Kabanata 12: Mga Desperadong Kaluluwa
[Kabanata 12]
Disyembre 1849
"MAWALANG-GALANG na ho, Señor. Maaari ko po bang malaman kung ano ang nag-udyok sa 'yo upang panigan ang mga maralita? Ikaw ho ay mula sa marangyang pamilya. Aking hindi maunawaan kung bakit niyo ho ginagawa ang mga ito," tanong ng isang binatilyong estudyante na nasa unang taon ng kolehiyo. Isinilid ng estudyante sa bawat pahina ng libro ang mga sulatin ni Libulan na naglalaman ng pagbatikos sa pamahalaan at mga opisyal.
Tanging sila lang ang naiwan sa silid-aralan. Alas-sais na ng hapon, papalubog na ang araw. Napahinga nang malalim si Libulan habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw at ang abalang mga tao na naglalakad pauwi. Dahil sa kaniyang ginagawa na nababatid niyang mapanganib, sa tuwing pinagmamasdan niya ang paglubog ng araw ay napapaisip siya kung iyon na ba ang huli. Kung makakauwi rin ba siya tulad ng ginagawa ng mga karaniwang tao.
Tumingin si Libulan sa estudyante, "Ikaw ba'y may ama?"
Umiling ang estudyante, "Ako po'y pinalaki ng mga prayle at ulila nang lubos."
"Mayroon akong ama ngunit hindi ko naman maramdaman ang kaniyang presensiya. Nariyan nga siya ngunit malayo ang loob namin sa isa't isa," panimula ni Libulan saka tinanaw muli ang langit na nag-aagaw dilim. "Minsan kong naramdaman ang tunay na pagkalinga at pag-aalala ng isang ama na hindi ko kadugo. Subalit, siya at ang kaniyang pamilya ay nasadlak sa parusa. Aking natunghayan ang pagkadurog ng isang karaniwang pamilya laban sa mga taong maimpluwensiya."
"Kung kaya't ginagawa ko ang mga ito upang magsilbing boses ng mga taong biktima ng kalupitan at pagpapahirap ng mga taong mapagsamantala at abusado sa salapi at kapangyarihan. Ginagawa ko ang mga ito para sa aking amain na hindi ko nagawang iligtas at tulungan." Patuloy ni Libulan sabay tingin sa estudyante, "Bagaman huli na, ito na lang ang aking naiisip na paraan upang makabawi sa aking naging kasalanan at pagkukulang sa kanilang pamilya."
NAPAHIYAW nang malakas si Aliya nang abay-sabay na namatay ang mga kandila sa palibot ng kama ni Libulan. Sa matinding pagkadismaya at inis ay itinumba niya ang mga kandila. Ilang ulit na niyang sinubukang isagawa ang ritwal upang magising si Libulan sa pagkakahimbing, subalit wala pa ring nangyayari.
Ibabato sana ni Aliya ang hawak na anting-anting ngunit natauhan siya nang marinig ang boses ni Don Venancio, "Maghunos-dili ka!" sigaw ng doktor saka tumayo mula sa pagkakaluhod.
"Hindi ko batid kung bakit hindi niya ako kinalulugdan," hagulgol ni Aliya na halos halikan na ang sahig. Napapikit na lamang si Don Venancio, "Maging ako ay hindi makapaniwala sa iyong mga pinapagawa," wika ng Don na nagawang huminahon. Napatingin siya sa suot na pulang abrigo. Hindi siya makapaniwala sa sarili na ang isang kilalang magaling sa agham ay sumasang-ayon ngayon sa mga kababalaghan.
"Ako'y may mahalaga pang pagpupulong bukas. Sabihan mo na lang ako kapag nagawa naayos mo na ito at nagawa mo na ring huminahon," patuloy ng Don saka lumabas sa silid ni Libulan. Agad siyang sinalubong ng asawa na kanina pa nakikinig mula sa labas ng silid.
"Ano? Hindi na naman niya nagawa? Hanggang kailan ka ba magpapakahibang at maniniwala sa kabaliwan ng babaeng 'yan?" bungad ni Doña Crisanta. Sunod nilang narinig ang malakas na paghagulgol ni Aliya habang paulit-ulit na tinatawag ang pangalan ng anak.
Nagpatuloy sa paglalakad ang Don patungo sa kaniyang silid, sinundan siya ng asawa, "Itigil niyo na 'yan. Sa oras na malaman ng simbahan ang inyong ginagawa ay tiyak na mapapahamak tayo. Hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng itim na mahika!"
"At ano? Sabihin mo sa akin, ano pang ibang paraan?! Sinukuan na ng mga dalubhasa ang aking anak. Maging ako na isang manggagamot ay walang magawa!" sigaw ng Don na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawang sumabog sa galit.
Sandaling natahimik si Doña Crisanta. Matagal siyang nanahimik at hinayaan ang pagtira ng kerida nito sa kanilang tahanan. Hindi siya kumibo dahil natatakot siya sa asawa na hindi niya matimpla. Subalit ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagawa siya nitong sigawan at pandilatan ng mata.
Tumawa si Doña Crisanta, isang mahabang tawa na puno ng surpresa. Bagay na ikinagulat ni Don Venancio, "Desperado na nga kayong tunay. Hindi ka ba natatawa sa 'yong sarili habang suot ang pulang damit na 'yan? Handa ka pang maging alay para sa kahibangan ng kerida mong 'yan." wika ng doña sabay tawa nang malakas.
Napahigpit ang kamao ni Don Venancio saka buong-tapang na hinarap ang asawa. "Itikom mo ang bibig mong 'yan." Babala ng Don subalit nagpatuloy lang sa pagtawa ang doña.
"Huwag ka nang magkaila, Venancio. Alam mo bilang isang dalubhasang manggagamot na wala nang pag-asa si Libulan. Ilang buwan na ba? Isa? Dalawa? Hayaan niyo na siyang tumawid sa kabilang buhay!"
"Tumahimik ka!"
