Kabanata 14: Mga Sariling Hangarin

[Kabanata 14]

"K-Kanina ka pa riyan?" gulat na tanong ni Sabrina sabay lingon sa kaliwa't kanan. Hindi naman natinag si Libulan na nanatiling nakatingin nang seryoso sa kanilang dalawa ni Tristan na tila ba nakagawa sila ng libo-libong kasalanan.

Patuloy ang paglalabasan ng mga estudyante at ang pagtigil ng mga sasakyan sa harap ng kalsada dahil sa matinding traffic. "Sab, una na ko, kita na lang tayo ha," wika ni Tristan saka napatikhim at humawak sa kaniyang kuwelyo nang makaramdam nang pagkailang dahil sa pamatay na tingin ni Libulan. Hindi niya alam kung paano magpapaalam kay Libulan kung kaya't tumango na lang siya.

"S-sige." Ang tanging nasabi ni Sabrina saka muling ibinalik ang tingin kay Libulan na pilit niyang iniiwasang makatitigan. "Dapat nangtext ka, hindi ko alam na pupunta ka..." Hindi na natapos ni Sabrina ang sasabihin niya dahil narinig niya ang boses ni Kuya Empi mula sa malayo.

Nakasakay ito sa mini truck na nakaparada sa gilid habang nakadungaw ang ulo sa bintana. "Hello? Puwedeng pakibilisan? Maaabutan na tayo ng traffic oh. Baka gusto niyong palitan ako mag-drive." Sarkastikong saad ni Kuya Empi habang hawak ang phone at kausap ang kaniyang girlfriend.

Tanging si Kuya Empi lang ang nagsasalita habang tahimik sina Sabrina at Libulan. Nakaupo sa gitna si Sabrina at deretso ang tingin sa daan na animo'y siya ang nagmamaneho ng sasakyan.

"Ikaw ang pinakamagandang babae na nakilala ko. Walang tatalo at hindi magbabago 'yon," ngiti ni Kuya Empi sa kausap sa videocall. "Bakit? Gusto mo na ba magpakasal? Sabihin mo lang kung ready ka na. Ako kasi handang-handa na. Hindi mo pa ko nirereplayan noon, alam ko na ikaw na ang magiging misis ko at nanay ng mga anak ko."

Napahawak sa lalamunan si Sabrina, kanina pa siya naiirita sa palitan ng pick-up line ni Kuya Empi at ng kasintahan nito. Samantala, wala namang imik si Libulan at seryoso ang mukhang nakatulala sa bintana.

"Saan mo ba gustong tumira? May sarili akong kuwarto dito sa trabaho ko. Gusto mo rin ba rito? Wala man akong mansyon o magarang kotse, ang tanging mapapangako ko sa 'yo ay loyal ako. Tapat ako na ikaw lang ang mamahalin ko habambuhay. Hindi tulad ng iba diyan na sasaktan ka lang. Maghahanap agad ng kapalit kapag nagsawa na."

Napatingin si Libulan kay Kuya Empi dahil sa sinabi nito. Nang tumingin sa kaniya si Sabrina ay muling bumalik ang pagkakunot ng kaniyang kilay. "Bubusugin kita ng pag-ibig kahit wala akong mapapakain sa 'yo. Kahit pa tuyo at asin ang pagsasaluhan natin sa mesa, walang problema sa 'kin basta ikaw ang kasama ko. Kahit pa sa kalsada tayo matulog, walang problema basta ikaw ang katabi ko. Kahit pa saan tayo dalhin, okay lang 'yon basta ikaw ang misis ko."

Nagulat sila nang tumili sa sobrang kilig at tuwa ang girlfriend ni kuya Empi. "Babe. Babe. Relax lang. Ako lang 'to. Ako lang 'to na nagmamahal sa 'yo nang totoo," hirit muli ni Kuya Empi dahilan upang mapatili muli ang babae.

Napapikit na lang si Sabrina saka binuksan ang radyo. Stupid Love by Salbakuta ang kasalukuyang tumutugtog na musika.

"Bye. Baby loves, sweetie pie, honeybunch." Paalam ni Kuya Empi na tumagal pa ng ilang minuto dahil paulit-ulit sila sa pagpapaalam sa isa't isa. "Ikaw na ang mag-end ng call, babe." Ngisi ni Kuya Empi, makailang ulit ding napapahagikhik ang kaniyang kasintahan at sinasabing siya na ang tumapos sa call.

Pinatay na ni Kuya Empi ang call ngunit hindi pa rin mawala ang ngiti sa kaniyang labi. Nagpatuloy ang musika at ang hindi umuusad na traffic. "Sab, 'yong lalaking kasama mo kanina, 'yon ba 'yong Tristan?" tanong ni Kuya Empi. Tumango si Sabrina bilang sagot. Sinasama niya dati sina Tristan at Kyla sa patahian pagkatapos ng klase.

"Hindi ka na ba niya nililigawan? Ano bang nangyari sa inyo? Matagal ko na siyang hindi nakita ha," patuloy ni Kuya Empi. Mabilis na napasulyap si Sabrina kay Libulan na nanatiling nakatingin sa bintana. Hindi niya inaasahan na ibabalik ni Kuya Empi ang nakaraan. Noong niligawan siya ni Tristan, hinahatid at sinusundo siya nito halos araw-araw na natutunghayan ni kuya Empi.

"Ah. Magkaibigan na lang kami. Sa tingin ko, mas okay 'yon." Tugon ni Sabrina na nakaramdam ng pagkailang. Tumawa si Kuya Empi, "Di ako naniniwala. Iba tingin niya sa 'yo kanina. Mukhang gusto ka pa rin niya e," Pang-asar ni kuya Empi saka sinagi nang marahan si Sabrina. Wala namang kibo si Libulan na tila walang naririnig sa paligid. "Buti may nagkakagusto pa sa 'yo." Tumawa si Kuya Empi nang malakas dahilan upang masapawan niya ang tunog ng musika.

"Ikaw naman, Li. Kumusta kayo ni Ms. Ana? Tinetext mo ba siya?" wika ni Kuya Empi, napatingin si Libulan kay Kuya Empi, bakas sa mukha niya na hindi niya naunawaan ang huling sinabi nito. "Dapat kasi matuto ka nang magtext. Kung hindi dahil sa 'kin, 'di kayo magkikita noong..." napatigil si Kuya Empi nang mapagtanto niya na siya mismo ang naglaglag sa sarili.

