Kabanata 6
Comments po are highly appreciated! Thank you! 💛
—
NAGISING si Bernadette sa tunog ng karaoke na biglang pumainlang sa paligid. Nakapikit ang isang mata na sinipat niya ang oras sa kaniyang cellphone. Tinakpan niya ng unan ang mukha at sinubukang magpahatak muli sa antok, ngunit hindi na niya magawa. Hinagis niya ang unan sa kaniyang paanan at saka nagpapapadyak. Ang sarap-sarap ng tulog niya, e, pagkatapos ay maririnig niya ang nanay niyang bumibirit ng Bakit 'Di Totohanin ni Carol Banawa—at nang alas-siyete ng umaga! Ang nakakatawa, naririnig niya ang mga kapitbahay nilang nagsipaggising din dahil sa karaoke. Nagmistula itong alarm clock ng buong San Guevarra!
"Aling Cecile! Napakaaga naman niyan!" anang isa nilang kapitbahay.
"Ante, magpatulog muna kayo!" sigaw naman ng isa pa.
"Palma, mamaya na 'yan!"
Bumalikwas si Bernadette ng kama at sumilip sa bintana. Bumaba ang tingin niya sa s-in-et up ni Ton-ton na karaoke sa harap ng bakuran ng kanilang bahay. Yes, mayroon nang ikalawang palapag ang dating tila pinagtagpi-tagpi lang nilang kubo. Kung dati rin ay siksikan silang magkakapatid sa papag, ngayon ay may kani-kaniya na silang mga kuwarto. Sementado na rin iyon at kumpleto na sa pintura. Napag-ipunan nilang magkakapatid ang pagpapagawa sa kanilang bahay. Talagang grateful siya sa naging takbo ng buhay nilang pamilya nitong mga nakaraang taon. Hindi na kailangang rumaket-raket ng kanilang ina bilang labandera at hindi na rin nila kailangang manghingi ng ulam sa mga kapitbahay—ngunit ang hindi pa rin magbabago ay ang pakikipagtawaran nila sa presyo ng itlog na pula. Aba'y napakamahal pa rin!
Napahilamos ng kamay sa mukha si Bernadette nang tugunan lang ng kaniyang ina ng pagpiyok ang mga nagrereklamo nilang kapitbahay. Hindi naman kasi kailangang mataas ang note, pero ewan ba niya sa trip ng nanay niya. Tataluhin pa yata si Sheryn Regis. Hindi na siya nag-abala pang magsuklay. Ipinusod niya na lamang ang lampas balikat niyang buhok, 'tapos ay bumaba na siya para puntahan ang ina.
"'Nay, napakaaga n'yo naman po mag-concert," nakabusangot niyang sabi rito sabay halukipkip. Sumandal siya sa hamba ng pintuan. "Minsan lang naman ako mag-day off."
"Minsan lang din ako makakanta. Aba'y pagbigyan mo na ang nanay mo," anito habang nakatapat ang bibig sa mic. "Bakit di na lang totohanin ang lahat? Ang kailangan ko'y paglingap. Dahil habang tumatagal ay lalo kong natututunang magmahal . . . baka masaktan lang."
Papikit-pikit pa si Aling Cecile habang kumakanta. Dahil mukhang hindi niya na rin naman mapipigilan ang ina at siguradong hindi na siya makakabalik sa pagtulog, nilapitan niya ito at inokupa ang silyang nasa likod nito. Hindi siya kakanta. Bukod sa wala pa siya sa mood, hindi rin siya nabiyayaan ng magandang boses. Maski kahit anong talent ay wala rin siya. Talino at diskarte sa buhay lang talaga ang kaya niyang iambag sa mundo.
Bitbit ang song book na lumapit sa kaniya si Ton-ton. "Ate, maglalagay ka rin ba? Ano'ng gusto mo?"
Pumangalumbaba siya sa lamesa at tumingala sa bunsong kapatid. "Kape, gusto ko ng kape. Hindi pa handa 'yong katawang lupa ko magising."
