Part 15 - Recitation
"Wow, Pre. Hindi tayo scholar ngayon, ah!" bungad ni Mar kay Bongbong pagkapasok ng huli sa classroom. May bitbit kasi na patong-patong na libro ang binatilyo.
"Gago, Pre. Sayang naman 'yung pinambili ng libro kung hindi gagamitin." Ipinatong ni Bongbong ang mga dala sa ibabaw ng desk. "Kaya ikaw, dalhin mo na rin 'yung iyo hindi 'yong dini-display mo lang sa bahay ninyo."
"Walastik 'yan. Ayaw ko nga. Dagdag bitbitin pa e. Mamaya mawala pa 'yan habang nagba-basketball pa tayo," depensa ni Mar.
"Oy, oy, oy. Nakarinig ako ng basketball ah," ani Jejomar na inakbayan ang dalawang kabarkada. "Siyanga pala, nagyayaya ng pustahan 'yong mga anak-araw na taga-International School. 'Yong sina Vladimir at Donald. Dadayo raw sila mamaya. Dating lugar. Ano, patulan na natin?"
"Oo naman, Pre. Handang-handa na akong mandurog ulit. Hehehe," saad ni Mar.
"Pass muna. May tutoring pa kami ni Lenlen mamaya," sansala ni Bongbong.
Di matigil na kantyaw ang natamo ng binatilyo mula sa mga kaibigan niya.
"Wala na, pinagpapalit na tayo sa chix," kunwa'y tampo na sabi ni Rodrigo na kararating lang. "Pre, nag-iba ka na. Hindi ka na tulad ng dati."
Umaktong nagyakapan sina Jejomar, Mar, at Rodrigo na kunwari ay nagdadamayan.
"Parang gunggong talaga ang mga 'to," naiiling na sabi ni Bongbong na hinahaplos ang buhok sa may taas ng batok.
"Pre, chix mo, nandiyan na." Siniko ni Rodrigo si Bongbong. Napatingin silang apat sa may pinto.
Natahimik ang buong klase. May ilang nagsalita ng "Uy nandiyan na si Miss Pres."
Si Lenlen naman ay dire-diretso lang sa upuan niya habang kipkip ang isang portfolio at ilang libro. Sa isang kamay nito ay isang supot na sa wari nila ay naglalaman ng mga paninda ng dalagita.
Hindi mapigil ni Bongbong ang sarili na tingnan ang kaklase. Umahon din ang saya sa dibdib niya nang makita ang pamilyar na bagay na hawak-hawak ng dalagita.
Ang pink na walkman na bigay niya.
"Tama na. Tulo na ang laway mo, Pre." Ang tapik ni Jejomar ang nagpabalik kay Bongbong sa katinuan. Saka lang niya inalis ang tingin sa dalagita.
•••
Walang flag ceremony sa araw na iyon dahil umuulan. Pagtunog ng bell ay diretso na agad sa first subject.
Ang normal na kaingayan ng klase ay nabawasan dahil may pagkaistrikta ang una nilang guro sa subject na Geometry. Si Teacher Rowena Guanzon. Tutok silang lahat sa leksiyon dahil medyo mabilis magturo ang guro nila. Kapag hindi ka nakinig nang mataman ay paniguradong mapag-iiwanan ka.
"Pre, pre. May notes ka last Friday?" susog ni Jejomar kay Bongbong.
Pinandilatan ng huli ang kaibigan. "Pre, huwag kang magulo. Baka masita tayo ni ma'a—"
"Binay, Marcos. What is the commotion over there?"
Napaupo nang tuwid ang dalawa nang dumagundong ang boses ni Teacher Guanzon.
"Patay..." pabulong na buyo nina Mar at Rodrigo sa mga kaibigan.
"Binay, stand up please."
Naglakad paroon at parito ang istriktang guro habang hawak ang baston na alalay sa kaniyang paglakad.
"What is the formula for the perimeter of square?"
Sunod-sunod na paglagok ang ginawa ni Jejomar. Halatang hindi napaghandaan ang tanong ng guro.
"M-Ma'am.."
"Don‘t call me Ma'am. Answer my question." Hindi man pasigaw ang pagkakasabi noon ay nagpanginig iyon sa binatilyo.
"I-I'm sorry, Ma'am. Hindi ko po alam."
Dumilim ang anyo ni Teacher Guanzon. "Face the wall, Binay. Next."
Walang nagawa si Jejomar kundi pumunta sa likod at harapin ang dingding. Maririnig naman ang pigil na bungisngisan ng mga kaklase niya.
"Marcos, what is the formula for the perimeter of square?"
"Ma'am..."
"Don't tell me, hindi mo rin alam?" pagsansala ng guro sa binatilyo.
"Ma'am, perimeter is four times the side length. Example, Ma'am. If 4 cm is the length of one side, we multiply it by four so the perimeter of the square is 16cm."
Umaliwalas ang mukha ng guro. Sinabayan iyon ng pagpailanlang ng bulungan ng mga kaklase ni Bongbong na halatang nagulat sa pagsagot ng binatilyo.
Samantala ay napadako naman ang tingin ni Bongbong sa upuan ni Lenlen. Kung tama ang pagkakabasa niya sa reaksiyon ng dalaga ay natutuwa ito sa pagsagot niya. Lihim na ikinatuwa iyon ni Bongbong.
"You're impressing me, Marcos. Get down on your seat." Muling bumalik sa pagtuturo ang guro.
Nang makaupo ang binatilyo ay panay papuri ang nakuha niya mula sa mga kaklase. Halos lahat ay nagulat sa ginawa niyang pagsagot. Sa pagkakakilala kasi nila sa binatilyo ay wala itong pakialam sa mga leksiyon nila.
Muling dumako ang tingin ng binata sa puwesto ni Lenlen. Nagtama ang tingin nila. Awtomatikong umalpas ang ngiti sa kanilang mga labi na kapwa pa nila pinipigilan.
"Salamat," ani Bongbong na walang boses na pinakakawalan sa bibig. Lenlen responded with a finger heart.
Lalong nagkaroon ng gana si Bongbong. Pagbubutihin pa niya ang pag-aaral para ipakita kay Lenlen na may kinapupuntahan ang pagtu-tutor nito sa kaniya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top