d i s t a n s y a
“Pare, para sa ‘yo, anong pinakamalaking takot mo?”
Lumulubog na ang araw noong panahong nag-usap tayo noon. Ilang buwan na lang bago mag-kolehiyo; parehas nating hindi alam kung saan tayo dadalhin ng mga tadhana natin. Napapangiti na lang ako kapag naiisip ko kung paano kumurba ang gilid ng labi mo, kung paano mo ako inakbayan at kinurot ang pisngi ko kagaya ng iyong nakagawian.
“Maging college student.”
Iyon ang natatandaan kong sagot mong mas lalong nagpangiti. . .pero sa parehas na oras ay lalong nagpalumbay sa akin. Parehas tayong natatakot sa hinaharap, parehas takot mawalay sa isa’t isa. Pero sa mga panahong iyon, parehas din nating alam na hindi natin kontrol ang plano ng Diyos sa buhay natin, magkahiwalay man tayo o magkasama.
Magda-dalawang taon na rin noong una tayong magkakilala. Naaalala ko pa rin hanggang ngayon kung paano mo ako unang nakwentuhan sa natitipuhan mong babae. Alam ko namang kinakausap mo lang ako noon dahil alam mong kilala ko siya. Pero wala na iyon sa akin. Nasa bagong paaralan ako, gusto kong magkaroon ng lalaking kaibigan, katulad ng ipinapanalangin ko nang matindi sa Diyos bago pa man magsimula ang klase. Naisip kong baka ikaw iyong ibinibigay niya sa akin kaya itinuloy ko ang pakikipag-usap sa ‘yo, para malaman mong una pa lang, may pake na ako sa simpleng detalye ng buhay mo.
“Sigurado ka nang dito ka ulit mag-aaral, Paeng?”
Unti-unti kang tumango. Inalis mo ang pagkakaakbay mo sa akin. Iyon ang pagkakataon na napahinga ako nang malalim; sobrang nanghihinayang sa ideyang hindi natin iiwan ang isa’t isa—dahil ako lang naman ang lalayo at mag-aaral sa ibang unibersidad para ipagpatuloy ang pangarap ko sa buhay. Gusto ko kung paano tayo nagkakaiba sa iilang mga bagay, pero sa oras na iyon, hiniling ko sa Diyos na parehas na lang sana tayo ng gustong maging kurso. Nang sa gano’n, hindi ko na kailangang umalis at magbigay ng maliit na posibilidad para manghina ang pundasyon ng ating pagkakaibigan.
Ako iyong mas natakot sa atin, pare.
Pero nagtiwala ako sa samahan natin.
Kasi tangina. . .kung magkaibigan talaga tayo,
hindi tayo masisira ng distansya.
“Mag-uusap pa rin naman tayo, Dave. Madalang na nga lang siguro tayo makakapagkita. Eh, sobrang matatalino lahat ng tao doon sa gusto mong university, eh! Hahawaan ka nila do’n. Magiging tutok ka na rin lalo sa pag-aaral. Magiging aktibista ka rin, panigurado.”
“Sira. Mas matalino ka nga sa akin, eh.”
“Hindi, ‘no! Magaling lang ako magpanggap.”
Tumawa ako. Noon pa man, palagi mo nang itinatanggi ang katalinuhan mo.
Natahimik tayo saglit. Nagpapakiramdaman. Kahit natatakot, payapa sa presensiya ng isa’t isa. Pero hindi mo na natiis, nagsalita ka ulit—na hanggang ngayong naririnig ko ang mga salitang iyon sa isip, gano’n pa rin sa pakiramdam: nakahihinahon ng puso, nakakapanatag ng takot sa isip.
“Hindi kita kakalimutan, Dave. Ikaw rin, ha?”
“Oo naman, ‘no. Salamat sa pagkakaibigan, Paeng.”
Hindi ko inakalang iyon na pala ang huling araw ng maayos nating pag-uusap.
