Chapter 10

Ingrid’s Point of View:

“Parang buong class record e, inisa-isa mo ah?” Natawa si Camilla. 

Ngumisi ako at binasa ang student profile ng bawat isa. Wala naman akong masyadong mahanap pero kuryoso ako sa pangalang Manuel at Ian.

“Sino si Ian?” tanong ko.

“Si Ian? Anak ’yon ng doctor dito sa Du Mort University. Weird ang lalaking ’yon at lagi niyang kasama sila Cassy,” sabi ni Camilla. “Pero mag-ingat ka diyan dahil may sapak sa ulo ang isang ’yan.”

Tumango ako at binasa pa ang ilan sa mga student profile na nakuha ko. Hindi naman ako interesado sa mga ganito pero dahil dala ng kuryosidad, gusto ko rin na malaman kung sino sila. Huminga ako ng malalim at ininom ang juice na nasa harapan ko. Iniisip ko bakit masyado silang mailap sa impormasyon tungkol sa ate ko. Ni record ng ate ko ay wala sa kanila at nasa ibang bansa na raw. Tinignan ko muli ang pangalan na Ian at naalala ang lalaking nakita ko sa basement kasama sila Cassy at Manuel. 

“Sa tingin mo, Camilla? Naging maayos kaya ang buhay ni ate dito?” Hindi ko maiwasan na itanong. 

“Bakit mo naman na tanong?” tanong ni Camilla. 

“Wala lang. Naisip ko lang na baka hindi talaga totoo na nasa ibang bansa si ate at nagpapagaling? Na baka may purpose talaga kung bakit ako nandito? Hindi ko lang ma-explain. I feel like I need to solve the mystery?” Natawa ako.

Ngumiti si Camilla. “Kung ano man ng nararamdaman mo e, valid. Sa tingin ko, masyado ka ng stress kaya tara na at mag pahinga ka na.” 

Natawa si Ingrid. “Mauna ka na, Camilla. May tatapusin lang ako sa library.”

“Sure ka?” tanong niya. 

Tumango ako at agad naman s’yang nag paalam. Pag tingin ko sa gilid ko ay wala na naman si Luna. Iniwan pa niya ang pagkain sa gilid ng upuan. Napailing na lang ako at mabilis na tumayo para pumunta sa library ngunit sa paglalakad ko ay nakita ko si Luna sa garden.

“Luna?” tawag ko. 

Napatingin ako sa gilid ko at wala ng tao. Naglalakad-lakad ako para hanapin si Luna na ngayon ay hindi ko na mahanap. Kumunot ang noo ko at napatingala, nasa likod na ako ng school. Tinignan ko ang bawat paligid at lumakas ang ihip ng hangin na nagdala sa akin ng nakakakilabot na pakiramdam.

“Luna?” tawag ko. “Nasaan ka?”

Naglakad-lakad ako hanggang sa makita ko ang pusa na nasa isang pinto. Kumunot ang noo ko at tahimik na naglakad papunta doon para alamin kung bakit naka-angat ng tingin si Luna. Tiningnan ko ang bawat paligid at tanging ako at si Luna lang ang nandito kaya dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Tahimik at madilim sa loob, walang tao at tanging dilim lang ang nakikita ko.

“Meow…” Si Luna sa mahinang boses at dire-diretso sa pagpasok na animo’y may binati muna bago pumasok.

Binuksan ko ang cellphone ko at hinanap ang switch ng ilaw at nang mahanap ko ay binuksan ko 'yon. Bumungad sa akin ang mga pictures sa dingding. Napaawang ang labi ko nang makita ang isang glass frame. Sa loob nito ay isang uniform, sapatos, palda, at vest ngunit mas napansin ko ang name plate. 

“Ivory…” bulong ko. 

Tinignan ko ang bawat paligid at nakitang may iba’t ibang vandalism ang nasa pader. May mga pictures pa ni Ivory na nagkalat sa sahig at pader. Inisa-isa ko ang pictures at napaawang ang labi ko nang makita kung paano i-bully ng mga estudyante si Ivory na nakayuko. Napahawak ako sa bibig ko nang makita ang litrato ni Ivory na pinagtutulungan ng mga estudyante.

“A-Anong…” Parang may karera ng mga kabayo sa dibdib ko. Iba ang pakiramdam ko sa mga nakikita ko at hindi ko gusto ang takot na nararamdaman ko. “Please… no.”

Tinignan ko isa-isa ang gamit ni Ivory na nakalagay sa lamesa. Ang bag ni Ivory, ang ID, at ang mga gamit niya. Mabilis kong kinuha ang bag ni Ivory at muntik ng masuka nang maamoy ang loob nito. Inisa-isa ko ang gamit ni Ate Ivory at sabay-sabay na tumulo ang luha sa mga mata ko nang makita ang picture ko sa loob. 

