Chapter 15
"Anong papanuorin natin? Horror ba?"
Nakaupo si Karlo sa sahig habang isa-isang pinipili ang mga CD ni Papa. Nandito na naman sila ngayon sa bahay dahil weekend. Umuuwi kasi ang kambal sa bahay nila at sumasabay naman si Avery. Sa ganitong setup kami nagkikita.
"Huwag na. Ang lakas mong tumili, eh." Inagaw ni Ivo iyong ibang CD para makapamili din siya.
"Puro FPJ 'to, eh! Hindi ba mahilig sa John Wick si Tito, Raya?" inignora ni Karlo ang insulto ni Ivo at binalingan ako.
"Maka-Tito ka, ah? Close kayo?"
"Bobo. Kulang nalang magpalit kami ng mukha ni Sonny kasi parati tayong narito. Kilala ako ni Tito, 'no!" tinulak ni Karlo si Ivo palayo at tumingin ulit sa akin.
I shrugged. "Hindi ko alam kung meron d'yan."
"Wala ba kayong netflix? I-connect nalang natin sa TV," suhestiyon ni Lulu na nakaupo sa sofa at malamang naririndi na rin sa bangayan nina Ivo at Karlo.
"Wala, beh. Mga parasite kami. Nakikigamit lang ako sa Netflix account ng boyfriend ko." Tumatawang sagot ni Celeste.
"Iyon nalang, Cel. Nagkakalat lang ng CD sina Ivo at Karlo, eh!" ani Yari sabay tabi kay Celeste.
Sa huli, niligpit ng dalawa ang mga CD ni Papa at namili sila ng panunuorin sa Netflix. Pinagluto ko sila ng pasta at gumawa na rin ako ng popcorn. Saktong paglabas ko ng pagkain ay ang pag-uwi ni Sonny galing basketball. Imbes na tumulong ay kumuha pa ito ng popcorn sa bowl at sinabing maliligo muna siya tapos sasali daw siya sa amin.
"Magugutom talaga tayo 'no, kapag wala si Raya? Blessing ka talaga ni Lord," biro ni Celeste nang ilapag ko ang mga pagkain sa lamesa.
Umiling lang ako at tumabi kay Lulu. Nasa sahig sina Ivo at Karlo, tabi naman sina Celeste at Yari sa kabilang sofa. Hapon pa kaya may liwanag pa rin na pumapasok sa bahay kahit na sinarado na namin ang pinto.
"Paki-off nga nung ilaw, Karlo." Utos naman ni Lulu nang magsimula na ang palabas.
Tumayo si Karlo para i-off ang ilaw sabay sigaw.
"Gagi! Nawawala si Ivo sa dilim!"
"Hoy, putangina mo, hindi ka na nakakatuwa ah!" ganti ni Ivo at binato pa ng throw pillow si Karlo. "Ibalik kitang China, eh."
"Grabe ka na, Celeste, bakit may Fifty Shades of Grey sa continue watching mo?!" nagulantang si Yari nang ma-connect na ang Netflix account ni Celeste sa TV at tumambad ang mga pinapanuod niya.
"Tatlo kami gumagamit 'no! Tsaka, bakit ako manunuod n'yan? Demo?" pagtatanggol naman ni Celeste sa sarili niya.
Nagtawanan sila kaya wala akong maintindihan sa sinasabi ng mga characters sa intro. Kumuha nalang ako ng popcorn habang nakatingin pa rin sa screen ng TV kaya nagulat ako na imbes na popcorn ay kamay ang maramdaman ko!
Kaagad akong napatingin at nakitang kukuha din pala sana si Ivo. I quickly withdrew my hand, my heart beating so fast. Ngumiti lang siya at kumuha sabay balik-tingin doon sa TV.
Joker iyong pinapanuod namin kaya tumahimik ang lahat. Hindi ko masyadong nagi-gets kasi hindi naman ako mahilig sa DC Comics pero panay ang palitan ng komento nina Ivo at Karlo sa baba. Inabala ko nalang ang sarili ko sa pagre-refill ng tubig at pagkuha ng popcorn kapag nauubusan na kami. Tinimplahan ko din sila ng juice at nagpabili ng tinapay kay Sonny nang matapos siyang maligo.
