Kabanata 11: Sa Duyog Ako'y Magbabalik

[Kabanata 11]

MABILIS na tumakbo si Libulan pabalik sa waiting shed. Mabuti na lamang dahil hindi ito malayo mula sa kompanya ni Ana. Madali niya ring natandaan ang daan subalit ilang beses din siyang nalito dahil sa dami ng taong naglalakad sa gilid at marami na ring sasakyan sa kalsada.

Ngayon lang siya nakatakbo nang mabilis at halos walang tigil. Bagay na hindi niya nagagawa dahil sa sakit sa puso. Nang makarating siya sa waiting shed kung saan sana sila dapat magkikita, hindi na niya naabutan doon si Sabrina.

Papalubog na rin ang araw at makulimlim ang langit na tila ba nagbabadiyang umulan ngunit hindi tumutuloy. Agad kinapa ni Libulan sa kaniyang bulsa ang phone ngunit maging ito ay hindi niya masumpungan.

Dali-daling tumakbo si Libulan pauwi sa patahian. Umaasa siya na ligtas na nakauwi si Sabrina. Nang makarating siya sa Sastre y Seda, agad siyang umakyat sa ikalawang palapag dahilan upan magitla si Gera na nagbibilang ng kita. Napakurap ito ng dalawang beses dahil sa bilis ng pagpasok ni Libulan na matulin ding nakaakyat sa hagdan.

Napahawak si Libulan sa pintuan nang masumpungan sina Aling Lucy at Kuya Empi sa kuwarto ni Sabrina. Inalalayan ni Aling Lucy si Sabrina upang makainom ito ng gamot.

"Sa susunod nga, huwag kang aalis nang masama ang pakiramdam mo. Hindi ka na ata nag-almusal kaninang umaga e," wika ni Aling Lucy sabay kuha sa baso ng tubig na hawak ni Sabrina. Ngumiti nang marahan si Sabrina, wala naman siyang sakit o lagnat. Kahit papaano ay nagpapasalamat siya sa pag-aalaga at pag-aalala ng mga kasama niya sa patahian.

"Siguro po dahil din sa init. Sobrang init din po kaninang umaga," saad ni Sabrina na animo'y nagdadahilan. Itinali rin ni Aling Lucy ang mahabang buhok niya kanina upang hindi siya lalong pagpawisan. Hindi niya rin maalala kung bakit siya nawalan nang malay sa habang naghihintay sa waiting shed. Ang huli niyang natatandaan ay dalawang beses siyang bumalik sa patahian upang hanapin si Libulan, nagtungo siya sa presinto upang hanapin doon si Libulan, at ilang oras din siyang naghintay sa waiting shed sa pag-asang naligaw lang si Libulan kaya hindi ito nakarating agad.

"Saan ka ba pupunta? 'Di ka nagsabi, hinatid ka na sana namin." Saad ni Kuya Empi na nakasandal sa dingding. "Nasaan ba si Li?" patuloy nito sabay lingon sa pintuan kung saan napangiti siya nang masilayan ang paboritong kaibigan ngunit nagtaka siya nang mapansin na parang naligo ito sa pawis.

"Oh, men! Nag-marathon ka ba?" Lalapitan sana ni Kuya Empi si Libulan ngunit humakbang na si Libulan papasok sa kuwarto na tila ba isang eksena sa pelikula.

Napatigil sina Sabrina at Aling Lucy nang tumayo si Libulan malapit sa kanila. "Oh, hijo, saan ka galing? Umulan ba sa labas?" salubong ni Aling Lucy sabay tingin sa bintana kung umulan.

Magsasalita sana si Libulan ngunit nakatingin sa kaniya ang lahat, lalo na sina Aling Lucy at Kuya Empi na walang kamalay-malay sa pagkikita sana nila ni Sabrina ngayong araw. Ilang segundong naghari ang katahimikan dahilan upang magpalitan ng tingin ang tatlo na naghihintay sa sasabihin ni Libulan.

"A-ako'y humihingi ng paumanhin, sa inyo, lalo na sa 'yo Sabrina, sa aking inasal at sa nangyari," wika ni Libulan na yumukod nang marahan. Napakurap ng dalawang beses si Sabrina. Hindi pangkaraniwan ang reaksyon, kilos, at sinasabi ni Libulan subalit kahit papaano ay napanatag siya na nakabalik ito nang ligtas.