Natawa ito. "Sabi ko nga kay Nanay mamaya na, e. Ngayon na raw."
"Nag-almusal na ba kayo?" tanong niya.
Inilapag nito ang song book at tiniklop. "Hindi pa nga, e. Ginising din kasi ako ni Nanay nang napakaaga para pick up-in 'tong videoke sa kabilang bayan." Itinuro nito ang kanilang ina na kasalukuyang ikinekembot pa ang balakang habang kumakanta. "Tingin mo'y in lab si Nanay, 'te? Tingnan mo, o."
Pabiro niya itong binatukan. "Sira! Baliw na baliw pa nga iyan kay Tatay kahit nasa langit na. Kunin mo na lang ro'n sa loob 'yong pangkape."
Humahalakhak na pumasok na ng bahay si Ton-ton.
"Ang hiling ko lang sana'y malaman na ang puso ko'y sawa na sa biruan," patuloy pa rin na pagkanta ni Aling Cecile. Nagtatawag pa ito ng mga kapitbahay sa mikropono. "Kanta kayo! Pampagising, tena rito! Woooh, bakit 'di na lang, totohanin ang lahat . . ."
Ininat-inat ni Bernadette ang mga kamay sa ere. "Ano po bang meron, 'Nay? Ba't ka kumukha ng videoke?"
"Ang ate mo ang nagpakuha. Gusto raw ni Adalina mag-videoke, e."
"Hindi pa naman niya birthday, a."
"Wala namang okasyon, pero tingin ko'y naglilihi. Kung ano-ano rin ang mga pinagpapaluto sa akin."
"Aba, masusundan na pala sina Addy at Belina kung gano'n!" Iniluwa ng pintuan si Ton-ton. Nagtatatakbo itong lumapit sa kanila habang bitbit ang takure na may mainit na tubig at basket na may pakete ng kape at pandesal na bagong bili lang. Dati ay todo tipid sila sa tinapay, ngayon ay nagagawa na nilang makabili araw-araw.
"Pupunta po ba sina Ate at ang mga bata rito?" tanong niya sabay dampot ng tasa niya para timplahan ng kape.
"Oo, pagawi na ang mga iyon ngayon dito," anang pa ni Aling Cecile, sa mic pa rin nagsasalita. "Kasama raw niya sina Señorito Brent at Señorito Trent."
Nabitin sa ere ang tinataktak niyang pakete ng kape. "Si Trent?!"
Mabilis pa sa alas-kuwatrong hinarap siya ni Aling Cecile at tinapalan ng pandesal sa bibig. "Hoy, 'tong batang 'to. Anong Trent? Prenship ba kayo? Baka nakakalimutan mong halos walong taon ang agwat ninyo, ha. Señorito Trent ang itawag mo sa kaniya. Marinig ka ng mga Esplana, isipin pa'y bastos ka."
Kinuha ni Bernadette ang tinapay na isinuksok ng ina sa kaniyang bibig at saka kinagatan. "Nagulat lang naman po ako, 'Nay."
Umupo si Ton-ton sa gilid niya. Itinaas pa nito ang paa sa silya. "Ba't 'di na lang kasi 'Kuya' ang itawag mo kay Kuya Trent? Parang si Kuya Brent. Okay lang naman sa kanila, e."
Tinapik niya ang tuhod ni Ton-ton, ibinaba naman nito ang paa kaagad. Tinuloy niya ang pagtitimpla ng kape. "Ikaw lang naman ang may likas na kakapalan ng mukha para tawagin sila n'on. Nahihiya pa rin ako sa mga Esplana kahit papaano. Pakiramdam ko, ang taas-taas pa rin nila."
"Ah, kaya pala first name basis na lang kayo?" pambubuska sa kaniya ni Ton-ton.
Naniningkit ang mga matang hinampas niya ito. "Nagulat nga lang ako sabi!"
"At saka, ba't nga naman niya tatawaging Kuya ang future husband niya, 'di ba? Ang awkward naman n'on."