"Nababatid kong ginagawa mo lang din 'to dahil hindi mo matanggap na wala na ang iyong nag-iisang anak. Gagawin mo ang lahat upang mabuhay lang ang tagapagmana mo!"
"Sinabing tumigil ka na!" sigaw ng Don saka sinampal nang malakas ang asawa dahilan upang mapabagsak ito sa sahig. Hindi nakagalaw si Doña Crisanta sa pagkagulat.
"Wala ka rin namang naitutulong sa pamamahay na 'to. Manahimik ka na lang tulad ng dati mong ginagawa. Wala kang anak! Wala kang silbi rito kaya wala kang karapatan!" saad ng Don habang nanlilisik ang mga mata sa galit.
Nagpatuloy na siya sa paglalakad ngunit nakakailang hakbang pa lamang siya nang magsalita muli ang asawa na nanatiling nakaupo sa sahig habang hawak ang kaliwang pisngi na namamaga. "Tandaan mo, Venancio. May malaking kapalit ang ginagawa niyong 'yan. Tiyak na sa impyerno kayong lahat pupulutin!"
Hindi kumibo si Don Venancio. Nagpatuloy na siya sa paglalakad saka ibinagsak nang malakas ang pinto. Nang gabing iyon, naglayas si Doña Crisanta bitbit ang kaniyang mga alahas, salapi, gamit at ang hinanakit sa asawa, sa kerida nito, at sa anak na naging dahilan kung bakit nawalan siya ng karapatan sa kanilang pamamahay.
KINABUKASAN, maagang umalis si Don Venancio kasama ang kaniyang katiwala. Mahigpit din ang seguridad sa kanilang tahanan at hindi basta-basta nakakapasok ang sinuman nang walang pahintulot mula sa kaniya.
"Anong balita sa salarin?" tanong ng Don habang nakasakay sa kalesa.
"Ipagpaumanhin niyo po ngunit hindi pa rin nahahanap ang bangkay ni Hiram. Ang sabi ng kapitan, huli nila itong namataan nang tumalon ito sa ilog. Nagpakalat na sila ng paskil at larawan ngunit bigo pa rin kaming makakuha ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan nito."
"Maaaring nasa malayong lugar na ang lalaking 'yon. Maaari ring kinain na ng buwaya ang bangkay nito. Alinman doon, sinapit sana niya ang mas matinding kamatayan." Wika ng Don habang nakatitig sa madilim na daan na napapalibutan ng makapal na hamog. Wala siyang ibang kinatatakutan noon. Ang isang makapangyarihan at kilalang manggagamot ay sadyang iniiwasan ng lahat na makabangga. Subalit ngayong wala na ang nag-iisa niyang tagapagmana. Nababatid niyang magbabalik ang kaniyang mga kadugo na tinuturing niyang kalaban.
Samantala, naalimpungatan si Aliya sa tabi ni Libulan. Hindi na niya mabilang kung ilang beses siyang nagigising sa tabi ng higaan ng anak habang hawak ang kamay nito. Isang buwan nang walang malay si Libulan na binubuhay na lang ng mga gamot na tinuturok ng kaniyang ama upang patuloy na tumibok ang puso nito.
Maingat niyang kinumutan ang anak at tulad ng dati ay hinahalikan niya ang noo nito. Tumayo na siya saka binuksan ang bintana. Kasabay niyon ang pagpasok ng mga kasambahay na kanina pa naghihintay sa labas. Araw-araw pinupunasan si Libulan at pinapalitan ng damit. Araw-araw ding pinapalitan ang mga bulaklak at nililinis ang silid nito.
Napatigil si Aliya nang mapansin ang pamilyar na dalaga na nakatayo sa tapat ng kanilang tahanan. Nakataklob ito ng balabal na kulay luntian. Hindi man niya tuluyang makita ang hitsura ng babae ay nakasisiguro siya kung sino iyon. Madali niyang matandaan ang mga tao kahit pa ilang ulit niya pa lang ito makita.
"Ilang araw na ang babaeng iyan sa labas?" tanong ni Aliya sa kasambahay.
"Si Elena ho ba iyan?" tanong ng kasambahay saka tumango sa sarili nang makumpirma na ito nga ang nagtitinda ng gulay sa palengke. "Ilang araw ko na rin po siya napapansin. Ayon sa mga guardia, nagtatanong ho si Elena tungkol sa kalagayan ni Señor Libulan," patuloy ng kasambahay. Sumenyas si Aliya na maaari na itong lumabas sa silid. Ilang minuto niya pang pinagmasdan si Elena hanggang sa maglakad na ito papalayo.
Ang totoo, tutol din siya sa pakikipagkaibigan ng anak niya kay Elena dahil may iilang usap-usapan na rin ang naririnig niya tungkol sa dalawa noong nagbibinata at nagdadalaga na ang mga ito. Naniniwala si Aliya na mabait at masunurin si Elena subalit mas nais niya na isang babaeng nabibilang sa alta Sociedad ang mapangasawa ng kaniyang anak upang mas maging mataas ang estado nito sa buhay at magkaroon ng maraming koneksyon.
Walang kaso sa kaniya kahit hindi na malaman ng kaniyang mga magiging apo na siya ang tunay na ina ni Libulan dahil mas mahalaga sa kaniya na mapaganda ang buhay ng anak at mapabilang ito sa mga mayayaman.
Nang araw ding iyon, habang pinupunasan ni Aliya ang anting-anting ay aksidente niya itong nabitiwan. Kasabay ng pagbagsak ng anting-anting ay ang kakaibang kaba na kaniyang naramdaman. Kasunod ng kaniyang pagtingin sa pinto ay ang pagkatok ng kasambahay, "Mayroon po kayong panauhin, nais niya raw po kayong makausap." Wika ng kasambahay. Dahan-dahang naglakad si Aliya patungo sa pintuan at nang buksan niya ang pinto ay tumambad sa kaniyang harapan ang guro na hindi niya inaasahan. Nakatayo ito sa likod ng kasambahay.
