Part 21 - Pledge
Mag-aalas sais na ng gabi nang makauwi si Bongbong. Kagagaling lang niya sa pakikipag-basketball kasama ang mga kabarkada.
Nang dumaan siya sa malawak nilang living room ay nagulat siya. Nabungaran niya ang adviser na si Gng. Clarita Carlos na kausap ang ama.
"O, nandiyan na pala ang anak ko, Ma'am."
Lumapit si Bongbong sa ama at sa guro. Umupo siya sa pang-isahang upuan sa gilid ng ama.
"Pumunta si Gng. Carlos dito para ibalita ang performance mo sa school, anak. Natutuwa ako na malaki raw ang ipinagbago mo."
Napatingin si Bongbong sa adviser. Tumango ang huli nang magtama ang tingin nila.
Tinapik ni Ferdinand Sr. ang kanang balikat ng anak. "Mabuti 'yan. Kapag nagtuloy-tuloy, ibabalik kita sa Oxford sa huling taon mo sa highschool para dire-diretso na hanggang makapasok ka sa Oxford University."
Tila nanlamig ang sistema ng binatilyo. Lumikot ang paningin niya. "D-Dad, hindi po ba makapaghihintay ang Oxford hanggang magkolehiyo po ako? Kung hindi n'yo po mamasamain, sa Alamano Highschool ko na po tatapusin ang sekondarya ko."
Gumaan ang aura ng mukha ni Ferdinand Sr. "Aba, parang nag-iba ang ihip ng hangin, anak. Dati ay ayaw na ayaw mong mag-aral sa Oxford pero ngayo'y nakikipag-negosasyon ka na. It's a good sign." Ginulo niya ang buhok ni Bongbong. "Pag-iisipan ko."
Nagpasintabi ang binatilyo. Nauna na siyang umakyat sa kuwarto. Diretso siyang lumugmok sa kama kahit nakasuot pa siya ng uniporme.
Ayaw pa rin niyang mag-aral sa Oxford. Nagugustuhan na niya ang pakikisalamuha sa mga kaeskuwela. Na-adapt na niya ang ilan sa mga ginagawa ng mga ito kung paano mamuhay nang payak. Hindi niya kayang mawalay sa mga kabarkada na madalas man niyang nakakagaguhan e madalas din niyang nakakasama sa masasayang sandali.
At si Lenlen, isipin palang niyang mahihinto ang tutorial sessions nilang dalawa dahil sa paglipat niya ng paaralan ay parang sumasakit na agad ang isang bahagi ng damdamin niya.
Hindi niya maintindihan ang sarili. Masyado nang ginugulo ng dalagita ang isip at damdamin niya. Hindi naman niya alam kung bakit. Hindi naman kasi siya gano'n sa iba niyang kaklaseng babae.
Isinubsob niya ang mukha sa unan. Nagbabakasakaling makatulong iyon sa pagkawala ng gulo sa utak niya.
Nang mahimasmasan ay bumalik muli ang isip niya sa ama.
May magagawa ba siya? Nasa ilalim pa siya ng sakop ng nito. Wala pa siyang kalayaang magdesisyon para sa sarili niya.
Sana nga ay pumayag ang ama sa pakiusap niya.
•••
"Bago tayo gumawa ng breakdown ng ambagan, baka meron sa inyo ang gustong mag-pledge?" tanong ni Lenlen. Nasa unahan siya ng klase. Nagpe-preside siya ng meeting para sa gaganapin na Christmas Party dalawang linggo mula sa araw na iyon.
"Chiffon cake for me, Ms. Pres," ani Risa.
Tumango si Lenlen at isinulat ang pangalan ng dalaga sa blackboard.
May mga nagtaas pa ng kamay. Marami ang nagpresenta ng maja, puto, pansit, chiffon cake, at hotdog na may marshmallow.
"Colt 45 sa akin," pabirong sabi ni Robin.
