vii. First Chain of Death

Warning: Gore scenes ahead


Oo, writer ako sa Du Mort Campus Chronicle, pero isa iyong sekreto dahil hindi ganoon kabait ang mga kaklase ko. Isa rin ako sa mga special student ng principal.

Dalawang klase ko lang ang nasa regular class at ang natitira ay private class na tuwing hapon sa tabi ng principal's office. Request iyon ng pamilya ko dahil ilang taon na rin akong victim ng bullying. Papasok ako sa umaga, pero palagi naman akong umuuwi bago lumubog ang araw. May dorm ang school na lalakarin pa nang ilang building.

Lagi akong nakatago sa library tuwing matatapos ang dalawang klase ko sa umaga hanggang papasukin na ako sa private class ko kaya bihira lang din ang nakakakilala sa akin. Bihira lang din ang nakakakita sa akin doon sa sulok kung saan ako madalas nagtatago.

"Even though I walk through the valley of the shadow of death, I will fear no evil, for you are with me; your rod and your staff, they comfort me. Psalm 23:4. Ipasa ang message na ito sa dalawang tao sa loob ng limampung oras. Kung hindi mo ito magagawa, pupuntahan ka ni Kamatayan at sisingilin ka niya. Buhay mo ang pambayad kapag naningil siya kaya matakot ka. This message is true, don't ignore."

Si Snakey nga ang gumawa kung ang pagbabasehan ko ay itong itim na papel na may sulat niya. Basta may berso na galing sa Bibliya, malamang na kanya.

Nakakatawa ang amoy ng papel na binigay ni Allea, amoy-tsokolate.

Paano ko ba sisimulan ang chain letter ko?

Mahirap pala ito. Kaya pala natagalan si Nova.

Gagayahin ko na lang ba si Snakey na galing sa Bible ang linya?

Kaso, baka isipin ni Allea na manggagaya ako. Baka magalit siya.

Paano nga ba gumawa ng chain—

"Psst!"

Ano 'yon?

Nilingon ko ang pinto ng library. Ang sabi ni Allea, huwag daw akong magpapagabi rito. Kaso wala akong magagawa dahil hindi pa tapos ang inutos niya sa akin.

"Psst!"

"Sino 'yan?"

Itinupi ko ang itim na papel. Isinilid ko muna sa ilalim ng libro sa mesa ng grupo nila.

Nilakad ko ang papunta sa pinto. Dinig ang lutong ng tunog ng sapatos na suot ko. Kung alam ko lang na maingay ang leather shoes, nag-running shoes sana ako.

"Psst!"

Nakapatay ang ilaw sa library pero may sarili akong LED lamp na nabili ko sa book store.

Kaluskos. May kumakaluskos sa labas ng aklatan. Dahan-dahan kong binuksan ang bintana. Ayokong buksan ang pinto, baka kung ano ang makita ko.

Unti-unti . . . nakikita ko ang anino sa labas.

"Tara dito!"

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang imahen ng isang tao. Nakasuot siya ng itim. Pigil siya sa pagsasalita at . . . may lumapit!

"Nasa likod na ba?" Boses ng babae ang narinig kong sumagot.

"Kanina pa. Ano, isusunod na ba natin 'yong isa?" Lalaking boses. Lalaki ang nakasuot ng itim.

Mukhang . . . may gagawin sila.

Sinilip ko ang relo kong digital at binuksan ang nightmode. Alas-otso pasado na pala.

Huminga ako nang malalim at dumikit sa may pintuan.

Hinawakan ko ang doorknob gamit ang dalawang kamay. Dahan-dahan kong pinihit kasi maingay kapag binigla.

Ano kaya'ng gagawin ng dalawang iyon?

Parang binuhat ko na rin ang pinto ng library na gawa sa solid na kahoy. Kailangang marahan lang kasi may windchime silang inilagay para malaman kung may tao bang pumasok o lumabas.

Isiniksik ko ang katawan ko sa maliit na awang at saka ako umupo nang bahagya.

Nasa isang buong floor ng annex building ang library ng Du Mort. Sa magkabilang dulo ng pasilyo ang entrace at exit. Madilim ang lugar at nasa ikaapat na palapag kami.

"Nandito," sabi ng babaeng boses.

Nakikita ko silang dalawa roon sa kabilang dulo. Ilaw ng buwan lang ang mayroon kaya hanggang anino lang ang tanaw ng mata ko mula sa puwesto ko.

Hinubad ko ang sapatos at mabilis kong nilakad ang papunta sa dulo habang alanganing nakayuko.

Ano kaya ang gagawin nila?

Tahimik sa lugar. Napakatahimik at mga ingay lang ng insekto sa kakahuyang parte ng school ang naririnig ko.

Limang metro mahigit na lang ang layo ko sa dulo ng pasilyo.