"Paanong..." hindi na natapos ni Aliya ang sasabihin. Samu't saring tanong ang naghahari ngayon sa kaniyang isipan. Paano ito nakapasok sa kanilang tahanan gayong mahigpit ang mga bantay? At paanong buhay itong nakatayo ngayon sa kaniyang harapan?
"Magandang umaga, Aliya." Bati ni Maestro Santiago na nagawa pang magbigay-galang. Itinapat niya sa kaniyang dibdib ang sombrero. Nakasuot ito ng itim na abrigo at pantalon tulad ng dati nitong kasuotan bilang propesor.
"Kumusta si Libulan? Aking nabalitaan ang nangyari. Maaari ko ba siyang..." hindi na natapos ni Maestro Santiago ang kaniyang sasabihin dahil lumabas si Aliya at isinarado ang pinto. Agad niyang pinaalis ang mga kasambahay at dinala si Maestro Santiago sa silid-aklatan.
"Anong ginagawa mo rito, maestro? Paanong? Ikaw ay buhay." Halos walang kurap na nakatitig si Aliya sa hitsura ng kilalang guro. Madalas niya itong nakakausap noon sa tuwing hinahatid at sinusundo si Libulan sa paaralan noong bata pa ito.
Mapait na ngumiti si Maestro Santiago habang pinagmamasdan ang malaking silid-aklatan ng pamilya Dela Torre. Ginunita niya ang mga araw kung saan dito niya tinuturuang magbasa at magsulat si Libulan. "Ako nga. Hindi ko masasabing ako'y mapalad. Subalit, marahil ay may dahilan kung bakit hindi ako natuluyan noong araw na iyon."
Naguluhan si Aliya. Pakiramdam niya ay nananaginip siya ngunit nang hawakan niya ang sarili ay nababatid niyang totoo ang mga nangyayari. "Natagpuan ang iyong bangkay sa inyong nasunog na tahanan. Ilang taon ka na ring pinaglalamayan ng aking anak sa libingan. Paanong..."
Tumingin si Maestro Santiago kay Aliya, "Iilan lang ang nakababatid sa aking sinapit. Pinili kong manahimik at magtago dahil iyon ang mas makabubuti sa aking asawa't anak. Nagpakita ako sa 'yo ngayon dahil anak na rin ang turing ko kay Libulan," wika ni Maestro Santiago saka hinawakan ang mga libro na maayos na nakahelera sa mga lagayan nito.
"Nalalaman ko ang iyong ginagawa tuwing hatinggabi, Aliya. Ang kakaibang liwanag at mga usok na pumupuslit sa bintana ng silid ni Libulan ay hindi pangkaraniwan. Nalalaman ko rin ang tungkol sa anting-anting na palaging suot ng iyong anak."
Inilapag ni Maestro Santiago ang isang kuwaderno sa mesa. "Iyo na bang narinig ang tungkol sa duyog?"
Dahan-dahang lumapit si Aliya sa kuwaderno na nagmistulang libro dahil sa kapal. "Nilalaman niyan ang aking mga teorya sa agham. Subalit, hindi lahat ng pangyayari sa mundong ito ay nasasagot ng agham. Ang isang manunuklas na tulad ko ay hindi sarado ang isip sa mga posibilidad. Na maaaring masagot ng kababalaghan ang ilan sa aking mga katanungan."
"Anong nais mong mangyari?" tanong ni Aliya. Hindi niya maunawaan kung bakit hindi niya mahulaan ang tumatakbo sa isip ni maestro Santiago. Animo'y ibang tao ang kaharap niya ngayon.
"Ikaw ay mananampalataya ng diyosa ng buwan at kamatayan na si Haliya. Aking nababatid na nalalaman mo na ang pinakamahinang gabi kay Haliya ay ang pagsapit ng duyog dahil tumatapat ang araw sa kaniyang lakas. Alam naman nating lahat na sa tuwing gabi lang siya nagnanakaw ng kaluluwa dahil hindi niya iyon nagagawa sa umaga," wika ni Maestro Santiago saka binuklat ang pahina at pinakita kay Aliya ang mga ginuhit niyang larawan ng iba't ibang hugis ng buwan.
"Ang pinakamalakas na puwersa ni Haliya ay ang kabilugan ng buwan. Ang gabi kung kailan mo pinanganak si Libulan." Saad ng maestro saka inilipat ang pahina sa larawan ng kabilugan ng buwan. "Huhulaan ko na rin, kabilugan ng buwan din nang ipanganak mo ang iyong panganay, hindi ba?" hindi nakasagot si Aliya. Sariwang-sariwa pa sa kaniya ang gabing iyon kung saan dapat mamamatay na siya sa panganganak ngunit nabuhay pa siya at ang batang iniluwal niya sa kalagitnaan ng gabi.
"Silang dalawa. Pareho ang kanilang lakas at madilim na kapalaran. Hindi mo nalalaman ang kapalit ng iyong mga ginagawa. Ang iyong mga anak... ang kapalaran na naghihintay sa kanila... ang siyang kabayaran ng paggamit mo ng kapangyarihan ng buwan."
"Nagtungo ka rito upang pangaralan ako? Nalalaman ko ang aking mga ginagawa. Kung ang dahilan ng iyong pagparito ay upang sisihin ako sa nangyari kay Libulan. Mabuti pang lumayas ka na dahil hindi ako magsisising magdasal at itaya muli ang aking kaluluwa sa aking panginoon upang ikaw ay maparusahan." Saad ni Aliya na seryoso nang nakatingin kay maestro Santiago.
Humarap ang maestro sa kaniya saka sandali siyang pinagmasdan. "Tunay ng ana ang isang desperadong kaluluwa ay wala ng pag-aalinlangan." Wika nito saka naglakad papalapit kay Aliya, "Huwag kang mabahala, hindi ako naparito upang pag-usapan ang iyong mga hangarin. Ang sa akin lang, iyong tiyakin na makakatawid sa kabilang-buhay ang kaluluwa ni Libulan. Tiyak na siya'y naliligaw ngayon. Siyam na araw na lang ay ika-apatnapung araw na mula nang humiwalay ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang katawan. Sa oras na magsara ang lagusan, hindi siya makatatawid sa kabilang buhay at makababalik dito sa mundo."