Naalala ni Sabrina ang sinabi ni Libulan tungkol sa hindi nito pagsipot noong dapat na magkiita sila. Ipinagtapat ni Libulan na si Kuya Empi ang nagpadala ng mensahe kay Ana. "Ah. Basta. Sinimulan ko lang. Ikaw na ang magpatuloy at tumapos. Mukhang may gusto rin sa 'yo si Ms. Reporter," ngisi ni Kuya Empi. Hindi niya napansin ang pagsingkit ng mga mata ni Sabrina nang malinawan na siya sa pangyayaring iyon na naging dahilan kung bakit nagtampo siya kay Libulan.

Alas-siyete na nang gabi nang makarating sila sa patahian. Hindi na nag-intindi si Kuya Empi sa pagkain, dali-dali siyang umakyat sa kuwarto upang matawagan muli ang kaniyang kasintahan. Naabutan nila sina Aling Lucy at Migo na kumakain ng hapunan. Agad ding umakyat si Migo nang makita si Libulan sa takot na isumbong siya nito sa harap ng kaniyang nanay.

"Kumain na ba kayo? Pasensiya na bumili lang din ako ng ulam. Tumatawag ako kay Empi, hindi naman sumasagot. Wala nang natirang ulam." Wika ni Aling Lucy na nagsaing muli.

"Okay lang po, Aling Lucy. Bibili na lang po kami." Wika ni Sabrina. Ibinaba na niya ang gamit sa tabi saka kinuha ang kaniyang wallet. Nauna na siyang lumabas, dali-daling sumunod si Libulan. Binagalan ni Sabrina ang kaniyang paglalakad nang maramdaman na nakasunod si Libulan. Ang totoo, gusto sana niya itong ayain na sabay silang bumili sa labas ngunit hindi niya maunawaan kung bakit naunahan siya ng hiya kung kaya't lumabas na lang siya.

Nagkasabay na sila sa paglalakad ngunit pareho nilang hindi mabasag ang katahimikang bumabalot sa kanilang dalawa kahit pa kabi-kabila ang ingay sa kalye na kanilang nilalakaran. Naglabasan na ang mga nag-iinuman at kumakanta sa karaoke. Patuloy ang pagdaan ng mga motorsiklo at bisikleta na panay ang busina sa mga kabataang naglalakad sa gitna.

Napatingin si Sabrina kay Libulan na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita. Tumikhim siya, "Yung reporter na tinutukoy ni Kuya Empi, siya ba 'yong nasa PMC News TV?" tanong ni Sabrina. Lumipas ang ilang segundo bago tumango si Libulan bilang tugon.

"Hindi ko pa siya nakikita. Mas maganda siguro siya sa personal." Patuloy ni Sabrina. Hindi umimik si Libulan na tila hindi siya narinig nito. Ilang sandali pa, narating na nila ang pamilyar na karinderya.

Unang napatigil si Libulan sa paglalakad nang makita ang ale na nag-aasikaso sa mga customer, "Wala nang ibang malapit na kainan dito, ayoko na maglakad pa nang malayo." Saad ni Sabrina na naunang pumasok sa karinderya. Napahawak na lamang sa kuwelyo si Libulan saka taas-noong sumunod na tila ba malinis ang kaniyang hangarin at wala na ang bahid ng away nila ng ale noon.

"Ano pa pong ulam meron kayo?" tanong ni Sabrina habang isa-isang inaalis ang takip ng mga ulam.

"Hello, ganda. Heto may tortang talong pa kami..." nawala ang ngiti ng ale nang makita si Libulan na nakatayo sa likod ni Sabrina. "Mukhang may totortahin ulit ako ngayon," patuloy ng ale na napasingkit pa ang mga mata sa presensiya ni Libulan.

Magsasalita na sana si Sabrina upang mamagitan sa kanila ngunit naunang humakbang papalapit si Libulan at nagbigay-galang, "Ako'y humihingi muli ng paumanhin sa 'yo, Ginang. Nais ko sanang kalimutan na natin ang ating naging hidwaan at hindi pagkakaunawaan noong nakaraan. Ako'y nanindigan nang hindi inuunawa ang kaibahan ng panahong inyong kinabibilangan. Nawa'y huwag niyo sanang dibdibin ang aking mga binitiwang salita noon. Lubos ko nang nauunawaan ang labis na presyo ng inyong panindang putahe," panimula ni Libulan.

Nagtaka ang hitsura ng ale, maging ang ilang tindera. "Ano raw? Mahal daw ang presyo ng ulam natin?" nagsimulang magbulung-bulungan ang mga tindera dahil sa haba ng sinabi ni Libulan ay ang huling sinabi lang nito ang naintindihan nila.

Itinaas ni Sabrina ang kaniyang kamay upang mamagitan, "Ah. Ang ibig niya pong sabihin, naiintindihan na niya kung bakit mahal na ang bilihin ngayon." Paliwanag ni Sabrina dahilan upang kumalma ang mga tindera.

Napatikhim naman ang ale, "O'siya, mukhang nasarapan ka naman sa mga ulam namin. Ang dami mo ngang nakain e. Anong gusto niyong ulam?"

Napangiti si Libulan dahil ngumiti nang kaunti ang ale, agad niyang tinuro ang mga ulam na gusto niya. Sinasagi siya ni Sabrina dahil dalawang ulam lang dapat ang bibilhin nila. "Sige na. Pumili na kayo. Libre ko na 'to sa inyo. Mukhang gutom na si Tisoy." Wika ng ale na napangiti muli dahil sa hitsura ni Libulan na mukhang batang natuwa nang pansinin muli ng ina.

Makailang-ulit nagbigay-galang si Libulan bago sila lumabas sa karinderya. "Baka gabihin pa kayo. Pumunta lang kayo rito kapag wala kayong ulam, ako na bahala." Ngiti ng ale na mukhang masungit lang sa umpisa. Maging si Sabrina ay nahawa sa pagbibigay-galang ni Libulan.

