Part 17 - Touch Me Not

Nasa ilalim ng mayabong na puno ng sampalok sina Bongbong at Lenlen. Nakaupo sila roon gamit ang isinapin na makapal na tela.

"Okay, sino 'yung pinakamayaman sa Binondo at naging gobernadorcillo sa komunidad ng mestiso?" Isinara ni Lenlen ang hawak na aklat ng Noli Me Tangere pagkatapos niyang itanong iyon. Hinarap niya si Bongbong.

"Kapitan Tiyago?" sagot ni Bongbong na sa isang bahagi ng utak niya ay nandoon pa rin ang hindi kasiguruhan.

Isang ngiti ang pinakawalan ni Lenlen. "Tama. Okay, next naman. Sino ang nag-aruga kay Maria Clara mula nang mamatay ang ina niya?"

"Tiya Isabel." Malawig ang ngiti na ipinakita ni Bongbong, nagpapahiwatig na sigurado na siya sa pagkakataong iyon.

"Nice. O sige. Huling tanong. Sino 'yung pinaghandugan ng pagtitipon sa kaniyang pagbabalik pagkatapos ng pitong taon?"

Iniunat ni Bongbong ang mga binti at itinukod ang dalawang kamay sa likod. "Crisostomo Ibarra."

"Ayun, okay na pala eh. Pasado ka na niyan sa long quiz sa Lunes," kampanteng saad ni Lenlen. Ipinatong na niya ang aklat sa pagitan nila ng binatilyo.

"E baka may mga isama pa rin na hindi na-review, Lenlen."

"Basahin mo na lang ulit mamaya. Then bukas, basahin mo ulit. Di mo mamamalayang natatandaan mo na pala nang kusa ’yung mga importanteng detalye sa Noli." Binuksan ng dalagita ang pink na tupperware na dala.

"Ano 'yan?" pagtukoy ni Bongbong sa binabalatan ni Lenlen.

"Ah eto? Kamote." Iniabot niya sa kasama ang isang pirasong nabalatan na niya. "Hindi ka pa ba nakakakain niyan?"

Umiling si Bongbong. Pinaikot niya ang kamote sa kaniyang kamay. "Astig naman nito. Pink sa labas tapos dilaw sa loob."

Kumagat ang binatilyo ng isa. "Hmm, ang sarap naman."

Tipid na ngiti ang pinakawalan ni Lenlen na kinagatan na rin ang ikalawang kamoteng kaniyang binalatan.

Payapa na pinalipas nilang dalawa ang ilang saglit habang ninanamnam ang kamote.

Kapwa napagod ang mga mata nila dahil kanina pa sila nag-aaral. Ngayon na lang sila nakapagpahinga.

"Bongbong, anong meron doon?" Itinuro ni Lenlen ang kaliwang parte ng hasyenda na may matatayog na bungang-kahoy.

"Ah, 'yun? Manggahan ni Imee 'yon. Mahilig kasi sa mangga ang kapatid ko noong bata palang siya. Kaya ayun, nagpasadya sina mommy at daddy ng taniman ng mangga sa isang parte ng asyenda."

"Ahh, kaya pala." Hindi inaalis ni Lenlen ang tingin sa manggahan.

Tumayo si Bongbong. Dumako siya sa harap ni Lenlen sabay alok ng isa niyang kamay. "Tara doon?"

Sa una'y may pag-aalinlangan pero pumayag rin si Lenlen sa binatilyo. Inabot niya ang kamay nito.

•••

"Teka, Lenlen. Konting pagko-concentrate lang, masusungkit ko rin ito," ani Bongbong na tutok sa panunungkit ng hinog na mangga sa itaas.

"Parang kapos na 'yung panungkit, Bongbong. Hindi na kakayanin. Lipat na lang tayo ng ibang puno."

"Wait lang. Susubukan ko ulit." Tumalon-talon na si Bongbong para makawit ang maliit na sangang kinakabitan ng bunga.

"Ako na nga." Lakad-takbo ang ginawa ni Lenlen patungo sa katawan ng puno. Mayamaya ay umaakyat na siya.