"Psst."
Napalingon ako nang tawagin ni Yari habang nagp-play na ang movie credits.
"Malapit na ang UPCAT. Nakapag-review ka na ba?"
Tumango ako. Ibinigay niya kasi sa akin ang reviewer niya kasi wala naman akong pambili nun. Hindi rin ako mayaman tulad ni Lulu na kayang mag-hire ng private tutor para makapaghanda sa entrance exam. Sa tuwing tapos na ako sa mga gawaing-bahay at walang ibang iniisip, saka ko pa nabubuksan ang reviewer sa kwarto ko.
"Samahan kitang kumuha ng test permit bukas. Kinuha mo na ba yung mga requirements na sinend ko sa messenger?"
"Ah, oo. Meron na ako nun lahat."
"Anong meron?" nakisawsaw ulit si Ivo sa usapan namin nang makitang seryoso kaming dalawa.
"Mag-u-UP si Raya. Dalawa na kaming iskolar ng bayan," proud pa na wika ni Yari.
Ivo's face fell. Napatingin siya sa akin. "Tuloy ka talaga sa Manila?"
Kaagad akong umiling. "Hindi pa sigurado. Ang hirap pa kasi... sobrang laking adjustment kung sakali. Tapos ang mga kapatid ko..."
Wala naman siyang sinabi at tumango lang. Napatingin si Lulu sa akin.
"Just board in Manila, Raya. Or, I know! You could live with me! Ako lang mag-isa sa condo na kinuha ni Mommy para sa akin." Ani Lulu.
I gave her a tiny smile. "Hindi ko naman pwedeng iwan nang basta-basta ang mga kapatid ko."
"Hindi ka naman nila Nanay," nagulat ako nang magsalita si Karlo. Nakikinig pala siya sa usapan namin. But then again, he gave me a sad smile. "Pero walang choice, ano? Antagal pa bago umuwi ni Tita..."
"Maka-Tita..." inis na bulong-bulong ni Ivo sa tabi.
Tumango nalang ako. Kaya hindi ko sinasabi sa kanila na gustong-gusto kong mag-UP dahil ayokong pag-usapan kung gaano kahirap ang sitwasyon ko. Ayokong maawa sila sa akin na pasan ko ang lahat ng 'to at ni hindi man lang ako makapili ng paaralang gusto ko sa kolehiyo na hindi iniisip ang pamilya ko.
Nagpaalam ako kay Papa na luluwas ako ng Manila bukas, kasama si Yari. Um-oo naman siya at binigyan pa ako ng extrang pera para daw may pambili ako ng gusto ko. Nang makakuha ng permit, mas lalo lang dumoble ang kaba ko dahil isang buwan nalang ang natitirang oras para makapag-prepare ako sa exam tapos andami pang ginagawa sa school ngayon.
Ramdam ko naman na suportado ako ni Papa pero ako mismo ang alanganin. Hindi ko alam kung nakakaipon ba talaga siya dahil sakto lang ang kinikita niya para sa pagkain namin araw-araw at mga bayarin sa bahay. Buti sana kung may part-time ako para makatulong pero hindi naman kaya dahil walang mag-aalaga sa dalawa.
Nang sumapit ang October, abot-langit na ata ang kaba ko. Distracted ako sa ginagawa sa school dahil maya't maya ay sumisilip ako sa reviewer para ipasok sa isipan ko ang pwede pang ipasok. Gusto ko talagang makapasa.
"Good luck, Raya!" Lulu hugged me tight. Sasabay kasi ako kina Yari pabalik ng Manila mamayang hapon. Doon din ako makikitulog sa condo ng kambal dahil maaga ako bukas sa exam.
"Hanap ka ng pogi sa UP, Raya, ah? Madami dun," biro ni Celeste.
Tumawa lang ako at binalingan si Ivo. Tinatanggal na niya iyong bracelet niya at inabot sa akin.
"Lucky charm mo."
Ngumiti ako at tinanggap iyon. Isinuot ko agad sa kamay ko at pinakita sa kaniya.
He sighed and ruffled my hair. "Kahit naman wala yan, alam kong makakapasa ka. Ikaw na yan, eh."
