtimpla ng kape. "I-rekomenda mo na lang siya kay Gera, mukhang hindi matutuloy 'yong pamangkin ni Aling Lucing na kukunin sanang boy dito," wika ni Kuya Empi sabay inom ng kape.
Naalala ni Sabrina na parang may narinig siyang usapan nina Gera at Aling Lucing kahapon tungkol sa bagong empleyado na kukunin nito. "Bakit gusto mo siyang makapasok dito?" nagtatakang tanong ni Sabrina. Ngumiti si Kuya Empi na parang isang recruiter na nag-rerecruit ng mga talent at may malaking potensyal.
"Mukhang okay naman 'yon si Tisoy, mas lalo rin siyang popogi kapag nakinig siya sa mga payo ko," wika ni Kuya Empi sabay ngisi. Lingid sa kaalaman ni Sabrina, naisip ni Kuya Empi na mas lalong dadami ang chicks na lalapit sa kaniya kapag may tropa siyang may hitsura rin tulad niya.
Napatingin sila sa hagdan nang marinig ang pagbaba ni Libulan. Suot pa rin nito ang itim na coat, "Tisoy bro!" Tawag ni Kuya Empi na akmang kakamayan ang bagong kaibigan ngunit naunang lumapit si Sabrina.
"Akin na 'yang coat," wika nito. Napatingin si Libulan kay Kuya Empi, gusto niya sanang itanong kung ano ang kahulugan ng coat. Mabuti na lang dahil inakbayan na agad siya ni Kuya Empi na para bang matalik na agad silang magkaibigan.
"Mamaya mo na kunin. May mantsa kasi 'yong damit niya. Mukha siyang natapunan ng spaghetti," wika ni Kuya Empi sabay turo sa damit ni Libulan. Napakunot ang noo ni Sabrina, hindi niya akalaing kakampihan agad ni Kuya Empi ang estrangherong lalaki na para bang matagal na silang magkakilala.
Halatang hindi sanay si Libulan na maakbayan lalo pa't ang mga tao sa paligid niya ay hindi niya kilala. Naunawaan ni Libulan na ang tinutukoy ni Sabrina ay ang suot niyang damit. Tumikhim si Libulan, "Maaari ko bang isuot muna ito hanggang sa sumikat ang araw? Nakasasama sa kalusugan ang malamig na hamog," pakiusap ni Libulan na may halong paliwanag. Bukod doon, nais niya ring humingi ng paumanhin sa pag-aakusa ng kapahangasan kay Sabrina gayong tinulungan siya nito.
"Oo nga, oo nga. Baka sipunin siya," dagdag ni Kuya Empi. Nagpabalik-balik ang tingin ni Sabrina kina Libulan at Kuya Empi na parehong naghihintay ng kaniyang sagot. Nakangisi si Kuya Empi na parang isang palaka, nakatingin lang sa kaniya si Libulan na parang isang batang kawawa.
"Bahala na nga. Basta ibalik mo 'yan mamaya. 'Wag mong dudumihan o sisirain," wika ni Sabrina na parang nangangaral. Napangiti ang dalawang palaka dahil sa magandang balita. Naglakad na si Sabrina pabalik sa kaniyang niluluto. Mabuti na lang dahil mahina ang apoy kung kaya't hindi ito nasunog.
"Let's go friend, papakilala kita kay Rose Marie," ngiti ni Kuya Empi sabay akbay muli kay Libulan at hinila ito papalabas ng tindahan.
Papasikat na ang araw. Marami ng tao sa labas. Abala na rin ang ibang tindahan sa pagbubukas. Napatigil si Libulan nang makita kung gaano kakulay ang paligid. Napaatras siya sa motorsiklo na dumaan at sinundan ito hanggang sa humina ang ingay.
"Pandesaaaaal!" sigaw ng isang manong na animo'y tenor sa isang tanghalan ng musika. Nakasakay ito sa bisikleta habang tinatahak ang maliit na kalye. Naglalakad naman ang ilang nanay kasama ang kanilang mga batang anak na nakasuot ng putting uniporme. May suot din itong mga makukulay na bag.
Hindi makapaniwala si Libulan sa kaniyang mga nakikita. Malayong-malayo ito sa kumukuti-kutitap na liwanag at kulay na natunghayan niya kagabi. "Halika dito, my friend! Ano nga palang pangalan mo?" natauhan si Libulan nang tawagin siya ni Kuya Empi.
