Part 12 - Peanut Butter

"Ang kulit mo naman, Bongbong. Kanina ka pa sa flag ceremony eh," yamot na sabi ni Lenlen habang pilit na itinataboy ang kaklase. Nasa canteen sila ngayon dahil recess.

Kinuha ng dalagita ang nakabalot na tinapay na may palamang peanut butter. Akma niyang isusubo iyon nang mapatingin siya kay Bongbong. Nakatingin ang binatilyo sa baon niyang tinapay.

Sandaling ibinaba ni Lenlen ang hawak. Nagpakawala siya ng malalim na paghinga. Kinuha niya ang isa pang tinapay na dala at itinulak iyon papunta kay Bongbong. "Oh. Kaysa naman tingnan mo ako habang kumakain. Iyo na 'yan."

Napangiti nang malaki ang lalaki. Magana niyang kinuha ang inalok ni Lenlen at agad isinubo iyon. "Ang sarap!"

"Siguro naman tatantanan mo na ako?" Akmang tatayo ang dalagita pero pinigilan siya ni Bongbong.

"Lenlen, pumayag ka na, please? Pangako, hindi ako magpapasaway. Makikinig ako nang mabuti sa iyo. At huwag kang mag-alala. Babayaran ko ang oras na ilalaan mo sa pagtuturo."

Umayos ng upo si Lenlen. "Bakit kasi ako pa? Mayaman kayo. May kapasidad kayong kumuha ng pinakamagaling na tutor sa bayan natin. Bakit ako na kaklase mo lang ang pinipilit mong turuan ka?"

Hindi agad nakasagot si Bongbong.

Bakit nga ba si Lenlen?

Sumagot si Bongbong. "Ahm, because why not? If it's not you, who do you think?"

Pinaikot ni Lenlen ang mga mata. "Ang labo mong kausap." Tuluyan na siyang tumayo at naglakad palayo.

"Lenlen, teka!"

---

Yamot na pumasok si Lenlen sa classroom. May mangilan-ngilan nang kaklase niya ang naroon. Hindi na niya inalam kung sino-sino ang mga iyon dahil focus siya sa pagpunta sa sariling upuan.

"Nakakainis naman. Bakit ba ang kulit-kulit ng Bongbong na 'yun?" Humalumbaba si Lenlen sa desk.

Kinuha niya ang ballpen at pinaikot-ikot iyon.

"Girls, alam n'yo ba kung kailan ang ticket selling ng Westlife? Bet kong um-attend ng concert." Si Imee ang nagsalita. Ang tinatanong nito ay sina Julianna at Sara.

Naalarma si Lenlen nang marinig ang pangalan ng hinahangaan niyang banda. Pasimple siyang umayos ng upo para mapakinggan ang pag-uusap ng mga kaklase.

"Wow. Kailan ka pa naging interesado sa Westlife? Akala ko Beatles' fan ka?" tanong ni Sara.

"Well, hindi naman sa interesado ako sa boyband na 'yun. Naghahanap lang kasi ako ng puwedeng pagkagastusan ng pera." Lihim na sinulyapan ni Imee ang nakatalikod na si Lenlen. Napangisi siya.

Gusto lang asarin ni Imee ang class president nila. Aware siya na Westlife fan ang huli at alam din niyang hindi kaya ng dalagita na makabili ng concert ticket. Nais niyang painggitin si Lenlen at ipamukha rito na kaya niyang bumili ng kahit ano kung gugustuhin niya.

"Yayamanin talaga ang kaibigan namin!" saad ni Juliana.

Imee flipped her hair back and forth. "Samahan n'yo ako ha? VIP tayo para makalapit tayo sa Westlife."

"Of course!" ani Sara. "Kung saan ka, doon din kami."

---

Sa kabilang banda naman ay napaisip si Lenlen. Kailangan niya lalong magsumikap. Kung si Imee ay pupunta sa concert dahil wala lang mapaggastusan ng pera, dapat siya rin na tunay na fan at sumusuporta sa Westlife.

She should come to the concert, she told herself.

Ngunit paano?

---

Ilang minuto pa bago matapos ang recess kaya lumabas muna siya para makapag-isip isip.

Sa paglalakad niya sa corridor ay natanaw niyang naglalakad si Bongbong palapit sa kaniya.

Maiinis sana siya ngunit bigla niyang naalala ang inaalok sa kaniya ng binatilyo.

"Kapag pumayag ako sa alok ni Bongbong, puwede kong idagdag sa pambili ng ticket ang fee na kikitain ko sa pagtu-tutor. Matutulungan ko pa siya sa pag-aaral. It's a win-win situation."

Nakapagdesisyon na siya.

Ilang saglit pa ay nakalapit na sa kaniya ang binatilyo.

"Lenle—"

Pinutol ni Lenlen ang sasabihin ng kaklase. "Oo, Bongbong. Pumapayag na akong maging tutor mo."

Nagliwanag ang mukha ng binatilyo. "T-Talaga?"

Tumango si Lenlen.

"Yes!" Napuno ng alingawngaw ang buong corridor kaya napalingon sa kanila ang mga estudyante.

Akmang yayakap si Bongbong kay Lenlen pero napigilan agad siya ng huli. "Huwag kang gumawa ng eksena. Mapagkamalan pa nilang sinasagot kita e."

Tumalikod ang dalagita. Nakakatatlong hakbang pa lamang siya ay nilingon niya ulit si Bongbong. "Pag-usapan natin ang magiging set-up pagkatapos ng last subject mamayang hapon."

Hindi na hinintay pa ni Lenlen na sumagot si Bongbong dahil dire-diretso na siyang naglakad pabalik sa classroom.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top