"Kanina ka pa namin tinatawagan bro pero hindi mo sinasagot. What happened ba sa date niyo? Bakit ganiyan hitsura mo? Don't tell me naligaw ka pauwi," tawa ni Kuya Empi sabay sagi kay Libulan.

Nanlaki ang mga mata ni Sabrina nang mabanggit ni kuya Empi ang salitang date. Ang totoo, winawaksi niya lang sa isip niya na mukhang date ang gagawin nila ni Libulan subalit hindi niya pa rin napigilang mag-ayos at paghandaan ito.

"Sinong ka-date mo, hijo?" usisa ni Aling Lucy. Mas lalong lumaki ang ngiti ni Kuya Empi. Napalunok na lang si Libulan at napatingin kay Sabrina sa takot na mabisto nito ang totoong pakay ng kaniyang pag-aaya na sabay silang dumalo ng misa.

"May date sila ni Ms. Ana kanina, 'yong magandang reporter ng PMC News," sagot ni Kuya Empi sabay akbay kay Libulan na parang isang proud na ama. "Ano, Li? Kumusta ang date niyo? 'Di mo naman pinahiya sarili mo 'no?" tawa ni Kuya Empi saka tinapik-tapik ang balikat ni Libulan.

Tuluyan nang hindi nakapagsalita si Libulan, napalunok na lamang siya nang magtama ang tingin nila ni Sabrina.

"Ikaw naman, Sab? May date ka rin ba kanina? Hindi ka ba sinipot ng jojowain mo?" pang-asar ni Kuya Empi sabay tawa. Unti-unting sumingkit ang mga mata ni Sabrina dahilan upang mapahagod na lang siya sa kaniyang hininga. "H-heto naman, biro lang. Sige, tulog na ko hehehe." Bawi ni Kuya Empi saka dahan-dahang umatras at kumaripas ng takbo papasok sa kanilang kuwarto.

Mabilis na nagbigay-galang si Libulan bago kumaripas din ng takbo papalabas at nagpupumilit na pumasok sa kuwarto nila ni Kuya Empi na hindi niya nabuksan agad. "Magpahinga ka na hija, pagpasensiyahan mo na ang dalawang 'yan, lalo na si Empi sa sobrang ingay." Wika ni Aling Lucy na nagsimulang magligpit.

Papalabas na sana si Aling Lucy nang dumating si Migo sabay pakita ng itim na phone, "Kanino po 'to? Nasa lagayan ng bigas," saad ni Migo. Kinuha ni Aling Lucy saka pinakita kay Sabrina. "Sa 'yo ba ito, hija?"

Hindi man buksan ni Sabrina ang locksreen ay pamilyar na sa kaniya ang hitsura ng phone. "Kay Libulan po," tugon niya. Ngayon ay malinaw na sa kaniya kung bakit hindi nagawang sagutin ni Libulan ang mga tawag at text niya kanina, naiwan pala nito ang phone sa bahay.

Umilaw ang phone na hawak ni Sabrina dahilan upang mabasa niya ang mga mensahe sa naka-display sa locksreen.

Thank you for today, Li. I had so much fun talking with you!

Muling napasingkit ang mga mata ni Sabrina nang mabasa ang pangalang Ana at ang mensahe nito.


KINABUKASAN, maagang nagising si Sabrina. Kasalukuyang semester break at abala silang lahat sa patahian. Masinop na nagtatahi si Sabrina habang katabi si Aling Lucy na abala rin sa pagtatahi gamit ang makina.

Ilang beses na napapatingin si Aling Lucy kay Sabrina na animo'y nanggigigil sa kaniyang mga tinatahi. Kulang na lang ay sumiklab ang apoy sa makina. "Hija, dahan-dahan lang, baka masira ang tela," paalala ng matanda. Napahinga nang malalim si Sabrina saka inayos ang kaniyang ginagawa ngunit sa tuwing naaalala niya ang nangyari kahapon ay mas lalong umiinit ang kaniyang ulo.

Samantala, nakadungaw sa hagdan si Libulan. Ilang minuto na siyang nakatayo roon habang nag-iisip kung paano dadaan sa patahian at kakausapin si Sabrina bago sila umalis ni Kuya Empi patungo sa bodega.