"L-Libulan," tulalang sagot niya na tila nawawala sa sarili dahil sa mga natutunghayan.
"Libulan? Pangalan ba 'yon? Medyo mabaho ha," saad ni Kuya Empi at naglakad papalapit kay Libulan na parang isang suaveng lalaki. "Anong gusto mong itawag ko sa 'yo? Bulan? Libuls? Li?" tanong ni Kuya Empi na parang isang eksperto.
"Madalas din akong tinatawag sa palayaw na Bulan," tugon ni Libulan. Napakunot ang noo ni Kuya Empi, "Ang outdated naman ng pangalan mo, hmmm... Tatawagin na lang kitang Li... Li My Tisoy friend!" ngiti nito saka tinaas ang kamay para sa high-five.
"Ano ba ang iyong pangalan, Ginoo?" tanong ni Libulan. Sa hitsura ni Kuya Empi ay nababatid niyang mas matanda ito sa kaniya. Ang bigote at buhok nito ay natutulad sa mga pintor na kilala niya.
Napangisi si Kuya Empi, sa tuwing pinapakilala niya ang sarili ay lagi niyang pinagmamalaki ang kaniyang tanyag na pangalan, "Emperador G. Santos," tugon nito sabay hawak sa kaniyang bigote. "Wag kang mag-alala, ako bahala sa 'yo kay Gera, pinsan ko ang reyna ng patahian na 'to," patuloy ni Kuya Empi sabay turo sa Sastre y Seda.
"Emperador? Ang ngalan na iyon ay tinatawag sa mga hari," wika ni Libulan. Tumango-tango si Kuya Empi. "Oo, isa akong hari, hari ako ng kalsada, at haring maraming chicks," proud nitong saad saka hinila si Libulan papunta sa isang mini truck.
"Ito nga pala si Rose Marie, ang aking love of my life," pakilala nito. Napatingin si Libulan sa mini truck na malinis at makintab dahil lagi itong pinupunasan at alagang-alaga ni Kuya Empi.
"Nasaan si Binibining Rose Marie?" nagtatakang tanong ni Libulan, sumilip pa siya sa bintana sa pag-aakalang nasa loob ang tinutukoy ni Kuya Empi.
"Kaharap mo na si Rose Marie. Ang ganda niya, hindi ba? Chicks na chicks!" Ngiti ni Kuya Empi saka pinunasan nang marahan ang salamin ng truck gamit ang kaniyang palad. "Siya ang aking love of my life... siya ang aking pinakamamahal," patuloy nito saka niyakap ang truck.
Nanatiling nakatingin si Libulan kay Kuya Empi habang niyayakap ang truck. Pilit niya ring inuunawa ang mga salitang sinasabi nito. Napatingin siya sa kaliwa nang marinig ang pagtigil ng tricycle sa tapat ng patahian. Bumaba ang isang ale at batang lalaki.
"Ma, kailangan ko ng fifty para sa group project," wika ng binatilyo.
"Ano? Kakahingi mo lang sa 'kin kahapon para sa group project na 'yan, ha."
"Iba naman 'to ma, dali, mala-late na ko!"
"Susmaryusep. Kakausapin ko na titser mo ha, puro na ambagan sa project," inis na saad ni Aling Lucing sabay kuha ng pera sa wallet at binigay sa anak.
Matapos makuha ang pera, naglakad na agad ang binatilyo nang hindi nagpapaalam sa ina. Nakasuot ito ng puting uniporme at brown na pantalon tulad ng mga nakikita niyang bata kanina. May suot din itong itim na backpack.
"Oh, Good morning, Migo!" Bati ni Kuya Empi sa batang lalaki na walang kibo. Nagpatuloy ito sa paglalakad. "Papakilala pala kita..." hindi na natapos ni Kuya Empi ang sasabihin niya dahil dere-deretsong naglakad si Migo habang nakayuko.
"Wala talagang imik ang batang 'yan," saad ni Kuya Empi saka muling pinunasan ang truck at kinausap niya ito.
Napansin ni Libulan ang pulang papel na tila isang liham na nakarolyo. Nakasabit ito sa backpack ni Migo. Naalala ni Libulan na madalas ginagamit ang mga mensaheng iyon na tinatatakan ng gobernador-heneral.