“I-Ingrid… my sweet little sister.” Isang picture ang nakita ko. Kagaya ng picture na nasa loob ng kwarto basag ’yon at kalahati ng mukha ko ang kita. Binasa ko ang nakasulat sa ibaba. “M-Mahal k-ka… ni ate.”

Sunod-sunod na tumulo ang luha sa mga mata ko at mabilis na ginalaw ang lahat ng gamit. Hindi pwede ’tong naiisip ko! Hindi pwede ang nasa isip ko. Hinalungkat ko ang mga drawer, sofa, cabinet, at puro na lang si Ate Ivory ang nakita ko. Ngunit mas napansin ko ang isang litrato. 

“Oh my God!” Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang picture ni Ate Ivory na nakahubad, walang malay, at may dugo sa labi. “A-Ate!” Sigaw ko. Nanginginig ang mga kamay ko habang nililipat ang mga pictures. 

Nanghihina akong nakaupo sa sahig. Nanghihina ako sa mga nakikita ko sa kwarto na ’to. Nanghihina ako sa kaalaman na hindi totoong nasa ibang bansa si ate. Nanghihina ako sa pakiramdam na sana, hindi totoo ang nasa isip ko. Hinalungkat ko ang drawer ngunit may narinig akong yabag sa labas kaya mabilis akong nagtago. 

“Ni-lock ko ang pinto na ’to ah?”

“Ang pusa lang ni Ivory ang alam ang basement na ’to.” 

“Bakit nga ba tayo nandito? Anong gagawin natin sa mga gamit ni Ivory?”

“Mukhang nakakatunog na ang batang ’yon. Sa madaling salita, malapit na niyang malaman na patay na si Ivory.” 

Nanlaki ang mga mata ko at napatakip sa aking bibig. Sunod-sunod na tumulo ang luha sa mga mata ko. 

“Sa tingin mo ba pinadala s’ya dito para gantihan tayong lahat? Na sirain ang university na ’to?” 

“Hindi ko alam. Kaya sa mga susunod na araw kailangan na nating sunugin ang lahat ng ebidensya na nagpapatunay na hindi suicide ang nangyari.”

“Tatawagan ko sila.”

P-Patay? Patay na ang Ate Ivory ko? Sa sobrang pagkabigla ko ay natapakan ko ang fly wood dahilan para umingay ’yon. Nataranta ako at mabilis na nagtago ngunit isang lighter ang nahulog sa harapan ko. Isang itim na lighter at isang itim na gloves ng isang lalaki ang nakita ko. 

“Baka pusa lang ni Ivory.” Kinuha ng lalaki ang lighter sa harap ko. Pinigilan ko ang huminga para hindi ako marinig. “Bukas rin, aalisin na natin ang lahat ng nandito. Lahat ng patunay na dito sa school na ’to namatay si Ivory Dela Torre.”

Nakatulala ako habang naglalakad kasama ang pusa ni Ivory. Hindi ko pinansin ang mga tingin ng mga estudyante na nakatingin sa hawak kong bag. Hindi ko akalain na puro kasinungalingan ang lahat. Na lahat ng kahayupan na nangyari kay Ivory ay dito ko sa school makikita.

“I-Ingrid?” tawag ni Camilla. “S-Saan ka galing?”

Walang buhay kong tinignan si Camilla. Isa sa mga kaibigan ni Ate Ivory. Isa sa mga kaibigan na pinagkatiwalaan ni Ate Ivory. Dahan-dahan kong nilapag ang lahat ng gamit ni Ate Ivory at ang mga picture sa kama. 

“T-Totoo ba?” tanong ko. Gulat na napatingin si Camilla sa mga gamit na nasa harapan naming dalawa. “Totoo bang patay na ang ate ko?!” Hindi ko maiwasan na sumigaw dahil sa sakit na nararamdaman ko. 

“Ingrid…” nanginig ang boses ni Camilla. “Saan mo nahanap ang mga gamit ni Ivory?”

“Sagutin mo ang tanong ko, p-patay na ba… ang ate ko?” malamig na tanong ko. “Camilla!”

“O-Oo!” sigaw ni Camilla at bumuhos ang luha sa mga mata niya. “P-Patay na si Ivory… matagal na s’yang patay.”

Nanghina ang tuhod ko kasabay ng pagbagsak ko sa sahig, ang pagtulo ng luha sa mga mata ko. Nanginginig kong hinawakan ang gamit ni Ate Ivory at doon umiyak. 

“I-Ingrid,” nanginig ang boses ni Camilla. 

“I want to be alone,” mahinang sabi ko. 

“Pero ayaw kong iwan ka dito,” sabi ni Camilla. “I’m sorry. Gusto ko naman sabi—”

“Get out!” sigaw ko. “I don’t need… your sorry.”

Pumikit ako at tinignan ang mga gamit ni Ate Ivory. Napasigaw ako sa sakit na nararamdaman ko at humagulgol dahil hindi ko akalain na ang sakit-sakit malalaman na wala na akong babalikan pa. Na wala na ang Ate Ivory ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top