Natauhan si Libulan nang marinig ang boses mula sa kaniyang likuran, "Puwede na bang dumaan?" wika ni Migo na seryosong nakatayo sa mataas na baytang. Nawala sa isip ni Libulan na nakaharang pala siya sa hagdanan.

Tumabi si Libulan, mag-iisang buwan na siya sa patahian ngunit hindi niya pa rin nakukuha ang loob ni Migo. Bihira lang din ito manatili sa bahay at palaging hinahanap ni Aling Lucy sa gabi. Sinundan niya ng tingin si Migo hanggang sa makalabas ito, ni hindi man lang ito bumati o nagpaalam sa kaniyang ina at sa mga mananahi.

Muling ibinalik ni Libulan ang tingin kay Sabrina. Natatanaw na rin niya si Kuya Empi sa labas na nagpupunas sa mini truck at mukhang patapos na ito. Huminga nang malalim si Libulan, sakto rin na tumayo si Aling Lucy na siyang nasa tabi ni Sabrina upang magtungo sa kusina.

Muling napabuntong-hininga si Libulan nang makalapit kay Sabrina. Hindi kumibo si Sabrina kahit pa nababatid nito na nakatayo sa tabi niya si Libulan. "Nais ko sanang humingi ng paumanhin sa nangyari kahapon. Kumusta na ang iyong kalagayan? Inaamin ko ang aking naging pagkukulang at kamalian dahilan upang ikaw'y maghintay sa..." hindi na natapos ni Libulan ang sasabihin dahil nagsalita na si Sabrina.

"Paki-abot ng sinulid doon sa kahon," wika ni Sabrina sabay turo sa kahon na malapit sa pintuan. Dali-daling nagtungo roon si Libulan, kumuha ng isang rolyo at bumalik kay Sabrina na animo'y siya ang pinakamasunuring nilalang.

"Salamat," tipid na wika ni Sabrina nang hindi tumitingin kay Libulan. "Wag mo na palang isipin 'yon, late ako dumating kasi may pinuntahan pa ko kahapon. Saglit lang naman ako naghintay." Saad ni Sabrina at nagpatuloy na sa pagtatahi. Magsasalita pa sana si Libulan ngunit mas nangibabaw na ang ingay ng makina.


ALAS-SAIS ng hapon nang matapos si Sabrina. Naglalakad sila ni Kyla sa Divisoria upang mamili ng mga kailangan para sa susunod na Semester. "Ano? Pupunta ba tayo? Magsabi ka lang..." Hindi na natapos ni Kyla ang pagkukuwento tungkol sa nalalapit na theater play ni Tristan dahil napatigil sa paglalakad si Sabrina sa tapat ng isang salon.

Bago pa makapagsalita si Kyla ay diretso nang pumasok si Sabrina sa salon. "Magpapagupit ka girl?" gulat na tanong ni Kyla na hindi makapaniwala sa biglaang desisyon ni Sabrina. Wala na siyang nagawa dahil seryosong nakatingin si Sabrina sa repleksyon ng salamin habang naghahanda na ang hairdresser.

"Gaano po kaikli, Ma'am?" tanong ng hairdresser. Tinuro ni Sabrina ang gusto niyang gupit. "Wow. Nangangamoy change." Sabat ni Kyla nang malaman kung gaano kaikli ang gusto ni Sabrina. Hanggang leeg ang gupit at nagpalagay pa ito ng manipis na bangs.

Makalipas ang kalahating oras. Napanganga na lang si Kyla. Ngayon niya lang nakitang maikli ang buhok ni Sabrina. "Pinanindigan mo talaga ang pagkahilig mo kay Snow White," wika ni Kyla na napangiti rin dahil bagay kay Sabrina ang bagong gupit nito.

"May nanakit ba sa 'yo? Bakit naisipan mong magpagupit?" usisa ni Kyla habang naglalakad sila papalabas ng salon.

"Wala. Trip ko lang." Tugon ni Sabrina ngunit hindi niya maunawaan kung bakit si Libulan ang unang pumasok sa isip niya sa tanong ni Kyla.

"Anyway, so ayun nga, punta ba tayo sa play ni Tristan?" tanong ni Kyla, nakatayo na sila sa gilid habang naghihintay ng masasakyang jeep. Naalala ni Sabrina kung paano siya nilayo ni Tristan sa classroom kung saan kumalat ang issue nila ng pangongopya ni Kyla. Naroon din si Tristan noong kinausap nila ang professor.

