Kabanata 13: Ang Baraha ng Kapalaran
[Kabanata 13]
Las Islas Filipinas 1849
WALANG tigil ang buhos ng ulan dahilan upang maapektuhan ang mga negosyo at pasok sa paaralan. Hinihintay ng mga tao ang pagtunog ng kampana ng simbahan bago sila lumikas sa kani-kanilang tahanan.
Sa kabila ng mga mamamayan na labis na nababahala sa walang tigil na pag-ulan. Tanging si Maestro Santiago ang nakatutok sa mga librong paulit-ulit niyang binabasa. Walang tigil din ang kaniyang pag-ubo at pabalik-balik na lagnat. Binalot niya ang sarili ng makapal na kumot ngunit ramdam pa rin niya ang matinding lamig na nanunuot sa kaniyang buto.
Marahang kumatok si Elena sa pinto. Natutulog ito sa maliit na silid sa ilalim ng kinatitirikan ng kanilang barong-barong ngunit dinala muna nila ito sa itaas sa pangambang abutin ng baha ang kanilang bahay at pasukin ng tubig ang pinagtataguang silid ng kaniyang ama.
Ilang taon na ang nakararaan mula nang umuwi ito sa kanilang tahanan. Mula noon, hinukay nila ang sikretong silid upang doon manatili ang maestro na nahatulan ng kamatayan.
Marahang inilapag ni Elena sa sahig ang dala niyang pinakuluang gamot at tubig. Hinipo niya ang noo ng ama na patuloy pa rin sa pag-ubo. "Magpahinga na po kayo, ama. Bukas niyo na lang ipagpatuloy ang pagbabasa." Wika ni Elena ngunit hindi siya pinansin nito. "Siya nga po pala, nagtungo sa bayan si ina kanina upang makahanap ng mauutangan."
Napatingin si Elena sa palapulsuhan ng kaniyang ama kung saan naghiwa ito ng maliit na sugat at ipinatak ang dugo kay Libulan. Napansin ni Elena na hindi pa rin naghihilom ang sugat sa palapulsuhan ng kaniyang ama. Sariwang-sariwa pa ito bagaman ilang araw na ang nakalilipas mula nang isagawa ang ritwal.
Mayamaya pa ay napaubo muli nang malakas si Maestro Santiago na sinundan ng pagsuka nito ng dugo. Nanlaki ang mga mata ni Elena makita ang pagkalat ng dugo sa kumot at kamay ng ama. Agad niyang hinawakan ang likod nito. "Ama, dadalhin ko na po kayo sa pagamutan," wika ni Elena ngunit tinabig ni Maestro Santiago ang kaniyang kamay.
"Hayaan mo ako. Kailangan ko pang maunawaan ang mga ito." Wika ng maestro saka nagpatuloy sa pagbabasa at pagsusulat. Napansin ni Elena na kinakalkula ng kaniyang ama ang susunod na duyog.
Sinubukan niya muling kumbinsihin ito ngunit hindi nagpapaawat ang ama sa pagbibilang. Wala na siyang nagawa kundi ang maupo sa papag at pagmasdan ang ama na mabaliw sa ginagawa nito. Napatayo siya nang marinig ang pagbukas ng pinto, dumating na ang kaniyang ina.
May dala itong mga gulay at manok. "Nakautang ako kina Pacing at Pedro. Kaunti lamang sapagkat problemado rin sila ngayon dahil ilang araw nang sarado ang kanilang tindahan."
Iniabot nito kay Elena ang salapi, napatitig si Elena sa nalalabing piso na pagkakasiyahin pa nila hanggang sa matapos ang bagyo. Hindi rin siya makapagtinda ng gulay sa pamilihan dahil sa masamang panahon.
"Akin ding nabalitaan na muling nawalan ng malay si Libulan. Ilang araw na rin itong hindi nagigising tulad ng dati," patuloy ng kaniyang ina. Dahan-dahang napalingon si Elena sa kaniyang ama. Hindi niya mapigilang isipin na maaaring may koneksyon ang pagkakasakit ng kaniyang ama bilang alay upang muling mabuhay si Libulan.
KINABUKASAN, maagang nagtungo sa bayan si Elena. Dumiretso siya sa mansion ng pamilya Dela Torre. "Wala sila ngayon dito." Wika ng kasambahay na akmang isasara na ang pinto ngunit nagpatuloy si Elena. "Maghihintay na lang ako rito sa labas. Mga anong oras kaya---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil nakita niyang pababa ng hagdan si Don Venancio.
Napalunok ang kasambahay. Ang totoo, kabilin-bilinan ni Don Venancio na wala itong tatanggapin na bisita maliban sa mga opisyal at kaibigan niya. Isasara na sana ng kasambahay ang pinto ngunit sumigaw si Elena, "Don Venancio, ako ho ito, si Elena. Maaari niyo po bang masuri ang aking ama?"
Napalingon ang Don kay Elena, wala nang nagawa ang kasambahay kundi ang tumabi at yumuko sa paparating na don. Nararamdaman niyang mapapagalitan siya nito mamaya. Inalis ni Elena ang suot na talukbong, "Ilanga raw na po siyang inuubo at pababalik-balik ang kaniyang lagnat. Kagabi, sumuka na ho siya ng dugo," patuloy ni Elena sabay yuko.
"Ilang taon din siyang nagtago at linlangin kaming lahat. Marahil ay sapat na ang ilang taon na iyon upang harapin niya ang hatol sa kaniya." Wika ng don na ikinagulat ni Elena. "Ang lakas pa ng loob niyang humarap sa akin noong isang gabi. Wala nang kinatatakutan ang iyong ama. Marahil ay hindi rin siya takot sa kamatayan."
"Kailangan niya pagbayaran ang mga dapat niyang bayaran. Maaari siyang mamatay sa inyong tahanan o sa bilangguan," saad ng Don na akmang tatalikod na ngunit napatigil ito nang magsalita si Elena.