"Masyadong halata, Ivo." Hirit ni Celeste kaya kumunot ang noo ko.
"Huh?"
Umiling lang siya at ngumisi saka tinulak pa ako. "Sige na, alis ka na. Baka ibulsa ka pa ng isa d'yan, eh."
Wala akong maintindihan sa sinasabi ni Celeste kaya umalis nalang ako. Magpapaalam muna ako kay Papa bago ako pumunta sa bahay nila Yari.
"Galingan mo, anak, ah? Alam kong pangarap mo yan. Pero kung hindi ka mapasa, okay lang din. Marami pa namang ibang eskwelahan."
Tumango ako at nagpasalamat kay Papa. Nakisakay lang ako sa sasakyan ng kambal nang umuwi sila sa Elyu. Talagang um-absent din ako sa klase ko para lang dito. Kabadong-kabado ako sa biyahe habang tulog na tulog naman si Karlo sa tabi ko. Si Yari ay nagce-cellphone at ayoko naman siyang guluhin kaya pinakalma ko nalang ang sarili ko.
Nang makarating kami sa condo nila, doon ako natulog sa couch kahit na pinipilit ako ni Yari dun sa kwarto niya. Nahihiya ako at sinigurado ko din siyang ayos lang ako dito sa couch. Mas malambot pa kasi ata ko kesa sa kama ko doon sa bahay.
"Sure na ba yan, Raya? Iiwan mo na talaga si Ivo sa Elyu?" ani Karlo habang abala ako sa pagluluto sa kusina. Tumutulong si Yari sa akin pero hindi siya maalam kaya ako ang mas maraming ginagawa.
Natigilan ako sa sinabi ni Karlo. Nakangisi siya at umiinom ng beer in can sa kitchen counter.
"Anong ibig mong sabihin?"
He scratched his jaw. "Alam mo naman ang lalaking yun, wala yung balak bumalik dito sa Manila. Baka biglang mag-Ateneo yun kapag nakapasa ka sa UP."
"Bakit niya naman gagawin yun?"
"Ay, di ba obvious—"
"Karlo!" binato ni Yari ng kamatis ang kambal at sinamaan ng tingin. "Kung anu-anong sinasabi mo! Huwag mo ngang ginugulo ang utak ni Raya, may exam pa 'to bukas!"
Ngumisi lang nang malawak si Karlo at itinaas ang dalawang kamay sabay atras. Umabante ulit siya para kunin ang naiwan niyang beer in can saka nagpunta sa balcony.
"Huwag mo nang pansinin ang ugok na yun, kung anu-ano lang ang sinasabi," ani Yari at umiling-iling pa.
Sinubukan ko namang hindi talaga pansinin ang sinabi ni Karlo pero tumatak iyon sa isipan ko hanggang magising ako kinabukasan. Pilit ko iyong inalis at nag-focus nalang sa gagawin ko ngayong araw. For some reason, I feel calm today. Biglang nawala ang kaba ko kahapon hanggang sa makapasok kami sa UP. Pangalawang beses ko na 'tong punta dito pero namamangha pa rin ako.
"Punta tayo sa Maginhawa mamaya pagkatapos mo. Ililibre kita sa Tomatokick." Nakangiting wika ni Yari bago niya ako iniwan sa test center.
I did the best I could that day. Alam kong ibinigay ko ang makakaya ko para sa exam na yun kaya payapa ako nang matapos. Gaya ng sabi ni Yari, nilibre niya talaga ako ng pagkain pagkatapos namin dun. Dinala pa ako sa Sunken Garden pagkatapos kumain. Ito-tour niya daw ako dahil ito ang magiging campus ko sa susunod pero kinulang na kami sa oras kaya bumalik nalang kami sa condo.
"Salamat, Yari, Karlo..." ani ko bago sumakay sa kotse nila kinagabihan. Ako nalang mag-isa ang babiyahe ngayon pabalik ng Elyu. Nagpadala pa talaga ng taong magd-drive ang mga magulang nila Yari para lang sa akin kaya nahihiya talaga ako.
Pagkarating ko sa Elyu, nagpasalamat din ako sa mga magulang nila at nag-commute na pauwi sa amin. Naabutan ko si Selena na nagsasandok ng kanin.
