Part 1 - Spaghetti
Tinitiis ni Lenlen ang init habang naglalakad patungo sa kaniyang eskuwelahan. Binigyan naman siya ng ina niyang si Salvacion ng pamasahe ngunit napagpasyahan niyang itabi na lang iyon. Katwiran niya ay malapit lang naman ang paaralan niya. Kayang-kayang lakarin.
Sandali siyang tumigil at sumilong sa isang punong mangga.
"Ang init," sabi niya.
Iniharap niya ang pink na back pack niyang tatlong taon na niyang ginagamit at kinuha mula roon ang Good Morning towel. Ipinahid niya iyon sa pawisang mukha at leeg. Nang makabawi ay itinuloy na niya ang paglalakad.
•••
Halo-halo ang ingay na nililikha ng mga kaklase niya nang makapasok siya sa silid-aralan. Inilibot niya ang tingin sa mga kamag-aral.
May naggigitara. May nagsusulat. May nagkukuwentuhan. May nagsusuklayan. May ibang nakasubsob sa desk. Meron namang nakaharap sa salamin habang pinapantay ang pulbo sa mukha. May naglalaro ng brick game.
"Uy, nandiyan na si pres!" ani Salvador na mahilig magsuot ng tinted na shades kahit nasa loob ng room.
Ilang minutong tumahimik ang buong klase. Tumingin ang mga ito sa pinto kung saan naroon si Lenlen. Mayamaya'y umingay silang muli. Bumalik sila sa kani-kaniyang pinagkakaabalahan.
Napabuntong-hininga na lang si Lenlen. Hinayaan na lang muna niya ang mga kaklase, tutal at hindi pa naman time. Magpa-flag ceremony pa mayamaya.
Tinungo na niya ang ikalawang linya sa row 1. Umupo siya sa upuang katabi ng bintana. Mula sa puwesto niya ay kita niya ang school oval kung saan madalas niyang makita ang mga representative ng school nila sa larangan ng sports na nag-eensayo.
"Uy, Lenlen!" Napapiksi ang teenager nang may magsalita sa likod niya. Paglingon niya ay si Bongbong ito, ang kaklase niya. Ahead dapat ito ng isang taon sa kanila. 4th year na dapat ito at ang alam niya ay sa Oxford Highschool ito nag-aaral pero ayon sa usap-usapan ay hindi nito natapos ang school year sa hindi niya alam na dahilan. Kaya heto, kaklase niya ngayon dahil pina-transfer sa school nila. Kaklase rin nila si Imee na kapatid ni Bongbong na sadya talagang ka-batch niya.
"Ano?" may pagkairitang tanong ni Lenlen. "Bakit ba sumusulpot ka na lang?" Muling itinuon ng dalagita ang pansin sa binabasang notes mula sa klase nila kahapon.
Napakamot si Bongbong sa batok sa hiya. "Ah, eh. Kokopya sana ako ng assignment. Kung okay lang? Hehe."
Napatigil sa pagbabasa ang dalagita. Salubong ang mga kilay niyang pinukulan ng tingin ang nagtanong. "Kokopya? Sa tingin mo ba magpapakopya ako sa 'yo?"
Umupo si Bongbong sa bakanteng arm chair sa tabi ni Lenlen. Kinuha nito ang isang kamay ng dalagita. "Dali na please?" Pinungayan nito ang mga mata habang nakatingin sa dalagita.
Napatingin si Lenlen sa mga kamay nilang magkahugpong. Nang matauhan ay agad niyang hinila iyon pabalik. "Bongbong, ano ba? Respeto naman!"
Magpapaliwanag pa sana ang binatilyo ngunit tumunog na ang bell, hudyat na magsisimula na ang flag ceremony.
Walang lingon-likod na iniwan ni Lenlen ang binatilyo na noo'y patuloy pa ring tinatawag ang pangalan niya.
•••
Kinagatan ni Lenlen ang baong pandesal na tira nila kaninang umaga. May palaman iyong peanut butter. Pagkatapos ay muli niyang binalikan ang inaaral na notes sa Araling Panlipunan.
"Lenlen."
Hindi man lumingon ang dalagita ay kilalang-kilala na niya kung sino iyon. Lihim na kumulo ang dugo niya.
"Len—"
"Bongbong, ano ba? Sabi ko naman hindi ako magpapa—" Natigil ang pagsasalita ng dalagita nang ilapag ng binatilyo ang isang styrofoam na may lamang spaghetti at puto. May kasama pa iyong juice na nasa tetra pack.
"Ano ’to? Suhol?" pataray na tanong ni Lenlen.
Umiling-iling ang binatilyo habang nakaplaster sa mukha niya ang tipid na ngiti. "Binili ko para sa iyo. Hindi ka mabubusog niyang pandesal. Maghapon pa ang klase natin."
"Pero—"
"Huwag kang mag-alala, may assignment na ako." Kinindatan ni Bongbong si Lenlen at pagkatapos noon ay bumalik na rin ito sa mesa kung nasaan ang mga kabarkada nito.
"Ano ang nakain noon?" Sinundan ni Lenlen ng tingin ang binatilyo. Naningkit ang mga mata niya nang makita niyang tinutudyo-tudyo ito ng mga kabarkadang sina Jejomar, Mar, at Rodrigo. Tila naman hindi pinansin ni Bongbong ang mga mapagbirong barkada, bagkus ay lumingon ito sa puwesto ni Lenlen sabay nag-thumbs up.
Inismiran ni Lenlen ang binata. Inilipat niya ang pansin sa spaghetti. Para bang may sariling isip ang sikmura niya nang tumama ang tingin niya sa pagkaing ibinigay ng kaklase.
Makailang beses siyang lumunok ng laway. Sa huli ay nanaig ang isinisigaw ng tiyan niya.
Sa kabilang banda ay lihim na napangiti si Bongbong habang pinagmamasdan ang kaklase na kinakain ang ibinigay niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top