Tumango nang marahan si Sabrina, "Sige, gusto ko rin siya mapanood ulit sa stage," tugon ni Sabrina dahilan upang mapatalon sa tuwa si Kyla dahil nararamdaman niyang mababalik na ang pagkakaibigan nila.

Samantala, tumigil naman ang mini truck sa huling tindahan kung saan nila ihahatid ang ilang mga gown. Abala sa pagbubuhat si Libulan nang mapansin niya ang pamilyar na mukha sa isang computer shop. Upang makumpirma kung tama nga ang kaniyang hinala, tumawid siya sa kabilang kalsada at pumasok sa computer shop.

"Ilang oras ka, Ser?" bungad ng bantay ngunit hindi narinig ni Libulan. Diretso siyang naglakad malapit sa bintana sabay tingin kay Migo na abala sa paglalaro ng DOTA kasama ang mga kaibigan nito.

"P*cha! Olats na naman. Napakabano niyo talaga!"

"T*ngina. Ikaw obobs maglaro e!"

Nagpatuloy ang bangayan ng mga kabataan na nanggigigil na rin sa keyboard at mouse. Napapasigaw ang ilan sa kabilang helera at patuloy ang pagmumurahan. Makailang ulit na kinalabit ni Libulan si Migo ngunit sinasagi lang nito ang balikat, "G*gi mamaya ka na," wika ni Migo nang hindi inaalis ang mata sa monitor at bakas ang matinding pagkairita sa boses.

Hindi tumigil si Libulan hanggang sa mainis si Migo at alisin ang suot na headphones, "P*ta! Ano ba?!" Gulat na napatigil si Migo nang makilala kung sino ang nakatayo ngayon sa kaniyang likuran.

"Dito ka pala namamalagi hanggang gabi habang ang iyong ina ay labis na nag-aalala kung nasaan ka na," wika ni Libulan habang ang dalawang kamay ay nasa likuran. Nakasuot pa ng uniporme si Migo at ang mga kaklase nitong inaabot din ng gabi sa computer shop.

Napakamot na lang sa ulo si Migos aka bumalik sa upuan at nagpatuloy sa paglalaro. "Ikaw ay kinakausap ko pa. Hindi ka ba nag-aalala sa iyong ina? Siya nag-aalala sa iyong kalagayan..." Napatigil si Libulan nang mapagtanto ang nilalaman ng kaniyang sinabi.

Siya, na dating nangunguna sa lihim na pag-aalsa ng mga kabataan sa pamahalaang Kastila. At siyang pangunahing dahilan ng pag-aalala ng kaniyang ina. Siya, na handang isantabi ang nararamdaman ng ina para sa sarili niyang adhikain at pangarap para sa bayan. Siya, na walang ibang inisip kundi ang bayan ay nagpapangaral ngayon ng tungkol sa alalahanin ng isang ina.

Sandaling hindi nakapagsalita si Libulan habang napapalibutan ng mga kabataang patuloy na naghihiyawan at nagmumura sa paglalaro. Hindi niya alintana ang ingay ng paligid habang inaalala ang dating sarili at ang naging relasyon niya sa kaniyang ina.


MAAGANG bumisita si Ana sa ancestral house na ginawan nila ng documentary sa loob ng Intramuros. Dala niya ang mahahalagang dokumento na pinagpuyatan niyang basahin. Malaking ngiti ang sinalubong sa kaniya ng matandang babae na siyang nakatira roon.

"Ma'am Delia," ngiti ni Ana na agad nagmano sa matanda. "Sabi ko, Nay na ang itawag mo sa akin," ngiti ng matanda na yumakap at humalik kay Ana. Magkakapit braso silang naglakad papasok sa bahay.

Ilang beses nang nakapasok sa lumang bahay na iyon si Ana ngunit hindi niya maunawaan kung bakit may kakaiba sa araw na ito. "Kumusta po kayo? Naiinom niyo naman po nang maayos ang mga gamot niyo?"

"Oo naman. Hindi pa naman ako ulyanin, hija," ngiti ng matanda saka pinaupo si Ana sa mahabang sofa. "Ano pala ang iyong sadya, hija? May maitutulong ba ako?"

"Nasa production and editing na po ang documentary natin. Sa katapusan po ng buwan ang release, tatawagan ko po kayo para mapanood niyo po muna." Ngiti ni Ana saka inilapag ang mga dalang papeles.

