Part 10 - Ice Water

"Pare, sayang naman. Itinataboy mo 'yung mga tutor na kinukuha ng erpats mo. De-kalidad na ang mga iyon," ani Mar na sukbit ang bag.

Naglalakad siya kasama sina Jejomar, Rodrigo, at Bongbong palabas ng main gate ng school nila. Katatapos lang ng huli nilang subject na panghapon.

"Oo, p're. Feeling ko hindi rin naman ako makakapag-focus nang maayos. Natamaan ang pride ko, p're e. Di naman talaga mahina ang ulo ko," saad ni Bongbong.

Inakbayan siya ni Rodrigo. "Ako na lang ang kuhanin mong tutor, Pre. Price is negotiable."

"Gago. Kukursunadahin mo lang 'yung maid namin e. Kilala kita."

Sinuntok ni Rodrigo sa tagiliran si Bongbong. Gumanti naman ng mahinang sapok ang huli.

Ganyan na talaga sila magbiruan. Kunwari'y magsasakitan pero may kasamang tawanan.

Napatigil lang sila nang may matanaw sila.

"P're, nandiyan na 'yung sundo ko. Sibat tayo sa gedli." Pasimpleng tumakbo ang apat papunta sa likod ng canteen. Isa-isa nilang inakyat ang mataas na pader para makalabas sila ng school.

"Ayos! Nakatakas na naman!" tagumpay na ngumisi si Bongbong habang nagpapagpag ng polo at mga kamay. "Tara! Basketball tayo!"

---

Hindi puwedeng lumipas ang isang linggo na hindi nakakapag-bonding ang apat. Ginagawa lang nila iyon kapag walang practice ng taekwondo si Bongbong.

Laging tumatakas ang binatilyo. Hindi kasi siya pinapayagan ng ama na pumunta kung saan-saan. Ika ni Ferdinand Sr. ay maraming mainit ang mga mata sa pamilya nila dahil alkalde siya ng bayan nila. Mahirap na, baka mapag-interesan sila ng kalaban sa politika.

Pero iba ang nais ni Bongbong. He wants to live as normal. To fly as a bird. To follow his own dream. To do what he wants to do. Totoong may utak naman talaga siya. Sinasadya lang niyang ibagsak ang grado sa school. Ayaw niyang maging kuwalipikado sa Oxford kung saan siya gustong pag-aralin ng ama. Iyon ang dahilan ng pagrerebelde niya.

Umupo muna sa bench si Bongbong dahil sa pagod. Mayamaya'y tinabihan siya ni Jejomar na may dalang ice tubig. Inabutan siya nito ng isa.

Kung malalaman ng ina niyang si Imelda ang pag-inom niyang iyon ay baka ikahimatay ito ng ginang. Bine-baby silang magkakapatid ng ina. Higit sa lahat ay ayaw nito na umiinom at kumakain ng mga pagkaing mula sa kung saan-saan. Hindi naman sa pagiging maarte. Nag-iingat lang. Naging sensitibo na ang ginang mula nang may mga nasiraan ng tiyan sa adobong pinakain nito sa mga kababayan noong may pagsasalo sa mansion nila.

Pero iba si Bongbong. Kung ano ang kinakain ng mga kabarkada ay gano'n din siya. Ika niya ay mas nasasarapan nga siya sa mga pagkaing ipinagbabawal sa kanila kaysa sa mga mamahaling pagkaing inihahain sa kanila.

Nang maubos ni Bongbong ang ice water ay inilagay na niya ang plastic sa bulsa. Pagkatapos ay tumitig siya sa mga kaibigang naglalaro. Ngunit malayo ang tinatakbo ng isip niya.

"Pre, Pre." Siniko-siko ni Jejomar si Bongbong.

"Ano?"

Imbes na sumagot ay ginamit ni Jejomar ang nguso para ituro iyon sa direksiyong tinitingnan. Nakita niya si Lenlen. Nakasuot pa rin ng uniporme. Mukhang pauwi na.

"Pre, puntahan ko muna." Nagpabango muna si Bongbong sabay isinuot na ang polo. Dali-dali niyang isinukbit ang bag sabay habol sa dalagita. Balak niya lang kulitin ito.

Ngunit nang halos malapit na siya ay napatigil siya. Iba ang aura ni Lenlen. Malungkot. Laylay ang mga balikat.

Hindi na muna nilapitan ni Bongbong ang kaklase. Balak niyang sundan lang ito.

"Bakit kaya gano'n si Lenlen? Ano'ng problema niya?"

Nakaabot na si Bongbong sa bayan kasusunod sa kaklase. Hanggang sa mapadako ang dalagita sa tindahan ng diyaryo. Napatigil ito sa bahagi kung saan may nakapaskil na poster ng Westlife. Tinitigan ni Lenlen iyon.

"Gustong-gusto niya talaga ang Westlife."

Dalawang minuto lang yata si Lenlen doon at muling dumiretso ng lakad. Mayamaya ay napatigil naman ito sa merchandise store. Sumunod pa rin si Bongbong. Nakihalo siya sa mga namimili para hindi siya mahalata ni Lenlen.

Tumigil ang dalagita sa mga may naka-display na walkman. Pansin ni Bongbong na tila ba lalong lumungkot ang dalagita, bagay na nagdulot ng pagtataka sa kaniya.

Sa pag-alis ng dalaga sa merchandise store ay hindi na sumunod pa si Bongbong. Nang masigurong nakalabas na si Lenlen ay tinungo nito ang tinambayan ng dalagita kanina.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top