Part 8 - Garland

"Init!" Panay ang kapupunas ni Cherry Pie ng pawis sa kaniyang mukha.

"Mag-scramble muna tayo roon," yakag ni Agot sabay hila kina Lenlen at Cherry Pie papunta sa nagtitinda ng pamatid-uhaw.

"Kuya, mixed po sa akin. Violet and pink na kulay then pabudburan ng maraming gatas," request ni Agot.

"Gano'n na rin sa akin, Kuya," segunda naman ni Cherry Pie.

Tumango ang tindero sabay tingin kay Lenlen. Ang dalagita na lang ang bukod tanging wala pang order.

Siniko ni Agot ang kaibigan. "Uy, Lenlen. Ano sa 'yo?"

Napapiksi ang tinukoy. Tipid niyang sinulyapan sina Agot at Cherry Pie. Pagkatapos ay ang tindero ng iskrambol ang pinukulan niya naman ng tingin. "Purong pink po sa akin. Sakto lang po ang gatas at tsokolate."

Tumango lang ang tindero bilang tugon.

---

Umupo ang tatlo sa bench na nalililiman ng punong mangga.

"Wui, Lenlen. Kanina ka pa wala sa mood ah? 'Yung ticket pa rin ba sa concert ng Westlife ang iniisip mo?"

Inihalo ng dalagita ang nakabudbod na sprinkles at milk powder sa crushed ice bago sumagot. "Oo e." Humugot siya ng malalim na paghinga.

"Huwag mo munang isipin 'yun. Matagal-tagal pa naman ang ticket selling. Makakaipon ka pa," pagpapalakas-loob ni Cherry Pie sa kaibigan.

"Paano kung hind—"

Magsasalita pa sana si Lenlen pero hinawakan ni Agot ang magkabila niyang balikat. Tinitigan siya nang mataman ng huli. "Makakaipon ka. Ikaw pa ba? Ang tiyaga-tiyaga mo kaya."

Sumingit si Cherry Pie. "Hayaan mo, kapag may nakita akong puwede mong iraket, sasabihan kita agad."

"Salamat, girls."

Inubos lang ng tatlo ang scramble at pagkatapos noon ay itinuloy na nila ang paglalakad. Papunta sila sa school supplies' store.

"Kumbakit naman kasi November palang e nagpapabitbit na agad si Ma'am ng Christmas decor," yamot na sabi ni Agot.

"Hindi ka na nasanay. Ganito naman talaga sa Pilipinas. Maaga ang Christmas season," ani Lenlen. Ngayo'y nasa loob na sila ng tindahan.

"Ano ngang kulay ng garland ang pinapadala ni Ma'am?" pakli ni Cherry Pie.

"Green at silver," tipid na sagot ni Lenlen na namimili ng materyales para sa parol na gagawin.

"Pabili po ng G-tech. 'Yung 0.4 po," hingal na hingal na saad ng bagong dating.

Kinalabit ni Agot ang dalawa niyang kaibigan. "Girls, si Bongbong oh." Ang binatilyo pala ang bumibili ng sign pen.

Napatingin na rin sina Cherry Pie at Lenlen sa direksiyong tinukoy ni Agot Hindi naman nagtagal ay napansin din sila ni Bongbong. Tila ba nawala ang paghingal nito at agad sumigla ang awra. "Uy, classmates.. Lenlen. Kayo pala." Tiningnan nito ang bitbit ng tatlo. "Pang-decorate ba 'yan?"

"Oo." Si Lenlen ang sumagot.

May kumislap sa mga mata ng binatilyo pero hindi niya iyon pinahalata sa mga kaklase. "Ngayon nga pala ang punta sa school para mag-decorate 'noh? Pasensiya na, hindi ako makakasama."

"Bakit h—" Naputol ang sasabihin ni Lenlen dahil nagsalita agad si Bongbong.

"May mahalaga akong pupuntahan e. Sorry, Lenlen. Mag-aambag na lang ako ng Christmas tree."

"Bongbong!" Isang makapangyarihang pagtawag mula sa labas ang nagpatuliro sa binatilyo.

"Sige, mauna na ako." Pinihit ng binata ang katawan palabas ng tindahan.

Tikom ang bibig ni Lenlen habang sinusundan ng tingin ang binatilyo.
Isang pagbuntong-hininga na lang ang pinakawalan niya.

"Natakasan na naman tayo ni Bongbong," ani Agot.

"Hayaan mo na. Mag-aambag naman daw," pagtatanggol naman ni Cherry Pie sa kaklase. "At least liliit iyong pag-aambagan natin."

Naglakad na si Lenlen patungo sa counter habang bitbit ang pinamili. "Hindi naman kasi issue iyong pag-ambag niya e. Nando'n na tayo sa may pera siya pero mas maganda pa ring tumulong siya para matuto siyang maging responsable sa buhay. Siya rin naman ang makikinabang dito pagdating ng panahon."

Siniko ni Agot ang kaibigan. "Naks, concern kay Bongbong oh! Ayiee."

Nakisali na rin si Cherry Pie sa pambubuska sa kaibigan.

"Para kayong timang." Inirapan ni Lenlen ang dalawa.

---

Pauwi na silang tatlo mula sa pagde-decorate ng classroom. Inabot na sila ng alas tres ng hapon.

Napadaan sila sa tindahan ng merchandise store. Nakagawian na nila iyon tuwing hapon. Nagtitingin-tingin sila roon ng kung ano-anong paninda. Hindi man sila bumibili pero hinahayaan lang sila ng may-ari. Kilala na kasi sila.

Naghiwa-hiwalay muna ang tatlo. Dumako si Agot sa mga gitarang naka-display habang si Cherry Pie naman ay sa appliances. Si Lenlen naman ay napadpad sa mga naka-display na walkman.

Umiskwat ang dalagita para mas matingnan ang nais.

"Ang ganda-ganda talaga nito. Gustong-gusto ko ang pagka-pink."

Dinukot niya ang bulsa. Paghila niya ng kamay mula roon ay kasama na ang bungkos ng pera na pinagsama ng isang makapal na rubber band.

"Kumpleto na sana ang pambili ko pero nag-aalangan akong bumili. Puwede ko na rin kasing ipandagdag ito sa pambili ng ticket," aniya sa sarili.

Hinaplos niya ang babasaging salamin na pumapagitan sa kaniya at sa walkman na nais. Kung ilang beses siyang bumuntong-hininga ay hindi na niya nabilang.

Sa huli ay ibinalik niya ang bungkos ng pera sa bulsa. Malungkot siyang naglakad pabalik sa mga kaibigan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top