"Ang aking ama ang dahilan kaya muling nagkamalay ang iyong anak!" dahan-dahang napalingon si Don Venancio. "Si ama ang naging alay sa ritwal na ginawa para kay Libulan." Patuloy ni Elena. Sandaling hindi nakapagsalita ang don, naalala niya ang dalawang taong nakatalukbong noong gabing sumapit ang duyog.
"Ang hinihiling ko lamang ay kagalingan ng aking ama. Nawa'y pagbigyan niyo kami at suriin ang kaniyang kalagayan," patuloy ni Elena saka lumuhod.
"Pakiusap, tulungan niyo ho kami. Wala na rin ho kaming pambayad. Kung kaya't nilakasan ko na ang aking loob na lumapit sa inyo," pagsusumamo ni Elena na halos humalik na sa sahig.
"Umalis ka na rito at bumalik sa lungga kung saan kayo nararapat," wika ng don saka isinara ang pinto. Napatigil sa gulat si Elena, hindi siya makapaniwala sa nangyari. Matapos tulungan ng kaniyang ama ang pamilya Dela Torre ay ito ang magiging kabayaran ng kanilang pagsasakripisyo.
TANGHALING-TAPAT ngunit hindi nasisinagan ang araw sapagkat makakapal ang ulam na bumabalot sa langit habang patuloy ang buhos ng ulan. Tulalang naglalakad pauwi si Elena suot ang itim na talukbong nang mapadaan siya sa pamilihan na halos sarado ang mga tindahan.
Bumagal ang kaniyang paglalakad nang matanaw ang nag-iisang tindahan na bukas. Ito ay tindahan ng isang albularyo na nagbebenta rin ng mga halamang gamot. Nababalot ng puting usok ang kamanyang at insenso na ginagamit nito sa isang batang nilalagnat. Napansin ni Elena ang malaking pagkakaiba ng usok na nakikita niya ngayon sa usok ng mga kandila na ginamit sa ritwal.
Hindi namalayan ni Elena na ilang minuto na pala siyang nakatayo sa labas ng tindahan habang pinapanood ang ginagawa ng albularyo. Nagpaalam na ang mag-ina na naabutan niyang ginagamot nito.
Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad ngunit napatigil siya nang magsalita ang albularyo, "Anong maitutulong ko sa 'yo, hija?"
Umiling si Elena bilang tugon at akmang aalis na ngunit nagsalita muli ang matandang lalaki. "Aking naaamoy ang sama ng loob na unti-unting bumabalot sa iyong puso. Matagal na iyan ngunit pilit mong binabaon. Hindi magtatagal ay sasabog iyan at hindi mo makikilala ang iyong sarili sa oras na mangyari 'yon."
"Ang iyong ama, kumusta siya?" patuloy nito. Nagulat si elena at napalingon sa paligid. Walang ibang dapat na makaalam na buhay ang kaniyang ama.
"Ang usok ng kamatayan ay naaamoy ko sa iyong balat. Ang usok na 'yon ang papatay sa iyong ama. Bakit pinili niyang kumapit sa itim na mahika? Hindi niya ba nababatid na may malaking kapalit ang pakikipagsugal sa buhay?"
Lumapit si Elena, "Pakiusap, huwag niyo pong ipagsabi sa iba ang tungkol sa aking ama." Saad ni Elena, ngayon ay nangangamba siya na dakpin muli ang kaniyang ama dahil alam na rin ni Don Venancio na hindi ito tuluyang namatay noon sa sunog.
"Huwag kang mag-alala, hija. Ako'y walang pakialam sa politika. Mas nakamamatay ang politika kaysa sa mga tulad namin," wika ng albularyo saka niligpit ang kaniyang mga gamit. Kumakapit sa damit ng matanda ang matapang na amoy ng usok mula sa kamanyang at insenso.
Pinagmasdan ni Elena ang paligid, pakiramdam niya ay hindi nagkataon na bukas ang tindahan ng mga gamot at narito ang albularyo, "Maaari niyo ho bang suriin ang aking ama? Siya'y labis na nanghihina ngunit mas inuuna pa rin niya ang pananaliksik tungkol sa buwan."
"Siya na ang susunod. Ako'y nakatitiyak na tinatawag na ng buwan ang kaluluwa ng iyong ama."
Hindi nakapagsalita sa gulat si Elena, hindi siya makapaniwala sa mga nalalaman ng albularyo. Bukod doon, labis na naghatid ng takot sa kaniyang buong katawan ang sinabi nito. Nagpatuloy sa pagligpit ng gamit ang matandang lalaki, "Ang anak ng doktor, iyong binatang nakaratay ngayon. Malaki ang posibilidad na naliligaw ang kaniyang kaluluwa sa kawalan. Kung hindi niya mahahanap ang daan pabalik sa mundong ito o ang lagusan patungo sa kabilang buhay, hindi na siya makatatawid pa."
Napahawak si Elena sa kaniyang braso nang maramdaman ang kakaibang lamig na tila mga karayom na tumutusok sa kaniyang balat, "Ano pong ibig niyong sabihin? Patay na ang anak ni Don Venancio?"
Umiling ang albularyo saka kumuha ng mga halamang gamot at dinikdik iyon, "Hindi pa patay ang binatang iyon. Ang kaniyang katawan ay lumalaban pa sa mundong ito. Subalit ang kaniyang kaluluwa ay naliligaw. Habang lumilipas ang mga gabi ay mas lalong lumalaki ang posibilidad na hindi na siya makabalik pa rito. Kung hangad talaga ng buwan na kunin ang kaniyang kaluluwa, tiyak na hindi rin siya makakatawid sa kabilang buhay."
Kinilabutan si Elena sa kaniyang mga narinig. "Kaming mga manggagamot ay may kani-kaniyang pinaniniwalaan. Hindi basta-basta ang aming ginagawa. Mahalaga ang pananampalataya. At hindi lang iyon, mahalaga rin na kami ay pinili. Ang aking sinasamba ay mga diyosa ng gubat, ang unang nanirahan dito sa mundo, ang mga engkanto."