"May mga kailangan lang po sana akong kumpirmahin na detalye." Patuloy ni Ana saka ipinakita kay Delia ang mga photocopy ng lumang diary.

"Familiar po ba kayo sa diary na 'to? Puwede ko po bang makita? May mga ilang pages lang po sana akong gustong makita."

Napasingkit ang mga mata ni Delia sabay suot sa kaniyang salamin upang kilatisin ang mga papeles. "Ngayon ko lang 'to nakita. Saan mo 'to nahanap, hija?" tanong ng matanda saka binasa ang pangalan ng may-ari ng diary.

Emmanuel Santiago y Alvaro

"Ito ang pangalan ng ninuno ng aking ama, ang pamilya Santiago," wika ni Delia na napangiti sa sarili habang pinagmamasdan ang malabong photocopy. "Ngayon ko lang nakita 'to. Noong World War II, nasira ang likod na bahagi ng bahay na 'to, naroon ang bodega at ilang lumang gamit. Pinagawa na lang ito ng aking lolo."

Napaisip si Ana, tatanungin na lang niya ang kaniyang supervisor na siyang nagpadala ng impormasyon kung saan nito nakuha ang kopya ng lumang diary. Hinanap ni Ana ang isang papel at pinakita kay Delia, "Ito po kaya? Familiar kayo sa mga pangalang ito?"

Maria Elena Santiago y Jimenez

Libulan

Napakunot ang noo ni Delia, "Hindi ko na gaano... Sandali, mayroon kaming family tree na naitabi, nabigay ko na yata ito sa inyo," saad ng matanda saka tumayo at nagtungo sa silid. Hindi malaman ni Ana kung bakit bumibilis ang tibok ng puso niya na animo'y siya'y kinakabahan.

Makalipas ang ilang segundo ay bumalik na si Delia, "Wala pala sa drawer ko, naroon yata sa opisina," wika ni Delia sabay turo sa unang silid na katabi ng palikuran. "Pamangkin kong abogado ang huling gumamit ng opisina na 'yan, puro gamit niya pa ang nandiyan. Hindi namin ginagalaw dahil baka may mga mahahalagang papeles o kaso pa siyang hawak diyan noon. Hindi ko na rin pinagalaw kasi marami namang kuwarto rito."

Bumalik sa kuwarto si Delia upang kunin ang susi sa opisina. "Pasensiya na hija maalikabok dito. Ilang taon na 'tong hindi nalilinisan. Wala rin namang maglilinis. Mahina na ang tuhod ko," ngiti ni Delia. Napatakip sila ng bibig nang salubungin sila ng makakapal na usok at amoy ng mga lumang libro. Marami na ring mga agiw sa dingding at kisame.

Napansin ni Ana na magkahiwalay ang mga lumang libro sa mga librong ilang dekada pa lang ang tanda. Maayos ding nakahelera ang mga makakapal na libro at dokumento kahit pa nababalot ito ng makapal na alikabok.

Binuksan ni Delia ang isang lumang aparador na gawa pa sa bakal na makalawang. "Heto, hindi 'to kompleto pero kahit papaano may mga pangalang nakatala rito," ngiti ni Delia saka binuklat ang libro.

Ilang segundo nilang binasa pabalik ang mga pangalan na karamihan ay may mga apelyidong Santiago. Nagkukuwento pa si Delia tungkol sa mga tiyuhin at tiyahin na naabutan niya. Kung ano ang mga naging propesyon ng mga ito at kung saan ito nanirahan. Karamihan sa kanilang angkan ay mga naging abogado, propesor, at nanungkulan sa mga ahensiya ng gobyerno.

Napatigil sila sa pinakaunang pangalan na nakatala, "Emmanuel Santiago y Alvaro. Ito ang pangalan ng aming ninuno at siyang unang nakatala rito," saad ni Delia saka sinundan ang pangalan ng pamilya nito, "Napangasawa niya si Melchora Santiago y Domingo at mayroon siyang iisang anak na babae, si Maria Isabela Santiago y Domingo."

Nagtaka ang hitsura ni Ana, malinaw niyang nabasa na Elena ang pangalan ng nag-iisang anak ni Emmanuel. "Wala rito ang dalawang pangalan na hinahanap mo, hija."

