Part 6 - Milo

Wala pang isang oras mula nang makaalis si Leni ay agad siyang nakabalik.

Iniabot niya ang bungkos ng perang kinita niya sa kaniyang ama.

"Tay, iyan po ang kinita ko ngayon."

"Saan ka nakapagbenta, anak? Parang ang bilis mo namang nakabalik."

Tumango-tango ang dalagita. "Napadaan po ako sa lamayan kina Aling Pacing. Kinulang 'yung pakain nila sa mga nakikilamay kaya binili nila 'yung paninda natin."

Nagtinginan ang mag-asawa bago nila pinukulan ng pansin ang anak. "Kahit kailan e maaasahan ka talaga, Lenlen."

Ginulo ni Antonio ang buhok ng panganay. "O, e eto nga pala 'yung perang iniabot mo kanina." Kumuha ng singkuwenta pesos ang ginoo sa bungkos ng pera. "Itabi mo na 'yan."

Iginiya ni Salvacion ang anak papunta sa kawayang lamesang pinatungan ng mantle. "Mukhang may pinag-iipunan ka yata, anak ah."

"Pambili po ng walkman, Nay."

Sumandok si Leni ng bopis na nabili ng ina sa karinderya. Kumuha din siya ng okra na isinawsaw niya sa toyo sabay nguya.

"Para na naman sa Westlife mo," naiiling na sabi ni Aling Salvacion.

"Labs, hayaan mo na 'yung anak natin. Hindi naman nagpapabaya sa pag-aaral. At mabuti na 'yang mga Kano na 'yan ang kinahuhumalingan ng anak natin kaysa kung sino-sino riyan. Kampante ako kasi siguradong hindi naman 'yan papansinin at lalong hindi naman 'yan liligawan ng Westlife. Ano nga, anak?"

"Tay naman." Sumimangot si Lenlen dahil sa sinabi ng ama. "At saka hindi sila Kano. Irish po sila."

"Ah basta. Kahit ano pa 'yan, basta puti ang balat, Kano ang tawag ko sa kanila."

Natatawang napakamot na lang sa ulo si Lenlen dahil sa sinabi ng ama.

•••

"You are my principal worry, Bongbong. You are carefree and lazy! Ano na lang ang sasabihin ng mga tao? Na ako e isa sa top achievers ng bar exam tapos ang anak ko e repeater sa highschool? Paano na lang kapag nag-college ka na? Balak pa man din kitang ipadala sa Oxford University para doon pag-aralin!"

Napabuntong-hininga na lang si Bongbong habang pinagagalitan ng ama. Nakarating kasi rito na mababa na naman ang natamo niyang marka sa surprise quiz. Hindi na siya magtataka dahil kaklase niya ang kapatid. Malaki ang palagay niyang ito ang nagparating sa ama ng balita.

Napahigop na lang siya sa tasa ng Milo na hawak-hawak. Akma niyang iinumin iyon nang tabigin iyon ni Ferdinand Sr., ang kaniyang ama. "Ano'ng balak mo sa buhay, Bongbong? Ha?"

"Daddy, ayoko pong mag-aral sa Oxford. Dito na lang po ako sa Pilipinas."

"Aba't sinusuway mo na ako?"

"Dad—"

Isang malakas na sampiga ang tinamo ng binatilyo mula sa ama kung kaya napahaplos siya sa pisngi.

"Darling! Don't be too harsh on your son," ani Imelda na nakasuot ng kulay pulang gown na sayad hanggang lupa.
Inalo nito ang anak sa pamamagitan ng paghagod sa likod.

"Are you okay, son?"

"Okay lang po ako, Mommy."

Tiim-bagang na tiningnan ni Ferdinand Sr. ang anak. "Kausapin mo 'yang anak natin, Darling. Ayusin niya kamo ang pag-aaral niya. Kung kailangang kumuha ng tutor, ikuha mo. Walang Marcos na mahina ang ulo."

Tinungo nito ang pintuan. "Lalabas muna ako, magpapahangin." Malakas na isinara ni Ferdinand ang pinto pgkasabi niya noon.

Nang masigurong wala na ang ama ay saka lang pinakawalan ni Bongbong ang mga luhang kanina pa pinipigil.

"M-Mommy, bakit gano'n si Daddy?"

Niyakap ni Imelda ang anak. "Hush, my son."

Gumanti ng yakap ang binatilyo. "A-ayokong mag-abogado, Mommy. Potograpiya ang nais ko, hindi abogasiya." Tuloy-tuloy lang ang pagluha ng binatilyo.

Ikinulong ni Imelda ang mukha ng anak sa dalawa niyang palad. "Sundin mo muna ang Dad mo sa gusto niya. Kapag nakatapos ka ng pre-law, saka ka magdesisyon kung gusto mong tumuloy sa paglo-Law o sa photography. Whatever your decision will be, you will always have my back, son."

Ngumiti nang pilit si Bongbong. Pinahid niya ang luha sa mga mata. "Thank you, Mom."

"Ipakita mo sa daddy mo na nagsusumikap ka sa pag-aaral. We may not know, time will come that he'll have a change of heart, right?"

"I hope so, Mom." Mula sa puwesto niya ay tumingin si Bongbong sa mga ulap sa labas habang dala-dala sa dibdib ang pag-asang mauunawaan din siya ng ama pagdating ng panahon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top