vi. Allea's Letter


Sabi na nga ba, darating siya.

Sa grupo nila, siya ang pinakaayaw ko. Kung ano ang dahilan, siguro kasi . . . mabait siya?

Mabait siya sa paningin ng iba?

Mabait siya at iyon ang problema ko sa kanya.

Nasosobrahan siya sa bait, halatang may ginagawa nang masama.

Nasa sulok ako at pinanonood na naman siya. Tahimik lang siya. Parang hindi napapanisan ng laway. Tatlong oras, limang oras, kaya niyang hindi magsalita.

Nagtataka ako. Mainit yata sa loob ng library?

Pupunasan ko na sana ang noo kong pinapawisan nang mahagip ng tingin ko ang mata niya.

Lintik.

Bakit siya nakatingin sa akin?

Teka . . . nakatingin ba siya sa akin?

Hindi puwede. Hindi nga pala niya ako puwedeng makita.

Kailangan ko nang magtago.

"Psst!"

Huwag kang lilingon. Huwag kang lilingon. Huwag kang lilingon.

"Psst, huy!"

Tinakpan ko ang tainga ko. Pumikit ako, kahit katangahang isipin na baka hindi niya ako makita kapag ako ang hindi siya nakikita.

Wala kang naririnig. Wala kang naririnig. Wala kang naririnig.

"Huy!"

"Hah!" Napahiyaw ako.

Bakit siya nasa harap ko? Ano'ng ginagawa niya sa harap ko?

Ngumiti siya. 'Yong ngiti niya . . . hindi naman masama, pero . . . pero kasi . . . hindi siya ngumiti nang walang dahilan, e.

"A-Ano'ng kailangan mo s-sa akin?" nauutal na tanong ko.

Nalilito ang pakiramdam ko. Hindi ako kinukutuban sa kanya pero sinasabi ng utak ko, dapat matakot ako.

Mainit ngayon, hindi natural dahil dapat giniginaw ako dahil sa lamig ng air con.

Umawang ang bibig ko dahil ipinakita niya sa akin ang isang itim na papel.

'Yong papel . . .

Yung papel na sinusulatan nila ng . . . ng chain letter.

"Nakita mo ba ang nakasulat?" nakangiting tanong niya

Ayaw ko ng ngiti niya. Bakit ba niya ako nilapitan? Nananahimik ako.

"W-Wala namang n-nakasulat . . ." naaaligagang tanong ko.

"Okay." Tumango siya kaso . . . nadismaya ko yata.

"May ginagawa ka ba?" tanong niya.

"A-Ako?" Itinuro ko ang sarili ko.

"Ikaw ang kausap ko, di ba?"

"Nag-nagtatanong lang naman ako. B-Bakit parang . . . parang galit ka?" kunot-noong tugon ko.

Itinaas niya ang hawak. "Nakita mo ba itong papel na ito?"

Mabilis akong tumango. Baka kasi lalo pa siyang magalit.

"Walang nakasulat, sabi mo."

Tumango na naman ako. Ano ba talaga ang balak niya?

"May pakiusap ako sa 'yo."

"A-Ano?"

"Kaya mong gumawa ng chain letter?"

"C-Chain letter?" ulit ko.

"Oo, chain letter. Paulit-ulit?"

"P-Pero bakit ako?"

Ngumiti na naman siya.

Sandali . . .

"I-Ikaw ba ang may pakana ng mga chain letter?"

"Tinatanong ko kung kaya mong gumawa. Sasagot ako kung sasagot ka."

So . . . hindi si Hannah.

Hindi si Hannah?

"Ganito . . ." Inilapag niya sa harap ko ang itim na papel. "Gumawa ka ng chain letter. Alam kong alam mo ito dahil ikaw ang kumukuha ng chain letter ng mga kagrupo ko."

Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Paano niya nalaman?

"A-Ano ang ilalagay ko?" kinakabahang tanong ko.

"Kahit ano."

"A-Anong kahit ano?"

"Kahit ano. Kondisyon? Dare? Dasal? Simpleng story? Ang mahalaga, maipasa mo siya sa dalawang tao na dadalaw sa library na ito."

"P-Paano kapag . . . kapag h-hindi ko ginawa?"

"Wala kang magagawa. Sa ayaw o sa gusto mo, gagawa ka."

"N-Nakagawa ka ba ng . . . ng ganito?" kabadong tanong ko. "N-Nakita ko kasi ang grupo mo."

Ngumiti na naman siya at umiling.

"Ikaw ang gagawa para sa akin. At kapag hindi mo 'yan tinapos ngayong araw . . ."

Lumapit siya sa akin at bumulong.

Umawang ang bibig ko sa narinig ko.

"Pakiipit sa mesa namin pagkatapos mo. Salamat."

Hindi na ako nakakilos at nakapagsalita.

Hindi ako makapaniwala.

Bakit pati ako?

Bakit damay ako?

Ang malas ng araw ko ngayon.

Sana pala, nagtago ako nang maigi.

Ngumiti na naman siya at naglakad paalis.

Sumunod ako ng pagtayo at tinanong siya.

"Mas magaling kang gumawa ng kuwento kaysa sa akin, di ba? Bakit ako, Allea?"

Patalikod siyang naglakad at tiningnan ang puwesto ko.

"Kasi hindi ka nila gagalawin. Kapag nalaman nilang ikaw ang gumawa ng chain letter ko, ligtas na ako."

Itinuro niya ang ilaw ng library sa itaas niya.

"Simula na ng fifty hours mo. Huwag mong paabutin ng gabi ang paggawa ng chain letter. Hindi mo gugustuhin ang makikita mo. Ballpen ang ginamit na panulat ng grupo ko. Kung ako sa iyo, maglalapis ako."

Bago pa man siya makatapat sa harap ng pinto, humabol pa ako ng tanong.

"Nabasa ako ang gawa ni Snakey. Ngayong gabi ang deadline ng kanya. Ano'ng mangyayari?"

"Wala siyang magagawa. Sa ayaw niya o sa gusto, papatayin niya ang hindi nakapagpasa."


♥♥♥

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top