Dali-daling sinundan ni Libulan si Migo. Hindi siya napansin ni Kuya Empi dahil abala ito sa pagpunas at pakikipag-usap kay Rose Marie. Binilisan ni Libulan ang kaniyang paglakad ngunit mas dumami ang tao. Marami siyang nakakasalubong at marami na ring motorsiklo, tricycle, at bisikleta ang dumadaan sa masikip na kalsada. May mga nakatigil na ring kariton na puno ng iba't ibang paninda sa bawat gilid.
Hindi inalis ni Libulan ang kaniyang paningin sa nakarolyong mensahe. Minsan na niyang nakita iyon sa opisina ng kaniyang ama. Nakita niyang dumaan si Migo sa isang mas masikip na kalye. Ang daan na iyon ay short cut papunta sa paaralan.
Bumagal ang lakad ni Libulan nang makita ang grupo ng mga estudyante sa masikip na eskinita. Pinapalibutan nila si Migo habang sapilitang kinukuha ang pera sa bulsa nito at binubuksan ang bag. Hindi makapalag si Migo, hawak siya ng dalawang kaklase na mas malaki sa kaniya.
"T*ngina! Ang liit naman ng baon mo," wika ng payat at matangkad na binatilyo na lider ng grupo. "Hotdog na naman ulam mo? Sa 'yo na nga 'yan!" Tawa nito sabay hagis sa lupa ng tupperware. Nagkalat sa lupa ang kanin, kinain naman ng mga binatilyo ang tatlong hotdog na baon ni Migo.
"Pumasok ka na, late ka na naman!" Tawa ng mga ito. Pinag-agawan pa nila ang fifty pesos na nakuha kay Migo. Walang imik na dinampot ni Migo ang maruming kanin at nasira niyang baunan. Nagkalat din sa lupa ang mga notebook, ballpen, at ang red cartolina na project niya sa Filipino.
Akmang tatapakan pa sana ng isang estudyante ang cartolina nang makirinig sila ng isang malalim na sigaw, "Lapastangan!" saad ni Libulan na nagsimulang maglakad papalapit habang ang dalawang kamay ay nasa likuran.
Napalingon sa kaniya ang limang binatilyo. Maging si Migo na nakadapa habang pinupulot ang mga gamit ay napalingon sa pagdating ng isang binatang nakasuot ng mahabang coat at sombrero.
"Anong karapatan niyong hamakin ang inyong kapwa estudyante?! Nilapastangan niyo ang kaniyang kagamitan at pagkain. Natunghayan ko ring ninakaw niyo ang kaniyang salapi!" sigaw ni Libulan na hindi kayang mag-pikit ng mata sa kawalan ng hustisya.
Nagkatinginan ang mga estudyante. Hindi nila kilala kung sino ang lalaking nagpapangaral sa kanila. Hindi rin nila masyado maintindihan ang sinasabi nito. "Ang pangyayaring ito ay hindi dapat palagpasin. Sinasamantala niyo ang inyong lakas at dami upang mang-api ng iba. Sino kayo upang sabihing mas nakahihigit kayo sa kaniya?! Sa murang niyo edad na 'yan ay pina-iiral niyo ang masasama niyong mga pag-uugali! Marapat na kayo'y maparusahan ng akademya na inyong kinabibilangan!"
Nasindak ang mga estudyante. Nabitiwan pa ng isa ang hotdog na kaniyang kinakain. "Ano ang inyong mga pangalan?!" Patuloy ni Libulan, napaatras ang mga estudyante. Tinago ng isa ang kaniyang suot na I.D.
"P*tangina! Takbo!" sigaw ng lider na nasindak dahil sa namumulang mga mata ni Libulan. Lingid sa kanilang kaalaman, ang pamumula ng mat anito ay dahil sa puyat, pagod, at gutom.
Nagtakbuhan ang mga estudyante na parang nakakita ng multo. Nadapa pa ang dalawa at nahulog sa mababaw na kanal. Napakurap si Migo sa nangyari. Kailanman ay hindi niya inakala na matatakot ng ganoon ang grupo nina Kenneth na hari-harian sa kanilang paaralan.
Lumuhod si Libulan at tinulungang magligpit ng gamit si Migo. "Ano ang iyong pangalan? Saan mo nakuha ito..." Hindi na natapos ni Libulan ang kaniyang sasabihin dahil nagmamadaling dinampot ni Migo ang kaniyang mga gamit saka kumaripas ng takbo papalayo sa takot na kunin siya ng estrangherong lalaki na namumula ang mata.
