Part 9 - Tutor
"Bibili lang ng ballpen, inabot ka na ng siyam-siyam?" bungad ni Ferdinand Sr. nang makapasok si Bongbong sa sasakyan.
"Sorry, Dad," tanging nasabi ng binatilyo na noo'y isinuot na ang seatbelt. Kayrami ng nais niyang sabihin sa ama ngunit idinaan na lang niya sa lihim na pagbuntong-hininga.
"Pagbutihin mo ang pakikinig sa tutor mo," ani ng ama ng binatilyo. Nakatutok lang ang tingin nito sa daan.
Muli itong nagpatuloy. "Si Toni ang pinakamahusay na guro sa Alamano. Malaki ang maitutulong niya sa pag-aaral mo."
Ang Alamanong tinutukoy ng ginoo ay ang bayan nila.
Hindi na sumagot si Bongbong. Abala ang mga mata niya sa pagmalas sa nagyayabungang punong nadaraanan ng sasakyan nila.
---
Mabibigat ang mga hakbang na tinungo ng binatilyo ang study room kung saan naghihintay ang tutor na kinuha ng ama.
Bumungad sa kaniya ang isang dalaga na may kapayatan at may hugis-pusong mukha. Agad itong tumayo nang pumasok ang mag-ama.
Pinagmamasdan ni Bongbong ang bagong tutor niya. Mayamaya ay may nakalolokong ngiti na pumaskil sa kaniyang mukha.
---
Hindi pa man nakakaisang oras sina Bongbong at Toni sa study room ay dali-daling umalis ang huli. Mangiyak-ngiyak ito.
Tinungo nito ang nakatalagang opisina ng nakatatandang Ferdinand.
"Oh, Toni. Ano ang nangyari?"
Nahihintakutang tiningnan ng dalaga ang lalaki. Mayamaya ay lumingon ito sa pinanggalingang pinto at tiningnan ang binatilyong nakangisi. Nakatingin ito kay Toni na parang nagbabanta.
Muling pinukulan ng dalaga ng tingin si Ferdinand Sr.
"W-Wala po, Sir." Lumunok ito nang makailang beses. "Hindi ko na po itutuloy ang pagtuturo." Dinukot nito ang isang sobreng kinapapalooban ng bungkos ng pera. "Heto na po ang ibinigay ninyo kaninang suweldo ko sana. U-Una na po ako."
Matapos makapagpaalam ay dali-dali nang lumabas si Toni. Nilagpasan lang nito si Bongbong nang hindi niya pinupukulan ng tingin.
Nagpipigil ng tawang sinundan ni Bongbong ng tanaw ang dalaga. Napalingon siya nang tumikhim ang ama. Napatuwid siya ng tayo.
Tiningnan niya ang ama. Kita ang gatla sa noo nito dahil sa pangungunot. "Ano ang ginawa mo, Bongbong?"
Prenteng umiling ang binatilyo. Nagkibit-balikat. "Wala, Dad."
Hindi kumbinsidong pinukulan ng tingin ni Ferdinand Sr. ang anak pero hindi na siya nagtanong. Bagkus ay tumalikod ito at akmang pipihitin ang doorknob ng pinto. "Maghahanap ako ng pamalit kay Toni. Ayusin mo."
Napahinga nang maluwag si Bongbong nang tuluyan nang pumasok ang ama sa opisina.
Muli siyang napahagikhik habang inaalala ang kapilyuhang ginawa kanina.
Pinakawalan niya ang mga alagang puting daga na nasa dalawampu ang bilang. Hinayaang gumapang ang mga iyon papunta sa kinaroroonan ni Toni. Halos panawan ng ulirat ang dalaga kapapalirit palayuin lang ang mga hayop. Takot na takot ito. Nang tawagin lang ni Bongbong ang mga daga ay saka lang nagsipagbalikang muli ang mga ito sa hawla.
---
Tinupad ni Ferdinand Sr. ang sinabi. Kinabukasan ay nakakuha agad ito ng kapalit ni Toni. Si Prof. Andrew E. Ngunit tulad ng dalaga ay hindi rin ito nakatagal. Dahil na naman sa kagagawan ni Bongbong na paglalagay ng maraming chili powder sa kinaing arrozcaldo ng huli ay agad nag-give up sa pagtuturo ang propesor.
Anim na tutor pa ang kinuha ng amang Marcos ngunit pare-pareho ang sinasapit ng mga iyon. Hindi nila matagalan si Bongbong.
"Hindi ko na alam ang gagawin sa anak natin, Darling," ani Ferdinand Sr. na nakapamaywang habang nakatingin sa labas ng bintana. "Hindi tayo habambuhay na kasama ng mga anak natin. Ano ang saysay ng mga nakatago kong Tallano gold kung hindi maiayos ng anak natin ang buhay niya ngayon?"
Nilapitan ni Imelda ang asawa. Minasahe niya ang mga balikat nito. "Darling, what if we let our son choose whoever he wants to be his tutor? Siguradong hindi magkakaroon ng problema kung siya mismo ang maghahanap ng magtuturo sa kaniya."
Ferdinand Sr. faced his wife. "Darling, sino naman ang pipiliin niya?"
Kinuha ni Imelda ang mga kamay ng asawa. Pinisil-pisil iyon. Tiningnan niya nang mataman ang asawa. "Please trust our son this time."
Ferdinand responded with a deep sigh.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top