Napahigpit ang hawak ni Aliya sa kaniyang saya. Alam niya ang mga posibleng mangyari ngunit ayaw niya lang tanggapin dahil naniniwala siya na didinggin pa rin ni Haliya ang kaniyang kahilingan.
"Sa iyong palagay, anong nangyayari sa mga kaluluwang ligaw at hindi na nakatawid sa kabilang-buhay?" napaiwas ng tingin si Aliya. Ang totoo, hindi niya alam. Sa oras na magnakaw ng kaluluwa ang buwan, hindi na niya nalalaman kung saan napupunta ang mga kaluluwa.
Tumingala si maestro Santiago sa daan-daang libro sa loob ng silid-aklatan. "Maniniwala ka ba sa akin kung sasabihin ko sa 'yo na may posibilidad na ang mga kaluluwang hindi nakatawid sa kabilang-buhay ay nakulong sa mundo ng mga kuwento? Hindi ako ganoon kasigurado ngunit minsan ko itong nabasa sa isang ipinagbabawal na aklat."
Hindi nakapagsalita si Aliya. Ilang kaluluwa na ang naisadlak niya sa buwan. At ngayon, hindi imposible na maging ang kaluluwa ng kaniyang anak ay mabiktima ng buwan.
"A-anong dapat kong gawin? Sabihin mo sa akin," saad ni Aliya nang may pagpapakumbaba. Gagawin niya ang lahat mabuhay lang ang anak. Magiging sunod-sunuran siya sa kahit sino makabalik lang ang kaluluwa ni Libulan.
"Nais kong subukan ang buwan sa pagsapit ng duyog. Ang gabi kung saan siya pinakamahina." Tugon ni Maestro Santiago saka binuklat ang sunod na pahina kung saan nakaguhit ang larawan ng duyog.
"Ikaw ay nahihibang. Hindi ka mananalo sa kaniya."
Ngumiti nang mapait si Maestro Santiago, "Nagwagi na ako. Heto ako, nakatayo ngayon sa iyong harapan."
Isinara ni Maestro Santiago ang kuwaderno, "Naparito ako upang ibalik ang tulong ni Libulan. Nalalaman ko ang kaniyang pagsusumikap na malinis ang aking pangalan laban sa mga mapanirang pag-aakusa sa akin at sa aking pamilya. Bahagi ako ng kaniyang kasawian. Handa rin akong tumulong upang maligtas siya sa madilim na kapalaran."
Napahinga nang malalim si Aliya. Ang kaba na kaniyang nararamdaman ay napalitan ng pag-asa. Sa loob ng isang buwan ay halos siya lang ang gumagawa at nag-iisip ng paraan kung paano matutulungan ang anak. At ngayon, gumaan ang kaniyang pakiramdam sa katotohanang may isang taong tunay ding nagmamalasakit kay Libulan.
"Ano ang nalalaman mong paraan? Sabihin mo sa akin." Wika ni Aliya saka marahang pinahid ang namumuong luha sa kaniyang mga mata.
"Sa darating na Biyernes sasapit ang duyog. Isagawa mo muli ang ritwal."
"Kailangan kong makausap si Don Venancio. Nawa'y wala siyang mahalagang pagpupulong sa Biyernes."
"Si Venancio ang alay?" pagkumpirma ni maestro Santiago. Tumango nang marahan si Aliya.
"Iyong nababatid na mahalagang may malalim na hangarin at koneksyon kay Libulan ang dapat na maging alay. Marahil kaya ilang ulit kang nabibigo sa ritwal dahil hindi ganoon kalalim ang pagmamalasakit, hangarin, at relasyon ni Venancio sa kaniyang anak."
Hindi nakapagsalita si Aliya. Aminado siya na malayo ang loob nina Venancio at Libulan sa isa't isa. "Kung maaari lang ako. Subalit, ako ang mangunguna sa ritwal, hindi ako maaaring maging alay." Wika ni Aliya na hindi na mapalagay.
Itinaas ni Maestro Santiago ang kaniyang kaliwang palapulsuhan. "Ako'y handang maging alay para kay Libulan."
GABI ng Biyernes, ang nakatakdang pagsapit ng duyog. Halos isang oras nang nagdadasal si Aliya sa dulo ng higaan habang nakapalibot ang mga kandila sa sahig. Sa kanang bahagi nakaluhod sina Don Venancio, Maestro Santiago, at Elena.
Pilit na sinisilip ni Don Venancio kung sino ang nakasuot ng pulang talukbong ngunit hindi niya makita ang mukha nito. Maging ang isa babaeng nakasuot ng itim na talukbong na nasa tabi ng bagong alay ay hindi niya rin makilala.
Nagtataka si Don Venancio kung bakit nakabukas ang bintana ngayong isinasagawa ang ritwal. Madalas pinapasara ni Aliya ang buong bahay sa tuwing nagdadasal sa buwan. Ilang sandali pa, nanlaki ang mga mata niya nang mapansing unti-unting nagiging kulay dilaw ang buwan hanggang sa maging kulay pula ito na parang kakulay ng dugo.
Kasunod niyon ay ang pag-ihip ng hangin na pilit na pumapatay sa mga apoy ng kandila. Subalit, kahit anong lakas ng hangin ay hindi namamatay ang mga sindi. Tumayo ang alay at sinugatan ang kaniyang pupulsuhan saka ipinatak ang dugo sa baso.
Ang dugo mula sa baso ay ipinahid ni Aliya sa dibdib ni Libulan kung saan nito tinamo ang sugat mula sa bala ng baril. Mas lalong lumalaks ang pagbigkas ni Aliya ng mga dasal. Nagliliparan ang mga papel sa silid ni Libulan. Nabasag na rin ang mga paso ng bulaklak at natanggal ang mga kurtina sa lakas ng hangin.
Napatakip sa mukha si Don Venancio at niyakap ang sarili na parang bata. Muntik pa siyang mawalang ng balanse sa pagkakaluhod dahil sa matinding takot. Nang magtapat ang buwan at araw ay ilang minutong nanatili ang paghahari ng madugong buwan sa langit.
