Part 16 - Skateboard
"Napabilib mo ako kanina, ah. Ang galing mo," panimula ni Lenlen habang nakaguhit ang pigil na ngiti sa kaniyang mga labi. Kasama niya ngayon si Bongbong. Magkasabay silang naglalakad sa gilid ng covered court sa loob ng kanilang school. Lunch break nila ngayon.
Napatungo ang binatilyo habang nakahawak ang isang kamay sa buhok sa may batok. "Mas magaling ka, Lenlen. Ikaw ang nagturo noon sa akin eh."
Hindi muna sumagot ang dalaga. Pinagmasdan muna niya ang mga kaeskuwelang naglalaro ng basketball. Mayamaya ay napatigil siya paglalakad kaya napatigil din si Bongbong. "Ang sarap pala sa feeling ng gano'n. ’Yung tipong 'yung kaalamang itinuturo mo e tumatatak sa isip ng tinuturuan mo."
"Magaling ka kasing magturo, Lenlen. Matiyaga ka. Hindi ka naiinip kahit paulit-ulit mong ituro 'yung isang aralin. You're a good teacher."
"Naks, iiyak na ba ako rito? Wala akong piso ah,"biro ni Lenlen.
Dumepensa si Bongbong. "Uy, hindi ah! Nagsasabi ako ng totoo. Kahit si Carmina, gano'n din ang feedback sa iyo eh."
"Carmina? Bakit?"
"Ahh, nakita ko kasing tinuturuan mo siya noong minsan. Nakakuwentuhan ko siya at nabanggit ko na tinututor-an mo ako. Nabanggit niyang mabilis niyang napi-pick up 'yung itinuturo mo sa kaniya."
Pabirong umismid si Lenlen. "Sus, binobola ninyo ako, ah." Binuksan niya ang sando bag na naglalaman ng paninda niya. May kinuha siya roong limang masapan. "Oh, ayan. Treat ko sa iyo dahil sa pagsagot mo."
"Uy, salamat."
Muling dumukot ang dalaga. May inilabas siya mula roon na isang plastic ng ube balls. "Pakibigay na lang kay Sir Ferdinand. Balita ko, paborito niya ang ube."
Kinuha ni Bongbong ang iniabot ng dalagita. "Sigurado ka? Baka wala ka nang kitain, Lenlen."
Umiling ang dalagita. "Sus, para 'yun lang. Mababawi ko pa rin naman 'yung tubo sa mga susunod na araw. Thank you gift ko 'yan kay sir. Kuhanin mo na."
Isinuksok ni Bongbong ang hawak sa bag. "Oh sige. Hindi na ako makikipagtalo. I know you. Mapilit ka."
"Buti alam mo." Pakiming tumawa ang dalawa.
Maglalakad na sana sila nang tarantahin sila ng sigaw sa likuran.
"Tabi!"
Isang estudyante na nakasakay sa rumaragasang skateboard ang papunta sa kanila!
Walang pinalipas na sandali si Bongbong. Buong lakas niyang binuhat na parang bagong kasal si Lenlen. Sa taranta ng dalagita ay napakapit naman ito sa batok ng binatilyo.
Kapwa napakabilis ng puso nila sa sobrang gulat.
Nakalampas na ang nag-i-skateboard ay buhat pa rin ni Bongbong si Lenlen. Para bang hindi pa nila na-a-absorb ang muntikan na sa kanilang pagbunggo na maaaring magdulot ng sugat at galos kung hindi nila naagapan.
"Kiss! Kiss! Kiss!"
Kantyawan ng mga nagba-basketball ang nagpabalik sa dalawa sa reyalidad. Dali-daling ibinaba ni Bongbong ang dalagita.
Halos hindi na magtinginan ang dalawa sa sobrang pagkailang.
"Ah, Bongbong. Uuna na ako." Inayos ni Lenlen ang pagkakasukbit sa bag.
"Pasama. May ipapaturo ako sa iyo sa Chemistry."
Mahinang tinampal ni Lenlen ang noo niya. "Oo nga pala. Muntik ko nang makalimutan. Tara na sa library."
"Sa canteen muna tayo. Medyo gutom na ako, Lenlen."
Tango ang itinugon ng dalagita.
•••
"Andami naman nitong in-order mo, Bongbong. Bente lang ang budget ko sa pagkain e."
May tatlong kanin at tatlong ulam sa harap nila. Menudo, afritada, at ginataang langka. Bukod pa roon ay may in-order pang mais con yelo ang binata.
"Huwag kang mag-alala, Lenlen. It's all on me." Paulit-ulit na itinataas ni Bongbong ang dalawang kilay. "Kain na."
Wala nang nagawa si Lenlen. Kumain na lang siya.
•••
"Oy, Lenlen. Napapadalas na si Bongbong ang kasama mo ha? Paano naman kami?" kunwa'y hinampo ni Cherry Pie. Magkakasama ulit silang tatlo ngayon. Pauwi na sila sa kani-kanilang bahay.
"Ganyan talaga kapag busy sa manliligaw. Nakalilimot na sa mga kaibigan," ani Agot.
"Hoy, anong manliligaw? Anong nakalilimot? Kayo talaga oh. Alam n'yo namang rumaraket lang ako para sa ticket."
Pagak na tumawa si Agot. "Kaw talaga, hindi na mabiro. E kasi naman, hindi ka na nga namin nakakasama."
Sumingit si Cherry Pie. "Tumpak! Bonding naman tayo sa weekend oh. Kating-kati na akong gumala eh!"
"Saan ba?" tanong ni Lenlen. "O sige, sasama ako basta huwag lang do'n sa magastos. Alam n'yo namang may pinag-iipunan ako."
Nag-isip nang malalim si Agot. Mayamaya ay ipinitik niya ang mga daliri sa hangin. "Tamang-tama!" Hinarap niya sina Lenlen at Cherry Pie. "Mabuti pa, sumama na lang kayo sa akin sa Linggo. May raket."
"Anong raket 'yun? At saka bakit ka pa raraket e rich kid ka na 'noh?" tanong ni Cherry Pie.
"Wow, kung makapagsalita parang hindi siya rich kid." Pinagkrus ni Agot ang mga kamay. "Ganito kasi, may staff ng ABS-CBN na nagbabahay-bahay noong isang araw. Naghahanap sila ng tao na e-extra sa movie ni Dolphy. Magshu-shoot sila rito sa atin. 'Yung mga extra e sasayaw raw sa ending ng movie. Kailangan ng maraming tao. E alam n'yo naman, siyempre maraming taga-siyudad doon kaya for sure may mga guwapo. Gusto kong mag-hunting ng boys."
"Wow, go ako sa idea na 'yan. Gusto ko ring maghanap ng pogi!" Tumili sina Cherry Pie at Agot sabay nag-apir.
Tiningnan nila si Lenlen. "O, ano, join ka na, Lenlen?"
Naglipat-lipat ang tingin ng dalagita sa dalawang kaibigan. Mayamaya ay tumango na rin siya kaya nagdiwang sina Agot at Cherry Pie.
Para sa kaniya, hindi mga guwapo ang dahilan ng pagpayag niya. Kailangan niya pang sipagan para may pandagdag sa kaniyang pan-ticket. Kahit anong marangal na paraan para kumita ng pera ay papatusin niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top