Napalingon sila sa nagsalita. Si Raye. Mukhang kagigising lang din nito. Nakasuot pa ito ng pantulog at mukhang hindi pa naghihilamos. May mga nakarolyong pang mga kung ano sa buhok nito. Palibhasa'y hindi na nito kailangang gumamit ng mga peluka dahil abot na sa kalahati ng likod ang buhok nito.
"Kuya, kain!" yakag dito ni Ton-ton at inumang pa ang sariling tasa ng kape.
Halos mag-isang guhit ang mga kilay nito. Nakapamaywang na pinanlisikan nito ng tingin ang kapatid niya. "Hoy, anong kuya? Kaaga-aga, Ton-ton, ha. Ipakukurot ko sa mga ate mo 'yang singit mo."
Ngingiti-ngiting napakamot sa ulo ang binata. "Ay, pasensya na, Ate. Out of . . . out of—basta, alam na ni Ate Badet iyon."
She snorted. "Uy, dinamay mo pa ako riyan."
Pinaikot ng kaibigan ni Ada ang mga mata nito. "Malalagas ang buhok ko sa mga batang ito." Binalingan nito ang kanilang ina na tumitira na ng bagong kanta. "Good morning, Aling Cecile! Tunay nga pong kayo ang song bird ng San Guevarra. Literal na may pakpak ang boses n'yo dahil umabot sa bahay namin ang pagpiyok n'yo, opo."
Kapwa sila nagpigil ng tawa ni Ton-ton. Maloko talaga kahit kailan ang kababatang iyon ng kanilang ate.
"Ganiyan kaganda ang aking boses. Nakakagising ng diwa," anang ginang sabay hagikgik. Bumaba ang tingin nito sa manok na nakaipit sa gilid ni Raye. "Ba't dala mo iyang tandang ni Kumpadre?"
"Ipamimigay na po ni Itay 'tong manok niya. Inunahan n'yo na raw po kasi sa pagtilaok. Huwag na po kayong magtaka kung biglang nagprotesta ang sangkamanukan ng San Guevarra."
Sa pagkakataong iyon ay hindi na napigilan ni Bernadette ang kaniyang halakhak, pati si Ton-ton. Kung hindi lang mahaba ang pasensya ni Aling Cecile kay Raye na inaanak din naman nito, baka hinabol na nito iyon ng walis tingting o tsinelas.
"Mainam 'yon. Libreng manok para sa lahat. Araw-araw ay adobo at pritong manok ang ulam," ani Aling Cecile. "Amina yan at nang maisama sa almusal. Sakto pupunta rito sina Ada at ang mga apo ko." Nilapag nito ang mic sa lamesa at akmang kukunin na ang tandang kay Raye. "Kamo sa itay mo'y salamat."
"Ay!" Mabilis na umiwas si Raye. "Kayo naman po, Aling Cecile. Hindi po kayo mabiro. Joke lang naman po iyon." Bigla nitong ipinasa ang manok kay Ton-ton. "Ibalik mo na 'to sa bahay. Baka maging fried chicken bigla 'tong alaga ni Itay. Nakakatakot makipagbiruan sa inay n'yo."
Hindi na magkamayaw si Bernadette katatawa. Kinakapos na siya ng hangin. Madalas kasi talaga ay literal kung sumagot at mag-isip ang kanilang ina.
"Huwag mo na 'yang dadalhin dito, gagawin talaga ni Nanay na lamang tiyan 'yan," aniya nang makahuma sa pagtawa.
"Huwag mong ibahin ang usapan." Nakataas ang kilay na umupo ito sa tabi niya. "Ikaw, Bernadette, ha. May nililihim ka tungkol sa inyo ni Señorito Trent."
Sukat doon ay nalipat naman sa kaniya ang atensyon ni Aling Cecile. "May lihim kayong relasyon ni Señorito Trent?! Aba'y tinutuhog n'yo bang magkapatid ang mga Esplana?!"