Ilang sandali pa, biglang humupa ang malakas na hangin at sabay-sabay namatay ang sindi ng kandila sa paligid dahilan upang maghari ang usok na siyang bumalot sa buong silid. Sandaling naghari ang katahimikan, humina rin ang boses ni Aliya habang patuloy pa ring sinasambit ang mga dasal. Nang humawi ang usok ay muli siyang napahiyaw nang makitang gising na si Libulan.
"Anak ko!" sigaw ni Aliya sabay yakap nang mahigpit sa anak. Maging si Don Venancio na natuod sa pagkakayuko ay dali-daling tumayo at tiningnan ang kalagayan ni Libulan. Napatakip naman sa bibig si Elena dahil sa matinding gulat. Samantala, nanatiling nakatayo si Maestro Santiago sa gitna ng mga patay na kandila saka nilingon ang bintana kung saan unti-unti nang naghihiwalay ang buwan at araw.
Hindi siya makapaniwala sa nasaksihan. Ang agham na ilang taon niyang pinag-aralan ay masasagot ng kababalaghan. Hindi nga biro hamunin ang buwan. Subalit, para kay maestro Santiago, ito na ang pangalawang beses na nagwagi siya laban dito.
MAKALIPAS ang ilang araw. Mabilis na kumalat ang balita tungkol sa pagkakaroon muli ng malay ng anak ni Don Venancio Dela Torre. Marami ang nag-aabang sa labas sa pag-asang masisilayan ang binata na sinasabing muling nabuhay. Nagbabakasakali ang iba na mapagaling sila nito sa kanilang mga iniindang sakit. Marami ang nagsasabi na ang nangyari kay Libulan ay isang himala. Ngunit, marami rin ang naghihinala.
Makailang ulit ding naghanda ng salo-salo si Don Venancio upang ipagdiwang ang pagbabalik ng anak. Subalit, ni isa sa mga salo-salo ay hindi dumalo si Libulan. Madalas lang siyang nasa loob ng kuwarto at bihirang lumabas.
Abala si Libulan sa pagbabasa nang may kumatok sa kaniyang silid, kasunod niyon ay pumasok ang kaniyang ina dala ang tsaa at mga halamang gamot. Isinara ni Aliya nang marahan ang pinto dahilan upang mas humina ang ingay ng sayawan at tawanan mula sa salo-salo sa bulwagan ng kanilang mansyon.
Laking pagtataka ni Aliya kung bakit hindi nagtatanong si Libulan tungkol sa nangyari. Tahimik lang din ito tulad ng dati. At sa kaniyang pananahimik, mas lalong nag-aalala si Aliya dahil maaaring may mga lihim itong ginagawa tulad ng kilusan na kinabibilangan nito dati.
"Nais mo na bang kumain, anak?" tanong ni Aliya. Tumigil si Libulan sa pagbabasa saka binaba ang libro at tumingin sa kaniya.
"Ako'y hindi pa rin makapaniwala. Hindi ko batid kung dapat ba akong matuwa dahil buhay si maestro Santiago, o malungkot dahil sa loob ng limang taon ay sinisisi ko ang sarili sa nangyari sa kaniya," wika ni Libulan saka napatitig sa mga bulaklak na animo'y naghahatid ng bagong buhay.
"At ngayon, nais ko siya muling makita ngunit hindi ko siya mahagilap. Nababatid ba ito ni ama? Na nabubuhay si maestro Santiago?"
Umiling nang marahan si Aliya. "Walang nalalaman ang iyong ama. Mas makabubuti kung hindi na niya malalaman ang pagparito nina maestro Santiago at Elena."
Napahinga nang malalim si Libulan, ang huling naaalala niya ay ang pagtutok ng baril ni Hiram sa kaniya bago nito kalabitin ang gatilyo na siyang dahilan ng pagkawala ng kaniyang malay. At ngayon, sa kaniyang paggising, halos isang buwan na ang lumipas at kasalukuyan pa ring naghihilom ang kaniyang sugat.
"Ang mabuti pa, kumain ka na nang matunawan ka agad at makatulog nang maaga. Kailangan mo pang magpahinga nang mabuti." Ngiti ni Aliya at akmang lalabas na ng silid upang kuhanan ng pagkain ang anak ngunit napatigil siya nang magsalita muli si Libulan.
"Anong mangyayari sa akin ngayon? Aking nababatid na ang buhay na 'to ay sanhi ng paggamit ng itim na mahika," wika ni Libulan sabay tingin sa ina. Hindi nakapagsalita si Aliya, animo'y nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan. Ang pananahimik nga ng kaniyang anak ay mas nakakatakot dahil hindi niya nababatid kung ano ang tumatakbo sa isipan nito.
Huminga nang malalim si Aliya, lumapit sa anak, at katulad ng dati ay nginigitian niya pa rin ito, "Walang mangyayaring masama. Karaniwan pa rin mga araw na darating tulad ng dati. Ikaw ay mabubuhay nang mahaba, payapa, at maisasakatuparan mo ang iyong mga pangarap, anak." Ngiti ni Aliya saka hinawakan nang marahan ang pisngi ni Libulan.
"Mainit ang mata sa akin ng pamahalaan. Sinunog niyo na ang lahat ng aking mga sulatin. Wala akong kaibigan at hindi na rin maaaring bumalik pa sa paaralan. Narito ako ngayon mag-isa sa aking silid habang nagpapagaling sa sakit na hindi ko nalalaman kung hanggang kailan."
"Anak, huwag kang magsabi ng ganiyan. Kakaunting sugat lamang iyan. At ang iyong puso, hindi tayo pababayaan ng iyong ama na siyang dalubhasang doktor," saad ni Aliya, sa pagkakataong ito ay mas mahigpit niyang hinawakan ang mukha ng anak upang makinig ito sa kaniya.