Pinakita muli ni Ana ang hawak na papel kung saan nakalagay ang pangalang Libulan. "Paano po pala napanatili ng angkan niyo ang apelyidong Santiago kung babae ang nag-iisang anak?"

"Ah. Pinapamana sa anak na lalaki ang bahay na ito. Ang kuwento sa 'kin ni lolo, sa apo na lalaki pinamana ng aming ninuno ang bahay upang mapanatili ang aming apelyido," tugon ni Delia. Napahinga nang malalim si Ana, hindi niya rin makita ang pangalan nina Elena at Libulan sa family tree.

Pinagmasdan niya muli ang listahan, "Sino pong napangasawa ni Maria Isabela? Bakit wala pong nakalagay dito pero may anak siyang lalaki?"

"May mga narinig akong kuwento noon na tinakwil ng aming ninuno ang napangasawa ni Maria Isabela kung kaya't binura rin siya sa aming kasaysayan. Walang nakakaalam kung bakit pero matindi raw ang galit ni Emmanuel upang humantong sa pagtatakwil ng manugang. May mga nagsabi rin na hindi kinasal si Maria Isabela sa lalaking iyon kaya hindi naipamana ang apelyido sa kanilang anak."

Napapikit si Ana, hindi pa rin siya kumbinsido kung tama ba ang mga nakatala sa family tree ng pamilya Santiago. "Ah. May naalala pa ako, hija. May mga kuwento rin noon na hindi raw Santiago ang unang may-ari ng bahay na ito. Hindi ako sigurado kung ang asawa ni Maria Isabela ang tunay na may-ari ng bahay na 'to o kung nabili lang nila sa isang kilalang pamilya rin. Anuman doon, mas maipluwensiyang pamilya raw ang naunang nanirahan dito."

Napatitig si Ana sa matanda habang hinihintay na mabanggit ang apelyido na tinutukoy nito, "Hindi ko na masyado maaalala sapagkat ako'y dalagita pa noong naikuwento ito sa akin," patuloy ng matanda habang pilit na inaalala ang mga naririnig niyang kuwento tungkol sa kanilang pamilya noon.

Napalunok si Ana, bihira lang ang pangalang Libulan. Bukod doon, nababatid din niya kung ano ang pangalan ni Libulan na siyang pinaghihinalaan niyang may lihim na tinatago. "Ah. Kung hindi ako nagkakamali... Dela Torre. Siya nga! Pamilya Dela Torre na kilalang pamilya ng mga doktor ang unang nanirahan sa tahanang ito."

Napatigil si Ana nang maalala ang nakasaad sa harassment report na hinain niya noon sa presinto nang una niyang makilala si Libulan. Nakahingi siya ng kopya noong inalam niya kung saan nakatira si Libulan upang makahingi ng tawad at maumpisahan ang kaniyang misyon na magawan ng balita ang tungkol sa lalaking nasagasaan ngunit nakalabas ng ospital nang walang galos o anumang sakit na tila ba naghilom ang mga sugat sa isang iglap.

Libulan Dela Torre y Marquez Casilang

Ang pangalan na paulit-ulit nakikita ni Ana sa kaniyang isipan. Bihira ang pangalang Libulan sa panahon ngayon. Hindi niya maunawaan kung nagkataon lang ba ang lahat o kung totoo ang kaniyang hinala na si Libulan ay puno ng hiwaga.


KINAGABIHAN, hindi malaman ni Libulan kung bakit siya pinagpapawisan nang malamig. Nang subukan niyang imulat ang kaniyang mga mata ay natagpuan niya ang sarili sa pamilyar na kadiliman.

Nakayapak siyang humahakbang sa damuhan habang unti-unting naghahanda sa pagtakbo. Ang kakaiba sa panaginip niyang ito, wala ang malaking kabilugan ng buwan na humahabol sa kaniya.

Pilit niyang ginagalaw ang kaniyang katawan at ilang ulit niya ring sinubukang sumigaw ngunit hindi siya makagalaw at wala ring boses na lumalabas sa kaniyang lalamunan habang siya'y nakahiga sa tabi ni kuya Empi.

Ang pamilyar na panaginip ay unti-unting nagiging bangungot. Muli niyang naramdaman ang panlalamig ng kaniyang katawan hanggang sa maamoy niya ang insenso at muling marinig ang mahihinang dasal na hindi niya maunawaan habang bumubulong ang mga boses sa kaniyang tainga.