Nanlalaki ang mga matang tumayo siya't ipinatong ang hintuturo sa gitna ng kaniyang mga labi. "'Nay, ang lakas ng boses mo! Huwag nga po kayong nakikinig diyan kay Ate Raye. Wala pong ganoon!"
"Denial is a river in England." Pumalakpak si Raye. "Oh, ha. English 'yon!"
"Egypt 'yon, 'te. Hindi England." Inangilan niya ang huli. "At saka, huwag nga po kayong magpasok ng kung ano-ano sa isip ni Nanay. Sinusubukan lang talaga ako kumbinsihin ni Señorito Trent na lumipat doon sa restaurant niya."
"Oh, pumayag ka na kasi!" anang pa ng ginang.
"'Nay, paulit-ulit tayo. Hindi nga po iyon ganoon kadali." Bumuga siya ng hangin at humigop ng kape. "Nagkausap na rin po kami kasama si Don Alonzo, naipaliwanag ko na rin ang side ko. Okay lang naman daw po at naiintindihan niya."
"Gusto mo bang pumusta, Aling Cecile?" Tumingala si Raye sa kaniyang ina. "Pupusta ako, magiging manugang n'yo rin si Trent. Aba, kung si Adalina na feeling maganda nga ay nabingwit ang pihikang si Señorito Brent, si Badet pa kaya?" Muli siya nitong binalingan at siniko. "Hindi ba't crush mo si Señorito?"
Suminghap nang malakas si Aling Cecile. "Naging kras mo si Señorito Trent?!"
Pinatirik niya ang mga mata. "Noon po iyon, 'Nay. Hindi na ngayon. Napakatagal na panahon na ang lumipas. Puwede bang alisin n'yo na sa mga isip n'yo 'yong tagpong 'yon? Limot ko na nga, e."
Kahit hindi pa naman talaga.
Nang-aasar na nginisihan siya ni Raye. "Ay, hindi ka sigurado riyan." Tinapik-tapik nito ang dibdib. "Iba ang napi-feel ko. May something talaga, e. Ba't ba hindi ikaw ang nagluwal sa akin, Aling Cecile? E di sana'y nakabingwit na rin ako ng Esplana. Pinapakyaw po ng mga anak ninyo ang lahi nila, e."
Nagkaroon ng kakaibang kinang ang mga mata ni Aling Cecile. "Alam mo, anak. Lamang lang din namang natipuhan mo na noon si Señorito Trent, aba'y bakit hindi?"
Dahil hindi na nagugustuhan ni Bernadette ang pinupuntahan ng usapan, tumayo siya't binitbit ang tasang mayroon pang kalahating kape. "Matutulog muna ulit ako. Kulang pa ang pahinga ko. Iwan ko na po muna kayo riyan."
Hindi na niya hinintay pang sumagot ang mga ito. Pumasok na siya ng bahay at nagdere-deretso sa kaniyang kuwarto. Nagsuot siya ng headphones at sinubukang magpaantok. Tagumpay naman siya dahil makalipas ang halos sampung minutong pagbibilang ng tupa sa kaniyang isip, natangay siya ng antok.
Hindi niya alam kung gaano katagal na siyang tulog, pero dahil may kalikutan siyang matulog, nahubad ang suot niyang headphones. Wala na siyang naririnig na kumakanta sa labas, pero nagising siya sa yabag ng paa sa loob mismo ng kaniyang kuwarto.
Nang idilat niya ang mga mata, nakumpirma niyang mayroon ngang nag-iikot-ikot sa kaniyang kuwarto, ngunit nagulat siya nang makikala kung sino iyon. Kinuskos-kuskos pa niya ang mga mata dahil akala niya'y namamalikmata lang siya, pero kahit ano'ng gawin niya, hindi pa rin nagbabago ang pigurang nakatalikod sa kaniya at nakatingin sa hilera ng mga lumang niyang larawan.
"Señorito Trent?"
ꕥ ꕥ ꕥ
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top