Chapter 15
Kenzo’s Point of View:
Nilagay ni Ingrid ang mga litrato ni Ivory sa locker ni Cassy. Lahat ng litrato ni Ivory ay nilagyan niya ng dugo. Napailing ako at tinignan si Ingrid na abala sa paglalagay ng mga litrato. Gusto niyang i-trigger si Cassy at magsalita tungkol sa pagkamatay ni Ivory nang malaman namin kung sino ang pumatay.
“Nandyan na si Cassy,” sabi ko kay Ingrid.
Tumango si Ingrid at naglakad kami lagpas sa locker. Tinignan ko si Cassy at napangiti si Ingrid nang marinig na sumigaw si Cassy at pinagtatapon ang mga litrato.
“Sinong gumawa nito?!” Malakas na sigaw ni Cassy. “Sino?!”
Napailing ako at tinignan si Ingrid na hinaplos ang pusa ni Ivory na nasa bisig niya. Matalas ang tingin niya kay Cassy na umiiyak at nagdadabog sa locker. Mabilis kaming umalis para puntahan ang sports center kung nasaan si Kael, ang nang-bully kay Ivory. Tinignan ko ang gagawin ni Ivory at nakita niya si Kael na naglalakad. Binato ni Ingrid ang bola sa ulo ni Kael kaya napasinghap ako.
“Ikaw?” Kumunot ang noo ni Kael at tinignan si Ingrid.
“Hindi ba sabi ko sa ’yo? Isang “bitch” pa ang sasabihin mo sa ate, lagot ka sa akin?” sabi ni Ingrid. “Narinig mo ba ang sinabi ko o hindi?” Binato na naman ni Ingrid ng bola si Kael pero sa mismong nguso tumama ang bola.
Natawa ako at napailing na lang. Lumapit ako at mabilis na pinatayo si Kael tsaka agad na lumapit si Ingrid at dalawang suntok sa magkabilang pisngi si Kael. Bumuga ako ng hangin at agad kaming lumabas ng sports center at natawa.
“Cassy, Manuel, Kael, at Ian…” basa ni Ingrid sa nakalagay sa notebook. “Silang apat lang ang pinaghihinalaan ko at ngayon ko lang na-realize na itong apat na ’to ang malapit kay Ate Ivory. Na-realize ko lang rin na kaya takot ang mga tao sa akin dahil alam nila na iisa-isahin ko sila.”
“Pero lahat ng estudyante dito ay may ginawa kay Ivory. Ang iba pinagtatawanan noon si Ivory at nakikisali sa pang-b-bully kaya nakakatawa na hindi sila makapag salita ngayon at mismong sila na ang lumalapit sa ’yo,” sabi ko.
“Laganap pa rin ang rape at harrasment sa school na ’to, Kenzo. Ginagawa ko ang lahat ng kaya ko para hindi maranasan ng mga estudyante ang naranasan ng ate ko. Gusto kong maka-graduate dahil ’yun ang pangako ko sa ate ko,” sabi ni Ingrid.
Napangiti ako. “Kagaya mo, gusto rin ni Ivory na maka-graduate dahil gusto niyang bumawi sa mga magulang mo. A-Alam mo na rin pala na ampon kayo?”
Natawa si Ingrid. “Galing kaming bahay ampunan ni Ate Ivory. Inampon nila kami dahil wala silang anak kaya naman pumayag naman kami ni ate. Ginawa nila kaming mga Dela Torre. Magkaiba rin ang ugali namin ng ate ko.”
Habang nag-uusap kami ay nakarinig ako ng sigawan. Mabilis kaming naglakad ni Ingrid at nanlaki ang mga mata ko nang makitang nasusunog ang likod ng school kung saan, nandoon ang basement. Mabilis na tumakbo si Ingrid kaya nagmamadali rin akong sumunod.
“Ang basement!” natataranta na sigaw ni Ingrid. Mabilis rin s’yang kumuha ng tubig at tinulungan ang mga janitor. “Bilis!”
“Ingrid, delikado!” sigaw ko at hinila si Ingrid pero bumabalik lang rin s’ya.
Tinignan ko ang paligid at nakita si Ian na nasa tabi niya ang isang lalaki na nakasuot ng sumbrero. Napalunok ako nang makita si Ian at ang lalaki na inayos ang kanyang sumbrero at mabilis na umalis. Kailan kaya niya maipapakita ang mukha niya? Napatingin ako kay Ingrid na nakatingin sa basement.
“Sinong may gawa nito?” tanong ni Ingrid.
“Hindi ko rin alam, Ingrid…” sabi ko.