Naglakad na sila pabalik. Nakangiting itinaas ni Libulan ang limang ulam na binigay sa kanila ng ale. Napagtanto ni Sabrina na pagkain talaga ang sagot sa taong nakabusangot. "Hindi pa rin nawawala ang pagiging mapagbigay ng mga mamamayan. Madalas, kung sino pa ang nangangailangan, sila pa ang mas mapagbigay." Wika ni Libulan saka napatingala sa langit. Isa sa mga dahilan kung bakit malapit ang puso niya sa mga manggagawa ng kanilang tahanan at mga dukha ay dahil mas ramdam niya na totoo ang mga ito at masikap sa buhay. Hindi tulad ng kaniyang ama at ilang opisyal na nalulugmok sa korapsyon mapalago lang ang kanilang mga kayamanan.

"Kung sino pa ang mga ninanakawan, sila pa ang mas marunong magpaubaya at mabigay kahit pa katiting lang ang mayroon sila," patuloy ni Libulan saka inilagay ang kaniyang dalawang kamay sa likuran.

Napangiti nang lihim si Sabrina, sa panahon ngayon, bihira lang ang taong nagmamalasakit sa iba. Naalala niya ang tiyahin na kahit kadugo nila ay hindi nila naramdaman ang pag-aaruga at pagmamalasakit. Nagawa pa sila nitong alipinin nang mamatay ang kanilang ina.

"Siya nga pala, anong oras ang tapos ng inyong klase bukas?" tanong ni Libulan.

"Maaga ako uuwi, mga alas-tres. May pupuntahan ako." Tugon ni Sabrina. Tumango si Libulan at sandaling natahimik. Naglalakad sila sa tabing-kalsada habang patuloy ang pagdaan ng mga motorsiklo at mga tao sa gitna. Nababalot na rin ng usok ang paligid dahil sa mga barbeque stand na nasa tabi.

"Gusto mo ba sumama bukas?" tanong ni Sabrina nang maramdaman na tila may gusto pang sabihin si Libulan. Bukod doon, gusto rin niya matuloy ang naudlot nilang pagkikita noong isang araw.

Ngumiti si Libulan dahilan upang lumalim ang biloy sa kaniyang pisngi. "Ikinalulugod kong samahan ka bukas." Ngiti nito pabalik dahilan upang mapaiwas ng tingin si Sabrina nang maramdaman ang pamumula ng kaniyang pisngi.

"Ang dami mo namang sinabi," kunwaring inis na saad ni Sabrina para mauna siyang maglakad. Hindi niya maunawaan ang pag-init ng kaniyang mukha. Dali-dali siyang naglakad dahilan upang bilisan din ni Libulan ang kaniyang paglalakad at patuloy na magtanong kung saan sila pupunta bukas.


ALA-UNA pa lang ng hapon ay nasa labas na ng Unibersidad si Libulan. Nakatayo siya sa tapat ng gate suot ang puting t-shirt sa loob na pinatungan ng light blue polo. Suot niya rin ang puting pantalon na nabili nila sa ukay at ang rubber shoes na maayos pa rin kahit nakailang laba na siya.

Makailang ulit din niyang inayos ang kaniyang buhok gaya nang kung paano siya inayusan ni Kuya Empi noon. Hindi namalayan ni Libulan ang paglipas ng oras, ni hindi rin siya nakaramdam ng ngalay sa loob ng dalawang oras na pagtayo sa labas.

Alas-tres nang masumpungan niya si Sabrina na mag-isang naglalakad papalabas habang abala sa pagtipa sa phone. Ilang sandali pa, tumunog ang phone ni Libulan, napangiti siya nang makita ang pangalan ni Sabrina.

Nagawa niyang sagutin ang tawag gaya ng turo nito. "Papalabas na ako. Nasaan ka?" tanong ni Sabrina saka iniangat ang ulo at inilibot ang mga mata sa paligid.

"Ako'y narito." Tugon ni Libulan sabay kaway mula sa labas. Naunang ngumiti si Libulan habang nakatapat ang phone sa tainga. Napalunok si Sabrina saka ngumiti. Hindi niya maunawaan kung saan nanggagaling ang kaba na muli na naman niyang naramdaman.

Ibinaba na ni Sabrina ang tawag saka lumapit kay Libulan na nakangiti pa rin. "Ako'y hindi na pinaalis ng mga guardia rito. Marahil ay kilala na nila ako," panimula ni Libulan na tila proud pa dahil hindi na siya inaaresto at dinadala sa presinto.

"G-ganon ba," wika ni Sabrina sabay tapik sa kaniyang puso dahil hindi niya maunawaan kung bakit lagi na siyang inuutal sa harap ni Libulan. "Halika na," patuloy niya saka agad pumara ng jeep.

Maluwag ang jeep ngunit umupo si Libulan sa tabi niya na tila ba hindi sila maaaring maghiwalay. Magbabayad na sana siya ngunit naunang inabot ni Libulan ang bayad para sa kanilang dalawa.

"A-ako na," giit ni Sabrina ngunit huli na dahil nasuklian na si Libulan.

"Huwag mo nang intindihin iyon. Ako na ang bahala. Hindi ba't ako'y babawi pa sa lahat ng iyong tulong sa akin?" ngiti ng binata dahilan upang mapaiwas muli siya ng tingin.

"Oo nga pala. Marami kang utang sa 'kin," saad ni Sabrina upang maiwasan ang pagiging awkward ng sitwasyon.

Hindi nagtagal ay narating na nila ang isang ekslusibong sementeryo. Malawak at malinis ang lupain. Bumili muna sila ng bulaklak at kandila sa labas bago magpatuloy sa loob. Pinagmasdan ni Libulan si Sabrina na tahimik lang mula nang makarating sila roon.

Naalala niya na minsan nang nabanggit ni Sabrina na matagal nang namayapa ang kanilang ina. Naglakad sila sa ilalim ng makulimlim na langit at mahanging paligid. Nang marating nila ang puntod ay marahang inilapag ni Sabrina ang bulaklak at sinindihan ang kandila.

Caroline Luz G. Lacamiento

Ipinikit ni Sabrina ang kaniyang mga mata at nagsimulang magdasal nang taimtim at kinausap ang kaniyang ina. Ipinikit din ni Libulan ang kaniyang mga mata at nagdasal. Patuloy ang pag-ihip nang marahang hangin na tila tumutugon sa kanilang panalangin.

