v. Hannah's Letter
Kung nakamamatay ang tingin, malamang ay patay na si Hannah.
Bakit ba niya kailangang idamay sina Eury at Nova sa ginagawa niyang chain letter?
Masaya ba siya sa ginagawa niya? Ano ba ang mapapala niya? Wala naman siyang mapapala sa mga ito.
"Lagi na lang kasi siyang nagmamarunong. Nasusuka na ako sa mga pinagsasasabi niya," iritableng reklamo niya habang kunot ang noo.
Nanghihinayang ako sa kanya. Hindi lang ako makapaniwala na sa ganda ng mukha niyang iyon, mukhang hindi siya naturuan nang tama.
"Iba naman kasi ang paniniwala niya. Iyan ka na naman, e," saway ni Mirra.
Hindi ako makaalis sa sulok ng library kapag narito silang dalawa ni Mirra.
Kung sina Snakey at Mirra ang aayain niyang gumawa ng chain letter na iyon, hindi ako magre-react nang masama.
Pero bakit pati sina Eury at Nova? Bakit pati sila ay pumayag sa kalokohan niya?
"Nanggigigil ako sa papel na 'to!"
Halos lamukusin na ni Hannah ang itim na papel. Kung ano man ang isinusulat niya roon, may idea na ako. Kilala ko siya at alam kong gawain nga niya ang magpakalat ng kung ano-ano sa campus. Gawain niyang magsulat ng kung ano-ano sa kung saan, kahit nga sa pader na bawal sulatan.
Sikat siyang estudyante rito sa Du Mort. At sumikat siya dahil maingay siya at madaling mapansin. Mapuna at masalita. Magandang bagay kung alam niya kung paano iyon gagamitin sa tama. Ang kaso, hindi.
"Sige, diyan mo na lang ilabas lahat ng galit mo sa kanya, Hannah," natatawang sabi ni Mirra.
Para silang mga kontrabida sa pelikula. Mga kontrabidang magaganda, mukhang mayayaman, at laging naka-lipstick na pula. Mga mukhang handang mang-api ng kapuwa.
"Kapag natapos natin ito, bahala na siya sa buhay niya. Hindi ko na siya kakausapin. Naba-bad trip ako! Akala mo, kung sinong malinis!" patuloy na reklamo ni Hannah.
Kung nanggigigil siya sa itim na papel, ganoon din ako sa kanya. Ayokong makita nilang dalawa, pero minsan ay gusto kong sumugod doon sa mesa nila at gumawa ng komosyon.
Sinundan ko lang ng tingin ang pagtupi niya sa papel at padabog iyong inipit sa libro.
"Tara na nga, Mirra! Magsusulat muna ako! Naiinis lang ako rito!"
Sinundan ko sila ng tingin habang papalabas ng library. Naiipon ko na ang mga chain letter ng grupo nila.
Lumapit ako sa mesa nila at kinuha ang itim na papel.
Kung si Hannah nga ang may pakana ng mga sulat na ito, malamang na gagawa rin siya.
Pagkatapos niyon, ano na?
Kung ano man ang susunod na magaganap, gusto ko iyong makita.
◄♦►
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top