Ilang mga balita ang kumakalat na may nangunguha ng bata sa kalakhan ng Maynila. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit hatid-sundo ng mga magulang ang kanilang anak kahit napakalapit lang ng paaralan.
Nagtatakang tiningnan ni Libulan si Migo hanggang sa makalayo ito. Napatingin siya sa hawak niyang papel na siyang dahilan kung bakit niya sinundan ang binatilyo. Hindi malaman ni Libulan kung bakit siya nakaramdam ng kaba. Ang mahawakan ang opisyal na decreto na mula sa gobernador-heneral ay naglalaman ng mahalagang utos mula sa Kaharian ng Espanya.
Maingat na binuklat ni Libulan ang nakarolyong papel. Pinagpapawisan siya dahil sa init at kaba. Nangangamba siya kung ang nilalaman ng utos ay maganda o hindi para sa bayan. Napatigil si Libulan nang mabasa ang nakasulat.
Hayan na si Kaka
Bubuka-bukaka
ORAS ng tanghalian, ilang oras nang pinagmamasdan ni Libulan ang nakasaad sa nakarolyong papel. Nararamdaman niya na isa itong bugtong na may mahalagang mensahe. Sa pag-aaral niya ng panitikan, itinatago sa mga salita ang ilang mensahe na mapanganib o kaya ay maselan pag-usapan.
Sa palagay ni Libulan, si Kaka ay isang mahalagang tao na maraming nalalaman. Maaaring ito ay tao na pinapahanap ng gobernador-heneral. Maaaring tumutukoy din ito sa lugar na naglalaman ng maraming lihim. Maaaring isa rin itong gamit na hindi dapat matuklasan ninuman.
Sandaling ipinikit ni Libulan ang kaniyang mga mata upang mag-isip nang mabuti. Sumasakit na ang kaniyang ulo. Kagabi pa siya nakakaramdam ng hilo. Kumakalam na rin ang kaniyang sikmura. Kasalukuyan siyang nakasilong at nakaupo sa pahabang bangkito ng isang sari-sari store.
Nawala sa pokus si Libulan nang maamoy ang isang napakabangong ulam. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata, nakita niya ang isang karinderia na nasa tapat. Tumayo si Libulan at naglakad papalapit sa kainan. Tiningnan niya ang dalawang construction worker na kumakain ng maraming ulam.
Napakunot ang noo ng dalawang lalaki saka nagtakip ng mukha nang makaramdam ng hiya dahil may nanonood sa kanila habang kumakain. Tumikhim si Libulan, inilagay niya ang dalawang kamay sa kaniyang likuran habang hawak ang pinaniniwalaan niyang napakahalagang mensahe.
Pumasok siya sa loob ng karinderia na ang disenyo ay halos gawa sa kahoy. Pakiramdam ni Libulan ay nasa isang bagong Panciteria siya na nagbukas sa Maynila. "Ser, ano pong inyo?" tanong ng isang ale na abala sa pagpupunas ng mesa.
"Maupo na kayo, Ser!" Ngiti nito saka hinila ang isang silya. Naupo si Libulan tulad ng kung paano sila sinasalubong sa mga kilala niyang kainan. "Ano ang putaheng iyon na nangingibabaw ang samyo sa lahat?" tanong ni Libulan dahilan upang mapaisip ang ale.
"Ano pong samyo, Ser? Hindi po 'to samgyupsal," tugon ng ale na halatang nayamot dahil tila minamaliit ng lalaking kausap ang kanilang tindahan.
"Hindi mo ba naaamoy ang bango ng putaheng iyon? Sa aking palagay, ito ay adobo," wika ni Libulan na pumikit pa upang amuyin ang nilulutong adobo.
Napangiti muli ang ale, "Ah, opo, Ser. Mayroon kaming adobo. Ilang order po ba?"
"Ano pa ang inyong ibang putahe bukod sa adobo?" tanong ni Libulan. Tuwang-tuwa na naglista ang ale habang tumantango-tango si Libulan. Tinatanong din nito ang ibang putahe na ngayon niya lang narinig.
Makalipas ang halos kalahating oras, nakalatag na sa mesa ni Libulan ang apat na kanin, adobo, mechado, kaldereta, sinigang, nilagang baboy, daing na bangus, ginisang sayote, chop seuy, lumpiang toge, leche flan, at dalawang bote ng Coca-cola.