"Si Sonny?" nagpalinga-linga ako nang mapansing wala pa ang isa kong kapatid.
"Ate! Kumusta?" tuwang-tuwang wika ni Selena sabay yakap sa akin. "Lumabas si Kuya Sonny, bumili ng lechon manok. Sinunog niya lang yung natirang karne kagabi. Wala talagang pag-asa, Ate!"
Napailing ako at tiningnan kung anong nangyari doon. Sobrang itim na ng kawali na pinaglutuan niya at iyong karne naman, halos hindi na mahitsura. Kahit pagod ay binabad ko kaagad sa tubig ang kawali para lumambot ang nasunog na parte at madali nalang itong linisin. Napabuntong-hininga ako dahil patawa-tawa lang si Sonny nang pagsabihan ko siya tungkol dito.
Anong mangyayari sa dalawang ito kung wala ako?
"Rayacakes! Na-miss kita!" sobrang lakas ng boses ni Lulu nang magkita ulit kami kinabukasan sa school. Nahiya pa ako dahil napapatingin ang ibang mga classmate ko sa amin. Para kasi kaming isang dekadang hindi nagkita ni Lulu.
"Kumusta ang exam? Pasa ba? Iskolar ka na ng bayan?" sunod-sunod na tanong niya sa akin.
"March pa lalabas ang resulta," natatawa kong sagot sa kaniya.
"Excited na ako! Basta, titira ka kasama ako, ha? Iwan na natin si Ivo sa Elyu!"
Tumaas ang kilay ni Ivo nang marinig ang pangalan niya. Binalingan ko siya at nginitian. Hinubad ko ang bracelet niya mula sa kamay at isinauli na iyon sa kaniya.
"Salamat..."
Tumango lang siya at ibinulsa ito. Absent si Celeste ngayon kaya nagtataka si Lulu. Ang huli lang niyang balita ay magkikita sila ni Kade kahapon kaya laking gulat namin nang pumasok siya kinabukasan na namamaga ang isang pisngi.
"Anong nangyari sa iyo?!"
She smiled sadly. "Break na kami."
"Pota, wala akong paki kung break na kayo! Anong nangyari sa pisngi mo, ha?!" galit na tanong ni Lulu.
Hindi nakapagsalita kaagad si Celeste. Hindi na rin nakapagtanong ulit si Lulu dahil pumasok na ang teacher namin at pinabalik kami sa upuan. Nung lunch time, ikinuwento ni Celeste na talagang break na sila ni Kade dahil napaka-clingy daw nito. Hindi niya matanggap na makikipag-break na sa kaniya si Celeste kaya nasampal niya ito habang nag-aaway sila.
"Tangina. Kapag nagpakita siya ulit dito sa Elyu, ibabaon ko siya nang buhay." Mura ni Ivo.
I sighed. Ni hindi man lang umiyak si Celeste di tulad noon. There's just a numb expression on her face as if she was expecting this to happen all along.
"Nasa K talaga ang trauma..." biro pa niya dahil galit na galit na kaming tatlo sa nangyari sa kaniya.
Lulu sighed. "Sabi sa iyo, eh. Red flag ang mga scorpio."
Simula noon, bumabalik na ulit siya sa pagsama-sama sa amin. Mukhang naka-block na sa lahat ng socials niya si Kade dahil huminto na ang mga tawag at texts niya na nagmamakaawang balikan siya ni Celeste.
"Wala na tayong Netflix account," nakasimangot niyang wika habang nakatitig sa phone niya.
"Akin na phone mo," biglang alok ni Ivo.
"Huh? Bakit?" tanong ni Celeste pero binigay pa din niya ang phone niya kay Ivo.
May ginawa siya dun saglit at binalik din naman ang phone ni Celeste. Nanlaki ang mga mata niya sa nakita sa screen.
"Gago, naka-premium account ka pala?!"
Ivo shrugged. "Trip ko lang."
"Sabi sa iyo, mayaman talaga yan si Ivo. Hindi halata sa hitsura 'no?" biro naman ni Lulu.
Celeste smirked. "May kamukha ka, Ivo..."
