Chapter Eleven
Sunday morning. Narinig kong may nagbukas ng gate. Alam kong si Mama 'yon dahil nakaugalian na niyang mamalengke tuwing Sunday morning. At alam kong may ibinili siyang puto. Alam kasi niyang favorite ko 'yung puto doon sa isang stall sa may palengke.
Excited akong bumaba ng hagdan, pero napatigil ako sa paghakbang nang nakita kong may kasama si mama. Si Kevin. Bitbit ang mga bayong ni mama.
"Oh, gising ka na pala baby girl," ang bati sa akin ni Mama. "Halika rito at kunin mo na 'yung favorite mong puto."
Bumaba ako ng hagdan at nilapitan sila.
"Ay siya nga pala," sabi pa ni mama. "Ito nga pala si Kevin—anak ng kumpare ni Papa mo, at anak ng bestfriend ko, si Tita Annie mo? Nakita kasi niya akong naglalakad kanina kaya naman nagmagandang loob siyang tulungan akong bitbitin ang mga bayong."
Nakanganga lang ako. Bakit parang alam ko ang eksenang ito. Parang nabasa ko na ito somewhere.
"Saan ko po ito ilalagay, Tita?" magalang (at sino'ng mag-aakalang magalang pala itong siga ng San Lorenzo High?) na tanong ni Kevin kay mama.
"Sa kusina na lang, hijo," sagot ni Mama. "Sasamahan ka na lang ni Pinkie at ako'y magpapalit muna ng damit. Dito ka na rin mag-breakfast, ha?"
Ayun nga, umakyat si Mama at naiwan kaming dalawa ni Kevin.
Itong si Kevin naman ay nakangiting aso. "Good morning baby girl."
"Huwag mo 'kong tawaging baby girl. Hindi pa tayo close."
"Naamoy ko na utot mo, kaya close na tayo."
"Che!" Ipaalala ba naman ang nakakahiyang insidenteng iyon. "Tara na nga. Dito ang kusina."
"Ba't ba ang taray-taray mo ngayong umaga?" tanong niya sa akin nang nakapasok na kami sa kusina.
Ang totoo, hindi ko alam. Pero simula kahapon, may nararamdaman akong kakaiba kapag nakikita ko si Kevin. Naiinis ako hindi sa kanya kundi sa hindi ko maipaliwanag na nararamdaman ko tuwing nakikita ko siya.
"Wala ka na do'n. Asan na ang puto ko?" pag-iiba ko ng usapan.
"Heto na ang puto mo, baby girl," sabi niya sabay abot ng puto sa akin.
Bakit kapag sina Mama ang tumatawag sa akin ng baby girl, parang wala lang. Pero kapag si Kevin na, parang kinikilig ako na ewan.
Sumabay sa amin sa breakfast si Kevin. At akala ko iyon na ang huling beses na makikita ko siya ngayong araw. Mali ako. Dahil hindi lang siya kasalo sa breakfast, pati sa meryenda nakisabay rin siya.
Alas tres na kasi ng hapon, at nang lumabas ako papuntang sala, nandoon na naman si Kevin, kasama si Papa at Kuya. Nag-iinuman. Ng softdrinks 1.5 liters.
"Kakatapos lang namin magbasketball ni Kevin," paliwanag ni Kuya Blue. "Tapos dumaan kami ng convenience store para bumili ng meryenda."
Nakita ko pang nagsalin si Kevin ng softdinks sa baso at inabot sa akin. "Tagay?" sabi pa niya na nakangiting nakakaloko.
Padabog akong lumapit sa kanya, kinuha ang baso at tinungga ang laman no'n. Matapos ay inilapag ko ang baso sa mesa, tinaasan ng kilay si Kevin at pumasok sa kuwarto ko.
Bago ko naisara ang pinto, narinig ko pa ang pinag-uusapan nila. Ako.
"May buwanang dalaw ata si baby girl kaya ang sungit-sungit."
"Ang sabihin mo Red, nakita niyang ubos na naman 'yung boy bawang sa cabinet niya sa kuwarto. Kinain ko kasi kagabi, eh."
Hay naku, ang mga kuya ko talaga. Hindi ko na lamang sila pinansin at isinara ko na lang ang pinto. Naupo ako sa kama at napaisip. Pinagtitripan ba ako ni Kevin o pina-practice niya ang mga steps na ibinigay ko sa kanya bago niya gawin ang mga iyon doon sa crush niya?
Nahiga ako sa kama at napabuntong-hininga. Buti pa si Kevin kung um-effort para sa crush niya. Sana naging gano'n din si Luke sa akin... Sana, ako na lang ang gusto ni Kevin...
Teka nga.
May naisip ako.
Kung subukan ko kaya 'yung step number 3?
Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ang Twitter. Nakita kong may bago akong follower, at nagulat ako nang nakita ko ang username: KevsterRulz.
In-open ko ang page nitong KevsterRulz, at tama nga ang hinala ko. Si Kevin nga ang bago kong follower. Halatang bago pa lang ang account niya dahil wala pa siyang followers at dalawa pa lang ang fino-follow niya: ako at ang isang MiMiCute.
Tinignan ko ang display picture nitong MiMiCute na ito. At oo, cute siya, hence MiMiCute ang username niya. Isa pa itong halimbawa ng redundancy sa life!
Si MiMiCute kaya ang crush ni Kevin? Hmm...
At ginawa ko nga ang plano ko. Nag-tweet ako.
"Craving for some doughnuts... huhuhu..."
Tweet posted.
Sana, mabasa ito ni Luke at bigyan ako ng doughnuts bukas.