"L-Lenlen!" Nabitiwan ni Bongbong ang panungkit sa gulat. Nais niyang pigilin ang dalagita pero masyado nang mataas ang naaakyat nito.

"Lenlen, baka mahulog ka!"

"Hindi 'yan. Wait. Kukuhanin ko lang ito."

Kung makailang beses pinigil ni Bongbong ang paghinga niya ay hindi na niya nabilang. Hindi niya iniaalis ang tingin sa dalagita.

Sa wakas ay nakuha na ng dalagita ang pakay, at ilang minuto lang ay nakababa na ito hawak ang isang tangkay na hitik sa bunga ng hinog na mangga.

"Grabe ka, Lenlen. Pinakaba mo ako."

Pinagpag ng dalagita ang mga kamay. "Eh kasi naman, magkaka-stiff neck na ako kanina katitingala sa iyo kaya inakyat ko na. Tara na, kainin na natin 'yan." Dumiretso ang dalagita sa pinaglagyan nila ng gamit sa ilalim ng isang puno.

Manghang sinundan ni Bongbong ng tingin ang dalagita. Hanggang ngayon ay tinatanong pa rin niya ang sarili kung paano nagawa ni Lenlen na umakyat sa isang puno. Para sa kaniya ay isang pambihirang karanasan iyon, na hindi lahat ng babae ay nakakagawa.

•••

Malapit nang kainin ng madilim na ulap ang araw nang ihatid ng driver at ni Bongbong si Lenlen. Pinauwi ng binatilyo ang natirang mangga na kanina'y pinitas ng dalagita.

"Salamat sa araw na ito, Lenlen. Bukas ulit ha?"

Napalingon ang dalagita kay Bongbong nang magsalita ang huli. "Nalimutan kong sabihin sa iyo, Bongbong. May lakad kasi kami bukas nina Agot. Ipagpaliban muna natin ang pagtu-tutor."

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Bongbong. "Lakad? Saan?"

Ipinaliwanag ni Lenlen ang detalye ng lakad nila.

"Ah sige. Nauunawaan ko." Tumango-tango si Bongbong. Salamat ulit."

"Sige na. Umuwi ka na. Baka sabihin ng mga kapitbahay ko ay nagliligawan tayo eh."

Maayos na nagpaalam sa isa't isa ang dalawa. Sinundan ni Lenlen ng tanaw ang sasakyan hanggang sa mawala na ito sa paningin niya.

"Mukhang nasisiyahan ang anak ni alkalde sa pagsama-sama sa iyo anak, ah?" Boses ng ama ni Lenlen ang nagpalingon sa dalagita.

Nilapitan ni Lenlen ang ama at kinapitan ito sa braso. "Parang ganoon na nga po, Tay. E naaaliw po siya sa dami ng natututuhan niya." Iginiya niya ang ama papasok sa bahay nila.

"Siguraduhin mo lang anak na tungkol lang sa pag-aaral lang ang dahilan ng pagsama-sama noon sa 'yo." Para bang may bigat sa tinig nito. "Wala nang iba pa."

Hindi man direktang sinabi ni Antonio ay nakuha ni Lenlen ang sinabi ng ama. "Opo, Tay."

"Mabuti ay nagkakaunawaan tayo." Ginulo-gulo ni Antonio ang buhok ng anak.

•••

"Tangina naman, Pare. Masisira ang dignidad ko sa sayaw-sayaw na 'yan tapos makukuhanan pa sa pelikula."

"Dali na, P're. Para kang hindi kaibigan eh," pangungumbinsi ni Bongbong sa kausap na si Rodrigo. Kausap niya ito sa telepono.

"Eh sina Jejomar at Mar ba, sasama?"

"Oo, payag na raw. Ikaw na lang ang hindi."

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Rodrigo bago sumagot. "O sige na nga. Hirap mong tanggihan."

"Yun!" Napasuntok sa hangin si Bongbong nang mapapayag ang kaibigan.

Nakangiti niyang ibinaba ang awditibo ng telepono sabay humiga siya sa marangya niyang higaan.

Bukas, aagahan niya ang gising. Pupuntahan nila ng mga kaibigan niya ang shooting na pupuntahan nina Lenlen.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top