"Happy Birthday, Mommy." Wika ni Sabrina sabay ngiti matapos siyang magdasal. "Kaarawan ng aking ina ngayon." Patuloy ni Sabrina sabay tingin kay Libulan. Nagbigay-galang si Libulan sa harap ng puntod, "Maligayang kaarawan po," bati ni Libulan dahilan upang mapangiti si Sabrina dahil sa pagiging pormal nito.

Naunang umupo sa damuhan si Sabrina. "Wag ka mag-alala, malinis dito," wika niya kay Libulan sabay tapik sa damuhan. Sandaling naghari ang katahimikan habang nakaupo sila sa tapat ng puntod. Marahang pinunasan ni Sabrina ang pangalan ng kaniyang ina at inayos ang bulaklak na regalo nila ng kaniyang kapatid.

"Ano kayang hitsura ni Mommy kung nabubuhay pa siya ngayon? Siguro wala siyang pinagbago. Nakikita ko pa rin ang mga ngiti niya sa panaginip ko," panimula ni Sabrina habang marahang sinasayaw ng hangin ang kaniyang maikling buhok.

Nanatiling nakatitig si Libulan kay Sabrina. Para sa kaniya, ang mga mat anito ang pinakamaganda sa lahat. Ang mga matang masaya, nag-aalala, malungkot, gulat, inis, at galit ay pare-parehong kay rikit.

"Hindi ko na masyado maalala ang hitsura niya. Matagal na rin kasi, wala rin kaming masyado picture." Saad ni Sabrina saka sinubukang ngumiti. "Iyong tatay ko, palagi siyang wala. Hindi ko rin alam kung bakit hindi sila nahilig mag-picture noon," patuloy ni Sabrina bitbit ang panghihinayang na sana ay mas marami siyang mababalikang mga litrato ngayon.

Naalala ni Libulan ang ama ni Sabrina na kahawig ni Maestro Santiago. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na muling makikita sa modernong panahon sina Maestro Santiago at Elena.

"Maaari ba akong magtanong?" panimula ni Libulan. Tumango si Sabrina bilang tugon.

"Ang iyong ama. Ano ang kaniyang pinagkakaabalahan? At ano ang sadya niya noong isang gabi?"

"Hindi ko alam kung anong trabaho niya ngayon. Pero ang huli kong nabalitaan, nagtatrabaho siya sa malaking company bilang writer---manunulat, nagdidirek din siya ng mga palabas sa TV at pelikula."

Napatango si Libulan sa sarili. Naalala niya na mahusay din si Maestro Santiago sa larangan ng literatura. Ito ang naging guro niya sa agham at literatura at siyang naghikayat sa kaniya na pagyabungin ang talento sa pagsusulat.

"Siya ba'y may anak na babae na maaaring kasing edad niyo?" tanong ni Libulan. Naalala niya si Ana na malaki rin ang pagkakahawig kay Elena, wala pa siyang masyadong ideya sa buhay ni Ana at kung nasaan ang pamilya nito. Nabanggit ni Sabrina na may kapatid siyang babae ngunit nagtatrabaho ito sa ibang bansa ngayon.

"Hindi ko alam kung may nauna pa siyang pamilya. Pero may anak din siyang babae ngayon sa bago niyang pamilya. Sa palagay ko nasa edad pitong taong gulang pa lang 'yong anak niya. Isang beses ko palang nakita si Aurora."

Tumingin si Sabrina kay Libulan na taimtim na nakikinig sa kaniya. Napakagat siya sa labi saka nagpatuloy sa pagsasalita, "Kagabi. Alam ko kung bakit niya ako gustong makausap. May sakit si Aurora. Leukemia. Magkapareho kami ng blood type. AB negative." Wika ni Sabrina saka napayuko. Hindi na niya alam ang sasabihin niya. Sa totoo lang, wala na siyang pakialam sa ama niya at sa bago nitong pamilya. Hangga't maaari ayaw niyang makita sila.

"Nakokonsensiya ako. Hindi ko alam pero siguro karma na ito ng tatay ko sa lahat ng nagawa niyang kasalanan. Pero sa tingin ko, hindi dapat ang anak niya ang magbabayad ng lahat at mahihirapan nang ganito." Nanatiling nakayuko si Sabrina kasabay ng panunumbalik ng lahat ng alaala mula sa kaniyang pagkabata.

"Iyong inaakala mong walang katapusang saya, sa isang iglap, sa hindi inaasahang pangyayari ay biglang maglalaho pala ang lahat." Napayuko si Sabrina habang inaalala ang lahat. Ang mga araw kung saan buo pa ang kanilang pamilya. Ang araw kung saan una nilang nalaman na wala na ang kanilang ina. At ang mga araw na nagdaan kung paano nila hinarap ang unti-unting pagkakawatak nila ng kaniyang ama.

"Iyon palagi ang kinatatakutan ko. Pakiramdam ko, kapag masaya ako ngayon, bukas hindi na. Na palaging panandalian lang ang lahat. Natatakot akong sumaya." Patuloy ni Sabrina saka tumingin nang deretso sa mga mata ni Libulan.

Napahinga nang malalim si Sabrina saka tumingala sa langit, "Kahit gano'n, marami pa rin namang nangyayaring maganda sa buhay ko. Kahit papaano, nandiyan si ate, sina tita Gera, Aling Lucy, Migo, Kuya Empi, Kyla... at ikaw," patuloy ni Sabrina na nagawa na ring ngumiti muli.

Ngumiti si Libulan pabalik. Kung nalalaman lang ni Sabrina kung gaano rin siya kasaya at nagpapasalamat dahil nagkakilala sila. Ngayon niya lang naramdaman ang tunay na pagmamalasakit sa kaniya nina Sabrina, kuya Empi, Tita Gera, at Aling Lucy. Hindi niya naramdaman na iba ang pakikiharap ng mga ito sa kaniya dahil isa siyang Dela Torre. Pinakitunguhan siya ng mga ito ng walang ibang motibo.

Sumakay sila sa LRT pauwi. Kahit mas mapapalayo sila ay nais iparanas ni Sabrina kay Libulan ang pagsakay sa tren. Halos lumuwa ang mga mata ni Libulan nang makita kung gaano kahaba at karami ang mga nakakasakay sa tren. Nagkataon din na inabutan sila ng rush hour, alas-sais na ng gabi, kung kaya't maraming pasahero.