Nagpupumiglas si Libulan ngunit mas lalong hindi siya makagalaw. Sa bawat segundong pumapatak ay mas lalong lumalakas ang pintig ng kaniyang puso. Ang mga boses na bumubulong ay papalapit nang papalapit na tila ba tinatawag ang kaniyang kaluluwa.

Isang malakas na sigaw ang siyang nagpamulat sa mga mata ni Libulan. Basang-basa siya sa pawis habang hinahabol ang kaniyang paghinga. Hindi niya alintana ang makapal na usok na nanggagaling sa mga kandila at insenso na nakapalibot sa kaniyang kama.

"Salamat, O aking panginoon!" Natauhan si Libulan nang marinig ang pamilyar na boses. Ang boses ng kaniyang ina hinding-hindi niya malilimutan sa lahat. Unti-unting naging malinaw ang kaniyang paningin habang hinahawi ng liwanag ng buwan mula sa bintana ang usok na bumabalot sa buong silid. Nakilala niya ang kaniyang silid at malambot na kama.

Tuluyan nang hindi nakagalaw si Libulan nang maaninag ang kaniyang in ana nakadapa sa dulo ng kama habang nakadaop sa palad nito ang anting-anting na laging pinapasuot sa kaniya. Madilim ang gabi ngunit hindi nagpapatalo ang liwanag mula sa mga apoy ng kandila at insenso.

Patuloy na lumuluha ang kaniyang ina habang paulit-ulit na nagpapasalamat sa buwan. Nang ilibot ni Libulan ang kaniyang paningin, nakita niya sa gilid ang kaniyang ama, si Maestro Santiago, at Elena na naluhod din at nakiisa sa ritwal na isinagawa ng kaniyang inau pang humingi ng tulong kay Haliya.

Napagtanto ni Libulan na hindi siya tuluyang binawian ng buhay noong nabaril siya ni Hiram. Dahil ang totoo, muli siyang nagising mula sa ilang buwang pagkakahimbing. Nagising mula sa pagkakahimlay at unti-unting nakabawi matapos maisagawa ang ritwal na nababatid niyang may malaking kapalit.

Naalala ni Libulan ang minsang sinabi ni Maestro Santiago noong una nitong mabanggit ang tungkol sa duyog.

"Ano po bang pinakamagandang anyo ng buwan?" tanong ni Libulan. Ibinaba ng maestro ang hawak na kuwaderno.

Napatingin ang maestro sa kuwintas na palaging suot ni Libulan. Nababatid niya na ito'y isang anting-anting. Ang disenyo nito ay bilog na kahugis ng kabilugan ng buwan. "Para sa akin, ang kabilugan ng buwan ang siyang pinakamahiwaga sa lahat," tugon nito saka kinuha ang isang makapal na kuwaderno na pinagsusulatan niya ng mga bagay tungkol sa Astronomiya.

Binuklat niya ito at tumigil sa pahina kung saan nakaguhit ang iba't ibang hugis ng buwan, araw, at bituin. "Iyo na bang natunghayan ang duyog?"

"Duyog? Ano po 'yon?" nagtatakang tanong ni Libulan sabay tingin sa kuwaderno.

Itinuro ng maestro ang isang kakaibang larawan. "Nangyayari ito sa tuwing nagtatapat ang buwan, araw, at mundo. Minsan lang mangyari iito kung kaya't sandaling dumidilim ang araw sa umaga, at nagiging kulay pula naman ang buwan sa gabi," paliwanag ng maestro. Napatitig si Libulan sa kakaibang anyo ng buwan. Para sa kaniya, ang bagong ideya na nalaman sa guro ay sadyang mahiwaga.

"Marami raw himalang nangyayari sa tuwing sumasapit ang duyog. Kung ikaw ay may taimtim na hangarin, sa pagsapit ng duyog, asahan mong ito'y masasakatuparan." Patuloy ng maestro.

Halos walang kurap na nakatitig si Libulan sa buwan na dahan-dahang humihiwalay na ngayon sa anino ng araw. Nanlalamig ang kaniyang katawan habang iniisip na natupad nga ang kahilingan ng kaniyang ina at ng mga taong nakiisa sa ritwal para sa kaniya.

Muli siyang nabuhay sa pagsapit ng duyog.


********************

#Duyog

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top