Nasimulang kumain si Libulan, halos hindi niya manguya ang mga pagkain dahil sa pagmamadali. Gutom na gutom na siya. Bukod doon, napansin din niya na kakaiba ang lasa ng mga putahe, mas malasa at matapang ang mga sangkap nito. Lingid sa kaniyang kaalaman, ginamitan ng vetsin at artificial mix ang mga putahe.
Pasado alas-dos na nang maubos ni Libulan ang lahat ng pagkain. Nakasandal siya sa silya habang nakahawak sa kaniyang tiyan. Kaninang umaga pa siya nakakaramdam ng init ngunit hindi niya nais hubarin ang coat dahil may mantsa ng dugo sa kaniyang damit. Ang dumi sa kasuotan ay nangangahulugang hindi maalaga ang isang tao sa sarili.
Napahawak si Libulan sa kaniyang lalamunan nang maramdaman ang hagod ng soda na kaniyang ininom. Tinaas niya ang kaniyang kamay, agad lumapit ang ale sa kaniya, "Maaari mo bang sabihin sa akin kung ano ang inuming ito?"
"Coke po 'yan, Ser. Mas gusto niyo po ba Pepsi?"
"Kakaiba ang inuming ito. Manamis-namis na humahamon sa aking lalamunan," namamanghang saad ni Libulan. Ngumiti at tumango-tango na lang ang ale, wala na siyang maintindihan sa sinasabi ng lalaki, ang mahalaga nakabenta sila ng marami.
Ilang sandali pa, lumapit ang ale dala ang resibo, "Ser, ito na po ang bill niyo?"
"Bill? Maaari mo bang ipaliwanag sa akin ang kahulugan ng bagay na ito?" tanong ni Libulan sabay turo sa resibo.
"Resibo niyo 'yan, Ser. Nakalagay diyan lahat ng babayaran niyo," tugon ng ale. Tiningnan ni Libulan ang resibo. Animo'y nabuhusan siya ng malamig na tubig nang makita ang numerong nakasaad.
"Limang daan at dalawampu't limang piso?!" Gulat na saad ni Libulan na muntik pang mahulog sa silya. "Paanong... labis na napakamahal naman ng inyong mga paninda?!"
Nagtaka ang hitsura ng ale, ka-presyo lang din nila ang mga kalapit na karinderia. "Ser, mura na nga ito kung tutuusin. Ang dami niyo ring kinain," paliwanag ng ale. Tumayo si Libulan, naalala niya ang minsang pinaglaban sa klase dahil sa pagtaas ng mga bilihin. Nanalo siya sa talumpating iyon na naging dahilan upang bantayan ng gobyerno ang labis na pagpapatong ng mga tindero at tindera sa kanilang mga produktong ibinebenta sa pamilihan.
"Paumanhin ngunit hindi katanggap-tanggap ang halagang ito na iyong ipinataw. Ang limang daan at dalawampu't limang piso ay napakalaking halaga. Maaari na itong makabili ng mga lupain sa Norte!"
Nagtaka ang hitsura ng ale, maging ang ilang kusinera ay sumilip sa kanila. Napatigil din ang ilang customer sa pagkain. "Ako'y hindi makapapayag sa ganitong pagmamalabis. Mag-usap tayo sa harap ng kapitan!" Wika ni Libulan na handang ipaglaban ang kawalan ng hustisya na nararanasan ng lipulan.
Napahalukipkip ang ale, "Ah, ganon? Sa presinto ka na magpaliwanag gunggung ka!" wika nito na akmang susugurin at babatukan si Libulan ngunit agad namagitan ang mga kusinera at ilang customer. Nagsisisgaw ang ale, natumba ang silya, at nagkalat ang mga plato. Napalingon na rin ang ilang mga tao na naglalakad sa tabing-kalsada. Maging ang ilang motorsiklo ay napatigil at pinanood ang kaguluhang nangyayari sa loob ng karinderia.
NAKASUBSOB ang mukha ni Sabrina sa mesa habang natutulog sa Library. Makakauwi na sila pagkatapos ng isang subject sa hapon. Katabi niya sa upuan si Kyla na abala sa pag-aayos ng make up nito.
Marahang tinapik ni Kyla ang balikat ni Sabrina nang lumakas ang hilik nito. "Sshh... Girl, 'wag kang humilik dito kung ayaw mong palabasin tayo." Wika ni Kyla habang inaayos ang kaniyang kilay.