Natatawa na lang si Sabrina dahil sa hitsura ni Libulan lalo na sa mga taong halos kadikit na nito. Maging ang mabilis nitong byahe ay nagpamangha sa bintana. Halos magliwanag din ang mga mata nito habang nakatanaw sa bintana at pinagmamasdan ang mga ilaw sa mga nagtataasang building at condominium, malalaking tulay at mga kalsadang puno ng mga sasakyan.

Nang makababa sila sa station ay binilhan ni Sabrina ng French fries at gulaman si Libulan bilang pambawi dahil sa gulat na hitsura nito. Sumakay na sila ng jeep pauwi. Napansin ni Sabrina na kumalma na ang hitsura ni Libulan nang makakain at dahil pamilyar na rin ang lugar na kanilang dinaraanan.

"Dapat pala siguro dalhin kita sa amusement park," ngiti ni Sabrina saka kumuha sa fries na kinakain ni Libulan. Nakababa na sila ng jeep at naglalakad papunta sa Sastre y Seda. "Nawa'y walang nakahihilong byahe roon," wika ni Libulan na napahawak muli sa kaniyang ulo dahilan upang mas lalong matawa si Sabrina.

"Sa birthday ko, doon tayo mag-celebrate nila Kuya Empi," ngiti ni Sabrina.

"Kailan ang iyong kaarawan?" tanong ni Libulan na nagawang humarap kay Sabrina habang sila ay naglalakad.

Napaisip si Sabrina kung anong tagalog ng kaarawan niya, "Ika-11 ng Marso," tugon niya sabay ngiti. Kahit papaano ay natutuwa na siya ngayong makipag-usap kay Libulan dahil sa pagsasalita nito ng purong tagalog.

Napangiti si Libulan sabay ulit ng kaarawan ni Sabrina, "Ika-11 ng Marso. Aking tatandaan ang ating pagdiriwang."

Napatigil sila sa pag-uusap nang marinig ang boses ni Kuya Empi, tumatakbo na ito papalapit upang salubungin sila, "Li! Bakit hindi mo sinasagot tawag ko? Kanina pa naghihintay sa 'yo si Ms. Reporter!" wika ni Kuya Empi sabay turo sa sasakyan na nakatigil sa harap ng Sastre y Seda.

"Nasa loob siya kausap sina Gera at Aling Lucy. Saan ba kayo galing?" patuloy ni Kuya Empi saka napansin ang French fries na hawak ni Libulan. "Wow, fries! Bakit wala ako?" dagdag nito sabay kuha ng fries at halos siya na ang umubos ng pagkain ni Libulan.

Napatingin si Sabrina kay Libulan na ngayon ay deretsong naglakad papasok sa loob. Marami siyang katanungan. Marami siyang hinuha. Marami siyang nais malaman tungkol sa katauhan ng babaeng nahahawig kay Elena.

Naabutan nilang magkausap sa receiving area ng patahian sina Ana, Gera, at Aling Lucy. Hawak ni Ana ang poster ni Libulan na pinakita ni Gera. "Oh, nandito na ang modelo natin," ngiti ni Gera na animo'y proud sa ganda ng resulta ng pagmomodelo ni Libulan sa business ng kaniyang kaibigan.

"Ikaw ba talaga 'to, Li? Mas gwapo ka naman sa personal," ngiti ni Ana saka pinakita ang hawak niyang poster. Nakasuot ng puting coat at pantalon si Libulan bilang isang groom sa photoshoot.

Magkasunod na pumasok sina Sabrina at Kuya Empi. "Hello, Ms. Reporter!" bati ni Kuya Empi na tila ba matagal na silang magkaibigan ni Ana. Napangiti si Ana dahil sa mainit na pagtanggap ng mga kakilala ni Libulan.

"Kumusta, Kuya Empi? Sana sa susunod makita rin kita sa ganitong poster," biro ni Ana dahilan upang matawa nang malakas si Kuya Empi. "Abangan mo ang photoshoot ko sa alak," tawa nito dahilan upang matawa ang lahat maliban kay Sabrina na nanatiling nakatayo sa tabi ng pintuan.

Magsasalita sana si Libulan ngunit nauna na si Gera, "Siya nga pala, si Sabrina ang pamangkin ko, siya ang in-charge sa ayos dito sa patahian. Magaling din siyang mananahi at nag-aaral ng pagka-teacher," ngiti ni Gera na animo'y binibida ang kaniyang anak.

Nagkatinginan sina Ana at Sabrina, naunang ngumiti si Ana saka inabot ang kaniyang kamay, "Nice to meet you, Sabrina. Tawagin mo na lang din akong Ana. Napansin ko nga na ang ganda ng sofa niyo rito at itong kurtina. I like your taste." wika ni Ana sabay turo sa kurtina na maraming crystal beads.

"Salamat," ang tanging nasabi ni Sabrina na tipid ngumiti. Ang totoo, nakaramdam siya ng pagkailang at pagkamangha dahil mas maganda pala si Ana sa personal kumpara sa TV. Maganda rin ang postura nito suot ang corporate attire at mataas na heels. Kung pagtatabihin sila ni Libulan, para silang modelo na agaw-pansin.

"O'siya, iwan muna namin kayo ha. Sabihin mo lang Ms. Ana kung gusto mo ng drinks o makakain," bilin ni Gera sabay senyas sa iba pang mga kasama na bumalik na sila sa patahian at hayaang mag-usap sina Libulan at Ana.

Napatingin si Libulan kay Sabrina na deretsong umakyat sa ikalawang palapag. Si Kuya Empi naman ay dumeretso sa kusina habang kinakain ang fries at kinukulit sina Aling Lucy at Gera. Natauhan si Libulan nang marinig ang boses ni Ana, "Li, sorry unexpected ang pagpunta ko. I tried to call you kaso hindi mo nasasagot. Ang sabi ni Kuya Empi, sira raw phone mo." Wika ni Ana na muling naupo sa sofa. Inilapag niya sa gilid ang poster.

"Mawalang-galang na ngunit maaari ko bang malaman ang iyong sadya?" deretsong tanong ni Libulan. Hindi naman malaman ni Ana kung matatawa ba siya o ma-ooffend sa sinabi ni Libulan.

"Gusto ko sanang ibalik 'to sa 'yo. Naiwan mo sa office last time," saad ni Ana sabay kuha sa kaniyang bag ng ID ni Libulan na puno ng butterfly at flowers design.