“Alam ng killer na kumikilos na tayo. Ito ba ang warning niya? Alam niyang mauunahan natin s’ya pero bakit sinunog niya ang basement?” tanong ni Ingrid.
Tinignan ko ang mga estudyante at nakita si Mr. Lucian na nakikipag usap. Tinignan ko ang paligid at wala na si Ian maging sila Cassy ay wala na rin.
“Ito na lang ang natira sa mga gamit ni Ivory,” sabi ni Camilla at binigay ang iba pang gamit ni Ivory. “Sinabi rin na biglaan ang nangyari at walang nakakita sa gumawa.”
“Ang principal? Hindi niya rin ba alam?” tanong ko.
Umiling si Camilla. “Kakauwi lang ni Mr. Lucian galing sa meeting kaya maski s’ya ay walang alam. Ang tanging nandito lang ay si Dr. Isaac na bagong teacher at si Mr. Wesley na nasa office.”
Natigilan ako at napatingin kay Dr. Isaac na nakatingin sa basement. Nanliit ang mga mata ko at hindi na lang s’ya pinansin. Ilang oras ang nakalipas ay pa gabi na kaya naman nagmamadali akong naglalakad papunta sa dorm ngunit nakita kong may tao sa pintuan ng dorm ko. Naglakad ako papunta doon at natigilan nang makita si Ian na pinaglalaruan ang singsing niya.
“Nandito na ang superhero ni Dela Torre,” nakangising sabi niya. Tinapik-tapik ako ni Ian habang nakangisi.
“Bitawan mo ako,” kalmadong sabi ko at tinulak si Ian.
“Aba!” Sigaw ni Ian at akmang susuntukin ako nang lumapit ang lalaking nakasuot ng sumbrero. “Ano ba! Bastos ang isang ’to e, papatikimin ko lang!”
Tinignan ko ang lalaki at nakitang hindi niya talaga pinapakita ang kanyang mukha. Tanging malaking sumbrero lang ang nakikita ko sa kanya. Hindi ko rin nakikita ang gloves dahil nakasuot s’ya ng puti. Sino ’to?
“Wala ka talagang kadala-dala, Kenzo?” tanong nito.
“Sino ka ba? Ikaw ba ang boss na sinasabi ni Manuel?” tanong ko.
“Kilala mo na ako? Mabuti naman kung ganun, Kenzo,” tinapik niya ang balikat ko. “Binabalaan lang kita, Kenzo. Isa pang pag tulong mo kay Ingrid… dadagdagan ko ’yang sugat sa tagiliran mo at hindi lang ’yon…dahil…” Pinakita nito ang larawan ng lolo at lola ko.
“W-Wag mo silang gagalawin,” mariin na sabi ko. “Wala akong pakialam kung sino ka o anong role mo sa pagkamatay ni Ivory…’wag mo lang gagalawin—”
“Edi manahimik ka,” sabi ni Ian habang pinapatunog ang mga singsing niya. “Manahimik ka at hindi ka madadamay dahil alam mo na kung sino ang babalikan namin.”
Nagtagis ang panga ko at kinuyom ang kamao. Tinignan ko ang lalaking nakasuot ng sumbrero.
“Kilala kita… pamilyar ka,” sabi ko sa lalaki.
Tumawa ang lalaki at nilapit ang bibig sa tainga ko. “Shh... baka may makarinig.” Tinapik niya ang balikat ko at tumawang naglalakad palayo sa akin habang natigilan naman ako at napalunok.
Tinignan ko ang si Ian at ang kasama niyang lalaki. Napapikit ako at sumandal sa pintuan ng dorm ko. Hindi pwedeng galawin nila ang pamilya ko. Bumuntong hininga ako at mabilis na pumasok sa loob ng dorm ko.
“Oh, anong nangyari sa ’yo?” tanong ni Lance na may hawak na baso ng tubig.
“W-Wala!” Mabilis akong umakyat papunta sa kama ko. “May nakasalubong lang akong demonyo.”
“Sigurado ka? Madalas ka ng kasama ni Ingrid. Nangako ka sa amin Kenzo na hindi mo ipapahamahak ang sarili mo,” sabi ni Lance.
“Pero hindi rin ako pwedeng manahimik, Lance. I love Ivory so much. Alam kong alam mo kung gaano kahirap para sa ’kin ’to at gaano kasakit. Lahat gagawin ko para kay Ivory. Lahat!” Nangingilid ang luha sa mga mata ko. “Kung kailangan kong pumatay ng kahit na sino… gagawin ko.”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top