Kumunot ang noo ni Ivo. "Sino?"
"Kamukha mo yung magiging sugar daddy ko," seryosong sabi ni Celeste.
Kaagad siyang hinampas ni Ivo ng hawak nitong notebook sa tuktok ng ulo niya habang tumatawa naman si Celeste.
"Pasalamat ka broken ka, papatulan talaga kita..."
"Joke lang, 'no! Totropahin lang!" tumawa si Celeste at binalingan ako. "Ikaw, Raya? Si Ivo... jojowain o totropahin?"
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa biglang tanong ni Celeste. Napatingin tuloy sa akin sina Lulu at Ivo, naghihintay ng sagot ko. Hindi ako mapakali sa upuan ko.
"Uh... totropahin?"
"Aray. Hindi pa sigurado!" tumawa ulit si Celeste at ginulo si Ivo. Natawa din si Lulu dahil mukha daw silang tanga dalawa. Ivo had a blank expression on his face, so I'm not sure if he's mad or pleased with my answer.
Ano ba dapat ang isagot ko?! Napaka-out of the blue naman kasing magtanong ni Cel!
Nung malapit na ulit mag-prom, ako na mismo ang hindi tumanggap sa alok ni Papa na sumali ako. Alam ko kung gaano kami kagipit sa pera at kung sakaling makapasa man ako sa UP, ibang gastos ulit yun kaya mas maiging itabi nalang muna namin.
"Sigurado ka ba, anak? Alam mo namang hindi kompleto ang high school life kapag walang prom—"
"Siraulo po ang nagpa-uso n'yan, Papa." Pagputol ko kaagad sa sasabihin niya. "Hindi naman lahat may pera pang-prom. Atsaka, may experience na po ako..."
Naalala ko ulit yung ginawa ni Ivo nang hindi ako maka-attend ng prom last year. Hanggang ngayon, hinding-hindi ko pa rin 'to makalimutan. Tumatak na ata sa isipan ko at memoryado ko na bawat detalye. Minsan, napapaisip din ako kung totoo ba talagang nangyari yun dahil parang nakapa-impossible naman na maranasan ko ang ganun.
"Sige. Anong gusto mong gawin sa birthday mo?" tanong niya sa akin pero bakas pa rin ang lungkot sa mukha. "Kahit ito nalang, Raya, pagbigyan mo na ang Papa mo..."
Sinabihan ko si Papa na ililibre ko nalang ng chicken wings ang mga kaibigan ko pagsapit ng birthday ko. Tutal, uuwi naman sina Avery, Yari, at Karlo ngayong summer sa Elyu kaya makakapagkita pa kami.
Hindi rin naman siguro ako mag-e-enjoy kung sasali ako ng prom dahil hindi na pupunta sina Ivo, Lulu, at Celeste. Sila din, naghahanda na para sa kolehiyo. Sa San Fernando daw mag-aaral si Ivo. Mukhang nakahanap na siya ng eskwelahan at ang kukunin niyang kurso ay related daw sa business.
"Paano yan? Pagka-graduate mo, ikaw agad ang papalit sa pwesto?" tanong ni Celeste habang kumakain kami sa manggahan. Puno ang cafeteria ngayon at ayaw makipagsiksikan ni Lulu kaya dito kami.
"Hindi, ah! Wala pa nga akong experience, eh. Siguro dun lang ako mag-i-intern tapos magtatrabaho din. Kailangan kong makabisado ang pasikot-sikot bago ako kumuha ng malaking posisyon."
"Dun ka sa HR, Ivo! Mag-a-apply ako sa kompanya niyo! I-hire mo ako on the spot, ah?" biro ulit ni Celeste.
"Oo, ba! Ikaw tiga-timpla ng kape ko!" mayabang naman na ganti ni Ivo.
"Ang kapal ng mukha mong hayup ka. Masyado akong maganda para lang magtimpla ng kape, no!"
Habang papalapit ang graduation day namin, bumabalik ulit ang kaba ko nung mag-take ako ng exam sa UP. Anumang linggo ngayon ay malalaman ko na ang resulta.