Napahawak si Sabrina sa kaniyang ulo saka dahan-dahang naupo. "Wala akong tulog kagabi, ang sakit na tuloy ng ulo ko ngayon," saad nito na namumula ang buong mukha. Madaling mapansin ang pamumula ng mukha ni Sabrina dahil sa maputi nitong kutis na minana niya sa kanilang ina.
"Ano bang pinagkakapuyatan mo? Omg! Ikaw ha, may ka-chat ka 'no?" Ngisi ni Kyla saka sinagi nang marahan ang kaibigan. Muling sinubsob ni Sabrina ang mukha sa mesa, mas gusto na lang niya matulog kaysa tiisin ang pang-aasar ni Kyla.
"Hindi na ba kayo nag-uusap ni Tristan? Nakasalubong ko siya kanina sa canteen, hindi na rin niya ko pinansin," dagdag ni Kyla. Hindi umimik si Sabrina, nanatiling mulat ang kaniyang mata habang nakatingin sa bintana. Alas-tres na ng hapon, pakiramdam niya, biglang bumagal ang oras, gusto na niya umuwi ngayon.
"Anyway, bakit ka nga puyat?" patuloy ni Kyla na mas interesado sa mga bagay-bagay kaysa sa mga inaaral nila.
"Hindi ako nakatulog dahil sa napanaginipan ko." Tulalang saad ni Sabrina.
"Ano bang napanaginipan mo?"
"May isang wierdo na tinulungan ng isa ring weirdo. Pero hindi niya alam kung totoong weirdo ba 'to o mas malala ang pagka-weirdo niya. Baka naman mas weirdo talaga ang tumulong sa kaniya kaya ang gulo-gulo nila ngayon." Pagkukuwento ni Sabrina dahilan upang mapakamot si Kyla sa kaniyang ulo.
"Ang weird naman ng panaginip mo. Ang sakit sa ulo ha," saad ni Kyla.
Humarap si Sabrina sa kaibigan habang nakapatong pa rin ang ulo niya sa mesa. "Naniniwala ka ba sa time-travel?" Naalala niya si Libulan. Bigla na lang itong nawala matapos isama ni Kuya Empi sa labas kaninang umaga. Tatawagin na sana niya ang dalawa para sa almusal ngunit hindi na nila mahagilap kung nasaan si Libulan.
"Time-travel? 'Yong parang sa Back to the Future na movie?"
Tumango-tango si Sabrina, "Oo, kaso in reverse, 'yong tao from the past ang napunta sa future. Naniniwala siya na pinanganak siya ng 1830 at nasa year 1849 ang panahon ngayon,"
Nagtaka ang hitsura ni Kyla, "Ang weird. Ano siya sinaunang tao?"
Tumango-tango si Sabrina, napaupo pa siya at nagsimulang magkuwento, "Kakaiba rin ang pananalita niya, para siyang nasa old movies, hindi rin siya nakakaintindi ng basic English," dagdag ni Sabrina, umaasa na makakakuha siya ng makabuluhang sagot sa kaibigan.
"Anong movie 'yan? Saan ko mapapanood?" tanong ni Kyla habang naglalagay ng blush on. Napabagsak ang balikat ni Sabrina. Napagtanto niya na wala siyang makukuhang matinong sagot sa kaibigan.
"Pagkatapos ng exam, mag-momovie marathon na ulit ako," ngiti ni Kyla sabay tingin sa relo, "Omg! Time na pala. Ma-lalate na tayo!" Agad niligpit ni Kyla ang kaniyang mga make up. Dali-dali ring binalik ni Sabrina ang mga librong nakabuklat sa mesa ngunit hindi naman niya nabasa kahit isa.
Nauna nang tumayo si Kyla. Akmang tatayo na rin si Sabrina nang mag-ring ang kaniyang phone. Bigla siyang nakaramdam ng kaba nang makita ang pamilya na landline ng presinto.
ALAS-SIYETE na ng gabi. Nanatiling nakatayo si Sabrina sa kabilang kalsada habang nakatanaw sa police station kung saan nababatid niyang naroroon na naman ang kakaibang binata. Kaninang hapon niya pa natanggap ang tawag ngunit may quiz sila sa Algebra kung kaya't kailangan niyang tapusin iyon. Bukod doon, nagdadalawang isip siya kung dapat niya pa bang puntahan si Libulan na hanggang ngayon ay misteryoso at mahiwaga ang pagkakakilanlan.
