viii. Stalked


Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana pala hindi na lang ako nakiusisa.

Papalapit na ang babaeng iyon. Nakatingin siya sa mga bakas ng paa sa sahig.

Sa mga bakas ng paa ko.

Nagsisimula na naman akong manginig. Kakaiba lang dahil sinasabi ng utak ko na kakalma rin ako maya-maya.

At siguro nga ay problema ko iyon dahil sumusuko na ang sarili ko dahil wala akong laban sa kanila.

Mabilis ang pintig ng puso ko ngunit ang bulong sa sulok ng isipan ko, tapos na ang lahat.

Mamamatay na rin ako gaya ni Brown.

Kakalma na ako kasi mamamatay na ako.

"Psst!"

Sabay-sabay kaming napatingin sa direksiyon ng pinto dahil sa sumitsit.

"Psst!"

Tiningnan ko ang dalawa at mukhang mas kinabahan sila gaya ng naramdaman ko kanina bago sila magpakita.

"Tara na nga! Kapag nahuli pa tayo rito, ewan ko na lang sa iyo!" sigaw ng nakaitim.

"Pero may tao!" iritableng singhal ng babae.

"Hayaan mo na iyon! Hindi iyon magsusumbong! Abangan na lang natin sa labas! Wala namang ibang exit dito!"

Pinatay nila ang ilaw at mabilis na lumabas ng kuwarto.

Nagsisimula na naman akong maghabol ng hininga.

Ngayon, triple na ang bilis ng tibok ng puso ko.

Muntik na. Muntikan na talaga.

Teka . . . lalabas na ba ako? Paano kung abangan nila ako? Paano kung sa labas nila ako patayin? Paano kung—

"Psst!"

Lintik!

Sino ba ang sumisitsit na iyon? Nagsisimula na naman akong kilabutan.

"Brown? Ikaw ba iyan?" pabulong na tanong ko.

May narinig akong kaluskos kaya napatakip agad ako ng mata.

Ayokong may makitang hindi maganda. Tama nang si Brownie at ang nangyari sa kanya ang masamang nakita ko ngayong gabi.

Biglang lumiwanag ang paligid kaya nagtanggal ako ng takip sa mata. Akala ko, nakabalik ulit iyong dalawa.

"Huy."

Pasigaw pa lang ako nang makita ko siya kaso hindi natuloy dahil tinakpan niya agad ang bibig ko.

***

Naiinis ako sa kanya. Masamang-masama ang titig ko habang nakikita ko siyang pinaglalaruan ang itim na papel na dapat lalagyan ko ng chain letter ko. Ngayon lang ako nakaupo sa mesa ng grupo nila, at sa dinami-rami ng makakasama ko, siya pa.

"Pinatay nila si Brown," sabi ko sa kanya kasi parang wala siyang nakita kanina.

"Ang lansa mo," tanging sagot niya sa akin sabay ngisi.

"Allea, pinatay nila si Brown!"

"Hindi ako pulis. Huwag ka sa akin magsumbong."

Nakakainis talaga siya! Bakit ba wala siyang pakialam?

"Papatayin nila ako. Hawak ko ang isa sa mga chain letter," sumbong ko sa kanya.

Ngumisi na naman siya sa akin at itinuro ang kamay ko. "Ang dami mong dugo. Ginalaw mo talaga si Brownie, ha?"

"Seryosohin mo nga ako! Si Snakey iyon, di ba? Siya ang pumatay kay Brown."

Ipinakita niya sa akin ang itim na papel na maraming dugo. Iyong isinampal ng lalaking iyon kay Brownie.

"Nabasa mo ba ito?" Inilapag niya sa harap ko ang papel kaya tiningnan ko naman iyon.

"I am a lady with a physical disability but with mental ability. If you see me, will you care for me? Or will you laugh at me? Please share this message with at least two people within fifty hours. If you don't do it, Death will come after you. This message is true; don't ignore it."

Kumunot ang noo ko dahil hindi gawa ni Julio ang isang ito.

"Kay Nova 'yan," sabi ko kay Allea. "Line iyan sa isa sa mga column niya sa Chronicle."