"Hindi ko sinasabing hindi totoo ang Diyos. Totoo Siya. Gayundin, totoo ang mga kababalaghan na nangyayari sa paligid. Ang mga bagay na hindi maipaliwanag. Ang mga anghel sa lupa, ang mga mabubuti at masasamang engkanto, at ang mga ligaw na kaluluwa."
"Maliban sa kanila, para sa akin, ang buwan ay higit na katakot-takot. Ang liwanag nitong hatid ay may lihim na pilit nitong kinukubli sa kadiliman. Iyo na bang narinig ang awit tungkol sa buwan?" Umiling si Elena bilang tugon.
Liwanag, ako'y iyong tawagin,
Himig, ako'y iyong gisingin,
Sa dilim na aking lalakbayin,
Sa mundong may ibang hangarin.
Dugo't kaluluwa iyong nais,
Sa mga taong naghihingapis,
Ikaw ang anyo ng kamatayang,
Nagkukubli sa liwanag ng buwan.
"Ito ay isinulat ng isang bilanggo na nawala sa katinuan matapos makita ang mahiwagang bakawan. Hindi nahulog sa pain ang bilanggong iyon, ngunit makalipas ang ilang araw ay namatay din siya nang hindi na magising mula sa mahimbing na pagkakatulog."
"Ang sabi ng ilan, nabangungot daw ang bilanggo. Ayon naman sa iba, namatay ito sa sakit. Alinman sa kanila, ako'y walang pinaniniwalaan lalo na nang mabasa ko ang awit na isinulat nito para sa buwan."
"Naalala ko ang kuwento ng aking ina tungkol sa malignong nangunguha ng kaluluwa ng mga bata tuwing gabi. Akala ko ay panakot lang niya iyon sa aming magkakapatid upang hindi na kami lumabas pa sa gabi. Subalit, aking napagtanto mula sa ilang pasyente na aking ginagamot na may pagkakatulad ang ilan sa kanila. Nababanggit ng ilan ang tungkol sa kakaibang bakawan."
"Hanggang sa nabasa ko ang talaarawan ng bilanggong namatay kamakailan. Ilang gabi na niyang naririnig ang himig na nagdadala sa kaniya sa ibang lugar. Kinakausap siya ng himig na iyon at sinasabing bibigyan siya ng kalayaan. Nakita niya ang kaniyang sarili sa repleksyon ng tubig ng bakawan, iba ang kaniyang anyo at damit sa repleksyon. Hindi siya lumundag sa tubig dahil sa takot. Subalit namatay pa rin siya sa huli, sa loob ng bilangguan."
"Paano po napasakamay niyo ang talaarawan?" nagtatakang tanong ni Elena. Sa dami ng sinabi ng matandang albularyo ay naguguluhan na siya sa nais ipahiwatig nito. Tumigil ang albularyo saka lumingon sa kaniya at hinila ang maliit na baul na kasama ng iba pang mga gamit sa panggagamot.
Kinuha ng albularyo ang talaarawan mula sa baul at inilapag iyon sa mesa. "Iyan ang mga naiwang gamit ng aking bunsong kapatid na nabilanggo. Siya'y kutsero ng gobernadorcillo subalit napagbintangang nagnakaw ng ilang kabang bigas. Ako'y nagdadalamhati sa sinapit ng aking kapatid na buhay nang pumasok sa bilangguan ngunit patay na nang makalabas."
Napatitig si Elena sa pangalang nakatala sa talaarawan, Lorenzo ang pangalan ng bilanggo. "Naitala niya pa riyan ang mga huling nakita niya sa kaniyang panaginip. Marahil nakuha na rin ng buwan ang kaniyang kaluluwa. Kailanman ay hindi siya nagparamdam sa akin. Hindi ko naramdaman ang presensiya niya. Isinulat niya rin diyan ang mga nais niyang gawin sa oras na makalabas na siya sa bilangguan. Subalit, huli na ang lahat. Hindi na niya magagawa ang mga nais niyang maisakatuparan."
Napahinga nang malalim ang albularyo saka ibinalik ang talaarawan sa baul at isinara ito, "Sabihin mo sa iyong ama na huwag niya nang subukang mapalapit sa buwan dahil hindi lang buhay niya ang kukunin nito." Patuloy ng albularyo. Ramdam nito ang matinding takot at pag-aalala sa mga mata ni Elena.
"Ano po ang dapat kong gawin? Maaari nyo po ba akong tulungan? Handa po akong magbayad kahit na magkano." Wika ni Elena saka inilahad ang nangyari sa kaniyang ama at ang pagboluntaryo nito na maging alay sa ritwal.
"Hindi sapat ang aking kakayahan upang kontrahin ang mayor doma ng pamilya Dela Torre. Aking nababatid na mananampalataya ni Haliya ang babaeng iyon. Hindi ko nais na kalabanin ang sinuman sa kanila."
"Ibinigay ng iyong ama bilang alay ang kalahati ng kaniyang buhay at lakas sa binatang iyon. At dahil naliligaw ang kaluluwa ng binata ngayon, manghihina ang iyong ama. Hindi magtatagay ay maaari niya itong ikamatay."
Humakbang papalapit si Elena, mas lalong lumakas ang buhos ng ulan at nagsimulang kumulog at kumidlat. "May paraan pa po ba upang maligtas ang aking ama at si Libulan?"
"Hindi na mapuputol ang ugnayan nilang dalawa. Iisa lang ang makakaligtas sa kanila. Kapag namatay ang iyong ama ngayong hindi pa nagigising si Libulan, mamamatay din ito dahil nakadepende siya sa iyong ama. Ngunit, kung mamatay si Libulan sa loob ng ilang araw, maaaring mabuhay ang iyong ama subalit asahan niyong hindi na siya magiging tulad ng dati."