Nagtataka ako kung bakit hindi ako nakararamdam ng kaba. Panatag ang tibok ng puso ko, pero malalim ang aking paghinga.

"Siya?"

Napahinto ako. Sinilip ko ang kanang gilid at doon ko sila nakitang dalawa. Sa blangkong kuwarto sa dulo na bahagyang nakabukas ang pinto. Bodega iyon ng palapag kung nasaan kami. Maraming tambak, hindi ko tuloy makita ang isang kasama ng nakaitim.

Lintik!

Nanlaki ang mga mata ko nang mapamilyaran ang wangis sa loob ng kuwarto. Nakaupo iyon sa kahoy na upuan.

Sikat siya, pero . . . kilala ko lang siya sa tawag na Brownie. Nakilala ko siya sa isang event sa school. Maliban doon, hindi ako sobrang pamilyar sa kanya pagdating sa ibang personal na detalye. Madalas siya sa library. Mas nauna pa sa grupo nina Eury. Isa sa mga senior.

Pero ano'ng—

Bakit nandito sila?

Bukas ang ilaw ng kuwarto kaso madilim. Mababa lang kasi ang watts. Ang sakit sa mata ng mapusyaw na liwanag.

Nakaupo si Brownie sa upuang kahoy. Nakatali siya roon gamit ang itim na plastik na panali sa mga kahon.

"Hindi naman masamang sumunod, di ba?" sabi ng lalaking nakaitim.

Masama ang tingin ni Brownie sa lalaking nakasuot ng itim na damit. Hindi siya makasasagot. May busal siya sa bibig.

"Bakit hindi mo ipinasa ang chain letter?"

Ano kaya ang balak nilang gawin?

Masama talaga ang tingin ni Brownie doon sa lalaking nakaitim. Malamang na galit talaga siya. Nakagapos pa siya at may takip sa bibig.

Inalis ng lalaking nakaitim ang busal sa bibig ni Brownie.

"'Tang ina, Brad! Ano ba'ng problema n'yo?!"

Napaatras ako nang sipain ng lalaki si Brownie sa sikmura. Ang lakas ng kalabog ng pagkakabagsak ng katawan nito saka ng upuan sa sahig.

Bakit nila sinasaktan si Brownie?

"Huwag mo akong mumurahin!" sigaw ng lalaking nakaitim.

Tatawag na ba ako ng pulis? Masama ang ginagawa nila, di ba?

Sinasaktan nila si Brownie.

Nakita ko ang babaeng kasama ng lalaking nakaitim. Itinayo niya si Brownie.

Pagpaling ng anggulo niya sa akin, nanlaki agad ang mga mata ko.

Sabi na nga ba, siya nga iyon.

"O, ano na ang plano mo?" tanong ng babae.

Walang sinagot ang lalaking nakaitim. May kinuha siya sa gilid. Hindi ko nga lang nakita kasi maraming tambak na nakaharang.

Kailangan ko na talagang tumawag—

Oo nga pala. Wala na nga pala akong cellphone na dala sa library.

"Ang sabi sa chain letter, ipasa. Bakit hindi mo ginawa?" tanong ng lalaki.

"Sinong gago naman ang maniniwala sa chain letter, ha?!" sigaw ni Brownie. "Mga baliw—agh!"

Lintik!

Umawang ang bibig ko nang makita ko ang mga sumunod na nangyari.

Hinampas ng lalaki si Brownie sa mukha ng mahabang tubo. Paulit-ulit niyang ginawa iyon hanggang sa magtalsikan ang mga pulang dugo sa pisngi, bibig, ilong, at gilid ng mata ni Brownie.

Ayokong isiping hazing ang ginagawa nila.

Baka may atraso si Brownie?

O kaya . . . baka wala lang silang magawa?

O baka . . .

"Argh—" Napatakip ako ng bibig para lang pigilan ang pagsigaw. Nagtago agad ako sa gilid ng pinto at pilit iniwas sa paningin ko ang sumunod na nangyari.

Hiniwa nila.

Hiniwa nila ang tiyan ni Brownie.

Mula sa anino ng bintanang katabi ko, nakikita ko na inuunday ng lalaki ang matalas na bagay na iyon.

Naririnig ko ang impit na sigaw ni Brownie na pilit itinago ng takip sa bibig.

Mas malakas na ang tunog ng tibok ng puso ko kaysa sa mga tunog mula sa loob ng kuwarto.

Sinilip ko sila sandali. Buhay pa kaya si—

"Kasi . . . kapag sinabing ipasa . . . ipapasa mo, ha?"

Isinampal ng lalaking nakaitim ang papel na hawak niya sa mukha ni Brownie.

"Alam mo, parang kapatid na ang tingin ko sa iyo. Kung hindi ko lang talaga gusto ang pinagsasabi mo sa contest na iyon . . ."

