Part 14 - 8AM Mass

Nakakapangalahati na ng nababasa si Lenlen sa librong To Kill a Mockingbird. Nakaramdam siya ng kapaguran sa mga mata kaya isinara muna niya ang libro.

Hindi niya mapigilan ang nakaambang paghikab kaya iniunat na rin niya ang dalawang kamay. Pagkatapos noon ay sinulyapan niya ang nalulumang Hello Kitty wall clock malapit sa altar.

"Mag-aalas onse na pala."

Napagdesisyunan na ng dalaga na tuluyan nang matulog. Ipagpapabukas na lang niyang muli ang pagbabasa tutal ay wala namang pasok.

Akma niyang itatabi ang libro nang mapadako ang mga mata niya sa pink SONY walkman. Ito 'yong ibinigay sa kaniya ni Bongbong kanina.

Marami siyang gustong itanong sa kaklase. Kung mayroon ba talaga itong ideya sa gusto niyang walkman o natiyempuhan lang ba nito. O kung sadyang alam ni Bongbong e paano niya nalaman?

Magkagayunman ay isinantabi muna niya iyon. Tatanungin na lang niya si Bongbong sa Lunes. Sa ngayon ay mas pokus siya sa bago niyang walkman. Sabik na siyang makinig muli ng awitin ng mga iniidolo.

Buong ingat niyang inilagay ang kaisa-isahang cassette tape na pagmamay-ari– ang Westlife Self-titled.

Pumailanlang sa loob ng mga tainga niya ang unang track na Swear It Again. Para bang nilukob ng init ang puso niya.

I'm never gonna say goodbye
'Cause I never wanna see you cry
I swore to you my love would remain
And I swear it all over again and I

Hindi niya namamalayang pinangingilidan na siya ng luha. Kaytagal niyang hiniling na mapakinggang muli ang Westlife.

"Salamat, Bongbong," ani Lenlen sa sarili na wari ba ay kaharap ang kaklase. Sinabi niya iyon nang may ngiti sa mga labi.

Napabalikwas siya ng higaan. Ang ngiti sa mga labi ay nanatili pa ring nakaplaster sa mukha niya. Ginamit niya ang hinlalaki at hintuturo para ibalik sa normal ang hugis ng kaniyang bibig.

Napailing-iling siya. Pinatay na niya ang walkman at tumulog na siya.

•••

Kinabukasan ay mag-isang nagtungo si Lenlen sa simbahan. Naka-Sunday dress lang siya na kulay pink at may suot siyang puting belo sa ulo.

Pang alas otso na ang ma-a-attend-an niyang Misa. Pang alas sais sana dapat kasama ang mga magulang niya at dalawang kapatid. Tulog-mantika raw siya kanina sabi ng ina niyang si Salvacion kaya hinayaan na lang.

Sampung minuto bago magsimula ang Misa ay nakakita pa ng bakanteng upuan si Lenlen sa ikalimang row mula sa unahan. Doon siya pumiwesto.

Hindi pa siya nakatatagal sa pag-upo ay napansin niya ang paglingon-lingon ng mga tao sa paligid. Dahil sa kuryosidad ay napatingin na rin siya roon.

Pagbaling niya ay tumambad sa kaniya ang pamilya ng mga Marcos. Kumpleto sila. Si Ferdinand Sr., Imelda, Imee, Bongbong, at Irene. Pawang nakasuot ng magarbong damit-pansimba ang mga ito. Pinakapansin si Imelda na nakasuot ng pink pointy shoulder dress na nabuburdahan ng iba't ibang bulaklak mula sa dibdib patungo sa may laylayan. Ang buhok naman nito ay ultra-voguish hairstyle kung tawagin na si Imelda ang nagpasikat.

Dumiretso ang mag-anak sa pinakaunahang upuan, tila ba nakareserba talaga iyon para sa kanila. Sinundan lang sila ni Lenlen ng tingin.

Mayamaya pa ay nagsimula na ang Misa. Itinuon na ni Lenlen ang atensiyon sa pagdiriwang.

•••

Sa pahagi ng pagbibigayan ng sign of peace ay nagsalubong ang tingin nina Bongbong at Lenlen. Bakas sa mukha ng binatilyo ang pagkagulat. Sandali lang iyon at muli nang nagpokus ulit si Bongbong sa Misa.

Nang tuluyan nang matapos ang Mass ay dagling nilapitan ni Bongbong si Lenlen na sumasabay sa paglabas ng iba pang churchgoer.

"Lenlen." Napapitlag ang dalaga nang tapikin siya ni Bongbong sa balikat.

"Oh, Bongbong. Bakit?"

Umiling-iling ang binatilyo. "W-Wala. Nangungumusta lang." Ang totoo ay nais alamin ni Bongbong kung nagamit na ba ni Lenlen ang walkman. Nag-aalala kasi siya na baka hindi gumagana. Nakakahiya iyon sa part niya.

"Okay naman," tipid na sagot ng dalagita. "Ah siya nga pala. Yung tungkol sa walkman." Dinukot ni Lenlen ang bulsa. "Salamat. May nagagamit na ulit ako." She flashed a sweet smile to Bongbong. "Sigurado kang bigay mo ito? Bigay lang ba o may kapalit? Ano iyon, sabihin mo na."

"Ahh, hindi Lenlen. Wala 'yang kapalit. Peksman." Itinaas pa ni Bongbong ang kanang kamay bilang panunumpa. "Gift of appreciation lang iyan kasi pumayag kang i-tutor ako." Iginalaw-galaw ng binatilyo ang mga kilay pataas-baba.

"Eh paanong—"

"C'mon, son." Naputol ang pag-uusap ng dalawa nang kuhanin ni Imelda ang pansin nila.

"Sige, Lenlen. Sa susunod na lang ulit. See you tomorrow." Sa loob-loob ni Bongbong ay nagpapasalamat siya sa ina dahil naudlot ang pagtatanong ni Lenlen. Hindi pa siya handang sabihin sa dalagita na kaya niya alam e sinundan niya ito isang hapon. Natatakot siyang ma-creepy-han ang dalaga. Baka sabihan siyang stalker.

Naglalakad man si Bongbong palabas ay hindi niya inaalis ang tingin kay Lenlen na noo'y naiwan sa loob ng simbahan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top