"Salamat," tugon ni Libulan saka napangiti habang nakatitig sa ID na gawa ni Sabrina para sa kaniya.

"Mayroon din pala akong documentary project tungkol sa isang lumang bahay at pamilya sa Intramuros..." napatigil si Ana nang biglang tumingin sa kaniya si Libulan na tila nakuha niya ang interes nito. Naalala ni Ana na doon sila unang nagkita ni Libulan. Nasa labas si Libulan ng lumang bahay na tila matagal nang nagmamatiyag doon.

"Ang tinutukoy mo ba ay ang tahanan ng matandang babae na ang apelyido ay Santiago?" seryosong tanong ni Libulan. Ramdam ni Ana mula sa mga mata nito na marami itong nais malaman tungkol sa pamilya ng matandang babae.

Tumango si Ana, "Oo. Ipapalabas na namin next week ang documentary film. Gusto mo bang mapanood bago namin ipalabas iyon?" tanong ni Ana sa pag-asang makakakuha pa ng mas importanteng detalye tungkol sa koneksyon ng lumang bahay at ni Libulan dahil kapangalan nito ang nabanggit sa lumang journal ng dating may-ari ng bahay. Bukod doon, nais niya pang tuklasin ang misteryo kung paano biglang gumaling at nakatakas sa ospital si Libulan na nasagasaan at sinasabing malubha ang tama.

"Kailan ko maaaring makita ang iyong tinutukoy na palabas?" tanong ni Libulan. Napangiti nang lihim si Ana dahil nakuha niya ang kuryosidad ni Libulan.

"Puwede ka ba bukas? Pumunta ka lang sa opisina namin," wika ni Ana. Tumango si Libulan bilang pagsang-ayon. Narating na niya ang opisina ni Ana. At gagawin niya ang lahat upang malaman kung anong nangyari sa pamilya Dela Torre na tila nabura sa kasaysayan.


ARAW ng Sabado. Ilang minuto nang nakatayo si Sabrina sa tapat ng pinto ng kuwarto nina Libulan at Kuya Empi. Nakabihis na rin siya at ngayon ay nagbabaka-sakali kung gustong sumama ni Libulan sa theater play na pagbibidahan ni Tristan.

Light yellow dress na tinernuhan ng white cardigan at shoes ang suot ni Sabrina. Wala rin siyang kasama dahil nagtext si Kyla na hindi siya matutuloy. Sayang din ang ticket kung kaya't nais niyang ayain si Libulan.

Napahinga nang malalim si Sabrina habang kinakausap ang sarili, "Wala namang malisya. Manonood lang naman kami ng play. Normal lang naman 'yon." Wika ni Sabrina sa sarili habang hindi mapakali. Napapikit na siya saka mabilis na kumatok sa pinto.

Inulit niya ang pagkatok hanggang sa bumukas ito, "Oh, bakit Sab?" tanong ni Kuya Empi na mukhang kagigising lang dahil napuyat ito habang ka-videocall ang kasintahan.

"Si Libulan?" tanong ni Sabrina na tila may iuutos lang sa kanila.

"Umalis na kanina. Pupunta raw kay Ms. Ana." Tugon ni Kuya Empi sabay hikab. "Hayaan mo muna siya manligaw. Mamaya na 'yang iuutos mo pag-uwi niya." patuloy ni Kuya Empi na akmang isasarado ang pinto ngunit napansin niya na mukhang aalis si Sabrina dahil sa bihis nito.

"Oh, saan ka pupunta? May pasok ba kayo?"

"May lakad lang kami ni Kyla." Tulalang saad ni Sabrina. Hindi niya alam kung bakit tila may kirot sa puso siyang naramdaman nang malaman na pinuntahan pa ni Libulan si Ana. "O'siya, ingat kayo." Paalam ni Kuya Empi na napahikab muli at isinarado na ang pinto.

Alas-singko ng hapon nang marating ni Sabrina ang theater room. Marami na ring nakapila sa labas. Sinubukan niyang kulitin muli si Kyla ngunit may importanteng lakad ito. Napasandal na lang siya sa pader at tulalang pinagmasdan ang hallway na puno rin ng mga nakapilang manonood.

Ilang sandali pa, nakatanggap siya ng text mula kay Tristan.

Sab, may pina-reserve akong seat para sa inyo ni Kyla, sabihin niyo lang na guest ko kayo.

Napahinga nang malalim si Sabrina nang maalala si Libulan. Ni hindi man lang ito nagpaalam o nagsabi sa kaniya. Napailing si Sabrina sa sarili, "Bakit niya kailangan magpaalam sa 'kin?" inis niyang wika saka napasandal sa pader.

Ilang sandali pa, pinapasok na silang lahat sa loob. Nakaupo sa gitna malapit sa harap ng entablado si Sabrina. Mas maganda ang set-up ngayon kumpara noong dinala siya ni Tristan sa theater room. Naalala ni Sabrina na may mga nababanggit noon si Libulan tungkol sa dula, sigurado siyang magugustuhan ni Libulan makapanood muli ng dula ngayon. Napailing si Sabrina nang muli na namang sumagi sa isipan niya si Libulan.

Mabuti na lamang dahil namatay na ang lahat ng ilaw dahil magsisimula na ang palabas. Isang malakas na huni ng uwak ang umalingawngaw sa paligid habang dahan-dahang naghihiwalay ang pulang kurtina sa entablado.

Kabilugan ng buwan ang nakakubli sa kurtina habang kumakalat ang makapal na usok na nagsisilbing malamig na hamog sa gabi. Sunod-sunod na naglalabasan ang mga tauhan na nakasuot ng itim mula ulo hanggang paa at gumaganap bilang mga anino. Kasabay niyon ang kanilang pag-awit ng liriko na tila mga hanging bumubulong.

Sunod na lumabas si Tristan na nakasuot ng gutay-gutay na puting kamiso at pantalon na tila nakaranas ng matinding pang-aabuso mula sa loob ng bilangguan. Inaawit nito ang tulang nakabase sa kuwento ng sugo ng buwan.

Si Lorenzo ay isang ordinaryong binata na nagsisikap na makaipon ng salapi upang mabili na nila ang lupang kinatitirikan ng kanilang tahanan. Nakatira siya kasama ang kaniyang ina na may katandaan na at ang nakatatandang kapatid na isang albularyo.