Tuluyan nang hindi nakapagsalita si Elena, animo'y hindi na siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan. "Mapuputol lang ang ugnayan nilang dalawa sa oras na mamatay si Libulan bago sumapit ang sunod na kabilugan ng buwan."
KINAGABIHAN, naabutan ni Elena na nakatulog ang kaniyang ama sa papag habang nakabalot ng makapal na kumot. Nagkalat din ang mga papel sa sahig. Isa-isa niyang pinulot ang mga papel, karamihan sa mga iyon ay may mga guhit ng buwan, at pagkalkula kung kailan muli sasapit ang duyog.
Napatingin si Elena sa kaniyang ama na malaki ang ipinayat ilang gabi matapos ang ritwal. Maputla rin ang balat nito at lumalim ang mga mata. Naalala niya ang kuwento ng albularyo tungkol sa kapatid nitong namatay sa bilangguan. Paulit-ulit ding naglalaro sa kaniyang isipan ang tula na binanggit ng albularyo tungkol sa lihim ng buwan.
Tumingin siya sa bintana ngunit wala siyang makitang liwanag. Mailap ang buwan sa kaniya. Ngunit gaano man ito kailap, kailangan niyang gumawa ng paraan. Muling pinagmasdan ni Elena ang kaniyang mga magulang na mahimbing nang natutulog bago niya isinuot ang talukbong at hinarap ang madilim na gabi.
Kumpara sa kanilang barrio, marami pa ring ilaw sa Intramuros, may mga naririnig pa siyang kasiyahan at tawanan mula sa loob ng makakapal na pader. Tumigil na ang ulan kaya ang ilang mayayaman ay nagawa nang magsalo-salo at mag-inuman sa gabi.
Nadatnan ni Elena ang mansion ng pamilya Dela Torre na marami pang ilaw. May ilang kalesa ring nakaparada sa labas. Dumaan siya sa likod ng bahay, kabisado niya ang pasikot-sikot sa bahay na iyon dahil madalas siyang isama ng kaniyang ama noong mga bata pa sila sa tuwing kailangan sumadya ni Maestro Santiago sa bahay ni Libulan upang turuan ito dahil may sakit ito.
Hinubat ni Elena ang talukbong at niyakap iyon saka mabilis na dumaan sa likod na hagdan na siyang dinaraanan ng mga aliping saguiguilid. Naririnig niya mula sa salas ang mga kuwentuhan at tawanan ni Don Venancio at ng mga kaibigan nito.
Nabutan ni Elena na walang tao sa silid ni Libulan. Wala rin doon ang ina nito na palaging nasa tabi ng anak. Dahan-dahang naglakad si Elena papalapit sa kama saka sinuot muli ang talukbong. Sa bawat hakbang niya papalapit ay hindi niya maalis ang kaniyang paningin sa binatang sawim-palad.
Tumigil si Elena tabi ng kama saka dahan-dahang kinuha mula sa bulsa ang dala niyang patalim. Kailangan na niyang gumawa ng paraan bago mahuli ang lahat. Itinaas na niya ang patalim habang nakatitig sa mukha ni Libulan, kasabay niyon ang mga alaala ng kanilang kabataan at pinagsamahan. Kung paano naging mabuti sa kanila si Libulan, kung paano minahal at tiningala ni Libulan ang kaniyang ama, kung paano ipinaglaban ni Libulan ang kasawia na sinapit ng kanilang pamilya.
Napatigil si Elena at humakbang paatras. Napahawak siya sa kaniyang puso at kamay na nanlalamig. Sa isip niya, maaaring kaya nagboluntaryo ang kaniyang ama na ialay ang buhay niya para kay Libulan ay upang suklian ang pagmamalasakit ng binata sa kanila. Tanging si Libulan lang ang nanindigan para sa kanila noong tinalikuran na sila ng lahat.
Ngunit naalala niya ang sinabi ng albularyo. Mamamatay ang kaniyang ama dahil kay Libulan. Mahalaga sa kaniya si Libulan subalit mas mahalaga ang kaniyang pamilya. Pikit-matang itinaas muli ni Elena ang patalim at itinapat sa dibdib ni Libulan.
Napatigil siya nang marinig ang pagbukas ng pinto. Agad siyang nagtago sa likod ng malaking aparador. Naunang pumasok si Aliya. Ngunit laking-gulat niya nang makita ang kaniyang ama habang akay ng kaniyang ina.
"Tatlong araw na siyang walang malay." Wika ni Aliya. Pinagmasdan ni Aliya si Maestro Santiago mula ulo hanggang paa. Napansin niya ang pamumutla at panghihina nito. Nababatid niya ang nangyayari sa mga alay. Isa sa dahilan kung bakit pinilit niya si Don Venancio na maging alay ay sa oras na magtagumpay ang ritwal at malapagpasan ni Don Venancio ang pagkakasakit kahit pa ang maging kapalit nito ay maaring hindi na makapanggamot si Don Venancio balang araw, si libulan pa rin naman ang magmamana ng lahat ng ari-arian.
"Kailangan muli nating magsagawa ng ritwal." Wika ng maestro. Dahan-dahang sumilip si Elena mula sa kaniyang pinagtataguan. Hawak niya pa rin ang patalim sa kanang kamay.
"Sa susunod na taon pa maaring magkaroon ng duyog. Hindi na kakayanin ng aking anak na maghintay pa ng isang taon." Saad ni Aliya, ilang gabi ulit siyang walang tulog at hindi makakain nang maayos. Wala rin siyang sapat na lakas upang magdasal sa buwan.
"Hindi na tayo maghihintay ng sunod na taon. Gawin natin sa pagsapit ng kabilugan ng buwan. Sa sunod na Linggo."
Sandaling tinitigan ni Aliya ang mag-asawang Santiago, "Maaari kang mamatay sa sunod na ritwal, ikaw ba'y nakatitiyak?"
