Part 7 - The Announcement
"Pare, titig na titig ka kay Miss Pres ha?" ani Mar na siniko si Bongbong. "Trip mo?"
"Gago, hindi!" pagkakaila ng huli. Muli niyang sinulyapan ang kaklase. "Humahanga lang ako sa kaniya. Ang sipag kasi niyang magtinda eh."
"Kilala talagang masisikap ang pamilya Gerona," saad ni Rodrigo. "Kaya siguro namana ni Lenlen."
"Totoo. 'Yung tatay niyan na si Mang Antonio e talagang hindi aalis sa puwesto hangga't hindi nauubos ang paninda. Minsan nga e nakikita ko 'yan si Lenlen na kasama."
Nanlaki ang tainga ni Bongbong sa narinig. "Kasama? Saan?"
"Sa pagtitinda ng lugaw."
Tumango-tango si Bongbong. "Saan nakapuwesto ang tindahan nila?"
"Kung saan-saan. Bisikleta kasi na may sidecar ang gamit nila pagtitinda. Nag-iikot-ikot sila sa bayan. Madalas ko silang makita e sa paradahan ng tricycle.
Muling binalingan ni Bongbong ng tingin ang kaklase. Mauubos na nito ang yema sa dalang supot.
"Pare, bilhin mo na nga 'yung natitirang yema ni Lenlen, dali. " Kinuha ni Bongbong ang dalawang sampung pisong papel. Iniaabot niya iyon kay Mar.
Iniiwas ng huli ang mga kamay. "Yuh. Ikaw na, Pare. Sabi ni Lenlen noong nakaraan na diretsuhin mo na siya 'di ba? Wag ka nang ma-dyahe. Hindi ka naman aakyat ng ligaw." Kunwa'y minasahe ni Mar ang likod ng kabarkada. Mayamaya'y ipinagtulakan na niya si Bongbong.
"Para 'tong gago e. Matutumba ako. Oo na." Napakamot na lang sa batok si Bongbong. Humugot siya ng malalim na paghinga bago dumiretso kay Lenlen.
"Lenlen."
"O, Bongbong. Wala akong ipakokopya sa 'yo."
"Grabe naman. Di ako mangongopya." Inayos ng binatilyo ang buhok. "Bibilhin ko na 'yan."
Binuklat ni Lenlen ang sando bag at iniladlad kay Bongbong. "Ilan ba?"
"Ah hehe. Lahat."
Mulagat si Lenlen na napatingin sa kausap. "Lahat?"
"O-Oo. Ano.. kwan. Pasalubong ko kay Mommy..."
Para bang napaisip ng malalim si Lenlen sa sinabi ni Bongbong. "Kumakain si Madam Imelda niyan?"
Sinulputan ng malalamig na pawis si Bongbong. Ang totoo niyan ay hindi mahilig sa matatamis ang ina.
"Oo naman!" Pilit niyang pinasigla ang tinig.
Tumango-tango ang dalagita. "O sige. Labingwalong piraso na lang ito."
Matapos ang transaksiyon ay iniwan na ni Lenlen si Bongbong.
•••
"Anak, ayos lang ba talaga sa iyong samahan ako? Wala ka bang homework?" ani Antonio na nagbabalat ng nilagang itlog. Nasa paradahan sila ngayon ng tricycle para magtinda ng lugaw.
"Tay, nagawa ko na po kanina sa school," sagot ni Lenlen na nagre-refill ng lagayan ng paminta at chili powder.
"Ang sipag mo talaga, anak."
"Siyempre, Tay. Mana po sa iyo." Kinindatan ni Lenlen ang ama.
Naudlot ang pag-uusap nila nang may bumiling ale.
"Salamat po, balik po kayo."
"Napakagiliw naman nitong anak mo, Tonio. Kaya kayo binabalik-balikan ng customers e napakabait ninyo sa mga bumibili."
Nagngitian ang mag-ama.
"O sige, mauna na ako."
Habang hinahabol nina Lenlen at Antonio ng tingin ang customer ay siya namang paghimpil ng isang pamilyar na sasakyan sa tapat nila.
Napatigil sa paglalagay ng cellophane si Leni sa bowl na kinakainan ng customers. Nakapukol ang tingin niya sa kotse.
Mayamaya ay bumaba roon ang mga kaklase nilang sina Mar, Jejomar, Rodrigo, at ang may-ari ng sasakyang si Bongbong.
"Yow, Miss Pres!" pambungad ni Mar sa kaklase. "Magandang gabi po, Mang Antonio."
Nagsipagsunuran sa pagbati ang tatlo. Nang si Bongbong na ang babati ay pekeng tumikhim ang ama ni Lenlen. Wala siyang reaksiyon na nakatingin sa binatilyo.
"O, gabing-gabi na kayong apat ah. Mag-aalas nuebe na," ani Lenlen.
"E kasi itong si Bongbong nagyay— awts. Ang ibig kong sabihin ay galing kami kina Bongbong at nagkayayaan kaming maglugaw," sagot ni Mar na hinimas-himas ang tagilirang siniko ni Bongbong. Lumapit ito sa malaking kaldero at inalisan iyon ng takip. "Ang bango ah! Pahingi ng apat na order."
Napangiti si Lenlen. Mapapadali ang pag-uwi nila ng ama.
Tumayo muna si Jejomar. "Bibili lang ako ng softdrinks." Binalingan niya ang mga kaibigan. "Ano sa inyo?"
Sumagot si Bongbong. "Coke sa akin."
"Ge." Kumaripas na ng takbo ang binatilyo patungo sa pinakamalapit na sari-sari store.
•••
Nai-serve na ni Lenlen ang apat na maiinit na bowl ng lugaw nang mapukaw ang atensiyon nila ng tumatakbong si Jejomar.
"O, napapaano ka?"
Hindi pa nakakahuma si Jejomar sa paghingal ay hinarap niya ang dalagita. Kinunyapitan niya ito sa braso at iginiya papunta sa tindahan. Nagsipagsunuran naman ang tatlong kalalakihan.
•••
"B-Bakit ba?"
Napatingin si Lenlen sa direksiyon ng mga mata ni Jejomar. Tumalon ang puso niya nang makitang ini-interview ang Westlife!
"Now that you are planning to go to the Philippines, do you already have a target date of the concert?" tanong ng banyagang showbiz reporter.
Nagtinginan ang limang lads. "April probably? Or month of May," ani Brian, ang pinakamatangkad sa grupo.
Napanganga si Lenlen. May planong mag-concert ang hinahangaan niyang boyband anim na buwan mula sa araw na iyon!
Bumangon ang excitement sa dibdib niya ngunit hindi iyon natagalan. Napalitan ng paglupaypay ng mga balikat ang reaksiyon siya.
Saan siya kukuha ng pambili ng ticket?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top