Sinamahan pa talaga ako nina Ivo sa computer shop para sabay naming tingnan kung nakapasa ako. Pasado na si Lulu sa Ateneo at si Celeste naman, sa UST mag-aaral. Nanginginig pa ang kamay ko habang nags-scroll pababa dun sa M section, hinahanap ang pangalan ko sa list of passers.
"Montanez..." ani Ivo. "Teka, ambilis mo mag-scroll! Ayun ang pangalan mo, Raya!"
Muntik na akong mahulog sa upuan dahil sa lakas ng boses ni Ivo. Nanginginig ako kaya si Celeste na ang nag-scroll back para sa akin. Tumili siya nang malakas nang makita ang pangalan ko sa pdf ng list of passers.
"Pota! Pasado ka, beh! Iskolar ng bayan ang kaibigan ko!" tumalon-talon pa siya kaya nabulabog ang mga nagdo-dota doon.
"Congrats, Raya!" niyakap ako nang mahigpit ni Lulu habang nakatulala lang ako sa screen, hindi makapaniwala na nangyayari talaga sa akin ito.
"Congrats..." ngumiti si Ivo sa akin at tinapik ako sa balikat. Tiningnan ko lang iyong tinapik niya at nginitian din siya. Muntik pa akong matumba dahil bigla nalang kaming dinamba ni Celeste dalawa.
"Kailangan nating mag-celebrate! Milk tea tayo, libre ni Primitivo Escarra ng Escarra Corporation!"
"Hoy, ang ingay mo!" saway ni Ivo sa kaniya at kaagad na lumayo dahil nagdidikit kaming dalawa. Awkward din akong humiwalay sa kanila at tumikhim.
"Meron naman akong extrang pera—"
"Hindi. Libre ko na." sagot kaagad ni Ivo. "San niyo gusto?"
"Ba't ngayon ka panay libre?! Ang kuripot mo sa akin noon, ah!" biglang reklamo ni Lulu. "Ni ayaw mo akong bilhan ng lollipop nung bata pa tayo!"
"Ay, ungkatan ng past?" tumawa si Celeste habang nagbabayad ako. Pina-print ko na din ang section kung saan naroon ang pangalan ko para makita ni Papa mamaya. "Hindi kasi ikaw ang mahal—"
"Ikaw, Cel, ibubulsa na talaga kita! Ang liit-liit mong tao, ang ingay mo!" rinig kong reklamo ni Ivo.
Pumunta ulit kami doon sa milktea-han na pinuntahan namin noon kasama si Lulu. Marami pa ring tao ang naroon pero mayroon namang bakanteng upuan kaya mabilis din kaming nakaupo.
Kinuha ni Ivo yung menu para sa amin at siya nalang daw ang pipila doon para kunin ang order namin. Tabi kami ni Celeste habang tabi naman sina Lulu at Ivo sa kabila.
"Malapit na tayong gumraduate. San niyo gusto mag-celebrate?"
Humalumbaba si Celeste sa lamesa at bumuntong-hininga nang malakas. "Hindi ako sure kung makakapunta ako. Nagtalo ulit kami ni Mama. Baka hindi pa ako matuloy sa Manila kapag tuluyan siyang na-imbyerna sa akin."
"Anong hindi tuloy, eh dun ka mag-aaral?" angal kaagad ni Lulu.
Celeste gave her a sad smile. "Hindi lahat may PSG chief na tatay, Lulu. Nakaka-relate ako kay Raya, sobrang alanganin at sobrang laking gastos kapag nag-Manila ako. Pero nakapasa na ako, eh. Alam na din ni Mama. Dapat lang talagang magpakabait ako hanggang sa gumraduate tayo."
"Gusto niyong mag-part time ngayong summer?" ani Ivo habang umiinom sa milk tea niya. "Pwede kayo sa amin."
"True ba yan, beh?" nabuhayan ng loob si Celeste sa sinabi ni Ivo pero kaagad ding naningkit ang mga mata nito. "Baka si Raya lang ang ipasok mo, ha. Ang bias mo, eh!"
"Hindi ko kayang mag-part time." sabi ko kaagad. "Ang mga kapatid ko—"
"Oo na, ikaw na ang dakilang ate." Celeste laughed. "Nagbibiro lang ako."