Sandaling naghari ang katahimikan. Ang totoo, hindi nababatid ni Libulan kung paano muli sisimulan ang buhay. Hindi nan ais ituloy ng kaniyang ama ang pagpapadala sa kaniya sa Europa dahil kailangan nito mabantayan ang kaniyang kalagayan.
"Nasaan po si Hiram? Anong nangyari sa kaniya?" tanong ni Libulan dahilan upang mapatigil si Aliya.
"Hindi pa nahahanap ang kaniyang bangkay." Saad ni Aliya na gabi-gabi ring nagdadasal na mawala na sa landas niya ang panganay na anak na pinaniniwalaan niyang nagdadala ng kamalasan sa kanilang pamilya.
"Nakausap ko siya noong ako'y nasa bilangguan. Tinulungan niya akong mapawalang-sawa alang-ala sa 'yo, ina. Aking napagtanto na ginagawa niya ang lahat para sa 'yo."
"Hayaan mo na siya. Hindi natin siya kailangan sa ating buhay. Mabuti pang wala na siya." Wika ni Aliya. Bakas ang pagkairita sa kaniyang boses. Sa tuwing nababanggit si Hiram ay hindi siya natutuwa. Naalala niya pa ang huli nilang pag-uusap kung saan sinabihan siya nitong walang karapatan maging ina.
"Kung gayon, nauunawaan ko na kung bakit siya nagalit. Lumapit kayo sa kaniya dahil sa akin. Subalit, hindi ko tinanggap ang kaniyang tulong, hindi ako sang-ayon na mapawalang-sala at iba ang magdurusa. Nang dahil sa aking pagtutol, napahamak siya at ako'y binalikan."
"Kaya nga nararapat lang na siya'y mamatay. Pulos pasakit ang dulot niya sa ating buhay." Wika ni Aliya habang inaayos ang dulo ng kumot sa kama ni Libulan. Sinundan ng tingin ni Libulan ang kaniyang ina. Hindi niya maunawaan kung bakit tila kalaban ang tingin nito sa kaniyang kapatid.
"Sa aking palagay, tayo ay pasakit din sa kaniyang buhay. Tayo ang nagpapahirap sa kaniya. Ako na iyong anak na pinapaburan. At ikaw na siyang ina niya na pilit siyang pinagtatabuyan." Napatigil si Aliya nang marinig ang sinabi ni Libulan. Nababatid niyang sinasabi ni Libulan ang nasa isipan nito. Ngunit kailanman ay hindi nila napag-usapan ang tungkol sa responsibilidad ng isang ina.
Muli siyang lumapit kay Libulan saka sinubukang hawakan muli ang pisngi nito ngunit ibinaba na lang niya ang kaniyang kamay, "Siya ang may gawa sa 'yo niyan. Ikaw ay muntik pang mamatay nang dahil sa kaniya. Ang awa ay hindi nararapat sa kaniya. Hindi dahil ikaw ang nakaligtas sa inyong dalawa, dapat mo na siyang kaawaan. Iyong tandaan kung gaano rin karami ang kaniyang mga napatay marating lang ang posisyon na kaniyang inaasam. Siningil lamang siya ng langit sa kaniyang mga kasalanan." Saad ni Aliya saka ngumiti nang marahan sa anak gaya ng dati nitong ginagawa upang sabihing tapos na ang usapan.
"Hanggang kailan niyo susubukang pangunahan ang aking isipan at buhay... ina?" wika ni Libulan saka tumingin nang diretso sa mga mata ng kaniyang ina. Gulat na napatigil si Aliya. Hindi siya makapaniwala sa salitang lumabas sa bibig ng pinakamamahal niyang anak.
"Narinig ko ang pinag-usapan niyo ni ama kanina. Habang ako'y lumalaki ay mas lalo ko kayong hindi maintindihan. Kay rami ng iyong nais makamit, ina. Ako'y hindi na nakasisiguro kung ginagawa niyo ba ang mga ito para sa akin? O ginagamit niyo lang ako upang makuha mo ang iyong mga nais."
"Tumahimik ka na."
"Mula pagkabata ay iniisip ko kung bakit mas pinapaburan niyo ako kaysa kay Hiram. Ang sabi nila, si Hiram daw ay bunga ng iyong pagkakamali noong ikaw'y bata pa. Subalit, hindi ba isa rin akong pagkakamali? May asawa na si ama ngunit pinili mo pa ring makipagkita sa kaniya at---" hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin niya dahil isang malakas na sampal ang tinanggap niya mula sa ina.
"Sinabi kong tumigil ka na. Wala kang utang na loob. Handa kaming mamatay para sa 'yo. At ngayon, ito ang iyong igaganti?"
Nanlilisik na ang mga mata ni Aliya habang pilit na pinipigilan ang panginginig ng kaniyang kamay. "Kailanman ay hindi ko hiniling sa iyo paburan ako at talikuran si Hiram. Hindi ba minsan sumagi sa iyong isip, ina, na maaaring ikaw ang puno't dulo nito? Ikaw ang dahilan kung bakit malalim ang sugat at hinanakit ni Hiram sa atin. Kung naging patas ka man lang. Kung tinuring mo rin siyang anak. Marahil ay----"
"Tumigil ka na!" mahabang sigaw ni Aliya na umalingangaw sa buong tahanan. Kasabay nito ang pagkulog at kidlat na sunod-sunod gumuhit sa langit. Napahawak si Libulan sa kaniyang dibdib nang magsimula itong kumirot. Nanatiling nakatayo si Aliya na animo'y pinapatawan ng sumpa ang anak.
Samantala, napatigil ang mga bisita sa bulwagan nang marinig ang sigaw sa itaas at ang sunod-sunod na pagkulot at pagkidlat. "May delubyo?" wika ng isa dahilan upang magsimulang magbulungan ang mga panauhin.
Ang ilan ay dali-daling kinuha ang kanilang mga abrigo at sombrero saka mabilis na lumabas sa mansyon ng pamilya Dela Torre. "Pasensiya na amigo, mahirap abutan ng ulan sa daan. Salamat sa paanyaya, at magandang gabi," paalam ng isang negosyante kay Don Venancio saka dali-daling tumakbo papalabas.