"Tara na! Tara na! Hayaan mo na 'yan diyan!" aya ng babaeng kasama ng nakaitim.

"Sumunod ka sana sa rules para hindi mo ito naranasan."

"Tapos na ang oras mo, uy! Pabayaan mo na iyan!"

Lintik!

Dali-dali akong nagtago sa display na nasa tabi ng pinto ng library, sa may pinakasulok ng dulo ng pasilyo. Kung sisiksik ako roon, hindi nila ako mapapansin.

Madilim. Hindi nila ako makikita kasi madilim.

Kailangang hindi nila ako makita.

Ayoko pang mamatay. Hindi pa ako handang mamatay.

"Sino ba ang kasunod?"

"Si Nova."

"Ano ang balita sa kanya?

"Naipasa ang isang sulat niya."

"E, 'yong isa?"

"Ewan ko. Pero sabi ni Allea, kilala niya kung sino ang nakakuha ng isa."

Sulat?

'Yong chain letter ba ang tinutukoy nilang dalawa?

Hawak ko ang isa. 'Yong kay Nova.

Papatayin din ba nila ako? Gagawin din ba nila sa akin ang ginawa nila kay Brownie?

Sandali—si Brownie! Baka buhay pa si Brownie!

Ginapang ko ang papasok sa loob ng storage room. Hindi nila isinara ang pinto pero pinatay nila ang ilaw sa loob. Nakikita ko naman kahit paano ang paligid kahit madilim dahil sa tumatamang liwanag ng buwan sa bintana.

"Brownie?" mahinang tawag ko.

Walang sumasagot. Dahan-dahan kong isinara ang pinto at binuksan ang ilaw.

"Brownie . . . buhay ka pa ba?"

Dugo. Maraming dugo sa ibaba niya. Sanay akong nakakakita ng dugo kasi lumaki ako sa pamilya ng mga doktor at surgeon.

"Brownie, tatawag ako ng tulong . . ." Nilapitan ko siya.

Nangingitim na ang pisngi niyang hinampas kanina. Hinawakan ko ang mukha niya para tingnan kung nakikita pa niya ako. Namumuo na ang dugo sa kanang mata niya, medyo nakakaasiwang tingnan. Hindi ko tuloy naiwasang maluha.

"Brownie, kailangan mo pa ba ng tulong?"

Umaangat na ang lansa sa paligid. Lumuwa ang ilang parte ng bituka niya dahil lumaylay ang balat niyang nahiwaan. Hindi ko nakita ang ipinanghiwa kanina, pero nahagip ng tingin ko sa sahig ang duguang carving knives na ginagamit ng mga HRM student sa tuwing may events.

Hindi ko naiwasang ngumiwi habang pinipilit kong ibalik sa loob ng katawan ni Brownie ang bituka niyang iniluluwa na balat. Nalalansahan na ako sa paligid. Amoy hasang ng isda na hinaluan ng pellets para sa poultry.

Wala na akong napapansing lumalabas na dugo. Hala! Baka naubos na dahil sa laki ng sugat niya!

"Brownie . . . huy, Brown."

Tinapik-tapik ko ang mukha niya baka sakaling magising pa. 'Yong itim na papel kaninang isinampal sa kanya, nasa kandungan pa niya kaya ibinulsa ko agad.

Ang init ng dugo at laman-loob na pinipilit kong isauli sa katawan niya. Kalat-kalat na sa damit at braso ako ang lagkit.

"Tanga ka talaga!" sigaw mula sa labas.

Naku, hindi!

Naririnig ko na naman sila!

"Brownie, huy! Okay ka pa ba?" nagpa-panic nang tanong ko. "Ano ba ang tatawagin ko, huy? Pulis o ambulansya? Brown, sige na, sumagot ka na . . ."

"Kunin mo na!"

Tsk! Dali-dali akong lumapit sa pinto at pinatay ang ilaw. Nagtago ako sa likod ng mga tambak doon at isiniksik ang sarili ko sa mga gamit.

Kapag nakita nila ako, baka sumunod ako kay Brownie.

"Isinara mo ba itong pinto kanina?"

Lintik! Patay na!

"Isinara ko yata. Hindi ko matandaan."

Muli . . . bumukas ang ilaw at nakita ko na naman silang dalawa.

Hindi lang ako makapaniwala nang makita ko kung sino ang lalaking nakaitim.

"Nasaan na?"

"Wala. Naiwan ko iyon kanina rito, e."

"Baka naman—wait."

Oh, no.

"May bakas ng paa."

Lintik.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang bakas ng paa na puro dugo papunta sa pinagtatagutan ko.

"Mukhang may nakapasok rito noong nakaalis tayo."

Patay na.

Ang tanga ko talaga.


◄♦►

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top