Nagtagal kami doon ng ilang oras, nag-uusap-usap sa future namin na para bang alam namin kung anong mangyayari sa hinaharap. They were hopeful about their futures, so I was, too. We were just silly teenagers planning for our big future in our small, little town in La Union.
Only that hope crumbled into pieces when I got home. Nagtataka ako dahil nakita kong nakaparada ang taxi ni Papa sa harapan. Nang pumasok ako sa bahay, natutulog ang dalawa kong kapatid sa sala pero naririnig ko ang boses ni Papa sa likod ng bahay at may kausap ito.
"10% interest? Ganun ba talaga kalaki? Paano kung gawin ko nalang collateral ang titulo ng bahay para ma-approve ako? O ibenta ko nalang? Tutal sa Manila naman kami titira. Nakapasa ang panganay ko sa UP, eh."
Nanigas ako sa kinatatayuan habang pinapakinggan si Papa sa kung sino man ang kausap niya sa telepono.
"Ganun ba?" his shoulders dropped in disappointment. "Sige, papatulan ko yan, makapag-aral lang ang anak ko. Maghahanap din ako ng panibagong trabaho sa Manila. Nandun si Bogs diba? Matutulungan niya ba ako? Kahit kargador, okay na sa akin!"
Sumikip ang puso ko sa narinig at dun ko lang napagtanto kung gaano kalaking pagbabago na umalis kami dito sa Elyu at tumira sa Manila. Mawawalan ng hanapbuhay si Papa, lilipat kami ng bahay, magt-transfer ang mga kapatid ko at ngayon, may plano pa siyang isangla ang bahay namin?
Alam ko kung gaano ito kahalaga sa kaniya dahil ito lang ang tanging pag-aari niya na namana niya pa kay Lola. To sell it would rip half of his soul, but knowing my father, he would just smile and say everything is okay.
"Raya! Nakauwi ka na pala!" excited na pumasok si Papa sa bahay, nagniningning ang mga mata. "Anong balita? Nakapasa ka ba?"
I stared at him and blinked back my tears. Alanganin akong ngumiti sa kaniya.
"H-Hindi po ako nakapasa sa UP, Papa..." bulong ko habang dahan-dahang nilulukot ang list of passers sa likuran ko. "Sorry."
If he can sacrifice for his family, why shouldn't I? Hindi lang naman sa UP ang daan patungo sa pangarap ko. Marami pang iba. Kung mag-aaral ako dito sa Elyu, makakapagtapos pa rin naman ako sa kursong gusto ko. I realized I have more freedom than some of my friends, and I shouldn't take advantage of it. At least, pwede pa ako sa kursong gusto ko. Hindi ako mapipilitang pag-aralan ang isang bagay na hindi ko naman gusto.
It's the least I can do for my father and my family. Stay in La Union.
"G-Ganun ba? Okay lang yan, anak. Marami pa namang magagandang eskwelahan, d'yan! Maghahanap tayo bukas, ah? Huwag ka nang malungkot. Hindi naman kagandahan ang UP, eh!"
Parang gusto kong maiyak sa sinasabi ni Papa na para bang hindi niya isasangla ang bahay kani-kanina lang. Itinago ko ang papel sa bulsa ko at niyakap siya.
"Sorry, Papa..." bulong ko, hindi dahil hindi ako nakapasa sa UP kundi dahil sa lahat ng paghihirap na dinanas niya at hindi man lang siya nagreklamo. Ni minsan hindi ko siya narinig na nanumbat sa amin. Ni minsan hindi siya nag-alinlangan na isakripisyo ang sarili para sa amin. Kami ang mundo niya.
"Ayos lang, anak. Marami pang iba d'yan. Magtiwala lang tayo..."
Tahimik lang ako sa eskwelahan kinabukasan kaya pansin kaagad iyon nina Lulu at tatlong beses na ata akong tinanong kung may problema ba sa bahay. Kaagad akong umiling at nginitian sila para hindi na sila masyadong mag-alala para sa akin.
"Sure kang okay ka lang?" si Celeste naman, habang nagla-lunch kami sa manggahan.
"Ayos lang ako..." yumuko ako para hindi nila makita ang mukha ko at kumain nang tahimik.