Hindi makapagsalita si Don Venancio habang isa-isang nag-aalisan ang kaniyang mga panauhin. Tumigil na rin sa pagtugtog ang banda ng musiko. Ilang sandali pa, nakita niya ang isang lalaking nakasuot ng talukbong. Naglalakad ito papalapit sa kaniya na animo'y si kamatayan.
Nanlaki ang mga mata ni Don Venancio nang makilala ang taong papalapit sa kaniya. Napaatras siya at nabitiwan niya rin ang hawak na baso ng alak. Sinubukan niyang tumawag ng mga guardia ngunit mas napangunahan siya ng takot at napapahakbang na lang nang paatras hanggang sa mapasandal siya sa dingding.
"S-santiago? Paanong..."
"May nakapagsabi na ba sa 'yo, Venancio, na ang pagiging desperado ay nauuwi sa mas mapanganib na sitwasyon. Desperado akong mabuhay kung kaya't narito ako muli sa iyong harapan." Saad ni Maestro Santiago.
Kasunod niyon ay ang pagtakbo ng mga kasambahay pababa ng hagdan. "Don Venancio! Si Señor Libulan!" sigaw ng mga ito. Dali-daling tumakbo si Don Venancio paakyat sa ikalawang palapag. Nang marating niya ang silid ni Libulan ay laking-gulat niya nang makitang dumurugo ang dibdib nito at ang ilong habang walang malay na nakahiga sa kama.
NAALIMPUNGATAN si Libulan sa mga boses na kaniyang naririnig habang unti-unting nagiging malinaw ang mga sinasabi nito.
"Nagkakahawaan na talaga tayo dito. Una, si Sab nagka-fever. Ngayon naman si Li. Dapat na tayong magpatawas." Saad ni Kuya Empi habang pinapaypayan si Libulan gamit ang isang punit na karton dahil itinapat niya ang electric fan sa kaniya.
"Umayos ka nga kuya Empi! Ang sikip dito!" saad ni Sabrina saka tinulak si Kuya Empi dahil nagawa pa nitong humiga at tapikin sa tiyan si Libulan.
Gulat na napabangon si Libulan dahilan upang mapatigil din sila sa gulat. "Omg! Okay ka na bro?" saad ni kuya Empi sabay hawak sa balikat ni Libulan. Napakurap din ng dalawang beses si Sabrina dahil sa biglaang pagbangon ni Libulan na animo'y nagising sa isang bangungot.
Pinagpapawisan si Libulan nang malamig at napahawak din ito sa dibdib. "Bakit? Hindi ka ba makahinga?" tanong ni Sabrina. Agad tiningnan ni Libulan ang sugat sa kaniyang dibdib ngunit wala ang bakas na naroroon.
Magsasalita pa sana si Libulan ngunit hinubaran na siya ni Kuya Empi. "Ayan! Basang-basa ka na sa pawis, magpalit ka ng damit." Saad nito. Napasigaw si Libulan sabay hila ng damit niya dahil nakatitig lang si Libulan sa kaniyang katawan.
"Ang arte naman nito," wika ni Kuya Empi saka binitiwan ang damit. Dali-daling nagbihis si Libulan. Napalunok na lang si Sabrina saka umiwas ng tingin. "K-kukuha lang ako ng tubig," mabilis na saad ni Sabrina saka dali-daling lumabas.
"Gawin mo ng tatlo with ice please," habol ni Kuya Empi na muling humarap sa electric fan. "Ang hot ko talaga." Patuloy nito. Napatulala na lang si Libulan sa sarili matapos niyang maisuot muli ang tshirt. Sa dami ng mga nangyari ay hindi niya alam ngayon kung ano ang una niyang dapat na isipin.
Alas-diyes na ng gabi nang matapos si Sabrina sa kaniyang mga tinahi. Marami ang order ngayon sa patahian dahil marami ang mga mag-dedebut. Nagtungo siya sa kusina upang magtimpla ng isang basong gatas.
Natanaw niya si Kuya Empi na kausap sa videocall ang girlfriend nito habang nakasandal sa mini van sa labas. Nang makaakyat na siya sa ikalawang palapag ay dahan-dahan niyang binuksan ang kuwarto at nakitang mahimbing na muling natutulog si Libulan.
Naalala niya ang kaba na naramdaman niya nang gisingin siya ni Kuya Empi kaninang umaga at sabihing nilalagnat si Libulan. Animo'y napawi ang lahat ng inis niya lalo na ang hindi nito pagsipot sa pagkikita nila noong Linggo. Kahit papaano ay napanatag siya dahil hindi naligaw si Libulan at nakauwi ito nang ligtas.
Marahan niyang inilapag sa tabi ang baso ng gatas at inayos ang kumot ni Libulan. Sandali niya itong pinagmasdan matulog at isinandal ang ulo sa pagitan ng kaniyang dalawang tuhod. Sa kaniyang pagtitig sa payapang mukha ng binata ay hindi niya namalayan na unti-unti na pala niyang tinataas ang kaniyang kamay upang hawakan ang ulo nito.
Dahan-dahan niyang hinawi ang buhok ni Libulan na tumatama sa kaniyang mata. Hindi rin namalayan ni Sabrina na napangiti sa sarili habang pinagmamasdan si Libulan na animo'y batang natutulog.
Ang mga ngiti ni Sabrina ay unti-unting napalitan ng pagkunot ng noo nang marinig niyang magsalita si Libulan habang tulog, "Elena... Haliya..."
Umayos nang upo si Sabrina saka muling tiningnan nang seryoso si Libulan. "Elena... Haliya... Ina..." Sa isip ni Sabrina ay pulos mga babae sa buhay ni Libulan ang binabanggit nito. Tumikhim siya at akmang aalis na lang ngunit napansin niya na pinagpapawisan muli at tila nilalamig si Libulan.
Hinawakan ni Sabrina ang noo ni Libulan. Inaapoy na naman ito ng lagnat. Agad niyang kinuha ang tabo na may tubig at alcohol sa tabi at piniga roon ang maliit na tuwalya saka inilagay sa noo ni Libulan.