Napatingin si Maestro Santiago kay Libulan, "Ako'y nakatitiyak na hindi mo ako hahayaang mamatay, hindi ba?" tanong ng maestro. Pareho nilang nababatid na sa oras na mamatay si Maestro Santiago, mamamatay din si Libulan.
Hindi nakasagot si Aliya. Ang totoo, hindi na siya sigurado sa sariling kakayahan. Napanghihinaan na siya ng loob habang patuloy ding sumusugat sa kaniyang puso ang sinabi ni Libulan na siya ang dahilan ng kamalasang nangyari kay Hiram at sa kanilang pamilya.
"Ngunit bago ang lahat," saad ng maestro saka humakbang papalapit kay Aliya habang akay ng kaniyang asawa. May kinuha ito sa loob ng abrigo at iniabot na papeles. Nagtatakang kinuha ni Aliya ang papeles at binasa iyon. Sa isip niya, maaaring hihingi ng salapi ang pamilya Santiago.
Subalit, nagkamali siya. Hindi iyon kasunduan tungkol sa bayaran. Nanlaki ang mga mata ni Aliya nang mabasa ang nakasaad sa kasunduan at gulat na tiningnan ang mag-asawang Santiago. "Kailangan kong makasiguri na magiging maayos ang kalagayan ng aking anak at asawa anuman ang mangyari sa akin."
Muling tiningnan ni Maestro Santiago si Libulan, "Magkaugnay na kaming dalawa ni Libulan. Hindi ba't mas mabuti kung magiging ganap na magkadugo rin kami." Patuloy ng maestro.
"Hindi maaari! Hindi ko ipapakasal ang aking anak kay Elena!" sigaw ni Aliya saka pinunit ang papel at tinapon sa mukha ng maestro. "Sa iyong palagay papaya si Venancio? Magkakamatayan na ngunit hindi niya ipagkakasundo ang aming anak sa inyo!"
"Kung gayon, hahayaan niyo na lang na mamatay si Libulan? Iyong nababatid na nakasalalay ang buhay niya sa akin ngayon." Kalmadong saad ni Maestro Santiago saka inilahad ang sugat sa kaniyang palapulsuhan na sariwa pa rin hanggang ngayon.
Nanginginig na napatakip ng bibig si Elena dahil sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na may ibang motibo pala ang kaniyang ama sa pagtulong nito kay Libulan.
BAGO pa muling makapagsalita si Edmund ay nauna na si Sabrina, "Nagpapakita ka lang sa tuwing may kailangan ka. Anong kailangan mo ngayon? Hindi ka namin kailangan ni ate. Umalis ka na!" seryosong saad ni Sabrina, hindi na rin niya nagawang kontrolin ang pagtaas ng kaniyang boses.
Tumalikod na siya ngunit napatigil nang makita si Libulan sa labas. Nagpabalik-balik ang tingin nito sa mag-ama. Bago pa siya makapagsalita ay hinila na siya ni Sabrina papasok sa patahian at ni-lock ang pinto.
Hindi nakatulog buong gabi si Libulan kakaisip kung bakit may kahawig din si Maestro Santiago sa modernong panahon? Higit doon, nabasa niya mula sa mga mata nito na nakikilala rin siya nito. Hindi rin siya makapaniwala na sa dinami-dami ng tao sa mundo, ama pa ni Sabrina ang kaniyang dating maestro.
Napatigil si Libulan sa paglalakad pabalik-balik sa loob ng silid nang batuhin siya ni Kuya Empi ng unan, "T*ngina bro! Matulog ka na nga! Lakad ka pa nang lakad diyan." Bakas ang pagkairita sa boses nito dahil maliit lang ang kuwarto nila at panay ang hakbang ni Libulan sa kaniya.
Naupo si Libulan habang patuloy pa ring nag-iisip hanggang sa inabot na siya ng umaga. Sunod-sunod ang pagtilaok ng manok. Nakatulog si Libulan habang nakasandal sa dingding. Napakamot na lang si Kuya Empi dahil maging siya ay napuyat kakahakbang ni Libulan na parang sumasayaw ng tinikling sa mga paa niya.
Oras ng almusal, umiinom ng kape at kumakain ng pandesal sina Sarbrina at Migo nang bumaba si Libulan. "Oh, ikaw naman maligo, bro." Saad ni Kuya Empi na kakalabas lang ng banyo. Ngunit hindi siya pinansin ni Libulan, tila wala itong narinig, nakatingin lang ito kay Sabrina na para bang naghihintay ng tyempo.
Mayamaya pa, tumayo na si Sabrina at nagpaalam. Dali-daling sumunod si Libulan nang makalabas si Sabrina. "Hoy, Li! Maligo ka na!" tawag niya ngunit tuluyan na itong nakalabas ng patahian. Napakamot na lang siya sa ulo, "Kapogi-pogi e, tamad naman maligo, tsk."
Nagsimulang maglakad si Sabrina patungo sa sakayan ng jeep. Marami siyang nakakasalubong na mga bata na papasok na rin sa paaralan. Marami na ring mga bisikleta, motor, at iilang sasakyan na nagsasalubungan sa maliit na kalye.
Napalingon si Sabrina sa kaniyang likuran nang maramdaman na parang may sumusunod sa kaniya. Agad tumalikod si Libulan at kunwaring bumibili sa sari-sari store. Nagpatuloy muli sa paglalakad si Sabrina, nakakailang hakbang pa lang siya nang lumingon ulit siya sa likod.
Nagkunwari namang humarap si Libulan sa tapat ng pader na may nakasulat na Bawal Magtapon ng Basura D2! Ngunit naroon din naman nakatambak ang mga basura na nagkalat na rin sa kalsada.
Napasingkit ang mga mata ni Sabrina, malapit na siya sa sakayan ng jeep. Naglakad na siya hanggang sa lumingon muli at nakita si Libulan na kunwaring nagsintas ng sapatos kahit pa tsinelas ang suot nito.
