i. Snakey's Letter
Nagtatayuan na naman ang mga balahibo ko. Malamig na naman sa paligid.
"Snakey! Ano na naman 'yang ginagawa mo?"
Nakaupo ako sa sulok ng library. Sa puwesto ko, nakikita ko ang buong paligid. Narito na naman silang dalawa. Bawal mag-ingay, pero laging sumisigaw ang estudyanteng 'yon na kararating lang.
"Tumahimik ka nga, Hannah."
Kanina ko pa napapansin ang ginagawa ni Snakey sa mesa kung saan siya nagsusulat. Itim ang papel na sinusulatan niya.
"Paki-explain nga kung paano ko makikita ang sinulat mo riyan, ha?" iritableng tanong ni Hannah.
Kilala si Snakey sa library na ito, pero hindi iyon ang tunay niyang pangalan. Laging may takip ang student ID niya. Sabi nila, Samil ang pangalan niya, pero may nagsasabing Roberto. Hindi ko rin alam ang totoo niyang pangalan maliban sa tawag sa kanya ng karamihan dito. Madalas siyang tambay rito sa library. Isa si Snakey sa mga article writer ng Du Mort campus journal. Siya ang madalas sumulat ng creepy stories every Friday na pino-post sa school website at mababasa rin sa bulletin board.
Kunot ang noo niya nang sermunan si Hannah. "Huwag ka nga sabing maingay, e."
Sumusulat din ng inspirational at spiritual story si Snakey para sa monthly release ng Du Mort Chronicle. Malayo sa creepy stories na ginagawa niya every Friday. Tumatambay siya rito sa library kasi narito ang grupo niya.
Sinusundan ko ng tingin ang ginagawa niya sa itim na papel. May isinulat siya roon, wala nga lang akong nakita dahil malayo. Itinupi niya ang papel sa dalawa at isinilid sa pagitan ng mga librong nakapatong sa mesang ginamit niya.
"Ano ba kasi 'yan?"
Napalunok ako at na-excite sa kagustuhang makuha ang itim na papel na iyon.
"Tara, alis na tayo."
Tumayo na si Snakey. Inakbayan niya saglit si Hannah at saka nilingon-lingon ang paligid.
Saglit na nagtama ang tingin namin.
Alam ko, nakita niya ako, pero alam kong hindi niya ako pinapansin. Hindi naman kasi niya ako balak pansinin.
Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanya hangga't hindi sila tuluyang nakalalabas ng library.
Muli, tumahimik na naman.
Dahan-dahan akong tumayo at nagmatyag sa paligid. Naroon ang librarian sa desk na katabi ng pintuan. Hindi kalakihan ang silid-aklatan kaya nasa gilid nakahilera ang bookshelves. Lahat ng mesa ay nasa gitna. Apat na magkakahilera, dalawang magkatabi at magkatapat.
Pasimple akong naglakad palapit sa mesang ginamit ni Snakey at dahan-dahang hinugot ang itim na papel na inipit niya sa libro.
Unti-unti akong yumuko at bahagyang umupo pagkakuha ko sa papel. Nagtago ako nang kaunti sa mesa upang hindi makita ng librarian. Sinilip ko ang sulat dahil may nakalagay nga at binasa ang nilalaman.
Dama ko ang malalim na pangungunot ng noo ko. Kinagat ko ang labi at masamang tiningnan ang pintuan ng library.
Siguro nga, uso pa ang chain letter, pero hindi ko gusto ang nakasulat sa papel na hawak ko.
Kung ano man ang iniisip niya kaya niya ito isinulat, alam kong hindi iyon maganda.
◄♦►
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top