Part 13 - Books
"Hello, sir. Opo, opo. Lenlen daw po ang pangalan. Okay po, sige sige." Pagkatapos ng tawag ay ibinaba ng security guard ang telepono. "Neng, papunta na si Sir Bongbong. Susunduin ka raw niya rito."
"Po? Naku, kuya. Pakisabi na ako na lang ang pupunta roon. Lalakarin ko na lang po."
"Wag na, 'neng. Masyadong malayo pa ang mansiyon. Siguro e limandaang metro pa. Hintayin mo na lang si sir. On the way na 'yun."
Tumango-tango ang dalagita. Sa loob-loob ay nandoon ang panggigilalas niya sa sarili. Masyadong malawak pala talaga ang Hacienda Marcos. Ang layo palang ng main gate sa mismong mansiyon ay hindi na kayang saklawin ng utak niya.
Hindi nagtagal ay dumating na ang sasakyan ng binatilyo, iyong sasakyang minsan nang nakita ni Lenlen. Sa pagkakataong iyon ay si Bongbong ang nagmamaneho noon. Siguro ay pinapayagan itong mag-drive kapag nasa loob ng mansiyon.
"Lenlen, nandiyan ka na pala." Bumaba si Bongbong para pagbuksan ng pinto ng sasakyan ang dalagita. "Pasok ka."
Hindi sinagot ng dalaga ang kaklase. Abala pa rin ang mga mata niya sa pagbusisi sa kapaligiran. "Totoo pala talaga ang balita na malawak ang asyenda ninyo."
Binuhay ni Bongbong ang makina ng sasakyan. "Oo, Lenlen. Gusto mo bang ilibot muna kita bago dumiretso sa mansiyon?"
Umiling ang dalagita. "Siguro next time na lang. Unahin na muna natin itong pagtu-tutor ko sa iyo."
"Sige. Pangako ko, ipapasyal kita rito one of these days," masiglang saad ni Bongbong na idiniretso na ang sasakyan patungong mansion.
•••
"Consistent top one si Lenlen, Dad. Siya rin ang class president namin. Mahilig siyang magbasa ng advance lessons kaya kadalasan, alam na niya 'yong ituturo ng teachers namin," pagpapakilala ni Bongbong sa kaklase.
Gumaan ang mukha ni Ferdinand Sr. "Credentials palang, pasado na." Binalingan nito ng tingin si Lenlen. "Pangungunahan na kita, 'neng. Marami na ang nagtangka rito kay Bongbong pero lahat sumuko. Sana ikaw na ang makapagpatino sa anak kong ito."
"Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko, Mayor. Nakikinig naman ho si Bongbong sa akin sa klase."
"Mabuti kung ganoon. O sige." Binuklat nito ang drawer sa ilalim ng sariling table. "Heto ang paunang bayad. Bukod pa riyan ang isandaang pisong suweldo mo bawat session."
"I-Isandaang piso po?" 'di makapaniwalang tanong ni Lenlen. Hindi pa nga siya nakaka-move on sa bungkos ng perang iniabot sa kaniya ng ama ni Bongbong ay ginulat ulit siya nito sa sahod na iniaalok ng alkalde.
"Kulang pa ba 'yon, 'neng?"
"Naku, hindi po, sir! Sa totoo lang po labis na nga po iyon. Nagulat lang po ako."
Napangiti si Ferdinand Sr. "Maliit pa nga iyan. P150 per session ang offer ko sa previous tutors ni Bongbong. 'Yun nga lang e nagsipagsukuan lang agad."
Umayos sa pag-upo si Ferdinand Sr. Binalingan ang anak na binatilyo. "Mabuti pang sa library na lang kayo mag-tutor-an. Magpapahatid na lang ako ng meryenda ninyo mayamaya."
"Sige, Dad." Niyakag na ni Bongbong ang dalagita papunta sa library.
•••
"Grabe. Andaming libro." Halos malula si Lenlen sa bumungad sa kanila pagpasok ng library. Pinasadahan niya ng tingin ang bawat librong naka-display. "Law books!"
Kumuha siya ng isang libro. The New Tax Code of the Philippines ang pamagat noon.
"Gusto mo bang mag-abogado, Lenlen?" tanong ni Bongbong sa kasama.