Nanatili siyang nakahawak sa noo ni Libulan hanggang sa mawala ang panginginig nito. Ilang sandali pa ay napansin niyang unti-unting naalimpungatan si Libulan hanggang sa imulat nito ang kaniyang mga mata at nagtama ang kanilang mga paningin.
Sandali silang hindi gumalaw. Ni isa sa kanila ay walang lumayo o umiwas ng tingin. Huminga nang malalim si Libulan, "Kung maaari lamang, nais kong manatili na rito habambuhay." Napansin ni Sabrina ang pamumuo ng luha sa mga mata ni Libulan. Hindi niya maipaliwanag ngunit ramdam niya ang labis na pagkabahala at lungkot mula sa mga mata nito.
Dahan-dahang bumangon si Libulan at naupo. Ibinaba ni Sabrina ang hawak na basang tuwalya. "Nananaginip ka ata," saad ni Sabrina upang basagin ang katahimikan. Bukod doon, wala siyang ibang masabi.
"Sabrina, ano ang iyong gagawin sa oras na mabatid mo na ang inaakala mong totoo ay isang malaking kasinungalingan pala?" wika ni Libulan habang nakatitig sa kaniyang mga kamay na maayos ang kulay hindi tulad sa pamumutla ng kaniyang balat noong siya'y may sakit.
Naalala ni Sabrina ang naging reaksyon nila ng kaniyang ate nang malaman nila na ikakasal na agad ang kanilang ama. Akala nila ay tuluyan na nitong nakalimutan ang unang babaeng minahal, ngunit hindi pala. Hindi pala nawala sa puso't isipan ng kanilang ama ang una nitong pag-ibig.
"Wala na akong magagawa. Mas mabuti nang harapin ang totoo kaysa mabuhay sa kasinungalingan at pagpapanggap." Tugon ni Sabrina. Dahan-dahang napatingin si Libulan sa mga mata ni Sabrina, sa lahat ng taong nakilala niya. Tanging si Sabrina ang nakakausap niya nang may kabuluhan at nakapagbibigay ng sagot na hindi niya inaasahan. Siya na mahusay sa larangan ng abogasya ay naghahanap din ng kasagutan sa mga tanong na hindi matapos-tapos.
"Anuman ang nalaman mo. Mas mabuting harapin mo. Hindi habambuhay maloloko tayo ng ibang tao. Lalabas pa rin ang totoo." Patuloy ni Sabrina saka tipid na ngumiti. Naaawa siya ngayon sa kalagayan ni Libulan. Ganitong-ganito ang hitsura ng binata noong nalaman nito na iba na ang nakatira sa dating kinatitirikan ng kanilang tahanan.
"Hindi ako namatay noong gabing binarily ako ng aking kapatid. Sa halip, nagising pala ako makalipas ang isang buwang pagkakahimbing. Hindi ko maunawaan kung bakit nabura iyon sa aking alaala. Sa aking palagay, may dahilan din kung bakit ako naririto. Marahil, ang ibang katotohanan na dapat kong malaman ay narito." Saad ni Libulan. Hindi nakapagsalita si Sabrina, ramdam niya ang pagtaas ng kaniyang mga balahibo at ang kakaibang lamig na dumidikit sa kaniyang balat.
Sa tuwing may sinasabi si Libulan tungkol sa kaniyang pagkatao at pinanggalingan ay nakakaramdam siya ng kaba at panlalamig na tila ba hindi niya dapat malaman ang mga bagay na iyon.
Natauhan sila nang biglang bumukas ang pinto. "Sab, may bisita ka. Nasa labas." Nagmamadaling wika ni Kuya Empi habang hawak ang phone at earphones.
"Sino?" tanong ni Sabrina. Napakibit-balikat si kuya Empi.
"Ewan ko. Hindi ko na natanong. You know, I'm busy oh," saad ni Kuya Empi sabay pakita ng kaniyang phone kung saan kausap niya pa rin ang girlfriend.
"Dito ka lang, bababa muna ako," paalam ni Sabrina kay Libulan. Magsasalita pa sana si Libulan ngunit nakalabas na si Sabrina.
Akmang isasara n ani Kuya Empi ang pinto ngunit humabol si Libulan. "Sino raw iyon, kuya Empi? Malalim na ang gabi."
"Aba, malay ko. Nasa loob ng kotse e, hindi naman bumaba."
Napaisip si Libulan. Manliligaw ang madalas dumadalaw sa isang dalaga tuwing malalim na ang gabi. Agad kinuha ni Libulan ang kaniyang jacket na nakasampay sa likod ng pinto at dali-daling sinuot iyon habang bumababa ng hagdan. Inunahan niya pa si Kuya Empi na pababa rin sa hagdanan.
Natanaw ni Libulan si Sabrina na kakalabas pa lang ng pinto. Agad siyang sumunod palabas at akmang tatawagin ang pangalan ni Sabrina ngunit napatigil siya nang makita ang isang pamilyar na lalaki na bumaba sa sasakyan.
"I know, you won't answer your phone kaya hindi na ako tumawag." Wika ng lalaki na nasa edad limampu pataas.
"Anong ginagawa mo dito? Umalis ka na." seryosong wika ni Sabrina.
"It's your mom's birthday tomorrow. Gusto ko sanang..."
"Hindi. Wala kang karapatan puntahan o batiin siya. Umalis ka na dito." Kapansin-pansin ang pagtaas ng boses ni Sabrina.
Sinubukang humakbang ni Edmund papalapit sa anak ngunit humakbang paatras si Sabrina. Napatigil si Edmund nang magawi ang kaniyang tingin sa binatang nakatayo sa tabi ng pinto. Pareho silang natigilan.
Malakas ang pakiramdam ni Libulan na nakilala siya ng lalaki. Halos walang kurap din itong nakatingin sa kaniya. Hindi siya makapaniwala na muli niyang makikita ngayon si Maestro Santiago sa modernong panahon at siyang ama ni Sabrina.
***************************
#Duyog
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top