Part 4 - My Love
Lugmok ang mga balikat ni Lenlen habang nilalakad niya ang daan patungo sa eskuwelahan. Hinayang na hinayang siya. Tuluyan nang nasira ang walkman na iniregalo sa kaniya ng mga magulang.
Gano’n pa man ay pinalampas na lang niya iyon. Hindi niya kinagalitan ang mga kapatid. Pinagsabihan lang niya ang mga ito nang mahinahon. Maliliit pa kasi. Si Lourdes ay sampung taong gulang lang at si Tonton ay walo pa lang.
Sa kabila noon ay nakararamdam pa rin siya ng lungkot. Wala na siyang ibang choice kung hindi ang tiyempuhan ang kanta ng Westlife sa radyo, o ’di kaya sa MTV.
Ngayon palang ay kinokondisyon na niya ang sarili kung paano mag-concentrate kapag kailangan niyang mag-review. Paniniwala niya kasi e nakatutulong sa pagtatanda niya ng mga leksiyon ang pakikinig niya ng kanta ng Westlife habang nagre-review.
•••
Nasa meeting ang mga guro kaya wala silang klase sa unang subject kaya heto, kani-kaniyang agenda na naman ang Third year pilot section.
"Lenlen, sama ka sa amin, magba-Bible study," si Manny iyon, anak ng pastor.
Nginitian siya ni Lenlen na noo'y sandaling itinigil ang pagsusulat. "Sige, susubukan kong makahabol. Tatapusin ko lang itong isinusulat ko."
Tumango ang binatilyo at agad naman itong lumisan para yakagin naman ang iba nilang kaklase.
Napukaw ang pansin ni Lenlen ng mga kaklase niyang lalaki na naggigitara sa labas. Kapulong ng mga ito si Bongbong na noo’y katabi ni Robin, ang kaklase niyang naggigitara.
"Oh my darling, you are wonderful tonight."
"Pare, para ka namang lasing kumanta e," puna ni Chiz sa kaklase.
"Gago! Ganiyan lang talaga ako kumanta ha ha!" rebutt ni Robin na noo'y himas-himas ang hawak na gitara. "O, anong next request ninyo?"
Sumabad si Bongbong. "My Love, P're. 'Yung sa Westlife."
"Tangina. Pambading naman ’yon, P're. Iba na lang!"
"Excuse me? Ano ang masama sa pagiging bading?" ani Sassa Girl na saktong dumaraan sa tapat ng kalalakihan. Kaklase nila itong may pusong babae, o madaling sabihing beki.
"So true!" pag-sang ayon ni Pipay na kasama ni Sassa, isa ring beki.
"Teka, teka. E wala naman akong sinabing masama ang pagiging bading? Meron ba?" pagtatanggol ni Robin sa sarili.
Itinaas ni Sassa Girl ang isang kilay. "Wala. Pero parang may ibig kang ipahiwatig sa pagsasabi mong pambading ang kantang request ni Baby M ko!" Si Bongbong ang tinutukoy ni Sassa.
Napatawa ang kalalakihan. Napakamot sa batok si Robin. "O sige na, sige na. Daming satsat. Patutugtugin ko na nga ‘yang My Love na ‘yan."
Umayos sa pag-upo ang binatilyo at sinimulan na ang pagtugtog.
Sa kabilang dako ay ibinalik na ni Lenlen ang atensiyon sa pagsusulat. Hindi man nakatingin ay pinakikinggan ng puso niya ang kantang pinagtutulungang kantahin ng mga kaklase niyang lalaki.
Samantala ay wala siyang kaalam-alam na may isang taong pasulyap-sulyap sa kaniyang dako habang sinasaliwan ang pag-awit sa My Love.
Si Bongbong.
Sa totoo lang ay hindi naman mahilig sa boyband ang binatilyo liban sa The Beatles. Naging interesado lang siya sa Westlife dahil sa kaklaseng si Lenlen.
Hindi niya alam pero natutuwa siyang makitang nakangiti si Lenlen. Kung makikita niya kasing nakangiti ang presidente ng klase nila ay bibihira lang. Ang ekspresiyong lagi nitong ipinapakita ay seryoso, palaban, at istrikta. Kaya kahapon nang makita niya ang pagsilay ng ngiti nito ay isang pambihirang karanasan sa kaniya.
Kaya ngayong nabigyan siya ng pagkakataon ay ini-request niyang ipatugtog kay Robin ang My Love. Alam niyang ikatutuwa iyon ni Lenlen.
Tinitingnan niya ang dalagita pero hindi niya makita ang reaksiyon nito pagka‘t abala ito sa sinusulat. Sa loob-loob ni Bongbong ay hinihiling niyang sana ay dinig ng kaklase ang ginagawa nila.
•••
Parang isinasayaw si Lenlen sa alapaap habang ine-enjoy ang lihim na pakikisaliw sa pag-awit ng mga kaklase niya. Nang matapos ay lihim niyang hiniling na sana ay tumugtog pa ang mga ito pero bigo siya. Sabay-sabay nagtayuan ang mga kaklase niya. Pupunta yata sa canteen para mag-early recess.
Ginupo muli ng lungkot si Lenlen. Miss na miss na niya ang Westlife. Miss na niyang magpatugtog ng walkman.
Isang desisyon ang nabuo sa isip niya.
"Kailangan kong magsariling sikap para makabili ng bagong walkman."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top