Ilang minuto na siyang nakatayo sa labas. Natagalan din siya sa byahe dahil sa sobrang traffic. Biyernes ngayon, halos nasa labas ang mga tao. Pinagmamasdan ni Sabrina ang maliwanag na police station. Siya muli ang tinawagan nina SPO1 Angeles at SPO2 Garcia sa pag-aakalang kakilala niya si Libulan.
Napahinga nang malalim si Sabrina. Buo na ang kaniyang isip, aaminin na niya sa mga pulis na nagsinunggaling lang siya. Hindi niya nais masangkot sa gulo at madamay ang patahian lalo na si Gera na siyang umaruga sa kanila ni Faye matapos ang aksidente.
Hindi niya lubusang kilala si Libulan. Nangangamba siya na magdulot ito ng gulo at panganib sa kaniyang kinikilalang pamilya ngayon. Bagaman naging komportable agad si Kuya Empi kay Libulan, nababatid ni Sabrina na palakaibigan talaga si Kuya Empi.
Napapikit si Sabrina, sa isip niya, anuman ang mangyari kay Libulan, hindi na siya dapat mag-alala. Hindi na niya ito pananagutan dahil hindi naman niya kaano-ano at hindi niya responsibilidad ang estrangherong iyon.
Akmang tatawid na sana si Sabrina nang biglang lumabo ang kaniyang paningin. Naghalo-halo ang liwanag mula sa mga dumaraang sasakyan at mga ilaw sa poste. Napahawak siya sa kaniyang ulo at napahakbang paatras ngunit nagkamali siya ng tapat dahilan upang siya'y mapaupo sa kalsada.
Sunod-sunod niyang narinig ang malalakas at mahahabang busina na sinabayan ng ilang mga sigaw. Animo'y nanigas ang kaniyang katawan at muling nabalot ng kakaibang lamig nang marinig ang mga bulong at sigaw ng mga kaluluwang humihingi ng tulong. Napatingala siya sa langit kung saan niya nakita ang bilog na hugis ng buwan. Madalas nagpapakita at nagpaparinig sa kaniya ang mga pangitaing iyon sa tuwing sumasapit ang kabilugan ng buwan.
Sinubukan niyang takpan ang kaniyang tainga ngunit palakas nang palakas ang mga boses at panaghoy. Naaninag niya mula sa nagsasama-samang liwanag ang pamilyar na lagusan na kulay itim kung saan tinatangay nito ang ibang mga anino sa dilim na tanging siya lang ang nakakakita.
Isang malakas na busina at liwanag mula sa paparating na truck ang papalapit sa kaniya. Kasabay niyon ay ang pagbalik ng alaala ng mga huling segundo bago mangyari ang aksidenteng muntik nang kumitil sa kanilang buhay.
Napapikit na lamang si Sabrina at napasigaw sa sarili. Sa isang iglap ay tumigil ang malakas na busina at ang truck na paparating. Nanginginig na iminulat ni Sabrina ang kaniyang mga mata habang naliligo siya sa malamig na pawis.
Nang iangat niya ang kaniyang ulo. Nakita niya ang isang binata na nakatayo sa tapat niya habang nakaharap sa papasalubong na truck at nakataas ang kamay. Nakasuot ito ng itim na coat at sombrero habang seryosong nakatingin sa sasakyan nan ais nitong patigilin.
Kasabay niyon ay paghupa ng panaghoy ng mga kaluluwang narirnig niyang bumubulong sa kaniyang tainga. Naglaho rin ang lagusang pinaniniwalaan niyang daan patungo sa kabilang buhay. Muling bumalik sa normal ang kaniyang paningin at pandinig habang nakatayo si Libulan sa gitnang kalsada kasama niya.
Dahan-dahang lumingon si Libulan at muling nagtama ang kanilang mga mata. Sa pagkakataong iyon, hindi maunawaan ni Sabrina kung bakit humupa ang lahat ng nakakatakot na pangitain na kaniyang nararanasan at nanumbalik ang payapang gabi nang dumating ang binatang posibleng nagmula sa nakaraan.
******************
#Duyog
Featured Song: "Sa Panaginip" by MarsMango
https://youtu.be/oXPlzZ-21qg
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top