Nais din niya makaipon upang makabili ng mga baka, kalabaw, at kabayo na kaniyang aalagaan at pararamihin. Mapalad siya sapagkat nakapasok siya bilang kutsero sa pamilya ng gobernadorcillo.

Limang taon nang naninilbihan si Lorenzo bilang kutsero nang umuwi ang anak na dalaga ng gobernadorcillo na matagal nanirahan sa Paris. Si Maria Florencita ay tanyag dahil sa kaniyang angking kagandahan at kabaitan. Nakatakda siyang ikasal sa isang heneral na pinagkakatiwalaan ng kaniyang ama.

Hindi lingid sa kaalaman ng gobernadorcillo ang palitan ng liham at mga nakaw na tingin ng kaniyang kutsero at nag-iisang anak na dalaga. At dahil hindi niya mahanapan ng butas ang pagkatao at gawain ni Lorenzo, nakipagsabwatan siya sa heneral upang pagbintangan si Lorenzo na ilang ulit nang nagnakaw ng kaban ng bigas.

Dahil sa pangyayaring iyon, labis na nagmakaawa si Maria Florencita bagay na mas lalong nagpaalab sa galit ng gobernadorcillo. Ipinag-utos niya na bugbugin at parusahan si Lorenzo sa bilangguan hanggang sa umamin ito sa kasalanan. Nababatid ng lahat na umamin man o hindi si Lorenzo sa kasong pagnanakaw ay ikamamatay pa rin nito ang sinasapit na hirap sa bilangguan.

Isang gabi, sa pagsapit ng kabilugan ng buwan, habang nanghihina't hinahabol ni Lorenzo ang kaniyang hininga at nakaratay sa malamig na sahig. Nakita niya ang pagpasok ng makapal na usok sa bilangguan hanggang sa matanggal ang kadena sa rehas.

Sa hindi malamang dahilan ay nagawa niyang bumangon na tila wala siyang iniindang sakit at kirot mula sa mga pasa at sugat sa kaniyang katawan. Naglakad siya nang naglakad na tila nasa ilalim ng hipnotismo ng mga boses na bumubulong sa kaniyang tainga.

Nagpatuloy siya sa paglalakad hanggang sa makarating sa labas at maglakad sa damuhan. Unti-unti niyang nakita ang pag-usbong ng kumukuti-kutitap na liwanag mula sa mga alitaptap. Pinalilibutan ng mga alitaptap ang bakawan na nagliliwanag ang tubig.

Nagtatakang pinagmasdan ni Lorenzo ang mahiwaga at napakagandang paligid. Iniisip niya kung nakarating na ba siya sa langit o ang lahat ng kaniyang nasisilayan ay isang panaginip. Ilang segundong napatitig si Lorenzo sa liwanag ng buwan na kayang-kaya niya ngayong titigan kahit pa halos hindi na niya maimulat ang kaliwang mata dahil dumudugo na ito.

Napangiti si Lorenzo sa sarili nang makita ang repleksyon ng buwan sa tubig kung saan mas lalo itong nagniningning. Hanggang sa magawi ang kaniyang mga mata sa sariling repleksyon kung saan iba ang kulay ng kaniyang buhok at suot niyang damit sa tubig.

Napaatras sa gulat si Lorenzo. Bigla niyang naalala ang katakot-takot na kuwento noon ng kanilang ina tungkol sa misteryo ng buwan na nangunguha ng kaluluwa tuwing gabi. Muli siyang napahakbang paatras kasabay ng pag-alingawngaw muli ng mga boses na bumubulong sa hangin.

Buong puwersang pinilit ni Lorenzo ang sarili na tumakbo pabalik sa bilangguan. Tumakbo siya nang tumakbo kahit pa hindi niya makita ang daan. Hindi siya tumigil sa pagtakbo hanggang sa makita ang lagusan ng bilangguan. At nang itaas niya ang kaniyang kamay upang abutin ang malaking pintuan ay tila ba may malakas na puwersang humila sa kaniya pabalik sa kaniyang katawan na nakahilata sa malamig na sahig ng bilangguan.

Magmula noong araw na iyon ay nagsimulang magsulat si Lorenzo sa kaniyang talaarawan. Nagawa rin niyang magsulat ng awit upang doon ikubli ang sariling karanasan sa buwan. Sa paglipas ng gabi ay unti-unting nanghina ang kaniyang katawan hanggang sa dapuan siya ng sakit sa baga.

Ilang ulit din niyang sinubukang magpadala ng liham para kay Maria Florencita ngunit hindi siya nakakatanggap ng tugon pabalik. Nabalitaan na lang niya na kinasal na si Maria Florencita sa heneral na nagpahirap sa kaniya.

Makalipas ang isang buwan, sa muling pagsapit ng kabilugan ng buwan ay hindi na nagising si Lorenzo sa loob ng bilangguan. Nang mabalitaan ni Maria Florencita na wala na si Lorenzo ay mas lalo siyang nalugmok sa kalungkutan. Nawalan siya ng gana kumain at uminom hanggang sa siya'y magkaroon ng karamdaman. Isang taon matapos mamaalam si Lorenzo ay nawalan na rin ng buhay si Maria Florencita at hindi na nagising pa mula sa mahimbing na tulog.

Bago tuluyang magsara ang kurtina sa entablado ay muling umawit ang mga tauhan na gumanap bilang anino. Sumasayaw sila sa gitna ng makapal na usok at umiikot sa palibot ng buwan na tila ba hinahanap nila ang lagusan palabas.

Isa-isang lumabas ang mga karakter na gumanap sad ula at tumingala sa buwan na tila humihingi sila ng hustisya at nakikiusap. Nakatayo sila habang magkahawak-kamay at may hinihintay.

Nagpatuloy ang pag-awit, "Aming nababatid na ikaw'y mayroong nag-iisang kahinaan. Isang nilalang na isisilang upang wakasan ang iyong kadiliman. Siya ang tatapos ng iyong kasakiman at magdadala sa amin sa lagusan. Siya ang gagabay sa amin palabas sa mundong ito na nagsisilbing bilangguan. Darating ang araw na mahahanap namin ang daan patungo sa kabilang-buhay. At malalaman ng sanlibutan ang masamang hangarin na iyong tinataglay."