"Sana. Kung kakayanin. Mag-e-Economics muna ako at kapag nakatapos e hahanap ako ng trabaho na para maituloy ang abogasya."
Kumuha si Bongbong ng isang libro na tulad ng kay Lenlen. Libro rin tungkol sa Taxation.
Napangiwi siya. "Ang lalalim naman ng terminologies dito. Tax? Kailangan ba talagang pag-aralan pa 'yan?"
Isinara ni Lenlen ang librong hawak. "Oo naman. 'Yung pagta-tax sa mga tao ang bumubuhay sa ekonomiya ng isang bansa. Diyan kumukuha ng pondo para sa pagpapagawa ng imprastraktura at ng budget para maisakatuparan ng gobyerno ang mga proyekto. Kaya dapat pag-aralan iyan ng mga mag-aabogado. Basta, ang hirap ipaliwanag."
Napakamot sa batok si Bongbong. "Oo nga. Ang kumplikado naman niyang tax haha." Ibinalik na rin ng binatilyo ang librong hawak sa shelf.
Tumungo sila sa isang table kung saan nakapatong na roon ang mga aklat nila sa klase. Mayamaya pa ay nagsimula na sila sa pag-aaral.
Mga bandang alas onse ng umaga ay natapos na sila.
"Hindi na ba kita makukumbinsing dito na kumain, Lenlen?"
Umiling ang dalaga. "Sa susunod na lang siguro."
Sumakay na sila sa sasakyan ng binata. Kapwa sila nasa passenger's seat. Ang nakatalagang driver ng pamilya Marcos ang magmamaneho ng sasakyan. Ihahatid nila si Lenlen sa bahay nito.
"Sige. Sabi mo 'yan ah?"
Tumango lang ang dalagita. Itinuon nito ang atensiyon sa kipkip na libro. "Salamat pala sa pagpapahiram dito sa To Kill a Mockingbird ah? Isosoli ko na lang agad."
"Okay lang. Sige. Huwag mong madaliin ang pagbabasa."
"Pang-isang gabi lang ito sa akin. Sa susunod, ibang libro naman ang hihiramin ko."
Kuminang ang mga mata ni Lenlen, bagay na hindi nalingid kay Bongbong.
It amazes him how the woman beside him greatly appreciate books. Para bang may bahagi sa kaniya ang nabuhay sa pagkakaroon niya ng interes sa mga libro.
Ah, mamaya e itutuloy na niya ang pagbabasa ng mga libro ni Shakespeare at Hemingway.
•••
Mayamaya ay nakarating na sila sa tapat ng bahay ni Lenlen. Walang tao roon.
"Salamat sa pagbitbit ng mga gamit ko," malumanay na sabi ni Lenlen. "Sa susunod ulit."
Gusto sanang sabihin ni Bongbong na kung puwede lang ulit silang magkita bukas ay sinabi na niya kaso dinapuan siya ng hiya. "Salamat din, Lenlen. Sige, uuna na ako."
Nakatalikod na ang binatilyo ngunit may naalala siya. Napadukot siya sa bulsa ng pantalon niya. "Ah, Lenlen?"
"Oh?"
Humakbang palapit si Bongbong sa kaklase. Kinuha niya ang isang kamay ni Lenlen, bagay na ikinataka ng huli.
"Para sa iyo."
Napaawang ang bibig ni Lenlen nang matanto kung ano ang ibinigay sa kaniya ni Bongbong.
Ang pink walkman na pinakaaasam-asam niya!
"Ano— Teka— Paanong?"
Isang ngiti ang pinakawalan ni Bongbong. "Pasasalamat ko 'yan sa iyo kasi pumayag kang tutor-an ako. O sige na Lenlen, uuna na ako ah. Enjoy ka sa bago mong walkman," dire-diretsong sabi ng binatilyo at tumalikod na siya.
Kilala niya si Lenlen. Alam niyang isasauli ng dalagita ang ibinigay niya kaya bago pa iyon magawa nito ay nagpaalam na siya.
Kusang lumabas ang ngiti sa mga labi ng binatilyo. Lumalarawan pa rin sa isip niya ang reaksiyon ni Lenlen nang matanggap nito ang regalo niya.
Sana napasaya kita, Lenlen.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top