Isa sa mga naging malaki nating pagkakaiba ay ang pagtitiwala sa Diyos. Alam mong una pa lang na naging magkaibigan tayo, mataas at malalim ang pagpapahalaga ko sa kaniya. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit siguro natuwa akong kaibiganin ka; hindi dahil sobrang bait mo o sobrang ayos ng buhay mo, kundi sa ‘yo ko naramdaman ko ang kakaibang lalim ng pagmamahal na itinuturo niya: marunong tumanggap, marunong magtiis, marunong maghintay.
Nasubok ang pagmamahal ko sa ‘yo noong panahong mas nabibilang na ang araw na magkakalayo na tayo ng tatahaking landas. Mas napabilis ang kinatatakutang mangyari: ang dumalang ang pagkikita at pag-uusap natin. Hindi ko alam kung anong buong nangyayari sa ‘yo dahil hindi mo rin naman nakukuwento. Ayaw rin naman kitang pilitin. Alam kong may mga bagay na hindi mo pa kayang ibahagi noon sa akin.
Tiniis kong makita kung paano ka unti-unting nalulugmok dahil sa problema mo sa pag-ibig. Lalo kang napunta sa maling barkada. Mas madalas ka ring umiinom ng alak noon. Nainis ako sa sarili ko dahil wala akong magawa. . .dahil hindi mo rin naman ako hinahayaan. Lahat ng gusto kong itulong sa ‘yo, dinaan ko sa panalangin at pag-iyak. Para malaman mong sasamahan naman kita, Paeng; na hindi mo lang naman ako basta kaibigan sa masasaya mong sandali.
Hanggang sa isang araw,
hindi ko inasahang iiyak ka sa akin.
Doon pa lang, sigurado na ako. . .pipiliin kong wag nang umalis kahit kapalit noon ang aking pangarap at ang pagsunod ko sa Diyos.
Natapos ang hayskul, pumasok ang kolehiyo. Hindi na tayo ganoon kalapit pero naging buo pa rin ang desisyon ko. Hindi ako lumipat sa gusto kong unibersidad. Hindi kita kayang iwan sa ganoong sitwasyon mo, pare. Sa puso ko, alam kong malalim na ang responsibilidad ko bilang isang kaibigan.
Kaso ito iyong sinabi mo sa akin. . .
“Tangina naman, Dave. Kasalanan ko
bang padalos-dalos ka?”
Isang malakas na suntok sa puso.
Nakakagago ang sakit.
“Siguro kasalanan ko nga. Tanga nga siguro ako, Paeng, kung inisip kong mas matutuwa kang hindi mo na ako kinailangang piliting manatili. Gago ka, ganiyan ka kahalaga sa akin.”
Isinuko ko ang pangarap ko para lang malaman mong mas naging mahalaga ang kapakanan mo kaysa sa mga sarili kong kagustuhan. At kung tatanungin mo ako ngayon kung anong pinakamalaki kong takot: iyon ay kapag hindi ako nagkusang nakialam sa buhay mo, maliligaw ka ng landas. Natakot akong magkamali ka ng direksyon, at baka sa puntong iyon, hindi ko na alam kung paano ka hahanapin.
Pero napagtanto kong hindi ko pala kontrol ang paglalakbay mo, Paeng. Iyon ang katotohanang hindi ko agad natanggap. Dahil ano’t ano pa man, magkakasalubong rin naman tayo sa huli. Sa panahong iyon, mas matibay na tayo. Kailangan muna nating matapos ang puntong magkasama tayo sa paglalakbay para harapin ang kinatatakutan natin: ang paglago natin bilang tao na mangyayari lang sa pag-iisa.
Apat na taon na ang nakakalipas, Paeng.
Miss na miss na kita.
Gusto kong malaman mong
hindi tayo nasira ng distansya.
Nasira tayo ng sobrang lapit.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top