"Uy! Kabisado niya ang mga chain letter." Tumawa si Allea pero mahina lang. Masyadong tahimik sa lugar namin at ilang minuto na lang ay alas-dose na ng gabi. Hindi pa ako nakakabalik sa dorm.

"Pero bakit kay Nova ito?" usisa ko. "Ano ba'ng plano mo? Bakit mo ba ito ginagawa?"

Ngumiti na naman siya sa tanong ko. "Ikaw, bakit mo iyon ginawa?"

Bigla akong kinilabutan sa tinanong niya. Kinuyom ko ang kamao kong nakapatong sa kandungan ko.

"Uy, kalma ka lang! Wala akong ibang ibig sabihin doon," natatawang sagot niya.

Hindi ko talaga gusto ang pagsisimula niya ng mga double meaning na usapan. Naiinis na ako sa kanya.

"Papatay din ba si Hannah?" tanong ko.

"May attitude lang si Hannah, pero mabait iyon. Huwag ka ngang judgmental. Pinadaanan ka lang ng karakter, nagpadala ka naman."

"E, lahat naman sa iyo, mabait. Lahat, sinasabi mong may dahilan kaya nila nagagawa ang masasamang bagay. May masamang tao pa ba sa iyo? Pinatay nila si Brownie, malamang na pagtatakpan mo rin sila kasi sasabihin mo na naman, may dahilan kaya nila iyon nagawa."

"Pinatay nila si Brownie, malamang na pagtatakpan mo rin sila kasi sasabihin mo na naman, may dahilan kaya nila iyon nagawa." Saka siya ngumisi sa akin.

Lalo lang akong nainis dahil inulit pa niya ang sinabi ko. Dadagdag pa ang kahulugan niyon para sa akin, na parang sinasabi niya ring pareho lang kami ng gagawin.

"Bakit ako ang pinagawa mo ng chain letter mo?" naiinis na tanong ko.

"Bakit ako ang pinagawa mo ng chain letter mo?" pagbabalik niya ng tanong sa akin sabay ngisi.

"Huwag mo nga akong gayahin!"

"Ginagaya ba kita?"

"Pinapatay nila ang mga nakakatanggap ng chain letter!"

"O, talaga? Pinapatay? Takot ako!" At tumawa na naman siya. Kinuha niya ang lapis na nasa mesa at ang papel na pinaglalaruan niya. "Hindi ka pa nagsisimula, di ba? Sige, tutulungan kita."

"Allea, tumigil ka na."

"Hello, my willing victim.

I hope you had a good day today."

Nakikita ko na naman ang ngiti niya habang nagsusulat.

"I know, nagtataka ka ngayon kung bakit mo nababasa itong letter. Sinulat ko talaga ito para sa special na gaya mo. Of course, hindi lahat ay napipili. Hindi lahat ay lucky enough like you."

Inilipat niya ang tingin sa akin.

"Ano nga ba ang meron sa letter na 'to at nakarating sa 'yo?"

Bumalik siya sa pagsusulat.

"I'm watching you. I know what you're doing."

Tinapos niya ang sinusulat niya at saka niya inilapag sa harap ko.

"Sige na. Iwan mo na ito sa bench tutal nagsimula ka na rin naman sa pagbabasa. I'll see you around."

Ibinagsak ko ang kamao ko sa mesa at masama siyang tiningnan.

"Tumigil ka na sabi, e!" hiyaw ko.

"Si Mirra na ang susunod. Ligtas si Nova sa parte niya. Balak mong makita ang gagawin niya sa nakatanggap ng chain letter?"

"Baliw ka na."

Nginitian na naman niya ako. Mas tipid nga lang ngayon. "Hawak mo ang isa sa mga gawa ni Eury, di ba? Ako naman ang kumuha ng isa, hindi nga lang niya alam." Tumayo na siya at itinuro ang itim na papel. "Sasabihin ko kay Eury, isama ka niya kapag oras na. Hindi ko kasi balak ipasa ang chain letter niya."

"Papatayin ka niya?" kunot-noong tanong ko.

"Wala siyang magagawa. Tayong dalawa ang may hawak ng chain letter niya. Sa ayaw niya o sa gusto, papatayin niya ang hindi nakapagpasa. May entry ka na, good luck!"


◄♦►

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top