x. Hunt


Death's Chain Letters.

Nakatitig ako sa headline ng bagong column—huling campus journal bago ako magtapos ng junior high school.

Anim na chain letter mula sa iba't ibang estudyante. Naka-collage iyon kasama ng article. Mga ebidensiya sa mga naging pagpatay nitong nakaraang buwan.

Wala pa ring makapagsabi kung sino ba ang nagpasimula ng pagpapakalat ng chain letters hanggang sa natigil ang pagpatay.

Natigil din ang pagkalat ng mga sulat.

At sana huli na ito.



◄♦►


Five years later . . .

Tahimik ang paligid ngunit maririnig ang hagikgikan ng ilang mga estudyante sa science laboratory ng Du Mort University. Sarado ang mga ilaw, kanya-kanya silang hawak ng flashlight. Pasado alas-otso na ng gabi at magkakasama ang isang grupo ng mga freshman, hawak ang isang itim na papel na may puting tinta.

"All right, guys. I found this sa isa sa mga book sa library," nagmamalaking ani Bryan habang ipinakikita ang papel na hawak niya. "Familiar ba kayo sa Du Mort myth about Death's chain letters?"

"Ooh . . ." himig ni Irish.

"'Yan ba 'yong may mga namatay saka nagpakamatay ritong students sa uni?" tanong ni Ardelle.

"Some said, dito rin daw sa university inilibing ang mga katawan nila," sabad ni Ynar.

"Walang burial na ginawa sa kanila outside the school. And that's so shady," dugtong ni Polly.

"Exactly," nakangising tugon ni Bryan. "Two days from now, magsisimula na ang death anniversary ng lahat ng involved doon." Itinaas niyang muli ang hawak na papel. "I guess it's starting again."

Ipinakita ni Bryan ang nakasulat sa itim na papel at mahina iyong binasa, sapat para marinig ng apat pang kasama niya ang nilalaman.

Hello, my willing victim.

I guess we've come full circle.

Baka nagtataka ka kung bakit mo nababasa itong letter. Well . . .

You're the chosen one.

Death's knocking at your door, and I want you to welcome it.

Copy this note and send it to two people.

Kung hindi mo ito magagawa, parurusahan kita.

I'm watching you. I know what you're doing.

I'll see you around.

-The Chainmaker

"Ooh . . ." sabay-sabay nilang himig nang matapos si Bryan sa pagbabasa.

"Is that true?" may alinlangang tanong ni Polly.

Ngumisi si Bryan at umiling. "We're gonna find out. None of us will share this. We're going to record this journey of finding the chainmaker."

"'Yon!" excited na tugon ni Ynar at kumambiyo pa sa kanang tabi habang nakangisi.

Galing pa sa mystery club ang grupo at ang naisipan nilang gawan ng article para sa university paper ay ang tungkol sa chain letter na kumalat may kalahating dekada na ang nakalilipas.

Ilang estudyante ang naging biktima ng naturang chain letters hanggang sa maging lumang kuwento na iyon tungkol sa naturang unibersidad.

Hawak ni Polly ang video camera habang sinisimulan ang documentary na balak nilang gawin. Nasa fourth floor ang library ng Du Mort. Hinihintay nilang sumapit ang alas-nuwebe ng gabi para makaakyat. Hanggang alas-nuwebe ang pagsasara ng library para sa night class at may ilang bantay pa roon.

Nakaipon sa iisang mesa sina Bryan, Ardelle, at Ynar habang iniisa-isa ang mga scanned copy ng record na nakuha nila kaugnay sa chain letters.

"There were six deaths involved," paliwanag ni Bryan, tinuturo ang screen ng tablet niya. Hinawi niya iyon paibaba para sa kasunod na pahina. "Sabi nila, anim daw ang chain letter na lumabas."

"Anim naman ang victims," tugon ni Ardelle.

"But this is the question, Delle. Brian Nikko Pineda found dead. Ang reason? Wala raw siyang ginawang chain letter, that's why. The rest, may nagawa."

"Proven bang may nagawa 'yong lima?" tanong ni Ynar.

Mabilis na nag-scroll ng tablet si Bryan hanggang sa umabot sa pinakahuling school article.

Namilog ang labi nina Ardelle at Ynar nang makita ang mga itim na papel na pinagsama-sama bilang ebidensiya.

"Someone completed the copies at anim ang copy na narito," nakangising esplika ni Bryan at itinuro ang pangalan ng gumawa ng article. "This Alfonce Guilherme wrote that column five years ago."

"Kaya ba natin siyang i-trace?" tanong ni Ynar.

"We're gonna do that tomorrow." Nilingon ni Bryan si Polly na patuloy lang sa pagkuha ng video sa loob ng science lab. "Polly, lalabas na tayo. Mag-ready ka na."

"Sure, Bry!" pagsaludo ni Polly at tumungo na sa harapan ng pintuan ng science lab.

Tahimik na lumabas ang grupo. Marahang umakyat sa fourth floor na nananatiling bukas ang mga ilaw sa pasilyo.

"May tao pa ba sa library?" mahinang tanong ni Ardelle.

"It's so quiet here, guys," bulong ni Irish.

Nauunang maglakad si Polly katabi si Bryan. Nakasunod naman sa kanila ang ibang kasama.

Lalong lumalamig kada tapak nila sa pasilyo. Marahan ang bawat lakad, iniiwasang makagawa ng malalakas na ingay ng sapatos.

"Guys—" tawag ni Polly na nahinto.

Sabay-sabay silang napatigil sa gitna ng hallway nang may lumabas na babaeng estudyante sa kabilang exit ng library.

"Shoot! May tao—mm!" Hindi na natapos ang tili ni Irish nang takpan nina Ardelle ang bibig niya.

Biglang nagpatay-patay ang ilaw sa pasilyo at sa ikalawang pagkislap ng liwanag, wala na ang babaeng kalalabas lang sa dulo.

"Guys?" gulat na tawag ni Bryan. "Nag-hallucinate ba 'ko na may lumabas sa girl sa library?"

"Dude, I thought of the same thing," tugon ni Ynar.

"Polly!" sabay-sabay nilang tawag, at madaling pinatay ni Polly ang pagkuha ng video para lang i-play ang huling kuha nila.

"It's not real, right?" tanong ni Ynar habang nakikisiksik sa kumpulan nila.

"Holy sh—"

Tutok ang mga mata nila sa screen habang pinabibilis ni Polly ang pag-playback ng video.

"Wait. Here," ani Polly at ibinalik sa normal speed ang video.

"Guys—"

"Shoot! May tao—mm!"

Nagpatay-patay ang ilaw sa video, at ilang sandali pa'y napahiyaw silang lahat na nanonood.

Biglang sumulpot sa harapan ng camera ang mukha ng babaeng estudyante na itim ang tila binutas na mga mata, malaki ang hiwa sa labi hanggang magkabilang tainga, at harap-harapang nakatayo sa camera—sa puwesto nila.

Sabay-sabay silang napatakbo pababa ng fourth floor dahil doon.


♦♦♦

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top