xiii. Glance


Patay na namana ng mga ilaw. Hindi ganoon kaliwanag ang buwan. Ang lalim ng paghinga ni Bryan nang magtanong, "Polly, are you still filming?"

"Yeah." Nakabukas ang video camera ni Polly ngunit nakapatay ang flash. Nakakapit ang dalaga sa braso ni Bryan habang nilalakad nila nang dahan-dahan ang dulo ng pasilyo.

"Some rumors said may pinatay raw sa storage room na nasa dulo ng fourth floor," sabi ni Bryan sa camera. "Inalis 'yon dati, pero ibinalik uli after three years."

Kinakapa ni Bryan ang pader ng library na nadaraanan nila hanggang sa makaabot sila sa dulo. Mas madilim sa parteng iyon ngunit nakakita agad sila ng linya ng liwanag na nanggagaling sa storage room.

Bukas ang pinto. Nakapasok agad silang dalawa. Nagtitindigan ang mga balahibo sa braso ni Polly, ganoon din kay Bryan. Tambak ng mga sirang upuan at mesa sa loob. May kaliitan ang espasyo at dilaw na bombilya lang ang tanging ilaw na meron sa kisame.

Lumangitngit ang pinto hanggang magsara iyon.

"Bry . . ." bulong ni Polly, nanlalaki ang mga mata nang lingunin ang pintong sumara.

Ilang segundo pa ay nakarinig sila ng mga yabag ng paa na papalapit.

"Shoot!" impit na tili ni Bryan at mabilis silang naghanap ni Polly ng mapagtataguan. Nagsumiksik silang dalawa sa likod ng mga tambak na upuan sa sulok at bahagyang nagtakip ng nakakalat doong maruming cartolina.

Ang bigat ng paghinga nilang dalawa, pilit hinihinaan maging ang pagbuga ng bawat hangin.

Nagpatay-patay ang ilaw sa loob ng storage room. Napakapit si Polly sa braso ni Bryan.

"What's happening?" bulong ng dalaga.

"Sshh."

Makalipas ang ilang sandali, parehong nanlaki ang mga mata nila nang makakita na ng lalaking estudyanteng nakaupo sa isang kahoy na upuan. Naroon ito sa gitna ng silid na wala naman kanina pagdating nila.

"Cam! Cam!" bulong ni Bryan at kinuha ang camera ni Polly para siya ang kumuha ng video ng kasalukuyan nilang nakikita.

Umiiyak ang lalaking nakagapos sa upuan. Gumuguhit na ang dugo sa galang-galangan nitong mahigpit na tinatalian ng plastic twine straw. Walang itong pang-itaas ngunit nakasuot ng pamilyar na uniform pagdating sa pantalon. May nakapasak sa bibig nitong face towel para hindi ito makapagsalita.

"Bry . . ." kinakabahang tawag ni Polly.

Nagpatay-patay na naman ang ilaw sa loob ng di-kalakihang silid. Pagbalik ng liwanag, may isang lalaki at isang babae nang nakatayo sa harapan ng lalaking umiiyak.

"Do you know them?" bulong ni Polly kay Bryan.

"They look familiar," mahinang tugon ng binata.

Inalisan ng busal ang lalaking nakaupo. Hinatak ng lalaking nakaitim ang tuwalyang nasa bibig nito. "Bakit hindi mo ipinasa ang chain letter?"

"'Tang ina, Brad! Ano ba'ng problema n'yo?!"

Napasinghap sina Polly at Bryan nang sipain ng lalaking nakaitim ang tiyan ng lalaking nasa upuan. Kumalampag sa sahig ang lakas ng pagkakabagsak nito.

"Huwag mo akong mumurahin!" sigaw ng lalaking nakaitim.

Kinalabit ni Polly si Bryan. "They're talking about the chain letter."

"I know, and I'm confused," bulong ni Bryan.

"O, ano na ang plano mo?" tanong ng babaeng kasama ng nakaitim.

"Bryan," kinikilabutan na namang pagtawag ni Polly at nakuyom na niya ang mahabang manggas ng damit ni Bryan. Kitang-kita nila ang pagkuha ng mahabang tubo ng lalaking nakaitim. Nakatambak ang mahabang bakal sa gilid ng pinto ng imbakan.

"Ang sabi sa chain letter, ipasa. Bakit hindi mo ginawa?" tanong ng lalaking may hawak na tubo.

"Sinong gago naman ang maniniwala sa chain letter, ha?! Mga baliw—agh!"

Napasinghap si Polly at pumikit. Nagtago siya ng mukha sa likod ni Bryan nang walang habas na pinaghahampas ng lalaking nakaitim ang nakahandusay na estudyante sa sahig.

Napahigpit ang hawak ni Bryan sa camera nang makita niyang dinampot ng lalaking may hawak na tubo ang kutsilyong nakaabang sa isang nakatambak na upuan sa tabi ng pinto.

Napaiwas ng tingin si Bryan habang naririnig ang katakot-takot na hiyaw ng pagmamakaawa ng lalaking estudyante. Umiiyak na si Polly sa tabi niya habang kuyom ang uniporme niya. Gustuhin man niyang tumulong at umawat, ngunit natatakot din siya sa nangyayari. Hindi rin niya alam kung tunay ba ang nakikita nila o baka imahinasyon lang.

Pumunta sila roon ni Polly na walang tao at ngayon ay lima na silang nasa loob ng silid na iyon.

Nagpatay-patay na namang muli ang ilaw. Saka lang naramdaman ni Bryan ang malalakas na pintig ng puso matapos ang makapigil-hiningang eksena sa loob ng storage room.

Ngunit sa sumunod nilang pagdilat, naglaho ang lahat ng naroon sa loob may ilang segundo pa lang ang nakalilipas. Walang ibang tao maliban sa kanila ni Polly. Malinis ang sahig. Walang dugo. Walang kahit na anong nasa gitna ng kuwarto.

"Polly," bulong ni Bryan.

"I don't want to see them."

'They're gone."

"What?" Paglingon ni Polly sa gitna ng silid, tama nga ang tinuran ni Bryan.

Wala nang kahit na ano o sino roon maliban sa kanila.


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top