***
Bitter. Isang hindi kaaya-ayang lasa na sa umpasa ay iluluwa mo, pero kapag naging manhid na ang iyong taste buds ay lulunukin mo rin sa huli.
Parang ginisang ampalaya. Mapait sa umpisa, pero sa 'di katagalan ay kakainin mo rin ito, lulunukin mo rin ito kapag nasanay ka na.
Ganito rin ang ibig nitong sabihin sa damdamin ng isang tao.
Bitter ako ngayon. Ang pait kasi ng nakikita ko. Si Luke at Venus. Nakaupo dalawang mesang layo mula sa akin. Dito sa mataong lugar sa canteen.
Nagsusubuan.
Ng doughnuts.
Magaling! Nabasa nga ni Luke ang tweet ko. 'Yun nga lang, sa ibang babae niya ibinigay ang doughnuts.
Pero kahit gaano kapait, bakit parang ayaw kong ilayo ang mga mata ko sa kanila? Lunok lang ako ng lunok ng bitterness dahil namanhid na ako nang tuluyan.
I therefofe conclude, ang step number 3 ay hindi para sa lahat—para lang ito sa mga magaganda at sexy na may manliligaw.
'Di bale na nga. Mukhang hindi naman masarap 'yung doughnuts na kinakain nila, eh. Parang 'yung ordinaryo lang na nabibili diyan sa tabi-tabi.
Bigla akong nakaramdam ng masamang presenya. At tama nga ako. Nakatayo si Kevin sa tabi ko, salubong na naman ang kilay.
"Heto," sabi pa niya sabay abot sa akin ng puting kahon na may green dots.
Tinanggap ko ang inabot niya. "Ano ito?"
"Bahay, pinkie. Obvious ba? Isang karton at malamang may laman 'yan sa loob."
"Ba't ba ang sungit-sungit mo?"
"Eh, ang dami mo kasing tanong."
Iniraapan ko na lang siya nang umupo siya sa tabi ko. Tinitigan ko naman ang karton na may nakasulat na Krispy Kreme.
Imposible.
Pero posible kaya na Krispy Kreme talaga ang laman nito? Baka karton lang ito at iba ang laman? Para malaman ang kasagutan sa tanong na lubos na bumabagabag sa akin, binuksan ko ang karton. At may laman itong anim na doughnuts.
Napanganga ako. Napatingin ako sa kanya. "P-para sa akin ba ito?"
"Ibibigay ko ba sa 'yo 'yan kung hindi? Isip-isip din kung minsan, Pinkie."
Pansin ko, si Kevin paiba-iba ng personality. Kapag nasa matao kaming lugar, lalo na sa school, sobrang sungit nito at minsan (kadalasan, actually) antipatiko rin ito. Pero kapag kami na lang dalawa, ang kulit nito at palabiro. Minsan engot pero masaya siyang kasama.
At hindi ko maiwasang isipin na... hindi kaya ay...
"Nililigawan mo ba ako?" bigla kong naitanong. Kahit ako ay nagulat sa sarili kong tanong.
Napa-snort naman si Kevin sa tanong ko. "Wish mo!"
Sabi ko nga, antipatiko kung minsan.
"Nagtatanong lang. Hindi mo naman kailangan mandiri sa tanong ko," sabi ko. "Kaya mo ba ako dinalhan ng doughnuts dahil nabasa mo ang tweet ko?"
"Ha?" nalilito pa niyang tanong. "Ah, kasi si Mama bumili ng dalawang dosenang ganyan. Eh, si Papa diabetic. Tapos si Mama, matapos kainin ang isa, ayaw na raw niya kasi masyadong matamis. 'Yung kapatid kong babae, ang arte at nagdi-diet daw siya. 'Yung isa ko namang kapatid hindi mo puwedeng pakainin ng maraming matatamis at nagiging hyper at makulit 'yun. Tapos si Mama pinapaubos ba naman sa akin lahat ng 'yan! Eh, hindi naman ako mahilig sa matamis. Tapos naalala kong may kakilala pala akong masiba sa pagkain, nagkataon pa na no'ng nag-stalk ako sa twitter ng crush ko, nabasa ko 'yung tweet mo. Kaya ayan, para matapos na ang problema mo, dinalhan na kita ng doughnuts. Masaya ka na?"
Kahit ano pa ang dahilan niya, kahit nagsusungit na siya sa akin, touch na touch pa rin ako sa ginawa niya. May nagbigay pa rin sa akin ng doughnuts ngayon araw. Hindi man galing kay Luke, pero may nagbigay pa rin
"Kakainin mo ba o hindi?" naiinip na tanong nito.
"Sandali. Hawakan mo muna ito." Ipinahawak ko sa kanya ang box. Kinuha ko naman ang cellphone ko at kinunan siya ng picture.
"Ano ba!" naiinis niyang sabi. "Ba't mo 'ko kinunan ng picture?"
"Para may ebidensya ako," sagot ko sabay kuha naman ng picture sa laman ng karton.
"Ebidensya para sa?"
"Ebidensya na may nagbigay nga ng doughnuts sa akin," sagot ko sabay upload ng picture sa IG. "Salamat Kevin, ha. Kanina ang bitter bitter ko, ngayon naman ang sweet na uli ng buhay ko. Thank you."
Nakita kong namula si Kevin. Ang cute niyang tingnan. Pero bigla itong kumunot ng noo at isinaksak ang doughnut sa bunganga ko. "Ayan, doughnut. Kumain ka na nga lang. Dami pang drama, eh."
#DiwataNgMgaChubby
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top