"Ivo, saan ka nga ulit mag-aaral?" pagbasag ni Lulu sa katahimikan.
"Sa Lorma ako, bakit? Nasa San Fernando lang yun."
"Ikaw nalang maiiwan mag-isa dito sa Elyu! Kawawa ka naman!" kantyaw sa kaniya ni Celeste.
"Heh! Hindi na ako babalik dun sa Manila 'no! Ang init, ang traffic, ang gulo! Hindi ko alam bakit gustong-gusto niyo dun."
"Madaming pogi." Si Celeste.
"Tama. Madami ding galaan," dagdag naman ni Lulu sabay binalingan ako. "Ikaw, Raya, bakit gusto mo sa Manila?"
Napalingon silang lahat sa akin, naghihintay ng sagot. Hindi kaagad ako makaimik dahil paano ako makakapag-isip kung anong gusto ko roon gayong hindi naman ako matutuloy.
I shrugged. "Ibang tanawin."
"Ang deep naman, Raya! Hindi kinakaya ng puputsuging utak namin!" tumawa si Celeste kaya ngumiti nalang ako.
Totoo naman. Gusto ko talagang makakita ng ibang tanawin. Ayaw kong manatili dito sa tanang buhay ko. Siguro dahil nakita ko si Mama na sobrang dali lang para sa kaniya na umalis at tumatak iyon sa isipan ko. Alam kong marami pang opportunities para sa akin sa ibang lugar. Hindi ko dapat nililimitahan ang sarili ko sa La Union dahil dito ako pinanganak.
Siguro sa susunod na habambuhay, makakaalis na talaga ako dito.
Pagkatapos ng klase namin, umuwi kaagad si Celeste dahil may importante daw siyang gagawin sa bahay. Si Lulu naman ay sinundo ng tatay niya kaya kaming dalawa nalang ni Ivo ang naiwan.
"Sabay na kayo ni Selena pauwi?" tanong niya sa akin.
Umiling naman ako at sinabing may practice siya sa music club kaya silang dalawa ni Sonny ang sabay na uuwi.
"Sige, hatid na kita..."
Hindi ako umalma at hinayaan siyang maglakad sa tabi ko. Habang papunta kami sa sakayan ng tricycle, may bigla akong naisip.
"Ivo..."
"Hmm?"
"Saan ang favorite place mo dito sa Elyu?"
"Ang random, ah?" tumawa siya. "Bakit?"
I bit my lower lip. "P-Pwede mo ba akong dalhin doon?"
"Sure. Hindi ka ba kailangan sa bahay niyo?"
"Okay lang ma-late ako saglit. Uuwi din kaagad ako."
Tumango si Ivo at pumara ng tricycle para ihatid kami dun sa dagat kung saan madalas siyang nagpupunta. Hindi naman kalayuan kaya nakarating kaagad kami. Alam ko kaagad ang lugar na ito dahil malapit dito ang dating tirahan namin. I went here almost every day during the first few months that my mother went abroad. May malaking bato akong minamarkahan para bilangin ang mga araw kung kailan siya babalik pero nung mapagtanto kong impossible nang mangyari iyon, tinigilan ko na rin.
Public beach na iyon kung ituturing pero halos wala namang nagpupunta kaya malinis at kami lang din ang naroon.
Ibinaba ko ang bag ko sa buhanginan at pinagmasdan ang dagat. Tumabi naman si Ivo sa akin habang lumulubog ang araw. Tumatama ang sikat ng araw sa mukha niya habang unti-unti itong nawawala sa dagat. It felt so peaceful and serene, just being here with him.
"Bakit gusto mong makita ang paborito kong lugar dito sa Elyu?"
I took a deep breath and sighed. "Wala. Naghahanap ako ng rason para mahalin ang La Union.'"
"Huh? Akala ko ba sa Manila ka? Pasado ka na sa UP, eh!"
Umiling ako at itinago ang nagbabadyang luha sa mga mata. I gave him a sad smile.
"Mananatili ako sa La Union, Ivo... hindi ako aalis."
-
#HanmariamDWTWChap15
NOTE: 3 pm daily updates for Part II will be back soon. For my peace of mind, anyone asking/demanding for updates will be muted. Thank you.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top