Kabanata 5
MASARAP naman ang free lunch ni Bernadette sa Bistro & Coffee, pero may mga pagkakataon lang talaga na gusto niyang kumain ng luto ng kaniyang ina. Ngayong araw, nagpabaon siya rito ng pinakbet na may napakaraming kalabasa at sitaw. Kapag ganito, naglalagay talaga siya ng isang kaldero ng kanin dahil bukod sa napaparami siya ng kain, nanghihingi rin ang mga katrabaho niya.
"Ang sarap-sarap talaga magluto ni Aling Cecile!" komento ni Hazel, matalik niyang kaibigan mula pa hayskul. Si Bernadette rin ang nag-udyok dito na pumasok ng Bistro, and so far, hanggang ngayon ay masayang-masaya pa rin ito roon. "Isa 'to sa rason kung bakit ako ginaganahan pumasok ng trabaho, e, para makatikim ng baon mo." Muli itong nagsandok ng pinakbet sa nakabukod na baunan. Tumirik pa ang mga mata nito pagkasubo. "Sarap talaga. Heaven! Kahit ito lang kainin ko forever, walang kaso."
Tawang-tawa si Bernadette sa reaksyon ng kaibigan. "Puro ka kalokohan kahit kailan. Kung hindi ba naman sumama ang tiyan mo kung iyan lang ang kakainin mo buong buhay mo. Aba'y may bagoong kaya iyan."
"Ba't hindi n'yo pagtayuan ng maski maliit na karendirya si Aling Cecile? Tiyak na pipilahan kayo," kandamuwal-muwal pa nitong sabi. Nang makita ang ibang mga katrabaho nila na papasok pa lang ng kusina para mag-lunch break, ito pa mismo ang nag-angat ng ulam sa ere. "Uy! Tena kayo rito, kain na. Ang sarap ng baon ni Badet. Pinakbet. The best." Natigilan ito sa pagsubo. "Uy, rhyme 'yon, ah. I'm so smart, I'm so dictionary—you know."
"Gaga, anong I'm so dictionary pinagsasabi mo riyan," iiling-iling na gagad ni Bernadette sa huli. Kumuha siya ng maraming kalabasa at m-in-ash sa kaniyang bagong sandok ding kanin. Kaniya-kaniya na rin ng kuha ang mga katrabaho niya sa kaniyang ulam. Mabuti na lang talaga at kapag binabaunan siya ng kaniyang ina, alam nitong isang batalyon ang makikikain sa kaniya kaya pinupuno nito ang lalagyan.
Tumigil sa pagnguya si Hazel at iminuwestra pa ang kamay sa ere. "I'm so dictionary. Ibig sabihin, marami akong, ano—marami akong alam na salita. Duh, 'di mo alam 'yon? Kawawa ka naman." Itinuro nito ang mga kasamahan nilang nakatayo sa paligid nila at abala nang kumakain. "Kayo, alam n'yo ba 'yon? Kung hindi pa, aba, thanks very much to me, now you know."
Umugong ang halakhakan sa kusina ng Bistro. Si Hazel talaga ang komedyante sa kanilang lahat. Kaya ang sarap nitong hatakin sa kung saan-saan, kakabagin ka lang sa kakatawa.
"Knock, knock! Excuse me po."
"Who's there?" sagot ni Hazel sa bagong pasok na si Talilay. Isa sa mga assistant waiter.
"Si Ma'am Palma po," sagot ni Talilay sabay tingin kay Bernadette. "May customer pong naghahanap sa inyo, Ma'am."
Nakasimangot na ngumuya si Hazel. "Haba naman niyan, Lay."
Hinampas niya ito. "Gaga, hindi naman yata talaga nagbibiro si Talilay." Nag-angat siya ng tingin sa dalaga. "Sinabi mo bang naka-break?"
Masigasig itong tumango. "Opo, Ma'am Palma. Kaso nagde-demand po talaga siyang puntahan siya ngayon na mismo, e."
Kumuha siya ng tissue at pinunas sa bibig. "Sige." Itinuro niya ang natitirang pagkain sa mga kasamahan. "Ubusin n'yo na 'to. Tapos naman na ako. Puntahan ko lang saglit 'yong customer." Tumayo siya't tinungo na ang pinto. "Itabi n'yo 'yang tupperware, ha! Kakalbuhin ako ni inay kapag hindi ko 'yan kasama sa pag-uwi!" bilin niya sa mga ito.
Habang binabaybay ang hallway papunta sa mismong kainan ay kinausap ni Bernadette si Talilay. "Ano raw ang problema? May reklamo ba sa pagkain?"
"Opo raw," kinakabahan nitong sagot. Last week lang kasi na-hire si Talilay at ito rin ang una nitong trabaho.
"E, bakit hindi ang chef ang pinakausap mo sa kaniya?" maingat niyang tanong. Ayaw niya ring magtunog na pinagagalitan niya ito. "Kapag ganoong sa pagkain ang issue ng customer, sa assistant chef o sa head chef mismo ka dumeretso, ha?"