"Bakit ba?" iritableng tanong ni Sabrina. Bukod sa nainis siya sa biglaang pagsulpot ng kaniyang ama kagabi. Naalala na naman niya na hindi siya sinipot ni Libulan noong naghintay siya sa sakayan ng jeep.
Napalingon si Libulan sa kaliwa't kanan sabay turo sa sarili. Napasingkit lalo ang mga mata ni Sabrina dahil nagpapanggap pa itong inosente. "Bakit ka sumusunod?" tanong ni Sabrina. Naglakad si Libulan papalapit sa kaniya sabay kamot sa batok.
"Itatanong ko sana kung ikaw'y nag-agahan na," tanong ni Libulan. Nagtaka ang hitsura ni Sabrina ngunit tila may kumiliti sa kaniyang tagiliran. Ang pagtatanong ng isang binata sa isang dalaga kung ito ay nakakakain na ay isang senyales na ito'y nag-aalala sa 'yo.
Tumikhim si Sabrina saka tumango na lang sabay tingin sa kalsada upang maghintay ng jeep. Dito dapat sila magkikita ni Libulan para sabay magsimba ngunit hindi natuloy. Marami pa naman siyang lugar na sasabihin kay Libulan na papasyalan sana nila pagkatapos ng misa.
Napatingin si Sabrina kay Libulan na hindi pa rin umaalis, "May sasabihin ka pa ba?"
"Itatanong ko rin sana kung may nais mo pa ng baon na pandesal?" tanong nito sabay dukot sa bulsa, palaging may nakaabang na barya si Libulan sa bulsa pambili ng pandesal sa umaga.
"B-busog naman na ako," saad ni Sabrina sabay iwas ng tingin. Hinawi niya rin ang kaniyang bangs na tumatama sa kaniyang mata.
"Siya nga pala, bakit mo pinaputol ang iyong buhok?" tanong ni Libulan. Nanlaki ang mga mata ni Sabrina saka napakurap ng dalawang beses. Hindi siya makapaniwala na magagawang itanong ni Libulan iyon nang harap-harapan sa kaniya.
"Ang mga kababaihan sa panahong aking kinagisnan ay mahahaba ang buhok. Mahalaga ang pagpapahaba ng kanilang buhok alinsunod sa Bibliya," patuloy ni Libulan. Napatikhim na lang si Sabrina. Kinabahan siya sa pag-aakalang gustong malaman ni Libulan kung broken hearted ba siya kaya siya nagpaiksi ng buhok.
"Wala. Trip ko lang." sagot ni Sabrina saka muling ibinalik ang paningin sa kalsada. Dumating na rin ang iba pang mga estudyante at papasok sa trabaho sa waiting shed.
"Hindi ka pa ba uuwi? Hinihintay ka na siguro ni Kuya Empi, may pasok pa kayo." Paalala ni Sabrina dahilan upang matauhan si Libulan na kanina pa nakatitig sa kaniya.
Akmang aalis na sana si Libulan ngunit muli itong lumapit kay Sabrina, "Nais ko lang ding ipaalam na mas namutawi ang iyong ganda sa maiksing buhok." Ngiti ni Libulan saka yumukod at naglakad papalayo.
Napatulala si Sabrina at napakurap muli ng ilang beses dahil sa diretsong pagkakasabi ni Libulan. Maging ang high school students na nakarinig ay napatili at napatakip ng bibig sa natunghayan nilang pick up line.
ALAS-KUWATRO ng hapon, pauwi na sana sina Sabrina at Kyla nang makita nila sa labas ng classroom si Tristan habang bitbit ang acoustic guitar. "Nagpagupit ka pala," salubong ni Tristan sabay ngiti. Unti-unti nilang binabalik ang dating pagkakaibigan.
"Bagay sa kaniya 'di ba, ganiyan talaga kapag broken hearted---" napatigil si Kyla nang mapagtanto na hindi niya dapat sabihin iyon dahil broken hearted din si Tristan kay Sabrina.
"Oo nga pala, punta kami sa Sabado ha," patuloy ni Kyla upang ibahin ang usapan. "Tungkol saan pala ang play niyo?" tanong ni Sabrina.
"Iyon din ang pinunta ko rito, may art exhibit kami tungkol sa play namin," tugon ni Tristan sabay hawak sa batok. "Gusto niyo bang pumunta?" agad namang nakatunog si Kyla sa posibilidad na magkaayos na ang dalawa.
"Nako! Busy ako. Kayo na lang!" ngiti ni Kyla na nakalimot sa boto niya kay Libulan. "May gagawin pa ako..." hindi na natapos ni Sabrina ang sasabihin niya dahil bumitiw na si Kyla sa pagkakakapit sa braso niya.
"Girl, wala kang gagawin 'di ba? Tapos na natin lahat ng assignments natin. Sige na, go na!" mabilis na saad ni Kyla na dali-daling nagpaalam at naglakad pababa ng hagdan. Natawa na lang silang dalawa pareho sa gustong mangyari.
Sabay silang naglakad hanggang sa marating nila ang art exhibit sa theater room. Marami ring mga estudyante roon. Naka-display ang mga props at ilang sources para sa gaganaping dula. Madilim ang museum ngunit maganda ang mga ilaw at disenyo nito na kulay ginto.
"Sugo," wika ni Sabrina nang mabasa ang pamagat ng dula sa entrance door. Ngumiti si Tristan at pinagbuksan siya ng pinto. Napahawak siya nang mahigpit sa suot niyang puting jacket dahil napakalamig sa loob ng exhibit.
"Horror ba ang gagawin niyo?" gulat na tanong ni Sabrina. "Alam mo namang hindi ako fan ng mga horror," patuloy nito. Nang dahil sa kakaibang nararansan niya tuwing sumasapit ang kabilugan ng buwan hindi niya gustong manood ng mga nakakatakot na palabas.
"Hindi 'to horror, medyo nakakalungkot nga ang kuwento," tugon ni Tristan. "Sige na, i-spoil mo na ko. Ano bang mangyayari?"
