Part 3 - Lugaw

Tinuyo ni Aling Salvacion ang mga kamay upang salubungin ang kararating lamang na anak.

"Nak, sakay ka sa kotseng 'yun? Hindi ba at kay Ferdinand Jr. iyon?" Ang tinutukoy ng ginang ay si Bongbong.

Tumango si Lenlen. "Opo, 'Nay. E inalok ho kami nina Cherry Pie at Agot na sumabay na raw kami sa kaniya. Hindi ho sana ako papayag e biglang nagpatugtog ng kanta ng Westlife. Hehe."

"Ayun, Westlife na naman," naiiling na wika ng ginang. "E siyanga pala. Nasabi mo na rin lang 'yun e subukin mo ngang salpakan ng cassette tape 'yung walkman mo. Inayos ko 'yung kable. Baka gumana na. Para makapagpatugtog ka ulit ng Westlife mo imbes na kung kani-kanino ka nakikisabay."

"Nay..." Nilapitan ni Lenlen ang ina. Niyakap-yakap niya ito at hinaplos-haplos ang braso. "Masama ho ba ang loob ninyo sa akin sa pagsabay ko sa isang Marcos?"

Malalim na buntong-hininga ang itinugon ni Aling Salvacion. "Hindi naman, anak. Ang akin lang, huwag kang lapit nang lapit sa kanila. Makapangyarihan sila. Natatandaan mo ba ang ginawa ng ama niyan sa lugaw na tinda ng ama mo?"

Inangat ni Lenlen ang mukha. Nang magsalubong ang tingin nila ng ina ay marahan siyang tumango. "Opo, 'Ma. Hindi ko po malilimutan lalo pa at nakita mismo ng dalawa kong mga mata."

Muling binalikan ni Lenlen ng tanaw ang gabi kung kailan sumama siya sa ama sa pagtitinda ng lugaw sa may plaza. Gamit nila ang bike na may sidecar na dinagdagan ng ilang bakal para tumugma bilang patungan ng malaking kaldero na may lugaw.

Masaya silang nag-uusap ng amang si Antonio Sr. Nangako pa ang huli na kapag naubos nila ang paninda ay ibibili niya ng bagong walkman ang panganay.

Determinado si Lenlen habang nakaangkas sa ama. Nakikini-kinita na niya ang sariling bumibili ng kulay pink na walkman. Nasisira na kasi ang kable ng luma niya. Dinadaan na nga lang nila sa paglagay ng electric tape. Suwertehan kung naaayos nila. Kung hindi ay katakot-takot na pagpihit ang kanilang ginagawa.

May ngiti silang mag-ama sa mga labi noon habang pinagsisilbihan ang mga namimili. Iyon nga lang, pagkatapos ng tatlumpung minuto ay nagsipagdatingan ang mga pulis kasama ang alkalde ng bayan na si Ferdinand Marcos Sr. Walang babalang pinasamsam nito ang mga paninda ng mga tindero sa liwasang-bayan– kabilang sila.

Iyon nga lang, dahil mabigat ang lugaw ay iniutos na lang ng alkalde na itapon na lang ang lugaw sa kalsada. Ni hindi sila nakareklamong mag-ama. Maluha-luha na lang silang parehas habang pinagmamasdan ang panindang itinapon ng mga pulis. Hindi mapakinabangan. Ni hindi makain.

Ang pangarap na pink na walkman ni Lenlen ay naglaho kasama ng lugaw. Hindi lang iyon dahil wala rin silang binaon na magkakapatid sa eskuwelahan dahil nawala ang kikitain sana nila.

Naisip ni Lenlen na kaya siguro ganoon na lang ang pagkainis niya kay Bongbong e dahil napupunta rito ang inis na dapat sa ama nito mapupunta.

"Anak?" pagtawag ng kaniyang ina ang nagpabalik kay Lenlen sa huwisyo.

Inayos ng dalagita ang sarili. Desidido siyang lalong idistansiya ang sarili sa anak ng lalaking sumira ng kabuhayan nila.

"Sige na po, 'Ma. Magbibihis na po ako ng damit-pambahay."

"O sige, anak. Kumain ka pala ng balinghoy. Naglaga ako. Nandoon, natatakpan sa mesa."

Tumango lamang si Lenlen. Diniretso na niya ang mesa.

Nagugutom na ulit siya. Hindi sapat ang manggang kinain niya kanina.

Iniwan muna niya ang balinghoy sa platito. Nagbihis na muna siya. Pagbalik niya sa mesa ay tangan na niya ang walkman na inayos ng ina.

Isinalpak na niya ang namumukod-tangi niyang Westlife cassette tape. Regalo ito ng mga magulang noong ikalabing-apat niyang kaarawan kasabay ng walkman niya. Paulit-ulit niyang pinakikinggan ang cassette tape na ito pero hindi siya nagsasawa. Ganyan niya kaidolo ang Westlife.

Gusto nga sana niyang bumili ng Coast to Coast cassette tape kaso wala pa siyang sapat na pera. Ang kinikita lang ng mga magulang niya ay sapat lang para sa pagkain nila araw-araw.

Napangiti si Lenlen nang tumunog ang walkman. Komportable niyang isinandal ang likod sa upuan habang ninanamnam ang kantang I Don't Wanna Fight.

Matapos ang tatlong kanta ay ipinatong na muna niya ang walkman sa gilid ng lamesa upang tapusin ang pagkain ng balinghoy na isinasawsaw niya sa asukal.

Sinasaid na lang niya ang natitirang asukal sa platito nang hindi niya namalayan ang pagdating nina Tonton at Lourdes, ang kaniyang mga nakababatang kapatid. Naghahabulan ang dalawa at mayamaya ay napadako sila kung nasaan si Lenlen.

"Hihihi. Huli ka, Tonton!" hagikhik ni Lourdes nang mahawakan sa braso ang bunso. Nagtatago ito sa ilalim ng lamesa.

"Ate! Hihihihi!" Napauntog ang ulo ni Tonton sa lamesa nang akma siyang tatayo. Mahina lang iyon kaya hindi siya masyadong nasaktan.

Iyon nga lang ay sapat ang puwersa noon para gumewang ang lamesa, sapat na para malaglag ang...

"Ang walkman ko!" isang palahaw ang umalingawngaw sa loob ng bahay ng mga Gerona.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top