ii. Nova's Letter


Nagtataka ako dati kung bakit bihira na lang dumalaw si Nova rito sa library. Sobrang sipag niya dati, lalo noong kasikatan ng grupo nila sa pag-publish ng mga cute romantic story tungkol sa mga crush at love life nila sa bulletin board. Ginamit pa nga ang concept nila sa school fair.

Ang sabi ng ibang kilala siya, nag-transfer daw siya sa ibang school. Pero nandito pa rin siya until now. Sabi ng iba, nabuntis siya at nanganak na kaya matagal ding hindi nakapasok. Ngayon na lang ulit nakabalik. Hindi ko masabi kung bakit nga ba siya biglaang nawala sa school at bumalik na lang ngayon. Matagal na ring nawala ang kikay na grupo nila at bihira na rin ang nagpo-post ng romantic stories sa bulletin board.

Hindi kami malapit sa isa't isa pero alam kong mabait siya. Hindi ko masasabing kakaiba siya, pero hindi ko rin matutukoy kung tipikal. Ilan lang naman ang alam ko sa kanya. Basta mahilig siya sa mga romantic story at mga anime.

"Natapos mo na?" tanong ng lalaking estudyanteng bagong dating.

Bahagya akong nagtago sa sulok at pinanood silang dalawa.

May isinusulat si Nova sa itim na papel. Kalahating oras na siyang naroon at mukhang natatagalan siya sa ginagawa.

"Puwede na ba ito, Eury?" tanong ni Nova.

Si Eury ang tiningnan ko at mukhang inuusisa nga niya talaga ang gawa ni Nova sa itim na papel.

Napalunok ako at sinubukang silipin ang ginagawa nila.

"Puwede na iyan. Lagyan mo na lang ng pangalan sa ibaba. Si Hannah na ang susunod. Baka mamaya o bukas lang, narito na siya."

Nagsisimula na akong mahiwagaan sa itim na papel. Ano ba ang ginagawa nila?

"Sabi ni Julio, bukas pa niya matatapos ang task," paalam ni Eury. "May tatapusin muna ako bago ko gawin ang akin."

"Paano na 'yong una mong gawa?"

Walang isinagot si Eury sa tanong ni Nova. Hindi ko sila naiintindihan. Kung ano man ang ginagawa nila sa itim na papel, gustong-gusto ko iyong malaman.

"Tara na. Iwan mo na 'yan diyan."

Itinupi ni Nova ang itim na papel at isinilid sa librong nasa mesa ng grupo nila.

Sumimple ako ng tingin sa libro at dahan-dahang gumapang papunta sa mesang ginamit ni Nova.

May isinulat siya sa itim na papel. Gusto kong mabasa ang laman ng papel na iyon.

"Wait! Eury! Naiwan ko ang ballpen ko sa table!"

Lintik!

Dali-dali akong gumapang pabalik sa puwesto ko. Kapag nakita ako ni Nova, baka . . .

"Teka! Bakit ka—"

Natigilan ako sa paggapang habang nasa kalagitnaan ng aisle.

Hindi ako huminga.

Napalunok ako.

Hindi. Hindi niya ako puwedeng makita rito sa library.

Magagalit siya kapag nakita niya akong narito.

"Bakit ka napunta ritong ballpen ka, ha?"

Napapikit ako at dahan-dahang humabol ng paghinga. Gusto kong punasan ang gumagapang na pawis sa sentido ko. Ang tibok ng puso ko, hindi ko alam kung sino ang hinahabol dahil napakabilis ng pagtibok.

"Eury, nakita ko na!"

Aalis na ba siya?

Nakita ba niya ako?

Sana hindi. Sana hindi.

Sana . . .

Hindi.

Ilang sandali pa ang hinintay ko. Ang tagal ng bawat segundo. Nakaalis na ba sila?

Nandiyan pa ba siya?

Narinig ko ang tunog ng pinto ng library na sumara.

Ibinuga ko ang inipon kong hangin at nilingon ang mesang ginamit ni Nova.

Wala nang tao; nasa labas ang librarian.

Mabilis ko na namang ginapang ang mesa at madaling hinugot sa libro ang itim na papel.

Binasa ko ang nakasulat at . . .

"Hindi. Bakit ito . . ." Tiningnan ko ang pinto na may gulat at pagtataka sa aking mukha. "Bakit ganito ang isinulat ni Nova?"

Hindi magsusulat nang ganito si Nova. Alam ko, hindi niya kayang gawin itong isinulat niya.

Ano ba ang ginagawa nila?

Bakit sila gumagawa ng mga chain letter?


◄♦►

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top