Malakas na hiyawan at palakpakan ang ibinigay ng mga manonood kasabay ng mataas na pag-awit ng mga tauhan na magkakahawak-kamay at nakapalibot sa buwan. Dahan-dahang nagsara ang kurtina sa entablado habang patuloy na pumapalakpak ang mga tao sa ganda ng palabas.

Tanging si Sabrina lamang ang tulalang nakatayo at nakatitig sa entablado na tila naistatwa sa kaniyang kinauupuan. Nagawa niyang itanong kay Tristan kung paano matitigil ang ginagawa ng buwan na pangunguha ng mga kaluluwa. Sinabi ni Tristan na malalaman niya ito sa dula. At ngayon ay hindi siya makapaniwala. Ang mga huling linya sa liriko ng awit ng dula ang tumatak sa kaniyang isipan.

Unti-unti niyang naramdaman ang pamilyar na lamig na dumadaloy sa kaniyang likod dahilan upang hindi siya makagalaw. Napakabig siya sa upuan ngunit namamanhid na ang kaniyang buong katawan. Kasunod nito ay muli niyang narinig ang mga bulong na humihiyaw at humihingi sa kaniya ng saklolo. Napapikit si Sabrina at napahawak sa kaniyang magkabilang tainga. Sinubukan niyang labanan ang mga hiyaw at panlalamig ng kaniyang katawan ngunit tuluyan nang dumilim ang kaniyang paningin na tila ba may malakas na puwersang humila sa kaniya patungo sa kawalan.

Samantala, nakatayo si Libulan sa gitna ng lobby ng PMC News. May malaking chandelier sa gitna at hagdan na ang disenyo ay natutulad sa mga five-star hotel. Nakasuot ng pormal ang mga empleyado na naglalakad sa iba't ibang direksyon. May anim na elevator sad ulo kung saan nakatayo ang ilang mga taong naghihintay makaakyat sa kani-kanilang opisina.

Napatingin si Libulan sa kaniyang phone nang makatanggap ng text mula kay Ana.

Hintayin mo na lang ako diyan sa baba, Li. Sunduin kita sa lobby.

Naalala niya ang lobby kung saan minsan itong nabanggit ni Ana nang dalhin siya nito sa kanilang opisina. Ibinulsa na ni Libulan ang kaniyang phone. Ang totoo, nais din niyang kilalanin ngayon si Ana at tanungin tungkol sa personal na buhay nito. Nais niyang malaman kung may koneksyon ito sa ama ni Sabrina na kahawig din ni Maestro Santiago.

Inilibot ni Libulan ang mga mata sa paligid. Sa laki ng pagbabago ng panahon na kaniyang natutunghayan ngayon ay hindi na niya mahanap ang bakas ng panahon na kaniyang kinagisnan. Nagbago na ang lahat mula sa kulay, disenyo, anyo, at kultura ng bayan. Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa sa pagbabago at kalayaang tinatamasa ngayon ng mga mamamayan o malungkot dahil pakiramdam niya ay walang nakaaalala sa kanilang sakripisyo at mga ipinaglaban.

Natauhan si Libulan mula sa malalim na pag-iisip nang marinig ang sigaw ng mga tao at ang pagtakbo ng mga ito sabay turo sa itaas. Gulat siyang napatingala nang makita ang pagtabingi ng malaking chandelier at naglaglagan ang mababasaging ilaw. Kasunod niyon ay ang tuluyang pagbagsak ng chandelier deretso sa kaniyang kinatatayuan.

Napapikit si Libulan saka mabilis na isinangga ang dalawa niyang braso sa kaniyang ulo. Ngunit bago tuluyang bumagsak sa kaniya ang malaking chandelier ay tila tumigil ang oras. Naistatwa ang mga tao sa paligid. Maging ang pagtalsik ng mga mababasaging ilaw ay nanatiling nakalutang sa ere.

Kasunod niyon ang pag-alingawngaw ng tunog ng sapatos na humahakbang sa marmol na sahig. Naglalakad ang isang matangkad na binata suot ang asul na abrigo at sombrero papalapit sa lalaking tiyak na magiging malubha sa oras na mabagsakan ng babasaging chandelier.

Tumigil ang mahiwagang nilalang sa tapat ng binatang nakapikit at nakasangga ang mga kamay. Tulad ng lahat ng tao ay naistatwa rin ito sa kaniyang kinatatayuan. Ilang segundong nakatitig ang mahiwagang nilalang sa binatang hinding-hindi niya malilimutan.

Lumipas man ang ilang siglo ay sariwa pa rin sa kaniya ang lahat ng inggit, galit, poot, at hirap na naranasan niya sa mag-inang ang tanging hiling lang niya ay mapabilang sa kanilang pamilya. Nagawa na niya itong paslangin. Ngunit hindi niya malaman kung bakit sa pagkakataong ito, sa muli nilang pagkikita, ay hindi niya magawang hayaang mamatay ito sa kamay ng mga taong may sariling hangarin.

"Hindi ko akalain na muli tayong magkikita rito, Libulan." Wika ng mahiwagang na napahinga nang malalim saka humakbang papalapit sa kapatid. "Pasensiya na kung bakit hindi ko rin hahayaang mamatay ka sa araw na ito. Maging ako ay may sariling hangarin." Napangiti siya sa sarili kasabay ng pait at lungkot na tumusok sa kaniyang puso.

"Isang kaluluwang ligaw at isang babaeng nakakakita ng lagusan patungo sa kabilang-buhay. Nais kong malaman kung anong pakay sa inyo ng buwan." Patuloy ng mahiwagang nilalang saka pinalagitik ang kaniyang daliri upang pakialaman ang plano ng tadhana.


*******************

#Duyog

Author's Note: Hello, Sunshines! Ang Salamisim, Hiraya, at Duyog ay "Trilogy" ngunit sa timeline ng kuwento ang pagkakasunod-sunod ay Salamisim (Faye's story), Duyog (Sabrina's story), at Hiraya (Aurora's story). Bata pa si Aurora sa kuwentong ito. Subalit, kung inyong babasahin ng sunod-sunod ang trilogy. Ito ang aking rekomendasyon: 

1. Salamisim (Unang serye)

2. Hiraya (Ikalawang serye)

3. Duyog (Huling serye)

Maraming salamat! Abangan ang lahat ng kasagutan sa lihim ng Trilohiya ng Buwan. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top