"Padilla!" suway ni Gng. Carlos na nasa likuran. "Yaman din lang na nagsuhestiyon ka ng inumin e sa iyo na ang dalawang case ng pop cola."
Nagkantyawan ang mga kaklase ng binatilyo. Paano ba naman kasi ay beer ang tinutukoy nitong ipe-pledge.
"Ay oh, Ma'am. Joke lang naman po 'yung Colt 45," kakamot-kamot na sabi ni Robin.
Hindi siya pinansin ng maestra. "Miss Gerona, ilista mo kay Padilla ang dalawang case ng softdrinks.
Natatawang-tumango lang si Lenlen. Sinunod niya agad ang guro.
Nagtaas din ng kamay si Bongbong. "Ube cake sa akin, Lenlen. Dagdagan ko na rin ng dalawang case ng coke. Baka kasi kulangin 'yung pop cola ni Robin."
"Yaman ni boss," kantyaw ni Digong. Pumunta siya sa likod ni Bongbong at kunwa'y minasahe ang mga balikat ng huli.
"Okay, sa akin na ang spaghetti, 'yung hindi maputla." Napatawa ang buong klase sa sinabi ni Lenlen. Paano kasi ay nagluto ang dalagita kamakailan ng spaghetti na kinulang sa sauce.
Bago matapos ang meeting ay napagkasunduan ng buong klase ang P75.00 na ambagan. Marami-rami rin kasi ang nag-pledge kaya lumiit ang pinaghati-hatian nila.
***
"Girls, sama kayo sa amin ni mama. Luluwas kami sa Manila. Magdi-Divisoria," yaya ni Agot kina Cherry Pie at Lenlen. "Kami na ang bahala sa sasakyan."
"Divisoria? Di ba malayo 'yun?" tanong ni Lenlen.
Tumango-tango si Agot. "Oo, pero sobrang mura ng mga paninda. Doon na rin kayo mamili ng mga panregalo ninyo at pang-exchange gift."
Napaisip si Lenlen. May punto ang kaibigan niya.
Ah, siguro'y mainam ngang sumama na rin siya. Mamimili na rin siya ng panregalo sa mga magulang at kapatid.
"Hi, girls!"
Napalingon ang tatlo sa tumawag sa kanila. Si Bongbong.
"May lakad kayo? Pupunta kayo sa divi?"
Tumango si Cherry Pie. "Sa Sabado. Gusto mo sumama ka na rin para mai-date mo man lang ito si Lenle- ouch!"
Siniko ni Lenlen ang kaibigan sa may sikmura. May kalakasan iyon. "Anong date-date na sinasabi mo?" Tinapunan niya ng masamang tingin si Cherry Pie.
Napatawa si Bongbong sa reaksiyon ng magkakaibigan. "Sa totoo lang, papunta rin talaga kami nina mommy sa NCR sa araw na iyan. May donation drive kami sa Lung Center of the Philippines tapos may ribbon-cutting sa Manila Film Center. Susunod ako. Hahanapin ko na lang kayo."
"Sa lawak ng divisoria, mahanap mo naman kaya kami?" tanong ni Agot.
"Ako pa ba?" Nagpogi points si Bongbong pagkatapos ay sinulyapan niya si Lenlen. Mas lumawig ang ngiti ng binatilyo nang magtama ang tingin nila ng dalagita. Medyo nailang naman ang huli kaya nag-iwas siya ng tingin.
Maayos na nagpaalam si Bongbong sa mga kaklase nang dumating na ang sundo niya.
Inumpog ni Agot ang balakang ni Lenlen. "Wala na 'yung sasakyan pero nakatanaw ka pa."
Makailang beses na nagmulat-pikit si Lenlen sabay tingin sa kaibigan. "Ha?"
Pigil-ngiti na nagtinginan sina Agot at Cherry Pie. Para bang iisa ang nasa isip nila.
"Tara na nga, may pasok pa bukas." Kunwa'y dedmang nasabi ni Lenlen.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top