"Baka hindi ka na manood kapag na-spoil ka na ha," saad ni Tristan sabay tawa. Tulad ng dati, hinuhulaan at binibiro siya ni Sabrina sa mga gaganapan niyang dula.
"Manonood ako, promise. Nakabili na kami ng ticket ni Kyla." Ngiti ni Sabrina.
"O'sige. Kung nakikita mo 'yon, doon namatay ang sinasabing nagsulat ng tungkol sa sugo ng buwan. Namatay siya sa bilangguan," saad ni Tristan sabay turo sa dulo kung saan maganda ang pagkakagawa ng bilangguan noong unang panahon.
"Bakit? Anong nangyari sa kaniya?" napatulala si Sabrina sa ganda ng props na animo'y totoong bilangguan.
"Ayon sa matatanda, may kumakalat na kuwento-kuwento noon tungkol sa kaluluwang kinukuha ng buwan para maging sugo. Madalas lalaki raw ang pinipili nito sa mga kaluluwang kamamatay pa lang. Hindi agad nakakatawid ang kaluluwa sa purgatoryo dahil kinukuha sila ng buwan."
"Sila? Marami sila?"
"Hindi ko na matandaan. Pinabasa sa amin ng direktor namin 'yong source niya sa kuwentong 'to, pero ang sabi niya, sa mga kaluluwang nakukuha ng buwan, pumipili raw ito ng isang sugo kada dalawang siglo. Ang napipili niyang kaluluwa ang binibigyan niya ng kapangyarihan para bantayan ang mga libro na naglalaman ng mga kathang-isip na mundo."
"Wow! Nagiging book guardian sila?"
Tumango si Tristan. Nagpatuloy sila sa paglilibot sa exhibit, maraming mga bookshelves na naglalaman ng makakapal na libro. "Sa loob ng mga kuwentong 'yan, may nag-eexist na mundo. Ang trabaho ng sugo na napili ng buwan ay bantayan ang mga librong 'yan. Siguraduhin na walang malilihis ng landas o walang magtatangkang tumakas."
"Tumakas? Tatakas ba ang mga fictional character?" nagtatakang tanong ni Sabrina. Napangiti si Tristan saka umiling. Narating na nila ang isang props ng lumang talaarawan na hango sa totoong pinakunan ng ideya ng direktor ng dula.
"Hindi naman sinasadyang pagtakas. Ayon daw sa nakatala sa lumang journal na 'to, ang mga fictional characters na nag-eexist sa loob ng mga kuwento ay kaluluwa ng mga totoong tao.
Nanlaki ang mga mata ni Sabrina, hindi niya akalain na nakakakilabot pala ang dula na papanoorin nila. "Karamihan daw sa mga kaluluwang hinihikayat ng buwan ay 'yong mga taong nakaranas ng hindi magandang buhay sa mundo. Pinaparanas sa kanila ng buwan ang magandang buhay bilang isang karakter hanggang sa manatili na sila sa loob ng libro at hindi na magising pa ang katawang-lupa nila," patuloy ni Tristan sabay turo sa disenyo ng kisame kung saan naroon ang malaking painting ng araw, buwan, at mga bituin. "Sila ay mga ligaw na kaluluwa na hindi na nakatawid sa kabilang buhay at natrap sa loob ng libro."
"Kapag malapit na raw mamatay ang isang tao, nakikita niya sa panaginip o sa totoong buhay ang mahiwagang bakawan na siyang unang panghikayat ng buwan. Iyon ang nakita ng may-ari ng nagsulat ng awit tungkol sa lihim ng buwan," dagdag ni Tristan sabay tingala muli sa painting sa kisame.
Nagsimulang tumugtog ang musika na siyang gagamitin sa dula kasabay ng liriko na tinutukoy ni Tristan.
Liwanag, ako'y iyong tawagin,
Himig, ako'y iyong gisingin,
Sa dilim na aking lalakbayin,
Sa mundong may ibang hangarin.
Dugo't kaluluwa iyong nais,
Sa mga taong naghihingapis,
Ikaw ang anyo ng kamatayang,
Nagkukubli sa liwanag ng buwan.
"Hindi nagtagumpay ang buwan na gawing sugo si Lorenzo sa loob ng dalawang siglo. Subalit, nakuha pa rin ng buwan ang kaluluwa ni Lorenzo na nakulong sa isang mahiwagang kuwento. Palaisipan pa rin ngayon kung sino ang bagong nakuha ng buwan bilang kapalit niya. At kung kada-dalawang siglo ay pumipili pa rin siya ng sugo."
"Anong nangyayari sa sugo kapag natapos na ang dalawang siglo?" tanong ni Sabrina.
"Bilang kapalit ng paninilbihan ng sugo sa buwan, papalayain siya nito upang makatawid sa kabilang buhay. Iyon ang dahilan kung bakit may mga kaluluwang nais maging sugo. Ngunit hindi lahat ay napipili. Mas kaakit-akit sa buwan ang mga kaluluwang nabuhay sa impyernong mundo. Iyong mga taong nakaranas ng matinding paghihirap at kamatayan."
"Paano matitigil 'yon? Kawawa naman ang mga kaluluwang natrap sa loob ng libro. Kawawa rin ang sugo na makakasaksi ng mga bagay na 'yon sa loob ng mahabang panahon," wika ni Sabrina.
Napangiti si Tristan. "Malalaman mo sa dula kung paano sila makakalaya. Kaya 'wag mong palagpasin 'yon." Tawa ni Tristan dahil alam niyang hindi mapapalagay si Sabrina hangga't hindi nito nalalaman ang dulo.
Alas-singko na ng hapon nang matapos nilang libutin ang exhibit. Nag-aya si Tristan na kumain muna sila sa malapit na fastfood. Nagpatuloy sa pagkukuwentuhan tungkol sa mga darating na event sa school habang naglalakad papalabas ng gate.