Pinaraan nito ang mga palad sa itim nitong apron. "Sinabi ko po 'yon, pero ikaw po talaga ang gustong makaharap."
"Ano bang table?"
"Table 19 po."
"Ba't kaya ako ang hinahanap?" Inayos ni Bernadette sa pagkakatali ang kaniyang apron. Pagkarating nila sa dulo ng hallway, natigilan siya nang matanaw kung sino ang omuukopa ng table 19.
Si Trent.
"Kaya naman pala," mahina niyang naisatinig sabay iling.
Nakasuot ito ng kulay kremang polo shirt at gray na pantalon. Nakasandal ito sa inuupuang silya habang nakatanaw sa labas ng floor-to-ceiling na bintana. Gusto niya sanang namnamin ang kaguwapuhan ng lalaki, pero 'di bale na lang.
Bumuntonghininga siya. Ano na naman ba'ng kailangan ng lalaking 'to sa akin?
"Kilala n'yo po siya, Ma'am?" tanong ng bagets sa kaniyang tabi.
"Unfortunately . . . yes."
"A-artista po ba siya, Ma'am? O di kaya'y modelo?"
Nilingon niya si Talilay. "None of the above." Tinapik niya ito sa balikat. "Sige na, ako na ang bahala rito. Mag-asikaso ka na ng ibang table."
Mabilis na tumalima si Talilay. Sandali munang hinamig ni Bernadette ang sarili bago naglakad palapit kay Trent. Inalis nito ang atensyon sa bintana at sinuyod ng tingin ang loob ng bistro. Lumiwanag ang mukha nito pagkakita sa kaniya.
"Señorito, magandang araw po," pormal niyang bungad sa binata nang tuluyang makalapit dito. "Pasensya na po kung natagalan, naka-lunch break po kasi ako."
"It means I came right on time. Sit down and eat with me." Iminuwestra nito ang katapat na silya na mayroon ding naka-serve na pagkain—full meal pa.
Nagsalubong ang mga kilay ni Bernadette. "I'm not sure I follow, Señorito. Sabi raw po ninyo'y may problema sa pagkain ninyo. Gusto n'yo po bang makausap ang chef namin?"
Pumitik ito sa ere. "Ah, yes. Mayroon nga. The food taste bland."
Umunat ang kaniyang likod. "Bland?" Nang tingnan niya ang pagkain sa plato nito'y mukhang hindi pa nito iyon ginagalaw. Wala pang kahiwa-hiwa! "Uhm, puwede po kaming mag-prepare ng bago para sa inyo."
Akmang kukunin na ni Bernadette ang plato nito nang hawakan siya nito sa kaniyang palapulsuhan. Nabitin tuloy sa ere ang kaniyang kamay.
"But I'm sure it will taste better kapag sinabayan mo ako," maagap nitong saad sabay huli sa kaniyang mga mata.
Kung hindi lamang siya hawak ni Trent, baka napasapo na siya sa dibdib. Naalarma siya sa naramdamang pagkislot ng kaniyang puso. Hindi ba't naka-move on na siya rito? Bakit naaapektuhan siyang muli ng presensya nito?
Pasimple niyang inalog-alog ang ulo. Hinila niya ang kamay at dali-daling dinala sa kaniyang likuran. "Pasensya na, Señorito. Hindi ko po iyon puwedeng gawin dahil nasa trabaho po ako."
"You said it's your break. So come on, Bernadette, join me. Nag-order talaga ako for two. Sayang naman."
Nagtaas-baba ang dibdib ng dalaga. Anong lengguwahe ba ang dapat niyang gamitin para maintindihan ni Trent ang mga sinasabi niya?
"You already turned down my offer," dagdag nito. "The least you can do to appease me is join me for lunch." Dinampot na nito ang mga kubyertos at muling itinuro ang katapat na silya. "Sit down."
"Salamat po sa alok, Señorito, pero kumain na rin po kasi ako sa loob. Kung gusto ninyo'y ipabalot na lang po natin—"
"You'll sit down and eat with me or"—he lifted his eyes to her face—"I'll carry you to my car and we'll eat somewhere else. Those are your only options, Bernadette."
Ang kaninang naramdaman sa dibdib ay tuluyan nang napalitan ng inis. Napakaimposible talaga ng hudyong 'to.
Bernadette gritted her teeth. Pilit niyang pinakalma ang sarili. Kailangan niyang manatiling composed. Dahil bukod sa nasa trabaho siya, Esplana pa rin ang kaharap niya.
Pasalamat ka talaga apo ka nina Don Alonzo at Doña Luzia, sa isip-isip niya.
Nagpakawala siya ng eksparehadong buntonghininga at saka hinubad ang suot na apron. "Fine." Inokupa niya ang pinag-iinitan nitong silya. "There, okay na po ba, Señorito?"
Umangat ang sulok ng labi nito. "Good girl."
ꕥ ꕥ ꕥ
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top