Napatigil sina Sabrina at Tristan nang biglang may humarang sa kanilang daan. Nanlaki ang mga mata ni Sabrina nang makita si Libulan na nakatayo ngayon sa kanilang harapan. Seryoso ang mukha nito habang nakatingin sa kaniya na tila ba nakagawa siya ng libo-libong kasalanan.
Samantala, mula sa ikalawang palapag ay marahang pinapakain ng isang matandang babae ang alaga niyang loro. Ilang sandali pa, narinig niya ang pagtunog ng kuliling sa pinto. Hindi nga siya nagkamali, nakita na niya ang mahiwagang nilalang na nakaupo sa sofa habang nagbabasa ng dyaryo na nakapatong sa mesa.
"Kung ako sa 'yo, bibili na lang ako ng TV para hindi na ako magbabasa pa ng balita," wika ng lalaki saka binaliktad ang dyaryo.
"Hindi ka ba busy ngayon? Akala ko gagawin mo na ang huling misyon mo?" tanong ng matanda na nagpatuloy sa paghimas sa kaniyang alaga.
"Akala ko nga rin e. Hindi pa pala. Ilang taon pa pala bago ko matupad ang kahilingan niya," wika ng lalaki saka pinagmasdan ang pulang bookmark na hawak niya. Iyon na ang huling misyon bago siya makatawid sa kabilang buhay.
"Magpahinga ka raw muna. Kakaiba 'yong misyon mo kamakailan lang. Dinamay mo pa ko nang wala sa oras." Pailing-iling nitong wika.
Natawa ang lalaki saka dumungaw sa bintana. "At least hindi na boring ang buhay mo. Pinalagpas ko na nga rin na nakialam ka sa kanila e. Fake news pa talaga 'yong sinabi mo kay Faye."
"Aba, malay ko. Iyon ang pagkakaalam ko e, akala ko karakter lang din siya sa kuwento." Depensa ni Aling Milda dahilan upang mas lalong matawa ang mahiwagang lalaki dahil nagbabangayan na naman sila.
"Nakikialam ka kasi, ako dapat ang magbubunyag ng lahat. Inagaw mo sa 'kin ang spotlight." Pang-asar muli ng lalaki dahilan upang mairita ang matandang manghuhula na naupo na lang sa sofa at nagsimulang magbaraha. Mas lalong natawa ang lalaki dahil napipikon na naman sa kaniya ang kaibigan.
Nang matapos itong tumawa ay muli itong tumingin sa bintana. "Akala ko ba lilipat ka na ng bahay? Bakit bumalik ka rito?"
Napatikhim si Manang Milda, "Hindi ko alam kung bakit hindi ko maiwan ang lugar na 'to. Sa tuwing hinuhulaan ko ang sarili ko, palaging lumalabas sa pangitain na huwag kong lisanin ang tirahan na ito."
Sandaling pinagmasdan ng lalaki ang maliit na apartment sa ikalawang palapag. Kahoy pa ang materyales ng bahay na niluma na ng panahon. Isa ito sa mga lumang bahay sa Maynila na nakatayo pa rin hanggang ngayon.
Tumingin ang lalaki kay Manang Milda. "Hindi mo pa rin nahanap ang sagot kung bakit hindi mo maiwan ang kuwartong 'to?" tanong ng lalaki. Napailing ang matanda saka napahinga nang malalim. Nagpatuloy ito sa pagbabaraha para sa mga mangyayari sa hinaharap.
Sandaling tumahimik ang paligid. Muling pinagmasdan ng mahiwagang lalaki ang papalubog na araw. Ilang sandali pa, napatigil si Manang Milda nang buksan ang isang baraha, "Hindi maaari..." napalingon ang lalaki nang marinig ang matinding takot at pagkagulat sa boses ng matanda.
"Alam na nila. Patuloy ni Manang Milda sabay tingin sa lalaki. "Nakarating na sa kaalaman nila ang tungkol sa sugo ng buwan."
Napangiti lang ang lalaki na tila ba wala siyang bahid ng pag-aalala. "Wala naman silang magagawa kahit malaman nila ang totoo tungkol sa akin. Ang mga ganitong kuwento, hindi na pinapaniwalaan ng mga tao sa panahong ito. Kami'y kathang-isip at kuwento-kuwento lamang." Paliwanag ng lalaki saka sumandal sa bintana.
Nanatili pa ring nakatingin si Manang Milda na nababalot ng pangamba. "Hindi. Ang tinutukoy ko ay ang..."
"Ssshhh... baka marinig ka niya. Lumubog na ang araw. Mayamaya ay gising na siya. Huwag kang maingay tungkol sa mga natuklasan mo sa iyong baraha."
"Huwag mo sabihing... may ideya ka tungkol sa babaeng iyon? Hindi ka gagawa ng paraan?" Napatayo sa gulat si Manang Milda at naglakad papalapit sa lalaki.
"Hindi bahagi ng misyon ko ang tungkol sa babaeng hinahanap ng buwan. Hayaan mo siyang maghanap. Ngayon natin malalaman kung hanggang saan ang kapangyarihan ni Haliya."
Tumingin ang lalaki kay Manang Milda, pabulong sila mag-usap habang dahan-dahang lumulubog ang araw. Nababalot ng kulay kahel at asul ang paligid habang umiihip ang marahan na hangin.
"Ginagawa mo ba 'to dahil sa kapatid mo? Alam kong alam mo na naririto siya sa panahong ito," tanong ng matanda na nag-aalala sa pananahimik ng mahiwagang nilalang. Naniniwala siya na dapat itong kumilos bago matuklasan ni Haliya ang lahat.
"Anong kinalaman ni Libulan sa usaping ito?" walang reakyon na wika ng lalaki.
Pinakita ni Manang Milda ang nabunot niyang baraha. Napatigil ang lalaki nang makita ang baraha na sumisimbolo sa hindi nararapat na koneksyon ni Libulan at ng babaeng matagal nang hinahanap ng buwan.
**********************
#Duyog
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top